Visaya: Mga Takas-Hari
Lalaki: Pahaloka ko, Inday!
Babaye: Halok lang sa uban!
- Awit Cebuano
AYAW magpahalik si Inday, sa iba na lang daw humalik!
Ayaw din ng mga Visaya na sumamba sa Buddhism mula sa India na pinairal sa kaharian ng Sri Vijaya sa malaking pulo ng Sumatra, sa Indonesia, mula nuong 650 hanggang 1290 AD. Nuong kalawakan ng kanilang kaharian, sakop ng mga Vijaya ang buong Sumatra at ang kanluran ng katabing pulo ng Java, pati ang ibat-ibang bahagi ng Malaysia, timog Thailand, at ang kanlurang Borneo, matapos puksain ng kanilang malaking sandatahang dagat [navy] ang mga mandarambong at mga magdaragat sa mga pook na iyon.
Pilit nilang pinadadaanan ang lahat ng barko at bangkang nagkakalakal sa Palembang, ang kanilang himpilan, upang magbayad ng buwis. Pilit din nilang pinasasamba ang mga sakop sa mapagpayapang Buddhism upang mapigil ang anumang damdaming mag-aaklas ng mga tao. Ang mga ayaw sumamba o magbayad ng buwis sa kalakal ay tumakas papuntang Visayas, malayo at hindi abot ng sandatahang dagat ng mga Vijaya.
Nang mawasak ang Sri Vijaya ng mga taga-Indonesia sa Kediri, sa katabing pulo ng Java, nagkagulu-gulo at muling nagtakasan ang tao. Naiba, ang mga nagsitakas at nakarating din sa Visaya ay ang mga Vijaya naman na umiiwas sa pagsakop ng mga taga-Java, na nagtayo ng kanilang kaharian, ang Majapahit nuong 1292 hanggang 1478. Naging matumal ang pagsamba ng Buddhism ngunit ipinagpatuloy ng mga Majapahit ang paggamit ng mga hiram na gawi, salita at parangal mula sa India, gaya ng rajah at maharlika, upang maging katangi-tangi sa mga pangkaraniwang tao. Damdamin nilang nakakatulong ito sa pagpapatahimik sa mga nasakop na mga tagapulo, at sa pangingikil ng buwis na kinabubuhay nila. Patuloy na naglayasan ang mga ayaw pasakop at magbuwis, pami-pamilya, angkan-angkan at pangkat-pangkat, dala pa mandin ang mga hiram na gawi mula India. Sa 800 taon ng 2 kaharian ng Sri Vijaya at Majapahit, kumalat ang mga takas sa Visayas at ibang bahagi ng Pilipinas, nauso ang rajah-rajah at datu-datu.
Inaangkin ng mga taga-Cebu na sila ang tunay na Visaya sapagkat “dalisay” daw ang salita nilang Sugbuanon o Cebuano, hindi nahaluan ng ibang wika gaya ng Waray na Cebuanong nahaluan ng Bicolano, at ng Ilonggo na Cebuanong hinaluan ng Tagalog. Inaangkin din nila na Cebu ang una at pangunahing pinuntahan ng mga takas mula Vijaya sapagkat sila ang pinakamatagal nang Visaya.
Ang Bohol daw ay maraming may wika at gamit ng mga Bukidnon, at dati rin daw may mga Bukidnon sa Negros. Ang Panay naman daw ay sakop ng maraming Karay-as at Aklanon, mga tao na higit na matagal na sa Pilipinas kaysa sa mga Visaya.
Malamang mula sa Indonesia ang mga nanirahan sa Ormoc, Leyte, pinatibayan ng mga gintong palamuti at alahas na natuklasan ng mga nag-agham [scientists] duon na hawig daw sa gawa-gawa sa Java bago umunlad ang kaharian ng Majapahit duon. Hawig din daw ang isang kuwintas sa mga alahas ng mga unang tao sa Batanes at sa Luzon, katibayan na nakipag-ugnay ang mga dayo sa mga katutubo duon.
Nakipagkalakal din sa mga Intsik at mga taga-Indonesia at taga-Malaysia ang mga Visaya. Marunong silang magmina at magpanday ng ginto at bakal, gumawa ng bangka, maghawi ng tela at magpalay kahit bahagya pa lamang kumakalat ang paggamit ng araro at kalabaw nang dumating ang mga Español. Karaniwang 30 hanggang 100 pamilya lamang ang naninirahan sa isang baranggay; magkakalapit naman at magkaka-ugnay ang mga baranggay sa bawat pulo, at nagkakampi-kampihan kapag binubulabog ng mga dayuhan. Ngunit sila-sila rin ang nag-aaway-away, kahit na ang mga magka-baranggay; ang mga lalaki ay laging may dalang sandata, sibat at gulok, kahit na mangangapit-bahay lamang. Madalas ang nakawan, patayan at pag-aalipin ng mga tagapulo, magkakalapit man o magkakalayo, kaya ang sinumang malakas ay nagiging datu, rajah o pinuno ng baranggay. Walang kinikilalang hari ang mga Visaya nuong dumating ang mga Español, bagaman at nagsisimula na ang ilan-ilang datu na magtayo ng pang-2 baranggay bilang bakasyunan o pandagdag sa pagkakakitaan. May ilan ding baranggay na lumaki kagaya ng Cebu nuong panahon ni Rajah Humabon na nagkakaroon ng daan-daang pamilya. Ngunit pangkaraniwang nagkakasama lamang ang maraming Visaya sa kalakal at paghahanap ng kita.
Ang isa pang hiram na gawi ng mga Visaya mula India, sumidhi at lumaganap nang husto sa pagdating ng mga Muslim pagkatapos, ay ang pagkakaroon ng maraming alipin.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|