Burol, Luksa, Multo
At Mga Pamahiin

SA LAHAT ng mga baranggay at sa iba pang bahagi nitong kapuluang Filipinas, walang templo o takdang puok ng pagsamba, panalangin at pag-alay ng mga tao sa kanilang mga dios-dios (idols). Mayroon silang kataga na simbahan, nagpapahiwatig ng puok ng pagsamba, subalit ang ito ay hindi tunay na tahanan ng Dios at pansamantala lamang, habang ipinagdiriwang nila ang pandot, ang pagsamba sa kanilang dios-dios.

Ang kanilang simbahan ay mga tabing (shed) na itinatayo nila sa magbilang panig ng bahay ng dato o pinuno ng baranggay. Ang mga tabing, tinatawag nilang sibi, ay mga bubong (roofs) sa ibabaw ng mga haligi (postes, poles) na takip sa mga tao sa init ng araw o patak ng ulan.

‘Nag-aanyito’ sa simbahan.
Malaki ang ginagawa nilang sibi upang maraming tao ang makapasok duon. Hinahati nila sa 3 bahagi. Sa bawat haligi, nagsasabit sila ng mga maliit na ilawan, tinatawag nilang sorihili (farols, lamps), at isang malaking ilaw sa gitna ng sibi. Nagsasabit din sila ng mga palaspas (white palms) na hinawi sa iba’t ibang hugis.

Nagdadala sila ng maraming bombong (tambors, drums), iba’t iba ang laki, na patuloy nilang pinatutunog hanggang matapos ang handaan, karaniwan pagkaraan ng 4 araw. Sa loob ng mga araw na iyon, ang buong baranggay ay nagkakaisa, panguna ang naghandang familia, sa pagsamba sa anyito.

Tinatawag nilang nag-aanito ang pagsambang ito kapag ipinagdiriwang ang pandot. Pagkatapos ng pandot, kinakalas na ang sibi at naglalaho uli ang kanilang simbahan.

Si ‘Badhala’
Sa lahat ng kanilang mga dios-dios, may isang sinasamba nila nang tangi, si Badhala, ang pinakamakapangyarihan at lumikha sa lahat (creator of all things).

Lahat ng katutubo ay sumasamba rin sa isang araw (sol, sun) dahil sa ganda at kapangyarihan nito. Pati ang buwan (luna, moon), lalo na kung ito ay maliit pa (nueva luna, new moon), ipinagdiriwang nila at binabati ng pasalubong.

Ang mga bituwin (estrellas, stars) ay sinasamba rin sa maraming puok kahit na hindi nila alam ang pangalan ng mga constelacion, maliban sa Tala, ang bituwin sa umaga (matutina, morning star), ang Mapolon (los siete cabritos, the Pleiades) at ang Balatic (Great Bear).

Marami silang dios-diosan (estatua, idols) na tinatawag nilang likha (creations) na gawa sa iba’t ibang hugis at anyo. Pati anumang bagay na pag-aari ng kamag-anak na napatay sa digmaan ay dinadasalan nila upang ipagtanggol sila at tulungang makalayo sa panganib.

Sinamba Pati Ang Buaya.
Sinasamba din nila si Dian Masalanta bilang poon ng pag-ibig at pagbuntis. Si Laca Pati ang poon ng bukirin at si Idianale naman ang poon ng pag-aalaga ng hayop at isda. Pati ang mga buaya (cocodrillo, crocodiles) ay pinagpipitagan nila. Sa takot nilang sagpangin sila, inaalayan nila ang mga ito ng anumang isda o talaba na dala nila sa bangka kapag nakasalubong nila sa ilog o sa pampang.

Kahit ano na lamang ay ginagamit nilang pahiwatig (presagios, omens) ng malas o suerte. Halimbawa, paglabas nila ng bahay, bumabalik sila agad upang umiwas sa malas kapag nakakita sila ng ahas o daga (raton, mouse) o kapag may humatsing (estornudo, sneeze). Isang awit ng ibon na tinatawag nilang tigmamanuquin ay pahamak at dapat silang umuwi kapag narinig nila. Ang kaibang awit ay ma-suerte at pag narining nila, maganda ang magiging hinatnan ng kanilang lakad.

Gumagamit din sila ng panghula (adivinacion, divination) upang matanto kung mabisa ang kanilang panaksak o pantaga, o kung sila ay mapapahamak paggamit nila ng sandata sa labanan.

Ang ‘Kabilang Buhay’
Inaamin ng mga hindi-binyagan na naniniwala sila na pagkamatay ng tao, napupunta sila sa ‘kabilang buhay’ na tinatawag nilang Maca. Ayon sa kanila, ito ay puok ng matiwasay (village of rest) at ang mga mabait at makatarungan lamang ang tinatanggap duon. Ang mga masamang tao ay sa casanaan bumabagsak. Ito raw ay puok ng sakit at dalamhati (place of anguish)

Paniwala nila na walang napupunta sa langit dahil si Badhala lamang ang maaaring tumira duon at maghari sa lupa mula sa mataas. May mga hindi-binyagan na naniniwala sa infierno na puntahan ng masasamang tao. Duon nakatira ang mga demonio na tinatawag nilang sitan.

Mayroon pa silang mga multo na tinatawag nilang vibit at saka tigbalang. Isa pang pinaniniwalaan nila ay ang patianac. Kapag namatay ang sinumang babae sa panganganak, pinahihirapan siya at ang kanyang sanggol at, sa gabi, nadidinig ang kanilang iyak.

Pagsamba At Kainan.
Kahit hindi panahon ng pandot, naghahanda sila ng nag-aanito at nag-aalay sa kanilang mga anyito. Ang estatwa nito ay pinapahiran nila ng mga pabango mula sa mga tanging hayop (civet cat) o dagta ng mabangong mga halaman at puno (storax).

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Pagsamba, Mga Dios At Halimaw Ng Mga Tagalog

ulat ni Juan de Plasencia nuong 1589
The Worship of the Tagalogs, Their Gods, and Their Burials and Superstitions

Kung minsan, dinadamitan nila ang anyito ng tela at pinaiikutan ng sinsing o tanikalang ginto, bagaman at bihira nilang tignan ang estatwa habang nag-aanyito.

Sa harap nito, umaawit sila ng mga makata, mga parangal na sinasaliwan at sinasagot ng mga dumalo sa pag-aalay. Panguna sa pag-aanito ang catalonan (ang ‘nakikipagtalo’o nakikipag-usap sa anyito), ang pari nila sa pagsamba.

Nagdadasal silang ibigay sa kanila ng anyito ang anumang hinihingi nilang biyaya, habang panay ang tungga nila ng alak para sa kanilang ikagiginhawa, hanggang silang lahat ay malasing.

Paminsan-minsan, pumapasok sa katawan ng catalonan ang kaluluwa ng anyito (demonio, devil) at parang nagliliyab ang kanyang mga mata. Tumitindig ang buhok niya sa kilabot, at nagsasalita siya ng hindi maunawaan. Nagkikisay siya at, sa ibang puok, gawi nilang igapos ang catalonan sa isang punong kahoy upang hindi makasakit. Bihira naman mangyari ito.

Pinupugutan Ng Ulo.
Karaniwang inaalay nila ay manok, kambing o baboy. Pinupugutan nila ng ulo, binabalatan at inilalatag sa harap ng anyito. Kung minsan, nagsasaing sila ng bigas sa isang palayok na, pag-inin na, ay binabasag nila. Tapos, inilalagay nila ang buong piraso ng kanin sa harap ng estatwa.

Sa paligid ng alay na hayop o kanin, naglalagay sila ng maraming gamit ng nganga - buyo, bunga (betel nut), dahon at apog (lime) - na pagkain ng lahat ng tao sa buong kapuluan. Mayroon ding mga lutong ulam (viand) at mga bungang kahoy (frutas, fruits). Pati ang mga alay na hayop ay iniluluto at kinakain ng lahat na dumalo (guests).

Kanya-kanya ang dahilan ng pag-aanyito, upang gumaling ang maysakit, kumita nang malaki sa paglakbay sa dagat, bumunyi ang ani ng palay, magtagumpay sa digmaan, guminhawa ang panganganak ng buntis, lumigaya ang pag-aasawa, atbp. At kapag dato o maharlica ang naghanda, maaaring tumagal ng 30 araw ang pag-aanyito.

Unang Regla Ng Dalagita.
Sa unang regla ng isang dalagita, tinatakpan nila ang mga mata nito nang 4 araw at 4 gabi, habang inaanyayahan nila ang lahat ng kamag-anak at kaibigan na mag-inuman at magkainan bilang pagdiriwang. Umaga ng ika-5 araw, inaakay ng catalonan ang dalagita sa ilog upang maligo. Inaalis ang takip sa mata at hinuhugasan ang ulo. Sabi ng mga matanda, mabisa ito upang magkaanak ng marami ang dalaga, at makatagpo ng mainam na asawa na hindi sila iiwang viuda habang bata pa.

Maraming kampon (brujos, priests) ang kasangkot sa makalumang pagsamba ng mga katutubo:

‘Catalonan’
Maaring maging catalonan ang mga lalaki subalit karaniwang mga babae ang nagiging catalonan na iginagalang ng mga tao sa buong kapuluan. Marangal at karaniwang maharlika ang nagiging katalo o kausap ng mga anyito.

‘Mancocolam’
Isang gabi, minsan sa isang buwan, o mas madalas pa, nagsasabog ng apoy ang mancocolam (bruja, witch) mula sa kanyang katawan. Hindi napapatay ang apoy na ito, na nagliliyab lamang kapag lumublob ang mancocolam sa pusali (alcantarilla, ordure) sa ilalim ng batalan ng bahay. Ang nakatira sa bahay ay nagkakasakit at namamatay. Maraming mancocolam sa buong kapuluan.

‘Mangagauay’
Ang mga mangagauay, tulad ng mga mancocolam, ay natatagpuan sa lahat ng pulo, at nagpapalala ng sakit, gamit ang mga gamot at gayuma. Kung gagawin niyang matalab, namamatay agad ng maysakit. Kaya din niyang patagalin nang isang taon bago mamatay ang maysakit, itinatali sa balakang (cintura, waist) ang buhay na ahas, na alagad daw ng demonio. Minsan, nagbabalatkayo pa siyang manggagamot, kunwari ay pinapagaling ang maysakit.

‘Manyisalat’
ang mga manysalat ay gumagamit ng mga gamot at gayuma, tulad ng mangagauay, subalit ang sakit na pinakakalat nila ay muhi upang maghiwalay ang mga magkasintahan. Pati ang mga mag-asawa ay nauudyukan nilang huwag nang magsiping. Kapag ang babae ay iniwan ng asawa dahil dito, siya ay nagkakasakit at namamatay, umaagos ang dugo at tubig mula sa katawan. Kalat sa buong kapuluan ang mga manysalat.

‘Hocloban’
Ang mga hocloban at mga matanda, makapangyarihan pa kaysa sa mangagauay. Hindi gumagamit ng gamot o gayuma, pumapatay sila ng tao o wumawasak ang bahay sa kumpas lamang ng kamay. Gumagamit lamang sila ng gamot at gayuma upang bigyan ng sakit ang tao, pagalingin ang binigyan nila ng sakit. Sa Catanduanes lamang, mga pulo sa tabi ng Luzon (sa banda ng Bicol), natatagpuan ang mga hocloban.

‘Silagan’
Sa Catanduanes din nabunyag ang silagan na pumapatay daw ng sinumang nakasuot ng puti. Dinudukot daw at kinakain ang atay (higado, liver) habang buhay pa. Pahayag ng isang frayle, si Juan de Merida, na sa Calavan, isang Espanyol na notario ang natagpuang patay, nahugot lahat ng bituka (intestines) at inilabas sa puwit. Inilibing ni Merida ang bangkay sa Calilaya (Caliraya ang tawag ngayon, sa Bicol).

‘Magtatangal’
Cuento-cuento lamang sa kapuluan, subalit pinagtitibay ng mga taga-Catanduanes na nakakita na sila ng mga magtatangal (manananggal ang tawag ngayon) na pugot ang ulo at wala ang sikmura (stomago, intestines) at kalahati ng katawan. Lumalakad daw gabi-gabi, dala-dala ang kanyang ulo, at pagsikat ng araw, bumabalik sa katawan at nabubuo uli.

‘Osuang’
Hindi naniniwala ang mga Tagalog sa osuang subalit sabi ng mga Visaya, nakakakita sila ng mga ito. Lumilipad daw at pumapatay at kumakain ng tao.

‘Mangagayoma’
Ang mga mangagayoma ang gumagawa ng mga gamot at gayuma (pocion,charms) upang mahaling at mapaibig ang isang tao.

‘Sonat’
May mga sonat (pastor, preacher) sa lahat ng pulo, at silang lahat ay iginagalang. Mga dato at mahadlica (maharlika) lamang ang maaaring maging sonat, na tumutulong sa mga naghihingalo at naghahayag kung ang kaluluwa ng malapit nang mamatay ay masasagip sa tiwasay (salvacion) o masasadlak sa dilim (condena).

‘Pangatahoan’
Maraming pangatahoan (echador, soothsayer) sa buong kapuluan. Sila ang nakakaalam sa mga mangyayari sa darating na panahon. (Manghuhula ang tawag ngayon)

‘Bayoguin’
Ang tinatawag nilang bayoquin (cotquean, homosexual) ay lalaki na namumuhay na parang babae.

Pati Alipin, Inililibing.
Ganito ang pagburol ng mga Tagalog:

Inililibing nila ang patay sa tabi ng bahay. Kung dato o pinuno ang namatay, inilalagay siya sa isang munting kubo o balcon na sadyang ginawa upang maging paglamayan. Pagkatapos ng 4 araw na lamay (luto, vigil), inisusuot siya sa isang bangka na kanyang kabaong (ataud, coffin). Inililipat ang bangka sa ilalim ng kubo o balcon at babantayan ng isang alipin.

Sa halip na mga tagasagwan (remeros, oarsmen), nagsasatali sila ng iba’t ibang hayop, magkatabi ang babae at lalaki sa bangka. Ang bantay na alipin ang nagpapakain sa mga hayop hanggang sa pagtagal, patay na silang lahat, pati na ang alipin.

Kung ang patay ay isang mandirigma, isang buhay na alipin ang itinatali sa ilalim ng bangkay. Duon siya hanggang mamatay na rin. Lahat ay iniiwan duon hanggang mabulok at maagnas.

Habang nangyayari ito, patuloy ang panaghoy at luksa ng mga kamag-anak ng patay, awitan pa sila ng funebre at papuri sa bait at tapang ng namatay, habang panay ang inuman at kainan ng mga kaibigan. Natatapos lamang ito kapag napagod na ang mga kamag-anak sa pagdadalamhati.

Libing Ng Mga Negrito.
Kakaiba ang pagburol at pagluluksa ng mga Aeta o Negrillo (Negritos). Humuhukay sila ng malalim at patayong butas sa lupa at duon nila inililibing ang patay, subalit nalakabas ang ulo o ang tuktok ng ulo na tinatakpan na lamang nila ng bao ng niyog. Tapos, naghahanap sila ng mga indio na papatayin nila bilang kapalit ng namatay na Negrillo. Nagkakaisa pa sila, nagsasabit lahat ng palatandaan (senial, token) sa leeg at hindi nila inaalis ito hanggang hindi sila nakakapatay ng isang indio.

(Ang mga Aeta ay mga unang tao (aborigines) sa Pilipinas. Hindi matanto kung saan sila nagmula. Nausog sila sa mga gubat at bundok ng mga dayuhan mula sa Indonesia, at duon pa sila nakatira hanggang ngayon sa makalumang pamumuhay. Unti-unti silang nalalagas na. - Blair and Robertson, 1903)

Pagsukat Sa Oras At Panahon.
Walang takdang calendario ang mga katutubo at sila-sila ang nagpapasiya kung anong bahagi na ng taon, buwan o araw, ayon sa kalagayan ng lupa, ilang ulit bumilog ang buwan, at kung anu-anong halaman at puno ang namumunga, namumulaklak at nag-uusbong ng dahon. Sa mga ito nila nakikita ang paglipas ng mga taon.

Tag-araw ang tawag nila sa panahon ng init (verano, summer), at tag-ulan ang panahon ng ginaw (invierno, winter), gayung dito, hindi malamig (frio, cold) at walang yelo (hielo,ice) o busilak (nieves, snow). Subalit parang nagbabago ang panahon mula nuong sila ay nagsimulang maging mga catholico sapagkat tuwing Pasko (La Navidad, Christmas) gumiginaw na rito nang kaunti.

Ang pinagkunan:   The Worship of the Tagalogs, Their Gods, and their Burials and Superstitions, by Fray Juan de Plasencia, OSF, bahagi ng The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903, Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Balik sa ‘Ugali ng mga Tagalog’        Balik sa itaas        Tahanan ng mga Kasaysayan        Susunod: ‘Ang mga Kapampangan nuong 1589’