Macapagal

Ang Kahuli-hulihang Maginoo

Bakit napakalawak ng pagitan ng mga mayaman sa mga mahirap? Kung ang buod
ng buhay ay katarungan, bakit nag-iiwan ng maraming pagkain sa pinggan sa mga handaan
samantalang may mga taong nagbubungkal sa basurahan upang makapulot ng kapirasong makakain?
... Ang lakas ng bansa ay nakasalalay sa mabuting kalagayan ng ‘common tao
       - Diosdado Macapagal, Pangulo 1962-1965

MARANGAL kahit dukha, ipinanganak si Diosdado Macapagal sa baranggay ng San Nicolas, sa Lubao, Pampanga, sa mga matimtimang magulang, sina Urbano Macapagal at Romana Pangan, nuong Septiembre 28, 1910. Naging balakid ang pagka-pobre sa kanyang pagiging valedictorian bagaman at siya ang pangunahin sa mataas na paaralan (high school). Tinantiya ng mga guro na wala siyang magiging kinabukasan dahil walang yaman, at ibinaba ng isang guro ang kanyang grado upang iba ang maging valedictorian.

Hindi makatarungan ang ginawa mo sa akin! Nagsiklab si Macapagal at hinarap ang guro. Ngunit may katarungang nangingibabaw at naghahatol sa ating lahat, pati na sa iyo!

Ginamit na dahilan ni Macapagal ang pagiging dukha upang mag-aral nang maigi, at nagtapos ng pagka-doctor ng batas (civil law) at ng paghanapang-buhay (economics). Nahalal siyang kinatawan (congressman) ng Pampanga sa Batasang Bayan nuong 1950 hanggang 1957. Sa isa niyang saysay, nuong kinatawan na siya, may isang Kapampangan na humarap sa kanya at humingi ng tawad, at ng trabaho. Walang iba kundi ang guro na nagbaba ng grado niya sa high school.

Nahalal si Macapagal bilang Pangalawa (vice president) ni Carlos Garcia nuong 1958-1961, at nuong Noviembre 1961, bilang Pangulo ng Pilipinas. Ikinarangal ni Macapagal ang kanyang pagiging dukha, ‘poor boy from Lubao’ ang palatak niya sa sarili, at iminungkahi sa bayan ang simple living o pamumuhay ng walang rangya bilang lunas sa bulok ng graft and corruption na laganap sa Pilipinas nuong una siyang nanungkulan. Nanawagan siya sa mga pinuno ng pamahalaan na huwag magpayaman sa pagnanakaw sa bayan. Lubao hut

Upang makatulong sa mga mahirap, itinatag niya ang EEA o Emergency Employment Agency na nagbigay sa libu-libong tagalungsod ng arawang hanap-buhay sa paglinis ng mga lansangan at iba pang gawaing pambayan. Upang lunasan ang mga lumalaking suliranin sa paghanapang-buhay ng bayan (national economy), ipinatigil niya ang paghigpit sa palitan ng salapi ( foreign exchange controls ) nang maging malaya ang halaga ng piso tumbas sa dolyar. Naging doble ang palitan, 4 piso sa bawat dolyar, maigi sa mga kalakal palabas (exports), kumita ng higit na maraming piso, at naka-antal sa kalakal papasok (imports) dahil nagmahal bigla ang halaga ng mga imported at mga made in USA na bilihin.

Kahit ayaw magpayaman sa sarili, hindi naman napipilan ni Macapagal ang mga kakampi sa politica at mga alalay niya sa pamahalaan sa pagkurakot sa salapi ng bayan, at mayabong pa rin ang graft and corruption nang matalo siya sa pagiging pangulo muli nuong halalan ng Noviembre 1965.

Siya ang nahirang na pangulo ng constitutional convention nang namatay si Carlos Garcia nuong 1971. Sa kanyang paglisan sa Malacanan matapos ng halalan nuong 1965, itinanghal na siya ang huling maginoong pangulo (the last of the gentlemen Presidents).

 

 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod