Si Quirino At Ang Minimum Wage
Sa maraming paratang ng katiwalian ng mga nasa pamahalaan, wala ni isang nagbahid sa
karangalan o bait ni Quirino. Inamin ng lahat na siya ay mabuting tao, kabutihang
sinamantala ng mga pusakal na nakapaligid sa kanya. Ang gapang ng corruption ay
nagsimula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas, maliban na lamang kay Quirino.
- Robert Aura Smith, Philippine Freedom 1946-1958,
Columbia University Press, New York, 1958
NAGING Pangulo ng Pilipinas ang kanyang Pangalawa (vice president), si Elpidio Quirino ng Vigan, Ilocos Sur, nang mamatay si Manuel Roxas nuong 1948. Tanyag at iginagalang si Quirino nuon, batikang politico kahit masasabing may pagka-makaluma (conservative). Kaiba kay Roxas na laging nasa harapan, nagsisigasig si Quirino sa loob, at kasama, ng kanyang pangkat at mga kabig. Nakalaban niya si Jose Laurel, ang nagsilbing Pangulo nuong panahon ng Hapon, sa magulo at madugong halalan nuong Noviembre 1949. Nagwagi si Quirino, at nabunyag na makapayapa [pacifist] pala siya nang taimtim niyang tinangkang pagbuklod-buklurin ang mga nag-aaway na pangkat-pangkat sa buong kapuluan. Nakipagkasundo rin siya ng kapayapaan [peace treaty] sa Japan, gayung siya ay ikinulong at pinahirapan nuong panahon ng Hapon, at ang kanyang asawa, si Alma Syquia, at 3 anak niya ay pinatay ng mga Hapon.
Marami siyang nahikayat at kung malaganap pa man din ang karahasan, ito’y unti-unting nabawasan at nagsimulang tumahimik ang kalakihan ng bayan, maliban sa 2 - ang sugod ng mga Huk sa Luzon, at ang pusok ng mga Muslim sa kanlurang Mindanao. Sa 5 taon niyang pamamahala, iba’t ibang paraan at pakana ang pinairal niya upang mapatahimik ang bayan at umunlad ang buhay ng mga mamamayan. Siya ang nagpasimula ng takdang arawang kita [minimum daily wage] para sa mga manggagawa at sa mga kawani ng pamahalaan. Umutang siya ng 200 milyon dolyar mula sa America upang pundaran ang ACCFA, pautangan ng mga magsasaka, sinabayan ng pagtatag niya ng mga bangko sa lalawigan upang mapundaran ang mga tagaroon. Isinugo niya ang kanyang kapatid, si Antonio Quirino, upang makipagkasundo kay Luis Taruc. Inalok niya nuong Junio 21, 1948 ng kapatawaran [amnesty] ngunit tumanggi ang mga Huk na isuko ang kanilang mga sandata. Nagpatuloy ang sagupaan sa Gitnaang Luzon.
Mabuti man ang pagkatao, kahit mahusay ang damdamin at mga tangka ni Quirino, nadaig siya ng mga alalay at kakampi sa politica, ang mga gahaman at walang pitagang nagnakaw sa pamahalaan na pinakawalan at binigyan ng kapangyarihan ni Roxas. Sa pamahalaan ni Quirino nagsimula ang masaklap na gawi sa Pilipinas - ang bawat pamunuan [administration] ay nawawatak, walang pangulo ang muling nahahalal dahil sa kagagawan ng kanilang mga kawatan at katulong sa politica. Sa English, graft and corruption ang tawag, latay pa sa likod ng bayan hanggang ngayon.
Sukdulang kakatwa na si Quirino, ang mapagpayapa, na kusa at handang pagbigyan ang mga Huk, ang naging sanhi ng pinakamasidhing lusong ng mga tagabukid nuong 1950 nang umabot sa 15,000 ang mga nag-aklas. Ang patayan, mga karahasan at pandarayang naganap nuong 1949 nang mahalal muling pangulo si Quirino ang nag-udyok sa maraming magsasaka na tumulong o sumanib sa mga Huk. Biglang nadagdagan ang 10,000 Huk na nakikipagbaka sa Gitnaang Luzon, kumalat pa sa hilaga at timog Luzon, maniwaring sa Visayas din - nagkaroon duon ng mga “komite” upang maghikayat at magturo sa mga nais mag-Huk.
Nang nagpahinga na mula sa politica si Quirino, kinalimutan ang ginawa niyang pagpaunlad ng buhay ng mga tao; inalaala lamang ang paglaganap ng graft and corruption sa kanyang pamahalaan. Ang mapagpayapa, kinalimutan ang kanyang pagbuklod ng mga nag-aaway na pangkat-pangkat sa buong kapuluan; inalaala lamang ang pag-alsa ng mga Huk sa Luzon. Sa maraming kabutihang ipinamana ni Quirino sa bayan, isa lamang ang tanging inamin at inaalaala pa hanggang ngayon, ang paghirang at matapat na pagtangkilik niya, hanggang sa kahuli-hulihan, sa naging pambato laban sa mga Huk, si Ramon Magsaysay, ang tumalo sa kanya sa halalan nuong 1953.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|