Nayong Katutubo

Buhay Sa Nayon

Kung ang hanap mo ay ligaya sa buhay
Sa libis ng nayon doon manirahan

- Awit Tagalog

KUNG ang buhay ng baranggay ay mangisda, ang buhay ng nayon ay magsaka. Sa libu-libong taon bago dumating ang mga Español, natutong magtabi-tabi ang mga baranggay at maging mga nayon dahil kailangan ang maraming tao sa pagtanim, pagpatubig at pag-ani ng palay. Habang dumarami ang tao, natuto ring magpalawak ng mga bukid at ng mga patubig [irrigation]. Sa paglawak ng mga bukirin at pagdanak ng mga tao, nagkaroon ng mga bagong gawi, napalago ang ugnayan ng mga tao-tao upang magkaisa sa pamamahala ng patubig, pag-aari ng lupa at pamumuhay sa loob at labas ng Nag-ani nayon.

Sa daig karamihang bahagi ng kapuluan, nabalot ang buhay ng mga tao sa pagsasaka. Dalawang ulit sa bawat taon, nagkakasama-sama ang mga taga-nayon, babae, lalaki, matanda, bata, maharlika at alipin, timawa at catalonan. Una, sa ginaw ng hangin ng hilaga, bandang Enero, itinatanim ng mga babae at ng mga paslit ang palay, inihahanda ng mga lalaki ang mga bukid, inaayos ang mga sirang pilapil at landas-tubig, at nilulunod ang lupa. Pag-usbong ng binhi, nagsasaka paulit-ulit ang mga lalaki, naghahatid ng pananghalian ang mga babae at mga paslit, hanggang malibing at maagnas ang mga damo, hanggang malusaw at maging putik ang mga bukid. Itinutumpok sa iba’t ibang bahagi ng bukirin ang binhi, darating ang mga babae, pati mga dalagita, dadakot-dakutin ang binhi at yuyuko maghapon, araw-araw, hanggang matamnan ang buong putikan habang nakapaligid ang mga lalaki, pati mga binatilyo, nakangisi, magilas, tumutugtog, umaawit, nagsasayaw, tumutula, nang-aaliw at nanliligaw.

Pagkaraan ng 3 buwan, nagkakasama uli, umaawit at nagkakasiyahan, nagliligawan uli, habang inaani ang palay. Nagdiriwang pagka-imbak, nagkakatay ng baboy at manok ang mga maharlika, tuloy-tuloy ang awit at sayawan, tulaan, pagluluto at, sa lumang kasabihan, “namamantikaan na naman ang hasang-hasang” na kainan ng lahat sa nayon. Ang pagdiriwang, pagdating ng mga Español, ay pinangalanang fiesta ng krus, fiesta ng bayan, flores de Mayo atbp, ngunit libo-libung taon nang gawi ng mga taga-nayon. Nauulit ang pagsasama-sama pagkaraan ng tag-ulan, itatanim ang pang-2 palay sa taon, na inaani sa simoy ng papalamig na hanging amihan, at nagdiriwang muli ang mga nayon, pagdiriwang na ginawa ng mga Español na 5 linggo ng Pasko, habang hinihintay muli ang pag-init ng hanging hilaga, nang sisimulan ang isa na naman sa mahigit 4,000 taon ng pagsasaka. Mabigat ang gawain, mahirap at mapanganganib ang buhay sa nayon, ngunit magiliw na nagkakasama-sama ang lahat sa paulit-ulit na ligawan at kasiyahan, at sa haba ng panahon ng pagnanayon, natutong magkaisa ang marami sa hirap at ginhawa. Pagdiriwang

Natuto ring makipagpatayan.

Dahil laging may imbak na palay sa nayon na maaaring nakawin ng sinumang dayuhan, salat o minalas sa pagsasaka, nabagyo, nasunugan o na-peste, o nainggit lamang at naging gahaman. Dahil hindi na maaaring tumakbo na lamang sa gubat at magtago sa mga mandarambong, iwanan ang palay na ikabubuhay sa susunod na 6 na buwan. Dahil ang mawalan ng palay ay mamatay, natutong sumagupa ang mga taga-baranggay. Makipagpatayan. Nuong bagong salta ang mga Español, inulat ni frayle Pedro Chirino na bawat baranggay ay may kani-kaniyang sandatahan na laging handang makipagsagupaan sapagkat laganap ang bakbakan, kahit na ng mga magkakalapit na baranggay. Panay daw ang tambangan, dambungan, nakawan, dukutan ng tao at patayan.

Nanatili ang gawing pagtatanim sa baku-bakuran, pangingisda sa dagat at ilog, pagkakaingin sa gubat at gulod ng kamote, gabi at mga punung-kahoy. Nanatili ang pamumuno ng mga magiting, ang pakikiisa ng mga timawa, ang pananaghoy ng mga datu at mga catalonan at mga babaylan, ang pagsisilbi ng mga namamahay, ang pagkaka-alipin ng mga saguiguilid. Ang naiba: Ang pakikipanayam ng mga pinuno ng mga bara-baranggay ay naging pakikipag-isa ng mga taga-nayon, ang kasu-kasunduan ng payapa ay nadagdagan ng kampi-kampihan sa labanan. Sapagkat naging napakadalas ang labanan, lalo na ng mga Visaya, ang mga pintado [turing ng mga Español] na dinidigma kahit na mga kamag-anak.

Nanatili ang pandarambong, ang naiba ay ang pakikipagdigmaan. Ang mga mangingisda ay naging mga magdaragat, ang mga magdaragat ay naging mga magsasaka, ang mga magsasaka ay naging mga mandirigma. Matapang na mandirigma. Kinilala ng mga nagkakalakal na Intsik at Arabe sa timog-silangan na pulos mapusok ang mga magdaragat, sa dagat man o sa lupa, at daig nila ang mga taga-katabing bayan. Kahit kanginong barko na nagkakalakal ay kailangan tumigil at magbayad ng buwis bago tumuloy; kung hindi, susugurin ng mga mandirigma sa kanilang mga bangka at mga paraw, at gagapiin kahit gaanong karahas ang kalaban. Kaya sumikat, at yumaman sa buwis ang iba’t ibang baranggay gaya ng Cebu at Butuan.

Hintay muna: Ano ang kaibahan ng pandarambong sa digmaan?

Ang pandarambong ay pagnanakaw o pandurukot ng tao lamang at karaniwang natatapos sa takbuhan, pagtakas sa gubat-gubat ng mga nalusob. Maaaring hindi magkakilala ang mga mandarambong at ang mga dinambong. Ang digmaan, sa kabilang dako, ay paglusob upang puksain o sakupin ang mga dinigma. Magkakilala ang mga pangkat, kung hindi man magkakilala ang bawat isa. Nangyayari rin ang pagnanakaw at pandurukot ng maaalipin sa digmaan, ngunit karaniwang higit na masidhi at mapoot ang mga hangarin sa digmaan.

Nuong una, nagkampihan lamang paminsan-minsan ang mga baranggay laban sa sinumang sumalakay o mandambong. Nang mauso ang digmaan, naging palagian ang kampihan, natutong magtabi-tabi ang mga baranggay at naging patuloy ang ugnayan hindi lamang ng mga pinuno kundi pati ng mga tao ng mga nagsanib na baranggay. Ang mga kasunduan ay nadagdagan ng palagiang pagpupulong at pagpayo ng mga pinuno tungkol sa mga suliraning imiral sa pagsasama-sama ng maraming tao. Sa ganitong mga pangyayari, nabuo ang maraming nayon sa kapuluan.

Dapat sumunod ang higit pang malawak na samahan ng mga nayon upang bumuo ng mga tribo ng mga magka-angkan, magkakaugnay, magkakahawig ang gawi at may isang wika at may isang pinuno. Mga tribo na, sa mga ibang bayan sa mga nakalipas na panahon, ay naging batay ng pagtatag ng mga kaharian. Ngunit maliban sa mga Tausug sa Sulu at mga Maguindanao sa Cotabato, hindi nagkaroon ng sapat na panahon ang mga tagapulo na bumuo ng mga tribo bago nadaig ng mga dayuhan. Hayag ni Antonio Pigafetta nang dumating kasama ni Ferdinand Magellan nuong 1521, “Maraming datu-datu, ngunit wala ni isa man lang na hari.” Kahit na pulos rajah [hari, sa hiniram na taguri sa India] ang parangal ng mga maharlika sa sari-sarili. Sa bukid

Nanatiling pinuno ng mga baranggay ang mga datu, gat, ka, ginoo, at sa mga bagong salta mula Borneo, Maluku at Malacca, ang mga rajah, lakan at sultan. Nanatiling pinakamalaking bahagi ng kanilang pamumuno ang pagsamba at panaghoy sa mga bathala at anyito para sa kapakanan ng mga mamamayan. Nadagdag sa kanilang mga tungkulin ang maging tagapaghatol at tagapagparusa sa mga lumabag sa mga gawi at alituntunin para sa kapayapaan ng nayon. Sa kahiwalay na baranggay, kailangan lamang mamagitan ang datu sa pag-aaway ng mga magkakapit-bahay hanggang magkaroon ng kasunduan at maibalik ang katahimikan. Sa nayon, kailangang parusahan ang may kasalanan upang maiwasan ang paglusob at paghiganti ng mga taga-kalapit-baranggay. Kapag nagkaroon ng malaking away o paglilitis sa Visayas, pumipili ang mga datu ng isang umalohokan, o pinunong datu [Mayroon na ngang halalan sa Pilipinas nuon, amin ng mga Español] para sa pagkakataong iyon lamang. Pagkatapos ng paglitis, kapag nagkasundo na sa away-away, tapos na rin ang pamumuno ng umalohokan.

Walang mga batas, nakasulat man o hindi, sa sankapuluan, ngunit mula pa sa pagkabata, tinuruan na ng mga datu, mga magulang at mga nakakatanda ang bawat tao na makitungo sa bawat isa sa nayon gaya ng pakikitungo nila sa mga kamag-anak at mga kapit-bahay sa baranggay. Sa ganitong paraan, at dahil daig-karamihan ng mga Pilipino ay masunurin sa mga pangaral ng matatanda, nakamit ng mga taga-nayon ang pagkakaisa ng lahat sa nayon.

Hintay muna: Bakit walang batas? Hindi ba may mga batas na isinulat sa Maragtas? Hindi ba batas ang Code of Kalantiyaw?

Pagdating nina Magellan nuong 1521, wala silang nakatagpong marunong bumasa at sumulat. Marami silang nakitang gawi, wala silang narinig na batas. Nang bumalik ang mga Español nuong 1565, tinuklas nila na malaganap na pagsulat at pagbasa ng mga katutubo. Mahabang panahon silang nag-usisa, nag-aral pa ng iba’t ibang wika sa pulu-pulo. Marami pa ring gawi, ngunit wala pa rin silang natagpuang mga batas. Sadyang hinanap nila ang pagsamba at mga dasal, pinakamahalagang bahagi sa buhay ng bawat baranggay, na nakapaloob sa mga awit at panalangin ng mga katutubo. Ang mga kasulatan nilang nakita ay tungkol lamang sa kalakal, utang at bali-balita, tula at tsismis. Walang sulat tungkol sa pagsamba [religion], kasaysayan [history] o mga batas [laws]. Ang katarungan at katahimikan ay nakalagak sa mga lumang gawi at awit [customs and traditions] at sa payo at pangaral ng mga datu at mga matatanda. Sa baranggay, ang asikaso sa anumang paglabag kadalasan ay multa lamang at kasunduan ng mga nag-aaway. Napag-alaman ng mga Español na kamatayan ang parusa sa panggahasa. Sa mga pook na uso ang putulan ng ulo, ang pagpatay sa kapwa ay binabayaran ng ulo ng pumatay; sa ibang pook, maaaring multa na lamang ng kalabaw, ginto o mahalagang gamit, sandata o damit. Sa ilang pulo, ang mabigat na parusa ay ipatapon o palayasin ang mga maysala at mga kamag-anak nito. Walang batas, walang batasan, walang abogado, walang piitan.

Isa pang katibayan na walang batas at batasan sa Pilipinas nuon ay ang kasi-kasi [blood compact] ng mga pinuno. Nuwa’y lagda ng kasunduan, ito ay hindi napagtibay ng batas at walang nagpapatupad ng kasunduan, kaya ang lumabas na kahulugan lamang ng kasi-kasi ay “tayo ay kasalukuyang magkaibigan.” Ang kampihan ng mga baranggay nuon ay batay, hindi sa kasunduan at batas [pacts and law] kundi sa kalakal at paghanapang-buhay [trade and economics] ng mga magsasaka.

Ang Maragtas, nang unang ilathala sa Iloilo nuong 1907 ay may paunang hayag ni Pedro Alcantara Monteclaro, bayani sa Himagsikan at digmaan laban sa Amerkano, na siya ang sumulat ng aklat, balisa at baka ituring siyang mapaglabis sa pagsulat nito. Hinango raw niya mula sa mga alamat ng mga bayaning kilala pa nuon ng mga taga-Panay, at mula sa mga saysay ng mga matatanda na tinipon ng isang frayle, si Tomas Santaren, sa isang Historia de los Primeros Datos Que, Procedentes de Borneo, Poblaron Estas Islas [Kasaysayan ng mga Unang Datu na, Galing Borneo, ay Nanirahan sa mga Pulong Ito] nuong Enero 1858. Walang batas sa Maragtas. Punongbayan

Ang Code of Kalantiyaw naman ay gawa-gawa lamang ni Jose D. Marco ng Pontevedra, sa Negros Occidental, nuong 1913. Ayon sa pag-usisa ni William Henry Scott, kilalang manalaysay [historian] ng Pilipinas, puno ito ng kamalian at magkatuligsang mga hayag. Kahit hindi na tignan ang mga huwad na “documento” mula kay Marco - nakapagtataka kung tutuusin na walang ulat, balita, angal o alingawngaw man lamang ni Kalantiyaw na nasagap sina Magellan o Legazpi, o kahit sinumang Español na nag-usisa at nag-ulat sa mga pangyayari sa kapuluan. At bakit, sa mga pulu-pulong magkakahawig ang gawi, pagkain at damit, walang gumaya kay Kalantiyaw? Napakahirap pagkasunduin ang mga Pilipino, wala ni isang umagal, at naghayag na mali ang mga batas ni Kalantiyaw? Kung tunay mang nag-batas si Kalantiyaw, maniwaring walang pumansin maliban kay Marco. Walang kasulatang batas na natagpuan sa buong Pilipinas o sa Borneo na pinanggalingan daw ni Kalantiyaw, maliban sa mga “documento” na ipinagbili ni Marco. Kaginsa-ginsa, sapagkat sa salaysay ng iba’t ibang bayan, ang mga batas ay nasulat at napairal hango sa mga luma at magkakaibang batas sa pali-paligid, malapit ay malayo. Walang hawig ang code sa mga gawi ng mga tagapulo. At ang mga tunay na batas ay karaniwang maraming copia [copies] at magkakaibang ulat [versions]. Hindi tunay si Kalantiyaw, walang code.

Matagal nang gawi, libu-libong taon, ang pandarambong ng mga magdaragat sa mga ibang pulo o malalayong baranggay. Ang naiba sa pandarambong ay pagkauso ng pandarambong upang makakuha lamang ng mga alipin. Ang pagbabago sa pagtatag ng mga nayon ay ang pagiging kalakal ng mga alipin - nalalako at nabibili hawig sa mga gamit at hayop. At kaiba rin sa gawi ng baranggay, ang mga alipin ay hindi na nakakaahon. Kahit ang mga anak-anakan ay nananatiling alipin. Maaaring natutunan sa mga taga-India, na sapin-sapinan ang lipunan [social caste system], at mga taga-Arabia, na mahilig magkaroon ng utusan, ng mga dumayo mula Indonesia at Malaysia. Saan man nanggaling, sa hindi mawaring dahilan, lumaganap ang pagdukot sa mga tao ng mga taga-timog Visayas at ng mga taga-kanlurang Mindanao, lalo na ng mga taga-Sulu. Ang alipinang dating batay sa makataong pakikibalato ng mga namamahay at pakikisukob ng mga nasa gilid-gilid nuong panahon ng mga magdaragat ay naging bahagi ng kalakal at pananalapi [commerce and finance] sa lipunan ng mga mandirigma. Ang mga hampas-lupa ay naging paninda.

Marami ang karaniwang sanhi ng pagiging alipin sa mga nayon nuon sa Pilipinas.

Hintay muna: Wala bang naghimagsik sa pagka-alipin? Sukdulan ba ang pagmamalupit sa kanila, pinapatay ang tumakas?

May nahayag na gawi ng ilang pangkat sa Luzon at Mindanao, kapag namatay ang amo, pinapatay din ang alipin at inililibing upang patuloy na pagsilbihan ang amo sa kabilang buhay. Ngunit mga mayaman at makapangyarihan lamang ang gumawa, hindi naging malaganap. Karaniwan, ang alipin ay nanatiling alipin ng pamilya ng nabalo at naulila. Hindi maipagkakaila na karumal-dumal ang buhay ng mga alipin, lalo na ang mga saguiguilid, salat sa ari-arian, pasingit-singit sa mga kubakob sa sulok-sulok, lusong sa putik at animo’y kalabaw kung magbanat ng buto. Baka isa ito sa dahilang napakatigas na umayaw ang marami sa pagtatag ng mga kaharian sa kapuluan, ngunit walang katibayan o hayag na natuklasan tungkol dito. Wala ring kahit isang hayag ang mga dumating na Español ng pagtakas o paghiganti, kahit na sumbong man lamang ng kalupitan, gayong matama nilang inusisa ang mga alipin sa utos ni Felipe 2, hari ng España. Tuya ng isa sa mga unang hayag na walang gaanong pagkakaiba ang datu sa mga alipin sa galaw at anyo.

Nuong 1574, isinulat ni Frayle Martin de Rada kay Haring Felipe 2 na kaunti lamang ang mga nagiging alipin dahil sa digmaan ng iba’t ibang baranggay kahit na marami at madalas ang digmaan. Ang karaniwang dahilan ng pagiging alipin ay ang hindi pagbayad sa utang, kahit na gaanong kaliit ang halaga. Dahil sa patong sa utang tuwing ika-3 buwan, nagiging alipin sa loob ng 2 taon, hindi lamang ang umutang kundi pati na ang kanyang pamilya at, madalas, pati mga kamag-anak. Inaalipin din ang mga lumabag sa katahimikan o sa mga gawi ng pagsamba. Sa mga inalipin dahil sa paglabag sa katahimikan at mga gawing sapul pa [traditions], madalas na pagnanakaw ang sala, kahit na gaanong kaliit ang ninakaw. Dumagat

Karagdagan, ang mga pinuno, sabi ni Rada, ay maraming gawa-gawang dahilan upang maalipin ang kahit sinong pangkaraniwang tao. Kapag may paglabag sa utos, kahit hindi alam ng lumabag, minumultahan agad at kapag hindi agad nakabayad, inaalipin na. At kapag mabigat ang kasalanan, gaya ng pagpatay, paggahasa o pakikiapid [adultery], o paglason sa nakatataas na tao, inaalipin pati ang buong pamilya ng maysala. Ang pinakamaraming alipin ay ang mga ipinanganak na alipin; marami, ayon kay Frayle Rada, ay mga apo-apo at hindi na alam kung bakit unang inalipin ang mga ninuno.

Sa kahiwalay na sulat ni Guido de Lavezaris, ang naging governador sa Manila pagkamatay ni Legazpi, inulat niya kay kay Felipe 2 nuong 1574 din na isa pang sanhi ng pagkaalipin ay ang paghingi ng pagkain kung panahon ng gutom [famine] o kung naulila ang mga bata at nanghingi ng pagkain, kahit na mga kamag-anak, aalipinin na sila. Ginagawa ring alipin, sabi niya, ang mga nagparatang sa iba na hindi nila napatunayan, at mga nakiapid sa asawa ng iba, o pumatay ng tao. Nakiusap si Lavezaris na payagang mag-ari ng alipin ang mga Español sa Pilipinas. Maghihirap daw ang buhay nila kapag itinigil ang pag-aalipin at palayain ang mga alipin, gaya ng sinimulang gawin sa Europa nuon. Ang mga alipin, sabi ni Lavezaris, ang pumapasan sa kabuhayan ng karamihan sa nayon, ang gumagawa ng mabibigat na kailangang gampanan para sa ikabubuti ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan. Isa pang katotohanang nalahad sa buhay ng nayon ay ang pag-amin ni Rajah Humabon nuong unang dating ng mga Español na pagtanda niya, at pinalitan na siya ng anak bilang datu, siya at ang asawa niya ay gagawin na lamang utos-utusan ng kanyang anak at manugang.

Mawawari sa mga pahayag na ito na lumawak ang pag-aalipin dahil ginawa itong lunas sa mga hindi maiwasang suliranin ng nayon:

Punongbayan

Ang puno ng nayon ay tinawag na datu, lakan, rajah, gat o ka, batay sa kung ano ang parangal ng mga kapantay o nakatataas, at kung kailan hiniram ang parangal mula sa Indonesia at Malaysia. Karaniwang anak o kamag-anak ng nakaraang pinuno, pinagkakamalan silang hari ngayon ngunit ang kanilang pumumuno ay hindi paghahari at, gaya ng baranggay, ay batay sa pag-sang-ayon ng mga pinamumunuan. Ang pag-sang-ayon, gaya uli sa baranggay, ay batay naman sa giting at dunong ng pinuno. Aninag ito sa hayag ng mga Español nang unang dumating nuong 1521, kilala at iginalang si Rajah Humabon ng mga Sugbuanon at iba pang mga Visaya sa pali-paligid, kahit na 800 lamang ang tauhan niya sa Cebu, kasama na ang mga babae at mga musmos.

Gaya ng mga pinuno ng baranggay na inalalayan ng mga magiting, ang mga pinuno ng nayon ay inalalayan ng mga pinuno ng mga kalapit na baranggay na tinaguriang maharlika, hiram na taguri mula sa kaharian ng Sri Vishaya sa Indonesia, na humiram naman mula sa India. Uli, pinagkamalan silang “nobility” ng mga Español, ngunit sila ay mga kakampi lamang [allies] sa sama-samang pagtanggol o pagdambong sa ibang nayon o baranggay.

Hintay muna: Bakit mali ang akala ng Español na hari si Rajah Humabon? Di ba talagang hari siya? At hindi ba nobles ang mga maharlika?

Ang hari ay dapat may sapat na yaman at kapangyarihan, 800 lamang ang mga ka-baranggay ni Humabon, pati na ang mga babae at mga musmos. Malamang 100 o higit pang pamilya, malaki para sa isang baranggay at maituturing nang nayon ngunit malayo sa pagiging kaharian. Ang kamalian maniwari ay batay sa akalang si Humabon ang “rajah” ng buong pulo ng Cebu, ngunit siya na rin ang naghayag kay Magellan na kapantay lamang siya ng mga datu sa paligid. Ang nakapaliit na pulo ng Mactan ay may 2 datu. Ni hindi kayang gapiin ni Humabon ang munting baranggay ni Lapu-Lapu . Hindi siya hari.

Tungkol naman sa nobility: Ito ang pamunuang sapin ng lipunan [ruling classes] na binubuo ng hari [panginoon ng malawak na lupain] at ng mga sumumpa ng pananalig at pagsisilbi sa kanya, at nagmula sa uri ng pamahalaang tinawag na feudalism na umiral sa Europa nuong nakaraan. Napahabang paksa ito - sabihin na lamang na ang paghiram ng taguring maharlika, gaya ng hiram sa taguring “rajah,” ay hindi angkop sa kalagayan sa Pilipinas nuon. Hindi hari ang datu kahit gamit niya ang pangalang “rajah,” at ang mga sandatahang alalay ng datu ay hindi matatawag na mga lakan [nobles], at lalong hindi sila maharlika [royalty] kahit iyon ang itinawag nila sa mga sarili. Ang mga kakampi ni Humabon, gaya ni Zula, ay ganuong na nga lamang - mga kakampi [allies]. Pinuno rin ng kani-kanilang bara-baranggay, masasabing sila ay oligarchs at ang kampihan nila ay sapian [alliance, federation], at ang uri ng pamahalaan nila, kung nagkaroon sila ng pagkakataong makapagbuo, ay matatawag na oligarchy, hindi feudalism. [Marami sa Manila ang magsasabi na ito na nga ang pamahalaan ng Pilipinas sa kasalukuyan.]

At lahat sila, ang mga pinuno, ang maharlika, ang mga alipin, ay nakasalalay sa mga timawa, ang mga pangkaraniwang mamamayan na bumubuo ng “katawan” ng lipunan. Ang huli at pinakamalaking sapin ng lipunan ng mga taga-nayon. Gaya rin sa kasalukuyan, sa kanilang pakikipag-isa o pagtiwalag nabubuhay o nasasalanta ang baranggay at nayon. Tuusin ang karanasan ni Magellan: Nilusob nila ang mga taga-Ladrones, nagtakbuhan ang mga tao. Nang sunugin nila ang baranggay, nagalit ang mga tao, nilusob sila ng 50 paraw na maaaring magsakay ng mga 30 sandatahan. Kaya mahigit 1,000 tao ang lumusob, tumalilis sina Magellan kahit may kanyon sila sa 3 barko. Nang lumusob sila sa Mactan , sumagupa sa halip na tumakbo ang mga katutubo dahil galit sa paggagahasa ng mga Español. Talo si Magellan.

Ang “timawa” ay kaugnay sa tawag na “tao,” “tawu,” “kama” at “me-a” o “meya” sa iba’t ibang wika ng mga Tagapulong Timog [Austronesians]. Sa urian ng sapinan ng lipunan [social classes or hierarchy] ng mga tagapulo nuong unang pasok ng mga Español, walang angkop na taguri sa mga timawa maliban sa hindi-sila-maharlika-hindi-sila-alipin. Katunayan, may mga salaysay na ni hindi binanggit ang mga timawa, tinagurian na lamang na “tao” [people]. Sa ibang salaysay, pinagkamalan silang mga malaya [free men], ngunit batay rin ito sa karanasan sa Europa at, bagaman at hindi alipin ang mga timawa, hindi angkop ang kahulugan ng free men upang tagurian sila ng ganuon. Hindi rin angkop ang turing na middle class na ginagamit ng ilan sa kasalukuyan, batay wari sa pag-iisip na - maharlika [upper class] sa itaas, alipin [lower class] sa ilalim, timawa sa gitna, e di middle class! Malinaw! Conquistador

May kahulugan ang middle class na hindi angkop sa kalagayan ng mga timawa nuon at ngayon. Sa ibang sabi, hindi angkop na tawaging timawa ang kasalukuyang middle class.

Hintay muna: May mga timawa pa ba hanggang ngayon? Di ba tawag lang ’yon sa mga matakaw at hindi marunong kumain nang mahusay? Hindi ba feudalism ang gawi sa Pilipinas nuon? Ano ba ang middle class at hindi puwedeng gamitin?

May katuturan sa mga sumunod na pangyayari sa Pilipinas, ngunit pasikut-sikot ang magiging paliwanag kaya pauna na ang mga madaling sabi:

Ngayon, ang mga nais umiwas sa mahabang urian ng nakaraang lipunan at paghanapang-buhay [economy] sa Europa, pitikin itong Ang Ika-3 Kaharian upang lumaktaw sa susunod na yugto. Salamat po.

Upang maunawaan ang dahilan ng pagkakamali ng mga Español, sinadya man o hindi, at upang maunawaan ang sinadya nilang gawin sa Pilipinas sa susunod na 300 taon, kailangang talakayin ang piraso ng kasaysayan sa Europa nuong bago magpanahon ni Felipe 2, ang kasaysayan ng feudalism [bigkas: fiYU-dalisim]. Ito ang katagang binuo ng mga abogado ng hari, una sa England, nuong bandang 1500 upang ipangalan sa mga iba-iba at hiwa-hiwalay na lipunan na nagsisimula nuong magtipon-tipon sa mga bagong kaharian. Hinawi ito sa tawag sa baka [“vieh” sa Aleman, “vaca” sa Español, “beef” sa English] na sukat ng yaman nuon sa Alemanya o Germany. Tawag na naging “fief” [bigkas: FIF], isang bagay na may halaga na nuong panahong iyong pulos magsasaka ang tao sa Europa, ay karaniwang nangangahulugang bukid o sakahan.

Sinapantaha ng mga abogado nuong 1500 na sa nakaraang 600 taon, nakapailalim sa mga hari-harian [petty tyrants] ang mga lupain [estates] na pinagbaha-bahagi nila sa kanilang mga tauhan, ang mga tinawag na aristocrats, mga magiting na ipinanganak at pinalaking marunong sa pangangasiwa at pakikipagdigmaan - tungkulin at karapatan dati ng pamahalaan. Kaya’t ang feudalism ay nagkahulugang hiwa-hiwalay na kaayusan [organization] na umiiral kapag hindi nagampanan ng pamahalaan ang mga tungkulin, kapag hindi nasupil ng pamahalaan ang pagtayog ng mga makapangyarihan sa baha-bahagi ng bayan.

Nakalilito, kaya bagtasin ang pinagmulan ng kalagayang ito. Sa gulo at kanya-kanyahan nuong 800 - 900 taon sa Europa matapos bumagsak ang Roma, hindi na pinagyaman ng mga pinu-pinuno ang pangangasiwa at mga gawi ng Roma, at sinunod na lamang kung anuman ang umubra. Kaya nagkaroon sa Europa ng mga gawing angkop sa kalagayang walang salapi o mga lansangan, naglaho na ang mapagsakop na pamahalaan [central government] at wala nang ugna-ugnayan ang mga kabayanan. Mga gawing mabisa sa pagtatanggol laban sa pandarambong ng mga Viking mula Scandinavia [Sweden, Norway at Denmark] at Finland, mga Magyar mula Hungary at mga Saracen mula Ukraine at Siberia. Luhod

Umiral sa hiwa-hiwalay na lipunan nuon ang mga sapian ng mga magsasaka [manors], mga kumbento ng mga frayle [monasteries], at kampihan ng mga aristocrat [feudalism]. Ang mga may-ari ng malalaking lupain [estate, encomienda o hacienda] ang umako ng mga kapangyarihan ng pamahalaan. Hindi nagtagal, bumuo sila ng sariling kaurian sa lipunan [social class] bilang mga mandirigma, kahiwalay at nakatataas sa ibang mga kasapi sa lipunan. Inari nila ang lahat ng karapatan at tungkulin sa bawat pook, sila ang nangasiwa sa paggamit at kalakal ng lahat ng pagkain at ari-arian, ang pagpapa-inam ng hanapang-buhay [economy]. Sinarili nila ang karamihan ng mga pagkakakitaan. Ang mga karapatan at tungkuling ito ay minana ng kanilang mga anak.

Ang kampihan ng mga aristocrat ay karaniwang kasunduan ng pagsisilbi [homage mula sa homme, tawag sa tao o tauhan] sa panig ng tauhan, at ng katapatan [fealty mula sa feal or faithful] sa panig ng kanyang poon o panginoon [lord, higit na angkop ang boss]. Ang tauhan ay tinawag na vassal [boy o “bata” sa wikang Celtic], at binigyan ng

  1. Pirasong lupa, tinawag na fief, na pagkakakitaan sa mahabang panahon ng tauhan at pamilya niya
  2. Dangal [respect], nagngangahulugan nuon hindi nakikialam ang poon sa pamumuhay o pamamahala ng vassal
  3. Katarungan [justice], ipagtatanggol ang vassal laban sa ibang poon o sa mga taong sakop sa fief

Maraming balik at pangako ang vasssal sa poon:

  1. Upa [relief] o buwis, karaniwang bahagi ng ani o anumang yamang nakamit ng vassal
  2. Pagdalo [aid and counsel] sa bawat pulong na ipatawag upang magpayo at kumampi sa poon
  3. Paglilingkod [vassalage] ng ilang buwan taon-taon o kapag ipinag-utos, karaniwang pagsusundalo sa digmaan o sa kastilyo [castle], ngunit maaaring kahit ano ang iutos - pagiging kalihim, sugo, atbp.
    [Ang upa, pagdalo at paglilingkod ay taning din sa mga naninirahan sa lupa ng vassal na tunay na may-ari, hindi kapatas lamang, at panginoon din ng mga naninirahan.]
  4. Kupkupin at pakainin nang 3 araw ang poon at mga kasama niya tuwing dumalaw
  5. Mag-ambag sa pagtubos sa poon kapag nadukot o nahuli ng kalaban
  6. Maghandog sa kasal ng pinakamatandang anak na babae ng poon, at sa pagiging alalay [knight] ng pinakamatandang anak na lalaki.

Tangi ang pagniniig ng poon at ng nagiging vassal, hawig sa pagsapi sa Katipunan dahil tinularan ni Andres Bonifacio. Luluhod ang vassal habang kipkip ng poon ang kanyang mga kamay, susumpa ang vassal na igagalang at mamahalin niya ang poon. Ipapangako naman ng poon na ipagtatanggol niya ang katauhan at dangal ng vassal. Kapwa sila tatayo at magyayakap. Maghahandog ng salapi ang vassal, bibigyan naman siya ng poon ng espada o kahawig na gantimpala. Mula nuon, ang vassal ay ituturing nang ka-pamilya ng poon. Middle Class

Sa ilalim at “pag-aari” ng vassal ang mga maninirahan sa lupang ibinigay sa kanya. Nawa’y aarugain, karaniwang ginagawang alipin sa lupa o serfs [tinawag ding mga magsasaka o peasants], pinagsasaka at kukunan ng kalahati ng ani o anumang kitain. Marami ding pinagsisilbi sa tahanan ng vassal bilang mga alila [servants]. Sa digmaan, tungkulin ng vassal na bumatak ng mga tao mula sa kanyang lupain, dala ang sandata at pagkain, upang magsilbi sa hukbo [private army] ng poon. Pinapatay ang sinumang umalis sa lupain [estate] o umangal sa pagturing ng vassal. Bahagya lamang ang kaibahan nila sa mga lubusang alipin [slaves]:

Madaling naglaho ang pag-aalipin [slavery] sa Europa. Dahil sa kahig-tukang hirap ng buhay, kahit na ng maraming aristocrat, naging pasanin at pakainin lamang sila. Istorbo at magastos pa, laging nag-aaklas. Napalitan sila ng mga serfs na higit na kanais-nais sapagkat nagsisilbi na, sila pa ang nagsasaka at nagpapakain sa mga sarili. At sa mga aristocrat.

Ang puso ng feudalism ay ang pag-aari ng lupa. Ang may-ari ang pinakamakapangyarihan at sa 600 taong umiral ang feudalism sa Europa, nauso ang tuntuning pati ang lahat ng nasa lupa - tubig, hayop, bato, puno, tao - ay ari din. Walang nakainom ng tubig, walang nakakuha ng panggatong, walang hayop na kinatay, walang tanim na kinain nang walang pahintulot. Bitay o piitan ang parusa. Naganap ang dapat asahan, naghangad ang mga may lupa ng higit pa at naging madalas at malawak ang mga digmaan ng mga nag-aagawang poon. Kasisimula pa lamang ng feudalism, nagsimula na rin ang pagbubuklod ng mga lupain sa pagsakop sa mga katabi ng mga pangahas at malakas. Hanggang pagkaraan ng ilang daang taon, nakapagbuo sila ng malalawak na kaharian [kingdom] at sila ay tinanghal na mga tunay na hari [kings]. Ang pagsakop sa America at sa Pilipinas ay pagpapatuloy lamang ng dati nang gawi ng mga hari ng España.

Ang lipunan nuong feudalism at sa mga sumunod na panahon ay sapin-sapin [hierarchical]. Ang mga serf sa pinakailalim ng patong-patong na mga aristocrat - mga duke, baron, conde atbp, batay sa laki at yaman ng fief. Sa tabi-tabi ang mga frayle na katulong ng mga aristocrat sa pamamahala at hindi nagbabayad ng buwis o upa sa lupang kinatatayuan ng mga kumbento.

Nuong una, nasa tabi-tabi rin ang mga taga-kabayanan [towns people] o mga taga-lungsod [city folks] na karaniwang namumuhay sa pagkakalakal sa mga pagitan ng malalaking fief gaya ng Paris, sa France, at London, sa England, at sa mga daungan ng barkong dagat sa hilaga [ang North Sea at ang Baltic Sea] at sa timog [ang Mediterranean Sea] ng Europa, gaya ng mga lungsod ng Amsterdam, sa Netherland, at Venicia, sa Italia. Dahil palakbay-lakbay sa pagkakalakal, ang mga taga-kabayanan ay hindi naipako sa lupa gaya ng mga serfs at sila ang tinuring na mga malaya o free men.

Dinayo sila ng mga takas na serf at mga patapon [criminals and undesirables] na naging mga kargador sa pier at mga bodega at tauhan [ships crew] sa mga barkong dagat. Lumawak, yumaman at naging makapangyarihan ang mga lungsod at kabayanan at, sa katagalan, naging karibal ng mga fief sa pamamahala ng mga tao. Isa sa mga “kalayaan” ng mga kabayanan ay ang pagpapalit ng kinakampihang aristocrat, kung sino man ang sapantahang mananalo sa sunud-sunod na digmaan sa Europa. Dahil dito, maraming namuhi sa mga free men, lalo na sa mga palaboy-laboy na nagkakalakal [traders] at mga manggagawa, mga karpintero at mason na gumagawa ng mga simbahan at kastilyo sa iba’t ibang bahagi ng Europa, na kinainggitan ng mga serf. Kung hindi man sila sinalihan ng mga takas, natuto naman sa kanila ang mga serf kung ano ang kalayaan.

Columbus Sapagkat panalo ang kinampihan nilang aristocrat, karaniwang naging capitolio o himpilan ng pamahalaan ng fief ang mga kabayanan at lungsod. Sa halubilo duon ng mga aristocrat at mga mayamang malaya, namayani ang buhay-kabayanan [urban life] na lalong nagpatibay sa mga kalayaan ng mga taga-lungsod. Sila, ang mga malaya at masalapi ng lungsod at kabayanan, ang naging middle class.

Makikita ang ilan-ilang pagkakahawig ngunit napakarami ng pagkakaiba upang masabing feudalism ang iral sa kapuluan nuong dumating ang mga Español. Katunayan, ang mga Español ang nagtatag ng feudalism sa Pilipinas sa kanilang mga encomienda at mga hacienda. Kakatwa sapagkat mahigit 100 taon nang patay ang feudalism sa Europa nuon pang 1492, nang tuklasin ni Christopher Colombus ang America para sa España. Pumalit ang panahong tinawag na kagisnan [renaissance], nang binuhay na muli ang mga gawi at pangangasiwa ng Roma [Roman Empire], ngunit iyon ay iba nang salaysay.

Unang-una, sa ulat na rin ng mga Español gaya ni frayle Pedro Chirino, karamihan ng mga baranggay ay maliliit, 30 hanggang 100 pamilya lamang. Bagaman at magkakalapit daw, bihira ang mga nayon na binubuo ng ilang baranggay sa ilalim ng isang pinuno, dahil nais ng mga katutubo na mamuhay katabi ng kanilang mga bukid, ilog o dalampasigan, kung saan sila naghahanap-buhay.

Isa pa, sinuman daw na may sapat na lakas at dahas ay nagiging pinuno ng baranggay. May mga nayon, gaya ng Cebu sa ilalim ni Rajah Humabon, na anak ng datu ang namumuno, ngunit sa karamihan ng mga baranggay at nayon, ayon kay Chirino, hindi lamang iisang tao kundi maraming taga-baranggay, ang mga magiting at mga matanda, ay kasali sa pamamahala. Halimbawa ang nayong binuo sa Leyte ni Amang Hawin [Old man or senior Hawin, sinulat na Datu Amahawin ng mga Español] mula sa mga baranggay ng Bato, Hilongos, Hindang, Inopacan at Matalom. Sa Leyte rin, binuo ang nayon ng Cabalian (Cabulian ngayon, sa hilaga ng Leyte), umabot hanggang Cagayan (lungsod sa Misamis Oriental ngayon) sa Mindanao ang lawak, ni Datu Agu [si Agu, sinulat na Datu Siagu ng Español] ngunit isang datu rin, si Malitik, ang pinuno ng baranggay ng Cabalian mismo. [Cabalian ang unang tawag ng Español sa Leyte, at kahindik-hindik man ang laki, alalahaning ilan-ilan baranggay lamang sa hiwa-hiwalay na dalampasigan ang ‘nayon’ nuon. Pulos gubat at walang tao sa looban ng Leyte nuon. Si Datu Agu ay ibang tao, hindi si Rajah Agu na nakaharap ni Magellan mahigit 50 taon sa lumipas.] Ang mga ilan-ilang nayon na natagpuan ng mga Español ay hindi mga kaharian kundi mga kampihan lamang ng mga magkakalapit na baranggay [federation of allied villages]. Kasali na rito ang Cebu ni Humabon at ang Manila ni Soliman. Sacadas

Ang pinamalaking pagkakaiba ng kapuluan sa feudalism ay ang pag-aari sa lupa. Bagaman hawak at ipinagtatanggol ng mga tagapulo ang kanilang baranggay at bukirin, ang lupa ay gamit lamang at hindi ari ng mga nagsasaka o ninuman sa baranggay. Ang mga ani lamang at mga bagay na nilikha ang tinuring nuon na pag-aari, gaya ng isdang nalambat sa dagat o nabingwit sa ilog. Walang may-ari ng ilog, dagat o parang, kahit na nagtataboy ng mga dayuhan ang mga tagaroon.

At ang mga timawa nuon ay walang hambing sa middle class ng Europa nuong panahon ng feudalism, maliban sa sila ay kapwa malaya at hindi nakapako sa lupa gaya ng mga serf. Katunayan, nuong panahon ng mga datu, walang nakapako sa lupa at naaaring lumayon sinuman. Ang mga Español, sa kanilang pagkaganid, ang nagpako ng mga timawa sa lupa, bilang mga sacada at kasama sa bukid.

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod