Carlos Garcia

Garcia: Austerity At Pilipino Muna

Hanggang maigsi ang kumot, magtiis mamaluktot
Saka na lamang umunat kapag mahaba na ang kumot

                        - Salawikaing Tagalog

NARARAPAT lamang, lamang, maaaring kapalaran, o marahil dahil sa isunusukat ng mga magiting ang sarili sa mga dapat tupdin. Kahit ano pa man, nakabuti na ang 2 sumunod na pangulo kay Ramon Magsaysay ay kapwa masinop at maalam tungkol sa paghanapang-buhay [economy] ng bayan. Sunud-sunod ang mapait na kapalaran ng kapuluan - maraming napatay at nadurog ang Manila sa digmaan laban sa Japan, nagkagulo-gulo sa paghimagsik ng mga Huk, sinundan pa ng paglustay ng salaping bayan at pagkaligmok sa utang sa America na ginawa ni Magsaysay upang mahimok ang mga taong kampihan ang pamahalaan laban sa Huk. Nang matapos manungkulan sina Carlos Garcia at Diosdado Macapagal, hindi man mayaman, malakas naman ang hanapang-buhay [economy] ng Pilipinas, at maliban sa Japan, panguna sa buong Asia sa pagkain at kaunlaran.

Tahimik at mahinahon si Carlos Garcia, ipinanganak sa Talibon, Bohol, nuong Noviembre 4, 1896, nang kasalukuyang kumakalat parang apoy sa buong pulo ang balita ng kasasabog na himagsikan ng Katipunan sa Manila. Kapwa Boholano ang mga magulang, sina Policronio Garcia at Ambrosia Polestico, at gaya ng karamihan sa Bohol, ay hindi nasindak o nabalisa sa bali-balita ng labanan na malaganap na gumugulo sa katabing pulo ng Cebu nuon.

Lumaking politico si Garcia. Nuong panahon ng Amerkano, 2 ulit siyang naging governador ng Bohol bago nahalal na kinatawan ng Batasan Bayan [congressman] sa unang Republika ng Pilipinas nuong 1946, katulad at kasabay ni Magsaysay. Nahalal siyang senador nuong 1950, at nagbuo ng sariling sapian [political party] kahiwalay sa Nacionalista Party at Liberal Party na bantog nuon, ngunit nayaya siyang sumapi sa Nacionalista at naging katuwang ni Magsaysay sa halalan nuong 1953. Bilang Pangalawa [vice president] ni Magsaysay, namasdan ni Garcia ang paglustay ng milyon-milyong salapi, tulong [aid] galing sa America at bayad-pinsala [war reparations] mula Japan, sa pagbili ng bigas at pagkain mula sa ibang bansa, na dapat sana ay ginamit sa pagpundar ng mga industria. Ngunit bantog at makatao ang ginawa ni Magsaysay at hindi sumalungat si Garcia. Dance Troupe

Nang pumanaw si Magsaysay nuong Marso 1957, nahirang na pangulo si Garcia, at sa halalan nuong sumunod na Noviembre, nahalal siyang pangulo ng Pilipinas. Sinimulan niyang lunasan ang mga kalabisan at pagkukulang na laganap nuon. Inadhika niya ang alituntunin ng Pilipino Muna [Filipino First] sa pamahalaan upang mabawasan ang pamamayani ng mga Amerkano sa Pilipinas dala ng malapit na kampihan ni Magsaysay at ng America nuong himagsikan ng mga Huk, at upang mabuhay ang paggalang ng mga Pilipino sa sarili. Dala rin nito, sinulsulan niya ang paglalakbay ng Bayanihan Dance Troupe at iba pang pangkat ng sayaw Pilipino sa America at marami pang bansa upang ipakita, lalo na sa mga Pilipino mismo, ang ganda at yaman ng mga gawi at katauhan ng mga tagapulo.

Nanawagan pa si Garcia sa bayan na magtipid at maging masinop, sundin ang austerity program niya nang masansala ang paggasta ng salapi ng bayan at makapag-imbak para sa kinabukasan.

Hindi sumunod ang bayan. Naging giliw ang Bayanihan Dance Troupe ngunit hindi pinansin ng mga tao ang Filipino First sa malaganap na pagtangkilik ng mga imported at ng mga made in USA na naging pahiwatig ng kataasan sa lipunan [status symbol] sa Pilipinas. Dahil naman sa maliit lamang ang panalo niya sa halalan, natanto siyang mahina sa politica at inirapan ang mga mungkahi ni Garcia sa Batasan [congress] ng mga kinatawan na mayaman at walang nakitang dahilang magtipid sa patuloy nilang pagkurakot sa salapi ng bayan. Ang mga karaniwang mamamayan naman ay walang sapat na kinita upang magtipid nang kasing laki ng inadhika ni Garcia.

Gayung kasing linis ni Magsaysay, kapwa ayaw gumamit ng salapi ng bayan sa halalan o sa sarili, namayani pa mandin sa pamahalaan ni Garcia ang kabulukan [graft and corruption] na nagsimula pa nuong panahon ni Magsaysay sa ilalim ng NARIC, NaMarCo, SWA at iba pang naglakihang pundar ng pamahalaan. Naging eskandalo ang walang puknat at malawak na pagnanakaw ng hindi masupil na mga kawani at pinuno ng pamahalaan. Natalo si Garcia sa halalan nuong Noviembre 14, 1961, nang tumanggi siyang gamitin ang kapangyarihan at salapi ng pamahalaan upang mahalal muli, at sa paratang ng graft and corruption na dumanak sa kanyang pamamahala.

Saglit siyang nabalik sa politica bilang pangulo ng constitutional convention nuong 1971 ngunit inatake siya sa puso at namatay nuong Junio 14, 1971.

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod