Magellan: Marunong, Matapang, Malas
Sabi ng Simbahan, palapad ang Mondo ngunit alam kung bilog dahil nakita ko
ang anino nito sa Buwan, at higit ang tiwala ko sa anino kaysa sa Simbahan
- Ferdinand Magellan
IPINANGANAK si Ferdinand Magellan sa isang maharlikang familia sa Sabrosa, Portugal, nuong 1480. Naulila siya nuong 10 taon pa lamang at naging mensahero siya ni Reyna Leonor sa Lisbon, ang castillo ng Portugal, nang 12 taong gulang pa lamang. Duon niya natutunan ang kasaysayan nina Christopher Columbus at Vasco da Gama at ninais niyang tularan ang mga ito. Bilang sundalo ni Manuel, hari ng Portugal, ipinadala siya sa India nuong 1505 at nakasama siya sa paghanap sa silangang India [East Indies, ang Indonesia at Malaysia] nuong 1509. Balitang hinirang siyang capitan duon nuon dahil sa tapang at giting. Maaaring nakasama rin siya sa pagsakop sa Malacca, ang mayamang kaharian ng mga Muslim sa Malaysia, ni Dom Alfonso de Albuquerque nuong 1511, ngunit mahirap paniwalaan ang ilang hayag na nakasama siya sa pagtuklas sa Maluku [Moluccas, Spice Islands] pagkaraan ng ilang taon. Ang totoo ay natagpuan niya at isinama bilang alipin ang isang taga-Sumatra, tinawag niyang Enrique, pahiwatig na nuon pa, buo na ang balak ni Magellan na magbalik at tuklasin ang Maluku, at si Enrique ang gagamitin niyang tagapagsalita.
Pagbalik niya sa Portugal, hinikayat niya si Haring Manuel na pundaran ang paglakbay niya pabalik sa Maluku, ngunit sa halip, ipinadala siya sa Morocco, sa Africa, upang makipagdigmaan sa mga Moro. Nasugatan siya sa paa at naging pinalantod habang-buhay; nang humingi siya ng dagdag sa pension, nilibak siya ng hari, si Manuel at pinagsabihang magsilbi na lamang siya sa iba kung hindi siya nasisiyahan sa Portugal. Galit sa kanya ang kuripot na hari kasi may nawaldas na salapi sa Morocco. Alsa-balutan si Magellan nuong 1517, itinatwa ang kaniyang pagiging Portuguese at nagtungo sa Sevilla, sa Espaņa. Napangasawa niya duon si Beatriz Barbosa, anak ng isang mataas na opisyal, at nagka-anak ng isang lalaki, si Rodrigo. Bumaling si Magellan kay Carlos Cinco [Charles V], hari ng Espaņa. Nagkataon namang hirap sa pera ang binatilyong hari at naghahanap ng pagkakakitaan nang malaki, pambayad sa mga utang niya kay Jakob Fugger, mayamang Aleman [German] na nagkakalakal sa Europa ng spices at nagsulsol sa hari na pundaran si Magellan.
Kaya nuong Agosto 10, 1519, nagpaalam si Magellan sa kanyang familia at naglayag siya mula sa Sevilla, Espaņa, kasama ang 2 pari at 270 tauhan sakay sa Trinidad at 4 pang barkong pandagat, ang Concepcion, San Antonio, Santiago at ang Victoria, at tinawid ang dagat Atlantic. Kasama at panauhin ang isang tagamasid [observer], si Antonio Pigafetta na nagtala araw-araw ng buong paglalakbay mula, at pabalik sa Espaņa. Hindi sinabi ni Magellan sa kanyang mga tauhan kung saan ang tunay na tungo nila sapagkat malaki ang takot ng mga taga-Europa nuon sa mga dambuhala sa malawak at hindi kilalang dagat sa kabila ng America, ang dagat Pacific, at malamang hindi siya sundin. Lalo nat pinaghihinalaan siya ng mga tauhan niya, karamihan ay mga Espaņol, dahil siya ay Portuguese. Isang taon at maraming pasakit ang naranasan nila sa pagbagtas sa Atlantic Ocean at sa pagbaybay patimog sa South America, narating nila nuong Noviembre 29, 1519. Bagyo, gutom, sakit, at aklasan [mutiny] ng mga tauhang Espaņol na nagtangkang patayin o ibalik si Magellan sa Sevilla upang litisin. Sumubo kasi poot ng mga Espaņol sa patuloy na paglilihim ni Magellan. Nasupil ang aklasan, at pinapugot ni Magellan ang ulo ni Gaspar de Quesada, capitan ng Concepcion, at iba pang sumanib sa aklasan. Isang pari na taga-France ang ipinaiwan niya sa Brazil. Ipinatapon din niya si Juan de Cartegena, capitan ng San Antonio at pinuno ng aklasan, sa Patagonia, disierto [desert] sa Argentina. Hindi pinarusahan ang isa sa mga kasapakat, si Sebastian del Cano, capitan ng Victoria, dahil siya ang pinakamagaling na marinero at kailangan siya sa paglalayag.
Sa paghahanap ng landas patawid sa America, nawarak at lumubog ang Santiago nuong Mayo 1520. Ang San Antonio, may bagong kapitan, ay tumalilis pabalik sa Espaņa kaya 3 barko na lamang ang nakatuklas ng lusutang dagat [straits] na nagdudugtong sa dagat Atlantic at dagat Pacific sa paanan ng South America nuong Noviembre 28, 1520. Tinawag itong Lusutan ni Magellan [Magellan Straits] pagkaraan ng ilang taon bilang parangal kay Magellan. Walang siyang hinala nuon kung gaanong kalawak ang tinawag niyang dagat Asia, hindi niya inakala na ito ang Pacific Ocean na natuklasan ni Vasco Nunez de Balboa nuong 1513 matapos lakarin ang buong lapad ng Central America. Hula ni Magellan na ilang araw lamang bago nila marating ang India ngunit mahigit 6 buwan pang paglalayag sa gutom at uhaw bago sila nakakita ng lupa, ang 2 magkatabing pulo ng tinatawag ngayong Marianas Islands, nuong Marso 6, 1521. Nuon din nila unang nakita ang paraw [proa], ang bangkang pandagat ng mga sumalubong sa kanilang mga Tagapulong Magdaragat [Polynesians], anak-anakan ng mga magdaragat na Tagapulong Timog [Austronesians] na sumakop sa pulo-pulo ng buong dagat Pacific at dagat India.
Dumaong sina Magellan sa isang pulo na puno ng tao, ang Guam, at nagkarga ng inumin at pagkaing ipinagkalakal sa kanila ng mga tagapulo. Huli na nang mapansin nilang tinatangay ng mga ito ang isang bangka mula sa Trinidad, at napilitan silang maghintay kinabukasan. Si Magellan mismo ang namuno sa 50 o 60 Espaņol na dumaong sa pulo nuong sumunod na umaga. Pinaputukan ng kanyon, nagtakbuhan patakas ang mga tagapulo, sumugod ang mga Espaņol at sinunog ang buong baranggay, pinatay ang 7 o 8 babae at lalaking hindi nakatakas, at binawi ang kanilang bangka. Pagkatapos, tinawag nilang Dos Ladrones [2 Magnanakaw] ang mga pulo. Madali silang naglayag paalis nang makita nilang papalapit ang mahigit 50 paraw, puno ng galit na magdaragat.
Mahigit isang linggo pa silang naglayag pakanluran bago nila natanaw nuong Marso 15, 1521 ang pulo ng Samar, tinawag ni Magellan na Isla de San Lazaro, ngunit hindi sila dumaong at nagpatuloy patimog. Kinabukasan, tumigil sila sa pulo ng Humonhon at duon sila nagpahinga ng isang linggo, inalagaan ang mga maysakit, at nag-imbak ng tubig at pagkain, mga manok at buko, na dinala sa kanila ng mga taga kalapit na pulo. Napansin nilang maraming gintong alahas ang mga dumalaw sa kanila. Tumuloy sila sa pulo ng Limasawa, sa ibaba o timog ng Leyte, at nakatagpo nila si Ka Lambu ang pinuno ng pulo, at ang dumadalaw niyang kapatid, si Agu, mula sa Masawa, pook na katabi ng mayamang nayon ng Butuan, sa Mindanao.
[Sabing patabi: Sinulat na Raiah Calambu at Raiah Siaiu ni Antonio Pigafetta at isinalin niya bilang hari dahil gamit-gamit ng magkapatid ang raja, parangal na dala-dala ng mga dumayo mula sa Indonesia na hiram naman mula sa rajah ng India na may kahulugang hari tulad ng roi sa Espaņa. Kung magulo nang kaunti, alalahaning bago lamang nakarinig si Pigafetta ng wikang magdaragat - maraming taon pa bago nalaman ng mga Espaņol ang gamit sa salitang si. Si Lambu at si Agu ay kapwa maharlika sa Butuan at nagtutungo lamang sila sa Limasawa upang mangahoy bilang pang-aliw, kapag dumadalaw si Agu. Ka ang katutubong parangal kay Lambu bilang isang pinuno, hindi pinuno si Agu at wala siyang parangal maliban sa raja.]
Mabalik kay Magellan: Nagkaigi sila-sila at nagkasi-kasi [blood compact] bilang katibayan ng kanilang pagiging magkaibigan. Duon unang nagmisa sa Pilipinas si Fray Pedro de Valderama, nuong Marso 31, 1521. Nagtayo ng isang malaking cross si Magellan sa dalampasigan at inangkin niya ang lahat ng mga pulo, na tinawag niyang Islas del Poniente [mga Pulo ng Kanluran] upang maangkin ni Carlos Cinco, hari ng Espaņa. Ang kasunduan kasi niya sa hari, siya ang magiging governador ng lahat ng lupaing aangkinin niya para sa Espaņa, at kanya rin ang ika-20 ng lahat ng kayamanang mahihita niya. Kaya masugid niyang kinakaibigan ang mga tagapulo. Duon sa Limasawa napatunayan ni Magellan na bilog ang Mondo at naligid na niya, bagaman at mula sa magkabilang panig, dahil ang alipin niyang taga-Sumatra, si Enrique, ay madaling nakapag-usap sa mga tagapulo, magkaka-ugnay ang kanilang wika. Tiyak ni Magellan na hindi pa man niya narating, malapit na ang Maluku. Natiyak din niyang malapit ang China sapagkat nakita niya ang mga mangkok na porselana na ginagamit ni Ka Lambu, na nagsabi sa kanyang galing ang mga iyon sa mga nagkakalakal na Intsik na pabalik-balik sa Butuan.
Laging usisa ni Magellan ang mga katabing pulo, at isang isinagot nina Lambu at Agu ay ang mayamang pulo ng Cebu [Su~bu o Sugbu ang tawag nuon]. Kasama si Lambu, nagtungo duon sina Magellan, nagdaan sa pagitan ng Cebu at Mactan, nuong Abril 4, 1521. Gaya ng gawi sa Europa, nagpaputok ng kanyon si Magellan upang ipaalam sa mga tagaroon ang kanyang pagdating ngunit sa halip na sumalubong, nagtakbuhan patakas ang takot na mga taga-Cebu, akala nilulusob sila. Nang maayos ang kalituhan, dumaong sila at nakipagkita sa pinuno ng pulo, si Rajah Humabon, mataba, pandak, maraming tattoo, nakasalampak sa banig, sumisipsip ng tuba sa buho. Hinainan ang mga bagong dating ng tuba, karne at ilog ng pagong sa mga mangkok na porselana. Pagkakain, nagkasi-kasi si Magellan at Humabon. Pagkatapos, humingi si Humabon ng buwis kay Magellan.
Tumanggi ito at sinabing makapangyarihang ang kanyang hari na hindi nagbabayad ng buwis kahit kanino. Ang hari niya, nagyabang si Magellan, ang sumakop sa mga lupain sa India at sa makapangyarihang lungsod ng Malacca. Hindi binanggit ni Magellan na hari ng Portugal ang itinuring niya at hindi ang hari ng Espaņa na pinagsisilbihan niya, ngunit naniwala sa kanya si Humabon sapagkat balita na sa paligid-ligid na nasakop na ng mga sundalong taga-Europa ang Malacca. Lalong napahanga ni Magellan si Humabon matapos sabihin nito na pagtanda niya, papalitan siya ng anak niya bilang pinuno ng Cebu, at magiging utus-utusan na lamang siya ng kanyang anak at manugang, ayon mga matandang gawi duon. Ipinagmalaki ni Magellan na sa kaharian ng mga catholico, iginagalang ang mga matatanda at hindi ginagawang utusan. Ikinuwento pa niya ang Biblia [bible] at ang mapaghimalang dios ng mga catholico.
Pumayag magpabinyag si Humabon, ang kanyang pamilya, at ang 800 niyang tauhan nuong Abril 14, 1521. Hinandugan ni Magellan ang asawa ni Humabon ng 2 estatwa, isa ng Virgen Maria [Virgin Mary] na hindi gaanong pinansin, at isang maliit ng Mahal na Sanggol [Santo Nino]. Hindi alam kung bakit, nakahiligan agad ng mga taga-Cebu ang Santo Nino at ito ay itinangi. Nagtarak uli ng malaking cross si Magellan sa gitna ng baranggay, muling inangkin ang mga pulu-pulo sa ngalan ni Carlos 5 at ng Espaņa, at ipinatawag ang lahat ng pinuno ng mga pulu-pulo upang kilalaning hari si Humabon. Sabi ni Humabon, malamang na hindi mangyari dahil sa tingin ng mga pinuno sa paligid, magkakasing kapangyarihan lamang sila. Nagbanta si Magellan na papatayin ang sinumang sumuway sa pagkilalang hari kay Humabon at ayaw pasailalim kay Carlos 5.
Isa sa mga dumating ang anak na lalaki ni Rajah Zula, pinuno sa katabing pulo ng Mactan, may dalang 2 kambing at pasabi mula kay Zula na hindi raw siya nakapaghandog ng higit pa sapagkat sinaway siya ni Lapu-Lapu, ang isa pang pinuno sa Mactan, na ayaw yumuko kay Humabon o sa mga Espaņol. Humingi ng sandata at sundalong Espaņol si Zula upang tumulong lusubin si Lapu-Lapu. Hindi nagbigay ng sandata si Magellan, at lalong hindi siya payag na pamunuan ni Zula ang kanyang mga sundalo. Isip na kailangan niyang supilin itong unang sagabal sa kanyang pagiging makapangyarihan sa kapuluan, sa ngalan ni Humabon at ni Carlos 5. Marahil naalaala ang takbuhan ng mga tagapulo sa putok ng kanyon, hinayag niyang siya at ang kanyang mga sundalo ang lulupig kay Lapu-Lapu, kahit na iilan lamang ang mga tauhan niya.
Nuong umaga ng Abril 27, 1521, tumawid ng dagat si Magellan at 60 ng kanyang mga tauhan at dumaong sa Mactan. Ngunit hindi pa nagsimula ang labanan, talo na siya sapagkat may 2 siyang pagkakamali: (1) ipinaalam niya sa lahat ang gagawing paglusob. Nagkaroon ng panahon si Lapu-Lapu na tumawag ng mga kakampi sa tabi-tabi; at (2) nanggahasa ng mga babae sa Cebu ang mga Espaņol, at hindi niya pinigilan o pinarusahan. Maaaring hindi nasabi sa kanya, o kung nasabi man, baka hindi niya binigyang halaga, ngunit ang tanging kasalanan sa mga baranggay na hindi nababayaran ng multa o suhol, ang kaisa-isang kasalanan na hinahatulan ng bitay, ay ang panggagahasa.
Kaya nang paputukan nila ng kanyon ang baranggay ni Lapu-Lapu at sumugod ang 49 sundalong Espaņol, hindi nagtakbuhan ang mga taga-Mactan gaya ng ginawa ng mga taga-Ladrones, gaya ng takbuhan ng mga taga-Cebu. Sinalubong sila ng pana at palaso ng mga sandatahan ni Lapu-Lapu. Ang mga bala ng kanyon ay naglusutan lamang sa pawid na dinding ng mga kubu-kubo at hindi nakagimbal sa mga katutubo. Nang lumusob ang ilan daang sandatahan ni Lapu-Lapu, natanto ni Magellan na napipilan na sila.
Urong! Sa Barko! ang sigaw sa mga tauhan, naiwan sa takbuhan ang pilantod na Magellan at 6 niyang tauhang napatay. Napatay niya ng sibat ang unang sumalpok sa kanya, ngunit nasaksak ang kanyang kanang braso ng sumunod ng tusok kawayan, hindi niya mahugot ang kanyang espada. Natusok sa binti, bumagsak siya sa tubig at duon siya dinumog ng saksak, taga at palo hanggang mamatay. Hiniling ni Humabon ngunit ayaw isuko ni Lapu-Lapu ang bangkay ni Magellan.
Pagkaraan ng ilang araw, sa tulong ng alipin, si Enrique, nilansi ng mga taga-Cebu ang talunang Espaņol, inanyayahan sa isang piging, tapos pinagpapatay ang 22 sa 24 Espaņol na dumalo. Tumakas ang mga nalalabing Espaņol, kasama si Pigafetta, nuong Mayo 1, 1521. Itinatwa naman ng mga taga-Cebu ang dios ng mga Espaņol at si Carlos 5. Sinunog nila ang cross na itinayo sa gitna ng baranggay. Kataka-taka, hindi nila sinira ang estatwa ng Santo Nino na tinawag nilang bathala at patuloy nilang sinamba. Hanggang ngayon, pinapasan nila ang Santo Nino sa mga procession sa Cebu.
Hintay muna: Sino si Lapu-Lapu? Bakit walang sabi-sabi tungkol sa kanya?
Walang ulat si Antonio Pigafetta tungkol sa kalabang tinawag niyang Cilapulapu maliban sa mapusok at walang takot ang mga tauhan nito. Iminungkahi kailan lamang ng mga Muslim sa Mindanao na si Lapu-Lapu ay si Cali Pulacu, isang pinunong Muslim. Ang pangalang cali, ayon sa mungkahi, ay juez o tagapaghatol sa salitang Muslim. Mayroon ding ulat na ang tunay na pangalan ni Lapu-Lapu ay Kalipu Lako. Ngunit walang katibayang nagpapatunay sa anumang mungkahi kaya ang mga ito ay kailangang ituring na mga haka-haka lamang.
Sa mga tauhan ni Magellan, 115 na lamang ang natira, pati na si Pigafetta at si Sebastian del Cano, ang pang-2 ni Magellan at siyang namuno ngayon. Dahil kulang na ang mga tauhan, sinunog nila ang Concepcion sa dagat tabi ng Bohol. Naghati ang mga tao sa Trinidad at sa Victoria at, matapos tahakin ang Sulu at Borneo, narating nila ang kapuluan ng Maluku nuong Noviembre 1521. Duon, sa pulo ng Tidore, nagkarga sila ng cloves at iba pang spices. Upang makatiyak na kahit isa man lamang ay may makabalik sa Espaņa, nagpasiya si Del Cano na maghiwalay ng landas. Tutungo ang Trinidad sa America, pabalik sa tinunton nila mula Espaņa, ngunit nagkaroon ng butas ang barko at kinailangang kumpunihin kaya naiwanan sa Maluku. Pagkatapos mabigo sa pagtawid sa dagat Pacific, napilitang sumuko ang Trinidad sa mga Portuguese ang mga Espaņol at 4 lamang sa kanila ang nakabalik nang buhay sa Espaņa.
Tanging ang barko ni Del Cano, ang Victoria, na naglayag pakanluran, ang nakapuslit sa mga barko at kuta ng mga Portuguese na naglipana nuon sa lawak ng Indian Ocean at baybayin ng buong Africa at nakarating nuong Septiembre 6, 1522, sa Sevilla, Espaņa, ang pinagmulan ni Magellan nuong Agosto 10, 1519, at kabuoan ng kauna-unahang paglalayag paligid sa daigdig.
Mahigit 3 taon, 4 barko ang nawala, napatay si Magellan, at 18 tao lamang ang nakabalik, ngunit tagumpay ang paglalakbay sapagkat malaki ang kinita ng spices na naiuwi ni Del Cano. Nabayaran lahat ng pundar ni Carlos 5, malaki ang yamang naibigay sa kaharian, at malaki rin ang kayamanang pinaghati-hatian ng 18 tauhan. Patay na nuon ang asawa at anak ni Magellan kaya walang napala ang kanyang familia.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|