Legazpi: Magalang, Maraming Kanyon
Bawat isa, naghiwa sa bisig o dibdib at nagpatak ng dugo sa tubig o tuba. Pinaghati-hati
ang halo sa lahat, at walang lilisan hanggang hindi nauubos ang madugong inumin.
- Miguel de Legazpi, tungkol sa kasi-kasi
HINIRANG na pinuno si Andres Urdaneta, nakabalik uli sa Mexico at naging frayleng Augustinian matapos ng ilang taong pagkulong ng mga Portuguese nuong kasama siya ni Juan Loaysa sa paglakbay sa Pilipinas nuong 1525. Subalit tumanggi si Urdaneta at tinanggap na lamang na siya ang maging pangunahing piloto ng paglalakbay sapagkat alam na niya kung paano magpunta sa Pilipinas. Higit pa, paniwala niya na may paraang makabalik sa Mexico mula Pilipinas, kailangan kung magpapabalik-balik sa Mexico at Pilipinas.
Hinirang ni Urdaneta at itinanghal ang isang matandang kawani, si Miguel Lopez de Legazpi, at siya, pagkaraan ng 6 taon paghahanda sa Mexico, ang namuno sa 4 barkong naglayag nuong Noviembre 20, 1564, ang San Pedro, San Pablo, San Juan at San Lucas. Kasama niya ang kanyang apo, si Felipe de Salcedo, si Urdaneta at 4 frayleng Augustinian at 380 tauhan. Sa gitna ng Pacific Ocean nuong Enero 9, 1565, nadaanan nila ang isang pulong tinawag nilang Isla delos Barbados dahil may balbas ang mga nakatira. Narating nila ang Guam pagkaraan ng isang buwan, at inangkin ni Legazpi ang mga pulu-pulo sa ngalan ng España.
Nuong Febrero 13, 1565, natapos ang tahimik sa Pilipinas nang namataan nila Legazpi ang Samar. Hindi sila nakadaong sapagkat ipinagtabuyan sila ng mga Waray-waray duon. Pati na sa Limasawa, Camiguin at Butuan, Mindanao, sinagupa sila ng mga tagapulo. Sumunod si Legazpi sa utos ni Felipe 2, hari ng España, na huwag digmain ang mga Pilipino kundi kaibiganin at binyagan; kaya sa Bohol sila nagtuloy.
Duon, nakadambong ang mga Español ng isang barkong nagkalakal mula Borneo at nadakip nila ang isang Muslim na marinero [navigator] na umamin na nagkakalakal duon ang mga taga-Borneo, taga-Maluku ng Indonesia, mga taga-Malacca ng Malaysia, at iba pang barko mula China at India. Ang marinero rin ang naghayag kung bakit inaway sina Legazpi ng lahat ng mga tagapulo. Ilang taon pagkaalis ng pangkat ni Ferdinand Magellan nuong 1520, at ilang ulit pagkatapos, may mga dumating na Español daw sila at nakipagkaibigan, tapos sinunog ang mga baranggay, inabuso, pinatay o inalipin ang mga tagapulo. Walang 2 taong nakaraan, ang hayag, nalusob ang Bohol at kulang-kulang sanlibong Boholano ang nasalanta at nadukot.
Hintay muna: Kung galit ang lahat ng tagapulo sa mga Español, paano nakadaong sina Legazpi sa Bohol? Kung walang tao duon, wala ring pagkain, bakit sila dumaong? At kung may tao, bakit hindi sila kinalaban at itinaboy, ganung katatapos lang silang dambungin ng mga Español?
Totoong kaunti lamang, wala pang 400 ang mga Español, marami pa sa kanila ang nanghina sa gutom at maysakit, at kayang-kaya silang ipagtabuyan ng mga tagapulo. Ang pagdambong sa barkong nagkakalakal na inulat ng mga Español ay maaaring pagyayabang lamang; nadaig nila ang mga nasa barko dahil kusang hindi lumaban.
Si Jose Rizal ang naghayag kung paano at bakit nakadaong nang matiwasay sina Legazpi sa Bohol. Isinulat ni Rizal nuong Abril 5, 1896, habang siya ay nakatapon [exiled] sa Dapitan, Mindanao, sa kanyang kaibigan, si Fernando [Ferdinand] Blumentritt ng Austria, bayan sa tabi ng Germany. Ang sulat niya:
Si Lagubayan ang pangunahing tao o datu ng Bohol, Baclayon, Mansasan, Dawis at sa gulod ng Mindanao, ng Dapitan na pinaruonan niya, kasama ng 800 pami-pamilyang alalay niya dahil sa kataksilang tinamasa ng kanyang kapatid, si Donya Ilison sa kamay ng mga katutubo. Mula dito naghiganti si Lagubayan at kinatakutan ng mga katutubo, at siya ang naging panginoon ng mga Subano. Nang dumating ang mga Español, pinaalis niya ang mga sugo [ambassadors] ng Ternate, isa sa mga pulo ng Maluku o [Moluccas, Spice Islands], na sakop nuon ng mga Portuguese, karibal ng mga Español. Nagpasiya siya na ang mga Español na lamang ang kakaibiganin niya. Kaya binigyan ni Lagubayan sina Legazpi ng mga gabay [guides] na nagdala sa kanila kay Catunas, ang iniwan ni Lagubayan upang mamahala sa Bohol. At si Catunas ang naghatid kina Legazpi sa Cebu na pinagtayuan ng mga Español ng una nilang kuta.
Sabi patabi: Si Catunas na tinuran sa liham ni Rizal ay maniwaring si Raja Sikatuna ng mga lumang salaysay. Sinasabi ngayon na dapat si Raja Katuna ang tawag sa kanya ngunit batay sa sulat ni Rizal, hindi siya raja o datu, at ang parangal sa kanya ay Ka na gamit pang panggalang hanggang ngayon sa mga lalawigan. Kaya ang tunay niyang pangalan ay Ka Tunas, na nagsilbi kay Datu o Raja Lagubayan. Ang Lagubayan sa Visaya ay ‘malaking lupain’ o ‘malawak na sakop o ari-arian,’ ngunit ito ay kaibang paksa na. May ulat din na Tunas ay tuksong palayaw lamang dahil naglalaho siya tuwing may labanan, ngunit ito ay hindi napatibayan sa ibang ulat at, kung anuman, ay kaiba nang paksa rin.
Ipinaliwanag ni Rizal na ang tawag sa Dapitan ng mga katutubo ay Ilihan, maaaring pahiwatig na tirahan ni Ilison, ang kapatid ni Lagubayan. Sabi pa niya, ang ibig sabihin ng Dapit sa wikang Bisaya ay anyayahan, at ang kahulugan ng Dapitan ay ang purok na pinag-anyayahan ng 800 pami-pamilya ng mga Boholano.
Bilang patibay sa salaysay, inulat ni Rizal na ang lahat nang ito ay nakalahad sa kasulatang nilagdaan at nilagyan ng selyo nuong Julio 7, 1718, ni Fernando Manuel de Bustillo Bustamante y Rueda, ang pinaslang na governador-general sa Manila. Ang kasulatan ay binili ni Rizal mula sa anak-anakan ni Lagubayan, na nuon ay sadlak na sa pagdarahop, at ipinatago sa Museo Biblioteca de Manila nang hindi mawala sa kanyang dukhang kubo sa Dapitan. Hinayag ni Rizal na tunay, hindi huwad ang kasulatan.
Mabalik kay Legazpi: Ipinasundo niya sa marinero ang mga pinuno ng Bohol, at hinarap at nakipagkasi-kasi siya sa mga alumpihit na Ka Tunas [si Raja Sikatuna, o si Raja Katuna o si Catunas, alinman] at kasamang Raja Gala, kapwa malungkot sa pagdating ng mga Español.
Mga Portuguese galing sa Maluku, hindi mga Español gaya namin, ang mga nagsamantala sa inyo! ang pilit ni Legazpi. Ewan, ang sabi naman ni Ka Tunas, magkakamukha kayong lahat, pati ang damit at sandata, magkakahawig.
Nagpatuloy makipagkaibigan si Legazpi; nagpatuloy din ang mga Español sa pagmamasid sa pali-paligid, lalo na’t gipit sila sa pagkain - may 380 sundalo at marinerong kasama ni Legazpi at malalakas kumain lahat. Namataan ng kanyang tauhan ang mayamang baranggay ng Cebu sa katabing pulo.
Cebu, sa tingin ng mga Español, ang mga unang binyagan, ang mga pumatay kina Magellan, ang mga nagtatwa ng kanilang pagka-catholico, ang mga talipandas.
Nilusob ni Legazpi ang Cebu nuong Abril 25, 1565. Hindi na pagkakaibigan ang sadya, pinagkakanyon niya ang baranggay na pinamumunuon na ni Raja Tupas, anak ni Humabon, ang dating kaibigan ni Magellan. Takbuhan patakas ang mga taga-Cebu at dumaong ang sandatahang Español, sinunog ang mga kubu-kubo. Natagpuan nila ang estatwa ng Santo Nino na handog ni Magellan sa asawa ni Humabon.
Milagro! palatas ni Legazpi; madaling nag-utos na magtayo ng capilla na magbabahay sa Santo Nino. Matatag na ang pagsakop ng Cebu, at tapos na ang capilla nuong Junio 1, 1565, nang magbalikan ang mga nagugutom na taga-Cebu at sumuko sa Español, kasama si Raja Tupas at pamilya niya. Sinimulan silang binyagan nina Frayle Urdaneta. Nang naghukay ang mga Español upang itayo ang kanilang malaking kuta, Fuerza de San Pedro, natagpuan nila ang labi ng malaking cross na itinayo duon ni Magellan at sinunog nina Humabon, at ito ay ibinahay sa capilla kasama ng Santo Nino.
Ginamit ni Frayle Urdaneta ang isang barko pabalik sa Mexico nuong Julio, 1565, kasama si Felipe de Salcedo. Ang landas na nilayag nila, sa hilaga ng Pacific Ocean, malapit sa Japan, ang batay ng galleon trade, kalakal ng Pilipinas at Mexico sa susunod na 200 taon. Nang dumaong si Urdaneta sa Acapulco nuong Octobre 3, 1565, silang dalawa ni Salcedo na lamang ang nakatayo pa, ang mga kasama nila ay pulos gulapay na sa sakit at gutom; 14 na mga kasama ang namatay na. Nagtuloy si Urdaneta sa España upang maglahad at, pagkabalik sa Mexico, isinulat ang paglakbay niya kasama ni Loaysa, at ang paglakbay kasama ni Legazpi.
Sa Cebu, samantala, unti-unting ginugutom ang mga Español; hindi kaya ng pulo na sustentuhan ang dami ng tao duon. Nuong 1567, 2 taon pagkalisan ni Urdaneta, dumating sa Cebu ang tulong na hiniling ni Legazpi mula sa Mexico. Kasama ng mga dagdag na sundalo ay ang 18 taong apo ni Legazpi, si Juan de Salcedo, pumalit sa kapwa apo, si Felipe de Salcedo, bilang pinuno ng 100 sundalong kasama. Natiyak ng mga Español na kaunti rin ang pagkain sa Bohol at sa Isla delos Negros, kaya lumipat sila nuong 1569 sa pulo ng Panay. Sa tabi ng ilog Banica, nagtayo sila ng isa pang kuta, tinawag nilang Capiz, pangalan ng kabibe o tulya duon at ngayon ay ngalan ng isa sa mga lalawigan sa pulo.
Ngunit Panay man ay salat sa bigas dahil sa peste ng mga tipaklong, ilang taon nang sinasalanta ang mga palayan. Narinig nila na mayamang lungsod ang Manila sa malawak na pulo ng Luzon. Hindi nag-isang taon, pinalikas ni Legazpi ang kanyang kanang-kamay, si Martin de Goiti, upang usisain ito at ang iba pang mga pulo sa paligid. Sakay sa mga barkong bagong dating mula Mexico, ang San Miguel at La Tortuga, lumunsad si Goiti nuong Mayo 8, 1570, kasama ang 90 sundalo, 20 marino, si Capitan Salcedo at ang tagapagtala [notario], si Hernando Riquel. Sumabay sa kanila ang 15 bangkang pandagat [paraw] ng mga taga-Panay at mga taga-Cebu na ibig sumali sa anumang mangyayari at bumahagi sa anumang makukurakot.
Narating pagkaraan ng 2 araw ang mga pulo ng Calamian [Calamianes Islands] na nasa pagitan ng Mindoro at Palawan; una ang bunduking Sibuyan, balitang may mga minahan ng ginto, ngunit hindi nakipag-usap kahit kanino, tumuloy sa pulo ng Banton, sa timog ng Marinduque, tirahan ng ilan-ilang Español na nakarating duon kasama ng mga tagapulo. Maraming tao sa Banton at maraming kambing, inilalako sa mga kalapit.
Narating at dumaong sa pulo ng Mindoro, bantog nuon bilang Munting Luzon. Sakop ng mga Muslim ang lahat ng baybay at daungan. Sa looban, napag-alaman na patago-tago ang maraming mga hubad, ang Chichimecos [Mangyan ang tawag sa kanila ngayon]. Nabalita rin na sa kalapit na ilog, tawag ay Bato [Baco, ang pangalan ngayon, malapit sa Calapan], may nakadaong na 2 barko ng mga Sangley [tawag sa Intsik ng mga taga-Mindoro] ngunit, dahil sa masamang panahon, hindi agad narating ng mga pinadalang paraw sa pamumuno ni Salcedo. Kinabukasan, biglang sagsag magkasabay ang 2 barko ng mga Intsik, nagpapaputok ng mga culverin [maliit na kanyon], binabayo ang mga tambol, labas lahat ng espada at naghihiyawan ang mga Intsik ng digmaan. Wala si Salcedo, ngunit naagap na sumagupa ang mga Español, sakay sa maliliit na paraw, at binaril ang mga Intsik ng kanilang mga de sabog [arquebus]. Napatay ang 20 Intsik at nagkubli ang 80 natira; sinampa ng mga Español ang 2 barko, dinakip ang mga Intsik at sinunggaban ang maraming kalakal na natagpuan. Naasar si Salcedo nang makita ang ginawa ng mga Español. Lalong galit ang sumunod na Goiti, nais sanang makipagkaibigan gaya ng utos ni Legazpi, at hindi makipag-away. Sinita niya ang mga Intsik, Hindi dapat lumusob! Inutos niyang kumpunihin ang mga sira ng 2 barko. Ibinalik ang isang barko sa mga Intsik upang makauwi sa China, ang pang-2 ay ipinabalik kay Legazpi sa Panay, sakay lahat ng nakamkam sa mga Intsik.
Inutos ni Goiti sa mga taga-ilog Bato na ipunin ang kanilang mga ginto at hahakutin ng mga Español pagbalik. Hangos ang buong pangkat sa baranggay ng Mindoro, nabalitaang nag-ipon ang mga Muslim duon ng mga culverin, pana, palaso at mga sandata upang makipaglaban. Gigil ang mga Español makipagsagupaan! Mahigit 4 metro ang kapal ng pader na batong napaligid sa kuta ng baranggay. Sangkatutak na mandirigmang Muslim at maraming culverin sa tuktok ng gulod sa loob ng kuta. Napuna ni Goiti na marami sa mga mandirigma ang kunway ayaw makipagdigmaan. Inutos niyang mamalagi sa malayo ang kanyang mga sundalo at, kasama lamang si Salcedo, ang tagapagtalang si Riquel, isang tagapagsalita at ilang kawal, lumapit sa kuta si Goiti at nakipag-usap.
Alumpihit pa rin ang maraming Muslim, at gigil na ang mga sundalong Español. Inutos ni Goiti na magparada at magpakitang gilas ang mga Español, sabay sa paputok ng mga kanyon ng kaniyang 2 barko. Gimbal ang mga Muslim, nagtakbuhan sa gulud-gulod ang mga mamamayan ng baranggay, tangay ang kanilang mga pamilya at ari-arian. Nangako ang mga pinuno ng Muslim na magbabayad sila ng ginto at, sa loob ng 5 araw, 200 tael [sukat ng Intsik, higit-kulang sa 1.5 onsa] na ginto ang tinanggap ng mga Español. Dahil sa mga kuwento ng yaman ng Manila, nainip si Goiti at inutos sa mga taga-Mindoro na ihanda ang 200 pang tael ng ginto sa pagbalik niya. Lumusong sila sa Luzon, dumaong ang mga barko sa baranggay ng Balayan. Tapos, pinasok ni Salcedo at ng mga paraw, kasunod ang mga taga-Balayan sa kanilang mga bangka, ang katabing ilog hanggang sa baranggay at lawa ng Bombon [tinatawag ngayong kabayanan ng Taal at Taal Lake]. Nang makita ng mga taga-Balayan na walang tao sa Bombon, umuwi sila matapos punuin ang kanilang mga bangka ng mga ari-arian ng mga taga-Bombon.
Patuloy si Salcedo sa paghanap sa mga taga-Bombon. Natambangan at nasugatan siya sa binti ng panang may lason ngunit nagamot naman. Pagka-daong nila sa pampang, natagpuan ang mga taga-Bombon sa isang bukid, naghihiyawan at walang tigil ng pagpana sa mga Español. Hinati ni Salcedo ang kanyang mga sundalo at lumusob sa magkabila ng mga taga- Bombon; nagtakbuhan naman ang mga ito, mahigit 40 ang napatay.
Sa loob ng Bombon, pinakawalan ni Salcedo ang 2 Intsik na natagpuang nakagapos at duguan; nakita rin ang bangkay ng ilan-ilang Intsik, ang iba ay nagdurugo pa. Nagkakalakal sa Bombon ang 2 barkong Intsik, ang hayag, nang marinig nilang may mga Español sa Mindoro. Pupunta sana sila, ngunit pinigilan sila ng mga taga-Bombon. Nag-away na; nagpaputok ng culverin ang mga Intsik at napatay ang isang pinuno ng Bombon. Dinumog sila ng mga taga-baranggay at isa-isang pinahirapan hanggang mamatay, maliban sa 2 natagpuang buhay pa.
Pagkaraan ng 3 - 4 araw sa Balayan, naglayag muli papuntang Manila sina Goiti. Sumabit ang 8 bangka ng mga taga-Balayan, nais maghiganti sa mga taga-Tulayan, isang baranggay na madaraanan. Ninakaw daw kasi ang kanilang kalakal mula Manila nuong minsan napadpad sila ng bagyo sa Tulayan, pinugutan pa ang 2 sa kanila at isinabit ang mga ulo. May nakita nga ang mga Español na mga ulo ng tao, nakatusok sa sibat, ngunit nakipagkaibigan ang mga taga-Tulayan at nangakong magbabayad ng buwis kaya ipinagbawal ni Goiti ang paghihiganti ng mga taga-Balayan. Kaming mga Español ang maghuhusga ng mga away ninyo, utos niya. Habang abala si Goiti sa Tulayan, hinarang ng mga Español at ng mga kasamang tagapulo, sakay sa mga paraw, ang mga nakasalubong na tapaque [maliit na bangka, hindi pandagat] galing sa Manila. Ninakaw ang mga bigas at tuyong isda. Lumaban ang iba, nasugatan ang 2 Español at napatay ang isang kasama nilang tagapulo. Nadakip ang isa sa mga naka-tapaque. Nagsiklab si Goiti nang malaman, Wala nang maglilimayon mula ngayon! Dito kayong lahat sa nakikita ko!
Kinabukasan, pasok sila sa Manila Bay, kasama ang 2 Cebuano, si Mahomet at ang kapatid, kapwa dating taga-Manila. Sa payo nila, hindi nagtuloy sa Manila kundi dumaong muna sa may kalayuan [malamang sa Sangley Point, Cavite, dating daungan ng mga barkong lumalaot sa Manila] at naghintay ng pasintabi ni Raja Suliman. Nakita ng mga Español na punung-puno ng mga bangka, tao-tao at bara-baranggay ang pampang hanggang Manila. Naghintay nang 3 araw sina Goiti matapos nagpa-Manila ang 3 magpapasintabi: ang kapatid ni Mahomet, na may asawa daw sa Manila, ang nadakip na naka-tapaque, at isang tagasalitang marunong mag-Arabe na Kafir [hindi Muslim na taga-India]. Kasama ng kapatid ni Mahomet pagbalik ang isang tio ni Raja Suliman na nagsabing nais ni Suliman makipagkaibigan sa mga Español. Nuon din, naglayag sina Goiti pa-Manila; pinauna nila ang tio ni Suliman upang ipaalam ang pagdalaw. Maraming bangka na lumapit kina Goiti, umaangal na hinamig ni Suliman ang lahat ng kanilang yaman at maraming pinatay sa kanila ngunit walang kibo si Goiti. Mataas na ang araw nang dumaong sila pampang ng ilog Pasig, sa labas ng Manila. Karimot na lumapit ang mga Intsik mula sa 4 barkong nakadaong din duon, nagkalalako ng alak, seda, manok at bigas. Nagsumbong na kinuha raw ng mga taga-Manila nang walang bayad ang pinakamamahalin nilang kalakal. Wala pa ring kibo si Goiti.
Napapaligiran ang Manila ng matayog na bakod ng mga tinulisang punung-kahoy. Nakahilera sa tabing-ilog ang sandakmang sandatahan ni Suliman, may mga kanyon sa bukana ng baranggay. Ang daming tao! Hanga ang mga mandirigma sa mga arquebus ng Español. Sa pampang nagkita si Goiti at si Raja Matanda; sumunod ang kanyang nakababatang pamangkin, si Suliman. Nagpalitan sila ng talumpati: kapwa sila makapangyarihan, kapwa sila magtatanggol ng kanilang karangalan, kapwa sila mapayapa, at iba pa, bago nagbalikan sa barko ang mga Español at umuwi sina Suliman at Matanda. Nuong hapon, nagpaalam si Mahomet, nakitulog sa mga kamag-anak sa Manila. Napansin ng mga Español na parami nang parami ang mga mandirigma sa Manila; panay ang dating ng mga bangka, puno ng mga sandatahan. At sa pagdami, bumabangis ang turing sa kanila ng mga mandirigma. Pagbalik kinabukasan, kasama ni Mahomet ang tio ni Suliman na sumundo sa kanila sa Cavite: Nabalita daw na hihingan ng buwis ang Manila; dahil dito, hindi na maaaring pumasok sa ilog Pasig ang mga Español!
Huwag paniwalaan ang sabi-sabi, sagot ni Goiti. Mag-uusap kami uli at magkakasundo.
Pagkaalis ng tio, nagpasiya si Goiti na kausapin si Suliman nang harapan at, kasama ang 2 tagapagsalita, pumasok sa Manila. Pinaligiran sila ng mga mandirigma at pinaghintay sa kubo [maliit na bahay ang hayag ng Español, malamang tanggapan lamang o hintayan ng mga bisita] ni Suliman na hangos dumating. Pati na si Matanda. Silang tatlo ay nagcasi-casi; nangako si Suliman na padadalhan ng pagkain ang mga Español, ngunit may tangka siyang lihim na puksain ang mga Español. Nuong hapong iyon, nang tangkang magkalakal sa Manila ang tagapagtala, si Riquel, sinaway ni Mahomet at pinabalik sa barko, may pasabi: Upang ipagdiwang ang kasunduan nuong umaga, magpaparada at pagpapakitang gilas ang lahat ng mga taga-Manila pati na sa dagat. Huwag daw mabahala, papuputukin ang lahat ng kanyon ng Manila!
Sa bangka pabalik sa barko, nagsumbong ng mga nagsasagwan, balak daw ng mga mandirigma na upakan ang mga Español sa susunod na pag-ulan, nang mababasa at hindi magagamit ng mga Español ang kanilang mga arquebus. Natunugan ang lihim ni Suliman nang ibalita ni Riquel ang pasabi at sumbong, at naalaala ang bangis at tirya ng mga mandirigma sa mga sundalong Español. Dumating pa si Mahomet, may dagdag na pasabi mula kay Suliman: Balak lusubin sa dagat ang mga Español ni Lakan Dula, puno ng bara-baranggay sa kabila ng ilog Pasig. Inanyayahan daw si Suliman na sumapi ngunit tumanggi. Pinasabi ni Suliman na, dahil dito, maghahandang makipag-digmaan ang mga taga-Manila at, paglusob ni Lakan Dula, susugod din sila upang tulungan ang mga kaibigan nilang Español.
Nagpasalamat si Goiti sa babala. Handa kaming lumaban! Kung hindi madilim na, susugurin na namin si Lakan Dula, ang sagot niya kay Suliman. Nuong gabing iyon, lahat ng Español ay natulog nakasandata; lahat ng sabit na tagapulo ay sa pampang pinatulog. Mga Español lamang ang maaaring pumasok sa mga barko. Mataas na ang araw kinabukasan nang maaninaw ang maraming sasakyan sa dagat, papalapit. Baka ito na ang salakay, isip ni Goiti, at nagpadala ng isang paraw upang mag-usisa. Ngunit nang malapit nang kaunti, mga tapaque lamang pala! Baka nakawan uli ng mga nasa paraw, inutos ni Goiti na magpaputok ng kanyon upang pabalikin ang paraw. Sumagot ang 3 kanyon ng mga taga-Manila, akala umpisa na ang salpukan. Haging ang 2 putok, ang isa ay tumama, butas ang gilid ng barko! Sa isang iglap, nilusob ng mga Español at mga kasamahang tagapulo ang kuta ng Manila, winalat ang bakod na kahoy, sinunggaban ang 13 kanyon duon at pinagkakanyon ang mga mandirigma! Inutos ni Goiti na sunugin ang Manila dahil napakalaki nito upang sakuping lahat, at baka magkahiwa-hiwalay ang kanyang mga sundalo. Tumalilis si Suliman at ang mga kasamahan.
Tupok na ang Manila nang bumagsak ang inaasahang ulan. Maraming nakurakot ang lahat, lalo na sa malaking bahay ni Suliman at katabing imbakan [bodega], puno ng bakal, tanso, porselana, bulak, kumot, at kasko ng alak. Ang mga kama at gamit bahay lamang, sabi ng mga nakakita, ay tumbas ng 5 libong piraso ng pilak.
Bakit nakipagdigmaan kayo, mayroon nang casi-casi? tanong ng Español sa mga nadakip na taga-Manila. Si Suliman ang may kagagawan!, ang sagot, laging sinasalungat ang tio, si Raja Matanda. Malupit talaga ang pag-iisip! Siya raw ang nag-utos magpaputok ng kanyon. Pagkaraan ng 2 araw, lumunsad sina Goiti, kasama ang 4 barkong Intsik na nagtuloy sa Mindoro. Dumaan si Goiti sa mga baranggay na nangakong magdadagdag ng buwis na ginto, ngunit wala ni isang lumitaw. Dahil sa papaiba na ang ihip ng hangin, napilitang bumalik agad sa Panay nang hindi mabalam ng ilang buwan sa malayo.
Sa sumunod na taon, nuong Abril 20, 1571, si Legazpi na mismo ang nagtungo sa Manila, dala ang buong sandatahan, 27 barko sakay ang 230 arquebusiers at si frayle Diego de Herrera, padre provincial ng mga Augustinian, bagong dating mula Mexico. Ilang linggo sila sa Mindoro bago tumuloy sa Luzon. Sinunog ng mga taga-Manila ang kanilang mga bahay nang mamataan nilang papalapit ang malaking sandatahan Español, tapos tumakas sila sa kabila ng ilog Pasig, sa purok ni Lakan Dula. Alas-2 ng hapon na nang dumaong si Legazpi sa Manila. May ilan-ilang bahay pang nakatayo, hindi lahat ay nasunog. Dumating naka-bangka si Lakan Dula, upang makipagtawaran para kina Raja Matanda at Raja Suliman. Nang mapaniwala ni Legazpi na hindi parurusahan at walang maghihiganti kay Suliman, sumuko na ang mga taga-Manila at pumayag mapasa-ilalim sa mga Español.
Dito inilipat ni Legazpi nuong May 18, 1571, ang pamahalaan niya bilang governador habang buhay [adelantado] ng Pilipinas, ayon sa kasunduan nila ni Felipe 2, hari ng España. Malawak ang mga bukirin at palayan ng Central Luzon kaya natiyak niyang hindi na magkukulang ang pagkain para sa kanyang mga tauhan. Dito rin namatay ang matandang Legazpi pagkaraan ng isang taon, nuong Agosto 20, 1572, habang pinapalitan ang bakod na kahoy ng batong pader sa paligid ng Manila na, hindi nagtagal, tinawag na Intramuros [sa pagitan ng mga pader].
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|