Mabini

Si Aguinaldo At Si Mabini

...hinatulan ko siya na di nakiming magpapaslang upang angkinin at sarilinin
ang Himagsikan... Sukdulan ang mga kasalanan niya, ang Maykapal man
ay nagpasiyang hindi siya karapatdapat... Ang tanging pag-asa ni Aguinaldo
ay ang mamatay na ipinaglalaban ang kalayaan ng Bayan...

-- Apolinario Mabini, sa Himagsikan Ng Pilipinas

ANG UTAK ng Himagsikan ay isang guro, tahimik at nag-iisa, laging nagmumuni-muni. Ipinanganak na dukha si Apolinario Mabini nuong Julio 23, 1864 kina Inocencio Mabini at Dionisia Maranan, sa Talaga, Tanauan, Batangas. Nais ng ina na mag-pari siya, ngunit abogasya ang tinapos sa San Juan de Letran at sa Universidad de Santo Tomas nuong 1894 upang ipagtanggol ang mga naaaping dukha. Nilagnat at nalumpo naman siya nuong 1896; kaya nang dakpin siya ng mga Español nuong Julio 1897 bilang kasapi sa La Liga Filipina ni Jose Rizal, hindi siya binitay gaya ng ibang mga kasapi at napilitang pakawalan nang nakita ang kanyang kapansanan.

Nuong Julio 1898 inilathala niya Ang Tunay na 10 Utos [The True Decalogue], na sinulat niyang katulad sa 10 utos ng Diyos ng simbahang katoliko ngunit naglaman ng kanyang adhika, paunlarin ang pag-iisip at gawi ng mga tao upang magkaroon ng sabay na himagsikan o pagbabago sa Pilipinas at sa kalooban ng mga Pilipino. Tigatig sa mga adhika ni Mabini ang mga principales at ilustrado na kakampi ni Aguinaldo, ngunit naging kilala siya sa mga pangkaraniwang mamamayan at maghihimagsik. Higit sa lahat, hayag ni Mabini, magsigasig kayong magpalaya ng bayan sapagkat kayo lamang ang may tunay na pagtingin sa kanyang pag-unlad at maging marangal, sapagkat ang kalayaan ng bayan ay kalayaan para sa inyo, ang kanyang pagbuti ay inyong kasaganahan. Aguinaldo

Mahina ang katawan, nagpapahinga si Mabini sa Los Banyos nang ipatawag ni Emilio Aguinaldo nuong 1898; mahigit sandaang tao ang nagbuhat sa kanyang nakaduyan papuntang Kawit, Cavite. Walang paniwala si Aguinaldo nang makita ang payat at lumpong Mabini, hindi gaya nang inasahan niyang matikas at matipunong manunulat. Ngunit napahanga siya nang magsalita si Mabini, tahimik at matatag, lalo na nang sabihin ni Mabini na kinalaban niya ang kasunduan ni Aguinaldo sa Biac-na-bato sapagkat alam niya nuong pang unang nilagdaan Deciembre 1897 na hindi matutupad. At ngayon, sinalungat ni Mabini ang balak ni Aguinaldo na ihayag ang pagkapag-sasarili [independence] ng Pilipinas. Unahin ang pagbuo ng pamahalaan, sabi ni Mabini, at kailangang handa nang magsilbi sa bayan bago pa ihayag ang pagkapag-sasarili.

Kailangan ko ang pananalig ng mga tao, sagot ni Aguinaldo, at sa pahayag ng kalayaan lamang sila mapapaniwala sa himagsikan at sa ating pamahalaan. Napasang-ayon si Mabini at itinuloy ni Aguinaldo ang balak na ihayag nuong Junio 12, 1898, ang pagkapag-sasarili [independence]. Naging malaki ang tiwala niya kay Mabini at ginawa niyang punong tagapagpayo. Dito nagsimula ang pagiging Utak ng Himagsikan ni Mabini -- napagtibay niya ang bagong pamahalaan ng Pilipinas sa Malolos at hinirang siyang presidente ng cabinete ni Aguinaldo nuong Enero 2, 1899. Siya ang nagpayo kay Aguinaldo na tapusin ang pagiging dictador at gawing pansuguan [representational] o republica ang pamahalaan. Bilang pangunahing ministro [prime minister] sa pulong ng himagsikan sa simbahang Barasoain sa Malolos, Bulacan, siya ang nag-asikaso ng pag-ayos at pagsasama-sama ng mga kabayanan sa bawat purok at lalawigan. Pinamunuan niya ang pagsulat ng Kasulatan ng Katauhan ng Bayan [Malolos Constitution] na pinairal nuong Enero 1899. Sa pagsulat nito naganap ang pinakamasidhing pagtatalo nila ni Aguinaldo, hanggang umabot sa pagbitiw ni Mabini at ng buong cabinete nuong Deciembre 26, 1898.

Ayaw bitawan ni Aguinaldo ang hangaring maging hari, kahit pagkatapos niyang ihayag ang katapusan ng kanyang pagiging dictador nuong Junio 23, 1898. Sabay sa pahayag na ’yon, sinabi niyang tagapagpayo lamang, hindi batasan, ang congreso ng Malolos. Ipinilit ni Mabini na ang congreso ang susulat ng mga batas na magpapairal ng pamahalaan sa buong bayan. Nanaig si Mabini at, matapos mahirang na Pangulo si Aguinaldo nuong Enero 1, 1899, binuo ni Aguinaldo kinabukasan ang kanyang cabinete, at si Mabini uli ang hinirang na presidente nito. At republica ang itinatag sa Malolos na unang pamahalaan ng Pilipinas, hindi pamahalaan ng isang tao lamang, nuong Enero 23, 1899.

Samantala, patuloy ang pagkalupig ng mga Filipino. Nuong Febrero 22, 1899, sinakop ng mga Amerkano ang Cebu at Iloilo; madaling sumuko ang buong pulo ng Panay. Sumunod na buwan, Marso, sinakop naman ang pulo ng Bohol. Katapusan ng buwang iyon, nuong Marso 31, 1899, nilusob at sinakop ng mga Amerkano ang Malolos mismo. Takbuhan ang mga pinuno ng bagong pamahalaan matapos sunugin ang simbahan ng Barasoain nang hindi mabahiran ng mga Amerkano. Sa Tarlac muna inilipat ang capitollo, tapos sa Nueva Ecija; sa sumunod na 2 taon, napilitan si Aguinaldo na paglipat-lipatin ang himpilan ng bayan habang patuloy na umuurong palayo sa sumusugod na sandatahang Amerkano.

Si Mabini, bilang pangunang ministro [prime minister] at kalihim panlabas [secretary of foreign affairs] ay nagtungo sa Manila upang Schurman makipagtawaran sa mga Amerkano. Kinausap si Jacob Schurman, puno ng bagong dating na Philippine Commission, binuo ni McKinley nuong Enero 20, 1899, bago pa nagsimula ang digmaan, upang pamahalaan ang pagsakop sa Pilipinas. Alok ni Schurman, ayon sa utos ni McKinley, na papayagang magtatag ng pamahalaang pansarili [self government] ang mga Pilipino, sa ilalim ng America. Ito ang unang nasa ng mga tao bago naghimagsik laban sa España, ngunit dimdim ni Mabini na huli na--lubusang kalayaan na lamang ang tatanggapin ngayon ng mga naghihimagsik. Humingi siya ng panahon kay Schurman upang kausapin sina Aguinaldo, at hinirang na itigil muna ang labanan simula Abril 28, 1899, habang pinag-uusapan ang alok ni Schurman. Tumanggi ang mga Amerkano, na mabilis at patuloy na nagtatagumpay sa mga sagupaan, at walang nagawa si Mabini kundi umalis nang walang kasunduan. Naghayag siya nuong Abril 15, 1899, ng manifesto na nagtatwa ng karapatan ni McKinley at ni Schurman na sumakop at mamahala sa Pilipinas, at naghikayat sa mga Pilipino na ipagpatuloy ang paglaban sa mga Amerkano.

Kinalaban ng mga Pilipino ang mga Amerkano kinabukasan sa Majayjay, Laguna, ngunit natalo, at napatay si Emilio Jacinto, ang katuwang ni Bonifacio sa Katipunan. Sa kanyang pagyao, 2 na ang pumanaw na pag-asa ng Pilipinas makalaya; 2 na lamang ang nalalabi, at isa rito, si Mabini ay unti-unti nang nawalan ng tiwala kay Aguinaldo. Si Aguinaldo man ay nawalan na ng tiwala kay Mabini, at nakinig na sa mga bulong at pintas ng mga naiingit sa dakilang lumpo. Pinasugo niya nuong Abril 28, 1899 si Pedro Paterno, ang kasapakat niya sa suhulan ng Paterno Biac-na-bato, upang makipagtawaran tungkol sa pagtigil ng labanan, ngunit tumanggi si General Otis. Pagkaraan ng 3 araw, nagpasugo uli si Aguinaldo nuong Mayo 2, 1899, at kinausap nina Major Manuel Arguelles at Tenyente Jose Bernal si General Otis, ngunit tumanggi na naman ito. Pagkaraan ng 5 araw, lubusan nang sinisante ni Aguinaldo si Mabini nuong Mayo 7, 1899, at nagbuo ng panibagong cabinete sa ilalim ni Pedro Paterno upang makiusap sa mga Amerkano. Ngunit hindi maulit ni Paterno ang tagumpay niya sa Biac-na-bato, pilit kasi ng mga Amerkano na isuko muna ng mga Pilipino ang mga sandata bago mag-usapan. Kaya walang nagawa si Paterno kundi maghayag ng manifesto, gaya ni Mabini, ng hikayat sa mga tao na ipagpatuloy ang paglaban sa mga Amerkano.

Walang pinag-aralan at walang pagkatao, ang sulat ni Mabini tungkol kay Aguinaldo. Lubusan nang nawalan ng tiwala kay Aguinaldo si Mabini nang dakpin siya ng mga Amerkano nuong Septiembre 10, 1899. Sa piitan lagpas nang isang taon, sinulat niya ang Pagtayog at Katapusan ng Republica ng Pilipinas. Pagkalaya nuong Septiembre 23, 1900, nagsulat siya para sa mga pahayagan sa Nagtahan, Batangas, patuloy nanawagan para sa ikabubuti ng mga Pilipino at ng digmaan. Kaya ipinatapon siya ng mga Amerkano sa Guam nuong Enero 5, 1901, at nakabalik lamang nuong Febrero 26, 1903, matapos sumumpang kakampi na sa America. Pinayo niya sa mga Pilipino na magniig at tumulong sa mga Amerkano sa pamamahala, at sa inaasam na pagpalaya, ng bayan. Walang 3 buwan pagkabalik sa Pilipinas, namatay si Mabini sa lumaganap na cholera epidemic nuong Mayo 13, 1903.

Isa na lamang ang nalalabing pag-asa ng bayang makalaya.

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod