Ang Mga Magdaragat
Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan
Ay hindi makakarating sa paruroonan
- Sawikain
NAGBALIK ang dagat.
Mula nuong 18,000 taon SN, unti-unting natunaw ang mga yelo ng tag-ginaw [ice age glaciers] hanggang nuong 8,000 taon SN, nahugis ang Pilipinas na kilala ngayon. Sa loob ng 10,000 taong iyon, nagkapira-piraso at naging pulo-pulo ang dating malawak na lupain ng Sunda, na ngayon ay ang mga kapuluan ng Malaysia, Indonesia at Pilipinas. Sa gubat-gubat ng mga bago at lumiliit na mga pulo, nabinbin sa gilid ng tumataas na dagat ang pangkat-pangkat ng mga taong kikilalanin sa mga darating na panahon na mga Tagapulong Timog o Austronesians [people of the southern islands]. Sila, ang magiging ninuno ng mga Pilipino, mga Indonesian at mga Malaysian, ng mga Hawayano at ng mga tao sa pulutong ng lupa sa Pacific Ocean, tinatawag ngayong Polynesia o pook ng maraming pulo.
Sila, ang mga Tagapulong Timog, ang magiging mga magdaragat [seafarers], pinaka-una sa daigdig.
Nasanay sa libu-libong taon ng pagbabalsa at pamamangka sa mga ilog at lawa sa Sunda, natuto silang magsagwan at maglayag upang marating ang mga pook na dati ay nilalakad lamang nila. Kalagitnaan pa lamang ng pagkatunaw ng mga yelo ng tag-ginaw, mahigit 11,000 taon SN, naglayag na sila papulo-pulo sa timog-Pilipinas, sakay ang kanilang mga baboy, manok, camote, gabi at ibang mga pananim. Sa sumunod na libu-libong taon, nasanay silang maglayag nang palayo nang palayo, natuklasan munang patulisin at patayugin ang magkabilang dulo ng bangka, panghiwa ng matatayog na alon at pananggalang sa apaw ng hilab ng dagat. Sumunod, nalikha nila ang paggamit ng katig [outrigger] upang hindi maitaob ng hampas sa tagiliran ang bangka sa lawak ng dagat. Sa wakas, natutunan pagkabitin ang 2 magkatabing bangka, ang tinawag na catamaran, upang dumami ang maisasakay, ang lahat ng gamit, ang buong pamilya. Upang hindi masunog sa araw, hindi mabasa sa ulan at pisik ng alon ang pagkain at gamit, nagtayo ng maliit na kubo sa gitna ng bangkang tinawag nilang balanghay.
Tunay na magdaragat na sila.
Mula sa Visayas at Mindanao, naglayag sila sa lahat ng matutungo. Karamihan ng mga narating nila ay walang mga tao, at sinakop na lamang agad. Sa mga pook na may mga tao na, nakisukob at nakihalo sila at naging mga tagaruon na. Kapag ilan-ilang tao lamang, kaya nilang gapiin, sinakop nila ang mga katutubo [natives] sa pamamagitan ng lakas at dahas.
Pangkat-pangkat ang dumayo papuntang hilaga [north]. Sa daan-daang taon, nabagtas nila ang buong Luzon, nasakop nila ang pulo-pulo ng Batanes hanggang, mahigit 9,500 taon SN, isang pangkat, ang mga Yami, ang nakarating sa Taiwan [ang dating Formosa], ang pulo-pulong mahigit 150 kilometro na lamang ang layo sa China. Hanggang ngayon, isa sa mga pulo ng Batanes ay tinatawag pang Yami, tahanan ng mga alamat, awit at sayaw sa kawayan na binitbit nila sa Taiwan. May nalalabi pang Yami sa pulo ng Lanyu sa tabi ng Taiwan, bagaman at karamihan ng mga kabataan, pati na ang mga dating sumasakop sa Taiwan mismo ay nakahalo na sa mga Intsik na dumayo duon nuong 1949 mula sa China, at naging mga Intsik na rin.
Sapantaha na narating ng mga Yami ang China, walang dahilang hindi magtuloy duon ang iba’t ibang pangkat, at nasakop daw ang mga dalampasigan sa timog [sourthern coasts] hanggang lalawigan ng Guandong sa kanluran. Salat sa katibatayan ang sapantaha, batay lamang sa katotohanang sa libu-libong taon bago dumating sa China ang mga taga-Europa, tanging ang mga taga-Guandong lamang - ang mga taga-Amoy, Canton, ang mga taga-Fujian [Fukien] - sa buong China ang nagkaroon ng gawi ng mga magdagat [seafaring tradition].
Patungong kanluran [west], naabot ng mga magdaragat ang puso ng dating malawak na Sunda, ang mga tinatawag ngayong Borneo, Malaysia at Indonesia 8,000 - 9,000 taon SN. Nadatnan nila duon ang mga kauring tao, mga kapwa Tagapulong Timog na dating kaugnayan nila nuong buo pa sa ibabaw ng dagat ang Sunda. Mula duon, patuloy na kumalat ang mga magdaragat. Pahilaga [northward], binagtas nila ang malaking pulo ng Sumatra; nasalubong nila nuong 2,500 taon SN ang dumadanak ding mga taga-kanlurang timog [southwest] China, sa mga lupang tinatawag ngayong Vietnam at Thailand.
Patuloy sa timog [south] mula sa mga pulo ng Borneo, Mindanao at Sumatra, nalibot ng mga magdaragat ang malaki ring pulo ng Java, ang bunduking Sulawesi [dating Celebes] at kapuluan ng Maluku [ang dating Moluccas, ang Spice Islands] kung saan, nuong 3,600 taon SN, nakatagpo nila ang mga tao ng timog [Austroloids] sa mga pulo-pulong katabi ng Australia na tinatawag ngayong New Guinea at Melanesia.
Pasilangan [eastward], sinakop ng mga magdaragat ang mga tiwangwang at walang taong pulo-pulo ng Pacific Ocean, ang Palau, Saipan at Guam ng ngayong Marianas Islands, ang Micronesia at Marshall Islands hanggang nuong 2,000 taon SN, naabot nila ang Hawaii - 8,000 kilometro mula Pilipinas at 4,000 kilometro na lamang mula California, sa America. Nuong 1,600 taon SN, narating ng isang pangkat ng magdaragat ang pulo ng Rapanui [Easter Island], mahigit 11,000 kilometro mula Mindanao at kulang-kulang 4,000 kilometro na lamang hanggang South America.
Samantala, ang mga anak-anakan [descendants] ng mga nagka-ugnay na magdaragat sa Maluku, Indonesia, ay nagpatuloy ng balikang paglalayag patawid sa malawak ding dagat sa kanluran, ang dagat ng India [Indian Ocean]. Simula nuong 3,900 taon SN, nakipagkalakal at nakipag-ugnay sila sa mga Tamil, ang mga tagapulo ng Sri Langka [dating Ceylon] at mga tagatimog ng India. Pagkaraan ng 200 taon, nuong 3,700 taon SN, natawid nila ang buong lawak ng dagat ng India at, mahigit 5,700 kilometro mula Indonesia, sinakop nila ang malaking pulo ng Madagascar, sa tabi ng Africa. Sapantaha ng mga nag-agham [scientists] na nabagtas nila ang nalalabi pang 500 kilometro ng dagat hanggang Malawi, Africa. May larong sungka duon, ang tawag ay warri. May pangkat-pangkat din duon na nagkukubo-kubong nakapatong sa tukod, gaya ng mga kubo sa Pilipinas at kaiba sa karaniwang kubo sa Africa, na nakapatong lamang sa lupa. Ipinakita sa dokumentaryong pelikula, Five Camels, nakatalungko sa hagdanang patpat sa harap ng pintuan ng kubo ang 3 Afrikanang nanay, nagkukutohan at tsismisan kung gaanong katanda at kapangit ang asawa ng mga anak nilang babae.
Mula sa Visayas at Mindanao, naglayag ang mga magdaragat patungung silangan hanggang narating ang Hawaii at Rapanui (Easter Island). Sa timog, narating nila ang Sulawesi (Celebes) at Maluku (Moluccas). Sa kanluran, nanirahan sila sa Malaysia at Indonesia. Sa hilaga, sinakop nila ang Taiwan. Mula Sumatra at Malaysia, naglakbay ang iba sa Vietnam at Thailand. Mula Maluku at Java, nagkalakal sa India, tinawid ang dagat India at dinayo ang pulo ng Madagascar at ang katabing Africa.
-- oOo --
Ang mga anak-anakan ng mga magdaragat at mga tao ng timog, ang mga mestizong tinatawag ngayong mga Melanesian, ay naglayag na rin at sinakop ang mga kapuluan ng Solomon [Solomon Islands], Caroline [Caroline Islands] at Caledonia. Ang mga anak-anakan naman ng mga magdaragat sa Micronesia, Marshall Islands at iba pang pulo sa gitnaang dagat silangan [central Pacific] ang sumakop sa mga timog pulo-pulo ng Samoa, Tahiti at Tonga. Nuong 1,000 taon SN, natuklasan ng isang pangkat ng mga magdaragat, ang mga Maori, ang mga pulo ng New Zealand, ang pinakahuling lupain sa daigdig na sinakop ng tao.
Hintay muna: Sa Visayas at Mindanao lahat nanggaling? Sino sila, mga Visaya?
Ang mga taong tinatawag ngayong Visaya ay anak-anakan [descendants] ng maraming nag-ugnay na mga tao, karamihan ay mga magdaragat [Austronesians]. Bagaman galing sa mga unang tao [aborigines], sa libu-libong taon na nagdaan simula nuong unang naglayag, malamang malayo ang anyo at gawi nila sa mga kasulukuyang Visaya. Sa ganito ring dahilan, hindi mainam na tawaging mga taga-Mindanao, o kahit na Pilipino, ang mga unang magdaragat, gayung kasama sila sa pinagmulan ng mga tao sa Pilipinas.
Nuong unang panahon, hindi na abot ng alaala, ang mga Tagapulong Timog o Austronesians ay namuhay pangkat-pangkat sa mga gubat at dalampasigan ng mga ilog at lawa [lakes] ng timog Asia. Malabo ang kanilang pinanggalingan, pinagtatalunan pa ng mga nag-agham sa pasimula ng tao [archaeologists]. Dating paniwala na galing sila sa timog-kanluran ng China at mga tuktok-hilaga ng Laos, Thailand, Vietnam at Burma. May nagsasabi namang mula sila sa Ngandong o Solo Man ng Java, sa Indonesia, na may 150,000 taon ang tanda, na anak-anakan naman daw ng Java Man, natunton sa kulang-kulang 1.7 milyong taon SN. Ayon sa ibang nag-agham, pinangunahan ni Stephen Oppenheimer, sila ang mga katutubo [aborigines] ng Sunda nuong bago pa nagsimula ang katatapos na tag-ginaw [ice age] nuong 18,000 SN. Ang tiyak lamang ay matanda silang higit nang ilang libong taon kaysa sa taong Mongolia [Tibetan-Sino Intsik, dating tinawag na lahing mongoloid] na unang natunton sa tuktok-hilaga ng China na naging ninuno ng mga Intsik, Mongolian, Koreano, Hapon, Inuit [Eskimo] sa Alaska, at karamihan ng mga katutubo ng America [American natives].
Kung saan man nagsimula, dating nabuhay duon ang mga Tagapulong Timog hawig sa Negrito, palaboy-laboy at nangangahoy. Unti-unti silang natutong manirahan sa kubo-kubo, nagtanim sa mga bakuran, nag-alaga ng baboy at manok. Natuto silang magkaingin ng camote at gabi sa pali-paligid. Nangisda sa ilog at dalampasigan ng mga lawa at ng dagat, natuto silang magbangka, natutuhan nila ang dagat. Umunlad sila, dumami. Maaaring nakatagpo nila sa kanlurang timog ng China [southwest China] ang dumarami ring Intsik mula sa hilagang Asia, malamang hindi - pagkatuklas ng palay sa Thailand, isang libong taon ang lumipas bago nagsaka ang mga Intsik. Malamang din na ang mga taga-Visaya at Mindanao ang naging unang magdaragat, at hindi ang mga taga-Thailand o mga taga-Indonesia.
Ayon kay Keith Rankin ng Australia, walang dahilang magdagat ang mga taga-Thailand, Malaysia at Indonesia, katabi ng malawak na lupain ng Asia, upang dumanak. Ang mga gipit daw sa maliliit na pulo sa Visayas at Mindanao ang napilitang maglayag sa dagat. Sabi naman ni Eusebio Dizon, director sa National Museum of the Pilipino People, na higit ang tanda ng mga natuklasang gamit sa Mindanao kaysa Luzon at Batanes, kaya malamang galing sa timog at hindi sa China ang mga unang tao sa Pilipinas.
Hintay muna: Ano ang nangyari sa migration waves ng mga Negrito, Indonesian at Malay papasok sa Pilipinas? Hindi ba sila ang naging mga Pilipino?
Paumanhin po, ang nais umiwas sa mahabang paliwanag at lumaktaw sa susunod na yugto, pitikin itong Buhay Baranggay, salamat po.
Nuong 1947, minungkahi ni Henry Otley Beyer, dalubhasa sa unang panahon ng Pilipinas, na may tao na sa timog-silangang Asia nuong 250,000 taon SN, gaya ng taong Java [Java Man], na ninuno ng 2 pangkat ng maitim na mga unano na nagpasimula ng migratory waves. Nagkataon namang nuon inilalathala ang mga aklat para sa mga itinatatag na mga paaralang bayan [public schools] kaya naging laganap ang mga pahayag ni Beyer hanggang ngayon dahil, sa kakulangan ng salaping pambili ng bago, hindi pa pinapalitan ang mga librong paaralan.
Bagaman at malaki ang utang na loob kay Beyer sa pasimula ng ginawa niyang pag-usisa sa nakaraan ng Pilipinas, madali at masikap na tinanggihan ang kanyang mga panukala. Hindi batay sa mga katibayan, sabi ni Eusebio Dizon, director ng National Museum of the Pilipino People. Saliw ni William Henry Scott, manalaysay [historian] ng Pilipinas, na hindi angkop na taningan ang mga tao batay sa paggamit ng bato o bakal dahil bato pa ang gamit ng maraming karpinterong gumawa sa Intramuros nuong panahon ng Español, panahon na ng bakal [Iron Age].
Hanggang kailan lamang, sabi niya, kahoy pa rin ang gamit ng mga Igorot sa pagpala at pagsaka ng kanilang suson-susong palayan, hindi bakal. Kaya daw hindi angkop sa Pilipinas ang taning na gamit sa Europa at iba pang bahagi ng daigdig - ang panahon ng gamit na bato [stone age], sinundan ng panahon ng tanso [bronze age], at ng panahon ng bakal [iron age] - sapagkat walang sapat na tansong naipon sa Pilipinas upang magkaroon ng panahon ng tanso. Higit na mainam daw na kilalanin sa kapuluan ang panahon ng gamit na bato, sinundan ng panahon ng bakal, at ng panahon ng porselana [porcelain age].
Sa halip ng paggamit ng bato o bakal, hayag nuong 1975 ni F. Landa Jocano, dapat taningan ang unang panahon ng Pilipinas sa pagkapag-sasariling pag-unlad [independent development] ng mga katutubo, hiwalay sa pagbabagong naganap sa ibang bahagi ng timong silangang Asia:
Sang-ayon kay Jocano si Wilhelm Solheim 2, nagdalubhasa sa mga unang panahon sa Pilipinas at ibang bahagi ng timog-silangang Asia, tungkol sa pagkapag-sasariling pag-unlad ng Pilipinas, ngunit binago niya ang mga taning nuong 1981. May pasubali siya na hindi lahat ng katibayan ay sang-ayon sa kanyang taning, at maaaring mapag-iba ng mga bagong katibayang matuklasan:
Ang mga pagkakamali ni Beyer na pinaniniwalaan ngayon ng halos lahat ng mga Pilipinong nakapag-aral, ay nagmula sa
Tungkol sa petsa ng pagdating ng mga Indonesian at mga Malay: Wala namang pulis nuong 5,000 taon SN na nagta-traffic sa Kuala Lumpur, Malaysia, ‘Hoy, hindi pa kayo pueding pumunta sa Pilipinas! Panahon ngayon ng Indonesian waves! Kelangan maghintay kayo!’ Tapos, sa Jakarta, Indonesia naman nuong 2,200 taon sa nakaraan, ‘Naku, di na kayo pueding pumuntang Pilipinas! Tapos na ang wave nyo, panahon na ng Malay waves ngayon!’
Totoong nagpuntahan dito ang mga taga-Indonesia at taga-Malaysia, ngunit pailan-ilan at karamihan sa kanila ay tumigil muna nang matagal at nagmula sa Borneo. Totoo ring palitan ang lakbay ng mga tao - habang dumarating ang mga dayuhan, lumilisan naman ang ibang pangkat-pangkat ng mga taga-Pilipinas. At walang petsa-petsa ang layag nila; kung naglakbay ang mga taga-Java at taga-Sumatra, bakit papipigil ang mga taga-Kuala Lumpur at taga-Sulu?
Isa pang batayan sa paghula ay ang paglawak, at pagbuwis, ng mga kaharian sa mga kalapit, at ang dunong at kabihasnan mula sa mga iyon na dala ng mga lumikas sa Pilipinas. Gaya ng Sri Vijaya, mga maka-Buddha [Buddhist] na naghari sa pulo ng Sumatra, sa Indonesia, nuong 650 hanggang 1290 AD; ng maka-India na kaharian ng Majapahit sa katabing pulo ng Java, sa Indonesia rin, nuong 1292 hanggang 1478 AD, at ng Malacca sa Malaysia naman, nuong 1399 hanggang 1511 AD, na naging Muslim nuong 1450 AD.
Ang mga panahon ng pagdating sa Pilipinas ay tantiya lamang batay sa mga iba pang pangyayari sa pali-paligid: Ang panahon ng makalumang gamit na bato ay 2 milyon taon SN hanggang 40,000 taon SN; gamit daw ng mga Negrito. Ang panahon ng makabagong gamit na bato ay umabot ng 4,000 taon SN, gamit daw ng mga Negrito at Igorot, nagtayo ng unang bahay na kahoy. Magkakahiwalay nag-umpisa ang panahon ng tanso [Bronze Age] sa Middle East nuong 5,500 taon SN, sa China nuong 4,500 - 4,000 taon SN, at sa Thailand nuong 3,500 - 3,000 taon SN. Gamit daw ng mga huling Indonesian at mga unang Malay, ngunit ang panahon ng bakal [Iron Age] ay nagsimula sa Egypt nuong 3,350 taon SN at maaaring dala ng mga sumunod na Malay.
Maraming dumating sa Pilipinas nitong bandang huli na bato pa rin ang gamit dahil lubhang magastos ang bakal nuon. Panahon na ng Español, bato pa rin gamit ng maraming karpintero at magsasaka sa Luzon, kaya mahirap hulaan kung kailan dumatal ang kanilang mga ninuno.
Tungkol naman sa waves: Kalahating milyong tao lamang ang tantiyang nasa Pilipinas nang dumating ang mga Español; higit pang maraming tao sa Quiapo kaysa buong Pilipinas nuon. Higit na angkop sabihing patak-patak lamang ang dating ng mga dayo, hindi alon-alon; baka ambon-ambon pa. Ang maaari lang tawaging waves sa kasaysayan ng Pilipinas ay ang mga balikbayan waves, lalo na kung Pasko!
Hintay muna uli: Wala bang katuturan ang lahi? At ano ang silbi ng evolution kundi ang magwagi?
Maaaring pinaghiwa-hiwalay ng mga Amerkano ang mga dumayo sa Pilipinas dahil sakop ng Holland ang Indonesia at sakop naman ng Britain ang Malaysia. Politika, hindi lahi, sapagkat natuklasan ng mga nag-agham [scientists], Amerkano pa ang iba, na iisang “lahi” ang mga taga-Pilipinas, taga-Indonesia at taga-Malaysia. At tiyak na nila ngayon na patuloy-tuloy ang balik-balikan nilang paglalayag kahit na nuong nakarating na rito ang mga Español. Sa katunayan, ang mga Español ang nagpigil sa paglalakbay dagat ng mga katutubo.
Natanto rin ng mga nag-agham [scientists] na walang batayan upang paghiwalayin o pagsamahin ang mga tao sa lahi-lahi. Ang kulay o puti ng balat ang unang ginawang batayan nuong ika-17 sandaan taon [17th century] ni Johann Friedrich Blumenbach, ginaya ang pag-uuri ng mga nag-agham nuon ng mga halaman at hayop. Ang mga palalong gaya nina Joseph Arthur Gobineau at Houston Stewart Chamberlain, ginamit ang “lahi” upang patunayan na higit na magaling ang mga puting tao.
Ito ang batay na ginamit ng mga Nazi nang puksain nila ang mga Hudyo sa Europa nuong World War II. Ito rin ang ginamit sa pagmamalupit ng mga puti sa South Africa nuong panahon ng apartheid. Ito rin kaya nililibak ng mga bata ang mga Aeta, natutunan nila sa mga matatanda, na natuto sa mga Español at Amerkano na ang mga maputi lamang ang dapat maging nakatataas sa mga may kulay na nasasakop, gaya ng Pilipino. May katuturan lamang ng “lahi” kung nais puksain o alipinin ang mga kaibang tao. Natanto ng mga nag-agham [scientists] na:
Dahil dito, hamuki ng mga nag-agham [scientists] na ang “lahi” ay nasa paningin, at gawa-gawa lamang ng isip, hindi tunay na pagkakaiba ng mga tao. Maitim, maputi, pandak, matangkad, pango, matangos, kulot, singkit, atbp, - walang katuturan ang lahi-lahi. Pakiusap lang, po! Huwag pagpalitin ang lahi [race] at gawi [culture], at lalong hahaba ang usapan.
Lubha ring mahaba ang pagtatalo ukol sa panukala ng pagbabago [Theory of Evolution] nina Charles Darwin at Alfred Russell Wallace upang ilahad dito kahit munting bahagi, maliban sa 2 dahilang sinadyang mali ang pag-unawa mga nais magsamantala sa kapwa:
Walang nilalaman ang panukala tungkol sa kung sino ang magwawagi o matatalo. Lalo nang walang pahiwatig kung ano ang mangyayari sa kinabukasan, walang paki ang panukala ukol sa pagyaman o paghihirap ng mga magulang. Sa madaling sabi, kailangan lamang ang pagbago upang hindi maglaho sa harap ng mga matagalang pangyayari na hindi masupil o makayanan sa ibang paraan. Kaya ito na lang ang masasabi upang maipinid na ang paksa:
Nang bumalik ang dagat, at napipilan sa pampang ang mga Tagapulong-Timog na magiging mga magdaragat, hindi sila nagbago ng anyo, hindi sila nagkakaliskis at lumangoy parang isda upang makapaglakbay sa dagat. Gumawa na lamang sila ng bangka.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|