Pinoy

Tagapagmana Ng Kahirapan

Nang hindi pinalaganap ng mga marangya ang kayamanan,
pinalaganap ng mga dukha ang kanilang kahirapan

- Will and Ariel Durant, The Story of Civilization

Kailangan ng mga sawimpalad ang pagkalinga ng mga higit na mapalad
- Felipe Agoncillo

MALI ang natutunan ng bagong katulong sa bahay ng donya nang nag-ring ang telepono. “Sagutin mo,” utos ng nakahilatang donya.

“Helow? Helow?” Nuon lamang nakahawak ng telephono, baligtad and dampot ng katulong, nagsalita sa earpiece at nakinig sa mouthpiece. “Wala pong sumasagot, ma’am!”

“Baligtarin mo!” Nakita ng donya na baligtad ang hawak sa telepono. Saglit napatingin ang katulong bago nagsalita muli sa earpiece, “Low-he? Low-he?”

“Telepono baligtarin mo!” Inis ang ayaw tumayong donya. Napatingin uli nang 2 kurap ang katulong bago nakapagsalita, “Pono-tele? Pono-tele?”

Mula nuong 1960, nauso sa mga nagdunung-dunungan sa Manila, ang mga nais maturing na intelligentsia o utak ng lipunan, na mayaman ang Pilipinas at hindi dapat maghirap ang mga tao. Marami at kani-kaniyang adhika sila kung paano pauunlarin ang bayan, kung bakit dapat magbago ang mga tao, paano baguhin ang pamahalaan, kung paano at bakit dapat maging sikat ang mga may adhika.

Hintay muna: Ano ang maling natutunan ng bagong katulong? “Low-he” at “pono-tele” ? Ano ang kaugnayan nuon sa nausong sabi-sabi na mayaman ang Pilipinas?

Maaaring katawa-tawa ang “low-he” at “pono-tele” ngunit ang mali na natutunan ng bagong katulong ay ang tamad na donya. Lahat ng mga katulong na yumaman ay nagtamad na donya na rin, pasigaw-sigaw, pahila-hilata. Itinuro pa sa mga anak upang sumigaw-sigaw din, humila-hilata...Kasama ito sa mga maling natutunan sa mga Español:

Patapos na ang munting kasaysayang ito, maliban sa susunod na yugto, at tuturan na ang mga naaninaw sa mga naganap sa kapuluan sapagkat ang katwiran ng anumang kasaysayan ay maunawaan ang kasalukuyan. Pag-unawa na maaaring magamit upang matanaw ang magaganap, o dapat maganap, sa kinabukasan, na tuturan sa susunod na yugto. Dito, pinakamabilis mauunawaan ang kasalukuyan kung babakasin at susuriin ang mga kamaliang napulot mula, una, sa mga Español. Squatters

Karumal-dumal.

Malungkot tanawin ang karanasan ng Pilipinas sa mga Español, kaya kataka-taka kung bakit nagpupumilit ang marami, lalo na ang mga mayaman, na mag-ala Español. Wala isa man sa mga maling natutunan ang maipapagtanggol ng sinumang may sariling dangal. Pamana lahat ng Español - ang nakawan ng lupa, suhulan at kalkalan sa pamahalaan, ang pagkamuhi sa mga kayumanggi, pagkutya sa mga naka-bakya at paglibak sa mga nakayapak. Ang mga may ari-arian lamang ang pinauutang ng bangko, sila-silang mayayaman ang nagsasapakat upang lalong yumaman. Bahala na ang mga patay-gutom sa sarili nila kung mamatay silang lahat sa gutom, basta huwag payagang umunlad at mawawalan ng tagapagsilbi ang mga mayaman. Kasalanan naman nila kung ipinanganak silang maitim, ’di bah! Dapat magpaputi sila kung nais nilang maging mahusay na tao.

Patayin ang mga Moro.

Unang-una, mali ang itinawag. Hindi Moro ang mga Muslim sa Mindanao. Taga-Africa ang mga Moro, mga taga-Morocco, na dati ay sumakop at nagdala ng kabihasnan [civilization] sa España.

Hintay muna: Hindi ba matagal nang kaaway ng mga katoliko ang mga Moro?

Ang dapat itanong ay bakit. Nuong 1950s, ipinagbawal ng simbahan ang dating laganap na pagbinyag sa mga sanggol sa pangalang Jesus sapagkat natuklasang maraming Jesus ang ikinukulong at binibitay sa Bilibid Prison. Daig karamihan ng mga lumiligalig, nagnanakaw at pumapatay sa mga Pilipino ay mga katoliko. Dapat bang gawing kaaway at patayin ang mga katoliko? Maraming Visaya at mga taga-Luzon ang nakikipagpatayan sa mga muslim sa Mindanao, totoo, ngunit dahil sa lupa at kapangyarihan, hindi simbahan. Hindi masamang tao ang muslim o katoliko, ang masamang tao ay ang lumiligalig, nagnanakaw at pumapatay.

Hintay muna: Marami namang biyaya na natutunan sa mga Español, hindi ba?

Isa lamang: Pinagbuo nila sa isip ng mga nasa loob at nasa labas na isang bayan ang Pilipinas. Bago dumating ang mga Portugis, Español, Dutch at British, ang mga pulu-pulo ay tinuring na sama-sama at samut-samot, walang ipinag-iba kundi ang mga wika at mga away-away ng mga naninirahan. Kung hindi dumating ang mga taga-Europa, malamang nagkabuo-buo ang mga pulo sa 5 hanggang 8 magkakaiba, at mga nag-aaway na bayan. Angal ang mga Visaya, lalo na ang mga Tausug at mga Maguindanao, ngunit biyaya ang ginawang pag-buklod ng mahigit 7,100 pulo sa isang bayang may sapat na laki ng lupa at dami ng mga mamamayan upang mabuhay nang nagsasarili.

Ang mga ibang iniwan ng mga Español ay mabuti pang kalimutan na.

Hintay muna: Hindi ba biyaya ang relihiyong katoliko? At ang Español ang nagpatigil sa pag-alipinan sa Pilipinas, hindi ba?

Itinigil ng mga Español ang pag-alipin ng mga Pilipino, ngunit sila ang umalipin sa milyon-milyong timawa na isinadlak nila sa putikan at paghihirap sa mga bukid. Sila rin ang nagbago sa mga principales, ginawang mga sipsip at tagapagsilbi at, gaya ng bagong utusan, ay natuto ng mali-maling gawi. Ang mga Español din ang nagbawal sa mga katutubo na magkalakal sa pulu-pulo kaya hanggang ngayon ay bihirang Pilipino ang marunong magkalakal nang higit na mayabong pa kaysa sa paglalako sa bilao at pakyawan ng mga bungang-kahoy. Ngayon lamang natututo ang mga Pilipino mula sa mga Intsik at mga Amerkano kung paano magkalakal ng barko-barko, ng bayan-sa-bayan.

Kung mahilig sa pagka-katoliko, ituring na biyaya ang bigay ng mga Español. Ngunit mabuting tao ang mga taga-Indonesia at mga taga-Malaysia na pulos Muslim. Mabubuti ring tulad ng mga katoliko ang mga protestante, mga aglipay, mga iglesia ni kristo, atbp. Kaingin ng Mag-ina

Mayroon ding natutunang mali sa mga Amerkano; ang isa sa pinakamalaki ay ang kalayaan ay ginhawa - agad natuklasang hindi pala tutuo ilang taon lamang pagkatapos nagkapag-sarili ang Pilipinas nuong Hulyo 4, 1946. Ang iba pang mali ay higit na mahirap tuklasin:

Higit na mahirap tuntunin ang mga mali na natutunan sa mga Amerkano dahil ang iba ay nakasulat sa mga libro [aklat!] at, gaya ng pag-aglahi sa mga ibang lahi, itinuturo pa hanggang ngayon sa mga paaralan. Pinakamaunlad ang mga Malay kaya ihayag ng lahat ng nakapag-aral na Malay sila! Sino ba naman ang nais maturing na Indonesian A na ni hindi marunong magdamit o magpalayok? Habag ni Bathala! Hindi pa ba sapat na pabayaang maging hampas-lupa ang mga Ita at patay-gutom ang mga Mangyan, kailangan pa bang libakin sapagkat hindi sila “Malay” ?

Ang ibang kamalian ng mga Amerkano ay mahirap tuusin sapagkat hindi naman sadyang mali, hindi nga lamang totoo ang makakamit, gaya ng pagbabahagi ng mga sakahan [land reform]. Sa 4.3 milyon hektarya ng sakahan na pinupuntiryang bahagiin, umabot na ng 2.9 milyong hektarya ang taon-taong pamamahagi ng lupa ng DAR [Department of Agrarian Reform] mula nuong simulan ang Pangkalahatang Pagsasaayos ng mga Sakahan o CARP [Comprehensive Agrarian Reform Law]:

Bagaman at mayroon pang 1.4 milyong hektarya sa mando ng DAR, unti-unting pinapatay ni Pangulo Gloria Macapagal Arroyo ang pamamahagi ng lupa nang itanghal niyang kalihim ng DAR si Hernani Braganza upang makamit ang tulong ng mga may lupa sa halalan muli ng pangulo sa 2004. Si Braganza man ay nagbabalak mahalal na senador sa 2004 kaya panay din ang ligaw sa mga may lupa at mga mayaman. Magtatapos sa 2008 ang mando ng CARP, kaya malamang wala nang mangyari pang malaki sa bahagian ng lupa. Isa pa, Kusang Lipatan ng Titulo o VLT [voluntary land transfer] ang piniling paraan ni Braganza. Ito ang nais ng mga may lupa dahil napakadaling mandaya dito.

Patuloy pa rin ang panaghoy ng mga magsasaka. Binuo nila nuong Hunyo 10, 2000, ang Pambansang Ugnayan ng mga Nagsasariling Organisasyon sa Kanayunan o UNORKO [National Federation of Autonomous Rural Organizations] upang pag-ibayuhin ang pamamahagi ng mga sakahan. Pinupuntirya nila ang ilan-ilang hacienda:

  1. Mahigit 5,200 hektarya ng DAPECOL o Davao Penal Colony na pinagkikitaan ng milyon-milyon piso taon-taon ni Antonio Floirendo, dating kakampi ni Ferdinand Marcos at kampi ngayon kay Pangulo Gloria Macapagal Arroyo. Ang taniman ng saging para sa Chiquita at Del Monte ay nahuthot ni Floirendo nuong panahon ni Ferdinand sa napakababang upa; mahigit 8 bilyon piso na raw ang lugi ng Pilipinas.
  2. Ang 4,000 hektaryang taniman ng prutas na ari nina ‘Danding’ Eduardo Cojuangco at Roberto Benedicto, kapwa kakampi ni Ferdinand Marcos, sa Negros Occidental. Marami ring lupain si Cojuangco sa Tarlac, Palawan, Agusan del Sur, Bukidnon at Davao del Sur na hindi pa mahipo ng DAR.
  3. Ang 6,400 hektaryang tubuhan ng Hacienda Luisita na ari ni Pangulo Cory Aquino. Napalusot sa bahagian ng lupa sa pakana ng kapatid, si Jose Cojuangco, at malamang hindi na magalaw ng DAR dahil kailangan ni Gloria ang tulong ni Cory upang mahalal pangulo muli sa 2004.
  4. Ang mga lupain ng asawa ni Gloria sa Negros Occidental na dating iniilit sana nuong panahon ni Pangulo Joseph Ejercito Estrada ngunit ngayon ay maaaring hindi na makamkam ng DAR.
  5. Ang 10,000 hektarya sa Bondoc, Quezon, ng magkakapatid na Domingo Reyes Uy, Manuel Uy Ek Liong at dating alkalde Juanito Uy.
  6. Bandang 26,000 hektarya ng saging sa Davao ng angkan ng mga Lorenzo .
  7. Ang 9,000 hektaryang hawak ng Dole sa South Cotabato.
  8. Ang mahigit 1,000 hektaryang taniman sa Albay ni Ramon Mitra, dating Speaker sa Batasang Bayan.
  9. Ang 1,000 hektaryang hacienda ng mga Alcantara sa Sarangani, Mindanao.
  10. Ang mga lupain ng mga Delos Reyes , biyenan ni Jose Cojuangco, kapatid ni Cory, sa Laguna.
  11. Ang mga taniman ng mga Trivinio sa Camarines Sur.
  12. Ang mga lupain ng angkan ng mga Espinosa sa Masbate.
Smoky Valley

Hintay muna: Ano’ng pandaraya ang ginagawa sa VLT?

Sa VLT, ang may-ari ng lupa ang pumipili kung sino ang makakabili ng pinagpira-pirasong lupa, kaya ang pinipili ay mga payag ipa-upa uli sa dating may-ari sa napakababang halaga sa habang-panahon. Lumalabas na kunya-kunyarian lamang ang pagbabahagi ng lupain. Sa ibang pakana, ang mga kamag-anak ang piniling bumili, kaya naging pama-pamana ng mga magulang sa mga anak sa halip na bahagian para sa mga magsasaka. Ang salapi pa ng CARP ang ginagamit na pambayad sa mga buwis at mga kasulatan ng pamana. Halos 4 sa bawat 5 hektaryang ipinamahagi ni Braganza ay gumamit ng VLT. Binabawasan din niya ang pangkalahatang bilang ng mga hektaryang nakatakdang ipamahagi sa mga magsasaka, kaya maglalaho na ang pagsasaayos ng mga sakahan kung hindi masusuway.

Ngunit kahit naman matupad ang binabalak na pagbahagi ng 4.3 milyong hektarya sa pagdating ng 2008, kahit dumami ang ani ng bigas at mais, magtatamasa ba ng ginhawa ang mga tao? Sa 30 milyon hektaryang lupain sa Pilipinas, 13 milyon lamang ang maaaring taniman. Lumiit pa nuong 1995, naging 12.5 milyong hektarya na lamang nang ginawang industrial area ang kalahating milyong hektarya. Tuusin: Sa 32 milyong Pilipinong naghanap-buhay nuong 2001, 15 milyon ang tagabukid, lumalabas na wala pang isang hektarya sa bawat naghanap-buhay. Napakaliit na ginhawa.

Makakatulong nang malaki ang pagbabahagi ng mga sakahan, at dapat maging masugid at totohanan ang mga hakbang ng pamahalaan sa pagtupad ng CARP, walisin lahat ng pandaraya at pagkalkal ng mga mapagmalabis na Pilipino. Makakatulong din nang malaki sa pagkain ng madla ang pagpalawak ng mga palaisdaan sa dagat, gaya ng ginagawa na sa Saranggani Bay, sa Mindanao. Isa sa bawat 4 hektaryang taniman sa Pilipinas nuong 2002 ay niyogan. Malaking tulong sa kita ng bayan kung sa halip na copra, ang higit na mataas na halagang langis ng niyog na ang ilako sa ibang bansa. Lalong malaki pa ang kita kung sabon at crema na ginagamitan ng langis ng niyog ang ilako mismo ng Pilipinas.

Anumang makakadagdag sa kakainin ng mga tao ang pinaka-una at dapat tupdin upang masimulan ang pagginhawa, hindi lamang ng mga mahirap kundi ng lahat ng tao. Ngunit dahil sa liit ng lupa at dami ng tao, mananatiling mahirap ang buhay. Sa ibang paraan, hindi sa pagsasaayos ng mga sakahan, makakamit ang pagyaman ng bayan.

At dito, nabanggit na ang isa pang maling natutunan sa mga Amerkano, na mayaman ang Pilipinas. Ang katotohanan ay dukha ang Pilipinas, mana pa sa mga ninuno ang kahirapan at, malamang, magiging pamana pa sa daig-karamihan ng mga anak-bayan sa mga susunod na maraming taon. Dahil sa paniwalang mayaman ang bayan, lumaganap ang mga mali-maling sapantahang hinangad ng madla na tuparin at marami ang naunsiyami dahil sadyang hindi maaaring matupad.

Hintay muna uli: Hindi ba tunay na mayaman ang Pilipinas, maraming ginto, pilak, mga punung-kahoy, at marami pang iba? Bakit mali ang paniwalaan ito? Hindi ba masagana ang buhay nuong unang panahon, at ngayon na lamang naghirap ang mga tao?

Malawak at walang patid ang kahirapan sa mahigit na 400 taon pagsakop ng Español at Amerkano. Sa pamamahala ng kapwa Pilipino, hindi naputol ang kahirapan ng daig karamihan sa Pilipinas. Sapul pa nuong panahon:

  1. Mababang uri, at halaga, ng ginto at pilak sa Pilipinas.
  2. Higit na matagal at magilas ang kalakal sa iba’t ibang bahagi ng Asia kaysa sa Pilipinas.
  3. Sa libu-libong taon, paulit-ulit ang alsa-balutan ng mga bara-baranggay sa iba’t ibang kapuluan sa paghanap ng mahusay na kabuhayan, hanggang matawid ang 3 dagat at marating ang mahigit kalahati ng daigdig.
  4. Naging malaganap sa kapuluan ang pag-alipin kahit na ng mga kamag-anak; nuong una, upang hindi mamatay sa gutom ang mga walang makain ngunit, dinatnan ng mga Español, naging kalakal na upang magkasalapi.

Nuon pang panahon ng mga magdaragat, mga karaniwang mangingisda ang mga tao, nagkaingin, nagkalakal [at nagdarambong paminsan-minsan] upang madagdagan ang pamumuhay. Higit na mainam kaysa sa pamumuhay ng mga dinatnang katutubo na palaboy-laboy lamang sa gubat, ngunit dukha pa rin. Naging higit na mainam ang pamumuhay nang matuklasan ang pagbibigas at naging magsasaka ang mga magdaragat, dumami ang mga pagkain at gamit, ngunit sa kasabay na pagdami ng mga taong kumakain at gumagamit, dukha pa rin. Sa nakaraang 400 taon, naantal lamang sa 2 pagkakataon:

  1. Nang supilin ng mga Español ang pandarambong at dukutan ng mga tao, at ilatag at pag-ugnayin ang mga kabayanan at mga lansangan, naging matiwasay ang pagtatanim, lumawak at dumami ang mga bukirin. Hindi naman nagtagal dahil sa kalkal ng mga lupain at buwis ng mga Español.
  2. Nuong unang pasok ng Amerkano, bumuhos ang milyon-milyong dolyar sa Pilipinas ngunit hindi rin nagtagal, pagkaraan lamang ng 30 taon, nagkahirapan sa America mismo at nabalikat na naman sa mga dukha ang pagkupkop sa mga principales na nagkapangyarihan sa pamahalaan.

Paulit-ulit ang panaghoy ng mga magsasaka at mga mangingisda sa mga lansangan patungong Malacanang mula pa nuong panahon ni Manuel Quezon kahit pinagtatabuyan at binabaril ng mga pulis at sundalo. Hindi masagana ang buhay nuong unang panahon, nag-anyo lamang na masagana dahil naging higit na mahirap ang mga tao sa kasalukuyan.

Ngayon, naputol na at nailako sa labas ng bayan ang 9 sa bawat 10 punung-kahoy sa Pilipinas; ilan ang nakinabang? Ilang toneladang ginto na ang nailabas sa Pilipinas? Nakabawas ba sa libu-libong nagugutom? Likas na mayaman ang kapuluan ngunit yamang tulad ng bahay - may halaga lamang habang hindi ipinagbibili. Kapag inilako, wala nang bahay at ang salapi ay mabilis at tiyak na mauubos. Mali ang natutunan sa Amerkano na ipagbili ang yaman ng Pilipinas sa ibang bayan. Smoky Mountain

Mali rin ang pagsulsol sa paglalako sa ibang bansa. Isa sa bawat 5 hektarya ay niyogan, higit pa kaysa taniman ng mais, at kalakihan sa ani ng niyog ay inilalako sa labas ng bayan bilang copra. Nagbubungkal ang ilang libong tao sa basurahan ng Smoky Valley, kalat ang child sex sa mga lungsod, bakit nagko-copra na ilalako sa labas sa halip na magtanim ng pagkain?

Kamalian ang sukatin ang yaman ng Pilipinas sa palitan ng dolyar, ngunit maaaring magamit upang tuntunin ang tuluy-tuloy at bumibilis na paghirap: Nuong panahon ni Pangulo Carlos Garcia, 2 piso ang katumbas ng isang dolyar, nuong panahon ni Pangulo Diosdado Macapagal, 4 piso; nuong 1972, 8 piso; nuong 1996, 26 piso; nuong 1997, 30 piso; nuong 1999, 40 piso; simula nuong 2000, mahigit 50 piso. Maaari ring gamitin ito upang patibayan na mali ang natutunan sa Amerkano na dapat tangkilikin ang export o kalakal sa labas sapagkat ang mapapala lamang ay salaping dolyar, at ang tanging gamit sa dolyar ay pambayad sa mga binili mula sa ibang bansa. Sa halip na mabili ang mga gawa sa Pilipinas, at lumago ang mga pagawaan at dumami ang mga hanap-buhay na magagampanan ng mga tao gaya ng adhika ng mga pangulo Garcia at Macapagal, bumibili ng imported.

Hindi sinasamsam ang pagkain ng pamilya at inilalako sa labas upang magkasalapi. Hindi rin dapat magtanim ng ilalako sa ibang bayan habang gutom ang mga mamamayan. Ang inilalako sa iba, ulat sa mga libro [aklat!] ng paghanapang-buhay [economics] ay ang mga labis lamang sa pangangailangan ng mga katutubo. Ang kalakal sa labas ay pandagdag lamang sa yaman ng bayan, hindi pampuno sa kakulangan ng mga pangangailangan [necessities]. Hindi man dapat pigilin, hindi naman dapat pundaran ng pamahalaan ang kalakal sa labas. Matagal nang patay ang galleon trade, panahon pa ng Español nalugi na at sinarhan. [Katunayan, kahit minsan ay hindi kumita ang kalakal ng mga galleon; ginamit lamang ng España na paraan upang matustusan [subsidize] ng Mexico ang pamahalaan at mga Español sa Manila.] Ngayon, dapat itulak ang pag-unlad ng katutubong kalakal lamang at ang mga tao na ang bahalang maglako sa labas ng anumang labis sa kani-kanilang kalakal.

Ipaubaya sa tao, ang tao ang bahala. Salungat ito sa iba pang maling natutunan sa Amerkano - pangunahan ng pamahalaan ang pagbubuti ng bayan, ang pamahalaan ang bahala sa lahat. Mainam na tuntunin ito nuong simula ng panahon ng Amerkano, upang masakop nang lubusan ang kapuluang nawarak sa kawalang-hiyaan ng Español, sa madugong Himagsikan at lalong marahas na digmaan laban sa Amerkano. Napatahan ang mga makabayan, nasaklaw ang buhay ng bawat katutubo at tahimik na nakapag-ngasiwa ang mga Amerkano. Sa pagtagal, unti-unting umurong ang mga Amerkano habang lumalawak ang itinatayong pamahalaan ng mga Pilipino hanggang lubusan nang umalagwa ang mga Amerkano nang nakapag-sarili na ang kapuluan nuong Hulyo 4, 1946.

Mapapatawad ang mga unang pinuno sa masigasig nilang pagpapayabong ng pamahalaan nuon, nasalanta pa mandin ang kapuluan sa digmaan laban sa mga Hapon. Ngunit mahigit 50 taon nang malaya ang bayan, panahon nang umurong at paliitin ang pamahalaan, ipaubaya na sa mga tao ang pagkalinga at pagpaunlad ng kani-kanilang buhay. Kung hindi, sobra-sobra ang gastos at madadaig ang pamahalaan, tulad sa nangyayari ngayon, simula pa nuong pangulo si Ramon Magsaysay, na umutang taon-taon sa America pang-suweldo sa mga sundalo upang talunin ang mga Huk. Napakalaki at napakagastos ang mga tungkulin ng pamahalaan upang mag-aksaya ng panahon at salapi sa mga hindi dapat gampanan. Nuong 2001, isa sa bawat 5 Pilipino ang pinasahod sa pamahalaan. Napakarami, halos 18 milyong kawani. Nagkulang tuloy ng 150 bilyon piso [3 billion dollars] ang pamahalaan sa isang taon lamang. Nuon din umabot sa 2.5 trilyon piso [50 billion dollars] ang utang ng Pilipinas sa ibang bayan. Bayad sa interest lamang ay milyon-milyon na, taon-taon. Naglalako

Hintay muna: Ano ang mga dapat gampanan ng pamahalaan? Ano ang dapat ipaubaya sa mga tao? Paano ba uurong ang pamahalaan?

Ang pag-urong ay paglalansag o paglalako ng mga kagawarang kasalukuyang pinaaandar ngayon ng pamahalaan. Halimbawa ay koryente at tubig sa Manila na kamakailan lamang ay ipinagbili ng pamahalaan. Gaya ng mga ito, dapat ipaubaya ang mga gawaing mainam na magagampanan lamang kung pinagkakakitaan [financially profitable]. Lalawak pa ang kalakal at kita ng mga tao pagkabitaw sa mga ito.

Dapat ipamahala na sa mga lalawigan, mga kabayanan at maging mga nayon ang mga mababa at mataas na paaralan [elementary and high schools]. Higit na alam ng mga pamahalaan sa mga lalawigan ang mga kailangang matutunan ng mga naghahanap-buhay doon. Pagtulong, pagsusuri at pagmanman na lamang ang dapat gawin ng pambansang pamahalaan. Ang pagpapatakbo ng mga paaralan mula sa Manila ay lapat sa mga tuntunin ng mananakop, gaya ng mga Español at mga Amerkano, na hanap mapagsilbihan sila, ang España at America, ng mga tao. Kaya karamihan sa mga nakapag-aral ay naging clerk o guro, ang tuntunin ng mga Amerkano. Nuong panahon ng Español, ang mga nakapag-aral ay naging mga pari, mga parmasiotico, at iba pang kailangan ng mga Español. Higit na masaklap, hanggang ngayon, lahat ng nakapag-aral ay paniwalang dapat silang magtungo sa Manila upang magamit ang napag-aralan, gaya nuong panahong sakop ang Pilipinas ng hindi-Pilipino. Sa sariling pamahalaan, ang mga pangangailangan ng tao, hindi ang pamahalaan, ang dapat pagsilbihan.

Kapuna-puna: 2 sa bawat 5 Pilipino ay naghahanap-buhay sa bukid, ngunit ilan ang paaralan sa pagtatanim? Walang paaralan ng pagtatabako sa Ilocos, pag-aabaca sa Bicol, pagniniyog sa timog Luzon, Visayas at Mindanao, iisa ang paaralan ng pagpapalay sa buong Gitnaang Luzon, mga dayuhan pa ang nagpapatakbo sa IRRI [International Rice Research Institute] sa Los Banyos, Laguna. Maraming paaralang merchant marine sa Manila, itinuturo kung paano magmekaniko at mag-waiter sa mga barko sa labas ng Pilipinas. Mainam naman iyon, ngunit sa bayang binubuo ng libu-libong pulo, walang paaralang nagtuturo kung paano magpaandar ng barko, kung paano gumawa ng barko, kung paano maglayag sa dagat. Walang paaralan ng pangingisda.

Karamihan nito ay maaaring ituro sa mataas na paaralan [high school]. Kahit na sa mababang paaralan, maituturo kung paano ang mainam na pag-imbak ng palay, kamote at gabi sa tag-ulan, at iba pang mga aral na makakabuti sa ikabubuhay. Sa mga lalawigan lapat matutunan ang ganito; sa mga pulo higit na maganang mag-aaral ang mga kabataan ng pagtatanim, ng pangingisda, ng paggawa ng mga kasko at iba pang sasakyang pandagat. Sa ngayon, marami ang paniwala na sa labas ng paaralan lamang natututunan ang mga ito. Na ang pag-aaral ay para lamang sa mga sisiksik sa pamahalaan, magkakawani sa opisina.

Dapat lamang akuin ng pambansang pamahalaan ang mga:

  1. Landasan at ugnayan [travel and communications]
    1. Highways, pag-ugnay ng mga lalawigan, at ng mga lungsod sa mga nayon
    2. Trains, mura, tipid sa gasolina, pangmaramihan at huwag takpan ang lahat ng bukid ng lansangan!
    3. Post Office, mahilig magsulatan ang mga tagapulo, hindi ito kaya ng mga lalawigan, kailangan pa sa maliliit na kalakal mula Aparri hanggang Davao
    4. Mga barkong papulo-pulo [inter-island shipping], pinakamurang lakbay at kalakal mula Ilocos hanggang Surigao.
  2. Katarungan at katahimikan [justice and defense]
    1. Hukbong dagat, hukbong parang. Napakadukha ang Pilipinas upang magtustos sa libu-libong nakatalungko lamang sa mga kampo. Gumawa ng mga highway at tulay ang mga sundalo, at magpulis sa bukid at bundok laban sa mga mandarambong at tulisan gaya ng Abu Sayyaf. Hukom at Batasan ang dapat humarap sa NPA at mga Muslim.
    2. Mga piitan, hindi ito kaya ng mga lalawigan, tapunan ng mga ayaw makibagay sa lipunan, sa mga pulong maaaring taniman ng sariling pagkain.
    3. Buwis, hindi kayang supilin ng mga lalawigan ang mga oligarchs na ayaw magbayad ng buwis, at sa paggamit ng buwis mapapagpantay ang mga kawawang lalawigan sa mga mayaman.
  3. Dalubhasaang pag-aaral [college education], kailangan ang University of the Philippines sa hilaga at timog Luzon, Visayas at Mindanao, upang masulsulan ang kaalaman, at tustusan ang mga dukhang may sapat na dunong at kaloobang mag-aral ng
    1. Bagyo at Tag-tuyo [weather/drought forecasting]
    2. Bulkan [volcanology, geology] at Pag-anod ng lupa [soil erosion]
    3. Poso at Lawa sa lupa [aquafer/water management], kailangan sa mga lalawigan, patubig sa bukid, at sa mga lungsod, paligo sa tao.
    4. Palaisdaang dagat [marine biology/agriculture], kulang sa lupa, malakas kumain ang 84.5 milyong tao.

Sawayin ang paista-istambay sa mga capitolio ng mga lalawigan, sa municipio ng mga kabayanan, lungsod at nayon--naghihintay na lamang ng mga pasintabi mula Manila, marami tuloy mga manoy na nahahalal dahil wala namang katuturan ang panunungkulan nila--at ipamahala sa kanila ang:

  1. Patila sa baha [flood control]. Walang pagkakakitaan, kaya mananatili ito sa pamamahala ng lalawigan o kabayanan.
  2. Ospital at sanidad [health services, sanitation], dapat walang pagkakakitaan sa sanidad, ngunit ang mga ospital ay maaaring ipaubaya sa mga tao, maliban iyong mga nakalaan sa mga dukha.
  3. Mga lansangan at tulay [main roads and bridges], hindi gawi ng mga tao ang magbayad ng toll kaya walang pagkakakitaan dito
  4. Paaralang bayan, hanggang high school [public education], maraming pagkakakitaan, maliban sa mga nakalaan sa mga dukha.
  5. Pulis at Payuhang Baranggay [police and community relations], dapat walang pagkakitaan dito, kailan man.

Dapat ipaubaya sa mga tao [private enterprise]:

  1. Tubig bayan [water system] at patubig sa bukid [irrigation] Kung may sapat na mayaman sa kabayanan o lalawigan, ay dapat ipaubaya sa mga tao [private enterprise].
  2. Koryente [electrification], wala pang ilaw sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan.
  3. Mga daanan at pasyalan [streets and parks], maliban sa mga highway at lansangang bayan [provincial roads or city streets]. Maliban sa mga pasyalang bayan, gaya ng Luneta o mga tagpuan ng bayan, gaya ng Plaza Miranda
  4. Radio, television, telepono
  5. Daungan ng barko [sea ports] at paliparan ng eroplano [airports], sa maraming pulo, malamang walang pagkakitaan, ngunit maaari pa ring ipaubaya sa mga nais makipagsapalaran [investors]

Iiwasan ang ano pang pagsusuri sapagkat napakahaba, mailalaman sa ilang libro [aklat!]. Maliban sa isa - ang pamantasang bayan. Kailangan kung titiyakin na mayroon laging may sapat na kaalaman sa mga kailangan ng bayan. Maaaring kailangan ng Pilipinas ang libu-libong magtatapos ng abogasya sa mga panahong darating. Maaaring nararapat magtapos ng medisina ang libu-libong Pilipinong tutuloy sa America sa madaling pagkakataon. Ngunit higit kailangan at nararapat na magkaroon sa pulu-pulo na binuo ng mga bulkan at mga nag-umpugang bato ng mga nag-agham [scientists] sa lupa, bulkan at lindol [geology, volcanology, seismology]. Higit sa lahat, kailangan ng bayang salat sa lupa, napapaligiran at pinaghati-hati ng tubig ang mga nag-agham sa dagat, paglalayag at pangingisda [oceanography, navigation and marine agriculture].

Sapagkat nauubos na ang galunggong.

Ipinangako ni Joseph Ejercito Estrada upang mahalal na pangulo nuong 1998 na titiyakin niyang may sapat na kakanin ang mga mahirap, kahit na pinakamurang isda lamang. Tulad sa mga pangakong pangulo, hindi natupad. Maliit pa kaysa California ang Pilipinas, sobra-sobra ang kumakain upang umasa na lamang sa bunyi ng lupa. Ang tubig sa paligid ang tanging pag-asa, “taniman” ng isda, hipon, tulya, pagong, itik, talaba at kung ano pang “pagkaing dagat.” Kailangang ang magdaragat na naging magsasaka na naging mandirigma na naging mamamayan ay maging mangingisda muli. Hindi paisa-isang dosenang bangka kundi mangingisda sa mga palaisdaang hindi matanaw ang lawak, hindi mabilang ang dami. Taga-Mindoro

Hintay muna: Kaya ba ng mga lalawigang magpatakbo ng mga ito, wala naman silang pera? Lalong maghihirap sa mga barrio, magsasara ang mga paaralan. Dapat ang Manila ang mamahala!

Kung nakapag-ipon ng 500 milyon piso si Joseph Ejercito Estrada nang walang ginagawa, kung nakapagkamit ng libu-libong hektarya si Antonio Floirendo sa pakipag-kaibigan lamang, kung naglaho ang 600 milyon piso sa paglatag ng isang avenue lamang, bakit hindi kayang magtustos ng mga paaralan? Kung nais ng mga tao na lumaking mangmang ang mga anak, kung ayaw maghalal ng mahusay at malinis na pinuno, kung nais mamuhay na nakatalungko sa sumisidhing gutom at kawalan ng pag-asa, karapatan at kalayaan nila. Natuto ang mga ninunong magdaragat na sumunod sa magalang at maalam na matatanda. Matutunan muli ng mga kasalukuyang mamamayan, kahit na napagbago ng 2,000 taon ng pagiging magsasaka [at agawan ng lupa] at naantal ng 500 taon ng paghari-harian at pagbubuwis ng mga naging mandirigma [at pagsakop ng mga dayuhang mandirigma] na ang pagkalkal ng mga de-baril na politico at kudeyta-kudeyta ng mga sandatahang nais maghari [pati na ang NPA] ngayon ay pagpapatuloy lamang ng lipas at laos nang gawi ng mandirigma.

Hintay muna: Marami namang mayaman sa Pilipinas, marami ang mahusay ang pamumuhay. Bakit kailangan pang gumawa ng kung anu-ano? Dadami rin naman ang mayaman sa pagtagal ng panahon, hindi na dapat bagu-baguhin pa ang palakad.

Ito ang isa pang kamaliang natutunan sa Amerkano, na kailangan lamang pagyamanin ang mga mayaman, at ang mga mayaman na ang bahalang umaruga sa mga mahirap. Mainam na tuntunin sa karanasan ng America, nagwagi duon ang mga mapagpalaya at makatao, ginapi ang mga maka-alipin at mapaglabis. Kahit hindi sapat upang mapahinahon ang mga nagnanais ng higit pa, totoong guminhawa ang buhay ng karaniwang mamamayan sa pagyaman ng iba. Ngunit mali itong tuntunin sa Pilipinas sapagkat kaiba ang karanasan ng mga Pilipino, natutong maging don at donya ang mga mayaman at kamkamin, sarilinin ang kanilang yaman at pagdamutan ang mga mahirap. Sa nagdaang mahigit na 100 taon, walang mayaman na nagsikap paginhawain ang mga tao. Marami ang nagpangako at sila ang lagi nang nagwagi sa halalan, ngunit wala ni isang tumupad.

Hintay muna: Bakit ba kailangang asikasuhin ang mga hampas-lupa? Mahigit 450 taon silang binale-wala, wala namang nagawa, bakit ngayon napaka-importante nila?

Dahil sa Confradia ni Apolinario dela Cruz nuong 1840, dahil sa Katipunan ni Andres Bonifacio at Emilio Jacinto nuong 1896. Dahil sa mga Sakdalista nuong 1935, ang mga Huk ni Luis Taruc nuong 1950. Dahil sa EDSA 3 nuong 2001. Nag-aklas halos bawat anak-anakan [generation] ng mga mahirap sa mahigit 160 taon na nagdaan. Simula nuon 1986, kahit na nagogoyo-goyo pa rin sila, kahit nabibili pa rin ang kanilang mga boto, inasahan naman nilang tutuparin ng mga politico ang mga pangako. Isa pa, marami na ang nakakaunawa, sa loob at labas ng Pilipinas, na mahirap ang Pilipinas dahil mahirap ang mga tao, at giginhawa lamang ang bayan kung guminhawa ang buhay ng mga tao. May ilan-ilan nang mga taga-ibang bayan na tumutulong sa tao na mismo, hindi na pinadadaan sa pamahalaan o sa mga de-kotseng taga-Manila. Nagsimula na ring umalingawngaw sa labas na Pilipinas na ang mga timawa lamang ang may katuturan sa kapuluan.

Hintay muna: Siyempre, naghihirap ang mga tao dahil naghihirap ang Pilipinas, alam na ng lahat iyon nuon pa. Di ba kaya pinayayaman ang bayan, para guminhawa ang mga tao?

Kabaligtaran ang katotohanan. Ito ang huling natutunang mali at gaya ng pono-tele at low-he, nakalilito kaya matagal bago naaninaw. Na dapat manguna ang pamahalaan sa pagbubuti ng bayan ay mali. Ang tao ang dapat manguna. Baligtad ang pulot sa telepono, baligtad ang tingin sa suliranin kaya simula’t simula pa wala ng bisa ang mga lunas na sinunod, lalong lumala ang kalagayan sa halip na malunasan.

Hintay muna: Eeeeeeekh!! Ang gulo! Mahirap ang bayan, mahirap ang mga tao, payamanin ang bayan, payamanin ang tao, pare-pareho! Bakit babaliktarin pa ang tingin? Nakakaduling! Ano’ng babaligtarin?

Nuong panahon ng hari, ang kaharian ang nangunguna, ang kaharian ang pinayayaman, ang hari ang bahala sa lahat. Sunud-sunuran lamang ang mga tao. Iyon ang kamalian. Sa democracia ang tao ang nangunguna, ang tao ang pinayayaman, ang tao ang bahala sa lahat. Sunud-sunuran lamang ang pamahalaan. Ito ang kabaligtaran. Kapag ipinaarkila ang bahagi ng pulo upang gawing pinyahan ng nagkakalakal sa ibang bayan, kikita ng dolyar at yayaman ang pamahalaan, hindi ang mga tao na hindi nakakahawak sa dolyar. Kahit nagkaroon ng hanap-buhay ang tao, sinasadlak naman sila sa pagiging hampas-lupa sa itatagal ng pag-arkila ng pinyahan. Kapag ibinigay ang libu-libong hektarya sa isang kaibigan upang kumita ng dolyar sa paglalako ng saging sa ibang bayan, dadami ang dolyar ng mga nasa pamahalaan, napapako ang mga taong bukid sa paggapas at pagbitbit ng mga saging, sa pagiging dukha.

Nuong panahon ng Español, ang mga timawa ay ipinako sa lupa ng mga naghahari bilang mga kasama at mga sacada . Ngayon, wala nang hari, ipinako ang mga magbubukid sa mga pinyahan at sagingan, mistulang mga aliping namamahay, ng sarili nilang pamahalaan. Ang nagkakatotoo tuloy ay ang mali, gaya nuong panahon ng hari: Ang pamamahala ay sa ikauunlad ng mga namamahala.

Hintay muna: E, ano, itigil ang pagsasaging? Ang pangpipinya? Itigil ang exports? Mawawalan ng trabaho ang mga tao, lalong maghihirap!

Walang dapat itigil. Ipagpatuloy lamang ang pagkalinga sa pagkakaroon ng hanap-buhay ng mga tao, ng makakain, ng makakalakal, sa loob ng bayan. Ang pinya at saging na kinakalakal sa Pilipinas ay pinagkakakitaan ng marami - ang nagtanim, nag-ani, nagbalot, ang pumakyaw, ang nagluwas, ang naglako, atbp - at lahat ng kita ay nananatili sa Pilipinas, ginagasta at nakakatulong sa iba pang kalakal, paikot-ikot, lagu-nang-lago. Saka na lamang pag-isipan ang exports at dolyar, pagka busog nang lahat ang tao. Ito ang Filipino First ni Pangulo Garcia na hindi pinansin nuon at hanggang ngayon.

Hintay muna: Matatagalan ’yon. Ano’ng gagawin ngayon?

Hindi lubhang matagal, ilang taon lamang matapos ibahin ang pag-iisip at tuntunin. Unang-una na, sinisimulan nang lunasan ng mga tao ang mga suliranin, kahit bahagya lamang nila nauunawaan ang kabaligtaran na nagsadlak sa kanila sa kahirapan. Totoong matagal bago makapag-ipon ng sapat na dunong, gamit at salapi upang mapaginhawa ang lahat hanggang sa mga pinakadukha, ngunit may mga magagawa na ngayon - ang pamumuhay ng walang rangya [simple living] ni Pangulo Macapagal at ang pagtitipid at pagpapaliit ng pamahalaan [austerity] na inadhika ni Pangulo Garcia.

Hintay muna, hintay muna! Nilulunasan na ng mga tao ang kanilang paghihirap? Kailan pa? Anong lunas? Paano nila nalaman, wala namang nakakaalam, kung ano ang gagawin?!

Nagsisimula pa lamang lunasan. Daig-karamihan ng mga Pilipino ang naghihintay pa rin sa pamahalaan na lunasan ang kanilang mga suliranin, at sila ang matatagalan sapagkat kahit nakapagtapos sa mahusay na kolehiyo, mali naman ang natutunan. Sa halip na makatulong... [Pati ba naman traffic sa EDSA, nananawagan pa kay Pangulo Gloria Macapagal Arroyo!]

Milyon-milyong Pilipino na ang nagkukusang tapusin ang kanilang pagkapatay-gutom. Halimbawa ito ng pangunguna ng mga tao, sunud-sunuran lamang ang pamahalaan. Marahil dahil hindi sila lubhang nakapag-aral o hindi nakipag-ugnay nang mainam sa mga mayaman kaya hindi natuto ng mali. Ang mga magbubukid ang nakakita na wala na silang mapapalang ginhawa sa bukid - sinumang marunong magbilang, makikitang kulang ang mga hektarya sa lalawigan - at lumikas na sa lungsod, at nagsiksikan sa mga squatters area. Hindi kapani-paniwala - ang baho, dumi, karahasan, kasalanan at kapalaluan - ay siyang pag-asang lunas sa pagdarahop ng mga magbubukid. Sa mga lungsod lamang sila makakatagpo ng pagkakataong magkalakal, matuto, makakita ng hanap-buhay. Sa halip na ipagtabuyan, dapat silang tangkilikin at tulungan, gaya ng kanilang inaamuki sa Malacanang, sapagkat sa kanilang pagkukusa at pagsisikap masusugpo ang gutom ng 2 sa bawat 5 Pilipino. Tulad ng mga patay-gutom, ang mga patapon ng Europa na lumikas at kinupkop sa America

Statue of Liberty ‘Give me your tired, your poor, your huddled masses yearning to breathe free, the wretched refuse of your teeming shore. Send these, the homeless, tempest-tossed to me. I lift my lamp beside the golden door.’

[‘Ibigay n’yo sa akin ang inyong mga pawisan, ang inyong mga dukha, ang mga nakatalungkong madla na naghahangad makahinga nang malaya, ang mga hampas-lupang patapon ng inyong siksikang dalampasigan. Ipadala’ng mga ito, ang mga palaboy, mga napadpad ng unos sa akin. Iniilawan ko ang ginintuang pintuan.’ ]

- Emma Lazarus, tula sa Statue of Liberty

na nagpatong-patong sa karumaldumal na lusak ng New York mahigit 150 taon SN at naging matibay na sandigan ng America ngayon. Isa pang lunas na nilikha ng mga hampas-lupa ng Pilipinas ay ang paglalako sa ibang bayan ng tanging pag-aari nila, ang kanilang pawis. Mahigit 4 milyong Pilipino ang nagsisilbi ngayon bilang OFW [overseas Filipino worker], malamang dadami pa. Oo nga, pulos mga tagapagsilbi lamang sila ngunit 1 sa bawat 3 dolyar na tinatanggap sa Pilipinas ay galing sa kanila, higit kaysa kita ng mga pinamalalaking industria.

May mga matutuklasan pang mga lunas sa kahirapan sa mga susunod na panahon. Magilas, masipag at matalino ang mga tao, at magwawagi sila laban sa kahirapan, napatibayan sa pagiging maginhawa at matagumpay ng mga Pilipino sa anumang bayang napuntahan. Ngayon, kung hindi lamang sila kakalabanin ng mga nasa pamahalaan, na sa halip na makatulong...

Hintay muna: Tapos na? Wala na ba? Ano’ng mga lunas? Masusugpo na ang gutom at paghihirap? Paano kakalabanin ng mga nasa pamahalaan? Ang gulo!

Ang mga lunas, ang mga tao ang bahala. Sinabi na ni Emilio Jacinto, laging nagwawagi ang dunong at dangal ng mga tao, sinuman ang maghari-harian sa kanila. Tungkol naman sa pagkalaban ng pamahalaan sa mga tao: Isang halimbawa ay ang paglatag ng Macapagal Avenue. Ilan ang pupusta na babayaran ang mahigit 1 bilyon piso na inutang sa GSIS [Government Service Insurance System] na salapi ng mga kawani, matapos “naglaho” ang 600 milyon piso? Tungkol sa pagsugpo sa gutom at paghihirap: Ang gutom at paghihirap ay magkahiwalay na paksa sa karanasan ng Pilipinas, gaya din ng pagkakaiba ng kalayaan at sagana na sa hindi mawaring dahilan ay naging magkapiling sa isipan ng mga mamamayan. Dapat lunasan muna ang gutom, nasabi nang lahat tungkol sa lawak ng gutom at ang nakaambang pagdanak nito sa Pilipinas kapag hindi nasupil. Napakalawak naman at mahaba ang paksa ng paghihirap; ang mga nais umiwas, pitikin lamang itong Sa Susunod Na Angaw , upang makalaktaw sa susunod na yugto, salamat po.

Magkahiwalay ang gutom at paghihirap sa Pilipinas sapagkat sanay sa paghihirap ang Pilipino, ngunit hindi siya papayag na magutom nang matagal. Dantay sa maling natutunan ang pagtangging suriin ang dahilan at pinagmulan ng kahirapan at walang kaunlaran sa Pilipinas. Ang mga nagsuri ay karaniwang mga dayuhan na hindi nakauunawa sa kalooban ng mga Pilipino, kung kaya’t saliwa ang kanilang mga natuklasan. Dapat masuri ang dahilan at pinagmulan upang matanto kung ano ang yaman sa isip ng mga tao na kailangang tulungang makamit, kung ano ang kaunlaran na dapat pairalin sa Pilipinas.

Matagal at malawak ang paghihirap sa Pilipinas sapagkat ito ang nais ng mga tao simula’t simula pa. Ito ang dahilan at pinagmulan ng paghihirap sa Pilipinas - hindi mahilig magkamal [amass] ang mga unang Pilipino. Nabanggit sa mga kasulatan sa China na ikinararangal sa kapuluan, higit pa kaysa mga matatanda, ang mga nakarating sa China, kahit nalugi sa kalakal at bumalik sa Pilipinas na walang kita.

Hintay muna: Mali! Sino’ng tao ang gustong maghirap?

Wala, kung susuriing nag-iisa, ngunit kung pagpipilian ang pagpapantay ng lahat sa kawalang rangya o ang paglansag ng lipunan sa baranggay sa pagiging sakmal ng ilan at pagiging aba ng marami, karanasan ng mga tao nuong unang panahon pa na magsama-sama sa hirap. Kaya walang nagpatayo ng palasyo, ang sukdulan sa kasakmalan, sa kapuluan. Kahit na ang mga hari ng mga Maguindanao at mga Tausug, kahit na ang ganid na Rajah Suliman sa Manila. Labag sa damdamin ng Pilipino na mapagwawalay ang iba’t ibang bahagi ng nayon. Nang unang dumating ang mga Español, nagulumihanan sila sapagkat walang pinagkaiba ang datu sa mga tao sa kilos at pagkain. Inalila ng mga frayle ang mga maharlika, ngunit nakiisa ang mga timawa at nanatiling buo at mapayapa ang mga nayon sa mahigit na 200 taon ng pagkaaba. Nuon lamang dumanak ang mga patapong Español mula America at España, simula nuong 1805, at dumami ang mga palalo, sumidhi ang paglibak, at higit sa lahat, nagmaka-Español na ang mga principales, nagpayaman na rin at nagsimulang turingan nang mababa ang mga timawa. Nuon lamang, nang lansag na ang lipunan ng nayon, nagsimulang mag-aklas ang mga tao, upang buoin muli ang nayon. Hatid sa kasalukuyan itong pagtanggi sa paghiwa-hiwalay ng lipunan, sa paulit-ulit na kalampag ng mga anak pawis na pagbutihin ang turing sa kanila. Demo

Hintay muna: Mabuti naman ang turing sa kanila! Ano pa ba ang hinahanap ng mga tao?

Tulong at pagdamay sa kahirapan sa halip ng mga pangakong walang balak tuparin, balatkayo ng paglibak - Bahala kayo sa buhay n’yo! - ng mga ayaw makipagpantay-pantay sa kahirapan, ng mga ayaw magsuko ng kanilang pagiging kaiba, at mataas, sa lipunan, ng mga ayaw maging dukha muli. Marami nang palasyo sa Pilipinas. Nasabi na, pati mga Amerkano ay nakapansin, na pilit ibinabalik ng mga tao ang pagkabuo ng lipunan ng nayon ng nakaraan, pilit namang iniiwasan ito ng mga nakatataas sa kasalukuyan. At dito, dumating na ang paksa, ang yaman na minimithi ng tao. Masdan ang nakaraan, ang mahigit 400 taong pagsakop ng mga Español at Amerkano, lagpas pa, ang naunang libu-libong taon ng paglalagalag ng mga magdaragat. Tanawin hanggang umabot sa malabong unang panahon ng pangingisda ng mga nakayapak, at bago pa duon, bago pa nagkapalay, nuong palaboy-laboy sa gubat ang mga hubad. Ginto, pilak, buto, alahas, pagkain, lupa, - isang bagay lamang ang hindi binitawan ng mga tao simula’t simula pa, patuloy na kipkip sa pag-unlad at paglawak ng lipunan hanggang sa kasalukuyan.

Hintay muna: Kayamanan? Ang bayan? Layaw? Pag-ibig?

Ang mga pag-aari, mga gawi, pati na ang mga wika, pati na ang mga paniniwala, ang mga anyito, diyos at bathala - lahat ay ipinamigay, iniwan, nilimot, pinalitan, maliban sa isang bagay, - pakikisama. Pangkaraniwan at alam ng lahat, bata, matanda, babae, lalaki, mayaman, mahirap, mangmang, educado. Datu o pangulo, jeepney driver o naglalako sa bilao, lahat ay inaasahan - tinutungkulin - na makibagay. Ang tumuligsa ay walang-hiya, suwail, walang pakundangan. At lahat ng katangiang hinahangaan ay batay sa pakikisama - dangal, giting, pagkatao at ang yamang mithi ng bawat Pilipino, paggalang.

Hindi kagila-gilalas ang mga suliranin ng bayan, gutom at kahirapan. Madali rin unawain ang mga lunas, pagkain at pakikiisa. Mahirap nawa tupdin at maraming sagabal, ngunit ang mga tagapagmana ng kahirapan ay maaaring maging tagapagmana ng paggalang. Higit pa, kailangan silang maging tagapagmana ng paggalang at dangal.

Hintay muna, hintay muna: Hindi pa tapos! Ang labo, walang sinabi! Ang gusto ng bawat Pilipino ay yumaman! ’Yan ang gusto ng bayan! Dollars at mga imported items, malaking bahay, kotse, maging sikat! ’Yan ang minimithi ng tao!

Nais ng lahat na maging mayaman tulad nito ngunit paminsan-minsan lamang, hindi palagian. Kaya naging gawi sa Pilipinas ang marangyang handaan at pagdiriwang - fiesta ang tawag ngayon - kung kailan nilulustay ng lahat sa baranggay at nayon ang lahat ng naipong yaman. Ipinakakain, ipinauubaya sa sinumang dumating at nakisapi sa pagdiriwang.

Hintay muna: Mayroon bang mayaman minsan-minsan lamang? Walang ganoong hayop sa balat ng lupa. Lahat ng mayaman gustong maging mayaman habang-buhay, pati na ang mga anak at apo, gustong mapamanahan para maging mayaman din habang-buhay!

Nagtaka ang mga dayuhan sa gawi ng mga katutubo - inaani lamang, palay man o ginto, ang kailangan at pinababayaan ang maaaring imbakin at ikayaman. Katotohanan, ipinagbabawal dati ang pagkamkam at pag-iimbak ng yaman. Naranas kamakailan lamang sa gawi sa kainan - nakahain ang pagkain sa gitna ng hapag at salu-salo ang lahat, inilalagay sa kani-kanilang plato ang sapat lamang, walang tira-tirang naiiwan sa plato. Mga batang paslit at mga walang-hiya lamang ang humahamig ng pagkain, ang nag-iiwan ng pagkain sa plato.

Ang mga natuto sa gawi ng mga dayuhan, ang magkamal ng ari-arian, ang mag-iwan ng pagkain sa plato, sila ang mga naging mayaman ngayon. Natuto rin ang mga ito, gaya ng tamad na donya, ng gawi ng mga dayuhan na pagmalupitan at pahirapan ang mga hindi-mayaman at walang kapangyarihan. At itong pagpahirap at paglibak ang ayaw tanggapin ng mga tao.

Gunitain ang pagdiriwang ng mga tao nang gapiin ni Ferdinand Marcos ang mga oligarchs nuong 1972. Gunitain ang tuwa at tapang ng mga mamamayan nang ibagsak ni Cory Aquino ang kaharian ng naging mata-pobreng Ferdinand na, sahip na tulungan ang mga dukha ay tinakpan ng bakod na sawali ang mga barung-barong ng mga squatter, ikinahiya sa mga dumadalaw na mga dayuhan. Gunitain ang EDSA 3 nang ipaglaban ng mga mahirap si Joseph Ejercito Estrada kahit naging pusakal na siya. “Isa siya sa amin,” pahayag ng isang hampas-lupa nuon, “siya ang pangulo namin.” Itanim sa alaala na kinailangan ipangako ni Gloria Macapagal Arroyo na ipaglalaban niya ang mga mahirap.

Hintay muna: Ganuon l’ang? Basta alisin ang pagkagutom at igalang ang mga mahirap, tapos na ang problema? Magiging mapayapa na sa bayan? Hindi na gagawing mahirap ang lahat, pati mga mayaman?

Totoong lunas, hindi goyo-goyo na pampahayagan lamang, mga pangakong kinakalimutan. At kung ano ang mangyayari sa kinabukasan ay paksa ng susunod, at huling, yugto.

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod