Palay

Palay, Bigas, Kanin

Bukid na mabato
Tinubuan ng damo

                - Awit sa paaralan

PAGKAIN ay kanin, biyaya ay bigas, buhay ay palay; handog ng langit o milagro mula Los Banyos? May alamat ang mga Kachins sa hilagang Myanmar [dating Burma] na binigyan sila ng mga bathala ng palay nang manggaling sila sa kalagitnaan ng daigdig. Sa alamat ng mga Aeta, 3 poon din ang nagbigay ng kanin, ang akala nila puting uod, bago itinuro sa tao kung paano magtanim, magluto at kumain ng bigas.

Ayon sa Shinto, matandang relihiyon ng Japan, ang Emperador ay anak-anak ni Ninigo-no-mikoto, ang diyos ng palay. Sa India, ang diyos Vishnu ang nag-utos sa lupang patubuin ang palay at ang diyos Indra ang nagturo sa mga tao kung paano magtanim nito. Sa Bali, Indonesia, may tanging diyos ng palay, si Dewi Sri. Kung anihin duon ang palay, hindi ginagapas ng saklay kundi ginugupit isa-isa, gamit sa daliri ang maliliit na pamutol.

Mahigit 10,000 ang uri ng palay ngunit 2 lamang ang itinatanim, ang O.glaberrima na bihirang makita, at ang pinakabantog sa daigdig, O.sativa na may 3 angkan - 2 sa Africa na bahagyang itanim at ang pang-3 O.rufipogon na kinakain ng mahigit kalahati ng mga tao sa mundo. Maraming tipo o varieties ito; ang 2 bantog sa Asia ay sinimulang gamitin 2 o 3 milyon taon SN, ang buhaghag na tinatawag na indica at ang medyo malagkit na japonica o sinica. Millet

Pinipilit ng China na duon nagsimula ang palay, ngunit sa mga basag-basag na palayok sa Non Nok Tha, sa Thailand, natagpuan ang pinakamatandang butil-butil ng O.sativa, inani mahigit 6,000 taon SN. Sa Thailand din natuklasan, sa Spirit Cave sa tabi ng Myanmar, ang mga pananim mula 12,000 taon SN, nagpapahiwatig na nagsimulang nagtanim ang tao higit na maaga kaysa sa akala.

Millet, isang uri ng butil-butil na hindi malinamnam, ang kinakain pa sa China nang magsimulang magpalay ang mga taga-Thailand. Madaling kumalat sa mga katabing Myanmar, Vietnam, Laos at Cambodia hanggang naging magkatugma ang bigas o palay sa kanilang wika sa pagtatanim at sa pagkain, gaya ng magtanim-magsaka o kain-kanin sa Tagalog. Unang tinanim parang gulay ang palay, ibinabaon ang butil sa lupa at dinidilig. Maunti lamang ang ani sa ganitong sikap at mahirap ang pagbunot ng damo at pagdilig halos araw-araw. Pagkaraan ng maraming taon, natutunan sa China ang paglusong, na gawa pa hanggang ngayon - bininhi o itinanim at pinausbong ang mga butil nang kahiwalay, pinantay at nilunod nang ilang araw ang lupa bago binunkal at pinaligiran ng mga pilapil upang hindi tumagas ang tubig. Pagkatapos, itinanim ang binhi sa putik na natatakpan ng tubig. Ito ang tinatawag ngayong pag-araro ngunit pala, kalaykay o asarol ang unang gamit, matagal pa bago natuklasan ang araro.

Ang paglulunod ay nakapagpapayaman sa lupa dahil sa naagnas na mga ugat at damu-damo. Higit na mabilis kung susunugin ang damu-damo at ikakalat ang abo sa lupa, gaya sa kaingin. Pinapastol din ang mga kalabaw sa bukid upang maging pataba and kanilang dumi. Sa Korea at ilang lugar sa China, ang dumi ng tao ang ginagamit na pataba. Pinagtutumpok ng mga Igorot ang mga basa at naaagnas na ugat at damo at pinahahanginan upang maibalik sa lupa ang yaman. Ngunit kahit anumang gawi, ang lupa ay nagiging salat pagkaraan ng 7 o 8 ani at kailangang iwanang nakatiwangwang nang ilang taon bago matamnam muli. Gaya sa mga kaingin. Kaingin

Ang pagbibinhi ng palay 1 - 6 linggo bago itanim sa bukid ay nagbibigay ng palugit sa palay nang hindi madaig ng mga ligaw na damo na higit mabilis tumubo kaysa palay. Ang tubig ding tumatakip sa bukid nang ilang araw pagtapos ng taniman ay nakakapigil sa pag-usbong ng mga ligaw na damo, at nakakabawas sa damong kailangang bunutin at alisin sa bukid habang tumutubo ang palay. Nababawasan ang ani kung lubhang dumadami ang damo sa bukid; ito ang dahilan kung bakit hindi mahilig ang Pilipino sa damo, isang pinagtatakahan ng mga Amerkano at mga taga-Europa na hindi nagdaan sa libu-libong taon ng pagbubunot ng damo.

Ang mga taga-hilagang Vietnam at katabing bundukin sa timog-kanluran ng China ang unang nagdala sa Pilipinas nuong 4,000 taon SN ng gawing pagtatanim, sa suson-susong palayan [rice terraces] sa mga gulod. Gawi pa ito ng mga Igorot sa Cordillera at sa ilang pook sa Indonesia hanggang ngayon.

Limang daan taon pa bago nagsimulang magpalay sa Indonesia. Nuong una kaingin sa mga gulod, gawing dinala ng mga dayo sa Visayas at iba’t ibang pulo ng Pilipinas. Sa Indonesia rin, at malamang sa India at China, nagpalay sa mga putikan sa tabi-tabi ng mga ilog at sapa. Hindi matanto kung kailan nagsimulang gawin ito ngunit inaakalang ito ang pang-2 gawi ng pagpapalay. Sinasabi sa Indonesia, India at China na natuklasan ang palay sa putikan at hindi dapat akalain na nauna ang pagpapalay sa gulod sapagkat sa mga pook duon, higit na maraming nanirahan nuon sa mga ilog kaysa sa mga bundok.

Dalawang ulit mang natuklasan ang palay, magkasabay man o nauna ang isa, tiniyak na maraming taon ang nagdaan bago nagsimula ang pang-3 gawi ng pagpapalay, ang paggawa ng pilapil sa kalatagan sapagkat (1) kailangan nito ang pagsasamahan ng maraming tao; (2) dapat matutunan munang kalaykayin at pantayin ang lupa at mga kanal na daraanan ng tubig; at (3) mangyayari lamang ang mga ito kung marami nang nagkukumpol na tao, hindi ang pangkat-pangkat ng mga magkakamag-anak lamang gaya ng mga nagkakaingin. Putikan

Dinala rin sa Pilipinas ang natutunang pagpapalay sa kalatagan pagkaraan ng ilang daang taon, at naging dahilan kaya naging isang malawak na bukirin ang buong Gitnaang Luzon [Central Luzon]. Nuong 2,100 taon SN, nagpalay na rin sa Japan. Naimbento na ang araro nuon, malamang sa China gayung mga taga-Indonesia ang nagdala ng araro, at malamang kalabaw na rin, sa Pilipinas. Nauna pa sa Pilipinas nang 500 taon ang India sa pagpapalay at maaaring sila ang unang gumamit ng baka sa pag-aararo. Sa India nagmula ang palay na dumanak sa Africa at sa paligid ng Mediterranean Sea, dala ng mga sundalo ni Alexander The Great nang bumalik sila sa Greece nuong 2,340 taon sa nakaraan.

Hindi gaanong lumawak ang pagpapalay sa Europa kahit laganap na sa Arabia dahil sa nakasabay ng pagdanak duon ng malaria na tinunton ng mga tagaruon sa masamang [mal] hangin [aere] ng mga putikan. Hindi man nila alam na lamok ang nagdadala ng malaria, napigil nila ang paglaganap ng sakit matapos nilang patuyuin ang mga putikan; nawalan tuloy ng taniman ng palay.

Ang mga alipin mula Africa ang nagdala ng palay sa America, una sa South Carolina tapos sa Georgia, na ngayon ay mayroon mabunying ani ng bigas taon-taon. Ang mga Portugis at mga Español ang nagdala ng palay sa South America, galing sa Indonesia at sa Pilipinas.

Lahat nang gawi ng pagpapalay ay nadala sa ibat-ibang pulo ng Pilipinas; inaakala na mula sa ibat-ibang pook ang mga nagdala, at malamang makakaibang panahon, daan-daan taon ang pagitan, ang pagdayo nila. Sapagkat sa Visayas at sa Mindanao may nagtanim ng palay sa kaingin, sapantahang kauna-unahang gawi dahil pinakamakaluma [primitive]. Nagpalay din sa putikan ng mga ilog sa buong Pilipinas, ang akalang pang-2 gawi o maaari ring pang-2 pagkatuklas sa bigas. Bukid

Ang pagpapalay ng mga Igorot ay talinghaga: sa gulod at bundok, gaya ng naunang kaingin, ngunit lunod sa tubig gaya ng putikan, at may pilapil at pinantay na lupa, ayon sa pang-3 gawi. Ang kulang na lamang ay araro at kalabaw, pala at kalakay ang gamit nila. Baka tutoo ang sabi ng mga nag-agham [scientists], na ang pag-unlad ng tao ay pakanyod-kanyod at hindi sunud-sunod o patuloy-tuloy gaya nang paniwala nuong panahon ni Victoria [Victorian era].

Hintay muna: Sino si Victoria? Hindi ba si Sabel ang sinasabing bata pa nuong unang panahon?

Si Victoria ang reyna ng Great Britain [England at ang mga sinakop na bayan] nuong 1837 hanggang 1901. Maunlad at maginoo ang kaharian niya at itinuring na pangunahin ang pamumuhay at mga panukala ng English nuong panahong iyon. Walang katibayang natuklasan sa Pilipinas o saan man kung sino at kung kailan nagbata si Sabel, may mungkahi na siya si Reyna Isabella ng Kastila, sa España, nuong panahon ng paglalakbay ni Cristobal Colon [Christopher Columbus sa English]. Sa kasalukuyan, walang nag-uusisa kung ano ang nangyari nang tumanda na si Sabel, at kung bakit nawala na siya sa mga wikain ng Pilipinas pagkatapos ng kanyang pagkabata.

Ang inuusisa ay ang pagkakaroon ng palayang suson-suson [rice terraces] sa magkakahiwalay na pook ng Cordillera sa Luzon, sa magkatabing pulo ng Java at Sunda, sa Indonesia, sa timog ng Japan at sa bulubunduking hangganan [border] ng hilagang Vietnam at kanlurang-timog ng China. Ano, kung mayroon man, ang kaugnayan ng mga tao duon; tinutunton sa gawi at gamit, pati nang wika, kung sino ang dumayo, kung nagdayuhan man; at kung gayon, saan nagmula at kailan? Rice terraces

Himala Sa Los Banyos

Maiba sa nakaraan: Sa ngayon, kalahati ng tao sa mundo ang nabubuhay sa kanin, 2 1/2 bilyon, at 9 sa bawat 10 ay nasa Asia. Nuong 1950s at 1960s, natakot ang mga pamahalaan ng daigdig sa inaasahang malawak na gulo dahil sa kakulangan ng bigas. At wala nang lupa, lalo na sa Asia, upang palawakin ang mga palayan kaya itinayo sa Los Banyos, Laguna, 65 kilometro timog ng Manila, ang IRRI [International Rice Research Institute] nuong 1960 upang tulungang mapagbunyi ang mga ani ng palay nang hindi nasisira ang lupa. Ang nagpundar ay ang Ford Foundation at Rockefeller Foundation ng America, kasabwat ang pamahalaan ng Pilipinas. Nuong 1966, pinamudmod ng IRRI ang IR8, tinawag na miracle rice, binhi ng pandak na palay mula Taiwan, panlaban sa bagyo at malakas na hangin, at ng matangkad na palay mula Indonesia, higit na hitik sa butil at higit na mabilis tumubo.

Lumawak ang paggamit ng IR8 kahit matakaw sa patabang artipisyal [artificial or chemical fertilizer] at sa patubig [irrigation] ngunit pumanglaw ang milagro nang nagkasakit ang palay ng tungro. Inilabas ng IRRI pagkaraan ng ilang taon ang IR20 panlaban sa tungro, ngunit napuksa naman ng ibang sakit at ng kulisap [insect] na brown hopper. Ang sumunod na IR26 ang naging pambato, lumalaban sa lahat ng karaniwang sakit-palay sa Pilipinas, ngunit nababali o namamatay sa malakas na hangin.

Nuong 1996, nang subukan muling pagbinhiin ang pandak na palay mula Taiwan na matibay sa unos ng hangin, natuklasang nawala na pala, napalitan ng mga miracle rice. Napilitan sina Hank Beachell at Gurdev Singh Khush ng IRRI na gamitin ang talunang IR8 upang binhiin ang IR36. Ito ngayon ang pinakagamit na miracle rice sa buong mundo, 3 sa bawat 5 hektarya ng palayan o 11 milyong hektarya ng taniman sa daigdig. Medyo pandak at matibay sa hangin, lumalaban sa mga pangkaraniwang hanip at kulisap [insects], ang IR36 ay mabilis mahinog - 105 araw lamang sa halip ng 130 araw ng IR8, at ng 150 - 170 araw ng mga hindimapagmilagrong palay na dating tanim. Kaya sa iba’t ibang bukirin sa Pilipinas, nakakapag-ani ng 3 ulit taon-taon. Java terraces

Napigil ang kinatakutang pagkagutom ng mga Pilipino. Green Revolution! ang kampanya ni Ferdinand Marcos upang mahalal muling pangulo ng Pilipinas nuong 1969, nang dumami ang ani at natigil ang taon-taong pagbili ng bigas mula ibang bansa. Nuong 1989, 9 1/2 bilyon o 9,500 milyong tonelada ng palay ang naani, at mahigit 4 sa bawat 5 tonelada ay miracle rice. Bulwak ang bigas, ngunit tumaas din ang gastos sa pataba - mahigit 1,200 tonelada, halos doble mula nuong 1976. Dagdag gastos din sa patubig; nagpundar ang pamahalaang dagdagan ng 1 milyon hektarya ang pinatubigan. Ngayon, 1 1/2 milyon hectaria na ang lupang may patubig, kalahati ng maaaring patubigan.

Ang kaso, nawala ang tubig.

Ginapas ng mga loggers ang mga punung-kahoy sa bunduk-bundok, natuyo ang mga sapa. Matagal hindi umulan dahil sa El Nino at sa nangyaring tagtuyo [drought], bumaba o sukdulang natuyo ang mga patubigan. Nasabay pa sa kagipitan nang umunti ang salapi [economic crisis] nuong 1983 hanggang 1985. Nagmahal ang mga bilihing pangtanim, bumaba ang halaga ng palay dahil sagana sa bigas ang buong Asia, nawalan ng mauutangan ang mga magbubukid, hindi pa sila nakabayad ng utang dahil maliit ang kinita ng kanilang palay. Kaya nuong 1985, muling nagkulang ang bigas sa Pilipinas at bumili uli ng mahigit kalahating milyong tonelada mula ibang bansa. Hindi nag-isang taon, bumagsak ang pamahalaan ni Ferdinand Marcos. May ugnay kaya? Sa lahat ng pangulo ng Pilipinas, si Marcos lamang ang nahalal nang 2 ulit; at siya lamang ang hindi naubusan ng bigas hanggang nuong 1986, katapusan na niya. Mestizo rice

Ang mga magsasaka ang mismong nagpayo sa pamahalaan nuong 2002 na bumili ng bigas sa labas dahil hindi nila mapupunuan ang tinatantiyang kakulangan. Hindi raw nila mabayaran ang kailangang pataba at patubig, at ayaw magbayad nang mataas ang mga Pilipino kundi sa dati at malasang uri ng bigas, wagwag, milagrosa, atbp, na hindi kasindami kung anihin. Ayaw din ang mga magsasaka sa panibagong binhi ng IRRI, ang tinawag na super rice na, ayon kay Maurice Ku, ang punong nag-agham [scientist], maaaring magdagdag ng ika-3 sa bawat 2 ani ng palay. Sinubok nuong 1999 ang binhi sa China, Korea at Chile, matapos tanggihan ng mga magsasakang subukin at baka ‘mahawa’ ang ibang palay na kasalukuyang itinatanim sa Pilipinas.

Tinawag nilang Frankenstein rice ang bagong binhi sapagkat ginamitan ng bago at kinatatakutang genetic engineering upang isama ang katangian ng mais na magbunga nang marami kapag nasikatan nang masidhi ng araw. Ang unang gumamit ng super rice ay ang India, at naging suliranin duon ang malaking ani ng palay nuong 2000; halos 5 milyon tonelada ang sobrang bigas, ayon sa pamahalaang India. Dahil sa karanasan ni Ferdinand Marcos, alam na ng lahat sa pamahalaan kung gaano kahalaga mapagyabong ang palay sa Pilipinas, takot man o hindi ang mga magsasaka. Si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pambato nuong Febrero 2002 ng Philippine Rice Institute sa pagpapalawak ng bagong binhi na binigyan ng bagong pangalan, mestizo hybrid rice upang mahinuha ang kaba ng mga magsasaka. China terraces

Inihayag naman ng isang nag-agham [scientist] sa IRRI, si Dr. Shaobing Peng, na ang nangyayaring pagbabago sa lupa at patubig ay nagpapaunti ng ani ng miracle rice. Ayon daw sa pagsusuri, ang IR8 na inaani nuong 1960s nang mahigit 9 tonelada bawat hektarya, gamit ang 120 kilong pataba, ay naaani ngayon, pagkaraan ng 30 taon, nang mahigit 7 tonelada na lamang bawat hektarya, gamit ang higit na maraming 200 kilo ng pataba.

Napapagod ang lupa,’ sabi ng isang magsasaka sa Nueva Ecija nuong matagal na, kung bakit iniiwang tigang ang pira-piraso ng kanyang bukid. ‘Kailangang magpahinga bago tamnam muli.’ Maaaring tama ang magbubukid, at pagkaraan ng taon-taong ani, nasasalanta rin ang mayabong na ani ng mga miracle rice kahit na gaanong kadaming pataba at patubig ang gamitin.

Hindi man matanto ang mangyayari sa pagpapalay sa Pilipinas sa mga darating na araw, tiyak naman ang pag-iiba ng buhay ng mga Tagapulong Timog [Austronesians] nuong unang panahon nang natuklasan ang palay sa Thailand. Libu-libong taon SN, agad nilang iniiwan ang lupang tinubuan sa kanlurang-timog ng China sa harap ng pagdanak ng mga Intsik mula sa hilaga at gitnaang China. Hindi man lamang sila lumaban dahil nagkakaingin lamang sila nuon. Madaling matigang ang lupa sa pagkakaingin at kailangang lumikas sila sa ibang pook upang magsimula muli. Hindi nila ipinagpatayan ang lupang iiwan din naman nila pagkaraan lamang nang ilang taon.

Japan terraces Sa ilang daan taon pagkatuklas sa palay, ang mga magiging Vietnamese ay tumatag at nakipagdigmaan, matagal na panahon man silang nasakop, upang supilin ang pagdanak ng Intsik sa buong timog silangang Asia [southeast Asia]. Mula nuon, sa libu-libong taong nagdaan, patuloy nilang sinagupa ang mga Intsik; ang pinakahuling digmaan nila ay nuong 1979 nang lumusob ngunit napaurong ang mga Intsik. Nito lamang 1991 nagkabati muli ang 2 bansa.

Ito ang pinakamalaking pagbabago sa buhay ng mga katutubo. Napakalaking pundar ng panahon, pakikisama at pagod ang maglatag ng mga palayan, napakagiliw sa bigas ng mga tao, na naging panghabang-buhay na yaman at tanging pag-aari ang kanilang mga lupa. Kaiba sa kaingin, ang mga bukid ay hindi iniiwan, sukat ipagpatayan at diligin ng dugo ng mga katutubo o, higit na kanais-nais, ng dugo ng mga dayo. Dahil sa palay, nagbago ang pagkatao ng mga magdaragat. At dala-dala ang pagkababagong ito kasama ng palay, nang nagbalikan sa Pilipinas ang pangkat-pangkat na anak-anakan ng mga Tagapulong Timog. Hindi na sila mga magdaragat na lamang, sila na ay mga mandirigma.

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod