McKinley: Ano Gagawin Ko?
Hindi ko ninais ang Pilipinas...
Napasa-atin, parang handog ng langit
-- William McKinley, President ng America, 1898
Tignan na lamang natin kung hanggang saan makakarating ito
-- Elwell Otis, pinunong general na Amerkano sa Pilipinas, 1899
SI EMILIO AGUINALDO at si George Dewey ay nagkakilala nang nagbakasyon sa Hongkong si Aguinaldo nuong Deciembre 27, 1897, pagkatapos siyang bayaran ng mga Español sa Biac-na-bato, ngunit hindi sila naging magkaibigan sapagkat bihira nakikipag-kaibigan si Dewey. Matanda na, nag-retiro na dapat at umalis na sa US Navy kung hindi inabutan ng utos ni William McKinley, president ng America, na palubugin ang sandatahang dagat ng España sa Manila. Walang pasintabi kay Aguinaldo, na nasa Singapore nuong Mayo 1, 1898 - vacacion grande talaga - nang durugin ni Dewey ang 7 luma at karag-karag na barkong pandigma ni Admiral Patricio Montojo sa harap ng Cavite sa Manila Bay.
Nasugatan si Montojo at isa sa 2 anak niyang kasama sa labanan, si Eugenio Montojo. Dahil sa pagkatalo niya sa Manila Bay, sinuspindi si Montojo ng hari ng España nuong Septiembre 1898, at nilitis siya ng hukumang militar [court martial] sa Madrid. Ikinulong siya matapos mahatulan nuong Marso 1899, ngunit ipinagtanggol siya ni Dewey, ang tumalo sa kanya sa Manila Bay. Pinawalan din si Montojo, sinisante na lamang mula sa tungkulin. Namatay ang 75-anyos na Montojo sa Madrid, España, nuong Septiembre 30, 1917, salat sa gantimpala para sa pagtulong niya, bilang pinuno ng sandatahang dagat ng Español sa Pilipinas, sa pagpuksa sa mga naghimagsik nuong 1896 - 1898.
Sa loob ng 7 oras, tinapos ng mga Amerkano ang 333 taong pagsakop ng España sa Pilipinas, 1565 - 1898. Nang tumahimik ang mga kanyon ni George Dewey nuong hapon ng Mayo 1, 1898, alam lahat ng mga Español na wala na silang laban - wala nang barkong makakarating mula España o Cuba upang tumulong o magdala ng gamit digmaan, o ng pagkain man lamang. Ni wala silang barkong masasakyan upang tumakas pabalik sa España. Takbuhan at nagsiksikan lahat ng 30,000 sundalong Español sa Intramuros at nagmakaawa kay Dewey na sila, ang mga Amerkano, ang sumakop sa Manila sa halip ng galit na mga Pilipinong pinahihirapan at pinapatay nila nang dumating si Dewey. Wala akong magagawa hanggang hindi dumarating ang mga sundalo namin, ang sagot ni Dewey.
Ipinasundo niya si Aguinaldo sa Singapore at dumating ito sakay sa USS McCullock, kasama ang 34 alalay, nuong Mayo 19 at, pagkadaong sa Cavite, mabilis na itinatag muli ang Pamahalaang Himagsikan nuong Mayo 24, 1898, at hinirang ang sarili niyang dictador na naman. Binigyan ni Dewey si Aguinaldo ng isang lantsa, galing sa lumubog na punong barko ni Montojo, ang Cristina, at mga baril na halungkat mula sa mga pinalubog na barkong Español. Walang hinala si Aguinaldo na kinabukasan lamang ng pagdidictador niyang muli, mahigit 10,000 sundalong Amerkano ang nagsimulang bumarko sa San Francisco, California, sa pamumuno ni General Thomas Anderson, upang sakupin ang Pilipinas. Magkakaroon na ng sundalo si Dewey.
Nabuhayan ng loob muli ang mga naghihimagsik. Marami sa Luzon at Visayas ang nagsimulang lusubin ang mga Español at mga guardia civil na iniwang bigla ng sandatahang Español na nagtatago na sa Intramuros. Ang mga Español na kayang umalis, ang mayaman at mga mataas na opisyal, ay lumisan na. Ang karamihan ay tumuloy sa Zamboanga, madaling nakasakay ng barko pa-Malaysia, nuon ay sakop ng English at hindi kalaban.
Sa loob ng Intramuros, ngatog ang mga Español at ang mga kakamping Pilipino. Si Pedro Paterno, ang kasapakat sa suhulan sa Biac-na-bato, ay naglabas nuong Mayo 31, 1898, ng isang manifesto ng pangako na pagbubutihin na ng mga Español ang pagturing sa mga Pilipino at hinikayat ang mga Pilipinong tulungan ang España, ‘ang ating kakampi’ sa digmaan laban sa America. Ang kasabwat niya sa Biac-na-bato, si Governador-General Primo de Rivera, ay nakaalis nuon pang Abril 10, 1898, 3 linggo lamang bago naglabanan sa Manila Bay. Pinalitan siya ng sawing-palad na General Basilio Agustin na walang nagawa matapos matalo si Montojo kung hindi humingi ng tulong mula sa mga Pilipino. Katuwang si Bernardino Nozaleda, arsobispo ng Manila, inalok si Aguinaldo ng isang milyon piso at pangakong susuwelduhan pa nang palagian kung sasanib sa pamahalaan ng Español sa Manila. Payo ng kanyang mga alalay na tanggapin ang malaking salapi, ngunit tumanggi si Aguinaldo, abala nuon sa pagtitipon ng mga kabayanan sa Luzon at Visayas sa ilalim ng kanyang pamahalaan.
Nakapag-ipon ang mga naghihimagsik ng kulang-kulang 30,000 sandatahan sa paligid ng Manila, bagamang kaunti lamang ang may baril. Karaniwang itak at sibat na kawayan lamang ang sandata kaya hindi nila napasok ang Intramuros nang walang tulong mula sa mga kanyon ni Dewey. Dinaan na lamang sa pagsigaw-sigaw na tatagain sa leeg ang lahat ng Español na makita nila pagkapasok sa Intramuros, bantang pinaniwalaan ng mga Español. At ng mga Amerkano.
Nuong Junio 12, 1898, hinayag ni Aguinaldo ang pagkapag-sasarili [independence] ng Pilipinas sa kanyang bahay sa Kawit, Cavite. Tumangging dumalo si Dewey ngunit isang coronel ng US Army, si LM Johnson, ang naparuon at nagmasid. Sinundan ni Aguinaldo ang pahayag sa sumunod na 2 linggo ng balak na pagtatag ng pamahalaan sa mga purok na napalaya na mula sa mga Español, pagpupulong ng mga kinatawan ng mga lalawigan sa isang Congreso ng Himagsikan sa Malolos, Bulacan. Nuong Junio 23, 1898, hinayag ni Aguinaldo na hindi na siya dictador at isang Republica ang gagawing pamahalaan sa Pilipinas. Ngunit naubusan na siya ng panahon. Nuong Junio 30, 1898, dumaong ang libu-libong sundalong Amerkano ni General Anderson mula sa San Francisco. Sumulat si Aguinaldo kay Anderson, umangal sa pagdaong ng mga Amerkano nang walang pahintulot. Hindi siya pinansin at sumunod pa ang kulang-kulang 9,000 sundalong Amerkano, nang dumating si General Wesley Merritt nuong Julio 25, 1898, upang pamunuan ang pagsakop sa Manila.
May mga sundalo na si Dewey. Panahon na ng Amerkano.
Mabilis na pumaligid sa Manila ang mga Amerkano, naghukay ng kanilang paglalabanan, at nagkalat ng kanilang mga kanyon, upang walang Pilipinong makapasok sa Manila. Nanawagan si Aguinaldo nuong Agosto 6, 1898, sa mga pinuno ng ibang bansa na kilalanin ang kaniyang pamahalaan. Walang pumansin. Sumulat ang mga Español mula sa Manila kay Dewey at Merritt, hindi na raw kailangang dumanak pa ang dugo. Nagkasundo sila nuong Agosto12, nagbarilan nang kaunti nuong Agosto 13, upang hindi mapahiya ang mga Español bago sumuko, at pumasok sa Manila ang mga sundalo ni Merritt nuong Agosto 14. Binantayang walang makapasok na Pilipinong kampi kay Aguinaldo. Kahit na mga alalay ni Aguinaldo. Kahit na si Aguinaldo.
Dinaya man o hindi ang mga naghihimagsik ng mga Amerkano, tunay na pahele-hele ang turing ng pamahalaan ng America sa Washington DC dahil marami man ang nais sumakop sa Pilipinas, marami rin ang laban sa pagsakop kahit saan o kahit kangino. Karamihan sa mga laban ay ang mga pinuno at kasapi ng mga simbahan sa America, at napilitan si President McKinley ipagliwanag sa kanila kung bakit nilusob at sinakop ng mga sundalong America ang Manila.
Hayag ni McKinley sa mga preachers at pinuno ng mga simbahan nuong 1898:
Ang tutuo, hindi ko nais ang Pilipinas, at nang napasa-atin, parang handog ng langit, hindi ko malaman ang gagawin ko sa kanila. Nang mag-umpisa ang digmaan laban sa España, si Dewey ay nasa Hongkong at inutusan kong pumunta sa Manila at napilitan siya; sapagkat kung matalo, wala siyang madadaungan sa parte ng daigdig duon, at kung manalo ang mga Don [mga Español] malamang tumawid sila ng Pacific Ocean at lapastanganin ang Oregon at California . Kaya kinailangang wasakin niya ang sandatahang dagat ng Español, at nagawa naman niya! Ngunit hanggang duon na lamang ang mga balak ko nuon.Nang matapos at natanto ko na napasakamay natin ang Pilipinas, inaamin kong hindi ko alam ang gagawin sa kanila. Humingi ako ng payo sa lahat -- Democrats at pati na Republicans -- ngunit walang naitulong. Naisip ko kunin ang Manila lamang; o baka Luzon lamang; pagkatapos, naisip kong maaari ring ilan-ilang pulo lamang ang kunin. Hindi ako nahihiyang sabihin sa inyo, mga ginoo, na ilang gabi akong lumuhod at nagdasal sa Maykapal at humingi ng payo at liwanag. At isang gabi, nasaisip ko - hindi ko alam kung paano ngunit nasaisip ko:
Pilipinas sa Español. Kaduwagan at laban sa karangalan ang gawin ito.
- Hindi natin maaaring ibalik ang
Hindi natin maaaring ibigay ang Pilipinas sa France o sa Germany - ang mga karibal natin sa kalakal sa Asia - hindi mahusay na kalakal ito at makakasira ng tiwala.Hindi natin maaaring iwanan na lamang ang Pilipinas - hindi sila handang mamahala sa sarili nila - at madali silang magkakagulo at magkaka-abusong masahol pa kaysa sa mga ginawa ng Español.Wala tayong ibang magagawa kung hindi kupkupin silang lahat at turuan; pangalagaan, pangaralan at gawing mga Kristiyano at, sa biyaya ng Diyos, gawin ang lahat nang ating kaya upang mapagbuti natin sila, silang kapwa natin na pinagpahirapan para sagipin ni Jesus Christ.Matapos nito, nakatulog ako nang mahimbing at kinabukasan, ipinatawag ko ang chief engineer ng War Department at inutos ko na ilagay ang Pilipinas sa mapa ng America; at duon sila lalagi habang ako ang Pangulo!
Maaaring salitang politica lamang ang pagdarasal sa gabi ni Mckinley, ano ba’t mga relihiyoso ang kaharap niya kaya dinagdagan pa ng gagawing Kristiyano ang mga Pilipino nang matuwa naman. Katunayan, sinabi niya ang tunay na harangin ng America: Ayaw maiwan sa agawan ng mga taga-Europa, lalo na ng Germany, sa kalakal sa Asia, ngunit China ang talagang tukoy niya, dahil ito na lamang ang nalalabing lupaing maaaring lapain at sakupin [Ganito nga ang ginawa ng mga taga-Europa sa China sa sumunod na 30 taon]. Sakop na ng English ang India at Malaysia, sakop ng France ang Indochina [Cambodia, Laos at Vietnam]; sa Dutch Netherlands naman ang Indonesia. Aali-aligid ang gutom na Germany; hindi sakuna na dumaong sa Manila Bay ang kanilang mga barkong pandigma, sa pamumuno ni Admiral Otto von Diederichs, nuong Junio, 1898, ilang linggo lamang matapos ang labanan sa Manila Bay. Isa sila sa mga tinutukoy ni Aguinaldo nang manawagang kilalanin ang kanyang pamahalaan nuong Agosto 6. Ngunit ang balak ng Germany ay sumakop, hindi magpalaya, ng ibang bayan, kaya hindi pinansin.
Anuman ang nais ng karamihan sa mga Amerkano, napilitan silang lusubin ang mga sakop ng España nang maghayag ang Madrid ng digmaan nuong Abril 24, 1898. Nawasak nila ang sandatahang dagat ng España sa Santiago Bay at napasuko ang mga Español sa Cuba nuong Julio 17, 1898. Sumunod na Octobre, nagsimulang magtawaran ang mga Español at mga Amerkano sa Paris, France. Inalok ng España ngunit ayaw tanggapin ng America ang Cuba, may utang na 400 milyon dolyar ito at walang Amerkanong payag na sakupin pagkatapos ng digmaan upang palayain ito. Kaya napilitang maging malaya [free] ang Cuba, subalit baon sa utang at watak-watak, hindi naging makapag-sarili [independent], ngunit mahaba at ibang salaysay na iyon. Ang tinanggap lamang ay Puerto Rico, nais gawing daungan sa Carribean Sea ng sandatahang dagat ng America [United States Navy], ang Marianas Islands, nais din ng US Navy na daungan sa gitna ng Pacific Ocean, at ang Pilipinas na binili ng America ng 20 milyong dolyar mula sa España. Ang 3 kapuluan ang sakop ng kasunduang tinawag na Treaty of Paris. Nagtangkang dumalo si Felipe Agoncillo bilang sugo ng Pilipinas sa lagdaan ng kasunduan nuong Deciembre 10, 1898, ngunit hindi siya pinapasok.
Ipinag-utos ni McKinley na sakupin agad ang buong Pilipinas.
Maliban sa Manila, patuloy ang paglusob ng mga Pilipino at pagpalaya sa buong kapuluan. Nuong Noviembre 6, 1898, sumuko sa kanila ang mga Español sa Negros. Nuong Deciembre 23, 1898, isinuko ni General Diego de los Rios, ang naiwan at kahuli-hulihang governador ng Pilipinas, ang pulo ng Iloilo. Sa lungsod ng Iloilo, katatapos pa lamang mag-Pasko at magdiwang sa pagsuko ng mga Español ang mga pinuno ng himagsikan sa Panay, sina General Martin Delgado at Coronel Quintin Salas nuong Deciembre 28, 1898, nang biglang sumulpot ang mga sundalong Amerkano at si General Marcus Miller at nagtangkang dumaong.
Hindi! ang sagot ng mga Ilonggo, at mabilis na naghukay ng paglalabanan, may 10 kilometro ang haba, sa harap ng Guimaras Strait at sa harap ng mga kanyon ng sandatahang Amerkano. Nagbakbakan sila hanggang Febrero, 1899, nang masupil ang karamihan ng mga naghihimagsik at sinakop ng mga Amerkano ang kalakihan ng Panay. Sa mga bahaging malaya pa, patuloy nakibaka si Salas sa kabayanan ng Cabatuan hanggang Septiembre, 1899, nang dumugin sila ng maraming Amerkano. Sumuko ang karamihan ng mga Ilonggo, ngunit namundok si Salas at ilang pang kasama, at nag-guerrilla hanggang naiwan na lang siyang nag-iisa. Sumuko siya sa mga Amerkano nuong Octobre, 1901, ang kanyang ika-31 kaarawan, at ipinatapon siya. Nagtungo siya sa Manila nuong 1908 at nag-abogado nuong 1912. Nang payagan, bumalik siya sa Iloilo at duon siya namatay ng tuberculosis nuong Enero 24, 1917. Ang kaisa-isa niyang anak, si Rosario, ay nag-abogado rin, ang pinakaunang babaing abogado sa Iloilo.
Nagbalik sa Bohol si Bernabe Reyes, isang taga-Dauis, malapit sa Tagbilaran, may kasulatan mula kay Aguinaldo upang magbuo ng pansamantalang pamahalaan sa Bohol, isasapi pagkatapos sa pamahalaan ng Pilipinas. Lumigid siya sa pulo, at sa harap ng mga pinuno ng mga baranggay at purok, nahalal siyang presidente o governador ng Bohol. Mapayapang namuhay ang buong Bohol hanggang dumating ang sandatahang Amerkano nuong Marso 14, 1899, sa pangunguna ni Major Henry Hale. Dahil walang sandata o sundalo, napilitang sumuko nang walang laban si Reyes.
Samantala, sa Malolos, Bulacan, itinatag ang unang Republica ng Pilipinas nuong Enero 1899, hinirang na Pangulo si Aguinaldo at pinairal ang Kasulatan ng Katauhan ng Bayan [constitution]. Inirapang lahat ng mga Amerkano, patuloy na nag-ipon ng mga sundalo at sandata sa Manila, at paghanda sa paglusob sa mga Pilipino.
Nuong gabi ng Febrero 4, 1899, binaril at pinatay ni William Grayson, sundalong Amerkano, ang 2 o 3 Pilipinong naghihimagsik na nagtangkang tumawid sa tulay ng Santa Mesa, sa labas ng Manila. Nagalit ang mga kasamahan at bumaril din ang mga Pilipino. Nagsimula na ang digmaan, hayag ng alalay ni General Elwell Otis, kapalit ni General Merritt bilang pinuno ng mga sundalong Amerkano. Sugurin ang mga Pilipino ayon sa ating napagpasyahan, ang sagot ni Otis.
Masiklab ang bakbakan ngunit dehado ang mga Pilipino. May 3,000 patay silang iniwan nang umurong mula sa paligid ng Manila dahil sa dami ng baril at kanyon ng mga Amerkano. Nagsasayawan nuon sina Aguinaldo at mga alalay, ipinagdiriwang ang bagong pamahalaan, nang dumating sa Malolos ang balita ng labanan. Agad nagpasugo si Aguinaldo kay Otis na itigil ang barilan at simulan ang usapan. Huli na, ang sagot ni Otis, Tignan na lamang natin kung saan makakarating ’to.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|