Huks: Kangino Ang Lupa?
Tumuhutuhud makaysed a tachi
Malaking ginhawa kapag nakatapos ng dapat gawin
- Sawikaing Ivatan, sa Batanes
Para ano ang kalayaan kung ang mga alipin ngayon ay magiging diktador at mapag-api bukas?
- Jose Rizal, sa El Filibusterismo
NAMUTLA ang mga taga-Manila, nalimot ang paratang sa mga collaborator, ang dugo at dahas ng kararaang halalan, pati ang pagnanakaw ng mga sugapa sa pamahalaan ay bahagya lamang napansin, natakpan nang yumanig ang lupa sa yabag ng palapit nang mga sandatahang sasakop sa Manila.
Sindak: Sumusugod ang mga Huk.
Ang ipinagbawal na PKP o Partido Komunista ng Pilipinas ay muling lumitaw at naghayag ng, Himagsikan! Sumumpa silang tutulungan ang mga Huk, ang bubuwag sa pamahalaan at sasakop sa Pilipinas. Nuong Agosto 26, 1950, magkasabay nilusob ng daan-daang Huk ang 2 panig ng Luzon. Winasak ng 500 Huk ang Camp Makabulos sa Tarlac, pinatay ang 23 sundalo, pati ang mga pinuno, pinawalan ang 17 Huk na nakakulong duon, at sinunog ang buong campo. Nuong araw ding iyon, 300 Huk naman ang sumakop sa kabayanan ng Santa Cruz, sa Laguna, pinatay ang 3 pulis, dinambong ang lahat ng nakita bago tumakas sa mga nakaw na sasakyan ng pamahalaan. Sa Tayabas, tinambangan ni Alexander Viernes alias Kumander Stalin at 200 Huk ang motorcade ni Aurora Aragon, biyuda ni Pangulo Manuel Quezon, nuong Abril 1949. Pinatay ang biyuda at anak na babae. Gimbal ang buong Pilipinas.
Kalakasan ng Huk nuon at walang sundalong nakatalo sa mahigit 15,000 sandatahan at 100,000 kakamping naglipana hindi lamang sa Gitnaang Luzon kundi pati timog Luzon at ilang bahagi ng Visayas at Mindanao. Nang nakipag-usap si Pangulo Elpidio Quirino at nag-alok ng payapa at kapatawaran sa lahat ng Huk, nagpahele-hele si Luis Taruc, supremo ng Huk, humiling ng mga alam niyang hindi kayang ibigay ni Quirino, at ginamit ang panahon upang magpalakas at mag-imbak ng mga gagamitin sa pagsakop sa Manila. Pati sa halalan nuong 1949, kinampihan ng Huk si Quirino at hinikayat ang mga tao sa Luzon na huwag irapan ang halalan at ihalal si Quirino. Nanaig sila laban sa mga sangganong nagtangkang pumilit sa mga taong ihalal si Jose Laurel bilang pangulo. Maliit lamang ang panalo ni Quirino kaya maaaring sabihin na kung hindi sa Huk, malamang si Laurel ang naging pangulo nuong 1950. Ang lakas at dahas na ipinakita ng mga Huk ang nagdagdag amuki sa marami na kumampi na sa kanila, bilang pinakamakapangyarihan pangkat sa bayan.
Tiyak na tiyak na sa tagumpay si Jesus Lava, punong pampolitica [political commissar] ng CPP o Communist Party of the Philippines, itinakda niya ang pagsakop sa Manila sa 1951, 2 taon maaga kaysa dating balak. Hinikayat niya si Taruc na papasukin nang unti-unti ang mga sandatahan sa Manila upang simulan ang paggulo sa pamahalaan at pag-adhika sa mga taga-Manila, patakarang ayon sa turo ng mga komunista sa Russia. Tumanggi si Taruc, pinahirati ang mga Huk sa mga lalawigan sa paligid ng lungsod, gaya ng taktika naman ng mga komunistang Intsik na nanalo sa China nuong 1949. Nuong Enero 1950, naghiwalay ang CPP at Huk. Mula nuon, sa pinakamatayog na tindig ng mga Huk, tuluy-tuloy silang bumagsak hanggang nuong Mayo 1954, sumuko na si Taruc at ikinulong. Bagaman at nalupig ang sandatahan ng Huk, nanatili ang mga lapastangang cacique at haciendero at muling bubulwak ang ligalig sa Gitnaang Luzon sa mga darating na taon.
Hintay muna: Bakit biglang-biglang natalo ang mga Huk?
Marami at patung-patong na dahilan, dala ng sunud-sunod at sabay-sabay na mga pangyayari:
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|