Si Rizal At Si Bonifacio
Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan
ay punong-kahoy na walang lilim, kundi man damong makamandag.
Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring
ang isa’y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao.
-- Emilio Jacinto, Mga Aral ng Katipunan sa Kartilya
KAPWA nagmahal sa Bayan, isa’y anak sa layaw, isa’y ulila sa mga squatters; ang isa’y ilustrado, nagtapos sa colegio at nagdalubhasang manggagamot sa Europa, ang isa’y timawa, naglako sa bilao sa mga lasangan ng Manila. Kapwa suklam sa pagkaapi ng mga tao, ang una ay nangutya at humingi ng pagbubuti, ang pangalawa ay nagtipon ng mga api. Nilibak ng una ang kakayahan at balak ng mga dukha, sinamba siya ng pangalawa sa pagkamagiting. Ang panitik ng una ang naglunsad sa himagsikan; ang himagsik ng pangalawa ang naging sanhi ng pagpatay sa una.
Ang unang ipinanganak ay si Jose Rizal, nuong Junio 19, 1861, sa hacienda ng asukal ng kanyang mestizong-Intsik na ama, si Francisco Mercado Rizal. Ang kanyang ina, si Teodora Alonso, ay isa sa pinaka-educadang Pilipina sa kapuluan nuon. Pagkaraan ng mahigit 2 taon, ipinanganak si Andres Bonifacio sa isang barung-barong sa Tondo, Manila, nuong Noviembre 30, 1863. Ang kanyang ama, si Santiago Bonifacio ay nabuhay sa pagsagwan ng bangka ng mga taong patawid sa ilog Pasig. Ang ina, si Catalina de Castro, ay kawani sa isang pagawaan ng tabako.
Onse anyos lamang si Rizal nang bitayin ang 3 paring Gomez, Burgos at Zamora, ngunit binatilyo na ang nakakatandang kapatid, si Paciano, na haling sa umiral na politica ng protesta. Kaya sadyang ihiniwalay ng ina si Jose, pinag-aral sa Ateneo de Manila at sa Universidad de Santo Tomas. Nagtuloy si Rizal nuong Mayo 5, 1882 sa Universidad de Madrid upang mag-aral ng medisina. Duon, nakatagpo niya ang ibang kapwa niyang mga ilustrado. Nagkargador na lamang ang ama ni Bonifacio, ngunit kapwa nagkasakit ng tuberculosis ang mga magulang. Nuong 13 anyos siya, namatay ang ina. Sumunod na taon, ang ama naman, at napilitan siyang iwanan ang pag-aaral ng ika-5 hakbang upang alagaan ang 4 na kapatid. Gumawa sila-sila ng mga tungkod na kahoy at mga abanikong papel, kapwa uso nuon sa mga mayayaman, at nilako sa mga lansangan ng Intramuros at paligid-ligid. Pagkaraan ng ilang taon, nakapasok si Bonifacio bilang mensahero sa Fleeming and Co. at sa sipag at dunong, nataas siya ng tungkulin at ginawang ahente. Kulang pa rin ang kita kaya lumipat siya sa Fressel and Co. bilang ahente rin, at duon niya nakaibigan ang 2 kawani rin, sina Pio Valenzuela at Emilio Jacinto.
Lagablab ang politica ng protesta sa mga ilustrado sa Barcelona, España, at nahawa si Rizal, bumulwak ang tinitimping pagkasuklam sa pang-aapi sa katutubo, namasdan niya mula pa nuong pagkabata. Sumapi siya sa mga mason [freemasons] at nagsimulang sumulat sa protestang pahayagan, La Solidaridad nina Graciano Lopez Jaena, taga-Iloilo, at Marcelo H del Pilar, ng Bulacan. Ang mga frayleng Franciscan, Augustinian, Recollect at Dominican ang sinisi ni Rizal sa pagkasadlak ng Pilipinas, at nanawagan sa ‘Inang España’ na:
Nagpatuloy sa pagdadalubhasa si Rizal sa France, Germany at Austria. Nuong 1886, timigil sa Belgium at sinulat niya ang Noli Me Tangere, nobelang nagbulgar ng kalabisan ng mga frayle. Ipinagbawal ng mga Español ang pagbasa ngunit maraming aklat ang napalusot at nabantog sa Manila. Isa sa mga patagong bumili ng Noli si Bonifacio, at isinama niya sa munting aklatang tinipon nilang 3 magkaibigan sa kanilang hanap-buhayan. Sina Jacinto at Valenzuela ay takaw din sa pagbasa at nagkasundo silang magsusyo ng mga aklat. Dinala ni Valenzuela ang mga aklat ng medisina niya; mga aklat ng batas at abogasya ang abuloy ni Jacinto, ang pinag-aralan niya dati sa San Juan de Letran at sa Santo Tomas. Ang mga dinagdag ni Bonifacio maliban sa Noli, ay ilang limbag ng La Solidaridad, ang bibliya, isang nobelang French, ang Les Miserables, at ilang aklat sa English, Lives of the Presidents of the United States, History of the French Revolution, at Religion Within the Reach of All. Mahapding panghihinayang ni Bonifacio na hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral; tinuruan ang sarili ng English, German at French, at nagbasa ng maraming aklat upang palawakin ang kanyang pag-iisip.
Nuong 1887, bumalik sa Pilipinas si Rizal pagkaraan ng 5 taon sa Europa ngunit madaling umalis muli sa payo ni governador general Eulogio Despujol, isang mason din, dahil sa galit ng mga frayle sa mga isinulat niya. Nagdaan ng Japan at America, bumalik si Rizal sa Europa at, sa London, England, tinapos ang pagsulat ng kanyang mga kuru-kuro at sapantaha sa Sucesos de las Islas Filipinas [Kasaysayan ng Sanpuluang Filipinas], tungkol sa nakalipas na kaugnayan ng mga tao sa Pilipinas, Malaysia at Indonesia, mula sa mga ulat nuong 1609 ni Antonio de Morga, isang archaelogist o tagapag-aral ng mga unang tao, tungkol sa mga gawi at pagsamba ng mga Tagapulong Timog nuong bago dumating ang mga Español. Sinulat din ni Rizal nuong 1891 ang pang-2 niyang nobela, El Filibusterismo [Ang Subersibo], karugtong ng Noli, at higit na palaban kung hindi tunay na mapaghimagsik.
Muling ipinagbawal ang pagbasa, muling pinuslit ang mga aklat, muling bumili si Bonifacio at isinama sa kanyang aklatan, at muling kumalat ang Fili sa kapuluan. At muling napuot ang mga frayle.
Inilit ng mga frayle ang haciendang inuupahan ng pamilya ni Rizal, sinunog ang kanilang bahay sa Calamba, at tuluyang pinalayas na. Bulag na ang ina ni Rizal. Tumakas ang mag-anak papuntang Hongkong at duon sumagsag si Rizal nuong Noviembre 20, 1891. Sa dunong at galing bilang manggagamot, mabilis siyang nakapagpatayo ng clinica, naging bantog sa mga taga-Hongkong at natustusan ang buong pamilya. Isinulat niya kay Ferdinand Blumentritt, kaibigang Aleman na nais pumigil sa pagbalik niya sa Pilipinas, na pati nang ama at mga kapatid niya ay nasa Hongkong na rin at mapayapang namumuhay. Ang mga magulang niya, sabi sa sulat, ay nais nang manatili sa Hongkong habang buhay sapagkat higit pa sa kayang pagtiisan ang naging buhay na nila sa Pilipinas. Gayun pa man, alumpihit na magpasa-Manila si Rizal, nasaring sa isinulat ng isang tagahanga duon tungkol sa mga nananawagan nang walang panganib sa Europa habang araw-araw nanganganib ang buhay ng mga nananawagan sa Manila. Pagkaraan ng 6 buwan lamang, sa hilakbot ng kanyang familia, bumalik sa Pilipinas si Rizal nuong Junio 26, 1892 , naniwalang duon at hindi sa Europa higit na mabisa manawagan. Itinatag niya nuong Julio 6 ang samahang Liga Filipina upang
At kampanya talaga ang ginawa niya - lakbay sa lalawigan, talumpating Tagalog, hindi Español, sa lahat ng nais makinig, tagpuan sa mga kilalang taong makakapaghikayat ng iba pa sa mga adhikain: Magkaisa, Magkasama-sama nang maayos, at Maging makibayan, Mapayapa sa gabay ng Inang España!
Si Bonifacio at libu-libo pa, marami ay ilustrado, ang sumapi sa Liga ngunit hindi nagtagal, dinakip si Rizal, dinala sa Malacanang at, upang hindi mabitay, ipinatapon ni Governador Despujol sa Dapitan [ngayon ay lungsod sa Zamboanga del Norte, sa Mindanao] nuong Julio 17, 1892. Gimbal at sindak ang buong Manila, dahil naging sagisag na si Rizal ng pagtawag ng ikabubuti ng mga Pilipino. Nuong gabi ng Julio 27, 1892, nagpulong nang lihim sa bahay ni Deodato Arellano sa Calle Azcarraga [ngayon, Claro M. Recto Avenue], sa Tondo, sina Bonifacio at ilang kaibigan, Ladislao Diwa, Teodoro Plata at Valentin Diaz. Nagkasundong itatag ang lihim na Kataastaasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, upang tuparin ang 3 adhikain:
Inilagda ang kanilang mga pangalan sa sariling dugo, nagbigay ng 25 sentimos na paunang-bayad at nangakong magbubuwis ng 12 sentimos buwan-buwan. At manghihikayat ng iba pang nais sumapi. Upang hindi mabuska ng mga Español, pumili sila ng mga palayaw na gagamitin sa halip ng tunay na pangalan.
Nawasak ang Liga Filipina bago nakapagsimula. Nalugi ang La Solidaridad nuong 1895, at sumunod na taon, namatay sa dalita at sakit sina Marcelo del Pilar at Graciano Lopez Jaena sa Barcelona. Antal na ang mapayapang pag-adhika ng mga ilustrado. Simula nang gabing iyon, dugo ng mga timawa na ang mananawagan.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|