Ang Unang Tao
Saan ka nanggaling?
Sa balong malalim
- Bugtong Tagalog
ANG lawin, matapos awayin ang panginoon ng dagat, ay lumapag sa isang pulo upang magpahinga. Namataan niya ang isang malaki at matayog na punong kawayan. Pinagtutuka, at nabiyak ang kawayan. Lumabas mula sa biyas si Maganda at si Malakas, ang unang tao sa Pilipinas. [Walang alamat ang mga mahina at maitsura, kaya maaaring akalain na ang magaganda at malalakas ay mga putok sa buho, at ang mga pangit at ang mga payatot ay ipinanganak sa ospital.]
Sa alamat na ito ng mga Aeta maipapaksa ang kaibahan ng katunayan at katotohanan. Ang katunayan ay matagal nang may tao na sa Pilipinas; ang katotohanan ay hindi pa tiyak kung gaano katagal. May mga gamit na bato [stone tools] na natuklasan sa Cagayan Valley. Kung mapatunayang kapanahon ng mga nakita ring nagbatong buto [fossils] ng rhinoceros, at ng elephas [maliit na elepante] na matagal nang nalipol, masasabing nabuhay sa Pilipinas ang mga kauri ng homo erectus, ang mga unang taong nakakatindig, gaya ng taong Java [Java Man] at ng taong Peking [Peking Man].
Hintay muna: Ano ’yong nagbatong buto? Ano ’yong unang taong nakakatindig? Hindi ba lahat ng tao nakakatindig?
Kapag namatay ang hayop o tao, naaagnas at nagiging lupa muli. Sa tanging mga kalagayan - kapag natabunan ng tamang uri ng basang lupa, at hindi nagambala sa loob ng daan-daang taon - ang mga nalulusaw na buto ay napapalitan ng pinong putik na nag-aanyong tulad ng butong pinalitan. Kapag natuyo ang lupa pagkapalit ng putik sa buto, maaaring tumagal ang mga butong naging bato nang milyon-milyong taon. Sa hugis at laki ng nagbatong buto, natatanto ng mga nakatuklas na dalubhasa kung anong hayop, o tao, ang namatay at, higit na mahalaga, nahuhulaan kung kailan nabuhay o namatay.
Ang kahulugan ng mga unang taong nakatindig ay batay sa paniwalang nagmula sa bakulaw ang tao. Kung ang paniwala ay nilikha ang tao, gaya nila Malakas at ni Maganda, sa kasalukuyang anyo, maaaring lumaktaw sa susunod na yugto, pitikin itong Sino Ba Tayo? Salamat po.
Nuong 1859 unang ibinunyag ni Charles Darwin ang panukala niya at ni Alfred Russell Wallace na ang mga hayop, at ang tao, ay nagmula sa ibang anyong nilalang at ang kasalukuyang anyo nila ay bunga ng mga pagbabagong kinailangan sa loob ng mahabang panahon. Sa madaling sabi, kapag nagbago ang kalikasan sa isang pook, kailangan ding magbago o mag-evolve ang mga tagaroon upang tuloy mabuhay. Ang mga hindi nagbago ay naglaho, naging extinct. Halimbawa: Kung ang pamumuhay ay nabatay sa paglipad, kailangang magkaroon ng pakpak. Kapag malawak at matagal na nag tag-tuyo [drought] sa isang bahagi ng daigdig, ang mga isdang nabuhay duon sa palangoy-langoy sa tubig ay kinailangang nag-iba ng gawi [namuhay sa lupa], at ng anyo [nagkaroon ng mga paa], upang magpatuloy ng pamumuhay. Ang mga pagbabago ay minana ng mga anak-anakan nila.
Napakahaba ng paksang ito upang talakayin dito; sapat na lamang sabihing daig na ang mga katibayang naungkat sa nakaraan upang maniwala halos lahat ng mga dalubhasa at mga nag-agham [scientists] sa panukala ng pagbabago, tinawag sa English na Theory of Evolution. Sa panukalang ito, sinasabing ang mga pinakahuling pinagmulan ng tao ay mga nilalang na anyong bakulaw, hukot at hindi lapat ang katawan sa paglakad nang nakatayo sa 2 paa. Tinahak ng mga dalubhasa ang mga patung-patong na pagbabagong kinailangan sa pagganap nito, at isang patong ay ang pagbabago ng paa, baywang at buto sa likod [spine]. Ang mga tao na unang nagka-katawan upang mabuhay nang nakatayo maghapon, araw-araw at habang-buhay, ay tinawag na mga unang taong nakatindig [homo erectus], natuklasan sa 2 bahagi ng Asia at tinawag na taong Java [Java Man] at taong Peking [Peking Man].
Unang natuklasan ang bungo ng taong Java nuong 1861 malapit sa Trinil, sa Java, Indonesia, ni Eugene Dubois at inakalang 700,000 taon ang tanda. Pagkaraan ng 100 taon, nuong 1969, natuklasan ang isa pang bungo ng taong Java sa Sangiran naman, sa Java rin, at natantong 1.7 milyon taon ang tanda. Ang taong Peking ay inakalang kulang-kulang kalahating milyong taon ang tanda matapos natuklasan ang bungo sa China, malapit sa Beijing, ngunit hindi matiyak sapagkat nadurog ang bungo sa bombahan nuong nakaraang digmaan. [Nasabing babae daw ang bungo na natagpuan, kaya ang dapat daw itawag ay Peking Woman, hindi po biro.]
May natuklasang butu-buto ng 3 tao sa kuweba sa Tabon [Tabon cave], sa Palawan, na nabuhay 24,000 taon SN. Sabi ng mga nag-agham sa ninuno [anthropologists] na sila ay taong kasalukuyan [homo sapiens] at hindi mga unang tao. Maaari daw na kauri sila ng mga unang katutubo o aborigines ng Australia, ang Koori na dumayo mula Asia 60,000 taon nakaraan, at ng Japan, ang Ainu na dumating duon 3 o 4 na libong taon [may nagsasabing 10,000 taon] SN. Ang katunayan ay may tao na sa Pilipinas 24,000 taon SN, kung hindi man higit na maaga pa. Ang katotohanan ay walang nakaaalam kung ano sila, maliban sa hindi sila Negrito.
Ayon kay Robert Fox, isa sa mga nag-agham sa unang Pilipino, may tao na sa Pilipinas kalahating milyon taon SN. Ang mga natuklasang gamit at butu-buto sa Palawan, sabi niya, ay pahiwatig na ginamit ang pulo bilang landas mula sa timog ng mga unang tao, kahit na tantiyang 50,000 taon lamang ang tanda ng mga natuklasan. Hindi raw nagbago ang anyo ng mga gamit na bato mula pa nuong panahon ng bato [Paleolithic Age] na nagsimula 500,000 taon SN kaya, saliw sa pagkakaroon ng taong Java mahigit 1 milyon ang taon SN, maaaring namuhay ang mga ito sa Pilipinas nuong unang panahon.
Hintay muna: Hindi ba Negrito ang unang tao sa Pilipinas?
Malamang. Baka naman hindi, maaaring may ibang nauna. Ang pinakamatandang katibayan ay ang tao sa Tabon, kaya masasabing ‘katunayan’ na hindi Negrito ang unang tao sa Pilipinas. Ngunit hindi pa matiyak kung kailan dumating ang mga Negrito, kaya hindi pa masasabing ‘katotohanan’ ito. Ang mga gamit na bato na natuklasan sa Cagayan Valley ay maaaring ilang daan libong taon ang tanda. Negrito ba o hindi ang may gawa?
Ang dating sapantaha ay nakarating sa Pilipinas ang Negrito nuong huling tag-ginaw [Ice Age] 30,000 taon hanggang 18,000 taon SN, nang bumabaw ang dagat at nakalakad ang tao sa lupang lumitaw mula Vietnam, Indonesia at Malaysia. Iyon ang sapantaha dahil akala walang alam ang Negritong magbangka o maglakbay sa dagat. Maaaring totoo ang sapantaha, maaaring mali ang akala. Marunong gumawa ng bangka at sagwan ang mga aborigine sa New Guinea at Melanesia, gamit ay palakol at askarol na batong pinatulis, at marunong mamangka nang maghapon. Marunong din kaya ang mga Negrito na gamit din ay bato, at kailan natuto?
Ang katotohanan ay walang may alam kung kailan o kung saan nanggaling ang Negrito. Kung tutuusin, walang patunay na may Negrito o nagkaroon kailan man ng Negrito sa Pilipinas, maliban sa nasa Pilipinas sila. Ngayon at noong matagal na. Walang patunay sapagkat mahirap matunton sa sukal ng gubat ang mga gamit nila, ang pamumuhay nilang palaboy-laboy, walang bahay o pirmihang tirahan, o libingan ng patay.
Sila ang pinaka-hindi-pinansin sa lahat ng tao sa daigdig; sa Pilipinas, iilan na lamang ang natitirang pangkat-pangkat [walang tribo ang mga Negrito; angkan-angkan lamang ang pagsasama-sama nila]. Ang Aeta ng Zambales, Cagayan at Isabela, ang Agta, Arya, Ata at Ati ng Panay at Negros, ang Baluga, ang Batak ng Palawan at ang Mamanuwa ng Mindanao. Ngunit hindi pa nagtagal, sila ang pinakamadanak sa maraming pulo, gaya ng Panay [pinangalanan mula sa tawag nila sa isang halaman, ang aninipay] at ng Negros, pinangalan ng ganuon ng mga Español dahil sa dami nila duon nuon.
Magkakaiba ang kanilang gawi; ang mga Aeta ng Cagayan at Isabela ay mapusok, ang mga Batak ng Palawan ay kimi, maraming bulaklak sa kawatan at patagu-tago sa gubat. Malamang magkakahiwalay at magkakaibang panahon, daan-daan o libu-libong taon ang pagitan, ang pagdating nila sa Pilipinas.
Hintay muna: Saan sila galing, at paano sila nakarating?
Mula sila sa paligid-ligid, at kung totoo ang hinuha na sadyang matagal na sila sa Pilipinas, naglakad lamang sila nuong tag-ginaw. Malamang marami sa kanila ang namangka, kahit na ngayon ay wala silang kaalaman sa pagdaragat, sapagkat ang mga Negrito sa ibang pulo, gaya ng mga taga-Andaman, sa Indian Ocean, ay marunong gumawa ng bangka at maglakbay sa ilog at dagat.
Dahil dito, hindi mapagsasarili ang kasaysayan ng Negrito sa Pilipinas, kailangan tignan ang pali-paligid, ibang pook na maaaring pinanggalingan ng mga Negrito. Maliban sa mga Aeta, may 2 pang malaking pangkat ng mga Negrito: sa Semang, Malaysia, at sa pulu-pulo [archipelago] ng Andaman, sa gitna ng dagat ng India [Indian Ocean] sa tapat ng Myanmar, ang dating Burma.
Mayroon ding katibayan sa Vietnam na Negrito ang unang tao duon. May mga bungo na nahukay na 25 o 50 libong taon ang tanda. May mga alamat sa Myanmar ng mga taong pandak, maitim at may buhok na kulut-kulot na kumakain ng tao, na nanirahan sa tabi ng mga ilog at dagat duon nuong unang panahon.
Ang mga Negrito sa Andaman lamang ang tanging napahiwalay nang matagal sa ibang tao dahil nasa gitna sila ng dagat ng India [Indian Ocean]. Kinukuro na kung sila ay susuriin, sila ang makapagpapatibay na nakarating nga sa Asia ang mga ninuno ng mga taong kasalukuyan [homo sapiens] mula Africa. Ayon sa kurukuro, kung mapapatunayan ito, masasabing unang nakarating ang Negrito sa Asia 100,000 taon SN sapagkat iyon ang panahong dumanak sila sa timog China at baka sa India rin.
Ang mga Negrito sa ibang lugar, gaya ng Vietnam, Pilipinas, Malaysia at Indonesia, ay nahaluan na ng ibang tao, naging mestizo, at naging pangkaraniwang mamamayan na, gaya ng mga taga-Melanesia, Papua at New Guinea. Ganito ang nangyari sa Negrito, maliban sa nalalabing angkan-angkan, pangkat-pangkat. Gaya ng mga Batak na patago-tago sa gubat at isa-isang nawawala, ang karamihan ay nagkaugnay at napasama na sa ibang pangkat.
Hintay muna: Ano ang tag-ginaw o Ice Age? Bakit bumabaw ang dagat? Paano nakalakad mula Vietnam at Indonesia?
Karaniwang mainit sa buong daigdig, madalas ay walang yelo, at tumutubo ang puno at halaman kahit na sa dulong hilaga [North Pole] at dulong timog [South Pole]. Ngunit mula nuong 600 milyon taon SN, nang wala pang tao sa daigdig, nagsimulang magkaroon tuwing 200 milyong taon ng tag-ginaw [Ice Age] na tumatagal ng milyong taon, minsan ilang dosenang milyong taon. Kasalukuyang pinagtatalunan pa kung bakit o paano gumiginaw.
Sa tag-ginaw, hindi gaanong lumalamig sa Equator ngunit nagiging malamig ang ilalim ng dagat at natatakpan ng makapal na yelo ang magkabilang dulo, hilaga at timog, ng daigdig. Ang Artic sa dulong hilaga, ang buong Canada at ang hilagang America, ang hilaga ng Europa at ng Asia, at ang Antartica sa dulong timog. Dahil sa dami ng tubig na nabibinbin sa ibabaw ng mga kontinente at hindi bumabalik sa dagat, nagiging mababaw ang mga dagat.
Sinasabing ngayon ay kasalukuyang tag-ginaw - may makapal na yelo pa sa magkabilang dulo ng daigdig, ang Artic at ang Antartic - na nagsimula 3 milyon taon SN. Nang katindihan ng tag-ginaw 20,000 taon SN, lagpas isang kilometro ang kapal ng yelo sa ibabaw ng Canada at America, at bumaba ang dagat nang mahigit 100 metro. Sa maraming lugar sa paligid ng Pilipinas, mistulang ‘nawala’ ang dagat, at mula nuong 30,000 SN, lumitaw ang mga kalatagan at mga gulod na nagkabit ng Pilipinas sa Malaysia, Indonesia, Vietnam at sa China mismo. Nuon, ayon sa sapantaha, dumanak ang mga Negrito mula Borneo at sa loob ng 12,000 taon, kumalat sa buong Pilipinas.
Sa loob ng milyon-milyong taon ng tag-ginaw, nagkakaroon ng ilan-ilang tag-init [global warming], tumatagal nang libu-libong taon naman, at nalulusaw ang yelo at unti-unting tumataas muli ang tubig. Sinasabing ngayon ay kasalukuyang tag-init sa loob ng tag-ginaw - mula nuong 18,000 taon SN, nagsimulang matunaw ang mga yelo sa ibabaw ng mga kontinente, at nagbalik ang dagat. Ang paisa-isang lupa ay naging marami nang lumubog muli ang mga gulod at kalatagan, unti-unting pagkalunod na naaalaala pa ng mga tao at inaawit pa hanggang ngayon sa Java, Indonesia:
Pagkaraan ng 3 libong tag-ulan, magkakasama muli ang mga pulo ng Silangan...
Panahon na ng magdaragat.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|