BUKOD sa Palatuntunan, may mga sariling aral ang Katipunan. Ang dapat nating asalin sa kabuhayan: “Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isáng malaki at banál na kadahilanan (cause) ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag.” Kailan nagiging kabaitan ang gawang magaling: “Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpi-pita (pag-ibig) sa sarili, at hindi sa talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay hindi kabaitan.” Ang tunay na kabanalan: “Ang tunay na kabanalan ay ang pagka-kawang gawa (charity), ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawa’t kilos, gawa’t pangungusap sa talagang Katuwiran.” Ang matalino ay mahinahon: “Ang taong matalino’y ang may pag-iingat sa bawa’t sasabihin, at marunong ipaglihim ang dapat ipaglihim.” Ang may kaluobang dakila: “Ang may mataas na kaluoban ay inuuna ang puri sa pagpi-pita (kaysa) sa sarili; ang may hamak na kaluoban ay inuuna ang pagpi-pita sa sarili (kaysa) sa puri.” Dapat magkaroon ng isang pangungusap: “Sa taong may hiya, salita’y panunumpa.” |
ANG AKLAT NI ANDRES BONIFACIO Ang Mga Aral ng Katipunan |
|
Ang mga tao ay pantay-pantay: “Maitim man o maputi ang kulay ng balát, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higitán sa dunong, sa yaman, sa ganda...nguni’t hindi mahihigitán sa pagkatao.” Dapat sumapiling sa ina-api: “Ipagtanggól mo ang ina-api, at ka-bakahin (kalabanin) ang uma-api.” “Ang hindi mo ibig na gawin sa asawa mo, anák at kapatid, ay huwag mong gawin sa asawa, anák at kapatid ng iba.” Ang amá ay siyang pina-parisan ng mga anak: “Sa daang matinik ng kabuhayan, lalaki ay siyang patnugot ng asawa’t mga anák; kung ang umaakay ay tungo sa samâ, ang patutunguhan ng inaakay ay kasamâan din.” Ang katungkulan ng lalaki sa babae: “Ang babae ay huwag tignáng isáng bagay na libangan lamang, kundi isáng katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan; gamitan mo ng buong pag-pitagan (respect) ang kanyáng kahinaan, at alalahanin ang ináng pinagbuhatan, at nag-iwi sa iyóng kasanggulan.” |
Ang tunay na kamahalan (valia, worth) ng tao: “Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagka-hari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagka-pari na “kahalili ng Diyos,” wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; wagás at tunay na mahál na tao, kahit laking gubat at waláng nabatid kundi ang sariling wika, ang may magandang asal, may isáng pangu-ngusap, may dangal at puri; ang hindi napaá-api’t di nakiki-apíd, ang marunong magdamdám at marunong lumingap sa bayang tinubuan.” Ang panahon ay ginto: “Huwag mong sasayangin ang panahon; ang yamang nawala’y mangyayaring magbalik; nguni’t panahong nagdaan na’y di na muli pang magdaraan.” Ang katumbas ng buhay na ginugol: “Paglaganap ng mga aral na itó at maningning na sumikat ang araw ng mahal na Kalayaan dito sa kaabâ-abâng Sangkapuluan, at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nagkaisáng magkalahi’t magkakapatid ng ligayang walang katapusán, ang mga ginugol na buhay, pagod at mga tiniis na kahirapan ay labis ng natumbasán.” |
|
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas Sunod na kabanata |