Mindanao: Ang Mga Ayaw-Hari
Ako’y ibigin mo, lalaking Matapang!
Ang baril ko’y pito, ang sundang ko’y siyam
- Awit, Leron-leron Sinta
MARAMING pangkat sa Mindanao ay tumangging maging Muslim, nagtago, nakipagdigmaan, ayaw bitawan ang kanilang pananampalataya sa kanilang mga ninuno at ibat-ibang anyito, ayaw kilalanin ang mga sultan na ibig sumupil sa kanila. Sa pagkakahawig ng gawi nila sa maliliit na bara-baranggay, hiwa-hiwalay sa gubat, bundok at parang, makikilatis ang buhay ng mga Pilipino bago nagdatingan ang mga hari.
Sinasapantaha na marami sa mga umayaw sa Islam ay galing sa Malaysia at Indonesia nang unang pumasok duon ang pagsampalataya ni Mohamed, lalo na sa maunlad na lungsod ng Malacca, sa Malaysia.
Mula Malaysia ang mga Tiruray, karaniwang nagsisiksikan ang ilang pamilya sa isang tahanan, madalas higit sa isa ang asawang babae, mahilig sa kabayo, gaya ng mga Tiboli. Mahigit 200 taon SN, isang lagalag mula sa France, si Pierre Sonnerat, ang nakapansin na hindi nila tinatali ang mga kabayo, hinahayaang lamang maglibot-libot. Kapag kailangan lamang nila hinuhuli at ginagamit; pagkatapos, pinawawalan muli. Bilang pang-aliw sa mga piging at ibang pagdiriwang, pinaglalaban nila ang mga kabayong lalaki, ngunit pinipigil agad at hindi pinababayaang magkasakitan o magkasugatan.
Malaking pangkat-pangkat ang mga Tiruray, nagkakaingin at nangangahoy mula sa ibaba o timog ng Cotabato River hanggang sa mga gubat ng bulubundukin ng Cotabato. Tatlong magkakahiwalay na pangkat sila, batay sa kanilang mga tirahan. Ang mga taga-bundok ay mga pagano; ang iba ay nag-ugnay sa mga kalapit na Muslim ngunit, maliban sa pailan-ilan, hindi sila sumapi sa Islam.
Ang mga babaing Tiboli ang pinakamakulay magdamit sa Pilipinas. Karaniwang pantaas nila ay maitim na asul na may burdang pula, dilaw at puti, may putong sa ulo ng hawing abaca na kung minsan ay malapad, o kaya ay maliit ngunit napapaligiran ng mga makukulay na suklay. Nagkikislapan ang mga kuwintas, hikaw at singsing sa mga bisig, daliri, binti at paa. Malalapad na sinturon na may palamuti at pangkawit na tanso, dala-dala ang kanilang nga-nga sa tansong sisidlan na sinasabit sa kanilang balikat. Tunay na tanyag ang kanilang anyo!
Ang mga batang babae ay nagsisimulang maghikaw sa edad na 6 lamang, marami pang hikaw ang isinusuot nang sabay-sabay. Ang mga batang lalaki naman ay nagpapatato, o kaya ay nagpapalamuti sa katawan ng mga peklat na hinugis nang iba-iba. Nuong dati, kinikikil at iniitiman nila ang mga ipin.
Bantog ang kanilang mga hawing tela. Kinukulayan nila ang mga sinulid na abaca bago hawiin, pinung-pino at kaakit-akit ang mga kathang kulay sa tela. Ang telang gagamitin sa kasal ay inaabot ng ilang buwan hawiin; may paniwalang mapalad ang telang ito, hindi ginugupit at baka malasin. Ginagamit pa uli sa panganganak at isa iba pang pagdiriwang. Kapag ipagbibili ang telang pinangkasal, kinakabitan o tinatalian muna ng sinsing na tanso nang hindi magalit ang mga espiritu.
Ang mga datu ang tagapag-ayos ng kanilang mga away-away, ang nagtuturo sa kanilang mga dating gawi at mga alituntunin sa buhay. Pinagkakasunduan ng mga magulang ang pag-aasawa ng mga anak; karaniwang mag-asawa ng higit sa isa ang mga mayaman. Nabubuhay sila sa pagkakaingin, pangangahoy na may gamit na lason sa pana at patalim. Gaya ng karamihan sa mga taga-Mindanao, mahilig silang umawit at sumayaw.
Kapag may namatay, binuburol nila sa loob ng inukang punong-kahoy at ipinaglalamay nang 2 linggo. Sa huling gabi ng lamay, buong magdamag papasanin ang kabaon at inilalakad paikut-ikot sa bahay, sinasaliwan ng tugtog ng mga musiko at panaghoy ng mga naulila, at ng mga salaysay at papuri sa buhay ng namatay. Pagsikat ng araw, itatali ang kabaong sa tuktok ng mataas na kawayanan; duon iiwan hanggang lubusang maagnas ang bangkay. Ang bahay ng namatay ay sinusunog upang mapilitang lumisan ang kaluluwa; kung manatiling paligid-ligid ang kaluluwa, kakainin ito ng mga masasamang espiritu.
Kalapit, kaugnay at kahawig ng mga Tiboli ang mga Ubu sa look o lawa ng Sebu [Lake Sebu]. Magara rin silang manamit, masinop din silang maghawi ng tela at manahi ng mga gamit. Kaiba ang kanilang paniwala na kapag natapos gawin ang anumang gamit o tela, nagkakaroon ng kaluluwa o espiritu ang mga ito at ayaw na nilang ipagbili. Dinaig din nila ang mga Tiboli sa pagpapanday ng tanso at bakal.
Ayaw mag-Muslim, ngunit panay ang gaya sa mga Muslim ng mga Bagobo, bantog na mga panday ng tanso, sandata at bitbitang bakal. Sakop nila ang timog Davao at Cotabato, lagpas sa bundok Apo hanggang Pulangi River. Lubhang makulay ang kanilang mga damit na, gaya ng mga Tiboli, ay hawi sa abaca, bordado at pinalamutian ng mga bakal, batu-bato, at kabibing makukulay.
Ang mga kumpol ng mga Bagobo, ang mga malaya at mga alipin, ay pinamumunuan ng mga datu, naghahatol at nagpapataw ng parusa ukol sa mga batas at dating gawi, katulung-tulong ng mga matatanda. Ang mga magigiting nila ay tinatawag na magani [bayani sa Tagalog], karaniwang mga lalaking nakapatay na ng ilang tao at may karapatan nang magsuot ng pulang damit.
Hawig sa mga taga-India, marami silang sinasambang gimokod [bathala] at mga kaluluwang tinatawag na mabalian [anyito]. Kasunduan ang pag-aasawa nila; ang mga magulang ng lalaki ang pumipili ng mapapangasawa, at nakikipagtawaran sa bayad sa mga magulang ng babae. Bilang kapalit, nang hindi naman sabihing ipinagbili nila ang kanilang anak na babae, ang mga magulang ay nagbibigay ng handog na kala-kalahati ang halaga ng ibinigay ng mga magulang ng lalaki. Dagdag pa, gawi na magsilbi ang lalaki sa pamilya ng babae bago at pagkaraan ng kasal.
Mayroon silang dating ginagawang pagdiriwang, kung nanalo sa digmaan o gumaling sa sakit o kulam - ibinibilad nila ang pugot na ulo ng mga kaaway at pumapatay sila ng alipin bilang handog at pasasalamat sa mga anyito. Pagkatapos, ilalahad ng mga magiting ang kanilang mga tagumpay; at lahat sila ay aawit at tutula ng mga kasaysayan ng kanilang mga ninuno, habang nag-iinuman ng lambanog.
Ang mga Subanon ang mga “taga-ilog” ng Mindanao, naninirahan sa kanlurang Lanao. Bantog ang kanilang mga gawang banga, tapayan at palayok. Sa kabila, sa bulubundukin ng silangang Lanao, ay mga Bukidnon, malalaking pangkat ng mga mandirigma, mapusok at ayaw pasupil. Ang mga katabi-tabi nila ay mandirigma rin, ang mga Mandaya, mga Manobo at mga Bilaan.
Mahilig ang mga Bukidnon sa pagdiriwang na tinawag nilang kaamulan. Nagdiriwang sila sa mga kasalan, at pagkatapos ng ani. Ginagawa rin tuwing nagkakasama ang mga magkakalapit na pangkat o baranggay upang maiwasan ang pagdidigmaan. Halos lahat ng pagkakataon, nagdiriwang sila, lalo na sa pagpuputong sa datu. Sayawan ang kanilang pagdiriwang, tugtugan ng mga tansong gong, may paligsahan ng mga bugtong at tula.
Sa Davao, ang mga Mandaya at mga Mansaka ay magkalapit at magka-ugnay sa wika at gawi. Kapwa nagkakaingin sa mga gulod at bundok, nangangahoy ng mga baboy-damo at usa, gamit ang sibat at mga aso. Gumagamit sila ng lason at lambat sa pangingisda. Maliliit at hiwa-hiwalay ang kanilang mga baranggay, ilan-ilang pamilya lamang bawat isa, pinamumunuan ng bagani [bayani], isang mandirigmang nakapatay na ng 10 tao o higit pa. Tinatayo nila ang mga kubo nila sa matatayog na puno, madalas sa gilid ng bangin upang mahirap lusubin at madaling ipagtanggol. Mahilig sila sa mga estatwa ng kanilang mga anyito. Kapag may nagkakasakit, tinatawag nila ang balyan, matandang babaing nagdarasal, sumasayaw at nag-aalay sa mga espiritu upang maalis ang sakit o kulam. Kapag may namatay, 2 araw ang lamay bago ilibing sa gubat ang bangkay, balot sa banig; pagkatapos, susunugin ang bahay ng namatay. Pinagkakasunduan ng mga magulang ang kasal ng kanilang mga anak habang bata pa ang mga ito. Bantog ang hawing tela sa abaca ng mga Mandaya, itinuturo sa mga anak na babae ng kanilang ina. Makulay at maraming palamuti ang damit ng babae at lalaki. Dating kinikikil at iniitim ang mga ngipin. Inaahit na makitid ang mga kilay.
Sinasamba ng mga Manobo o Kulaman ang bundok ng Apo, kalat-kalat sila mula sa timog Cotabato at Davao hanggang Agusan at Surigao del Sur. Sila ay nagkakaingin, nangingisda at nangangahoy, naghahawi ng tela at mga supot at buslo, at gumagawa ng mga palayok at paso.
Kamag-anakan ng mga Manobo sa Cotabato ang mga Ata, na may 2 pangkat naman, ang mga Talaingod sa gubat-gubat ng Davao, at ang mga Matigsalug. Nagkakaingin sila ng gabi, at tulad ng mga Hawayano, mahilig sila sa taro. Makukulay ang kanilang damit, ang mga babae ay nagsusuot ng mga sinsing sa braso at binti.
Ang mga Bilaan ay may ilang pangkat--ang mga Tagalakad sa gubat-gubat sa tuktok ng mga bundok, ang mga Buluan sa tabi-tabi ng Buluan Lake, at ang mga Biraan. Silang lahat ay namumuhay sa kaingin, nangingisda, nangangahoy at nag-aalaga ng baboy at manok.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|