Spices: Bulabog Mula Sa Malayo
‘Negara Kita, tanggungjawab Kita’
‘Our country, Our duty’
- Slogan sa Malaysia
MAHIGIT 400 taon SN, nilusob ng mga Español ang Pilipinas. Bakit?!
Hindi sinasadya, naligaw lang, naghahanap lang ng panghalo sa ulam, - ni hindi alam na mayroon palang Pilipinas! Ang sadyang hinahanap nila nuon una ay ang mga pulu-pulo sa Indonesia, ang Maluku [Moluccas, the Spice Islands], na naging bantog bilang kaisa-isang tinubuan ng spices, mga panghalo at pampalasa sa pagkain na inasam nuon, at inaasam hanggang ngayon sa Europa, lalo na ang nutmeg, cloves [clavos sa Español] at ang tinawag nilang kayu manis [cinnamon o matamis (manis) na kahoy (kayu)]. Nagpapabango at nagpapasarap ng pagkain.
Ang mga anak-anakan [descendants] kasi ng mga magdaragat na lumikas sa Maluku nuong araw ay naglayag pabalik-balik sa India at sa pulo ng Madagascar, sa tabi ng Africa. Nagkalakal ang mga taga-Maluku ng spices kapalit sa mga salamin, tanso, mga sinsing, kuwintas, damit at iba pa. Isang balikan at mayaman habang buhay ang lahat ng naglayag, kaya lakas loob nilang tinawid ang lawak at panganib ng dagat ng India [Indian Ocean], kahit na 5 taon bago nakakabalik sa Maluku. Karamihan ng mga spices na dala sa India ay nauubos duon; ang mga dala sa Madagascar ang natikman ng mga taga-Europa. Mula duon, dala-dala ng mga Arabe at Afrikano ang mga spices papunta sa Rhapta, sa Somalia, tapos tuloy sa Muza, Yemen, bago dinadala sa baybayin ng Red Sea sa Arabia papunta sa Mediterranean Sea at sa mga bayan ng Europa.
Hayag ni Pliny the Elder, manalaysay [historian] ng ancient Rome nuong bandang 2040 taon SN, na ang cinnamon na nilalako ng mga taga-Ethiopia ay binibili lamang nila sa mga kalapit, na bumibili naman sa mga magdaragat na palaging tumatawid sa Indian Ocean.
Tinatawid ang mga malalawak na dagat sakay sa mga balsang walang gabay o sagwan, o anumang tulong sa paglalakbay maliban sa kanilang tapang at buong kalooban. Naglalayag sila kapag tag-ginaw, nang humaharabas ang hangin mula silangan at tuloy-tuloy silang nakakarating. Halos 5 taon bago sila nakakabalik sa pinanggalingan, at marami sa kanila ang namamatay sa paglalakbay. At ano ba’t para lamang sa hilig ng mga babae nila sa alahas at moda.
Ngunit bago pa sumikat ang ancient Rome, nagkalakal na ang mga magdaragat sa iba’t ibang lugar sa kanluran. May natagpuang cloves sa Terga, Syria, na bandang 3,700 taon na ang tanda. Sa ancient Egypt din nuong bandang 3,500 taon SN, nabanggit ang cinnamon nuong reyna pa duon si Hatshepsut, ang tanging babaing naging Paraoh. Pati sa mga lumang kasulatan ng mga Hudyo, nuong 2,700 taon SN, nang nakatayo pa ang Templo sa Jerusalem, kahalo ang cinnamon, at baka na rin ang pandan [lemon grass] sa mahal na langis na ginagamit sa Templo. Ang mga Hudyo ang nagpangalan ng quinamon na nahiram naman sa English na cinnamon.
Kung ilang daang taon nahirati ang mga taga-Europa sa lasa at bango ng mga spices, kaya lubha silang naunsiyami nang sakupin ng mga Muslim ang Middle East at hilagang Africa nuong bandang 700, at naipit ang daloy ng spices mula Maluku. Lalo nang naputol ang daloy nang sakupin ng mga Muslim sa Turkey ang Constantinople [Istanbul ang tawag ngayon] nuong 1453. Ang 2 mayaman at magkaribal na lungsod sa Italia lamang, ang Genoa at Venice, ang pinayagan ng mga Muslim na bumili ng mga spices at iba pang bilihin sa Arabia at sa Middle East. Sinarili ng 2 ang napakaunting kalakal sa Mediterranean Sea at nagmahalan ang seda [silk] at lahat ng mga bagay mula sa Asia. Lumagpas ng 30 patong ang halaga ng spices sa Europa, pang-mayaman na lamang ang pampalasa ng pagkain duon.
Samantala, sa dulong kanluran ng Europa, ang magkatabing kaharian ng Portugal at España ay kapwa naghirap sa gilid ng Atlantic Ocean. Barado mula sa ugnayan sa buong Europa dahil sa mapagkamkam na mga taga-France at mga taga-Italia, at dahil sa matagal na pagsakop sa kanila ng mga Muslim, hindi sila nakapagkalakal at kumita nang mainam. Naisipan ng mga Portugis, sa pamumuno ni Principe Enrique [Prince Henry, the navigator], na mag-aral ng paglalayag upang makapagkalakal sila sa iba’t ibang bayang nararating sa Atlantic Ocean. Yumaman ang Portugal, nasarili ang ginto at iba pang kalakal sa kanlurang Africa, at palayo nang palayo ang naabot ng kanilang mga barko hanggang nuong 1488, nabagtas ni Bartolome Diaz ang buong pampangin ng Africa hanggang dulong timog. Duon, nuong Pasko ng 1500, naikot ni Vasco De Gama ang lusutang tinawag niyang Cabo da Boa Esperanza [Cape of Good Hope] papuntang Asia. Lalong yumaman ang mga Portugis nang marating at magkalakal sa India. Nagtayo sila ng mga kuta sa Africa at India upang hadlangan ang ibang mga taga-Europa na nais ding humakot ng spices at iba pang kalakal mula Asia.
Hagad ang mga Español, nais magpayaman din kahit na upahan nila ang sinumang payag maglayag para sa España. Una nilang pinundaran si Cristobal Colon [Christopher Columbus], taga-Italya na balak, upang makaiwas sa mga sandatahang Portugis sa Africa at dahil paniwala niyang bilog ang daigdig, maglayag pakanluran at bagtasin ang Atlantic Ocean at datnan ang Asia at India mula sa kabilang panig. Wala nuong nakaaalam na may America palang nakaharang duon. Akala ni Columbus, India ang tinumbok niya nuong 1492, tinawag niyang indio ang mga taong natagpuan niya. Hanggang ngayon tuloy, indian pa rin ang tawag sa mga katutubong Amerkano [native Americans], kahit na wala silang anumang kaugnayan sa India.
Sumugod din ang mga Portugis sa America, sinakop ang Brazil. Nagsasalpukan na ang 2 magkapit-kaharian nang umawat si Papa Julio Dos [Pope Julius II] at pinagkasundo sa Tordesillas [Treaty of Tordesillas] nuong 1494 na hatiin ang daigdig. Ang lahat ng lupaing “natuklasan” sa bandang silangan ay angkin ng Portugal, at sa bandang kanluran ay sakop naman ng España. Lintik ang galit ng ibang mga taga-Europa - France, England, [Dutch] Netherlands at Italya - na nais ding magkalakal sa Asia at India. At huwag ka, patuloy na nagsasalpukan ang mga Portugis at Español kapag nagsasalubong sa karagatan.
Mula sa Goa, ang kanilang himpilan sa India, narating ng mga Portugis ang kaharian ng Malacca, sa Malaysia [malapit sa Singapore] nuong 1510 at nalaman kung saan ang Maluku [Moluccas, Spice Islands] na tanging pinanggagalingan ng mga spices. Hindi nag-isang taon, nuong 1511, sinakop ni Alfonso de Albuquerque ang Malacca, na ginawa nilang malaking kuta, Porta de Santiago [Port of St. James]. Sa sumunod na taon, 1512, natagpuan at sinakop ng mga Portugis ang Maluku. Ang laking ligaya nila nang makitang tumutubo nang ligaw ang cinnamon, cloves at iba pang spices sa mga pulu-pulo ng Maluku, hindi ginagamit, ni hindi pinapansin ng mga tagaruon. [Gaya ng mga Pilipino, ang mga taga-Indonesia ay hindi mahilig kahit hanggang ngayon sa lasa ng cinnamon at cloves. Nalalasap lamang ang mga ito sa mga lutong Amerkano at Español; ang nutmeg ay karaniwang gamit ng mga taga-India naman.
Ipinagbibili lamang ng mga taga-Indonesia ang cinnamon, hindi nila ginagamit. At ang cloves, ni wala silang pangalan kundi kretek, ang tunog nito kapag nasusunog. Hinahalo kasi nila sa bantog na sigarilyo, rokok kretek [clove cigarettes], at kapag sinindihan, ang tunog ng putok ng cloves ay tek-krek-tek!
Hindi na mamahalin ang spices ngayon dahil naitanim na sa India, Africa at mga pulo-pulo sa Caribbean at South America. Ang pinakamahal na spice ngayon ay ang saffron, hibla ng bulaklak na hinihimay isa-isa at nagpapasarap sa lahat ng lutuin, lalo na sa arroz valenciana at paella. Abot sa 25,000 piso [$5,000] ang isang kilo ng saffron. Saan tumutubo ang saffron? Sa España, at ilan pang pook lamang.
Panghuli: Isa sa mga sundalong Portugis na lumusob sa Malacca nuong 1511, at dumayo sa Maluku nuong 1512, ay isang magiting na binata, nagngangalang Fernao de Magalhaes. Sa España, nang lumikas siya duon, ang pangalan niya ay Fernando Magallanes [sa English, Ferdinand Magellan].
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|