Antonio Luna

Si Luna At Ang Makabebe

Karaniwang nagkanya-kanyang pangkat ang mga Pilipino, ngunit ang paghangad ni General
Antonio Luna na pumalit kay Aguinaldo ay masaklap sapagkat hindi natiis ni Aguinaldo na
nagkaroon ng karibal. Ipinabura niya si Bonifacio nuong 1896, ngayon mayroon isa pa uling
kinakailangang ipaligpit. Alam ng lahat nuon ang kainitan nilang dalawa.

-- John Foreman, The Philippine Islands, 1906

SI ANTONIO LUNA ay anak mayaman, ipinanganak nuong Octobre 29, 1869, kina Joaquin Luna de San Pedro at Laurena Novicio sa Urbiztondo, Manila. Matandang kapatid niya ang dakilang pintor, si Juan Luna, na namalagi sa Europa at nag-amuki kay Antonio na pumunta sa Europa pagkatapos sa Ateneo de Manila at Universidad de Santo Tomas. Nag-aral siya sa Barcelona, España, at nagtapos ng medisina-pharmacioteca sa Central Universidad de Madrid. Nagpatuloy siya ng pag-aaral at pagdadalubhasa sa France at Belgium, at nakilalang mahusay sa chemistry.

Ngunit bilang manunulat sa La Solidaridad sa pangalang Taga-ilog siya nakatawag ng pansin ng mga Español. Nakilala niya sa Barcelona sina Graciano Lopez-Jaena at Marcelo H del Pilar, kapwa patnugot, at si Jose Rizal na manunulat din sa La Solidarid, at katulong siyang nanawagan na gawing lalawigan ng España ang Pilipinas, at gawing mamamayan ng España ang mga Pilipino, nang magkaroon ang mga ito ng mga karapatang tinatamasa ng mga Español sa Pilipinas. Ambush

Nang bumalik sa Pilipinas nuong 1894, hindi na gaanong sumulat si Luna ngunit naging maingay sa kanyang panawagang magpantay ang Pilipino at Español kaya ipinadakip siya at ipinakulong sa Carcel Model de Madrid sa España. Dahil sa pakiusap ng bantog niyang kapatid, si Juan Luna, madali naman siyang pinakawalan at nagtungo siya sa Belgium at nag-aral ng pakikipagdigmaan. Dinala niya pabalik sa Manila nuong 1898 ang mga natutunan at sinipat ang mga pook hanggang Dagupan, Pangasinan, upang malaman kung saan mainam magtanggol sa labanan. Dahil sa dunong at sa likas na tapang, ginawa siyang general ni Emilio Aguinaldo, at hinirang na pinuno ng digmaan [director of war] nuong Septiembre 26, 1898. Panahon na nuon ng Amerkano. Kung mayroon mang kinatakutang Pilipino ang mga Amerkano, malamang si Antonio Luna, ang tanging nakaunawa kung paano maaaring gapiin ang Amerkano. Salungat sa anumang sinabi nila, balak talaga ng mga Amerkano na sakupin ang buong kapuluan, pati na ang Mindanao at Sulu, kaya sinimulan nila ang digmaan nuong Febrero 4, 1899, nang handa na sila. Kinabukasan, patuloy nilang sinugod at pinaurong ang 30,000 sandatahang Pilipino na nakapaligid nuon sa Manila. Isa si Luna sa mga napaurong mula sa La Loma at nakita niya ang mga kakulangan ng hukbong Pilipino.

Maagap at mapusok niyang inayos ang pagpapangkat at pamamalakad sa hukbo, nagtatag siya ng paaralan ng hukbo [military academy] sa Malolos para sa mga pinuno ng mga sandatahan. Marami ang nagalit sa kanyang bara-barang gawi, sinasampal ang mabagal kumilos, sinisigawan ang mga pinuno ng hukbo, inalisan ng sandata at pinaalis ang mga ayaw sumunod sa utos. Pati si Aguinaldo ay napanghal nang isapi niya ang mga dating pinuno ng Katipunan ni Andres Bonifacio; lalo na nang tumanggi si Luna na ipadala kay Aguinaldo ang mga sandatahang taga-Cavite sapagkat ‘kailangan sila sa harapan ng labanan.’ Ambush

Hindi naghele-hele ang mga Amerkano sa pagtupad ng kanilang mga balak. Limang araw lamang pagkaraan ng pagsakop nila sa La Loma, palihim na tinawid nila ang putikan ng Maypajo at sinakop naman ang Caloocan, malaking himpilan ng bagong bukas na tren papuntang Dagupan, upang hadlangan ang pagpasok ng hukbong Pilipino sa Manila mula sa Malolos, Bulacan. Ngunit hindi lamang ang Amerkano ang nagbalak ng paglusob bago pa nagsimula ang labanan. Nakita rin ni Luna ang kahalagahan ng tren at, kasama ni General Jose Alejandrino, minungkahi na gamitin ang Caloocan na pangharang sa paglusob ng Amerkano sa Malolos, at bukana sa paglusob ng Pilipino sa Manila. Mapanganib ang tangka, ngunit pumayag si Aguinaldo at si Apolinario Mabini, at kinatha ni Luna ang paglusob. Walang kanyon at kulang sa baril, tapang lamang sa pikit-matang sugod ang tanging sandata ng Pilipino. Kaya 3 sabay-sabay na paglusob ang tinangka - mula sa silangan, ang mga sandatahan ni General Licerio Geronimo; mula sa timog, sina General Pio del Pilar at General Miguel Malvar; at mula sa hilaga, si Luna at 6,000 Pilipino.

Nuong umaga ng Febrero 21, 1899, lumusob mula sa Bitas ang mga sandatahan ni Coronel Francisco Roman at pinagsusunog ang mga bahay sa Tondo, Binondo at Santa Cruz, sa labas ng Intramuros. Gaya nang inasahan, nagulat at nasindak ang mga Amerkano at napaurong sa Pritil. Nuong Febrero 23, pinasok nila Luna ang Caloocan at sumugod ang mga nakapaligid na pangkat-pangkat ng mga sandatahan. Nuon ginamit ng mga Amerkano ang mga barkong pandigma ni Admiral George Dewey sa Manila Bay at pinagkakanyon ang mga Pilipino. Napipilan sina Malvar, Del Pilar at Geronimo ng walang tigil na pagsabog ng mga kanyon ngunit si Luna, sa halip na umurong, ay lumusob. Hindi nagamit ng mga Amerkano ang mga kanyon habang halu-halo ang mga sundalong Amerkano at mga Pilipino; at sa manu-manong labanan, nagamit ng mga Pilipino ang mga itak, tanging sandata ng karamihan sa hukbo. Kaya sagupaang maghapong walang pahinga, sumugod at nakapasok ang hukbo ni Luna hanggang Calle Azcarraga [Claro M. Recto Avenue ngayon], ilang kilometro na lamang mula sa Intramuros, himpilan ng hukbong Amerkano. Pinasok

Kung makapasok sila sa Intramuros, magiging bahay-bahay ang labanan, manu-mano uli, pantay ang itak sa baril, at maaaring daanin sa dami ng Pilipino ang tagumpay. At mula Intramuros, walang nang mauurungan ang mga Amerkano at kapag natalo, mapipilitang sumuko nang tuluyan. Kaya desperado ang paglaban nila sa hukbo ni Luna. Pagod, ubos na ang bala sa mga baril, marami nang nasalantang Pilipino, kaya inutos ni Luna kay Kapitan Pedro Janolino na isugod ang kanyang brigada ng Kawit, Cavite, na nagpapahinga nuon sa La Loma. Tumanggi si Janolino, ayaw lumaban. Nasugpo ang paglusob at napaurong sina Luna hanggang Polo, Bulacan. Ngingit si Luna sa brigada ng Kawit, pinagsasampal, tinanggalan ng mga sandata at pinalayas. Takbo ang mga ito at nagsumbong kay Aguinaldo. Ngunit bukas na ang landas at sumugod ang mga Amerkano, yanig sa muntik nang pagkatalo kay Luna, at lumusob papuntang Malolos. Sinagupa sila ni Luna nuong Marso 29, 1899 sa Marilao, ngunit nagapi muli ang mga Pilipino, nagtakbuhan palayo sa mga kanyon at baril ng mga Amerkano, ni hindi winasak ang tulay papasok sa Malolos at nakipaglaban muli sa kabila ng ilog, gaya nang inutos ni Luna. Pagkaraan ng 2 araw, katapusan ng Marso, mapayapang sinakop ng mga Amerkano ang Malolos. Sinunog

Watak-watak ang hukbo, kalat-kalat ang kaskasang tumakas na mga kinatawan ng Kongreso ng Malolos, takbuhan at taguan ang mga pinuno ng unang Republika ng Pilipinas. Nanlulumo sa galit, nagbitiw ng tungkulin si Luna, inako na kagagawan niya ang pagkawalang disiplina ng mga sandatahang Pilipino. Tinanggihan ni Aguinaldo at inutusan si Luna na ipagpatuloy ang paglaban sa Pampanga, Tarlac at Pangasinan. Ngunit palihim, tinangka ni Aguinaldo na makipagkasunduan sa mga Amerkano. Kasasakop pa lamang sa Malolos nang papuntahin niya si Mabini kay Jacob Schurman, pinuno ng Philippine Commission na namamahala sa pagsakop sa Pilipinas, ngunit walang nangyari. Si Luna na lamang ang humaharap sa mga Amerkano at sa 3 araw, nuong Abril 24 hanggang Abril 27, sinagupa niya ang magkakasamang sandatahan nina General Arthur MacArthur, General Lloyd Wheaton at General Henry Lawton sa Bagbag at Calumpit, Bulacan. Nagapi muli ang mga Pilipino ngunit napatigil ni Luna ang paglusob ng mga Amerkano at, bago nakapag-ayos ang mga ito upang lumusob muli, inabot na ng tag-ulan. Nagbaha at naging putik ang mga lansangan at bukid, at napilitang humimpil ang mga Amerkano hanggang matapos ang ulan pagkaraan ng 6 buwan. Nagkaroon ng panahon si Luna na maghanda sa mga susunod na sagupaan. Nakipag-ayos siya sa mga kapwa Ilocano, na sumakop sa lahat ng Ilocos at sila nang namahala duon mula nang lumayas ang mga Español.

Sa Pampanga at Tarlac, isinapi niya sa hukbo ang mga Kapampangan na dating sundalo ng mga Español at binigyan ng mga baril. Batikan sa digmaan laban sa mga Muslim sa Mindanao, naging mabisa sila laban sa mga Amerkano. Kahit maliliit na pangkat-pangkat lamang ang naging labanan, lagi nilang tinalo at napaurong ang mga Amerkano, na sanay bumaril mula sa malayo ng mga Pilipinong walang sandata kundi itak at sibat. Lahat ng Pilipinong nakalaban ay matapang, sumusugod kahit tiyak na kamatayan, ngunit kinatakutan at hinangaan ng mga Amerkano ang mga Kapampangan, lalo na ang mga Macabebe. Hindi lamang marunong makipaglaban sa sagupaang militar, mahusay pang pumatay at makipagbarilan. Kaya malaki ang tiwala ni Luna na mapipipilan niya ang mga Amerkano sa hilaga ng Luzon, at kung makapagtatag siya ng mga tanggulan sa Cordillera, baka magapi pa niya ang mga dayuhan. Subalit, kung matatag ang loob ni Luna, gimbal naman ang ibang mga pinuno ng hukbo, karamihan ay mga Tagalog at walang tiwala sa mga Ilocano at lalo nang ilag sa mga dating kinamumuhiang mga Kapampangan. Si Aguinaldo man ay natigatig, sapagkat ang mga Ilocano, at ngayon pati na ang mga Kapampangan, ay masunurin kay Luna, hindi kay Aguinaldo.

Si Pedro Paterno naman ang pinasugo nang lihim ni Aguinaldo kay General Elwell Otis, pinuno ng sandatahang Amerkano, nuong Abril 28, 1899, ngunit wala ring nangyari. Dalawang ulit nakipag-usap sina Major Manuel Arguelles at Tenyente Jose Bernal kay General Otis nuong bandang Mayo 2. Natuklasan ni Luna na nakipag-usap si Paterno sa mga Amerkano tungkol sa pagsuko at dinakip niya ang mga tauhan ni Paterno bilang mga taksil. Dahil hindi alam na si Aguinaldo ang may pakana, dinala niya kay Aguinaldo upang litisin at parusahan. Pagka-alis ni Luna, pinakawalan lahat ni Aguinaldo.

Ipinag-utos nuong Mayo 5, 1899, ni John Hay, kalihim panlabas [Secretary of State] ng America, na anyayahan ang mga Pilipinong magtatag ng sariling pamahalaan sa ilalim ng America. Nagkaroon ng pag-asa si Aguinaldo na maipagpatuloy ang kanyang pagiging panguna sa lahat sa Pilipinas, at inalis ang mga kasapi na lubusang kalayaan lamang ang tatanggapin. Nuong Mayo 7, inalis niya ang cabinete ni Mabini; ipinalit niya si Paterno at ang mga tauhan nito. Dito napawi ang ika-3 pag-asa ng Pilipinas na makalaya, wala na ang kapangyarihan ni Mabini na gabayan ang pamamahala ng Himagsikan. Ipagbubunyi pa rin ang kanyang pagkabayani, ngunit sadlak na lamang sa pagsulat ng mga panawagan ang kanyang mga adhikain mula ngayon.

Si Luna na lamang ang nalalabing pag-asa na makalaya ang Pilipinas.

Ngunit hindi nag-isang buwan, natapos na rin si Luna. Marami siyang naging kaaway dahil sa pagkamalupit sa mga mabagal sumunod sa mga utos niya. Nang ipakita niyang hindi siya tatanggap ng pagkatalo o compromiso sa Amerkano, na lubusang kalayaan ng bayan lamang ang maaatim niya, naging balakid siya, gaya ni Mabini, sa tangka ni Aguinaldo na maging pinuno ng mga Pilipino kahit na sa ilalim ng mga Amerkano. At nang kumalat ang mga bulong na nais ni Luna na palitan si Aguinaldo bilang pinuno, hindi lamang ng hukbo, kundi ng buong pamahalaan, naging kaaway siya ni Aguinaldo. Gregorio del Pilar S

Tumanggap si Luna ng pasintabi mula kay Aguinaldo nuong Junio 4, 1899, na makipagniig sa Cabanatuan, capitolyo ng Nueva Ecija. Abala sa Tarlac si General Francisco Makabulos kaya ang alalay lamang ni Luna, si Francisco Roman ng Alacala, Cagayan, ang kasama nang dumating si Luna sa convento ng Cabanatuan nuong Junio 5, 1899, at nalamang nakaalis na pala si Aguinaldo papuntang San Isidro. Nakilala niya ang ilang sandatahan duon na kasapi sa Brigada ng Kawit, na inalis na niya mula sa hukbo dahil ayaw sumunod sa kanya. Sinampal ni Luna ang isa bago hinarap at pinagsisigawan si Felipe Buencamino, kabilang sa cabinete ni Pedro Paterno at isa sa mga dinakip ni Luna sa kataksilang nakipag-usap sa Amerkano tungkol sa pagsuko ng Pilipinas. Napaligiran ng mga kaaway si Luna nang pagbabarilin siya ng mga Brigada ng Kawit sa pamumuno ni Coronel Janolino. Pati ang kanyang alalay, si Francisco Roman, ay binaril at sinaksak hanggang mamatay.

Sa halip na litisin at hatulan ang mga pumatay, maagap na inutos ni Aguinaldo na alisan ng mga sandata ang mga sundalo ni Luna, pati na at lalo na, ang mga Kapampangan at mga Ilocano. Siya mismo, sabi ni Aguinaldo, ang namuno sa mga ito, ngunit karamihan ay kumalas at umuwi na lamang. Kaya lubusang nalansag ang hukbo at, maliban sa mga pangkat ni General Gregorio del Pilar at General Manuel Tinio, wala nang sumagupa sa mga Amerkanong hangos sa pagsakop ng hilagang Luzon at paghabol kay Aguinaldo.

Parating pa ang mga madugong labanan ng mga Muslims at mga Amerkano sa Mindanao, at ilang taon pang sasalakay ang mga Pilipinong guerrilla sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at Visayas. Malaya pa si Aguinaldo, gaya ng karamihan sa mga kabayanan at nayon sa Pilipinas, bagaman wala nang sapat na sandatahan, gaya ng mga kabayanan at nayon, upang harapin ang mga Amerkano. Maraming araw pa bago lubusang magtagumpay ang mga Amerkano, ngunit katunayang natapos na ang digmaan ng Pilipino at Amerkano nuong Junio 5, 1899. Patay na si Luna at wala nang makapipigil ng pagka-panahong Amerkano sa Pilipinas. Wala nang pag-asang makalaya ang Pilipinas. Macabebe

 

NANG lansagin ni Aguinaldo ang mga hukbong Kapampangan na binuo ni Antonio Luna, hindi niya inakala na makakatagpo niya muli ang mga ito. Nuong Marso 23, 1901, sinunggaban si Aguinaldo ng isang matabang Kapampangan mula sa Macabebe, si Hilario ‘Tal’ Placido, at ibinagsak sa sahig. Tapos, inupuan ni Placido ang nagpupumiglas at naghihiyaw na Aguinaldo, ngunit hindi niya kayang gapiin ang matabang Kapampangan. Nadakip na si Aguinaldo, pagkaraan ng isa’t kalahating taon ng takbo at tago sa mga bundok, gubat at kuweba, ng 5 Amerkano. At 81 Kapampangan.

Nagkunwa ang pangkat ng mga taga-Macabebe na sila ang hinihintay na karagdagang sandatahang hiniling ni Aguinaldo; kunyari rin, may nahuli silang 5 Amerkano sa daan, at hatak-hatak nila nang pumasok sa kuweba-kuwebang pinagtataguan ni Aguinaldo sa Palanan, Isabela. Pupungas-pungas pa ang 50 bantay ni Aguinaldo, napuyat sa pagdiriwang ng kaarawan ni Aguinaldo nuong nakaraang gabi. Tuwa sila sa pagdating ng akala nilang karagdagang hukbo. Habang kinakausap ni Aguinaldo sina Placido, sumenyas ang mga Amerkano at pinagbabaril ng mga taga-Macabebe ang mga bantay sa labas at paligid ng kuweba.

Karimot pakalat ang mga sandatahan, 20 ang tinamaan, 2 ang napatay. Nadakip din ng mga Amerkano at mga taga-Macabebe si Coronel Simeon Villa, ang punong tagapamahala [chief of staff] ni Aguinaldo, at si Santiago Barcelona, ang ingat-yaman [treasurer] ng pamahalaang Himagsikan. Kasama sa mga bantay na tumalon sa ilog Palanan at nakatakas si Major Nazario Alhambra. Hindi na sila hinabol o pinansin man lamang; madaling lumuwas nang Manila ang mga Amerkano at Macabebe Scouts, pinamunuan ni Colonel Frederick Funston. Itinaas siya at ginawang general dahil sa pagdakip niya kay Aguinaldo. Ilang araw lamang sa Manila, sumuko na si Aguinaldo at sumumpa nuong Abril 1, 1901, na kampi na siya sa mga Amerkano at nanawagan sa lahat ng naghimagsik na sumuko na. Pagkaraan ng isang buwan, nuong Mayo 1, 1901, lumabas mula sa barrio Maradodon, Ilocos Sur, sina General Manuel Tinio at Coronel Blas Villamor at sumuko na rin kay General Franklin Bell, pinuno ng sandatahang Amerkano sa hilagang Luzon. Nag-uwian na kasi ang mga hukbong Pilipino sa Ilocos at Nueva Ecija at walang naiwan kina Tinio kundi ang kanilang mga alalay at ang mga maysakit.

Hindi lamang mga taga-Macabebe ang inarkila at ginawang US army scouts ng mga Amerkano nuong 1901. Maraming Pilipino sa halos lahat ng lalawigan sa Luzon at Visayas ang nagkusang sumanib sa mga Amerkano sa pagpuksa sa mga natitirang katipunero. Hanga sa kanilang tapang at katapatan si General Arthur MacArthur, governador ng Pilipinas nuong 1900, at bilang gantimpala, inatas ng batasan [Congress] ng America nuong Febrero 2, 1901, na maaaring umarkila ng abot sa 12,000 Filipino upang isama sa US Army bilang Philippine Scouts. Iyon nga lang, mababa ang bayad sa kanila kaysa sa mga Amerkanong sundalo. Nuong Julio 18, 1901, itinatag naman ng Philippine Commission sa Manila ang Philippine Constabulary sa ilalim ni Capitan Henry Allen at Capitan DJ Baker upang magpulis sa mga lalawigan. Nadakip

Marami sa mga 5,000 nag-Scout ay naghanap-buhay lamang, ngunit marami rin ang nais puksain ang mga naglipanang naghihimagsik na, pagkaraan ng 1899, ay naging mistulang tulisan at mandarambong na. Dahil laging talo at watak-watak na rin lamang, pinagpilas-pilas nang tuluyan ni Aguinaldo ang hukbong Pilipino nuong Noviembre 12, 1899, sa Bayambang, Pangasinan, at inutusang mag-guerrilla na lamang. Marami sa mga kinalas na namundok ang ginutom at naghirap sa walang pagtulong ng mga tao sa paligid. Nuon natuklas na kapag nawalay sa kanilang pook, ang mga Pilipino ay nag-asal dayuhan at nagligalig, ginamit ang sandata upang nakawan, gahasain at pagmalupitan ang mga kapwa Pilipino sa iba’t ibang lalawigan.

Kaiba nang kaunti sa kanila ang kasaysayan ng mga taga-Macabebe. Madalas Kapampangan ang mga isinapi ng mga Español sa kanilang sandatahan at sa guardia civil na itinatag nuong 1868. Sa matagal na pagsilbi sa mga Español, natuto ang mga ito na sumupil at magmalupit sa mga naghimagsik na Pilipino. Nang masanib sila sa sandatahang Amerkano, sila ang tumunton sa mga sandatahang ayaw sumuko at nagpahirap sa mga taga-nayon upang ipagkanulo ang mga guerrilla sa paligid. Sa mga susunod na bakbakan, sila rin ang inilusob sa harap ng 15,000 Amerkano laban sa mga Muslim sa Mindanao, gaya nang ginawa ng mga Español dati. Hindi natigil ang maliliit at kalat-kalat na pukpukan sa pagkahuli kay Aguinaldo ngunit habang tumatagal, lalong naging Pilipino laban sa Pilipino ang digmaan ng Pilipino laban sa Amerkano.

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod