Sa Susunod Na Angaw
Gumising ka, Neneng, tayo’y manampalok
Pagdating sa dulo’y nabali ang sanga
Kapos kapalaran, humanap ng iba
- Awit, Leron-Leron Sinta
INULAT ni Jose Rizal ang kanyang tanaw sa sanaysay, Ang Pilipinas Pagkaraan ng 100 Taon [Filipinas de Cien Anos o The Philippines After 100 Years]:
Sa pagtubo ng mga bagong tao sa sariling lupa, dala-dala ang alaala ng kanilang lumipas, nawa sila’y magsisigasig pumasok sa malawak na landas ng kaunlaran, at lahat ay sama-samang magsisikap palakasin ang bayan nang kasing iglap ng isang kabataang sumasaka muli ng lupain ng kanyang mga ninuno, lupang natiwangwang nang napakatagal sa kapabayaan ng mga nagdamot ng lupa sa kanya. Nuon mabubuksan ang mga mina ng ginto, pagpapaginhawa sa maghihirap, mga mina ng bakal para sa mga sandata, tanso, tingga at uling. Maaaring pag-ibayuhin muli ng bayan ang kalakal dagat, ang buhay na palayag-layag na, sa mga tagapulo, ay katutubo, bansag at lapat sa kakayahan at pagnanasa ng mga tagapulo. At muling malaya, gaya ng ibong nakawala sa kulungan, parang bulaklak na namumukadkad sa simoy ng hangin, mababawi ng bayan ang mga kabutihang unti-unting naglalaho, at muling mahihirati sa payapa ang mga tao - masigla, masaya, mapag-aruga at magiting.
Nuong 1996 ang ika-100 taon, gaano kawangis ang mga inasam ni Rizal sa kalagayan at kalayaan ng Pilipinas? Kung nabuhay ang anak ni Rizal at nagka-pamilya, ang apo ng anak ang naghahanap-buhay ngayon. Ano kaya ang masasabi niya tungkol sa diwa ng kanyang lolo-sa-tuhod? Patapos na itong munting kasaysayan at, gaya nang pagsisimula nito sa pinagmulan, nararapat tapusin ito sa paruruonan. Sapagkat ang anumang kasaysayan ay isang paglalakbay ng pagbabakas sa nakaraan upang maunawaan ang kasalukuyan, pag-unawa na harimanawari ay tutulong magpasiya sa hinaharap.
Saan patungo ang Pilipino?
May sabi, pagkaraan ng isang taon makikita kung magkakatotoo ang pangako, pagkaraan ng buhay makikita kung magkakatotoo ang sampalataya, pagkaraan ng 100 taon makikita kung magkakatotoo ang pangarap, ngunit pagkaraan lamang ng isang libong taon makikita ang katotohanan.
In a year, you see the truth of a promise; after life, you see the truth of faith; after a hundred years, you see the truth of your dreams; but only after a thousand years do you see truth.
Napakatagal na panahon ang sanlibong taon, may Pilipinas pa kaya nuon o, gaya sa leron-leron, mababali ang sanga at maghahanap ng iba? Sanlibong taon SN, hindi pa nakakarating ang Muslim o Español, sakop pa ng mga Moro ang España, wala pang America, wala pang Pilipinas. Nakabahag at nakayapak ang mga Pilipino, naka-topless at nakatapis ang mga Pilipina.
Sa karanasan ng ibang bayan, kailangang lumipas ang 200 taon bago mabuo ang bansa [nation], may katwiran din ang adhika na higit pa sa 200 taon ang kailangan bago makapagbuo ng isang bansa. Isang daang taon pa lamang ang Pilipinas, may 100 taon pa bago mabuo ang bansang Pilipino, ngunit maaari na bang maaninaw ang kinabukasan ngayon, kailangan lamang unawain ang mga bumubuo sa katauhan ng kasalukuyang Pilipino. Baka, marahil, siguro?
Hintay muna: May bansa na ang Pilipinas! Bakit kailangan pa ng 100 taon? Buong-buo na ang bansang Pilipino!
May bayan [country] na tinatawag na Pilipinas o sa palayaw na Pinas, pinamamahayan at pinagmumulan ng mga taong tinatawag na Pilipino at Pilipina, o Pinoy at Pinay, nagtuturing sa mga sarili ng kami-kami, malamig o mainit ang tingin sa mga sila-sila.
Nagdidigmaan ang hukbong Pilipino at mga kapwa mamamayan, ang NPA [New Peoples Army]. Sa ilalim kunwa ng isang pamahalaan, nagsasarili naman ang milyon-milyong Pilipino sa ARMM [Autonomous Region of Muslim Mindanao]. Kailan lamang, walang pumansin sa mga Aeta nang naghanap-buhay sa pagbubungkal sa basurahan ng dating Clark airbase sa Pampanga.
Hintay muna: Mali bang bigyan ng autonomy ang mga Moro, o Muslim?
Hindi mali. Karapat-dapat ang kasunduan upang matahimik ang digmaan ng Pilipino laban sa Pilipino. Ang mali ay bakit ninais pa ng mga Muslim na mahiwalay sa munti at dukhang bahagi ng kapuluan kaysa sumapi sa sankapuluan. Ano ang masahol pa na nagtulak sa kanilang piliin ang maging kaawa-awa? Iyon ang mali.
Ngayon, kahit hindi Aeta, walang pa ring pumapansin sa mga nagbubungkal sa basurahan sa, nuong una, Smoky Mountain, pagkatapos sa Smoky Valley. Matataas ang mga bakod at may mga guardia sa Makati at iba pang baranggay [village] ng mga mayaman. Mga karaniwang mamamayan, kahit pulis, ay ayaw pumasok sa mga squatters area at iba pang pugad ng kahirapan [islands of poverty] na unang biktima ng mga nakawan, ng mga pusakal, ng gahasa, ng mga mamamatay-tao. Pulos krimen, madudungis, mababaho. Maigi pang huwag na lamang pansinin, mas maigi na paalisin kung mapapaalis “sila-sila,” hindi kauri nating mga “tayo-tayo.” Sangkatutak na sidewalk vendor nagkalat sa lansangan, nakakasagabal sa traffic, kung bakit ba ayaw itaboy ng mga pulis! Ito ang damdamin ng mga taga-Manila nuong panahon ng Español, nuong wala pang bansang Pilipino. Mga dayuhan ang mga indio [squatters] at mga kaaway na dapat supilin ang mga moro [Muslim], nuong ang kapuluan ay kaharian ng mga Español [elite] na pinaghahainan ng mga timawa [bakya crowd] na naging mga kasama at sacada [servants, serfs]. Ang mga ayaw yumuko sa pamahalaan [law and order] ay mga tulisan [NPA]. Kasalukuyang natututo ngunit matagal pa bago magkaroon ng bansang Pilipino.
Upang matanto ang katauhan ng Pilipino, kailangang suriin ang katauhan ng mga pangkat na bumubuo nito.
Hintay muna pa: Bago maiba ng paksa, bakit walang pang bansang Pilipino? ’Pag may bayan, may bansa, magkapareho ’yung dalawa. Saka bakit nag-aaway-away lang, wala nang bansa? Lahat naman may away-away!
Sapagkat ang pag-aaway ay nilulutas sa hukuman, sa batasan o sa pamahalaan. Sapagkat kapag hindi nalutas at tumagal nang patuloy-tuloy, hindi na away kundi digmaan na. Sapagkat 400 taon na ang “away” laban sa Muslim. Sapagkat hindi tinuturing na digmaan ng magkapwang mamamayan [civil war], pahiwatig na “ Pilipino ba ang Moro?” ang tingin ng karamihan sa mga Muslim, at mananakop na dayuhan gaya ng mga Español ang tingin ng Muslim sa mga katoliko. Sapagkat ang bansa ay nabubuo sa pagkalinga ng lahat sa isa’t isa, samantalang kasalukuyan ang pagkawatak-watak ng lipunan, natutunan sa dayuhan o katutubong kamalian, at sa kawalang muwang ng mga dapat makatanto, ang pagkakawatak ay nagiging tatag na, lalong nagiging mahirap kumpunihin sa paghaba ng panahon.
Sino ang hindi mababa ang tingin sa mga nakayapak. Sino ang hindi tumatawa kapag sinabing nakabakya ang mga pulis sa kanyang kabayanan. Sino ang naniniwala na hindi nagpapayaman ang mga nasa pamahalaan. Bakit walang dukha na nahahalal sa mataas na tungkulin o nanatiling dukha pagkahalal. Ito ba’y pagmamahal sa bayan. Sino ang nagtuturing na kapantay ng katoliko ang muslim. Ito ba ang pagkalinga sa kapwa. Ilang nakapag-aral ang nagsasalita ng Tagalog sa halip ng English kung nais mapansin, mapaniwalaan. Ito ba ang paggalang sa sarili. Sinong naka-kotse ang nagbibigay daan sa kariton, pantay-karapatang gumamit ng highway. Sino ang magsasabing hindi gula-gulanit ang lipunan, na hindi tumitigas ang puwang sa pagitan ng mga katoliko at muslim, sa mga mayaman at hampas-lupa, sa mga namamahala at mga walang kapangyarihan.
Ang bansa ang pinag-isang lipunan ng bayan. Kung tastas ang lipunan, kahit may bayan, walang bansa. Ang mga maunlad at matibay na bansa ay iyon lamang may malawak na pantayan ng mga tao sa kanilang lipunan. Iyong mga lipunan na ikinahihiya ang kalagayan o hindi pinapansin ang kapakanan ng mga kasapi, gaya sa Pilipinas, ang mga tiwarik, ang tinatawag na third world. Nakapagtatatag ng bayan, o kaharian, sa lakas ng sandata o sa tibay ng pakikipagkasunduan sa ibang bayan o kaharian ngunit matagal na panahon bago mabuo ang bansa sapagkat mahapdi ang pagtuto, dinanas sa iba’t ibang bayan bago inamin ng mga tagaruon na
Hintay muna: Bakit ba napaka-importante ang mga kara-karapatan, tungku-tungkulin? Bakit kailangang bumuo ng bansang Pilipino?
Kung may karapatan ang bawat mamamayan na maghanap buhay, mamuhay nang matahimik, at maging malaya mula sa gutom at kawalang-alam, tungkulin ba ng mga nakasapatos na iwan ang kanilang opisinang air conditioned upang ipagtanggol ang karapatan ng mga nakayapak sa bukid, ng mga nakabakyang naglalako sa bilao. Tungkulin ba ng mga may bahay na makisama sa mga squatter o ipaalis ang mga ito at ang dala nilang dumi at dahas. Tungkulin ba ng mga educado na turuan ang mga walang pambili ng libro [aklat!]. Ano ang karapatan o tungkulin ng pulis, o ng pangulo ng Pilipinas, na itaboy ang mga sidewalk vendor nang hindi mapinsala ang kalakal ng mga katabing tindahan kahit na ikagutom ng mga ito, na kumikil sa mga jeepney driver, na sarilinin ang buwis ng bayan.
Ang magkatuwang na karapatan-tungkulin ang ugnayan ng mga tao sa lipunan. Hayag na karapatan ng bawat mamamayan ang mabuhay, manatiling malaya, at huwag magutom. Hayag din ang tungkulin ng bawat mamamayan na ipagtanggol ang kanyang mga karapatan, at igalang at pangalagaan ang karapatan ng ibang mamamayan. Alisin ang karapatan, kahit sinuman ay maaaring patayin nang walang pananagutan, maaaring alipinin laban sa kanyang kalooban ng may higit na lakas o kapangyarihan. Maaaring gutumin. Alisin ang tungkulin, at walang makakatulong sa pagtatanggol sa mga karapatan. Ikahihiya ang sarili sa harap ng mga may mga kapangyarihan. Sa pagtimbang ng karapatan-tungkulin ng bawat mamamayan nakasalalay ang kalagayan at kinabukasan ng lipunan. At ng bansa.
Mahirap gawin, kaya baka 100 taon pa bago mabuo ang bansang Pilipino. Ang malaking tanong ay kung may katuturan sa lipunang mabubuo sa darating na panahon ang mga minamahalaga ng mga Pilipino sa kasalukuyan. O baka higit na malinaw sabihin sa kaiba ngunit kahawig na tanong, may katuturan ba ang mga panukala ng mga Pilipinong nag-ibang bayan na sa mga pangyayari sa Pilipinas?
Walang makapagsasabi kung ano ang mangyayari sa kinabukasan. Ang mapangyayari lamang ay tuntuning ang mga bakas ng lumipas, gaya nitong munting kasaysayan, upang mahulaan kung anong mga hakbang ang magtatawid sa lipunan sa mga darating na araw. Napakahaba ng paksa kaya patawad po, ang 2 pasimulang hakbang na lamang ang susuriin - hangad at takot. Malawak na paksa rin ang 2 ito, upang manatiling munti, ang mga pinaka na lamang ang ituturing, salamat po! Sa madaling sabi, o madaling tanong, ano ang pinaka-hangad ng tao? Ano ang pinaka-takot?
Saka pa, itangi ang 2 pinaka upang mapuntirya ang talagang sadya, hindi paliguy-ligoy na usapan na nakapagpapagulo lamang sa isip. Kahuli-hulihan, bahagiin ang mga tao upang lubusang masuri ang 2 tanong at mabunyag ang karapat-dapat na sagot.
Hintay muna: Ang gulo! Bakit kailangan pa ang hangad at takot? Ano ang katuturan, hindi naman nasusunod? Wala namang nakakaalam kung ano ang mangyayari.
Totoo! Karaniwang bara-bara ang buhay at, gaya nang nangyari kay Rizal, madalas namamaliw ang mga pangarap ngunit ang tao ay may isip at damdamin at dapat kulayan ng mga ito ang mga kilos at balak kung ayaw masadlak sa kalawakan ng kawalang-muwang tulad sa mga isdang palangoy-langoy, pakain-kain na lamang sa dagat at hanggang duon na lamang. Tutal, nakamit naman ang hangad na maging malaya at makapag-sasarili, kahit na naantal nang matagal, kahit na nausiyami sa ginhawa na inakala, gaya ni Rizal, na mangyayari sa pagiging malaya.
Marami at sari-sari ang mga tao sa Pilipinas at walang silbi sa pagtanaw sa kinabukasan ang pagtuus ng pinakahangad at pinakatakot sapagkat, gaya ng lahat sa daigdig, hangad nila ang guminhawa, lumigaya, mahalin atbp, at takot nila ang mamatay, masaktan, maapi atba. Maliban lamang kung paghihiwalayin sa 3 - Español, Amerkano at Pilipino - at tutuusin ang tangi sa bawat isa.
Hintay muna: Bakit hiwalay pa? Ano ’yong tangi? At bakit kasali pa ang Español at Amerkano? Bakit hindi na lang pulos Pilipino?
Madali at mabilis sagutin ang malaking tanong kung hihiwain sa maliliit na tanong o “bahagi.” At sa 3 “bahagi,” ang “tangi” lamang - Ano ang hinangad ng Español sa Pilipinas na hindi hinangad ng Amerkano at ng Pilipino? Ano ang kinatakutan na hindi kinatakutan ng Amerkano at ng Pilipino...atbp.
Malaking bahagi ang Español at Amerkano sa katauhan ng mga kasalukuyang Pilipino, sa mga mali o tama na natutunan na bahagya man lamang napapansin at, gaya ng bagong katulong ng donya, ay lubusang hindi nauunawaan. Siguro, kung ang susuriin ay ang pinanggalingang Español o Amerkano, makikita kung ano ang dahilan o kung papaano naganap, at kung ano ang bisa o balam sa mga ginagawa o binabalak ng mga tao. Makakalinaw, sana, sa paghula sa kinabukasan.
Hintay muna: Okey, ano ang pinakahangad ng Español? Ano ang pinakatakot ng Español?
Ang pinag-uusapan ay hindi mga Español sa España o iba pang bahagi ng daigdig, kundi ang mga Español lamang na namuhay sa Pilipinas. Na naghangad maging Don at Donya, ang mag-utos nang hindi nababali, ang magkasapat na kapangyarihan upang magka-utusan na magagalitan o mahahamak kahit kailan maisipan. Mistulang hari-harian at reyna-princesa sa kani-kanilang munting sakop. Mga Don at Donya na takot na takot magpawis. Hindi maatim, awang-awa sa sarili, malaking paghamak sa Español ang magsikap, ang magbatak ng buto lalo na sa harap ng mga indio o mga sangley.
Hintay muna: Hindi ba hinangad din ito ng Amerkano at ng Pilipino? At takot ding magpawis ang Amerkano at Pilipino, hindi ba?
Maraming tamad at puro-utos-puro-utos na Amerkano at Pilipino, ngunit maniwaring higit na hangad nila ang makipag-unawaan at makipagsamahan sa mga tauhan. Baka mayroon silang likas na paggalang sa mga kapwa tao. Ang mga Español sa Pilipinas, sa hindi mawaring dahilan, ay nakipagkapwa tao lamang sa mga kapwa Español.
Hintay muna: Bakit naman nasabing natutunan sa Español ang pagiging tamad na donya? Pautos-utos din ang mga datu at rajah, hindi ba?
Hindi kapani-paniwala na naitawid ng mga datu ang mga gawi nila sa mahigit na 300 taon ng panahon ng Español. Hindi kapani-paniwala na naituro, o natandaan man lamang, hanggang sa ika-10 apo-apo. Hindi rin kapani-paniwala na sa pakitunguhan ng mga katutubo at mga Español, na ang mga katutubo ang nag-asal Don at Donya, at Español ang nagpakumbaba. Higit na marahil na ang mga pinuno ng mga baranggay, na ginawang principales at utusan ng mga frayle ang natuto at gumaya sa mga pahiyaw-hiyaw at pahila-hilatang Español.
Hintay muna: Ano naman ang hinangad ng Amerkano? Ano ang kinakatakutan nila?
May mga sapantaha na tulad ng mga taga-Europa, hinangad ng mga Amerkano na makibahagi sa kalakal ng Asia, lalo na ng China, at mainam na himpilan ang Pilipinas sa ganitong gawain. Sinakop ng mga Hapon at mga taga-Europa ang malalaking bahagi ng China nuong panahon ng Amerkano sa Pilipinas, ngunit sa halip na makibahagi, pinairal ng mga Amerkano ang adhikang open door policy na kahit sino ay maaaring makipagkalakal at hindi na kailangang sakupin pa ang mga lupain sa China. Kaya sa ilan-ilang lungsod lamang, gaya ng Shanghai, Hongkong at Macao, namarati ang mga dayuhan sa China.
Nakinig ang mga dayuhan sa America dahil sa malaki at malakas ang sandatahang dagat ng mga Amerkano sa Pacific Ocean. At ito, kuro ng iba, ang tunay na hangad hanggang ngayon ng mga Amerkano, ang maging pinakamakapangyarihan sa Pacific Ocean na natatawag paminsan-minsang lawa ng America [American lake]. Kahit na ang mga Amerkanong laban sa pagsakop ng Pilipinas ay sang-ayon sa paggamit ng malawak na dagat bilang tanggulang bakod ng America, kahit bilyon-bilyong dolyar ang gastosin para sa sandatahang dagat.
Ngunit hindi. Si Apolinario Mabini ang nagturing kung ano ang taimtim na nasa ng Amerkano na hindi nagapi ng kahit na gaanong kasidhing gana sa kapangyarihan at yaman ng pamahalaan ng America nuon. Hangad ng Amerkano kailan man ang magkapag-sarili nang malaya [free and independent]. Sasakmal ng lupain ang mga Amerkano ngunit hindi nila papayagan ang mga sarili na sumakop kanino man, kahit na ang mga Pilipinong nais pasakop sa America.
Takot ang mga Amerkano na maging tanga. Masinop at masigasig mag-aral ang mga Amerkano sa Pilipinas. Sila ang nagsimula ng pag-uusisa sa Pilipinas ng mga lumang gawi ang mga tao-tao sa kagubatan at karagatan, nuong bago pa nagka-digmaan laban sa Español. Nang masakop ang kapuluan, lumawak at dumami ang mga pinag-aralan sa Pilipinas. Hindi sakuna na karamihan ng ulat at aklat [libro!] tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas ay gawa ng Amerkano. Kahit na ang mga kalagayan at pangyayari sa kasalukuyan, gaya ng pagdidiktador ni Ferdinand, ay masipag inilahad ng mga Amerkano. Pintasan ang Amerkano na tamad, maiinis; sabihing amoy pawis, maliligo; tawaging bobo o tanga, makikipagsuntukan. Nahahabag sila sa mga hindi nakapag-aral, kahit sa kabila ng daigdig, tutulong sa pagtustos kung kaya. At gaya ng mga Thomasites, magtutungo duon at magtuturo, at kung maaari, pag-aaralan din ang mga bagay at tao duon.
Hintay muna: Ano ang pinakahangad ng Pilipino? Ano ang takot ng mga Pilipino?
Takot magutom. Hangad kumain ng 3 ulit sa maghapon, 4 na ulit kung may pang-meryenda sa hapon, at 5 ulit pa kung may magdaang naglalako ng balot, penoy sa gabi. Ayaw din magutom ng mga Español at Amerkano, ngunit ang Pilipino ang nagagalit kapag nalipasan. Ang Pilipino lamang, kapag nagising nang tanghali na, ang nag-aalmusal muna bago simulan ang pananghalian, ang kumakain ng dagdag sa hapunan kapag hindi nakapag-meryenda. Ang kakain ng maraming gulay kahit walang hilig sa gulay kung walang bayad ang salad bar.
Ngunit hindi pagkain, higit na matatas ang hangarin, at higit na madilim ang takot, ng mga Pilipino. Kaugnay marahil ng paggalang ng katutubo sa mga magulang at mga ninuno, sa mga frayle at mga pari, sa diyos at bathala, sa sinumang may katungkulan. Mithi ng Pilipino ang maaruga ng malakas at may kapangyarihan, maging tao o diyos, yumaong kamag-anak o hindi maunawaan batas, hindi makitang hiwaga. Kaya tahimik ang kalooban ng Pilipino sa ilalim ng matatag na pamahalaan, ng datu, ng Español, ng Amerkano, ng espiritu santo. Kahit na pamahalaan ng Pilipino.
Maghihimagsik ang Pilipino kapag naapi sapagkat sa pagkaapi nagaganap ang higit na kinatatakutan ng Pilipino: Ang hindi igalang. Maghapong nakayapak sa lusak, maligayang magsasaka; nanglilimahid sa pinyahan o paggawaan, tahimik na sasahod. Susunod, makikipagkapwa, huwag lamang matawag na walang hiya. Kapag nalibak, huhugot ng itak; mapagtawanan, makikipagpatayan.
Ang mawalan ng mag-aaruga, mawalan ng mababalingan. Makikipagkaibigan, makikisama, makikipagkasunduan nang sa gayon, laging may kasama, katulong, kaibigan, kakampi, kamag-anak, mahihingan, mauutangan, mairereto, mapapanawagan. Laging may kapwa, laging naigagalang. Ang mga halu-halong hangad-takot na ito ang nagtatalo ngayon sa katauhan ng mga tao, nangingibabaw kung minsan ang ilan, natatakpan ng iba at paulit-ulit na nagpapalitan, at sa haba lamang ng panahong darating mapagpapasiyahan kung alin-alin ang mananatiling “Pilipino”:
Hintay muna: Hindi ba nakalimutan ang Intsik? Malaki ang bahagi nila sa kasalukuyang lipunan.
Dalawang pangkat ang mga Intsik sa Pilipinas.
Una: Ang mga naging katutubo na, milyon-milyon sila, karamihan ay mga mestizong tinuturing nuon, ngayon, at sa mga darating na panahon na isa lamang sa mga iba’t ibang pangkat ng Pilipino. Ang anumang ka-Intsikan nilang dala ay nahalo na nang maigi sa galaw ng mga katutubo at walang pag-asa nang maihiwalay pa upang masuri. Aminin: Paano mapag-iiba ang kuya o ate ng “purong” Bulakenyo, kung mayroon pa o kung nagkaroon man ng ganuong tao kahit kailan, sa kuya o ate na anak-anakan ng mga taga-Fookien [Fujien] na nagdala ng mga tawag na iyon sa kapuluan?
Pang-2: Ang mga Intsik na pilit pinapanatili ang kanilang pagiging Intsik, paniwala man o hindi na higit na nakakataas ang Intsik kaysa sa Pilipino, kahit na sa Pilipinas. Suwerte nila na mapagkaibigan ang mga Pilipino, sa ibang bayan sa timog silangan, sinasalanta sila. Malas nila na nakapaunti nila, higit lamang sa 2 milyon sa bayan ng 84 milyong tao, at maliban sa mga 120 paaralan ng Intsik sa Manila at paligid, munti lamang ang hila nila sa mga gawi ng Pilipino.
Hintay muna: Ano’ng hitsura ng magiging bansa ng Pilipino? Ano ang sagot sa tanong, saan patungo ang Pilipino?
Baka magpunta lahat sa America [biro lang].
Ang mga tao lamang sa kinabukasan ang makapagsasabi. Dahil sa mabilis at malawak na pagbabago na nagaganap nang walang puknat, malamang ang bansang Pilipino na mabuo sa susunod na sandaang taon ay bahagya lamang mahawig sa kasalukuyang lipunan. Tuusin ang pagkaiba ng common tao ngayon kaysa sa mga indio na naglako sa bangketa sa Manila kasabay ni Andres Bonifacio. Maliban dito, walang makapagsasabi kung anong uri ng bansa ang mabubuo sa kapuluan, maliban sa mga taong hindi pa ipinanganganak.
Hintay muna: Paano malalaman kung mayroon nang bansang Pilipino?
May bansang Pilipino na kapag nasok sa puso ng sinumang mamamayan ang katauhan ng pagiging Pilipino:
Ako ay Tagalog, ako ay Ilocano, ako ay Kapampangan, ako ay Bicolano. Ako ay Pangasinense, ako ay Cebuano, ako ay Waray-waray, ako ay Ilonggo. Ako ay Tausug, ako ay Boholano, ako ay Maguindanao. Ako ay Pilipino.
Hintay muna: Tapos na ba? Ano n’ang mangyayari? Anong klaseng kasaysayan ito, walang maisagot. Yayaman ba ang Pilipinas? Malaya pa kaya pagkaraan ng 1,000 taon? Mayroon pa bang makakain? Magkaka-kotse ba lahat ng Pilipino, color TV, cell phone?
Ewan.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|