Manila Sa Tingin Ng Iba
Ibon mang may layang lumipad
Kulungin mo at umiiyak
- Awit, Ang Bayan
KATATAPOS lamang ng digmaang tinawag na Seven Years War [1756-1763] ng Britain laban sa nagkampihang France at España, at dahilang sinakop ng sandatahan ng Britain ang Manila [1762-1764]. Kasalukuyang naghihimagsik ang mga Amerkano laban sa Britain [1776-1783] at katatapos pa lamang palayasin ang mga frayleng Jesuit mula sa Pilipinas sa utos ng España at ng Roma [1770]. Kababalik pa lamang ng mga frayleng Augustinian sa Pampanga nang pumayag na silang sumunod sa utos ng mga obispo at ng hari ng España [1775] matapos ng 5 taong pagkatapon. Sa Madrid, inutos ni hari Carlos 3, inis na sa ngahas ng mga frayleng Español, na ibigay ang mga paroco sa Pilipinas sa mga katutubo at mestizong pari [1774]. Sa Manila, kinalaban ang utos ni Carlos 3 ni Simon de Anda, governador general nuon [1770-1776], at binawi ni Carlos 3 ang kanyang utos [1776].
Naglakbay sa Timog Silangang Asia si Pierre Sonnerat nuong 1774 hanggang 1781, naghanap ng masasakop ng France sa Asia. Nagkasakop din naman ang France sa Asia: ang Cochin China na tinawag ngayong Vietnam at Laos, at pagkaraan ng ilang taon, pati na Cambodia ay nasakop. Nasakop din nila ang Ile de France o pulo ng France, Mauritius ang tawag ngayon. Isa sa mga sinuri ni Sonnerat ay ang Pilipinas, at ito ang ulat niya tungkol sa mga Pilipino [ang mga Español sa Pilipinas. Gaya sa mga Español, indio ang tawag ni Sonnerat sa mga katutubo].
Sakop ng España ang Pilipinas, hawak naman ng Dutch Netherlands ang Maluku, ngunit iisang kapuluan ang dawalang ito at kung masasakop ng isang hari, madaling mapagsasama sa isang pangalan. Mayaman ang Maluku, masisipag ang mga tao, nagkakalakal at mahilig magtanim. Kaiba lahat sa Pilipinas, tamad ang mga tao at walang inasikaso kung hindi sumamba at maghikayat ng mga bagong catholico.
Itinayo ng mga Español ang kanilang capitolio sa Manila. Mula dito, mainam magkalakal sa China at sa India, at dapat ito na ang pinakamayamang lungsod sa buong daigdig; ngunit sinong Español ang mag-aaksaya ng panahong magsikap sa kalakal sa paghabol lamang ng kayaman sa Mondo?
Kahawig sa Madras [sa India] ang panahon sa Manila. Malaki ang lungsod at mahusay ang pagkakagawa; magaganda ang mga bahay, tuwid at pantay ang mga lansangan. Magara ang mga simbahan. Napapaligiran ng matibay at matayog na pader, sa tabi ng malawak na ilog na nababaybay papunta sa anumang pook sa Luzon. Malawak at mapagyaman ang mga lupain sa paligid-ligid, tinutubuan ng kahit ano’ng itanim; ngunit sa kamay ng mga Español, naiiwang tigang at walang silbi.Sinasayang nila ang ganda ng kalikasan at ang taba ng lupa, pinababayaan ang mga tumubong ligaw na mga tanim at prutas hanggang mabulok na lamang sa bukid, ni ayaw anihin. Pati na ang mga batas nila, na dapat sana’y magkupkop sa magsasaka, ipinagbabawal na ilako sa ibang bayan ang mga pananim na hindi kayang ubusin dito. Kaya kung may malaking bagyo o sumobra ang init at pagkatuyo, masidhing pagkagutom ang mangyayari dito sa pook na kailan man ay hindi dapat makaramdam ng gutom.
[Mexican pesos, 3,000 pira-pirasong pilak lamang, ang sahod santaong ng alcalde mayor, ang pumalit sa mga encomiendero at naging governador, hukom at pinuno ng mga sundalo sa mga lalawigan sa Pilipinas. Napakaliit ang sahod upang mabuhay nang mahusay ngunit nagsuhol pa ang mga Español sa Madrid, España,upang mahirang sa tungkuling pang-3 taon lamang. Karamihan ay dumating nang walang ari-arian at walang muwang sa pamamahala. Sa loob ng 3 taon, nagpayaman sila.
[Simula nuong 1751, sa halip na taasan ang sahod, pinayagan sila ng kaharian sa Madrid na magkalakal nang pansarili. Sinamantala nila, sinarili [monopolies] ang kalakal ng mga lalawigan at, dahil ginawa ng lahat, ang kalakal ng buong kapuluan. Ginamit nila ang salapi ng lalawigan [obras pias o public money] upang mamili ng mga kalakal sa Manila na inilako sa mga taga-lalawigan sa lubhang mataas na presyo. Sila rin ang pumakyaw ng mga kalakal ng mga tao sa napakababang presyo upang iluwas at ilako sa Manila. Pinagbawalan nila ang mga tao, sa banta ng pagkulong o pagbitay, na magkalakal sa iba o sa isa’t isa. Ipinagbawal din ang pamamangka sa pulu-pulo, at ang pagdayu-dayo ng mga kariton sa mga nayon. Madalas, kasapakat pa ang mga frayle, kaya bihira ang nakapuslit sa pagpigil sa kalakal ng mga katutubo. Dahil lugi lagi ang mga tao sa kalakal ng mga alcalde mayor , nahirati sila na huwag na lang magkalakal. Ito ang dahilan ng napansin ni Sonnerat na pagtirik ng kalakal at paglaho ng pagkukusa ng mga tao.]
Ganyan ang malaganap na kawalang-isip, ganyan ang kanilang katamaran, bulag at inaasa lahat sa Maykapal; kung ano lamang ang gagamitin sa taon, iyon lamang ang itatanim at aanihin. Dahil dito, nakakaranas sila ng pighati. Karaniwang muwang ang mag-imbak, maglagak para sa kinabukasan, ngunit wala nito ang mga Español.Mapapalago nang maigi ang kalakal ng Manila kung lalaot ang mga Español sa China, sa Cochin China, India at Pulo ng France ngunit ipinanganak na tamad ang mga Español, ang hilig magpahinga, tawag nila ay katahimikan, kaysa magkalakal na kailangan talagang pagpawisan. Ipinagbawal pa ng pamahalaan nila ang magkalakal sa ibang bansa; ang mga barko lamang ng Mexico at China ang pinapapasok. Ang mga barko ng France na dumaong dito ay binabastos at hindi pinaglalako kaya nalulugi, gayong maaari namang kumita nang malaki, pati mga Español.
Tantiyang may 12,000 catholico sa Manila. Higit na marami dati ang mga tao nuong nandirito pa ang mga Intsik na nagkakalakal ngunit may isang governador na nahaling sa pagka-makalahi at ipinataboy at pinalayas ang lahat ng Intsik. Nalugi ang mga kalakal at bumaba ang kusang-loob at mga bagong katha sa buong pook. Hindi pa nakakabawi hanggang ngayon.
[Pinalayas ng mga Español mula sa Pilipinas ang mga Intsik nuong 1755 upang masarili nila ang kita ng galleon trade na malaki at tanging pinagkakakitaan ng mga Español ng Manila. Pulos kalakal ng China at Mexico lamang ang ibinabarko sa taunang layag, walang kalakal ng mga katutubo, kaya walang ganang pagyamanin ang mga ito, at sadyang tinitila pa upang huwag makabalam sa galleon trade. Ang mga naiwang Intsik lamang ay ang libu-libong nagpabinyag na katoliko, nag-asawa ng mga katutubong babae, at naging katutubo na rin. At ang mga anak nilang mestizong Intsik. Sunod inusisa ni Sonnerat ang mga Muslim sa Mindanao, ang mga Aeta at Igorot sa bundok at gubat, at ang mga Tagalog sa pali-paligid ng Manila.]
Totoong hindi binalak ng España na paunlarin ang Pilipinas, kaya pulos frayle ang ipinadala, at kaya walang kaunlarang tinamasa ang mga taong sinakop, na walang magawa kundi tumalungko at maghintay ng utos. Miserable ang mga buhay nila. Ngunit may mga pook sa Pilipinas, mga bundok at gubat, na hindi narating o nagapi ng Español, matay man nilang pilitin, at ang mga tao duon ay nanatiling malaya, at muhi sa mga Español. Lagi nilang minimithi ang paghiganti, at madalas silang lumusob sa mga kabayanang sakop ng Español, nakalapit pa sa Manila nuong minsan, at inalipin ang mga binyagang nadukot nila. Mayroon ding mga tao sa mga bundok, na sukdulang hindi civilisado, palaboy-laboy lamang, umiiwas sa ibang tao, umiiwas din kahit sa mga kauri nila. Natutulog kung saan abutin ng dilim, sa taas ng mga punong-kahoy.
Tagal ang tawag ng mga tao sa sarili, at kahawig sila ng mga Malay sa kilos at anyo, kahit kaiba ang wika, na kasing-tamis din nila sa pananalita. Nag-iba lamang sila sa mga natutunang gawi. Sa Manila, malaganap ang ugnayan ng mga tao at mga Intsik kaya naging mestizo na sila. Matipuno at kayumanggi ang mga taga-Manila, nagdadamit ng hawi sa bulak [cotton] at abaca. Mahaba at itim ang buhok ng mga babae, kung minsan abot sa sakong, at masipag nilang nililinis, sinusuklay, pinapahiran ng langis ng niyog at tinitirintas gaya sa mga Intsik, pinupusod at pinapalamutian ng ginto o pilak na alahas. Gawa sa kawayan ang bahay ng mga tao, balot ng dahon ng buko at nakapatong sa mga tukod na kahoy at angat sa lupa ng ilang hakbang upang makaiwas sa basang lupa. Sa gabi, itinatago nila ang hagdan sa loob ng bahay upang hindi sila mapasok ng mga mababangis na hayop, o ng mga lapastangang tao. Bihira sila magkama, natutulog lamang sa banig na latag sa sahig. Pinakuluang bigas ang pagkain nila, at isdang inasinan o nilaga kasama ng paasim upang maalis ang lansa.
Magalang at maginoo ang mga tao sa kapatagan [Central Plains], naghahawi ng mga banig at telang abaca. Hindi iniba ng mga Español ang mga batas ng mga tao; ang mga kapwa pa rin ang pinuno ng kanilang mga kabayanan bagaman at sa ilalim ng mga Español. Mahigpit silang magparusa sa mga lumabag sa batas, at binibitay ang mga nakikiapid sa asawa ng iba - ang pinakamabigat na kasalanan sa tingin nila.
Sa silangan ng tinawag ng Español na Laguna de Bay, mataba ang lupa at maaaring tirhan ng maraming taong ginhawa sa mga ani, ngunit unti-unti lamang ang mga tagaroon, nakatira sa mga kubakob, lapastangan at walang karangalan. Wala silang batas, lagi silang may sandata at handang makipaglaban sa kahit sinong makasalubong. Kahit na ang mga magkamag-anak, ang magka-pamilya, ay walang tiwala at laging nag-aaway.
Mahilig lahat ng tao sa cacao at tabako, kapwa dala mula Mexico. Pati mga babae, nagtatabako maghapon. Inaalagaan sa buong kapuluan ang mga puno ng cacao dahil laging iniinom ang chocolate kahit saan. May ginto sa lahat ng pulo, ngunit pinakamarami sa Gapan sa lalawigan ng Pampanga [sa lalawigan ng Nueva Ecija ngayon].
halaw mula Sonnerat: The Philippines and the Moluccas
www.univie.ac.at/Voelkerkunde/apsis/aufi/travels/sonnerat.htm
Tinapos ni Sonnerat ang hayag sa paglista ng mga bagay na makakalakal sa Pilipinas. Ang mapanganib na lalawigan na tinukoy niya ay ang bahagi ng Laguna sa tabi ng Tayabas na, nuong unang panahon pa, ay laganap sa mga tulisan at mandarambong. Ito ang kalagayan sa paligid ng mga baranggay at nayon nuong panahon ng mga mandirigma, bago dumating ang mga Español. Sa di mawaring dahilan, matumal ang naging pagbabago at pagpapatahimik sa pook na iyon, lalo na sa liblib na paligid ng bundok ng Banahaw.
Mga 20 taon pagka-alis ni Sonnerat, sinakop ang España ng France, pinamunuan ni Napoleon Bonaparte, at hinirang na hari ng España ang kapatid, si Joseph Bonaparte. Naghimagsik ang mga Español nuong Mayo 2, 1808 at sa sumunod na 6 taon ng madugong labanan, nawarak ang paghanapang-buhay [economy] sa España. Sa tulong ng Britain, nagapi ang France. Nagtatag ng panibagong pamahalaan sa Cadiz, España, nuong 1810 at sa kauna-unahang panahon, nagkaroon ng mga kinatawan ang Pilipino sa Cortez o batasan ng España. Ngunit mga Español mula sa Pilipinas ang mga ipinadala. Dukha, mangmang at utus-utusan pa rin ang mga katutubo sa kapuluan. Sa mga sakop ng España sa Central at South America, sinamantala ng mga tao ang kahinaan ng España at naghimagsik. Walang laban ang mga Español at, halos sabay-sabay, naging malaya ang mga bayan duon at pinalayas ang libu-libong Español at mga frayle. Marami sa kanila, walang ibang napuntahan, ay dumanak sa Pilipinas upang magkaroon ng hanap-buhay, at tumulong magsamantala sa mga tao.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|