Magdalo

Huling Paalam, At Digmaan

Pinipintuho kong Bayan ay paalam, Masayang sa iyo’y aking idudulot
Ang lanta kong buhay na lubhang malungkot, Sa pakikidigma at pamimiyapis
Ang alay ng iba’y ang buhay na kipkip
Paalam, magulang at mga kapatid kapilas ng aking kaluluwa’t dibdib
Paalam estranherang kasuyo ko’t aliw, Mamatay ay siyang pagkakagupiling!

-- Jose Rizal, Mi Ultimo Adios, tinagalog ni Andres Bonifacio

MAY 1,000 katipunero ang nagkita-kita nuong Agosto 23, 1896, sa gubat-gubat ng Balintawak, Caloocan. Upang hindi matutop ng mga umaaligid na Guardia Civil at mga sundalong Español, tumuloy sina Bonifacio sa munting tindahan at tahanan ni ‘Tandang SoraMelchora Melchora Aquino sa kalapit na Pugad Lawin at duon nagpulong kung ano ang gagawin. Nagkaisa na, nabisto na rin lamang ang Katipunan, simulan na nila ang himagsikan at, bibitayin na rin lamang sila, lumaban na sila hanggang sa ‘huling patak ng dugo.’

Mabuhay ang Pilipinas! hiyawan ng mga katipunero, sabay sa pagpunit ng kanilang mga cedula. Mabuhay ang Himagsikan! Mabuhay ang Katipunan!.

Pagkatapos ng sigaw-sigaw, lumapit si Bonifacio kay Jacinto, Ano na’ng gagawin natin ngayon? Iminungkahi ni Jacinto na kailangan nila ng sandata, lusubin agad nila at agawin ang mga baril ng mga bantay na sundalong Español sa El Deposito, imbakan ng tubig para sa Manila sa San Juan del Monte [ngayon ay Pinaglabanan, San Juan, sa Metro Manila]. Nuong Agosto 30, pinamunuan nilang dalawa ang 800 Katipunerong sumalakay sa bandang 100 lamang na mga Español at mga Pilipinong sundalo duon, kayat masugid na umurong at nagkulong sa El Deposito. Bitbit ang mga nakurakot na sandata, buong loob na lumusob ang mga Katipunero papuntang Manila ngunit sa Caloocan pa lamang, nakasalubong na nila ang hukbong Español na humahangos pasaklolo sa El Deposito. Tumalbog hanggang Mandaluyong ang mga Katipunero sa sagupaan, mahigit 150 ang napatay at bandang 200 ang nahuli, marami ay binitay sa Bagumbayan.

Bagama’t talo, ang labanan sa San Juan at Caloocan ay nagpasiklab ng himagsikan sa buong gitnaan at timog Luzon. Sa mga sumunod na araw, nilusob ng mga Katipunero ang mga Español at Guardia Civil sa Marikina, Pasig, San Mateo, Pateros at Taguig. Nuong araw ng Pinaglabanan, hinayag ng governador general, si Ramon Blanco, na panahon ng digmaan [state of war] na sa Blanco mga lalawigan ng Manila, Batangas, Bulacan, Laguna, Cavite, Nueva Ecija, Pampanga at Tarlac. Ang mga Ilocano at mga Bicolano, takot na baka masakop ng mga Tagalog, ay bumitin at naghintay ng kung anuman ang mangyayari.

Kinabukasan ng Pinaglabanan, Agosto 31, 1896, inupakan ang mga Español sa Noveleta at ang munisipyo ng General Trias [dating San Francisco de Malabon], kapwa sa Cavite, ng mga katipunero ng pangkat ng Magdiwang habang ang pangkat ng Magdalo ay sumalakay at sumakop sa himpilan ng mga sundalong Español sa Kawit [dating Cavite del Viejo, Old Cavite] sa pamumuno ni Candido Tirona. Nuong Septiembre 2, 1892, ang mga Katipunero ni ‘Capitan MiyongEmilio Aguinaldo ay nagtangkang tambangan ang mga saklolong sandatahang Español sa Bacoor ngunit napa-urong sila. Sa Imus, kinabukasan, muling sumagupa ang mga Katipunero at tinalo nila ang sandatahang Español ni General Ernesto de Aguirre. Itinanghal na bayani si Aguinaldo nang umuwi sa Kawit, hindi na lamang siya si Capitan Miyong ng Kawit, siya na ay si General Miyong ng Katipunan.

Maaga napahilig sa politica at kapangyarihan si Aguinaldo, pang-7 anak ng mga mestizong Intsik na Carlos Watawat Aguinaldo at Trinidad Famy nang ipanganak nuong Marso 22, 1869. Bantog, capitan municipal sa Kawit ang ama nang mamatay nuong 1878. Itinigil ni Aguinaldo ang pag-aral sa San Juan de Letran at ilang ulit naging cabeza de barangay sa Binakayan bago nahalal nuong Enero 1, 1895 na capitan municipal ng Kawit, tulad ng ama. Naging mason siya nuong araw ding iyon at, nuong sumunod na Marso, sinamahan siya ng kaibigang Santiago Alvarez sa Tondo at sa harap ni Bonifacio, sumapi sa Katipunan sa palayaw na Magdalo, ang santo ng Kawit. Bilang capitan, mabilis niyang napalago ang pangkat at, hiwatig ng kanyang ambisyon, ihiniwalay nuong simula’t simula pa sa ibang pangkat ng mga Katipunero sa Cavite, at hindi nagtagal, mula na rin sa Katipunan ni Bonifacio. Marami sa pangkat niya, ni hindi alam kung ano ang Katipunan at kung sino si Bonifacio dahil sa malaking paglilihim ng mga katipunero mula pa nuong 1892. Sumama lamang sa paghihimagsik at Magdalo ang tawag sa mga sarili.

Ginawang General ng Katipunan sa Laguna ni Bonifacio ang mahal at matalik niyang kaibigan, si Emilio Jacinto. Hindi nila kayang pasukin ang Manila, at may ilan-ilang himpilan ng mga sandatahan Español ang nanatiling lumalaban, ngunit madaling nasakop ang mga kabayanan sa Gitnaang Luzon dahil sa kakulangan ng mga sandatahang Español. Nuong 1896, higit lamang 5,000 lahat-lahat ang mga Español sa buong Pilipinas, karamihan ay mga frayle, mga opisyal sa Manila, at mga di-sandatahang nagkakalakal lamang. May 7,000 sundalo sa hukbong Español, ngunit mahigit lamang 1,000 ang Español, ang iba ay mga katutubo. Karamihan pa ng mga sundalo ay nasa Mindanao at nakikipagbaka sa mga Muslim. Nagsimula silang ibarko pabalik sa Manila.

Samantala, nagtatag ng kani-kaniyang pamahalaan ang mga naghimagsik sa Luzon. Sa San Isidro, Nueva Ecija, nagbuo ng sandatahan si Mariano Llanera, 41-anyos na taga-Cabiao, nuong Septiembre 2, 1896, at maagap sinapian ng mga magsasaka ng Nueva Ecija, Pampanga at Bulacan. Sa Binakayan, Cavite, naganap ang pinakamalaking tagumpany ni Aguinaldo nuong Nobyembre 10, 1896, nang talunin niya ang isang pangkat ng sandatahang Español sa kanyang dating baranggay at lubusang patalsikin mula sa Cavite. Sa Kawit hinayag ni Aguinaldo ang himpilan ng himagsikan niya, at dahil mahusay sa politica, nagsimulang nagpadala ng mga utos sa iba’t ibang pangkat ng mga katipunero sa timog Luzon sa ilalim ng kanyang sagisag, hindi ng Katipunan. Si Bonifacio, walang kaalaman sa politica o sa digmaan, ay unti-unting natakpan ng matagumpay na Aguinaldo.

Wala ring kaalaman sa digmaan si Governador Blanco kaya pinalitan ng malupit na General Camilo Polavieja, tanghal na berdugo ng nag-aalab na himagsikan sa Cuba, nuong Deciembre 1896 at nag-utos na bitayin lahat ng kasangkot sa himagsikan, pati na si Jose Rizal at lahat ng kasapi ng Liga Filipina. Nawalan na ng pag-asa si Rizal sa piitan ng Fuerza Santiago sa Intramuros. Sinulat ang kanyang Huling Paalam at, upang mapakasalan sa simbahan ang nagmimighating Josephine Bracken, ang kanyang Pagbawi [retraction] ng mga sinulat laban sa mga frayle. Nuong madaling-araw ng Luneta Deciembre 30, 1896, nagkumpisal at nagkomunyon si Rizal at nang isa-5 ng umaga, ikinasal sila ni Josephine ni Victor Balaguer, frayleng Jesuit at padre ng mga guwardiya sa piitan. Ibinigay ni Rizal kay Josephine ang lamparang pinagtaguan niya ng Huling Paalam at dinala na siya ng mga sundalo kahit bandang alas-6 lamang ng umaga. Maaga nang isang oras, ika-7 lamang ng umaga, nang dumating si Rizal sa Bagumbayan, punung-puno ng mga nagpalakpakang mga Español at tahimik, nagdurusang mga Pilipino. Binaril siya agad kaysa maghintay, sa takot na lumusob ang mga Katipunero at sagipin si Rizal. Kasama sa nagmasid ang 2 kapatid, kapwa katipunero, sina Paciano at Trinidad. Si Paciano ang nagpayo kina Bonifacio na huwag nang magtangkang iligtas si Rizal at masasalanta lamang sila ng libu-libong sundalong Español na dumating na mula sa Mindanao, sa Cuba at sa España.

Sa isang lihim na libingan sa cementerio ng Paco ibinaon ang bangkay ni Rizal, upang hindi hukayin at nakawin. Pagkatapos, nagtungo sina Josephine, Paciano at Trinidad sa mga katipunero sa General Trias. Nakatagpo nila si Bonifacio, galing sa naunsiyaming pulong ng mga Magdiwang at mga Magdalo sa Imus upang tapusin ang pagkakaribal nila. Hiniram ni Bonifacio kay Josephine ang Huling Paalam nang ilang araw upang isa-Tagalog niya, katulong si Diego Mojica, isang makata ng Cavite. Sa hiling ni Josephine, naglingkod sila sa ospital ng mga katipunero sa hacienda ng Tejeros, sa tabi ng General Trias. Sa Cavite rin ang tungo ng kulang-kulang 30,000 sundalong Español na naipon ni General Polavieja at sa walang puknat na labanang tumagal nang halos 2 buwan, unti-unting naagaw nilang muli ang baha-bahagi ng lalawigan. Isa sa nakapagpahina sa mga katipunero sa Cavite ay ang pagkakaribal, at hindi pagtutulungan ng mga Magdiwang at mga Magdalo. Dahil sa sunud-sunod na pagkatalo ng mga manghihimagsik, tumawag uli ng pulong si Bonifacio upang pagniigin ang 2 pangkat; kaya nuong Marso 22, 1897, nagtagpo muli ang matataas na pinuno ng Katipunan sa convention ng Tejeros. Maysakit at hindi nakadalo si Emilio Jacinto kaya ang nakasama lamang ni Bonifacio ay ang asawa, si Gregoria de Jesus, kamag-anak ng pinuno ng mga Magdiwang, at ang 2 Magdalo kapatid niyang Procopio at Ciriaco.

Isa sa mga saksi si Josephine Bracken nang imungkahi ng mga Magdalo sa Tejeros convention na magtayo ng pamahalaang himagsikan upang ipalit sa Katipunan. Kahit na nasa Kawit si Aguinaldo dahil sa papalapit na hukbo ni General Polavieja, nahalal siyang pangulo. Si Mariano Trias [pangalan niya ang ipinalit sa San Francisco de Malabon] ang naging pang-2 pangulo, at si Bonifacio ang hinirang na pang-3, Kalihim Panglooban [secretary of the interior].

Hindi siya abogado!

Sinalungat si Bonifacio ni Daniel Tirona, ang alagad ni Aguinaldo. Nagpanting ang hapdi ng kalooban ni Bonifacio sa hindi niya pagtatapos ng pag-aaral, isinigaw na siya pa rin ang Supremo ng Katipunan, pinawalang-bisa ang buong convention at nagpunta sa Naic upang bumuo ng sariling pamahalaan at sandatahan. Inutos ni Aguinaldo kina Pio del Pilar at Mariano Noriel na iwanan si Bonifacio at sagupain ang papalapit na sandatahang Español upang walang kasamang sandatahan sina Bonifacio papuntang Indang, dala ang kasulatang nilagdaan ng 40 pinuno ng Katipunan na kampi sa kanya. Balak ni Bonifacio na tumuloy sa Batangas, alam niyang sasaniban siya ng mga katipunero duon. Ngunit dumating mula Montalban si Aguinaldo at inutos na dakpin si Bonifacio, wala siyang balak na hayaang makalabas ng Cavite si Bonifacio. Nuong Abril 26, 1897, tinambangan ng mga sandatahan ni Agapito Bonzon ang pangkat at sa labanan, napatay si Ciriaco Bonifacio. Nabaril sa kaliwang bisig si Bonifacio, at sinaksak sa leeg ni Jose Ignacio Paua, Intsik na bayaw ni Aguinaldo. Ang asawa ni Bonifacio, si Gregoria de Jesus, ay iginapos sa isang punong-kahoy at ginahasa ni Bonzon. Kinaladkad sa himpilan ni Aguinaldo sa Naic ang sugatang Supremo at nuong Mayo 8, 1897, hinatulang bitayin. Sa gulod ng Nagpatong sa bulubundukin ng Maragondon, pinatay ang 34 taong Bonifacio at ang Gregoria kapatid na Procopio ni Lazaro Makapagal at ng kanyang mga sundalo, sa utos ni Mariano Noriel, nuong Mayo 10, 1897. Nuong araw na iyon nagsimulang pumanaw ang Katipunan, ang pagdilim ng

maningning na sikat ng araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan [ -- Emilio Jacinto, Kartilya ng Katipunan ]

Sa mga sumunod na araw, hinalughog ni Gregoria ang guong Maragondon sa paghanap sa libingan ng kanyang asawa hanggang sa magdugo ang kanyang mga paa subalit hindi na natagpuan kahit kailan ang itinagong bangkay ni Bonifacio. Nakita ng mga magsasaka at manggagawa ng Manila at paligid na pataksil na pinatay ang nagmalasakit at katulad nilang timawa ng pangkat ng mga principales na hindi pa nagtatagal ay katulong ng mga Español na nagbuwis at nagpa-trabaho sa kanila nang walang bayad. At nawalan sila ng gana. Libu-libo ang umuwi, marami rin ang hindi na sumapi. Mula nuon, wala nang tagumpay na nakamit ang Himagsikan. Tuluyang natalo at napalayas si Aguinaldo nang sakupin ang buong Cavite ng mga sandatahan ni General Primo de Rivera, pumalit kay General Polavieja, na nagbitiw ng tungkulin. Napilitang tumalilis si Aguinaldo, una sa Talisay upang magtago sa tabi ni Miguel Malvar, matapang na general ng Katipunan sa Batangas. Pagkatapos, tumakbo siya sa bundok ng Puray, malapit sa Montalban, ang himpilan ni Bonifacio nuong hindi pa niya pinapatay, upang maipagtanggol naman siya ng mga sandatahan ni Mariano Llanera. Paulit-ulit silang tinalo ng mga Español ngunit, dahil sa kakulangan ng sundalo at walang karagdagang tulong mula España, hindi kaya ni Trinidad General Rivera na wasakin ang Himagsikan. Nang bigyan niya ng 400,000 pesos si Aguinaldo, sumuko ito at nagpatapon sa Hongkong kasama ng 34 niyang alalay.

Napilitan ding tumakas mula Cavite sina Josephine Bracken at magkapatid na Trinidad at Paciano Rizal, Paciano tumawid ng bunduking Maragondon papuntang Laguna de Bay gayung duguan na ang mga paa ng nakayapak na Josephine. Tinulungan silang makapuslit sa Manila ni Venancio Cueto, isang pinuno ng Katipunan, at naisakay si Josephine sa isang barko papuntang Hongkong. Duon namalagi ang biyuda ni Rizal hanggang Deciembre 15, 1898, nang napangasawa niya ang isang Pilipinong nagkakalakal, si Vicente Abad. Bumalik ang mag-asawa sa Manila, kasama ang anak nila, si Dolores. Nagturo ng English si Josephine, at isa sa mga naturuan niya ang binatang taga-Cebu, si Sergio Osmena, bayani ng Pilipinas nuong panahon ng Amerikano. Tahimik na yumao si Josephine, ang dayuhang giliw ni Rizal, nuong Marso 15, 1902, ng tuberculosis sa lalamunan. Nalibing siya sa Happy Valley cemetery sa Hongkong. Lumaki at nakapag-asawa si Dolores at nag-iwan ng mga anak na apelyido ay Mina. Gaya ng ama, si Vicente Abad, ipinilit niya hanggang sa kahuli-hulihan, na anak siya ni Abad, hindi ni Rizal.

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod