Patayan Sa New Society
Laging napatunayan ng mga Pilipino na higit silang magiting kaysa kanilang mga pinuno.
Sinu-sinong pinuno ang dumating, sinu-sinong pinuno ang lumisan; ngunit
patuloy ang mga Pilipino sa pagtahak sa anumang kapalarang itinakda ng Tadhana.
- Emilio Jacinto, utak ng Katipunan
Hindi ito government by law, ito’y government by outlaw!
- Tsuper ng jeepney, matapos kikilan ng pulis
SA HALALAN nuong 1935, nang mahalal sina Manuel Quezon at Sergio Osmena bilang pinuno ng Commonwealth, nahalal din si Julio Nalundasan bilang kinatawan ng Ilocos Norte sa Philippine Assembly; tinalo niya ang ama ni Ferdinand Marcos, si Mariano, na dati ring kinatawan ng Assembly. Panganay na anak, si Ferdinand ay asintado at kapitan ng rifle and pistol team sa University of the Philippines nuon. Binaril at napatay si Nalundasan habang nagsisipilyo ng ngipin isang gabi sa harap ng bintana ng kanyang bahay. Dinakip at nilitis ang mag-amang Marcos, pati na ang 2 kapatid ng matandang Marcos. Hinatulan si Ferdinand Marcos ni Judge Roman Cruz, ng Laoag provincial court nuong 1939 na makulong dahil sa pagpatay kay Nalundasan. Nasa piitan si Ferdinand nang makapasa sa bar examinations at naging abogado at, sa harap ng Philippine Supreme Court na pinamunuan ni Jose Laurel, matagumpay siyang nangatwiran at pinalaya nuong 1940.
Tatlong halalan ang pinagtagumpayan ni Ferdinand upang maging congressman at senador. Ang ika-4 na tagumpay nuong 1965 ang pinakamarumi at pinakamagastos - mahigit 15 milyon piso ang nilustay, pati ang mga alahas at sinsing pangkasal ng asawa, si Imelda Romualdez, ay isinanla upang maitustos sa kampanya upang maging pangulo ng Pilipinas si Ferdinand. Marahas, higit na marumi at higit na magastos ang halalan nuong 1969 nang naging pangulo muli si Ferdinand. Nuong Septiembre1972, pinigil niya ang paghalal sa 1973 ng kapalit bilang pangulo; naghayag siya ng martial law. Dictador na ng Pilipinas si Ferdinand.
Isa sa mahigit 30,000 dinakip at ipinakulong ni Ferdinand ay ang kahawig niya sa pagkawalang hunos dili, si Benigno Aquino, sumisikat na senador at malamang pumalit sa kanya sa naantal na halalan ng 1973. Hinatulang mabitay si Benigno ng mga sundalo ni Ferdinand, ngunit mangingibabaw ang alingasngas kaya ipiniit na lamang siya nang 7 taon hanggang nagkasakit sa puso at, sa hikayat ni Jimmy Carter, pangulo ng America, ipinadala siya sa Texas, sa America, upang ma-operahan nuong Mayo 1980. Dinalaw siya ni Imelda, asawa ni Ferdinand, upang pagbawalang huwag nang bumalik sa Pilipinas at papatayin siya ng mga “comunista” o ng iba pang mga pangkat. Pinag-usapan din nila kung ano ang magiging kinabukasan ng pamahalaan sa Pilipinas kapag wala na si Ferdinand. Nanahimik sa America si Benigno nang 3 taon habang nakikinig sa mga ulat ng unti-unti at lumalaganap na galit ng mga tao sa Pilipinas, at ng paghina ng katawan at pagkakasakit ni Ferdinand - palagian na sa Malacanan ang mga doctor at mga nurse upang gamutin si Ferdinand araw at gabi - hanggang nuong Hulyo 1983, kumalat na agaw-buhay na, hindi tinanggap ng katawan ang kapalit na bato [kidney transplant rejection]. Labag sa payo ng asawa, si Corazon Cojuangco, nagpakana si Benigno na pumuslit sa Manila at angkinin ang pagka-pangulo ng Pilipinas.
Mahigit isang libong kakampi ni Benigno ang nagkumpol sa Manila International Airport nuong Agosto 21, 1983, upang sumalubong kay Benigno na balak, matapos mapaligiran ng mga alalay, ay sumugod patungong Mendiola at matapos salihan ng inaasahang 5 o 6 libong mga taga-Manila, sakupin ang Malacanan at ang pamahalaan. Walang malay-tao si Ferdinand sa Malacanan dahil sa sakit, kaya si Imelda lamang at ang dating tsuper ni Ferdinand, si Fabian Ver, na nuon ay pinuno na ng buong sandatahang bayan [Philippine armed forces], ang sumansala sa balak ni Benigno. Malayo sa mga sumalubong, sa tagong bahagi ng airport pinalapag ang eroplanong sinakyan ni Benigno galing sa Taiwan at, matapos siyang dakpin at ibaba ng mga sundalo, binaril sa ulo at napatay si Benigno.
Bangkay ng isang “comunista” daw, si Rolando Galman, nakahandusay sa tabi ni Benigno, ang pinaratangan ng mga sundalo ngunit hinayag nuong Octobre 1984 ni Corazon Agrava, kaibigan ni Ferdinand at hukom [judge] na nag-usisa sa pagpaslang, na pakana ng mga sundalo ang pagbaril at, nuong Septiembre 28, 1990, nilitis at hinatulan si General Luther Custodio at 15 pang sundalo ng airport security sa pagpatay kay Benigno. Pinawalang sala si Fabian Ver at 25 pang kasapakat sa pakitang-taong paglilitis nuong Deciembre 2, 1985 ng Sandigang Bayan [National Bulwark, a special court], gawa-gawang tagapaghatol ni Ferdinand, ngunit taimtim ang paniwala ng madla, at napahayag sa Congress ng America, na si Imelda at si Ver ang nagnasa na mapatay si Benigno.
Masuwerte o sakdal tigas ng loob, maaaring sa bisa ng walang tigil na dalubhasang paggamot, natauhan at nabuhayan si Ferdinand pagkatapos mapatay si Benigno ngunit sukdulan na ang pagkawala ng tiwala ng karamihan sa kanyang pamahalaan; kahit ang mga kaibigan niya sa pamahalaan ni Ronald Reagan, pangulo ng America, ay gimbal sa pagkitil kay Benigno na paniwala nilang nagiging sanhi ng pagdami ng mga comunista at iba pang kilusang nais bumuwag kay Ferdinand.
Hintay muna: Ano ’yong New Society?
Ang Bagong Lipunan [New Society] ang itinatag na pangkat pampolitica [political party] ni Ferdinand upang panalunin ang mga kakampi sa pakutsi-kutsing halalan sa Pilipinas nuong mahigit 20 taong dictador siya. Inakala ng marami pagkaraan ng ilang buwan lamang nuong 1973 na ang New Society ay binubuo ng mga blue ladies ni Imelda na laging nasa society pages ng mga pahayagan [kaya raw new society pages ang tawag]. Ngunit bago pa nag-martial law, panay nang sinabi ni Ferdinand na kailangang pairalin ang ‘bagong lipunan’ na walang colonial mentality o pagsipsip sa mga Amerkano at mababaw-isip na paggaya sa anumang gawi na sumikat o nauso sa America. Bagong lipunan daw na babawas din sa utang na loob na sanhi ng pangkat-pangkatan at “kanya-kanya” sa politica at balakid sa pag-iisa ng mga tao. Kailangan ding samahan ng pagpapakasakit ng bawat isa, para sa ikabuti ng nakararami, upang umunlad gaya ng Taiwan at South Korea. Daw.
Hintay muna: Wala bang kabutihang nagawa si Marcos?
Nuong unang naging Pangulo, nagpagawa ng maraming kalsada, tulay at paaralan si Ferdinand. Sa kanyang politikang palay [politics of rice] din, naalis ang pagtatago ng bigas ng mga may bodega upang pataasin ang presyo. Sa pagtangkilik niya sa IRRI [International Rice Research Institute] ng Los Banyos, Laguna, napalawak ang paggamit ng miracle rice at naparami ang aning bigas. Ang mga ito ay nakabawas sa taunang pagbili ng bigas mula sa ibang bayan at nakapagbaba ng halaga ng bigas.
Pinalaki niya ang hukbong sandatahan at itinaas ang katayuan at sahod ng mga sundalo. Lahat-lahat ay nakatulong sa pagkahalal niya bilang pangulo muli nuong 1969.
Nuong bagong iral ng martial law, karamihan ng mga tao ay sang-ayon sa pagsupil ni Ferdinand sa pagpuslit ng mga droga, heroine at opium, at sa nakatureteng kalampag ng mga demo at mga riot sa Manila. Umunti din ang nakawan dahil natakot ang mga pusakal na barilin na lamang sila ng mga sundalo sa halip na dakpin ng mga pulis.
Bago pa rin ang martial law nuong Septiembre at Octobre, 1972, nang iutos ni Ferdinand ang munti ngunit pinakamabisang land reform na ginanap sa Pilipinas simula nuong unang dating pa ng mga Español. Binili ang mga hacienda at malalaking palayan sa Gitnaang Luzon, pinaghati-hati sa 3 or 5 hektarya at ipinagbili sa mga magsasaka at mga kasama nang hornalan [payment in installments], patak-patak ang bayad sa loob ng 15 taon. Ang mga magbubukid sa maliliit na palayan, kulang sa 7 hektarya ang sukat, ay ginawang taga-upa, pirmis ang bayad na upa, hindi bahagi ng ani, kaya may pagkakataong kumita ng malaki ang mga ito kapag malaki ang naging ani. Mabisang land reform sapagkat nawatak ang malalaking lupaing sanhi ng pagkakabaon sa utang at paghihimagsik ng mga tao. Munting land reform sapagkat sa Gitnaang Luzon lamang ginawa, at mga palayan at maisan lamang ang mga lupaing isinaayos, hindi kasali ang mga hacienda ng tubo [asukal], saging, pinya at ibang pananim. Munti, sapagkat ang pagpapairal ng land reform ay mabagal, nahaluan ng pagkurakot [graft and corruption] at piling-pili, ang mga kalaban niyang maylupa lamang ang inalisan ng lupa. Munti, sapagkat 6 lamang sa bawat 100 magsasaka ang nagtamasa ng biyaya at naging may-ari ng kanilang sinasaka.
Maliban sa munting land reform nuong 1972, hindi nagtagal at maliit ang mga kabutihang nagawa ni Ferdinand kung iwawangis sa kurakot, - may ulat na abot sa 10 bilyon dolyar, - at karahasang umiral nuong pangulo, at nuong dictador siya.
Kailangang ibalik ang democracia o magtatagumpay ang mga comunista sa Pilipinas! ang sabi ng mga pinuno ng America sa Washington DC, kasaliw ng kalampag ng mga pinuno ng Batasan [Congress] ng America, at tunay at malawak na democracia, hindi ang pakutsi-kutsing halalan ng mga kinatawan ng tutang congreso ni Marcos!
Napilitan ngunit tuso pa rin, kahit mahina na ang katawan. Habang nakikipagpanayam nuong Noviembre 3, 1985 kay David Brinkley sa harap ng television sa America, hinayag ni Ferdinand ang biglaang halalan [snap election] sa loob ng 75 araw, sa Enero 17, 1986 sana, tapos napaliban sa Febrero 7, 1986. Sa ganitong paraan, napatila ni Marcos ang kalampag ng mga Amerkano. Paniwala din niya na walang sapat na panahon ang mga magiging kalaban upang magkampanya at mag-ipon ng mga boto sa loob ng 3 buwan. Malaki rin ang tiwala niyang manalo sa tulong ng mga galamay sa pamahalaan at mga pahayagan. Ngunit tuso man daw at may sakit, hindi natantiya ni Ferdinand ang sidhi ng paniwala ng mga Amerkano sa democracy - nagpadala ng maraming tagapagmasid at mga kinatawan ng US Congress upang manmanan ang anumang alingasnas sa kampanya, halalan at bilangan ng boto. Hindi rin natantiya ni Ferdinand ang unos ng kinatakutan niyang alingawngaw na pinawalan ng kanyang mga kakampi nang paslangin si Benigno; hindi niya natantiya ang tibay at dami ng kanyang mga kalaban, hindi niya natantiya ang kawalang-tiwala sa kanya ng mga karaniwang mamamayan ng Pilipinas, at ng America.
Higit sa lahat, hindi niya natantiya si Cory.
PANGKARANIWANG maybahay ang turing sa sarili, walang nag-akala na magiging pinakakilala si ‘Cory’ Corazon Cojuangco sa mayamang angkan ng mga Ko Hwan-ko ng Tarlac. Ipinanganak nuong 1933 at lumaki sa layaw, tahimik, relihiyosa at mataas ang pinag-aralan sa mga convento sa America, tiyak ng lahat, pati na ng sarili, na hindi siya kailan man magiging pinuno, kahit na nuong mapangasawa si Benigno, na simula’t simula pa ay nagnasa nang maging pangulo ng Pilipinas. Ngunit nagbago ang pag-iisip ng lahat mula nang paslangin si Benigno. Ang paghimagsik ng bayan sa kapaslangan, ano pa’t hindi dinakip o pinarusahan ang mga pumaslang, ay nasalamin sa damdamin at pasiya ni Cory na labanan si Ferdinand sa snap election.
Lahat ng laban kay Ferdinand ay dumayo sa bantayog ng tahimik at magiting na viuda. Pati si ‘Doy’ Salvador Laurel, senador na nais maging pangulo rin, ay pumayag na kumandidato bilang Pangalawa [vice president] ni Cory, sa amuki ni Cardinal Jaime Sin, arsobispo ng Manila, upang mapalakas ang presidential ticket - giliw ng mga mamamayan si Cory ngunit wala siyang kaalaman sa politica, samantalang matipuno ang pangkat pampolitica ni Laurel, ang UNIDO, ngunit payat ang pagtangkilik sa kanya ng mga mamamayan. Ang hindi kapani-paniwalang pagtuwang nina Aquino-Laurel ang nagkamit nuong Febrero 7, 1986, ng kauna-unahang pagkatalo ni Ferdinand sa ika-6 at kahuli-hulihan niyang halalan. [Hindi itunuturing na halalan ang mga ipinaganap niya nuong dictador siya.]
Ngunit tuso at matibay ang kalooban, ninakaw ni Ferdinand ang tagumpay sa bilangan ng boto sa COMELEC [Commission on Elections] sa pamamagitan ng halu-halong pananakot, pananakit, suhulan at dayaan ng kanyang mga kampon at siya ang hinirang na pangulo muli ng tinawag na National Assembly nuong Febrero 15, 1986. Sakdal ang angal ng mga mamamayan, ni Cardinal Sin at ng mga kinatawan ng US Congress, ngunit hawak pa rin ni Ferdinand ang hukbo at pamahalaan, at maaaring nabinbin ang pagsupil sa kanyang pagka-dictador kung hindi sa pagbubuklod ng mga pangyayari sa lumang lansangang hindi man lamang binigyan ng maayos na pangalan nang ilatag ng mga Amerikano ilanpung taon sa nakaraan upang pag-ugnayin ang mga kabayanan sa paligid ng Manila at ginawang shortcut mula sa airport hanggang Camp Crame at sa katapat na Camp Aguinaldo na kapwa naging sangkalan ng pagwatak sa kaharian ni Ferdinand nuong mahalagang mga araw ng Febrero 1986.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|