Pagbabalik Ng Magiting
Palakasin ang kapangyarihan ng mga tao at uunlad ang bayan,
magpapantayan sa lipunan at magkakaisa ang mga mamamayan.
- Fidel Ramos, Pangulo ng Pilipinas, 1992-1998
IPINANGANAK nuong Marso 18, 1928, sa Lingayen, Pangasinan. Ama si Narciso Ramos, abogado, 5 ulit kinatawan sa Batasang Bayan [Philippine Congress] at dating kalihim panlabas [secretary of foreign affairs] ng Pilipinas. Ina si Angela Valdez, guro, taga-Batac, Ilocos Norte.
Nag-aral sa America, sa West Point Military Academy sa New York nuong 1950, nagtapos ng civil engineering sa University of Illinois nuong 1951. Lumaban bilang tenyente ng hukbo sa digmaan sa Korea nuong 1952. Namuno sa mga sundalong Pilipino ng Civic Action Group sa digmaan sa Vietnam nuong 1966 hanggang 1968. Pinuno ng PC [Philippine Constabulary] hanggang Pebrero 1986. Ministro ng Tanggulang Bayan hanggang 1992. Pangulo ng Pilipinas, 1992 hanggang 1998.
Bago pa nahirang na pangulo nuong Hunyo 30, 1992, natupad na niya ang pinakamalaking tungkulin niya sa bayan. Naiwasan ang digmaan at nanatiling malaya ang Pilipinas. Gaya ngunit higit sa mga magiting ng baranggay nuong panahon ng mga magdaragat, si Fidel Ramos ay isang magiting ng bayan. Sa kanyang walang maliw na pagtangkilik kay Pangulo Cory Aquino nagapi ang paghahari ng mga nag-kudeyta-kudeyta nang walang puknat, at nanaig ang pamahalaan ng mga tao. Sa kanyang mahinahong paraan, hindi naganap ang digmaan ng mga magkabayan [civil war] na malamang hangad ng mga nais maging diktador gaya ni Ferdinand.
Sapat na iyon upang tanghalin siyang bayani. Ang iba pang nagawa ni Ramos bilang pangulo ay dagdag na lamang.
Tinangkilik niya si Ernesto Garilao bilang kalihim ng Pagsasaayos ng Pagsasaka [secretary of land reform] nuong 1992, na nagbahagi ng kulang-kulang 2 milyon hektarya ng lupa sa mga magbubukid. Bagama’t hindi ganap, napakalaki naman ang natupad ni Garilao kung ihahambing sa 848,518 hektaryang ipinamahagi sa pamumuno ni Cory Aquino, na hinaluan pa ng pandaraya ng kapatid, si Jose Cojuangco. Si Garilao din ang nagsulsol sa mga samahan ng mga magsasaka na makisali sa pangangasiwa ng bahagian ng lupa hindi lamang upang mapadali ang pagbabahagi, kundi upang maganap ang pagmumudmod. Hindi masabi nang tuluyan ni Garilao, ngunit sa dami, yaman at kapangyarihan ng mga kalaban ng land reform sa Pilipinas, ang mga nangangasiwa ng pagsasaayos ng sakahan ay nangangailangan ng tulong, hindi ng sumbat.
Nakipagpayapa si Ramos sa MNLF [Moro National Liberation Front] matapos ng 24 taong pag-aaklas nito sa Mindanao, bagama’t nagpatuloy ng paglaban ang katuwang na pangkat na MILF [Moro Islamic Liberation Front] sa Basilan at Sulu. Inis din ang ibang pinuno sa pamahalaan dahil sa unti-unting pagbigay ng sarilinang pamamahala [autonomy] sa mga lalawigan ng mga Muslim. Ang pag-unlad ng paghanapang-buhay [economy] ng Pilipinas na inasam nuon pang namumuno si Aquino at nagsimula nuong 1992, lalo na nuong 1994 - 1995, sa pagharap ni Ramos sa mga suliranin ng koryente at tubig, pagsupil sa pagkurakot sa pamahalaan at pagpapasok ng pundar mula sa ibang bayan [foreign investments]. Ngunit gaya ng kasunduan sa Mindanao, hindi ganap ang bisa, at nadamay ang Pilipinas sa pagbagsak ng paghanapang-buhay sa buong Asia nuong 1997 bagaman at hindi kasing sidhi ng dinanas ng mga katabing bayan.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|