‘Magsaysay Is My Guy!’
He who has less in life should have more in law
[Ang magkamit nang kulang sa buhay ay dapat makatanggap nang higit sa batas ]
- Ramon Magsaysay
Nagpunta ako rito upang patayin ka.
Ngayon, payagan mo sana akong magtrabaho para sa ’yo
- ‘Manila Boy’ Tomas Santiago, bodyguard ni Luis Taruc,
sumuko matapos ng 1 oras na pagkausap kay Magsaysay
Sa kasaysayan ng Pilipinas, 3 lamang ang dukha na namuno sa bayan. Halos magkasabay ang 2 nauna: Si Andres Bonifacio, ang kinitil ng mga taksil, at si Apolinario Mabini, ang dakilang dininig lamang pagkamatay. Sa sumunod na labu-labong agawan ng mga Pilipino sa kapangyarihan at katungkulan sa pamahalaan, may 50 taon ang lumipas bago nagkaroon muli ng isang pinunong dukha, si Ramon Magsaysay, ang sumagip sa bayan mula sa digmaan ng mga magkabayan [civil war], ang ‘tao’ ng mga tao [man of the people].
Ipinanganak nuong 1907 kina Exequiel Magsaysay at Perfecta del Fiero sa Iba, Zambales, sa gilid ng Luzon, natutunan niya sa ama kung ano ang tunay na matuwid at kung paano maging marangal. Natanggal ang ama bilang guro sa paaralan nang tumanggi siyang “ipasang awa” ang anak ng school superintendent. Napilitang lumipat sa kabayanan ng Castillejas, nagkarpintero at nagpanday na lamang ang ama. Lumaking kasama-sama ng mga pawisan, matigas ang panindigan sa isip ni Magsaysay, at ang pag-unawa sa mga dukha. Sa paaralan ng mga manggagawa [trade school], Zambales Academy, nagtapos ng high school, naputol ang pag-aaral niya nuong 1927 sa University of the Philippines dahil mahina ang katawan, karaniwan sa mga lumaking mahirap at salat sa pagkain, at 1932 na nang nakapagtapos sa Jose Rizal College ng pagkakalakal [commerce]. Dahil mahina ang natapos, ang tanging hanap-buhay na nakita niya ay mekaniko sa Try Transportation Bus Company sa Manila, ngunit ilang taon lamang, siya na ang tagapangasiwa [general manager] duon.
Hanggang lumusob ang mga Hapon.
Nagbitiw siya ng tungkulin at kasama ng Philippine 31st Infantry Division nakipagbaka sa Bataan at, nang matalo, namundok at sumama sa mga guerrilla ng USAFFE. Matapang at magiting, nataas siyang capitan, major at pinuno ng 10,000 guerrilla sa buong Zambales - naghayag pa ang mga Hapon ng 100,000 pisong gantimpala sa sinumang pumatay sa kanya. Sa pagbalik ng mga Amerkano, itinanghal si Magsaysay na governador ng Zambales ni General Douglas MacArthur nuong Pebrero 1945.
Ayaw ko, mga mayaman lamang ang tinatangkilik ninyo, ang tanggi ni Magsaysay sa gulat na Manuel Roxas nang alukin siyang sumapi sa Liberal Party upang kumandidato bilang kinatawan ng Zambales sa halalan ng Batasang Bayan [Philippine Congress] ng unang Republika ng Pilipinas nuong 1946. Nahikayat rin siya nang iharap sa kanya ang amuki, nilagdaan ng 11,000 taga-Zambales, na sa pamahalaan niya ipaglaban ang kapakanan ng mga hampas-lupa [tillers of the earth]. Nahalal na kinatawan ng Zambales nuong 1946 at 1949, nahirang siya sa Batasan bilang pinuno ng pulong sa tanggulang bayan [chairman, committee on national defense] dahil sa karanasan niya nuong digmaan. Nuon niya naipalipat ang PC [Philippine Constabulary] sa ilalim ng hukbong bayan [Philippine army] upang maturuan at pamunuan ng mga tunay na sundalo. Nuon din, Abril 1950, nagtungo siya sa Washington DC, sa America, at matapos kausapin sina General George Marshall, ang kalihim ng tanggulan [secretary of defense] at Harry Truman, pangulo ng America, nakautang siya ng 10 milyon dolyar pambayad sa Pilipinas ng suweldo ng mga sundalo at gantimpala ng mga nagsuplong laban sa Huk.
Ako ang magpapatakbo, walang makikialam! hamon ni Magsaysay kay Pangulo Elpidio Quirino, na gipit na gipit na sa pagsulong ng mga Huk, at humirang sa kaniyang kalihim ng tanggulang bayan [secretary of national defense] nuong Septiyembre 1950. Pagkaraan ng ilang araw lamang, tinanong nang lihim si Magsaysay ng ilang mataas na pinuno ng hukbo kung kampi siyang itiwalag si Quirino sa isang kudeyta [coup d’etat]. Bigyan n’yo ’ko ng 3 buwan, kung wala pa akong nagawa, bahala na kayo, ang sagot ni Magsaysay, pahiwatig na alam na niya ang gagawin laban sa mga Huk.
At pahiwatig na may taning siya sa sarili, 3 buwan, upang puksain ang mga Huk.
Puspusan niyang nilinis ang sandatahang bayan [Philippine armed forces]. Unang araw bilang kalihim ng tanggulan, sinisante niya ang mga pinunong pusakal, ang mga walang muwang at ang mga bayaran ng mga mayaman, pati ang pinakapuno ng hukbo [armed forces chief of staff] at ang pinuno ng PC. Pinalayas din ang mga sundalo at pinunong ‘malapit’ sa mga Huk, at ang mga alinlangang lumaban. Itinaas niya bilang pinuno ng hukbo ang mga marunong, ang mga handang kumilos at lumaban. Ginamit niya ang nautang sa America nuong 1950, umutang uli ng 10 milyon dolyar pa nuong 1951, upang itaas ang sahod ng lahat sa hukbo. Ginawang piso ang 30 sentimos na arawang suweldo ng karaniwang sundalo, nang matigil ang gawi ng mga itong magnakaw mula sa mga mamamayan ng pagkain at gamit para sa mga pamilya.
Sumasabog ang digmaan sa Korea nuong 1950 laban sa mga komunista ni Kim Il Sung; katatapos lamang magwagi ang mga komunista ni Mao Tse Tung sa China. Sinamantala ni Magsaysay ang tuntunin ng America na supilin ang mga komunista sa Asia. Mahigit 240 pinuno ng hukbo ang ipinadala niya sa America upang mag-aral ng mga makabagong taktika sa pagsusundalo. Kulang-kulang 50 milyon dolyar ang ibinigay ng America upang makapagbuo 16 bagong batalyon ng mga sundalo, at nagkaroon si Magsaysay ng sapat na lakas, 26 batalyon, mahigit 8,000 sundalo, upang makipagpukpukan sa mga Huk. Mahigit 30 eroplano, dose-dosenang tangke at maraming kanyon, daan-daang sasakyan, libu-libong baril at machine gun at 15 milyong bala ang ipinadala ng America kay Magsaysay simula nuong 1951.
Pagsilbihan n’yo, ipagtanggol n’yo ang mga tao! Pinalikas ni Magsaysay ang mga sundalo, nagkukubli nuong una sa mga garrison at kampo habang gumagala ang mga Huk sa buong kapatagan, at pinahalubilo sa mga tao sa mga baranggay at kabayanan. Hindi lamang laban sa mga Huk, kundi laban din sa mga sangganong at mga civilian guard na nagmamalupit sa mga tao! ang utos ni Magsaysay sa mga sundalo. Pinarusahan niya ang mga sundalong palalo sa mga tagabukid. Inutos niya sa mga abogado ng hukbo na tulungan nang walang bayad ang mga magsasaka sa hablahan laban sa mga may lupa.
Ginamit ni Magsaysay ang karanasan niya sa 3 taong pagiging guerrilla nuong panahon ng Hapon, alam niya na ang lakas ng sandatahan ay nasa tulong at pagtangkilik ng mga tao. Sabihin n’yo sa ’kin kung may magpangahas sa inyo, kung ayaw kayong tulungan laban sa Huk, tumelagrama kayo, walang bayad, ako na ang bahala! ang pangako ni Magsaysay sa mga taong nakausap sa araw-araw na pagtahak at pag-usisa sa mga lalawigan. Sa maraming baranggay, siya ang kauna-unahang pinuno ng pamahalaan na nakarating at kumausap sa mga tao. Marami ang nagpasalamat sa pagtigil niya ng mga sapilitang evacuation at marahas na pagkulong ng mga tagabukid sa mga pacification village, sa tangkang ihiwalay at putulin ang pagtulong ng mga tao sa mga Huk. Mas malupit pa kaysa sa mga Hapon, ang sumbong kay Magsaysay ng mga tao.
Lumipas ang taning ni Magsaysay. Dati-rati, takbong patakas sa gubat ang mga tao pagdating ng mga sundalo o PC. Pagkaraan ng 3 buwan, sinasalubong ng mga tao, pati ng mga bata, at binabati ang mga sundalong dumating. Hindi naganap ang balak na kudeyta ng mga pinuno ng hukbo.
Sa larangan, binigyan niya ng mga camera ang bawat pangkat ng hukbong tumutugis sa mga Huk. Lahat ng napuksang Huk ay kinunan ng larawan, natunton ang wastong bilang ng mga sandatahang Huk. Sa halip ng malalaking batalyon, mga maliliit na pangkat ng mga sundalo ang pinaligid at pinapasok sa putikan ng Candaba at bundok ng Arayat, nang walang tigil upang hindi makapagpahinga at makapag-isip ang mga Huk. Nuong Disyembre 23, 1950, ginawa niyang pinuno ng PC ang mga pinunong sundalo ng hukbo. Tinuruan ang mga PC at tinuring na mga sundalo na rin. Ginamit ni Magsaysay ang hukbo upang magtayo ng mga paaralan at mga health center sa mga baranggay, naglatag ng mga lansangan, naghukay at nagtayo ng libu-libong poso, tinawag na liberty wells, upang magkaroon ng malinis na tubig ang mga tagabukid, sa maraming baranggay, sa kauna-unahang panahon.
Binigyan niya ng lupa ang mga sumukong Huk.
Itinatag ni Magsaysay nuong Disyembre 1950 ang EDCOR [Economic Development Corps] sa ilalim ng hukbo upang ibahay ang mga dating Huk sa mga bukirin, 6 - 9 hektarya bawat pamilya, malayo sa Gitnaang Luzon. Sinimulan ang unang baranggay ng EDCOR sa Kapatagan, Mindanao, nuong Pebrero 1951 at, pagkaraan ng 3 buwan, hinatid ni Magsaysay ang unang pangkat ng mga sumukong Huk sa kanilang bagong tahanan, may mga paaralan, health centers, mga lansangan, mga poso ng tubig, may koryente pa - nagka-ilaw ang maraming tagabukid sa kauna-unahang panahon. Pinautang ang mga sumuko upang mabili nila ang lupang sinasaka, at binayaran ang utang mula sa ani sa bukid. Mabilis na nagtagumpay ang tuntunin, kaya isa pang baranggay ang itinayo sa Mindanao, pagkatapos, 2 pa sa Luzon, malayo sa Pampanga, upang bahayan ng libu-libong mga Huk sa sumuko upang makasama sa EDCOR. Libu-libo pang mga taga-Gitnaang Luzon na hindi Huk ang lumikas, namasahe ng mga sarili, upang sumali sa tuntunin at magkalupa sa tabi ng mga baranggay ng EDCOR. Nuong 1955, nang matapos ang pagtatayo ng EDCOR, mahigit 5,000 magbubukid o 1,200 pamilya mula sa Gitnaang Luzon ang nakalipat sa sarili nilang bukid.
Nakuba ang himagsikan ng Huk.
Sa kanyang tagumpay, maraming naging kaaway si Magsaysay, lalo na sa Batasan [Congress] na pinagharian ng mga mayaman. Pati na si Quirino, ang humirang at matapat na tumangkilik sa kanyang mga tuntunin, ay naging karibal na niya, kaya nuong Pebrero 1953, napilitan siyang magbitiw sa tungkulin at tumiwalag mula sa Liberal Party. Katuwang ang bihasang politico, si Carlos Garcia ng Bohol, nanalo si Magsaysay sa halalan nuong 1953 at naging pangulo ng Pilipinas nuong 1954, ang tanging pangulo na tinawag ng mga tao sa kanyang palayaw, Monching.
Nagpatuloy siya ng pagtangkilik sa mga common tao, binuksan niya ang Malacanang Palace upang kahit sinong nakabakya lamang ay maaaring pumasok at kausapin ang kanilang pangulo. Itinatag niya ang NARIC [National Rice Corporation] upang pamahalaan ang pag-imbak, kalakal at presyo ng bigas upang makayanang bilihin ng kahit pinakadukhang Pilipino. Itinatag din niya ang Namarco [National Marketing Corporation] upang makabili ang mga tao ng murang delata, gaya ng gatas, karne-norte, atbp. Pinalawak din ni Magsaysay ang SWA [Social Welfare Administration] upang tulungan ang mga dukhang dumadagsa sa mga squatters area sa Manila nuon.
Nagpatuloy ang pagkabantog ni Magsaysay sa madla at malamang nahalal siya muling pangulo nuong 1958 kung hindi siya namatay sa pagbagsak ng eroplano niya, ang Mount Pinatubo, sa bundok ng Manunggal, sa Cebu, nuong madaling-araw ng Marso 17, 1957.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|