Sa bawat pahayag, mas maraming nalalaman tungkol sa nagsalita kaysa sa sinabi...

Sa  Pagbabago  Ng  Mga  Tao,
Nag-iba  Ang  Uri  Ng  Mga  Alamat

Myths and Legends Reflect the Evolution of the Filipinos

Sa mga alamat ng bawat bansa, laging may isa tungkol sa pinagmulan ng apoy o ang simula ng paggamit ng apoy.
Sa alamat ng mga Tinguian, nuong napaka-tanda nang panahon, pinabahâ raw ni Kaboniyan, ang diyos, hanggang natakpan ng tubig ang buong daigdig. Walang natakasan ang apoy, kaya sumingit na lamang ito sa kawayan,
sa bato at sa bakal. Kaya ngayon, sinumang marunong ay nakakakuha ng apoy mula sa kawayan, bato at bakal...
-- Mabel Cook Cole, Philippine Folk Tales, 1916

DATI-RATI, walang Diyos-Diyos sa mga salaysay, walang hiwaga o kababalaghan, walang alamat. Tulad ng “Si Alelu’k At Si Alebu’tud”, basta isinalaysay na lamang ng Ata ang nangyari, kung paano nagbabago ang buhay sa isang kisap-mata (blink of an eye). Sa pag-unlad at pagdami ng mga ninuno paglipas ng panahon, maniwaring alumpihit silang maipaliwanag ang mga nangyayari, tukuyin ang mga bagay na hindi naunawaan, alamin ang mga dahilan, at ang mga pinagmulan.

Nuon, wala pang agham (science), hindi pa alam kung paano magsiyasat, sumuri at tumuklas, kaya lumikha ang mga tao ng hiwaga (magia, magic) upang ibalot sa mga hindi alam, at kababalaghan (misterio, wonder) ang ginawang dahilan ng mga hindi maunawaan. Tulad ng “Unang Puno Ng Buko” ng Visaya, at ng “Ang Mga Anak Ni Limocon” ng mga Mandaya. Agad sunod ‘binuhay’ ng mga tao ang mga diwata (dioses y diosas, gods and goddesses), mga añito (idolos, spirits) at ang mga halimaw (brutos, monsters) at ginawaran ng mga tanging kapangyarihan upang maging puno’t dulo ng mga pangyayaring walang katwiran, tulad ng “Ang Lawin, At Ang Paglikha Sa Daigdig” ng mga Tagalog, at ng hindi mahulaan, tulad ng “Bakit Tumataas Ang Dagat?” ng mga Ibanag.

Hindi kapani-paniwala ang mga alamat ng pinagmulan (origin legends) subalit marami silang taglay na pahiwatig tungkol sa buhay at pag-iisip ng mga ninunong kumatha at naniwala sa mga ganuong salaysay. Halos magkatulad ang “Malakas At Maganda” ng mga Tagalog at ang “Lalak At Babaye” ng mga Visaya. Hindi na maaaring matanto kung sino ang nauna at sino ang gumaya, subalit maliwanag na magana ang ugnayan ng mga taga-Luzon at mga taga-Cebu nuong nakaraan, ugnayang pinagtibay ng mga ulat ng Español pagdating nuong 1565. Nagkaruon din ng haka-haka (opinion, guess), dahil sa kawayan ng mga taga-bundok at hindi sa tubig ng mga taga-ilog nagmula ang mga Unang Tao, na ang alamat ay hango sa mga Aeta at hindi sa mga magdaragat (marineros, seafarers) na ninuno ng karamihan ng mga Pilipino.

Iba pang kuru-kuro dahil sa mga alamat ng pinagmulan ng mga Igorot, Tagalog, Visaya at ng mga taga-Mindanao na kaunting-kaunti at magkaka-hiwalay ang mga Unang Tao sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. At labag man sa kanilang paniniwala, naganap hindi lamang miminsan kundi madalas na nag-asawa at nagka-anak ang mga magkakamag-anak. Itong kahinaan ng panata laban sa kasalanan ay isa pang dahilang ginagamit paghimok na ang mga alamat ng pinagmulan ay nanggaling sa mga Aeta.

Lista Ng Mga Alamat
Pitikin (click) alin mang nais, o basahin sunud-sunod

  Ang Lawin, At Ang Paglikha Sa Daigdig
Alamat Tagalog: Si Malakas at si Maganda

  Gintong Bata Sa Puting Calabaza
Alamat Ilokano ng parusa sa gahaman

  Saan Nanggaling Ang Unang Matsing?
Alamat Visaya ng unang tsonggo/matsing

  Ang Pinagmulan Ng Daigdig
2 alamat ng mga Bilaan sa Mindanao

  Si Lalak, At Si Babaye
Alamat ng Visaya: Ang 2 unang tao sa daigdig

  Digmaan: Kung Paano
Nilikha Ang Daigdig

Isa pang alamat Visaya ng paglikha sa daigdig

  Ang Sibulan Sa Bundok Apo
Alamat ng Bagobo: Saan nagmula ang mga tao sa Mindanao

Ang Mga Anak Ni Limocon
Alamat ng pinagmulan ng mga Mandaya sa Mindanao

Nilikha Ni Lumawig Ang Mga Tao
Alamat ng matulunging Diyos ng mga Igorot

Kaya Tumaas Ang Langit,
At Nalikha Ang Buwan At Mga Bituwin

Alamat ng Bukidnon sa Mindanao
ng pinagmulan ng langit

‘Hudhud Hi Aliguyon’ :
Ang Alamat Ni Aliguyon

Ang bayani ng mga Ifugao

Ibalon: Panahon Ng 3 Bayani Sa Bicol
Alamat nina Baltog, Handyong at Bantong

Bakit Tumataas Ang Dagat
Kapag Bilog Ang Buwan
?
Alamat ng Ibanag ng lihim na pag-ibig ng
diyos at diyosa, at ang dahilan ng high tide

Ang Kataksilan Ni Sinogo
Alamat ng panahon ng mga halimaw sa Visayas,
at bakit may ipu-ipu sa Tanon Strait,
sa pagitan ng 2 pulo ng Negros at ng Cebu

Ang Buaya At Ang Tusong Matsing
Alamat ng mga Mangyan sa Mindoro: Paano nakakaligtas sa panganib ang mautak

Biyaya Ni Kadaklan Sa Mga Tao
Alamat ng Diyos ng mga Tinguian

Ang Ulirang Anak, 7 Mandirigma
At Ang Dambuhala

Alamat ng Subanun: Sapalaran sa Mindanao

Ang Unang Puno Ng Buko, Niyog, Tuba
Alamat Visaya ng Pagtuklas sa Coconut

Si Mangita At Si Larina, Sa Lawa Ng Bai
Pangaral Tagalog ng gandang-asal
at water lily sa Laguna de Bai

Ang Hiwaga Ni Mariang Makiling
3 Alamat sa Tagalog ng magandang diwata

‘Ti Biag Ni Lam-Ang’
Isang bahagi ng dakilang
alamat ng Bayani ng Ilokos

Si Alelu’k At Si Alebu’tud
Malungkot na karanasan ng mag-asawa,
mula sa mga Ata ng Davao

Ang Masipag At Ang Inggit
Pangaral sa Visaya: Walang
napapalâ ang inggit at gaya-gaya

Isang Asawa, 2 Babae At
Ang Mangkukulam

Mula sa Visaya, ulat ng pagse-selos
at parusa sa pag-agaw ng asawa

Bahâ: Ang Paglunod Sa Daigdig
Bawat bahagi ng Daigdig ay may alamat ng
‘diluvio universal’ ni Noah ng Biblia; narito
ang 5 alamat sa Unang Panahon ng Pilipinas

Kakatwa, may mga alamat na walang mabuti at walang masama, tulad sa “Bahâ: Ang Paglunod Sa Daigdig,” basta pinatay lahat ng mga tao. Kung ang paghilig sa kabutihan ay bunga ng paglawak ng pagsamba, dapat hulaan na mga pinaka -matandang alamat ang mga ito, at sinundan ng mga alamat na pinipili kung alin ang tunay na masama at kung alin ang hindi.

Tulad ng “Ang Ulirang Anak” ng mga Subano, ang pagkalinga sa magulang ay kapuri-puri subalit walang halaga ang pumatay sa mga hindi kakilala. Maging ang “Ti Biag Ni Lam-Ang” ay puno ng pagpugay sa mga katangian ng bayani, pati ang pagpatay sa maraming kaaway.

Sa ibang alamat, mahuhulaang sumunod o hindi kasing tanda ng mga una, lubos at maliwanag na ang tingin sa ‘kasalanan,’ hintulad sa kasalukuyang pagsamba. Ang mga diwata ay naging mapagpala sa mga tao, gaya ng “Biyaya Ni Kadaklan” ng mga Tinguian (mga Itneg), at ng “Mariang Makiling” ng mga Tagalog. Pati ang mga bayani at mga pinuno ay nagsilbi at tumulong sa mga ka-nayon, tulad ng “Ibalon: Panahon Ng 3 Bayani Sa Bicol”.

Nagkaruon pa ng mga alamat na ang tanging layunin ay ang pagsiwalat ng masamang ugali, at ang nararapat na parusa, tulad ng “Gintong Bata Sa Puting Calabaza” sa Ilocos, at ng “Si Mangita At Si Larina” sa Laguna. Mga pangalang Español ang gamit, malamang na nitong malapit na nakaraan lamang nakatha itong uri ng mga alamat, at bunga ng mga pangaral ng catholico. Subalit may mga nagbansag na iniba ng mga frayle ang laman at buod ng mga lumang alamat, tulad ng ginawa raw sa “Lam-Ang”.

Ang alamat na tunay na kinatha at sadyang iniba ay ang “Bernardo Carpio.” Hango sa isang alamat sa Europe, “Bernardo del Carpio,” na binitbit ng mga taga-Mexico na lumipat sa Pilipinas, ang unang “ipinaliwanag” nitong alamat ay ang madalas na lindol (terremotos, earthquakes) nuong kalagitnaan ng panahon ng Español. Pumagitna raw si Bernardo Carpio sa 2 nag-uumpugang bundok sa Montalban, sa lalawigan ng Morong, at tuwing nalingat o nangawit siya, nag-uumpugan ang 2 bundok at lumilindol duon.

[ Sa katunayan, ang sanhi ng lindol ay mga lamat sa lupa (geological fault system) sa libis (valley) ng Marikina na nakapatong at inuusog paminsan-minsan ng kumukulong bato (molten rock). Ang Morong ay tinatawag ngayong lalawigan ng Rizal. Iniba pati na ang pangalan ng Montalban, bagay na nakakalito at nakakabawas sa alamat at kasaysayan ng Pilipinas. Mababasa sa Tagalog ang “Bernardo Carpio” sa 2 website na naka-lista sa ibaba. -- ejl ]

Nang muhi na ang mga tao sa mga frayle nuong bandang huli ng panahon ng Español, iba na ang alamat. Hindi na sariling kusa, naka-cadena si Bernardo Carpio sa pakana at encanto ng mga Español dahil bayani siya ng mga Pilipino. Ang piglas-piglas niya upang makawala ang sinabing sanhi ng lindol. Natanyag sa lahat ng Tagalog, maging si Jose Rizal ay binanggit ito sa kanyang “El Filibusterismo,” na kapag nakatakas si Bernardo Carpio, makakalaya rin ang Pilipinas mula sa pagsakop ng Español.

Kapuna-puna ang “Ang Unang Matsing” ng mga Visaya sapagkat daan-daan taon bago nabuo ang sapantaha ng pagbabago (Theory of Evolution) ni Charles Darwin, napansin na ng mga Unang Pilipino ang kaugnayan ng mga tao at matsing. Baligtad nga lamang ang kanilang tuos, na nagmula ang mga tsonggo sa tao, sa halip ng napatunayan nang pagiging tao ng mga kaibang uri ng bakulaw (simio, ape) simula nuong milyon-milyong taon sa nakaraan.

[ Mababasa ang pagbabagong pinagmulan ng tao (human evolution) sa Kalansáy Nina Eva At Adán sa website ding ito. ]

Kaiba rin ang mga alamat na tulad sa “Ang Buaya At Ang Tusong Matsing” ng mga Mangyan sa Mindoro. Lawak sa lahat ng panahon sa buong daigdig ang ganitong salaysay

- maaaring lamangan ang malakas ng mahina kung ‘mautak’ - at karaniwang ugnay, at nagmula, sa mga bansa na pinagmalupitan o sinakop ng mga dayuhan o kalapit-bansa. Pinag-samantalahan ang mga Mangyan ng ibang tao, maging hanggang ngayon, at maniwaring ang himutok na lamang

ng mga alamat ang nalalabi nilang panglaban sa kaapihan. Paliwanag rin ito sa maraming cuento ng mga Tagalog nuong panahon ng Español tungkol kay “Juan Tamad” na laging pinalad at umunlad kahit panay ang suway sa mga pangaral at iwas sa mga utos ng mga nakakataas sa kanya na, nuong panahong iyon, ay mga dayuhang malupit.

Tunay na mabisa sa pag-salamin sa pagkatao ng mga naunang Pilipino ang alamat, pati na sa paghugis ng pag-iisip at ugali nila, at natin. Maaaring tutuo ang ilan-ilan, daig karamihan ay hindi at gawa-gawa lamang, subalit lahat ay anino ng pagbabago ng diwa ng mga Pilipino sa mahabang panahong nakaraan, simula nuong una nilang inisip ang pinagmulan ng sansinukob (universe) at mga nilalang sa daigdig, pati na ang mga tao na tulad nila, at natin.

Mga Pamahiin, Kasabihan
At Mga Salawikain

Superstitions, Sayings and Proverbs

Bahagi ng pagtunton sa sinaunang kasaysayan ng Pilipinas hindi lamang ang mga alamat kundi pati ang mga pamahiin. Napaka-rami, inulat tuloy ng mga Español na utu-uto (ingenuo, naive) at mapag-paniwala (superstitious) ang mga Pilipino. Subalit paratang lamang ito dala ng hangad nilang ilayo sa mga lumang paniwala (old beliefs) at gawing catholico ang mga tao. Katunayan, lahat ng bansa sa daigdig, nuon at ngayon, ay may kani-kanilang paniwala, pinagsama-samang lahat sa taguring pamahiin subalit maipa-pangkat sa:

  • Mga paniniwala (beliefs), laman ng pagsamba at mga panalangin (oraciones, prayers).
Mga halimbawa ay mga anyito (idolos, spirits), ‘kabilang buhay’ (afterlife), kulam (witchcraft), anting-anting (charms) at malas (suerte, luck).
  • Mga kasabihan (sayings) ng mga matanda (elders), karaniwang mga pangaral ng magandang ugali (code of ethics)
Halimbawa: “Igalang ang kapwa, nang ikaw ay igalang din.”
  • Mga salawikain ( proverbs), katulad ng kasabihan subalit naglalaman ng mas malalim na pangangatwiran ( filosofia, logic) na binalot sa bugtong (canciones, rhymes) o talinghaga (acertijos, riddles).
Halimbawa mula sa Batanes: “Aran maypangu kabunbun mu du ahub am tumwaaw,” o “Kahit paano takpan, ang usok ay sisingaw,” na ang ibig sabihin ay, “Walang lihim na hindi nabubunyag.”

Masasabing ang mga pamahiin ay matanda pa sa mga kasaysayan - naging gawi ng tao bago pa sila natutong sumulat o bumasa. Katunayan, ang mga unang kasaysayan (ancient histories) ay pagsulat lamang ng mga matagal nang gawi (traditions) at pamahiin ng mga tao. Pinagtibay ito ng mga pangkat sa mga liblib ng Pilipinas na buong panahong sumamba sa mga bundok, puno, bato at mga bagay sa kalikasan (animists).

Kailan lamang sila narating ng catholico at Muslim, subalit matagal na silang maraming pamahiin.

Dala ng Español at Amerkano ang ilang pamahiin pagkasakop nila sa Pilipinas nitong nakaraang daan-daang taon, subalit mas marami ang bitbit ng mga tao mula Indonesia, Malaysia, China at iba pang bahagi ng timog silangang (southeast) Asia nuong naunang libu-libong taon.

Ang tanda at iba-ibang pag-iisip na laman ng mga pamahiin ang halaga at dahilang dapat pag-aralan at kupkupin itong lumang gawi kahit na naglaho na ang mga paniwalang pinagbatayan. Maaaring hindi na natatakot ang mga bata na, “Kakainin kayo ng aswang!” kapag hindi sumunod sa utos. Hindi na kailangang sunugin ang bahay ng namatay upang hindi na makabalik ang kanyang “multo.” Lubha nang malawak ang kaalaman at kabihasnan upang maniwala sa “aswang.” Medicina at agham na ang gamit, hindi na “multo” at pagsunog sa bahay, upang hindi mahawa ang mga kapit-bahay sa sakit ng namatay. Gayon man, hindi dapat kalimutan ang mga pamahiin na pahatid sa atin ng ating mga ninuno, sa sarili nilang mga kataga. Tulad ng ginto at hiyas na minamahalaga kahit walang silbi, dapat pagyamanin ang mga pamahiin at ituro pa rin sa mga bata bilang bahagi ng kanilang pinagmulan at kasalukuyang pagka-tao. Sayang kung, sa mga mga darating na panahon, hindi na maunawaan ng Pilipino ang ibig sabihin ng: “Bato bato sa langit, tamaan ay huwag magagalit.”

ANG  MGA  PINAGKUNAN

Alamat ni Bernardo Carpio,’ http://www.government.ph/alamat.html

Bernardo Carpio,’ from Wikipedia, the free encyclopedia, http://en.wikipedia.org/wiki/Bernardo_Carpio

Bernardo Carpio, Isang Alamat,’ Diwang Kayumanggi, http://www.geocities.com/TheTropics/Coast/7446/Brnrdo.htm

Hudhud hi Aliguyon,’ Ifugao Legend, Introduction to Philippine Folklore, http://folklore.philsites.net/stories/heroism1.html

Katutubong pamahiin, uso pa rin,’ ni Arlyn Floro,  Northern Illinois University,
http://www.seasite.niu.edu/Tagalog/New_Intermediate_Tagalog/Reading_Lessons/LESSONS/katutubong_pamahiin.htm

Philippine Epic Poetry, from Wikipedia, the free encyclopedia, http://en.wikipedia.org/wiki/Philippine_epic_poetry

Philippine Folklore Stories, by John Maurice Miller, Ginn and Company, Boston, 1904, from Creation Myths from the Philippines,
edited by D. L. Ashliman, © 2003, http://www.pitt.edu

Philippine Folk Tales, compiled and annotated by Mabel Cook Cole, A. C. McClurg and Company, Chicago, 1916,
re-published by The Project Gutenberg EBook, produced by Jeroen Hellingman and the PG Distributed Proofreaders Team
from scans made available by the University of Michigan, http://www.gutenberg.org/files/12814/12814-8.txt

Philippine Folk-Tales, by Carla Kern Bayliss, Berton L. Maxfield and W. H. Millington, FullBooks.com, http://www.fullbooks.com/Philippine-Folk-Tales1.html

Nakaraang pilas               Ulitin mula sa itaas               Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas               Sunod na Alamat