Igorot

Sino Ba Tayo?

Puwit ng Ita, di makita
- Tukso ng mga bata

MAY MGA Pilipinong may pagka-Hapon, pagka-India [Bumbay] o iba pang lahi [sa bilangan nuong 1990, natuklasang may mga taga-Zambia at taga-Monaco sa Pilipinas], ngunit kaunti lamang sila at munti ang bahagi nila sa bayan. Ang 4 na pinakamalaki ay ang Negrito, ang mga Magdaragat [Austronesians], ang Español at ang Amerkano. Tatalakayin silang isa-isa sa mga susunod na yugto.

Negrito, sabi ng Español, ang munting Negro, mukhang pygmy ng Africa, pandak, maitim, kulut-kulot ang buhok, natuklasan sa pulo na pinangalanang Negros, sa tabi ng Panay. Ngunit wala silang kaurian sa mga Obongo, Akka at Batwa, ang mga pigmy ng Africa. Hindi na rin tinatanggap ng mga Pilipinong tagasaliksik [researchers] at tagasalaysay [historians] ang taguri sa mga Aeta, Ati at iba pang tinawag na Negrito dati.

Nuong kauna-unahan pa, 2 na ang uri ng Negrito: Ang mga taong-gubat at ang mga taga-dalampasigan. Kapwa nakauri ng maraming pangkat galing sa Indonesia, Malaysia, Vietnam at China, ngunit lubhang higit nakaugnay ang mga taga-dalampasigan at sila ay nasanib na sa karamihan at hindi na tangi, naging pangkaraniwang Pilipino na lamang.

Ang mga taong-gubat, ang gamay turingan ngayong Negrito, ay hindi lamang nakaugnay kundi ginaya pa ng ilang pangkat-pangkat galing sa Indonesia at Malaysia, marami ay mula Borneo, na kinalimutan na ang pagdaragat at nangahoy na rin sa mga bundok. Ayaw sumanib sa nakararami, ayaw sumamba sa mga bagong panginoon, ayaw sumunod sa mga bagong gawi at ugali ng mga nagsasapi-saping mga baranggay na unti-unting nagiging nayon, kabayanan, lalawigan at bayan. Marami sa kanila ay umiiwas sa kapwa nilang taong-gubat. Pamilyang Mangyan

Silang lahat ngayon ang itinuturing na Negrito, ang mga napag-iwanan, ang mga ibang gawi, ang mga hindi sibilisado, ang mga primitibo. Ang mga Aeta ng Luzon, ang mga Ati ng Visayas, ang mga Mangyan ng Mindoro at ang mga pangkat sa Mindanao, Palawan at katabing pulo-pulo ng Calamian. Isinama na rin ang mga Igorot kahit na pirmihan silang nanirahan sa mga bara-baranggay dahil ilang daang taon silang pilit humiwalay sa mga kalapit.

Maliban sa mga Igorot, ang mga Negrito ay namumuhay sa pagkakaingin, pangangahoy sa gubat, at pamimitas ng mga halaman at prutas sa paligid. Sumasampalataya sila sa kanilang mga ninuno, naniniwala sila sa mga espiritu sa gubat, at panalig sila na lahat ng mga bagay sa paligid ay may kani-kanilang kaluluwa, ang mga puno, tubig, ulap, hayop, pati na ang mga ginagawa nilang gamit at inuukit na estatuwa ay nagkakaroon ng kaluluwa.

Mahigit 100,000 na lamang ang hiwa-hiwalay na Mangyan sa Mindoro: Ang mga Alangan, Bangon, Batangan, Buhid, Iraya, Nauhan, Ratagnon, Tagaydan at ang Hanuno. Dati silang palaboy sa dalampasigan ngunit naitaboy sa mga gubat at bundok ng mga dayo. Sa liblib sila naglalagi, sa karaniwang 10 - 20 maliliit na kubong magkakatabi. Ang bawat kubo ay bahay ng ilang pamilyang magkakamag-anak; bata nag-aasawa ang mga babae, madalas kasama sa bahay ang kanilang mga ina. Nabubuhay sila sa kamote, gabi, saging at iba pang gulay na tanim sa paligid. May ibang nag-aalaga ng baboy at manok; mahilig magnga-nga, pati mga babae. Wala silang kinikilalang pinuno, ang mga matatanda ang nagpapayo sa kanilang buhay-buhay. Kapag nagkakasakit, ang lunas lamang nila ay pag-awit at pagdasal ng matandang may galing makipag-ugnay sa mga kaluluwa at espiritu sa paligid. Kapag may namatay, ililibing sa tabi at gagawa ng bagong kubo sa malayo, nang hindi mabalam ng kaluluwa ng namatay.

Inaangkin ng mga Hanuno na sila ang tunay na Mangyan; kaiba sila, at hawig sa ibang pangkat sa Mindanao at hinuha na duon sila galing. Marunong silang maghawi ng tela, karaniwang nagdadamit ng makukulay, gumagawa ng mga gamit mula sa rattan at kawayan; gumagawa rin sila ng kuwintas at ibang alahas. Marunong silang bumasa, gamit ang sariling baybayin na may 48 titik, - inuukit nila sa kawayan, kahoy o mga gamit tugtugin. Mangyan aral

Urukay ang tawag nila sa mga aral na inaawit ng mga matatanda tuwing may kasiyahan o pagdiriwang; ambahan, hawig sa bugtong, ang gamit naman ng mga kabataan sa pagliligawan.

Gumagawa sila ng gamit tugtugin mula sa kahoy at buhok ng tao - ang gitarang kudyapi na may 6 na buhok, ang violin tawag na gitgit na may 3 buhok, ang kawayang pito, kinaban [flute sa English], at ang marimba na tinawag na kalutang.

Sinasabing dinatnan ng mga Mangyan ang mga Negrito sa Mindoro 600 - 700 taon SN at, naitaboy man nila mula sa mga dalampasigan, hindi naman nila inapi at kuway nakipagkalakal pa, lalo na ang mga gintong iniluluwas ng mga Negrito mula sa bundok. Ang ginto ang naging batayan ng kalakal ng mga Mangyan sa mga nagpapabalik-balik na Intsik nuong kaharian ng Sung at ng Ming nuon ika-13 sandaang taon [13th century]. Hinayag ng mga Intsik ang kalakal sa pulo na tinawag nilang Mait, ang pulo ng ginto o Min-o-Lo. Ang kalakal naman ng Intsik, lalo na ang kanilang mga banga at mangkok, ang umakit sa mga taga-ibang pulo na magkalakal sa Mindoro, pati na marahil ang mga Hanuno, kaya masagana ang mga Mangyan hanggang dumating ang mga dayong Muslim na nagtaboy sa kanila sa bundok, gaya ng nangyari sa mga Negrito dati sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Walang sukat ang poot ng mga Español nang matuklasan nilang mga Muslim ang ilang Hanuno nuong ika-16 sandaan taon [16th century] at pinuksa nila hanggang sa looban at bundukin ng Mindoro. Napasamang naapi at nalipol ang lahat ng mga Mangyan at Negrito sa matagal na digmaan. Ngayon, patuloy pa rin ang pagkaapi at pagtataboy sa mga Mangyan ng mga dayo mula sa Luzon at Visayas, at ang pagsira ng mga loggers sa kanilang mga kaingin at pananim sa bundok. Batak tao

Hintay muna: Bakit hindi sabihing tribo sila?

Marami ang gumagamit ng tribo pagtukoy sa mga Negrito ngunit kung tutuusin, ang tribo ay sapin-saping maka-politica [political hierarchy] ng pinuno at mga kabig, ng mga sunud-sunuran [followers], ng mga utusan at, kung gawi, ng mga alipin. Isang malaking dahilan namundok, naggubat at humiwalay ang mga Negrito ay upang makaiwas sa ganuong politica, upang huwag magkaroon ng sinusunod na tagapag-utos. Isang gawi ng mga Negrito ay magpulung-pulo nang pami-pamilya o angkan-angkan [clans] lamang. Ayaw nilang kumilala ng pinuno, kahit na datu. At ayaw din nilang magkumpul-kumpol nang maramihan, dahil marahil sa uri ng pamumuhay na pinili nila, ang magkaingin na sapat magpakain sa pamilya o angkan lamang.

Kaya ang tawag sa kanila bilang lost tribes ay mali, sapagkat hindi sila naging tribo kahit kailan.

May kalakihan ang pangkat-pangkat ng mga Pala-uwan na gumagala sa pulong pinangalanan sa kanila. Nagkakaingin at nanghuhuli ng baboy-damo, gamit ang sibat at sumpak. Marunong silang sumulat at bumasa sa hindi kilalang baybayin na may 16 titik, 3 patinig [vowels] at 13 katinig [consonants]. Mahilig silang umukit ng kahoy [woodcarving] at humawi ng buslo at sisidlan na gawa sa rattan o kawayan. Batak Indo

Unti-unting nawawala ang mga Batak, ilang libo na lamang sila sa hilaga ng pulo ng Palawan, patagu-tago sa gubat, nangangahoy at kumakain ng gabi, gulay at prutas. Mahilig magsabit sa buhok at katawan ng bulaklak, kabibi at makukulay na bato. Magaganda ang hawi nilang buslo at ukit na kawayang pito. Maaaring ilan sa kanila ay anak-anakan [descendants] ng mga Negrito at ng mga dayong Batak mula Sumatra, sa Indonesia, na bantog sa pagiging masalungat at ayaw makisama sa iba, at ayaw sumamba sa Islam. Pilit na sumasamba sa kanilang mga anyitos kahit na mamundok sila at makipag-digmaan sa ibang mga taga-Indonesia. Ipinagmamalaki pa nila ngayon ang kanilang pagiging kakaiba at masalungat.

Ang malalaking pangkat-pangkat ay ang mga Tagbanuwa o Taga-Banwa, ang mga taga-bayan. Pandak, balingkinitan at tuwid ang buhok nila, mahilig sa pula at makukulay na damit, mahusay mag-ukit ng kahoy at maghawi ng sisidlang rattan, kawayan, buri o pandan. Mahilig mag-alahas ang mga babae. Sumasamba sila sa mga anyito na tinatawag nilang mga diwata. Marunong silang bumasa at sumulat, inuukit sa kawayan, gamit ang lumang baybayin mula India. Ifugao

Malungkot ang kinabukasan ng ibang pangkat-pangkat sa Palawan, unti-unti silang nawawala. Ang mga Ken-uy ay mga taga-bundok sa tabi ng Quezon. Ang mga Kalamian ay nalalagas sa mga mga pulong pinangalanan sa kanila, ang Calamianes. Dalawang tao-tao ang naninirahan sa mga kuweba, ang mga Tagabato sa tabing pulo ng Coron, at ang mga Taut-bato o taong bato, sa liblib ng Singnapan. Ang kinakain nila ay mga prutas, gabi, palaka, talangka at paniki. Tuwing nakapatay ng hayop sa pangangahoy, nag-iiwan sila ng munting kahoy o bato na inukit sa hugis ng hayop na pinatay - kapalit ng kakaining hayop.

Ang mga taga-Gitnaang Cordillera, ang tinawag na mga Igorot, ay bantog sa pagkahig at pag-ukit ng mga bundok na ginawa nilang suson-susong taniman ng palay [rice terraces] nuong bago pa ipanganak si Jesus Christ. Dati rin silang bantog sa pagiging mapusok at pagpugot ng ulo ng tao; pagkatapos lamang ng panahon ng Hapon lubusang napigil ang pagpupugot nila. Pugot

Ang lahat ng iba’t ibang pangkat ay tinawag na Igorot, mula sa tawag sa bundok, gulot o gulod, at kinabibilangan ng mga Apayao o Isneg, Kalinga, Kankana-ey, Bontoc, Benguet o Ibaloy, at Ifugao. Mahilig silang uminom ng tanging alak gawa sa kanin [rice wine] na tinawag nilang tapwey [saki ang tawag sa Japan], at pangkaraniwang alak [table wine] gawa sa kamote na tinawag na sabeng. Ayon sa mga Benguet, ang alak ay alay ng kanilang tagapagtanggol na diwata.

Mayroon silang gawi ng pagbabahay nang sama-sama ang mga lalaki sa isang kubong tinawag na dapay ng mga Kalinga, at ato ng mga Bontoc, samantalang ang mga babae ay nasa kahiwalay na kubo, tinawag na egban o olog. Kapag inaanyayahan lamang ng babae maaaring pumasok ang lalaki sa kubo ng mga babae. Karaniwan sa gabi ng pag-ani ng palay, pagkatapos ng buong araw na ligawan at kantiyawan, puno ng lalaki ang egban o olog. Ikinahihiya ng mga Bontoc, ang pinakamarami at pinakamaunlad sa mga Igorot, ang lalaking ayaw pakasalan ang babaing nabuntis.

Hindi kailangang pakasalan, inaako ang anak ng nabuntis ng buong pangkat ng mga Kalinga, ang pinaka-kaiba sa lahat. Ang mga Kalinga ang tanging nakapagpa-iral ng kasunduan ng payapa [peace treaty] sa mga katabi - sa halip ng ulo ng pumatay, binabayaran na lamang ng kalabaw o kayamanan ang mga kamag-anak ng napugutan.

Ang nakihalong maigi sa mga hindi Igorot dahil sa kalakal ng ginto ay ang mga Kankana-ey at ang mga Benguet, namamahay sa paligid ng Baguio City, bantog sa pagluluksa sa patay, umaabot kung minsan ng 2 buwan, kaugnay ng pagsamba sa mga ninuno. Nalimutan na nila ang dati nilang paggawa ng mummy sa kanilang mga patay; may natuklasan bangkay nuong 1908 na mahigit 500 taon ang tanda. Pinagkakasunduan ng mga magulang ang pag-aasawa ng mga anak, madalas bago pa ipanganak ang mga magiging mag-aasawa.

Ang mga Kankana-ey ay bantog sa pagmina ng ginto. Sa halip na magpalay sa rice terraces, mahilig silang magkaingin na lamang, at laging may nakabaong tapwey o alak [mula sa arrach, tawag ng Español sa panglasing na gawa sa kanin] sa ilalim ng kubu-kubo nila. Ang pinakamatanda sa bawat pangkat ang itinuturing na pinuno. Kapag ang mag-asawa ay hindi nagkaanak pagkaraan ng 5 taon, pilit na pinaghihiwalay at ipinakakasal sa iba. Igorot

Ang mga Apayao ang tanging Igorot na hindi sumasamba sa kanilang mga ninuno; sa halip, si Ang labbang ang kanilang panginoon at tagapagtanggol. Sumasamba rin sila sa mga anyito at kaluluwa ng mga bagay sa pali-paligid.

Punggok ngunit matipuno, ang mga Ifugao nuong unang panahon ay hubad-dibdib [topless], babae at lalaki, at tadtad ng tattoo na nagpapalamuti ng kanilang katawan at, sa mga lalaki, nagpapahiwatig kung gaano silang kagaling pumugot ng ulo. Ang mga ulo, dating sinasabit nila sa harap ng kanilang kubu-kubo o kubakob, ay malaking karangalan sa kanilang lipunan [status symbols]. Nuong unang panahon, kinailangang pumugot ng ulo ang binata bago nakapag-asawa. Mahilig silang magsabit ng kuwintas at hikaw, at magsuot ng singsing [porcelas] sa bisig at binti. Mahaba at nakapusod nang kakaiba ang buhok ng mga babae; ang buhok ng mga lalaki ay gupit sa hugis ng bao ng niyog.

Malagkit na kanin, tinatawag nilang diket, ang nais ng mga Igorot; sila malamang ang nagsimula ng pinipig sa Pilipinas, baka pati suman sa lihiya. Dinadagdagan nila ng kamote at sayote ang pagkain, lalo na kung nauubusan sila ng kanin kapag tag-ulan at wala pang ani. Wala silang paki sa pag-aari ng lupa, ngunit dinidigma nila ang simumang umagaw o yumurak sa kanilang tirahan at taniman. Pinagyayaman nila ang kanilang mga palayan, salit-salit ang tanim, at binabayaang tiwangwag nang ilang taon ang tigang na lupa upang “makabawi,” muling maging mataba at mapagyabong.

Kung saan nagmula ang mga Igorot ay pinagtatalunan pa ng mga nag-agham [scientists]. Ang lipunan daw nila ay hawig sa mga Dayak ng Borneo at ilang pulo sa Indonesia. Mayroon ding mga suson-susong palayan sa Japan, timog-silangan ng China, malapit sa timog-tuktok ng Vietnam, at sa magkatabing pulo ng Java at Sunda, sa Indonesia. Kubo Ifugao

Ang mga Igorot, ang sabi, ang malamang unang nagtayo sa Pilipinas ng kubong gawa sa kahoy. Lahat ng ibang kubo ay gawa sa kawayan nuong unang panahon. Isang katangian ng mga kubo ng Igorot ay walang pako: inuukit at nilalapat lamang nila ang mga dugtong ng mga kahoy. Ang bigat ng bahay mismo ang nag-iipit sa mga kahoy upang hindi magkalas-kalas.

Sa buong Silangan, ang mga Hapon lamang ang gumagawa nang ganitong uri ng bahay na kahoy na walang pako. At ang Hapon at ang Igorot, tangi sa buong Asia, ang mahilig kumain ng kaning malagkit; lahat ng ibang tao ay buhaghag na kanin ang ibig. Saka pa, mahilig din ang Hapon sa kanilang saki, ang tapwey ng mga Igorot [rice wine sa English]. Matalinghaga ngunit nakakalito ang isiping may kaugnayan ang mga Igorot sa mga Hapon dahil walang hayag na katibayan maliban sa magilas na kalakal sa mga palayok at banga ng mga Hapon sa Pilipinas mula pa nuong unang panahon at natigil lamang nang ipagbawal ng mga Español.

Isa pang kaguluhan sa usapan ng mga nag-agham: Sa liblib malapit sa sitio Pabatay, sa Potia, silangang Ifugao, may natagpuan nuong 1968 na malaking pader, higit 2 metro ang kapal at 5 metro ang taas. Akala nuon, ito ang sirang Kuta Isabela ng Español na mahigit 200 taon ang tanda ngunit nang napag-aralan ang mga gamit duon, natiyak na 4,000 libong taon ang tanda ng pader. Ano ang ginawa, at bakit nagtayo ng ganoong kalaking pader na bato ang mga taong walang bakal at naninirahan lamang sa mga kubo-kubo?

 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod