Ang Maharlika At Ang Ilustrado
May payneta pa siya, oy! May suklay pa mandin, oy!
Haharap sa altar at mananalamin
At saka lalakad nang pakendeng-kendeng
-- Awit, Paruparong Bukid
SI Felipe 2, hari ng España, ang nag-utos nuong Pebrero 8, 1597, na panatiliin sa tungkulin ang mga maharlika kapag nagpabinyag. Namana ng mga anak-anak nila ang tungkulin ng pagsilbi sa mga frayle at utusan ng mga Español. Sila ang naging mga utusan, taga-manman, taga-sumbong, tagapamahala at taga-parusa ng mga galit, ng mga lumalabag sa utos. Bilang mga capitan del barrio, mga cabeza de barangay , at mga governadorcillo, unti-unti silang nakakupit ng kapangyarihan hanggang nuong bandang 1800, nakaipon sila ng sapat upang matanghal na mga principales o pangunahing mamamayan sa kabayanan. Sa ganitong katayuan, madali silang nakapagsamantala nang naging magulo at labu-labo ang agawan sa kapangyarihan at nakagawan ng lupa ng mga frayle at iba pang mga Español. Sila ay nagpalawak din ng mga lupain.
Matumal nuong simula, nang maging tagapagsilbi lamang sila ng mga frayle, malaking pagbagsak matapos ng daan-daang taong naghari-harian sila sa mga mandirigma bilang mga datu at rajah, nilibak pa man sila ng mga pinunong Español sa Manila. Nang unang naupo si Miguel Lopez de Legazpi bilang governador nuong 1571, nag-alok si Lakan Dula at iba pang maharlika ng tulong, pasusukuin ang mga karatig baranggay, ngunit tinanggihan sila at pinagsabihan pa, na hindi naman nila magagampanan ang inaalok nila, na hindi naman sila sinusunod na ng mga tao. Totoo naman, wala ngang nakinig kina Lakan Dula sapagkat bagong salta sila sa Manila at sa mata ng marami, mga mananakop na dayuhan din sila tulad ng mga Español.
Wala rin silang pananggalang sa masugid na pagkamakalahi [racism] ng mga Español na nagsadlak sa kanila sa pagiging indio, at sa kalupitan ng mga encomiendero na panay ang hamig ng ginto at yaman. Nakatulong ang mga frayle, at ang pananatili nila sa katungkulan bilang pinuno ng baranggay. Bahagya lamang nagbuti ang kalagayan nila nang maging ka-pamilya nila ang mga frayle at ang mga anak-pari dahil karaniwang nag-utos-utos din ang mga ito sa kanila, at ang pagdamay at pakikisama ng mga kanayon lamang ang naging ginhawa nila sa nagdaang 200 taon.
Dumating ang pagkakataon nila nuong 1750 nang simulang paghigpitan ang mga Intsik. Ginamit nila ang mga pamanang katungkulan at munting kapangyarihan sa bara-baranggay upang maka-ugnay at maka-pamilya ang mga masalaping sangley at mga mestizong Intsik, - sa kasalan at compadrehan sa mga binyag at kumpil, sa pagtulong sa pagbili ng lupa at pasimula ng pagkalakal sa nayon. Ang mga principales ay nagsimulang maging masalapi, at handa sila nang maganap ang sunud-sunod na mga pangyayari sa Pilipinas pagkasimula ng ika-19 sandaang taon [19th century].
Sa pagpasok ng bagong salapi at paglawak ng kalakal sa buong kapuluan, dumami ang mga mayamang mestizo at principales at sila ay naging kapansin-pansin at kinainggitan. Ang mga mapaglibak na Español sa Pilipinas ay nagsimulang maging malupit at mapagparusa, lalo na’t naging siksikan ang agawan ng mga lupain, ng mga paroco at ng mga katungkulan sa pamahalaan sa Pilipinas sa pagdanak ng mga patapon mula sa Central at South America. Nakisiksik na rin ang maraming takas mula sa gulo at paghihirap sa España, pati na ang mga frayle na napalayas nang sarahan ang mga monasteryo duon. Naghari ang suhol, lagay at kapit sa lumalaking pamahalaan, at simbahan, sa Pilipinas. Abala sa sariling mga suliranin, bahagya lamang napag-ukulan ng pansin ng Madrid ang Manila, lalo na nang itigil nuong 1837 ang pagdalo ng mga kinatawan [deputados] mula Pilipinas sa batasan o cortez ng España. Bahagya ring nakinabang ang España sa paglawak ng kalakal sa Pilipinas dahil sinarili ng mga Español duon na inggit din, at balisa, sa unti-unting pagyaman ng mga principales at mga mestizo.
Hintay muna: Ano ang pinag-abalahang mga suliranin sa España? Bakit hindi napansin ang mga nangyayari sa Pilipinas?
Una na, kasangkot ang mga nasa pamahalaan ng Pilipinas at ang mga frayle [pati ilang obispo] sa dumi [graft and corruption] ng pamamalakad kaya sadyang inilihim sa Madrid ang mga pangyayari, o ang sanhi ng mga suliranin sa kapuluan. Ang mga nasa España naman ay gulung-gulo sa himagsikan laban sa France, sa pagbalik ni Fernando 7 bilang panibagong hari, sa himagsikan at pagtiwalag ng mga sakop [colonies] sa Central at South America, sa pag-usig ni Fernando 7 ng mga Español na makabago at ayaw maging matimtiman, sa pagkalugi ng paghanapang-buhay at paghihikahos [economic decline, poverty] sa España, sa digmaang sumunod sa pagkamatay ni Fernando 7 nuong 1833, sa kudeyta [coup d’etat] ng mga general ng hukbong Español na sumunod sa digmaan, sa contra kudeyta, tapos, himagsikan uli...sunud-sunod ang mga suliranin sa España nuon.
Sa Pilipinas, ang mga Español lamang ang nagdambulan.
Puwera ang mga katutubo at mga mestizong Intsik; ang pag-unlad ng kapangyarihan ay itinangi ng mga Español sa mga Español lamang. Nang umungol ang angal ng mga principales, pinag-ibayo ng mga Español at mga frayle ang paglibak at pagmalupit sa mga katutubo at mga mestizo upang tumahimik at manatiling aba. Nang ayaw tumahan, muhi at parusa ang ginamit, ngunit huli na. Nang buksan ang mga paaralan sa mga katutubo at mga mestizo, nabuklat ang mga aklat ng karanasan ng mga tao sa ibang bayan. Nang ‘buksan’ ang Pilipinas sa kalakal ng ibang bansa, hindi lamang hasang dunong sa kalakal ang dala ng mga dayuhan na pumasok sa kapuluan, pati na mga maunlad na pag-iisip at babasahin mula Europa at America. Nang buksan ang Suez Canal at nagtungo ng Europa, hindi lamang pagdalubhasa ang natagpuan kundi ang pantayan ng mga mamamayan sa ilalim ng mapagtangkilik na pamahalaan, hindi ng hari, hindi ng pari, kundi ng mga karaniwang tao.
Huli na upang ipinid muli ang mga nabuksan.
Nagsimula nilang tawagin ang mga sariling ilustrado [the enlightened], ang mga nasinagan ng mga bagong kalayaan, isa na ang karapatan ng mamamayan na makibahagi sa pamahalaan. Halo sa pagiging pinakamataas sa lipunan ng mga katutubo, ang pag-aari nila ng lupa at pagiging mga mayaman at educado, hindi na indio ang tingin sa sarili, mga mamamayan na at hindi mga “nasakop,” hindi na nila naatim na hindi magkamit ng karagdagang kapangyarihan.
Hindi pa nila inisip, nuong bago mag-1880, na pumiglas sa España. Kabaligtaran, ninasa ng marami na maging higit na malapit, maging lubusang bahagi na, hindi lamang sakop, ng España. Unsiyami sa patuloy na paglibak ng mga Español sa Pilipinas, hindi naiwasan ang dapat asahang pagbaling nila sa politica. Sa pagnasang maging kapantay ng mga Español, ang ilan, gaya ni Jose Rizal, ay nagsimula nang tumawag sa mga sarili ng Pilipino upang ipahiwatig ang kanilang pagiging kapantay ng mga Español na ipinanganak sa Pilipinas.
NABAON ang mga timawa.
Sa pagsigla sa politica ng mga ilustrado, sa paglaganap ng kalampag na ipagbuti ang turing sa mga katutubo, lalo namang sumidhi ang pagpigil at pagmalupit ng mga Español sa Pilipinas, lalo na ng mga frayle, upang hindi mabawasan ang kanilang mga lupain, yaman at kapangyarihan. Sa mga dukha unang nabuhos ang kanilang lupit. Nang buksan ang mga paaralan sa mga katutubo at mga mestizo, lalong naging hamak ang mga hampas-lupa sa pataasan sa lipunan. Walang na ngang pangtustos makapag-aral, dinagdagan pa ang kanilang mga pasanin nang simulan silang pagbayarin taon-taon ng buwis sa cedula nuong 1884. Baon sa utang sa mga cacique at mga haciendero, lubusang nawalan sila ng pag-asang makaahon sa paghihirap.
Nawalan pa sila ng kakampi.
Pamana sa mga anak-anakan ng mga magiting, kasama ng kanilang pagiging pinakamataas sa lipunan, ang pagtangkilik at pag-aruga sa mga taga-baranggay. Nang maging maharlika ang mga magiting nuong panahon ng mga mandirigma, nabawasan ang pagtangkilik na ito sa paghangad ng mga datu at rajah na magkaroon ng maraming alipin. Nang dumating ang mga Español at gawing mga utusan ang mga maharlika, naging napakababa ang mga taga-baranggay, naging utusan ng mga utusan. Gayunman, mahigit 200 taon namuhay nang tahimik ang mga timawa dahil kasama-sama nila sa baranggay at nayon ang mga principales at natutungo nila tuwing kinakailangan. Naglaho ang ugnayang ito nang nauso ang pagkurakot at pagyaman ng mga pinuno sa dambulan ng lupa at ari-arian nuong pagkaraan ng 1850, at lumuwas na sa Manila at mga lungsod ang mga maylupa upang bumahagi sa lumalagong pakikipagkalakal sa mga taga-Europa. Kagaya ng mga Español at mga frayle, naging mababa na rin ang tingin ng mga principales sa mga magbubukid.
Naging bantog ang mga mapuputi at makikinis ang balat. Naging pintas ang maging maitim ang balat, ang magpawis sa paghahanap-buhay, ang magka-kalyo sa kamay. Naging kagalang-galang ang magsapatos, katawa-tawa ang magbakya, kahiya-hiya ang nakayapak. Nauso ang umiwas sa mahirap na laging maraming hiling na nakakabawas sa salapi, at sa pamumuhay sa lungsod at kabayanan, ng mayaman.
Simula nuong 1860 hanggang 1890, patuloy na naiwang nag-iisa sa pagkaapi ang mga dukha sa bukid at nayon, lalo na sa mga dampa sa Gitnaang Luzon, at sa mga barung-barong ng mga squatters sa Tondo at Caloocan, sa gilid ng Manila. Natuto ang mga timawang magtulungan at magdamayan sila-sila, kilalaning magkakahawig ang kanilang kalagayan at kapakanan. Nang lumaganap ang mga adhika ng mga ilustrado na ipagbuti ang turing sa katutubo, natuto rin ang mga timawa na magsama-sama at magka-isa. Ngunit kakaiba sa mga ilustrado, wala silang pagmamahal sa España at walang nasang manatiling kasa-kasama ng mga Español. Kaya nuong 1890, handa na ang mga timawa na makibaka nang sabay-sabay sa ikabubuti ng mga sarili.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|