Roosevelt Tavera, Arellano

Koboys En Indios

The only good indian is a dead indian.
- Gen. Phil Sheridan, US Army

Shit happens.
- Kasabihan sa California

HINDI lamang sa larangan ng sandata napipilan ang mga Pilipino. Nuong Deciembre 1900, hindi pa nahuhuli si Aguinaldo, nagsama-sama na ang mga mestizong Español, napag-iwanan ng mga lumikas na mga Español, upang puksain ang mga Pilipino sa politica. Nuong Febrero 2, 1901, itinatag nina Trinidad Pardo de Tavera, Pedro Paterno, Cayetano Arellano at Benito Legarda ang Partido Federal upang maghikayat na isama na sa America ang Pilipinas, gaya nang ginawa ng America sa Hawaii nuong 1898. WH Taft

Tuwang-tuwa sa kanila si William Howard Taft, ang politico na pumalit kay General Arthur MacArthur bilang governador ng Pilipinas nuong 1901. Matapos niyang iutos nuong Enero 7, 1901 na itapon sa Guam sina Apolinario Mabini, Artemio Ricarte at iba pang ayaw kumampi sa mga Amerkano, magiliw niyang ginamit sina Pardo de Tavera, Arellano at Legarda, ‘my Brown Americans,’ upang ipakita na makakapagtatag ng pamahalaan ang mga Pilipino sa ilalim ng America, ayon sa tuntunin [policy] ni Pangulo McKinley ng America. Bilang paghahanda, ginawa ni Taft na lubusang civilian na ang mga tagapamahala sa Pilipinas nuong Julio 4, 1901, tinanggal sa tungkulin ang mga sundalong Amerkano na nanunungkulan sa kapuluan. Pagkaraan ng 2 linggo, itinatatag naman ni Taft ang Philippine Constabulary upang ipakitang mga Pilipino na ang magpupulis sa Pilipino.

Ngunit talbog si Taft dahil, hindi niya napansin, hindi Pilipino ang turing ng mga tao kina Pardo de Tavera, Arellano at Legarda. Maging silang 3, ang turing sa mga sarili ay Español, hindi Pilipino. Ang hangarin nga nila, sa kanilang Partido Federal, ay mamuno ang mga maka-Español at ipagkait sa mga Pilipino ang kalayaan at pagkakaroon ng sariling pamahalaan. Isa pang hindi alam o hindi winari ni Taft, ang PC ay panibagong guardia civil lamang, na gaya nuong panahon ng Español ay walang ginawa kung hindi lumupig sa mga tao. Kaya hindi agad pinansin ang mga hamuki ni Taft, at nagpatuloy ang tingi-tinging pakikibaka sa iba’t ibang panig ng Pilipinas bagamang wala nang pag-asang manalo, at iilan-ilan na lamang ang nalalabing lumalaban. Torture

Madaling ibinalik sa pakikibaka sa iba’t ibang lalawigan ang mga Philippine Scouts upang makatulong sa PC at sa hukbong Amerkano dahil sila ang pinakamahusay tumunton at sumupil sa mga nakikibaka, gaya ni Federico Isabelo Abaya, isa sa mga nagpatalsik sa mga Español sa Ilocos Sur. Siya ang nagbuo at namuno ng sandatahang Igorot na kasama-sama ni Antonio Luna sa paglusob sa Caloocan nuong Febrero 1899. Nag-guerrilla si Abaya at patuloy na nakipagsalpukan sa mga Amerkano hanggang sa mapatay siya nuong Mayo 3, 1900.

Sa Bohol, bagama’t isinuko ang buong pulo sa mga Amerkano ni Bernabe Reyes, naghimagsik si Pedro Samson dahil hindi maatim na pailalim sa mga Amerkano. Mahigit 2,000 sandatahan ang naipon niya, may kasamang Waray-waray mula sa Leyte at Samar, at ilang Ilonggo mula sa Panay. Nuong Marso 10, 1901, isang pangkat niyang pinamunuan ni Capitan Gregorio Casenas ang natambangan ng mga Amerkano sa Lonoy, Jagna, Bohol. Walang pinayagang sumuko, pinatay ng mga Amerkano ang lahat ng 406 Pilipinong kasama sa pangkat sa tinawag na Lonoy massacre.

Maraming nagalit sa akin dahil sa Pilipinas, sabi minsan ni Pangulo McKinley ng America, ngunit wala akong sala, hindi ko kagagawan ’yon. Binaril si McKinley ng isang sira ang ulo, si Leon Czolgosz, nuong Septiembre 6, 1901, sa Buffalo, New York, at namatay pagkaraan ng isang linggo. Pinalitan siya ni Theodore Roosevelt, bayani ng paglusob sa Cuba at naging ika-26th Pangulo ng America. Binitay si Czolgolz nuong Octobre 29, 1901. Massacre

Kamamatay pa lamang ni McKinley nang maraming babae ang nagsimba nuong gabi ng Septiembre 27, 1901, sa kabayanan ng Balangiga, Samar. May dalang mga kabaong ang mga matipunong babae na nagkulong sa simbahan. Nang sitahin ng isang sargento ng 74 sundalong Amerkano ng 9th US Infantry Regiment, na destino duon, nakita ang bangkay ng isang bata sa loob ng kabaong. ‘El Colera!’ ang pahayag ng isang babae, kaya hinayaan ng sargento. Madaling-araw kinabukasan, sinamahan ni Pedro Sanchez, pulis ng Balangiga, ang 80 tagapaglinis ng kabayanan. Sa ika-6:30 ng umaga, inagaw ni Sanchez ang baril ng bantay na Amerkano at pinukpok sa ulo. Nagpaputok si Sanchez, at tumaginting ang kampana ng simbahan. Sugod mula sa simbahan ang mga sandatahang Pilipino, ang mga nagbalatkayong mga babae, hawak-hawak ang mga itak na naipuslit sa loob ng mga kabaong. Pinagtataga nila ang 73 sundalong Amerkano na inabutang nag-aalmusal sa kanilang mga tolda [tents]. May 48 ang napatay at 22 ang nasugatan bago nakapagtanggol ang mga Amerkano at pinagbabaril ang mga Pilipino; mahigit 200 ang nabaril nilang Pilipino bago nakaurong sa himpilan ng mga Amerkano sa katabing nayon ng Basey.

Ang paglusob sa Balangiga ay pakana ni Pedro Abayan, presidente municipal o mayor ng Balangiga, sa tulong ng mga tauhan ni Vicente Lukban, pinuno ng mga naghimagsik sa Samar. Inanyayahan ni Abaya ang mga Amerkano, kunyari upang ipagtanggol ang kabayanan sa pandarambong ng mga Muslim at mga tulisan.

Bilang ganti, dinurog ang Balangiga ng mga sandatahan ni General Jake Smith, at ipinag-utos niyang patayin ang lahat ng lalaki sa Samar na may edad na 10 taon o higit pa. No prisoners! ang habilin niya kay Major Littleton Waller, sunugin at patayin silang lahat! Sa loob ng 2 linggo, 39 taga-Samar ang pinatay ng pangkat ni Waller, at mahigit 250 bahay-bahay ang sinunog. Hindi na nabilang ang pinatay ng iba pang pangkat ng mga Amerkanong pinasugod ni General Smith upang maghiganti sa Samar. Dahil sa kalupitan, nilitis si General Smith sa America at pinaalis sa hukbo. American Atrocity

Ngunit lawak ang pagmamalupit sa buong kapuluan. Ginamit ng mga Amerkano ang mga PC at Philippine Scouts upang pahirapan ang mga tao hanggang ibunyag ang pinagtataguan ng mga naghimagsik o ng kanilang mga sandata. Marami ring mga baranggay at kabayanan sa Luzon at Mindanao ang winarak at sinunog, hinakot ang mga naninirahan sa ibang pook, winarak at sinunog ang mga palayan at babuyan. Sa ika-3 taon ng digmaan, lumaganap na ang pagkamuhi ng Amerkano sa mga Pilipino. At ng Pilipino sa mga Amerkano. Gimbal sa kalupitan ng mga kapwa, ilang sundalong Amerkano ang tumakas at nakitago sa mga Pilipino. Sa Ilocos Sur, naitala pa ang kanilang mga pangalan, sina William Hyer, John Wagner, Edward Walpole, Harry Dennis at si John Allance, dahil namarati sila duon kahit na pagkatapos ng digmaan at nag-alisan na ang mga sundalong Amerkano. Nag-asawa at nagpamilya na sila sa Ilocos at Manila.

Ngunit hindi lamang mga Amerkano ang nagmalupit sa mga Pilipino. Pati na ang mga namundok na sandatahang Pilipino ay nagparusa sa mga mamamayang ayaw tumulong lumaban sa mga Amerikano. Binitay ng mga Amerkano sa Ilocos Sur si Francisco Celedonio nuong Agosto 30, 1901, bilang isang kriminal dahil sa pagpatay niya kina Basilio Noriega Sison, presidente municipal o mayor ng Cabugao, at ang kanyang manugang, si Benigno Sison y Suller, dahil sa pagkampi ng mga ito sa mga Amerkano.

Ipinadukot at pinapatay din ni Miguel Malvar, pinuno ng mga namundok sa Batangas at Tayabas, ang sinumang kumampi sa mga Amerkano, o sinumang ayaw tumulong sa mga naghihimagsik. Inihayag niya nuong Julio 31, 1901, 4 buwan matapos kumampi si Aguinaldo sa mga Amerkano, na siya na, si Malvar, ang panibagong supremo ng Katipunan. Ngunit hapo na ang mga Pilipino sa kalupitan mula sa magkabilang panig. At unti-unti nang naaakit ang marami sa anyaya ng Amerkano na magtayo ang mga tao ng sarili nilang pamahalaan. Si Malvar man ay umamin ng pagkatalo at walang isang taon mula ng pahayag niya nang pagiging supremo, sumuko siya sa mga Amerkano nuong Abril 16, 1902. Sumuko na rin si Arcadio Maxilom sa Cebu nuong Octobre 1901. Sa Bohol, sumuko naman si Pedro Samson nuong Pasko ng 1901. Nang madakip si Vicente Lukban sa Samar nuong Pebrero 27, 1902, wala nang naiwang namumundok pa maliban sa mga tulisan at mga mandarambong, na sinarili nang puksain ng PC.

Kaya naihayag ni President Roosevelt ng America nuong Julio 4, 1902, ang katapusan ng digmaan sa Pilipinas. Hinayag din niya ang kapatawaran [amnesty] sa lahat ng sumuko at namuhay nang mapayapa. Umabot sa 125,000 sundalong Amerkano ang napalaban sa halos 4 taong digmaan, mahigit 4,200 ang napatay, kulang-kulang 3,400 ang sugatan. Mahigit 600 milyong dolyar ang nagastos ng America sa pagsakop sa kapuluang binili ng 20 milyon dolyar lamang mula sa España nuong 1898. Sa mga Pilipino, mahigit 34,000 ang napaslang na sandatahan at halos 200,000 ang nasalantang mamamayan sa labanan, gutom o sakit na umiral dahil sa digmaan. Marami ang namatay sa cholera na lumaganap nuong 1901 Bilanggo] hanggang 1903; kabilang dito si Apolinario Mabini sa Nagtahan, nuong Mayo 13, 1903.

Nuong Mayo 1902, sinimulan ng mga Amerkano ang puspusang paglupig sa mga Muslim sa Mindanao dahil sa mga galaw ng mga ito ng pagkalas mula sa Pilipinas at malamang, sa takot ng mga Amerkano, pagsapi sa mga British na sumasakop sa Malaysia nuon. Libu-libong Pilipino scouts ang kasama ng hukbong Amerkano na sumugod sa mga kuta ng mga Muslim sa Binadayan at Pandapatan sa Lanao. Sa mga sumunod na buwan, lumawak ang sagupaan sa Mindanao.

Maligayang bati! sulat ni Andrew Carnegie, makapangyarihang millionario sa America at isa sa mga tutol sa pagsakop sa Pilipinas, matapos ibalita ni Pangulo Roosevelt ang katapusan ng digmaan sa Pilipinas, sa pagtatapos ng pag-sibilisa sa mga Pilipino. Nasabing may 8,000 sa kanila ang ginawang lubusang sibilisado at ipinadala sa kabilang-buhay!

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod