Ilan Ang Kakain?
Hay uya-uy di puntupong hi kinadangyan di ohan tago
Sa pagpapakain nakikita ang pagkatao
- Kasabihan sa Ifugao
Dapat nating bigyan ng kaalaman at kakayahan ang mga kabataan
upang sa kanilang paglaki, sila ay maging responsableng
mamamayan na kayang buhayin ang kanilang mga sarili
- Gloria Macapagal Arroyo, Pangulo, Abril 17, 2002
NAGBAGO ang bawat Pilipino nuong Noviembre 11, 1849.
Inutos ni Narcisco Claveria y Zaldua, gobernador general ng Pilipinas nuon, na magka-apelyido at magpatala ang bawat mamamayan. Ang nakararami nuon ay hindi marunong bumasa at sumulat. Marami rin sa nautusang tagapagtala sa mga munisipyo at simbahan ay bahagya lang nakaunawa ng binabasa, kaya kahit may listahan ng maaaring gamiting piliing apelyido, marami ang nagkahawig ng pangalan.
Ang mga nagtatak lamang ng X [ekis] ay nalistang may apelyidong Cruz. Ang mga nagtatak ng bilog, nagka-apelyido ng Santos [halo o bilog na liwanag sa ulo ng mga santo]. Ang mga nabinyagan na, naging pamilya ng Bautista. Pumili ang iba ng apelyidong Español na maganda ang tunog ngunit walang ugnay sa mga ninuno, De Leon [taga-Leon sa España o Lyon sa France], Villareal [baranggay ng hari]. Ang pagka-Intsik o pagka-Bumbay ng iba ay nawala nang gawing apelyido ang buong pangalan, Cojuangco, Limcauco, Bagatsing. Pati apelyidong Pilipino ay nawalan ng ugnay, naiba pa ang bigkas, Macapagal [makaPAgal o maka-Diyos], Gatmaitan [anak-anakan ng nagtatag ng baranggay sa Laguna, si Gat MaIT`an?], Lacsamana [anak-mayaman, ‘laksa’ o marami ang ‘mana’], Manalastas [kalihim o scribe] .
Bago-bago, ang mga nakaalam ng pangalan ay ang mga kilala lamang kaya hindi kinailangan ang apelyido: Alam ng mga iyon kung sinu-sino ang magpami-pamilya. Pagkatapos, hindi na kailangang makilala upang malaman kung sino. Kung sino ang naglako, kung sino ang bumili, kung sino ang yumaman, kung sino ang nakatalang nagbayad ng buwis.
Sapagkat kinailangan ng Español ang salapi, pambayad sa pamahalaan ng Pilipinas. Nang hindi nagkasya, sinundan nuong 1868 ng cedula, 3 piso taon-taon, bawat mamamayan. Ang hindi nakabayad, kinailangang magsilbi nang katumbas sa pamahalaan.
Kung ang apelyido ay nagbago sa katauhan, ang cedula ang nagbago sa kabuhayan. Binayaran ng Pilipino, taon-taon, ang karapatan niyang mabuhay, kesyo kumita siya o hindi, kesyo mayaman siya o pulubi.
Hindi pa rin nagkasya ang salapi; 5 milyon na ang tao nuon sa Pilipinas, ngunit hindi nakapagtaas pa uli ng buwis ang mga Español dahil pinalayas na sila. Pumalit ang mga Amerkano at isinali ang Pilipinas sa bilangan nuong 1900 census upang matiyak at maisama sa taunang tala ng gastusin bayan [national budget] sa napipintong mga gawain at silbihang bayan [public works and civil service].
Pitong milyon ang mga Pilipino nuong 1900.
Sa unang taon ng Republika ng Pilipinas nuong 1946, nagbilangan uli at 18 milyon Pilipino ang naitala. Sa bilangang pambansa nuong 1990, mahigit 60 milyon ang mga Pilipino. Nuong 1995, 68 milyon. Hagibis ang danak ng tao. Bumabagal na nang kaunti, ayon sa National Statistics Office. Ngunit mabilis pa rin ang pagdami. Lumagpas na ng 76 milyon nuong taong 2000, sabi ng Commission on Population sa Manila. Nuong Julio 2002, mahigit 84 milyon na ang mga Pilipino, tantiya ng CIA o Central Intelligence Agency, ang taga-espiyang alagaran ng America; samantalang 81.4 milyon naman ang tantiya ng APEC o Asia-Pacific Economic Cooperation. Alin man ang tunay na bilang, lubhang marami nang Pilipino.
Hintay muna: E, ano ngayon kung maraming Pilipino?
Sa pagbulwak ng mga tao, mula sa 7.6 milyon nuong 1905 hanggang maging 16 milyon nuong 1939, nagkagipitan sa lupa, naging higit ang dami ng tao kaysa dami ng trabaho, at nagkagipitan sa salapi. Kahit na lumawak ang mga palayan, mula sa 1.3 milyon hektarya nuong 1903, naging 4 milyon nuong 1939, dumami rin naman ang mga tao, at ang mga magbubukid. Kaya nagsimula nang magkahigpitan sa bigas. Ang lahat ay nakadama: Ang mga maykaya, nagtaas ng halaga ng mga paninda o nilakihan ang hamig nila sa mga ani sa bukid. Ang mga magbubukid at mga manggagawa ay lalong naging dukha sa pagtaas ng mga bilihin, sa pagliit ng kanilang bahagi ng ani, sa pagbaba ng kanilang kita dahil hindi tumaas ang suweldo katumbas ng pagtaas ng mga bilihin.
Sa ulat ng APEC nuong Julio 2002, ang magkatugmang pagdami ng mga Pilipino at ng mga walang hanap-buhay:
Nuong 2001, tantiya na mahigit 500 piso isang araw ang kinita ng bawat Pilipino kung pantay-pantay ang hatian, ngunit simula pa nuong 1939, timbuwang na ang bahagian ng yaman, at nakalamang ang mga mayaman. Sa bawat 10 pisong kita ng bawat 10 tao sa Pilipinas, halos 4 piso ang napunta sa isa lamang, ang pinakamayan. Sa 6 pisong sukli, 5.85 piso ang pinag-agawan ng 8 sa bawat 10 Pilipino. Ang nalabing 15 sentimos ay laan sa pinakadukha sa bawat 10 tao. Ang pinakadukha, sa madaling sabi, ay patay-gutom.
Hinayag ng PIDS [Philippine Institute for Development Studies] nuong Marso 2002 na ang pinakadukhang 2 sa bawat 5 Pilipino ay nabubuhay sa 37.50 piso lamang isang araw. Nuong 1988, ang kinita ng 2 dukha ay 44 piso sa isang araw, kaya lalong naghirap ang mga mahirap pagkaraan ng 14 taon. Lalong masidhi daw ang kahunghangan sa ARMM [Autonomous Region of Muslim Mindanao], 7 sa bawat 10 mamamayan duon ang gutom, at 4 daw sa 7 ay malamang mamatay sa gutom. Marahil dahil sa gutom maraming patayan at kidnapan duon. Inihayag naman ng World Bank, sinang-ayunan ng maraming dalubhasa, pati mga Pilipino, na ang mabilis na pagdami ng tao ang isang malaking dahilang marami ang gutom sa Pilipinas. Araw-araw, taon-taon, habang-buhay.
Tantiya nuong 2001 na isa sa bawat 10 Pilipino ang walang hanap-buhay, at 2 sa bawat 5 pamilya ang hindi kumikita nang sapat upang buhayin ang mga sarili [below poverty line], nabubuhay lamang sa tulong ng ibang tao o ng pamahalaan. Ngayon pa, hirap na sa bigas; tuwing bagyo, tumataas ang bilihin ng pagkain sapagkat nasisira ang pananim at, dahil sa dami ng tao, walang naiimbak na pagkain na maaaring gamitin o ilabas upang punuan ang kakulangan. Maliban sa binhi, kinakain ang bawat salop ng palay na inaani taon-taon. Tunay na isang kahig, isang tuka ang hanapang-buhay [economy] ng Pilipino. Ano ang mangyayari kung sa bawat kahig, 2 ang tutuka? O 3?
Balisa ang pamahalaan, pati na ang United Nations, baka umabot ng 115 milyon ang mga Pilipino sa 2020. Walang ganuong karaming bigas sa Pilipinas. Walang pambili ang pamahalaan ng ganuong karaming palay. Walang ganuong kalaking basurahang mabubungkal ang mga magugutom.
Ilan sa 115 milyong Pilipino ang kakain, sa taong 2020?
Sa bawat 5 hektarya ng lupa sa Pilipinas, 1 lamang ang maaaring taniman, 4 ay batu-bato o salat. Baka kailangang sakupin ang Borneo, puksain ang lahat ng tagaruon nang maparami ang palayan. O baka Indonesia ang lumusob, siksikan din ang pulo-pulo nila. Kaya balisa ang United Nations at mga katabing bayan. Pati ang sapian ng mga Pilipino sa kalakal at gawaan [Philippine Chamber of Commerce and Industry] ay nanawagan sa pamahalaan na pagtibayin ang adhika ng pagsupil sa pagdanak ng mga tao [population policy] nuong Junio 2002, upang maiwasan ang panganib ng sobra-sobrang dami ng mga Pilipino.
Hintay muna: Bakit ba dumami nang ganoong karami?
Maraming dahilan. Mahiligin sa anak, uso ang malalaking pamilya. Karaniwang mahigit 3 anak ang bawat pamilya sa Pilipinas nuong 2002. Karag-karag man ang mga pagamutan at health services, lalo na sa mga lalawigan, malaki rin ang nabawas sa mga namamatay sa sakit o sakuna. Ang tantiya nuong 2002, kulang-kulang 2 milyon ang ipinanganak, samantalang kalahating milyon lamang ang namatay sa Pilipinas. Kaya isa’t kalahating milyong tao ang nadagdag sa Pilipinas sa loob lamang ng isang taon. Saka, napag-inam pa ang panganganak kaya higit na maraming sanggol ang nabubuhay; nuong 2002, tantiyang isang sanggol ang naililigtas sa bawat 4 sanggol na dati ay namamatay. Napaghaba ang buhay pa mandin ng mga matatanda nang ilang taon, at ngayon ay umaabot na sa 72 taon ang mga babae, 65 taon ang mga lalaki.
Labag sa damdamin ng marami ang gumamit ng pagpigil magbuntis [birth control]. Sa pagsusuri nuong 2002 ng United Nations, 2 lamang sa bawat 5 pamilya ang gumagamit nito, karamihan pa ay natural method ang gamit, kaya maraming ‘sakuna’ o hindi sinasadya ang ipinanganganak. Labag sa batas ang magpalaglag ng sanggol [abortion]. Hanggang ngayon, binabalaan ng simbahang katoliko ang mga pinuno sa pamahalaan na maghihiganti sa halalan laban sa sinumang tumatangkilik ng mga pagpigil o magpalaglag, bagaman nagpahiwatig ang ilang Pilipinong obispo na tutulong sila sa adhika ng pamahalaang bagalan ang pagdami ng mga tao.
Hintay muna: Nakatatakot naman! Ano’ng mangyayari na?
Maaaring nangyayari na. Sa patuloy na pagdanak ng tao, nag-iba ang lipunan; maaaring sabihin nagbago ang bawat tao, gaya nang pag-iba nuong magka-apelyido at magka-cedula. Kahit hindi na pag-usapan ang pagbubungkal sa basurahan. O ang palasak na child sex.
Hindi pa nagtatagal, 7 sa bawat Pilipino ang namumuhay sa bukid; ngayon, 4 na lamang, marami pa ay hindi na nagsasaka kundi naninilbihan na lamang sa mga kalakal pananim [agri-business], ang sukdulan sa pagka-absentee landlord.
Dati-rati, ang yaman ng pamilya ay lupa. Ngayon, ilang mga anak pa ang naghihintay ng pamanang lupa? Bihirang anak na ang naiiwan sa lalawigan; kung kaya, lumuluwas na at naninirahan sa Manila, Cebu o iba pang lungsod. O ibang bayan.
Milyon-milyong Pilipino, iniiwan na ang pamilya, lumilikas sa ibang bansa at nagpapadala na lamang ng sustento mula China, Singapore, Hongkong, Japan, Australia, Holland, Italy, Canada at America. Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo mismo ang naghayag na malaking bahagi ng taon-taong gastos ng pamahalaan [national budget] ay nagmumula sa sustento ng mga lumikas na manggagawa [overseas workers remittances]. Tinawag silang ‘mga bagong bayani ng bayan’ ni Cory Aquino nuong Pangulo pa siya.
Milyon-milyong mga anak ang lumalaking walang ama o ina sa bahay, naghahanap-buhay abroad. Nagsisikap din silang matuto ng ibang wika, English, French, Italian, nang sila man ay makalikas din paglaki nila, pagdating ng panahong kailangan nilang magpakain sa sarili, sa pamilya, pangangailangang magagampanan lamang nila sa ibang bansa. Isa sa bawat 1,000 Pilipino ang umaalis nang tuluyan [emigration]; nuong 2001, kulang-kulang 85,000 ang umalis. At ito ang pinakamalaking pagbabago sa lipunan at sa bawat Pilipino, dahil sa hirap dala ng pagdanak ng tao, marami sa kanila ay may balak na umalis at hindi na magbalik.
Maraming Pilipino na ang naghahangad na maging hindi na Pilipino.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|