Ang Pilipina, Ginang Pangulo
Maganda at bata pa ang Reyna, nakatapis ng telang puti at itim.
Pulang pula ang kanyang mga labi at mga kuko sa daliri...
- Antonio Pigafetta, tungkol sa asawa ni Rajah Humabon
ANG kapuna-puna sa pagiging Pangulo ni Ginang Corazon Aquino ay hindi ang gulo at himagsikang sumaliw sa pagpapalayas kay Ferdinand Marcos. Ni hindi ang pagiging unang babaing naging Pangulo ng Pilipinas.
Ang kapuna-puna ay walang nabahala na babae ang naging pinuno ng bayan, maliban sa mga pa-kudeyta-kudeytang sundalo, nais ibalik ang kanilang pagkamataas sa pamahalaan kahit sino pa man ang nasa Malacanang!
Tandaan: Giliw ng mga mamamayan si Imelda Marcos, bago siya nagkaroon ng libu-libong sapatos, sukdulang naging hindi lamang Unang Ginang kundi naging katuwang na ni Marcos sa politica. At ang pagtambang at pagpatay sa ginigiliw na Aurora Aragon, biyuda ni Manuel Luis Quezon, ang simula ng pagkatalo ng kasindak-sindak na aklasan ng mga Huk nuong 1950s nang napanghal ang karamihan ng mga mamamayan sa walang hunos-diling pagkitil.
At isang ginang uli, si Gloria Macapagal Arroyo, ang naging kapalit na pangulo nuong 2001 nang mag-aklasan muli sa Manila, laban naman sa artistang naging pangulo, Joseph Ejercito Estrada. Aakalain sa mga pangyayari na malaki ang tiwala ng mga Pilipino na ayusin ng mga babae ang mga gulong kinasasangkutan ng mga lalaking pinuno ng bayan.
At hindi lamang sa kasalukuyan. Malamang gawa-gawa lamang si Maniwantiwan, ang asawa nawa ni Datu Marikudo sa huwad na Maragtas, at alamat lamang din si Urduja, ang princesa ng hindi matuntong pook [inaangkin siya sa Pangasinan] na nagsalita daw ng Turkish sa harap ng emperador ng China, nuong bago pa dumating ang mga Español. Ngunit pansinin na walang nagugulat na maaaring maging pinuno at makapangyarihan ang mga babae nuong unang panahon. Hindi nga nanguna ang Pilipina sa lipunan ng mga naunang tao sa Pilipinas ngunit lagi siyang kapantay ng mga lalaki, katayuang biglang nawala sa 300 taong sermon at himuki ng mga taga-Europa, at ngayon lamang unti-unting naibabalik.
Pati sa digmaan, hindi gawa-gawa, lubusang totoo, na ang unang sapok ng mga guerrillang Pilipino laban sa mga Hapon nuong 1942, panahon ng digmaan, ay pinamunuan ng isang Pinay. Tinambangan ni Felipa Culala at ng kanyang pangkat ng magsasaka ang isang patrol ng mga sundalong Hapon at mga Pilipinong pulis na traitor. Mahigit 50 ang napatay nina Felipa, at nakasamsam sila ng mga 30 baril. Ito ang simula ng pagsabak ng mga guerrilla sa Luzon at buong kapuluan nuong panahon ng Hapon.
Hindi nakakapagtaka, kung susuriin na mahigit na may kapakanan ang mga Pilipina nuong bago dumating ang mga Español, sa lipunan ng mga unang Pilipino. Hindi babae ang nangunguna sa politica o lipunan ng Pilipinas; hindi naging matriarchal ang Pilipinas kahit kailan, gaya ng nais akalain ng ilan-ilan, ngunit itinangi ang mga babae sa Pilipinas, higit kaysa sa ibang bayan sa Asia, mula pa nuong unang panahon, nang mayroon silang mga sapat na kapangyarihan. Nuon, hindi binibitawan ng mga babae ang kanilang pangalan kapag nag-asawa. Malaya silang nagmana ng kapangyarihan at tungkulin ng mga magulang. Kapag naghiwalay ang mag-asawa, kalahati ng yaman at mga anak ay sa babae, maliban kung siya ang dahilan ng paghihiwalay. Kung ang lalaki ang may sala, ang lahat ng yaman at anak ay sa babae. Kapantay ng mga lalaki ang mga babae sa pag-aaral, pagkakalakal at pagmamahala ng yaman. Mayroon ding mga tanging karapatan ang mga babae nuon, gaya ng kung ilan ang nagiging anak. Gawi na ng mga Pilipina ang family planning nuong hindi pa man nagiging Kristiyano ang mga Español, nuong pagano pa ang buong daigdig.
Sila ang mga pari ng unang lipunan.
Nuong unang panahon, may mga kapangyarihang itinatangi sa mga babae lamang. Ang mga babaylan sa Visaya, ang mga catalonan ng mga Tagalog, ang mga baliana sa Bicol, ang mga managanito sa Pangasinan, at iba pang may gawaing maka-pari o relihiyosa ay pangkaraniwang babae. Nang dumating ang mga Español at pinalitan ang pagsamba, hindi lamang iilang babaing pari ang namuno sa pag-aklas, paglaban, pagpatay sa mga frayle at, sa pagkagapi, sa pagtakas sa liblib ng gubat at bundok.
Nanatili ng kaunti ang pananalig sa mga babae, sa katauhan ng mga hilot na nag-alaga sa maysakit at mga comadrona na tumulong sa panganganak ngunit lubhang nasaklaw ang kapangyarihan at kakayahan ng mga babae sa pagsakop ng maka-lalaking lipunan ng mga Español. Nasadlak ang mga babae sa pagiging maybahay, katulong sa bukid, hubad sa pag-aari, salat sa pag-aaral at palagiang pangalawa sa mga lalaki.
Tagapagdasal sa altar, tagapaglinis ng simbahan, tagapaglaba ng frayle, kasiping ng mga dayuhan, ina ng milyon-milyong mestizong Español at mga anak pari. Unti-unting napag-iba, napaglamat ang lipunan ng mga dating may kapangyarihang panatiliing buo ang samahan ng mga taga-baranggay, sapagkat ang mga mestizo ay nangibabaw sa mga katutubo. At naging hangarin ng bawat ina na maging maputi ang mga anak, makapag-asawa ng mayamang Español, magmana sa ari-arian ng mga frayle.
Naging ang maputi lamang ang maganda. Pinalo ng mga ina ang mga anak na dalagitang nagbilad sa araw at nangitim. Nagpayong ang mga dalaga kahit hindi umuulan, basta sumikat ang araw. Nagpatuloy sa ilalim ng mga Amerkano ang hapdi ng pagpalo at ang sidhi ng hangad ng mga ina, hanggang umabot “hanggang pier na lang” ang mga nagkaanak ng libu-libong mestizong Amerkano. Hindi nasiraan ng loob, hindi biro ang kasabihang ang mga Pilipina ang “tunay na lalaki” [“the Pilipina is the better man”]. Ang mga mestiza ay nag-artista sa pelikula, sa television, sa tanghalan, pumasok sa entertainment industry hanggang maging bantog muli ang mga tisay sa paningin ng madla, at naari nila ang media. Pati sa ibang bayan, nagkamit ng tagumpay at papuri ang mga Pilipinang Miss Universe at Miss International.
Ang mga nagkapalad na ma-pamilya sa mga maykaya ay nagpasukan sa mga paaralan, mga kolehiyo at dalubhasahan sa loob at labas ng Pilipinas. Sinamantala ang pagkakaroon muli ng mga karapatan, naging mga professional, pinakamarami sa Asia, - abogada, doktora, pharmacists. Hindi pa sila ganap na kapantay ng mga lalaki sa paningin ng batas, lalo na kapag may-asawa. Hindi maaaring makipakasundo [sign contracts] nang walang pagsang-ayon ng lalaki; kapag nagkahiwalay, higit na malaki ang buwis ng babae kaysa sa lalaki. Subalit marahan at patuloy nilang nababawi ang mga kapangyarihan at tungkuling angkin ng mga naunang Pilipina.
Ang katahimikan ng pamilya ay inilalaan sa pagsisikap at pagpapakasakit ng asawang babae. Ang babae pa rin ang namamahala ng mga gawaing bahay at pag-aalaga ng mga anak kahit ngayon gayun maaaring siya ay nagmamasukan din at naghahanap-buhay gaya ng asawang lalaki. Ang babae ang nakagisnan nang humahawak ng salapi ng pamilya. Matapang, baka mapusok pa, ang lalaking nakikipagkasunduan tungkol sa yaman at kapakanan ng pamilya nang hindi inayunan o alam ng asawang babae.
Sa bilangan nuong 1990, nabunyag na higit na maraming Pinay kaysa Pinoy ang nakapag-aral, 13 sa bawat 20, at malamang ito ang dahilan kung bakit sila nakalalamang sa ilan: Pinay ang 3 sa bawat 5 naglalako [sales], nagdadalubhasang kawani [technical positions] at sa mga lisensiyadong gawain [professions]. Sila rin ang pinipiling manggagawa sa mga pagbubuo-buong pagawaan [assembly-type factories]. Siyam sa bawat 10 katulong sa bahay ay babae.
Oo nga’t dispatsadora, waitress at atsay lamang, ngunit ito ay malaking dahilan kung bakit Pinay ang 2 sa bawat 3 lumuluwas sa Manila at iba pang lungsod mula lalawigan. At nakasasampa naman sila sa balakid ng kinagisnang palakad ng Español na laging sumunod at pagbigyan ng babae ang lalaki. Dinadaan marahil sa tiyaga, ngunit higit na nakarakami ang mga babaing namamasukan sa pamahalaan at sa private sector kahit na 3 lamang sa bawat 20 kawaning babae ang hinihirang na tagapangasiwa o inilalagay sa nakatataas na tungkulin [managerial and executive positions], ang tinatawag na rurok ng babae [glass ceiling].
Maraming suliranin ang Pilipina, nag-aalaga na nga ng bata, naglilinis pa ng bahay, naghahanap-buhay pa, tapos mas mababa pa ang suweldo sa trabaho. Ngunit malaki ang tiwala na madadaig ng Pinay ang lahat ng sagabal, kahit na ang tinatawag na glass ceiling. Tuusin, kung isang maybahay ay kayang labanan at talunin ang isang diktador ng sandatahan, bakit hindi?
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|