Luzon

Ang Ika-3 Kaharian

Mama, mamang namamangka, pasakayin yaring bata
Pagdating sa Maynila, ipagpalit sa kutsinta!
- Awit Sit-si-rit-sit

7 MILYON taon sa nakaraan, nagsimulang mabuo ang Luzon, ang naging ikatlong kaharian sa Pilipinas, nang nagputukan ang mga bulkan at unti-unting umahon sa dagat ang mga bundukin na naging 2 braso ng Luzon - ang Zambales sa kaliwa, sa gilid ng dagat ng timog China [South China Sea] , at ang bundoking Cordillera sa kanan, abot mula Ilocos hanggang dulo ng Bicol, sa tabi ng Pacific Ocean. Sa pagitan dati ay dagat, bagtas mula sa Lingayen Gulf hanggang Manila Bay. Sumulpot sa gitna ng hiwa ng dagat na ito ang bulkan ng Arayat. Sa loob ng libu-libong taon, pinuno ng ligwak ng mga bulkan at dausdos ng lupa mula sa 2 bundukin at ang hiwang dagat ay naging dalampasigan, tapos ay naging putikan, hanggang lubusang natakpan na ng lupa at naging malawak na kalatagang tinatawag ngayong Gitnaang Luzon [Central Luzon]. Kung kailan lamang napuno ang hiwa, may mga magdaragat na sa Luzon na namangka mula Manila hanggang Lingayen tuwing nagbaha sa tag-ulan.

Maraming ulat ng kung saan nagmula ang mga magdaragat, - sa China, Vietnam, Thailand, Malaysia, Borneo, Sumatra. Hindi matunton kung ang mga Naga, mga pugot-ulo [headhunters] sa hilagang India, ay nagmula o pinagmulan ng mga Ifugao, kahawig nila sa anyo at gawi. May isang hayag na marami sa mga magdaragat ay galing sa pook ng Malang sa Gitnaang Java, isa sa malalaking pulo ng Indonesia mga 2,300 taon SN, at namahay sa mga dalampasigan ng Luzon mula Manila hanggang Cagayan, sa hilaga. Hayag din na ilang pangkat ang lumikas sa nawawasak na kaharian ng Majapahit sa Java, Indonesia, mula nuong 1335 hanggang 1400, at nanirahan din sa Luzon sa ilalim ng isang makapangyarihang ‘Principe Balagtas.’

Sa namagitang 3,700 taon, ang mga magdaragat na nagsidanak, at ang mga tao na dinatnan nila, ay naging mga Kapampangan, Ilocano, Pangasinense, Tagalog at Bicolano. Mga magdaragat na sinakop at ginawang pusod ng ikatlong kaharian sa Pilipinas. Arayat

Kapampangan Mula Sumatra

O caca, o caca, San Fernando’t Wawa
Betis at Baculud sacup ning Menila

- Awit Kapampangan

SAYSAY ng mga Kapampangan na nagmula sila sa pinakamalaking pulo sa Indonesia, ang Trapobana*, na ngayon ay tinatawag na Sumatra. Mga likas at lagalag daw mula sa malawak na lawa [lake] ng Singarak, sa kanlurang bahagi ng Sumatra, ang mga ninunong Kapampangan na nagdala ng kanilang wika at gawi sa Luzon. Ayon ito sa 2 hayag ng mga Español nuong unang panahon:

Sa isang saysay ni Colin, isang binata mula sa Pampanga na napadpad sa Sumatra upang magkalakal ang nagimbal nang nakatagpo ng mga tagaruon na nagsasalita ng Kampampangan. Matapos ng mahabang usapan sa baranggay sa tabi ng Singarak, sinabi sa binata ng mga tagaruon,

‘Ikaw ay anakan ng mga tagaritong lumikas nuong matagal nang panahon upang maghanap ng panibagong pamamahayan, at lubusan nang naglaho at hindi na nabalitaan mula nuon.’

Ang mga likas mula Sumatra ay nanirahan sa mga pampang [riversides] ng malaking ilog na tinatawag ngayong Pampanga River, kinayas ang mga gubat at nagbukid, at umunlad hanggang masakop nila ang mga pali-paligid, pati na ang hilagang bahagi ng tinatawag ngayong Bulacan at Bataan. Hanggang maabot nila ang hangganan ng mga Tagalog sa paligid ng Manila, sa timog. Dahil sa kapal at lawak ng gubat sa silangan, hindi natawid ng mga Kapampangan ang ngayon ay tinatawag na Nueva Ecija. Hindi rin napasok ang mga bundok ng Zambales sa kanluran, mga bundok na nilipana ng mga Aeta na pumapatay sa sinumang dumayo. Malawak din ang gubat, at nilipana rin ng mga Aeta ang hilaga, kaya hindi narating ng mga Kapampangan ang mga sakop ng mga taga-Pangasinan. Matagal na ang mga Español sa Pilipinas, mga bandang 1690, bago nagtagpo ang mga kapwang dumadaming Pangasinense at Kapampangan sa tinatawag ngayong Tarlac matapos bilhin ang lupa mula sa mga Aeta, na nagsi-urong na sa Zambales dahil sa sinisimulang paglusob ng mga Español sa kanila. Ang pangalang Tarlac ay tawag ng mga Aeta sa “talahib” at ang tawag nila sa pook ay Malatarlac, o lupang puno ng talahib.

Singarak Gaya ng gawi sa iniwanang Sumatra, maka-ama ang mga Kapampangan, - walang gaanong kagampanan ang mga babae sa labas ng sariling pamilya - at karamihan ay nag-angkan-angkan. Ang pinuno ng angkan, karaniwang isa sa mga pinakamatandang lalaki, ang tagapag-payo sa mga suliranin ng mga nasa angkan, katulong ang iba pang mga nakatatandang lalaki sa angkan. Tagapag-ayos din siya ng away-away. Kapag hindi naayos, o kung ang kaaway ay kaibang angkan, ipinakikialam sa buong baranggay.

Ang baranggay naman nuon ay binuo ng 10 hanggang 20 angkan at pinamunuan ng datu na, sa tulong ng mga pinuno ng iba’t ibang angkan, ay tagapagpayo rin, at tagapag-ayos din sa mga away-way ng mga taga-baranggay. Kapag hindi na-ayos ang away, o kung ang kaaway ay taga-ibang baranggay, nagkakadigmaan at marami ang napapatay at higit na marami ang nagiging alipin.

Karaniwang tungkulin ng datu ay mag-payo kung kailan magtanim at mag-ani ng palay at iba pang mga pananim. Siya rin ang hukom sa mga sumbong at hablahan, kung hindi siya kasangkot sa mga ito. Kung kasangkot, ipinakikialam sa mga datu at mga pinuno ng mga karatig-baranggay. Bagaman at hukom, at karaniwang mana ng anak ang pagka-datu, hindi “hari” ang datu. Inaasahang tutupdin niya ang mga pasiya ng mga pinuno ng mga angkan sa baranggay, at karaniwang pagtanda, pinapalitan siya ng anak o sinumang higit na maalam o malakas sa mga magiting. Maliban sa mga alipin at mga pinuno o mga magiting, ang daig-karamihan [vast majority] sa mga Kapampangan sa bawat baranggay ay mga timawa o mga karaniwang tao.

Si Miglalang ang sinamba ng mga Kapampangan na lumikha ng daigdig. Naniwala rin sila sa mga maglaye o multo, sa magkukutud o mangkukulam, sa patianak o tiyanak, sa nuno sa punso at sa kapre. Lahat nang ito ay iginalang, inalayan ng handog o iniwasan.

[Nang unang dating ng mga Español, natala nila nuong 1591 na mahigit 18,600 ang mga pamilya sa La Pampanga, binubuo ng kulang-kulang 75,000 tao. Isaisip naman na kulang-kulang ang bilang nila, at ang tinawag nilang La Pampanga ay may malalaking bahagi ng kasalukuyang Bataan, Zambales, Bulacan, Nueva Ecija at Rizal. *Trapobana: Lumang tawag sa pulo ng Sri Langka [ang dating Ceylon] na nasa paanan ng India. Kamalian ito ng mga unang dumating na taga-Europa, pati na si Antonio Pigafetta, na hindi pa alam ang tunay na laki ng Timog Silangang Asia. Paniwalang malapit na sila sa India, inakalang pulo ng Sri Langka ang Sumatra. Ito ring maling paniwala ang isa sa mga dahilang tinawag na “Indonesia” o mga pulu-pulo ng India, ang kapuluan sa kanluran ng Pilipinas.]

 

Ilocanos

Nagtaboy Ang Mga Ilocano

Agdamdamili kami, taga San Nicolas kami nga agdamdamili
Naragsak ti biagmi, awan dukdukotmi

- Awit sa San Nicolas, Ilocos, Kami Ay Magpapalayok

Pamulinawen, pusok imdengam man
Toy umas-asug agrayo ita sadiam

- Awit Ilocano

MATIGAS ang puso ng dalaga, panaghoy sa bantog na awit sa Ilocos, tahanan ng matitigas ang loob. Ang mga unang nanirahan sa Ilocos ay mga Apayao, Itnegs at ang mga Tinggian. Dating nang dating ang pangkat-pangkat mula sa iba’t ibang pook ng Pilipinas at ibang bayan. Marami ay higit mabisa ang mga sandata, ang iba, dinaan sa dami, - at naitaboy ang mga nauna, papasok sa looban ng Luzon, sa bundok-bundok na tinatawag ngayong Cordillera, at tinawag silang mga Igorot , ang mga taga-bundok [mountain people]. Ang mga naiwan ay tinawag na Iloko , ang mga taga-kapatagan [lowlanders], mula sa katagang “lokong” o mababang lupa, kinabitan ng “i” upang ipahiwatig na “taga-” o mga “taong nakatira sa”.

May kaibang salaysay na ang pinanggalingang salita ay look [cove] o silungan sa tabing dagat, na unang pinamahayan ng mga dayo. [Sa Tagalog, ang “look” o “bay” sa English, ay kasing kahulugan ng “lawa”, o “lake” sa English, kapwa tumutukoy sa malawak o malaking tubig.] Alin man ang pinanggalingan, ang tunay na pangalan ng pook sa hilagang kanluran ng Luzon ay Samtoy . Hindi masabi kung saan nanggaling, malamang ito ang tawag ng mga naitaboy sa bundok sa makitid na kapatagan sa pagitan ng bundokin at kanlurang dagat [South China Sea]. Makitid na lupa na salat sa yaman, kaya ang mga masisipag at matitibay na loob lamang ang naglalagi; kaya rin, marahil, madaling iniwan ng mga naitaboy.

Pati ang mga dalaga ay matitibay, ayaw magbigay ng anumang ari sa mga nanliligaw dahil sa paniwala ng mga Ilocano na bahagi ng kaluluwa ng tao ay nasasa pag-aari, at maaaring gamitin ito ng mga nanliligaw upang hulihin at sakopin ang puso ng dalaga. Dahil dito, 2 tandang ang gamit ng mga binata sa Ilocos - isang matandang lalaki at isang tandang na manok. Namamanhikan ang matandang lalaki sa ama ng dalaga, “Nais nawa nitong tandang na manok na tumilaok sa inyong bakuran, manong!

Iyan bang tandang ay tagarito o ligaw?” ang sagot ng ama, nais malaman kung taga-labas o dayuhan ang nanliligaw. Nuon lamang sasabihin ng namamanhikan kung sino ang nanliligaw sa anak na dalaga. At kung payag lamang ang ama ibibigay ng namamanhikan ang manok.

Ang kasal, kapag nagkatuluyan, ay bulagsa at magastos. Lahat ng kamag-anak at kaibigan ay dumadalo at palakihan ng handog habang nagsasayaw ang mga bagong-kasal, upang makapagsimula ang mga ito nang mainam sa pamumuhay. Kapag nabuntis ang babae, pinagbabawalang kumain ng maitim na pagkain at magiging maitim din ang balat ng sanggol!

Gaya sa mga Igorot, matagal ang lamay at pagluksa kapag may namatay. Gumamit sa Ilocos ng mga tagapanaghoy upang ngumalngal sa tabi ng kabaong at umawit ng dung aw, ang pagdurusa ng pamilya at ang kagitingan ng namatay. May hayag na kapag may nakita lamang na itim na paruparo nalalaman na yumao na nga ang kaluluwa ng namatay at naaari nang tapusin ang pagluluksa. Inililibing nuon ang bangkay at naghuhugas sa ilog ang mga kamag-anak upang mahugasan na ang kanilang dalamhati.

Si Namarsua ang lumikha sa sansinukob, na nililipana ng mga espiritu o mga kaluluwang namamahay sa mga punong-kahoy, sa lupa at sa lahat ng bagay sa pali-paligid. Paniwala ng mga Ilocano na kapag ginalit ang mga kaluluwa, na makakatuwaan sila, magkakasakit at mamamatay. Kapag nangyari ito, nagdaraos ang mag-anak ng maysakit ng atang, pinamumunuan ng mang lolualo, kakatay ng baboy na puti, ang kalahati ay inaalay sa pook na “kinatuwaan,” ang kalahati ay nananatili sa bahay ng maysakit habang nagdarasal ang mga mag-anak at nananawagan ang mang lolualo sa mga espiritu. Nag-aani

Palagi nang lumilikas ang mga Ilocano mula pa nuong unang panahon, lalo na kung panahon ng pagtatanim o pag-aani, upang maghanap-buhay sa mga ibang pook. Mainit ang araw at tuyo ang lupa sa Ilocos kaya kinailangan ang dagdag na kita sa mga masaganang lupain sa timog, lalo na nang lumawak ang mga taniman ng palay sa Gitnaang Luzon sa pagdami ng mga Pangasinense at mga Kapampangan. Marami ang mga pamilya na lumikas mula sa Ilocos upang manggawa sa ibang pook ang tuluyan nang nanirahan duon at hindi na nagbalik sa kanilang baranggay.

Ang pangulo ng pamilya ay ang ama, munti lamang ang kapangyarihan ng ina, at katu-katulong lamang sa paghanap-buhay at pagpalaki sa mga anak. Hindi nag-angkan-angkan gaya ng mga Kapampangan, waring ang ikabubuti ng pamilya ang gabay sa mga gawain at pagkakaisa ng mga pasiya [consensus] ng mga Ilocano. Ang tulong-tulungan ay gawa rin ng mga unang Ilocano sa labas ng pamilya, sama-sama ang mga lalaki sa pangingisda o pangangahoy sa gubat, sama-sama rin ang mga babae sa pag-ani ng mga pananim sa bukid at kaingin sa gulod. Ang lahat ng nahuli at na-ani ay binabahagi sa lahat ng magkakasama, kaya malapit ang ugnayan ng mga taga-baranggay, karamihan ay magkakamag-anak, at napagpapantay ang pagkakaiba ng katayuan at yaman ng iba’t ibang pamilya. Pantay-pantayan din ang bahagian ng lupang sinasaka at tinataniman ng mga pamilya, at ang lahat ay naaaring gumamit ng mga lupa sa gulod. Sa tagal ng panahon, ang mga walang muwang sa pamumuhay ay nasasadlak sa utang at hirap habang sumasagana ang mga masinop at matalino, kaya nagkaroon ng 3 sapin ang lipunan ng mga Ilocano:

  1. Babacnang, ang mga mayaman at tinitingala sa baranggay
  2. Cailianes, ang mga timawa o karaniwang tao
  3. Adipen, ang mga alipin
Naaaring bilhin o ilako ang mga adipen ngunit karaniwang bigayan at tulungan ang ugnayan ng mga taga-baranggay. Ang pagsasalu-salo ay ginagawa sa mga pagdiriwang, tulung-tulong ang mga mayaman sa pagpakain sa lahat. Nagtulungan din sila sa mga gawain sa bukid at sa pagkumpuni ng mga bahay sa baranggay. Walang hayag na nagkaroon ng datu sa Ilocos nuong unang panahon, ngunit sa gawi nilang tulungan at pag-iisa sa mga ikabubuti ng mga pamilya, naaaring namuhay sila nang mapayapa kahit walang naghahari.

Bolo

Pang-asinan

Malinak lay labi, Oras lay mareen
Mapalpalnay dagem, Katekep toy linaew
Samit day kugip ko, Binangonan kon tampol
Lapud say linggas mo, Sikan-sikay amamayoen

- Awit ng Pangasinan

TATLO ang pangalan ng Pangasinan nuong araw, at lahat ay kaugnay sa paggawa at kalakal, hiwatig ng sipag at sinop ng mga Pangasinense na namahay sa gilid ng dagat sa timog China [south China Sea] sa silungan ng Lingayen [Lingayen Gulf]. Pangasinan

Ang unang pangalan ay Caboloan, batay sa tawag sa bolo, isang uri ng kawayan na dating malawak ang tubo sa looban ng Pangasinan at ginamit sa paggawa ng mga mainam na sisidlan at bitbitan, bilao at sawali. Natanyag nuong matagal na ang Layug na Caboloan, makapangyarihang pangkat o nayon na namayani sa pook nuong Caboloan pa ang pangalan ng Pangasinan. Dahil malakas ang kalakal ng mga gamit na gawa sa bolo, lumaganap ang pagputol ng mga puno nito at naubos. Bihira na ngayon makita ang bolo sa Pangasinan at nalimutan na rin ang pangalang Caboloan.

Ang ika-2 pangalan ng Pangasinan nuong unang panahon ay Intsik, Feng Shia Shih Tan. Ito ang tawag ng mga Intsik na matagal nang nagbalik-balik sa silungan ng Lingayen upang magkalakal ng mga porselana at iba pang gamit. Ang mga Hapon ay nagkalakal din nuong panahon ng mga kaharian ng Tang, Sung at Ming sa China. Pagdating ng mga Español, ipinagbawal ang kalakal ng Lingayen sa mga Intsik at Hapon, at nalaos ang paggamit ng pang-2 pangalan ng Pangasinan.

Ang pang-3 pangalan ng Pangasinan ay dating gamit lamang sa bukana ng Lingayen at mga paligid na pagawaan ng asin o asinan. Hanggang ngayon ay gumagawa ng asin duon, iniimbak ang tubig dagat at pinatutuyo sa init ng araw. Ang naiiwan ay asin-dagat [sea salt] na bantog ngayon sa mga bihasang magluto [chefs] dahil higit na malinamnam kaysa sa asin na hinukay mula sa mga mina [mined salt]. Bagoong

Lumaganap din sa Pangasinan ang mga palaisdaan, kinalakal ang isda at hipon na inasinan at pinatuyo sa init ng araw upang maging tuyo, dilis o hibe, o inilagak sa mga banga upang maagnas at maging bagoong, heko o patis. Hanggang ngayon ay tanyag ang mga taga-Pangasinan sa pagkalakal ng bagoong sa Luzon, at ng dilis at hibe sa China at lalo na sa Japan, kalakal na may higit isang libong taon nang laganap sa Lingayen.

Walang diyos na sinamba ang mga dating taga-Pangasinan ngunit nanalangin sila sa kanilang mga anyito upang matulungan sa kanilang kalakal o upang gumaling ang maysakit. Si Apu Laki o Apu Kawli ang punong anyito na tinatawagan nila tuwing aalis ng bahay o tuwing nagsisimula sa kalakal. Kahit hindi sinamba, iginalang ng mga taga-Pangasinan ang mga anyito animo’y mga tao rin at, kapag minalas sa kalakal o nagkasakit, nag-aalay sila ng pagkain sa pamumuno ng mga babaing pari, ang mga maganito.

Paniwala sila na may kaluluwa na nananatiling buhay pagkamatay ng tao. Kasamang inililibing ang mga ari-arian ng namatay, pati na pagkain, inumin at ano mang kakailanganin sa kanyang “paglalakbay.” May kasama pang ginto, pambayad sa magsasagwan ng bangka upang makarating sa kabilang buhay. Kapag marangal ang namatay, inililibing din kasama sa hukay ang mga aring alipin upang patuloy na magsilbi sa susunod na buhay.

Ang mga nagluluksa ay nagpupulupot ng rattan o ginto sa leeg at hindi kumakain maliban sa tubig at gabi o camote. Bago magbaba ng luksa, kailangan pumatay ng isang tao, isang kaaway kung mayroon, o isang hindi kakilala. Ipinagdiriwang nila ang pagbababang pagluluksa, nagkakainan at nag-iinuman. Sayaw sa bangko

Tulad ng mga Ilocano, matipid ang mga taga-Pangasinan. Napakagalante naman nila tuwing may pagdiriwang, labis na labis ang ginagasta huwag lamang mapahiya at masabing tinitipid ang pagkain. At marami ang mga pagdiriwang, gaya ng kosdey, na panampalataya sa pagyabong ng palay sa bukid tuwing kabilugan ng buwan sa buwan ng Mayo. Mayroon pa silang pagdiriwang sa patayan, ang tsungas, upang matahimik ang kaluluwa ng mga kaaway na pinugutan nila ng ulo, at upang matahimik din ang mga pinatay ng mga kaaway kapag naipaghiganti na nila. Gaya nang gawi ng mga Igorot na mga kapitbayan nila.

Ang Kanyaw ang pinakabantog na pagdiriwang ng mga taga-Pangasinan, at itinatanghal upang maging mayabong ang ani ng palay at upang maiwasan ang sakit sa baranggay. Sa Kanyaw lumilitaw ang hilig sa sayaw sa Pangasinan; mayroon silang sayaw na tangi sa pagdiriwang na iyon. Magkatuwang ang sayaw ng babae at lalaki, nagsasampay ng kumot sa bawat balikat habang umiindak saliw sa mga gong at tagagtak ng mga patpat hanggang parangalan sila ng mga nagmamasid sa sigaw ng “U wag, uy! Uy!.” Madalas sumasabay sa kanilang magsayaw ang mga iginagalang sa baranggay. Tapos, iba namang magkatuwang ang nagsasayaw.

Ang Pangsayaw ed Tapew Bangko ay magilas na pagsayaw sa ibabaw ng makitid na bangko, unang nagmula sa baranggay ng Pangapisan sa Lingayen.

Isa pang sayaw mula nuong unang panahon ang Bindiyan ng isang pangkat ng mga lalaking umiindak paikot sa isang pangkat ng mga babaing umiindak din sa salungat na ikot. Sa sigaw ng, “Bi nukawan!” lahat sila ay sasayaw nang nakadipa, kunwa’y mga lawin. Sa sigaw ng, “Kinitangan!” lahat sila at sasayaw nang nakapamaywang. Ang huling sigaw ay “Kinedyakan!” at lahat sila at sasayaw habang kunwa’y nagtutusok ng sibat.

 

Bulakena

Tahak Ng Tagalog

Mahirap nang makita ngayon ang mga taal na Tagalog, kailangang magtungo na sa mga tagung
baranggay o bukid sa liblib upang makatagpo ng mga tinatawag na mga lumang tao

- Grace P. Odal, professor sa University of the Philippines

PAULIT-ULIT ang dating sa Luzon ng mga Tagalog, matagal, kulang-kulang 4,000 taon, masigla, namahay sa Manila, panay ang gala, saan nagmula, marami ang hula, Borneo ay sapantaha, Malaysia ang panukala, Indonesia ang iba. Ang iba ay may datu, ang iba ay wala. Ang iba ay pinamunuan ng maharlika, ang iba, ng mga magiting, ang iba pa, ng matatanda.

Sino ba sila?

Mga taga-ilog [river dwellers] ang alam ng marami. Ang “alog,” sabi ni H. Otley Beyer, nag-agham sa kasaysayan [historian] ng Pilipinas, ay mababaw na bahagi ng ilog na maaaring tawirin nang lakad ng mga taga-alog. Ang “alog” ay lupang nagiging putikan pagkatapos ng ulan, sabi sa Pampanga, ang lupang nais ng mga taong alog dahil mainam taniman ng palay. Mga taong lawa ang tawag sa mga taganayon ng Bay sa tabi ng Lawa, ang dating pangalan ng Laguna de Bay. Mga ta-al ang taong dinatnan ng mga Español sa Bombon, ngayon ay tinatawag na Taal, ngunit dating binigkas na TA^ al, katunog ng - Tag-al ang mga iyan, sabi ng mga Amerkano nang unang marinig ang tawag ng mga taga-Rizal [dating lalawigan ng Morong] sa sarili. Hanggang kailan lamang, Ta-al ang tawag sa matatas sa “malalim” na Tagalog, ang sinabi ni Professor Odal na sa liblib na lamang natatagpuan ngayon.

Ilan ang wikang Tagalog?

Tatlo, sabi ni Grace P. Odal ng University of the Philippines. Ang una, sa hilaga, ang mga taga-Bulacan, Nueva Ecija, Bataan at bahagi ng Tarlac at Zambales. Nahalo sa mga Kapampangan, Ilocano at mga Aeta. Ang pang-2, sa timog, ay mga taga-Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Quezon, at maraming bahagi ng Mindoro, Marinduque at Romblon. Dati, pati Palawan. Nahalo sa mga Ilocano, Ibanag at iba pang taga-silangang hilaga. Sa timog, nahalo sa mga Bicolano, Visaya at iba pang pangkat na may kaibang wika. Ang pang-3 Tagalog daw ay ang mga taga-Metro Manila at pali-paligid [suburbs] na bahagi ng Rizal. Pusod ng bayan, himpilan ng pamahalaan, tungo ng lahat ng tagapulo, nahalo sa lahat-lahat.

Panay ang gala. Ang mga tag-gala.

Kumalat na sa Visayas at Mindanao, kaya mabilis na nagiging pang-sankapuluang tao ang Tagalog, sabi ni Odal. May mga taga-Manila sa Cebu na dinatnan ni Miguel de Legazpi at isinama ni Martin de Goiti papunta kay Rajah Suliman bilang tagapagsalita [interpreter]. Ang pag-danak ng mga Tagalog sa Visaya at Mindanao ay pagpapatuloy lamang ng paglalakbay ng mga Tagalog mula pa nuong mahigit 3,700 taon SN, nang lumikas ang mga Magdaragat mula Sumatra, sa Indonesia, upang takasan ang kaharian duon ng Sri Vijaya, mula sa Java, sa Indonesia rin, upang takasan ang sumunod na kaharian ng Majapahit, at mula sa Malaysia upang takasan ang kaharian ng Malacca.

Dagdag ng mga nag-agham sa unang panahon [prehistory], marami sa mga pangkat na dumating ay nakatagpo ng mga tatag nang bara-baranggay sa bukana at pampang ng mga ilog Pasig, Bombon o Taal at Bulacan [o kung anuman ang pangalan ng ilog na iyon nuong unang panahon], at nakibagay at nakisama na lamang. Hanggang, sa libu-libong taon, ang Tagalog ang naging kapwa dumating at ang dinatnan.

Napakahaba, napakahiwaga at napakarami ang salaysay ng mga Tagalog upang talakaying lahat, kaya silip na lamang sa 2 bahagi ng katagalugan ang sisipatin upang maunawaan ang mga taong namahay sa Gitnaang Luzon nuong unang panahon, - isang pook sa Bulacan sa hilaga at isang pook sa Laguna sa timog.

Bulaklakan

Kakampi Ang Hagonoy

Bahay kubo, kahit munti,
Ang halaman doon ay sari-sari

- Awit paaralan

BULAKLAKAN ang pinanggalingan ng pangalan ng nayon ng Bulacan, dating natatabunan ng mga bulaklak tuwing buwan ng Mayo, at ang pangalan ng nayon na naging pangalan ng buong lalawigan. Bulak [cotton], ang sabi ng iba ang pinagmulan ng pangalan ng lalawigan, tanyag sa sinulid at telang hawi sa bulak, kalakal sa buong Gitnaang Luzon mula pa nuong unang panahon.

Ang Don sa Español ay Sir sa English, Dom sa Portugal at sa Italy, at Gat o Ginu-o sa Bulacan, o Mang sa Bulacan, batay sa kung kailan nakarating sa Bulacan ang mga ninuno. Magkakahawig, magkaka-ugnay ang wika at gawi, karamihan ay mula sa Borneo, ngunit dating taga-Indonesia ang ilan-ilan, dating taga-Malaysia ang iba-iba. Dahil walang datu sa maraming baranggay sa Bulacan, maaaring akalain na kaiba sa mga Visaya ang panahon ng pagdating ng mga Tagalog, malamang nauna ang karamihan sa kanila, bago pa natatag ang mga kaharian ng Sri Vijaya at Majapahit sa Indonesia. Bago pa naghari-harian ang pinuno ng mga baranggay.

Maliban sa Hagonoy, na dumating halos kasabay ng mga bagong salta sa timog, ang mga taga-Manila at mga taga-Tondo, na nag-rajah-rajah na. Magkakampi ang Hagonoy at Manila, nagtulong itaboy at palitan ang mga dating naninirahan sa bukana ng ilog Pasig at ang mga matagal na sa baybay ng Manila na tinawag na Hagonoy ng mga bagong salta. Hagonoy

Sa pagtataboy na ito mauunawaan kung bakit galit ang mga Gat sa Li-han [sinusulat ngayong Gatchalian; Li-han ang dating pangalan ng Malolos], ang mga Gat Bonton, ang mga Gat Maitan [nagtatatag ng baranggay Pakil sa Laguna], sa mga bagong dayo; kung bakit kinailangang magtanggol at magtayo ng kuta ang mga taga-Manila, pinaligiran ang nayon nila ng matayog na bakuran ng mga puno ng niyog, bakurang nakita pa ng mga Español nang dumating nuong 1570. Kung bakit daan-daan ang sumanib sa mga Español sa pagpuksa sa mga taga-Manila at ibang mga taga-Bulacan. Kung bakit kinailangan nina Rajah Suliman na magkaroon ng kakampi mahigit 50 kilometro ang layo sa Manila, ang baranggay ng Hagonoy.

Nagsimula ang Bulacan nuong unang panahon pa sa bara-baranggay ng mga mangingisda sa dalampasigan ng Lo-ok ng Maynila [Manila Bay], nadatnan marahil ng mga dayo na naghahawi na ng telang bulak na inilalako sa buong Gitnaang Luzon. Ang mga telang kinukulayan ng asul na piga mula sa halamang nilad na masaganang tumubo sa manilad at mayamang putikan sa bunganga ng ilog Pasig.

Ang hagunoy ay damo, dating naggugubat sa putikan sa baybayin ng dagat at natuklasang mainam na panghalo ang dahon at usbong sa isda at karne; mainam ding panggamot ng galis, o purga sa sira ang tiyan, o pangtunaw ng bato sa pantog, o panglinis at pagpalinaw ng ihi. At mainam nilang kinalakal.

May gawi ang mga Tagalog, inaalam ang oras sa taas ng araw at sa unang tilaok ng manok sa umaga. Inaalam din nila kung anong bahagi na ng taon sa kulay ng dahon ng mga tanging halaman, at kung anong punong-kahoy ang namumunga na. Gumagamit din sila ng mga pangsukat, lalo na ng bigas. Ang takal ang isinasaing na bahagi ng isang salop na bigas, na binibiling pitis [full] o kagitna [half-measure]. Isang domat ang taba ng isang daliri sa kamay, kalingkingan ang haba ng pinakamaigsing daliri, isang damat ang lapad ng magkasamang palad at hinlalaki, ang pinakamatabang daliri, isang dangkal ang pinakamahabang agwat ng nakainat na mga daliri, isang dipa ang pinakamahabang agwat ng nakainat na bisig at kamay.

Laguna

Naglakbay Ang Pakil

Inabot ng gabi ang mga dayuhang tagapulo at napilitang tumigil sa kanlurang gilid ng Laguna de Bay sa lupaing tinawag nilang Guinabihan sa hilaga ng Calamba, malapit sa Punto Inuod, at duon naghintay ng kinabukasan. Ang mga likas, pinamunuan ni Gat Maitan at asawang Panumbalihan ay nagiliw nang makita ang lupain sa liwanag ng araw at duon na rin sila nagtatag ng baranggay, kasama ang mag-asawang Gat Salyan Maginto at Potongan. Ngunit hindi nagtagal ang kanilang pamamahay, ginimbal sila ng sunud-sunod na paglusob ng mga mandarambong at mga tulisan.

Iniwan nila ang ibang kasama, pinamunuan ni Maginoong Dalaga, at tinawid nila ang lawa ng Bay papuntang silangan. Sa kabilang panig, malapit sa Paete napagpasiyahan nilang itatag ang pang-2 baranggay. Hindi na matanto ngayon kung ano, kung mayroon mang, pangalan ang kanilang baranggay na natayo sa 2 magkabilang gilid ng malaking lawa. Ang mga Español, pinamunuan ni Juan de Salcedo, apo ni Miguel de Legazpi, ang nagpangalan ng Pakil sa baranggay nang madaan sila nuong 1571 sapagkat si Gat Pakil na ang pinuno ng magkahiwalay na baranggay nuon.

Ngunit hindi ang magkahiwalay na tayo ng baranggay ang nagtangi sa Pakil. Hindi man lubhang sinuri ang baranggay ng mga Español, isinapi pa nga sa kabayanan ng kalapit na Paete at mahigit 70 taon bago uling naging sariling baranggay ang Pakil. Ang tangi sa Pakil ay ang mga umaawit at nagsasayaw na babaing pari.

Kasa-kasama ng mga dayuhang tagapulo ang kanilang mga tagadasal na, nuong unang panahon, ay pulos mga babae. Ang tawag sa kanila ng mga Tagalog ay Catalonan o “kausap” ng mga kaluluwa. Sa Bicol, sila ang mga Baliana; sa Pangasinan, Managanito. Sila ang mga Babaylan ng mga Visaya. Karaniwang natutunan sa kanilang mga ina ang “galing” at dunong sa paggamot gamit ang mga halaman at tanging buto-buto, sa pagpalayas ng mga masamang espiritu, sa panaghoy sa kaluluwa ng mga ninuno, sa panalangin sa mga bathala na pagpalain at iligtas ang mga taga-baranggay.

Nang mag-asawa sina Gat Maitan at Panumbalihan, isang catalonan ang nagkasal sa kanila, kasama ng 2 pang matandang babae na ninang sa kasal. Sa gawi nuon, may buhay na baboy sa harap ng bagong kama ng magiging mag-asawa. Nakaupo sa kama ang 2 ninang, kalong-kalong tig-isa ang babae at lalaki, sinusubuan at pina-iinom sa isang bao o mangkok. Pagkatapos, bitbit ng mga inanyayahan ang kama, sakay pa rin ang 2 ninang at ang 2 bagong kasal, sa bagong bahay na tatahanan ng bagong mag-asawa. Bitbit din ang kaawa-awa at tumitiling baboy, kakatayin at iluluto habang nagdiriwang ang lahat. Natitigil lamang kapag nagpahatid nang pauwi ang 2 ninang, kasama ang lahat ng inanyayahan na nagsisiuwian na rin. Tapos na ang kasalan.

Hintay muna: Sa harap ng baboy ang kasal? Hindi na lang katayin agad sa malayo nang hindi maingay sa kasalan?

Kung ang pag-aasawa ay kasunduan ng mga magulang nuong bata pa ang mga anak, likas at karaniwan nuong unang panahon, nangyayari na sa kasal lamang unang nagkakaharap ang mga ikakasal. Kung sakaling ayaw ng babae sa lalaki, kailangang magpakitang gilas ang lalaki. Hawak ang sibat, nagsasayaw sa harap ng babae, tapos papatayin ang baboy nang sibat. Laguna

Hintay muna: Paano kung ang lalaki ang may ayaw?

Hindi maaaring umayaw ang lalaki, nabayaran na niya o ng mga magulang niya ang bigay kaya sa mga magulang ng babae. May karagdagdagan pang bayad, ang pasuso, sa ina ng babae. Nangyayari rin na hihingi pa ng dagdag, tinawag na pasanor, ang mga magulang ng babae, at kailangang magbayad ang pamilya ng lalaki. Karaniwan ay ginto o alipin, o lupa na sakahan. Ang pag-aabot ng mga bayad ay tinatawag na pamanhikan, ginaganap ilang araw bago ang kasalan, at dinadaluhan ng mga kaibigan, kamag-anak, mga pinuno ng baranggay at, higit sa lahat, ng catalonan. Nagkakasiyahan at nagkakainan din sa pamanhikan kaya lubhang magastos ang kasal upang umayaw ang lalaki.

Hintay muna: Anong nangyayari kung dukha ang lalaki at hindi kaya ang bayad?

Gawi ng mga Tagalog na magkapantay ang pamilya ng mga kinakasal, karaniwang abot-kaya ng panig ng lalaki ang hinihingi ng panig ng babae. Kaya tinawag na bigay kaya. O baka ang kabaligtaran ang nangyari - ang bayad ang dahilan kaya laging magkapantay ang mga kinakasal.

Hintay muna: Paano kung napa-ibig sa iba?

Kung wala pang anak, maaaring mag-asawa muli ang babae matapos isauli ang bigay kaya sa lalaki. Maaari ring mag-asawa ng iba ang lalaki, ngunit hindi na niya mababawi ang bigay kaya. Kung may anak na nang naghiwalay ang mag-asawa, ang bigay kaya ay napupunta sa mga anak upang magamit pang-ikabuhay nila.

Hintay muna: Wala bang bahid o balakid sa paghihiwalay?

Sa mga Tagalog, wala maliban sa mga pasiya sa bigay kaya. Datapwa’t dapat alalahanin na maka-pamilya ang mga katutubo, karaniwang magkasama sa pamilya ang mga lolo at lola, mga anak at mga apo. Bihira ang namuhay nang nag-iisa. Mapanganib at mahirap ang pamumuhay nuon at hindi agad-agad naghihiwalay ang mga mag-asawa. Ito rin ang dahilan, na ganap ang catalonan sa pang-araw-araw na buhay ng bawat taga-baranggay, hindi lamang sa kasal kundi sa lahat ng pagdiriwang at pananawagan sa mga anyito . Higit sa rito, mayroon pa silang kakaiba at natanging gawain kapag nagdarasal.

Sa Pakil, sila ay sumasayaw.

“Turumba, Turumba!” ang awit habang umiindak sabay sa kampay ng mga braso at kamay at dahan-dahang lumiligid sa baranggay. Kuru-kuro na galing sa katagang turo [point] at umbay [body sway] ng mga nanalangin, sapagkat ang turumba ay panaghoy sa mga anyito na pagalingin ang sakit at paghihirap ng mga may kapansanan. Mawawaring taon-taon, o maaaring ilang ulit sa bawat taon, binabagtas ng mga Catalonan ang paligid ng baranggay habang humihiyaw ng “turumba,” kasunod ang lahat ng mga taga-baranggay, sumasayaw at umaawit din. Kinukuro rin na lumikas ang mga taga-Pakil upang makatakas sa lumalawak na Islam na nakarating na sa Manila bago pa dumating ang mga Español, sapagkat ang mga babaing pari ng mga tagapulo ang nagpasimuno ng pagtakas o pag-aklas laban sa unos ng bagong pananalangin.

Ngunit sa pagdating ng mga Español, wala na silang matakasan dahil sinakop ng mga dayuhan ang buong Luzon. At wala silang sapat na lakas upang gapiin ang mga bagong salta. Kaya sa pagdating ng mga Español at pagtatag ng katoliko sa Pakil, nag-iba ang turumba. Lumago ito.

Ang Alamat Ng Ybalon, At Ni Magayon

Mayon

Tatlong Bayani, sina Baltog, Handyong at si Bantong, ang dumating upang lupigin
ang mga halimaw na sumisindak sa Ybalon. Katulong ang isang sawa, si Uryol,
taksil at may alindog na nakakabaliw kapag nag-aanyong kaakit-akit na dalaga...

- Alamat ng Ybalon, bago dumating ang mga Español

MAGANDA ang kahulugan ng Magayon, ang bulkan na naging giliw at dalamhati ng mga Bicolano sa Ybalon, ang lumang pangalan ng Bicol sa dulong timog ng Luzon. Maraming maaaring pinanggalingan ang mga pangalan duon: Mula sa Bico, ang ilog na luwa sa San Miguel Bay; mula sa kawayang tinatawag na bikul; o mula sa bikod o pilipit. Ybalon, ang pangalang dinatnan ng mga Español ay maaaring galing sa Ybalio o ibayo, ang kabilang panig ng ilog; sa ibalon o mga taga-ibayo; sa Gibal-ong, sitio sa Magallanes, Sorsogon, na unang dinaungan ng mga Español nuong 1567. Tinawag ding Los Camarines ang buong pook ng mga Español dahil sa nakita nilang mga kamalig sa Camalig, Albay, nuong 1572.

Isa lamang ang pinanggalingan ng Magayon, isang napakagandang dalaga na pinalaki ng mahigpit na tio na laging mainit ang ulo, ngunit pilit niligawan si Magayon ng isang mapusok na binata na umakyat sa bintana at itinanan siya. Habol ang humihiyaw na tio at, sa takot, nanalangin ang 2 nagtatanan kay Bathala at himala! Bumulwak ang lupa at natabunan ng bundok ang galit na tio. Hanggang ngayon, sumasabog ang poot nito sa loob ng bundok na naging bulkan.

Naglipana mula Camarines Sur hanggang Sorsogon ang mga Aeta na unang katutubo sa Bicol. May mga baranggay nang dinatnan ang mga Español na kasama ni Miguel de Legazpi nuong 1569 na nag-ulat ng tapang ng mga tagaruon sa digmaan, sa pamumuno ng kanilang mga datu at mga magiting laban sa mga mandarambong. Walang Bicolano hilig sa politica ang mga Bicolano nuon, at walang pamahalaan na malaki pa kaysa sa baranggay. Nangingisda at nagtatanim ng palay, camote, gabi, niyog, abaca at kalamansi, itinatayo ng mga taga-Bicol ang kanilang mga kubo sa itaas ng mga punung-kahoy upang makaiwas sa mga hanip at sa init ng araw. Gaya ni Magayon, dating mga katangian ang ginagamit na pangalan ng mga unang Bicolano.

Mahilig sila sa patotodon o bugtungan, sa arawiga o mga kasabihan, at sa mga awit tungkol sa mga magiting na tinawag nilang orog-orog o susuman, at sa mga tulaan kasabay sa inuman na tinawag nilang tigsik, kangsin o abatayo.

Religioso, mahilig sila sa mga anting-anting at pamahiin at naniniwala sila sa mga mahiwaga. “Tabi po, maki-agi po!” ang pasintabi nila sa mga nuno sa punso. Sagurang ang pag-alay nila ng pagkain sa mga ninuno tuwing pagka-ani. Karaniwang saliw sa sayaw ang kanilang pananampalataya gaya ng pagsayaw ng tarok habang ginaganap ang atang, at ang pagsamba ng mga babae kay Haliya, ang diyosa ng buwan. Ang baliana, ang babaing pari sa baranggay, ang nagsasayaw habang nananawagan kay Gugurang, ang diyos ng kabutihan. Ang mga bata ang sumasayaw ng tuatarok tuwing may kasayahan sa baranggay.

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod