Si Roxas At Ang Mga Collaborators
...Julio 4, 1946, sinimulan ang Republica ng Pilipinas at naging
unang Pangulo si Manuel Roxas. Durog-durog ang Manila...
Napakaraming Pilipino ang walang sapat na pagkain
nuong araw na iyon. Kahindik-hindik ang precio ng bigas
- Robert Aura Smith, Philippine Freedom, 1946-1958,
Columbia University Press, New York, 1958
Nasiwalat ang cancer na kumalat sa bayan. Natunghayan ng mga tao kung paano ginamit
ang
pamahalaan upang magpayaman...ang pagmamalabis ng mga kamag-anak at iba’t ibang anomalia, ang pagkagutom
at kawalang-wala ng mga tao...
Julio 4, 1946 ay tinalikuran na ng mga Pilipino bilang araw ng paglaya
- David Joel Steinberg, The Philippines, A Singular and a Plural Place,
Westview Press, Colorado, 2000
KASAMANG lumaban sa Bataan at Corregidor si Manuel Roxas nang lumusob sa Pilipinas ang mga Hapon nuong 1942. Tumakas siya nang magwagi ang mga Hapon ngunit nabihag siya ng mga ito sa Mindanao at, matapos tanggapin ang alok na maglingkod sa pamahalaan sa ilalim ng Japan, ibinalik siya sa Manila upang maging Kalihim ng Palay at Bigas [Minister of Rice] sa pamahalaan ni Jose Laurel sa ilalim ng mga Hapon nuong 1943-1944. Ang mga tinawag na collaborators.
Tangi at mahalaga ang tungkulin ni Roxas at naubos ang kanin sa Pilipinas dahil sa hakot para sa libu-libong sundalong Hapon na patuloy na sumasakop sa mga pulo ng Timog Silangan nuong mga taon na iyon. Taimtim na nanungkulan si Roxas, tumulong hindi lamang sa paghakot ng bigas kundi pati sa pagtanggol sa mga palayan at bodega laban sa mga Huk at mga guerrilla na tumatangay sa bigas o sumisira sa mga bukirin na pinagkukunan ng mga Hapon. Bagabag si Manuel Quezon, pangulo ng Commonwealth at ng pansamantalang pamahalaan ng Pilipinas sa America. Ilang ulit siyang nakiusap sa mga Amerkano na sagipin si Roxas mula sa Pilipinas kung maaari ngunit walang nagawa, namatay sa tubercolosis si Quezon nuong Enero 1944 at pinalitan ng kanyang Pangalawa (vice president), si Sergio Osmena, at patuloy na naglingkod si Roxas sa mga Hapon hanggang pagbalik ng mga Amerkano at pagpalaya muli sa Pilipinas nuong Octobre 1944 hanggang Marso 1945.
Agad ipinabilanggo ni General Douglas MacArthur sina Laurel, Claro Recto at iba pang mga collaborator subalit pinalaya niya si Roxas at hinayag na nag-espiya ito para sa mga Amerkano nuong panahon ng Hapon. Ipinagpilitan niya, sa angal ng mga guerrilla at mga lumaban sa Hapon, na sa pagligid-ligid ni Roxas sa buong Pilipinas, nakaniig niya ang iba’t ibang pangkat ng mga guerrilla at nakapagpahatid ng mga palatas sa hukbong Amerkano sa Australia. Pinakawalan din ni MacArthur at ibinalik sa kanilang tungkulin ang mga dating pinuno ng mga lalawigan at pamahalaan nuong bago magpanahon ng Hapon. Sa lawak ng paghihirap ng mga tao at pagkawalang makakain, naging maalab ang salungat ng mga Huk, guerrilla at iba pang lumaban sa mga Hapon, sa pagbalik ng mga dating pinuno, marami ay naglingkod at nagpayaman sa ilalim ng mga Hapon. Bagaman at binantayan at ipinagtanggol ng mga Amerkano ang mga mayaman at ‘matataas,’ maraming Makapili at iba pang ‘maliliit’ na collaborator ang pinarusahan at pinatay sa mga lalawigan. Lumawak din ang paghihiganti at pagnanakaw sa mga yumaman nuong digmaan.
Sa hirap at gulo ng panahong tinawag na Liberation, hindi nakatulong ang pagkulo ng politica nang kumalas ang isang pangkat mula sa Partido Nacionalista [Nacionalista Party] at hinamon si Osmena sa ngalan ng kanilang bagong Partido Liberal [Liberal Party]. Nuong Enero 1946, hinirang ng bagong pangkat na tumakbong pagka-pangulo si Roxas.
Hindi kumampanya si Osmena sa halalan nuong 1946 sa paniwalang alam na ng lahat kung anu-ano ang nailingkod niya sa bayan. Matanda at mahina na ang katawan ng 68-anyos na Osmena nuon. Malamang din na maraming nagdamdam nang lumisan sila ni Quezon at iniwan ang mga tao na walang muwang sa lupit ng mga Hapon. Kahit ano pa man, natalo si Osmena sa halalan nuong Abril 1946 at si Roxas ang naging unang pangulo ng Republica nang matuloy ang Pagkapag-sasarili ng Pilipinas [Philippine Independence] nuong Julio 4, 1946.
Tumanggi si Roxas na humingi ng tawad, ipagpaumanhin ang kanyang pagiging collaborator, at lubusang kabaligtaran, tinangkilik niya ang mga kapwang kumampi [at ang karamihan ng mga yumaman] sa mga Hapon, ginawa niyang tagapamahala ng mga tulong mula sa America [US foreign aid] at ng bayad-pinsala [war reparations] mula sa Japan. Ang mga dating collaborator ay nagkamkam at nagpatuloy ng pagpayaman sa mga sarili. Ginamit din ni Roxas ang kanyang tungkulin upang salangin ang tangka ng America, sa sulsol ni Harold Ickes, kalihim panloob [secretary of the interior] ng America, na parusahan ang mga collaborators. Binawasan ni Roxas at ng kanyang mga kakampi sa pinulong muling Batasan [Commonwealth Legislature] nuong Agosto 1945 ang mungkahi ni Osmena na bumuo ng tanging hukuman upang usigin ang mga collaborator. Dahil naging maliit at dukha ang hukuman, tumagal ang paglitis ng mga nasakdal hanggang, nuong Enero 1948, pinatawad at pinakawalan silang lahat ni Roxas bilang pangulo sa isang general manesty.
Nasupil ni Roxas si Osmena at ang mga Nacionalista at napipilan niya ang mga magpahiganting Amerkano ngunit hindi niya napatahimik ang mga hampas-lupa sa Gitnaang Luzon sa kanilang kalampag laban sa mga collaborator. Nagwagi sa halalan nuong Abril 1946 si Luis Taruc at 5 pang kasapi sa DA-PKM [Democratic Alliance-Pambansang Kaisahan ng mga Magbubukid] ngunit, sa utos ni Roxas, ang bagong halal na pangulo, hindi sila pinapasok sa Batasan nang hirangin ang Republica nuong Julio 4, 1946. Sa labu-labong sumunod, mahigit 2,000 kasapi ng DA-PKM ang napatay o ‘naglaho’ sa Gitnaang Luzon. Hinukay na muli ng mga hampas-lupa ang mga itinagong sandata sa mga bara-baranggay, ngunit naantal ang aklasan habang nag-uusap pa ang mga pinuno ng DA-PKM at ang mga sugo ni Roxas.
Kulang-kulang sa 2 buwan, nuong Agosto 24, 1946, sumabog ang labanan.
Paluwas sa Manila si Juan Feleo, bayani ng digmaan at pinuno ng PKM, nuong araw na iyon upang makipag-usap sa mga pinuno ng pamahalaan. Kasama niya ang asawa at 5 kapanalig sa PKM, at hatid-hatid sila [under escort] ng military police ng hukbong sandatahan [Philippine Army] nang ‘naglaho’ sila. Ihinayag ng naghatid na military police na na-kidnap sila Feleo. Natagpuan ang kanilang mga bangkay sa ilog ng Pampanga pagkaraan ng 2 linggo. Pugot ang ulo ni Feleo.
Kalat-kalat ang labanan sa paligid ng bundok ng Arayat at sa malawak na putikan ng Candaba. Inabot ng isang taon bago napagbuo muli nina Taruc ang mga sandatahan duon nuong Junio 1847 sa panibagong bansag na HMB o Hukbong Mapagpalaya ng Bayan [Peoples Liberation Army]. Sampal sa kanyang pamahalaan bago pa man siya nagsimula, palit-palitang pagkausap at pagsupil ang tinunton ni Roxas sa pagturing sa mga Huk. Nagtatag siya ng Kinatawan Ng Pagsasaka [Agrarian Commission] na nagbatas na 7 bahagi ng ani ang laan sa mga magsasaka at 3 lamang sa may lupa, tulad ng matunog ngunit hindi natupad na palabas ni Manuel Quezon, pangulo ng Commonwealth nuong bago nagpanahon ng Hapon. Kontra-mando, hiningi ng mga Huk na ibalik sa Batasan ang mga nanalong kinatawan ng DA-KPM, at lansagin ang military police at kapatawaran [amnesty] sa lahat ng Huk. Ayaw din ng mga Huk isuko ang kanilang mga sandata.
Mando, ipinagbawal ni Roxas ang mga Huk bilang mga subersibo at inutos sa sandatahang bayan [Philippine armed forces] na sugpuin nang puspusan ang mga ito. Kasalukuyang pumupuksa si Roxas nang atakihin siya sa puso at namatay nuong Abril 1948.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|