Invasion

Saling-Pusa: Panahon Ng Hapon

Dayuhan ay nahalina
Bayan ko, binihag ka
Nasadlak sa dusa

- awit makabayan, Bayan Ko

Nais kong malaman ng lahat, kapag natagpuan ang iyong
bangkay, na ipinaglaban mo ang aking bayan

- Manuel Quezon, nang ibigay ang singsing kay General Douglas MacArthur bago pumunta sa America mula Corregidor

MATAGAL inabangan, ngunit napakagimbal din nang walang babalang lumusob ang mga Hapon sa Pilipinas nuong Deciembre 8, 1941. Binomba at sinalanta ang mga eroplanong pandigma sa Clark air base sa Pampanga; lumusong ang mga sundalo, pinamunuan ni General Masaharu Homma, sa White Beach sa Lingayen, Pangasinan, at iba pang pook sa Luzon at sabay-sabay tumulak papuntang Manila. Tangkang duon paurungin, ipitin at durugin ang mga nagtatanggol, nang madaling matapos ang pagsakop sa Pilipinas. Mahigit isang buwan lamang ang itinakda ng mga Hapon upang sakupin ang Pilipinas.

Sa kahilingan ng pamahalaan ni Manuel Quezon na hindi madurog ang Manila, hinayo niGeneral Douglas MacArthur ang kanyang sandatahan, 64,000 Filipino at 16,000 Amerkano, sa gubat at bundukin ng Bataan at sa pulo ng Corregidor, higit na mainam pagtanggulan. Duon sinagupa ang sulong marahas ng bandang 65,000 sundalong Hapon. Bagaman at nakalamang ang mga nagtanggol, karamihan sa kanila ay mga baguhan, mga binatilyong bahagya lamang naturuang mandigma, kulang pa sila sa mga baril, bala, pagkain at gamot. Nuong 1936 lamang sinimulan ng pamahalaan ang hukbong sandatahan ng Pilipinas at dahan-dahan pa ang ginawang pagbuo, pinilas lamang ang ilang pangkat mula sa PC [Philippine Constabulary ] na sanay lamang sa pagsupil sa mga tagabukid at walang alam sa digmaan, at dinagdagan ng mga bagong sundalo, na lalong walang alam sa digmaan.

Ang mga Hapon, sa kabilang dako, ay mga beterano ng mahigit 5 taong matagumpay na digmaan sa Manchuria at hilagang China.

Isa pang nakapilantod sa mga nagtanggol ay ang maling pakana ng mga Amerkano: Hahadlangan nila ang mga Hapon nang ilang linggo, sapat na panahon lamang upang makarating ang tulong na hukbo mula sa America. Ngunit dinurog ng mga Hapon ang sandatahang dagat ng America sa Pearl Harbor, Hawaii, bago pa nilusob ang Pilipinas, kaya walang tulong na hukbo o gamit na nakarating sa Bataan o Corregidor. Walang isang buwan pagkasimula ng digmaan, sinakop ng mga Hapon ang walang labang Manila nuong Enero 2, 1942. Hinakot at iniligtas sa America sina Pangulong Quezon, Sergio Osmena, ang Pangalawa, at ang kanilang mga pamilya. Si General MacArthur din ay inutusan ni Franklin Roosevelt, pangulo ng America, na lumikas sa Australia nuong Marso 11, 1942, upang pamunuan ang pagtanggol sa Australia at pag-ipon duon ng sapat na lakas upang balikan at gapiin ang mga Hapon.

Samantala, ang mga naiwang gutom, sugatan, maysakit at nanlulumong nagtanggol sa Bataan at Corregidor, mga lubusang ulilang putok sa buho - “walang ama, walang ina, walang Uncle Sam” - ay nakipagpalitan ng dugo at buhay sa mga Hapon, ngunit sa kawalang ng tulong at karagdagang sandata, nadaig din: Ang Bataan nuong Abril 9, at nuong Mayo 6, 1942, isinuko na rin ang Corregidor ni General Jonathan Wainwright, ang iniwan ni MacArthur upang mamuno sa Bataan. Death March

Habang lumalaban pa ang mga nasa Corregidor, sinimulan ng mga Hapon nuong Abril 9, 1942 ang karumaldumal na death march, pinalakad nang 90 kilometro mula sa Mariveles, Bataan, ang 70,000 sumukong Pilipino at Amerkano hanggang San Fernando, Pampanga. Duon sila isinakay sa tren hanggang Capas, Tarlac, tapos naglakad muli nang 13 kilometro hanggang Camp O’Donnell, kung saan sila ipiniit. Sa tanang lakbay, hindi sila pinakain. Pinaggugulpi, ninakawan, ang mga humandusay at hindi na nakalakad, binayoneta at binaril, kaya 54,000 lamang ang nakarating sa Camp O’Donnell, - may 10,000 ang napatay, at bandang 4,000 lamang ang nakapuslit, sa tulong ng mga taga-nayon na nadaanan, at nagtago sa mga gubat at bundok. Maraming sundalo, Pilipino at Amerkano, ang tumangging sumuko sa mga Hapon at nag-guerrilla, nakipagtira-at-taguan sa Kempetai, ang pulis militar ng Hapon, at sa Makapili, mga Pilipinong kumampi sa mga Hapon, nag-ispiya at nakipaglaban sa mga guerrilla sa bundok at gubat sa buong Pilipinas. Sa Manila at ibang mga lungsod, marami ring Pilipino ang nakipag-ayos sa mga mananakop; may ilan-ilan pang yumaman nuong panahon ng Hapon.

Nuong Oktobre 14, 1943, itinatag ang Republika ng Pilipinas sa ilalim ng mga Hapon, pinamunuan ni Jose Laurel bilang Pangulo. Ngunit laking hirap ang dinanas ng mga tao sa kapangahasan ng mga Hapon, at kinamuhian ng mga tao ang pamahalaan ni Laurel. Marami ang sumanib sa mga guerrilla at hindi nagtagal, nagkaroon ng ugnayan sa pamamagitan ng radio at paggamit ng mga sugo at ispiya, ang sandatahang Amerkano sa Australia at mga guerrilla sa iba’t ibang sulok ng kapuluan. Kahit gaanong kanipis ang ugnayan, at walang naitulong laban sa pagmalupit ng mga Hapon, nakapagpatibay naman ng loob ng mga tao sa pananalig na magbabalik ang mga Amerkano at magkakaroon ng ginhawa at katahimikan muli sa Pilipinas.

Ang panahon ng Hapon, 1941-1945, ay mapusok, madugo, malupit at nakakatakot ngunit napakaikli upang magkaroon ng matagalang bisa o pagbabago sa buhay ng Pilipino. Lumantad muli sina Emilio Aguinaldo at Artemio Ricarte na hindi pinansin nuong panahon ng Amerkano, upang tumulong sa pamahalaan ni Laurel. Iniladlad pa nila ang watawat ng Pilipinas na ipinagbawal ng mga Amerkano. Ngunit hindi rin sila pinansin ng mga Pilipino na, maliban sa mga collaborators, ay balisa sa paglaban sa mga Hapon, o paghanap ng makakain, sapagkat hinahamig ng mga Hapon ang lahat ng palay sa sanpuluan para sa kanilang mga sundalo, sa tulong ni Manuel Roxas, ang kalihim ng bigasan sa pamahalaan ni Laurel. Ang mga collaborator lamang na tulad nila ang nagtamasa ng husto nuon. Nagtamasa rin, ngunit bahagya lamang, ang mga manunulat sa Tagalog na nagsamantala sa pagbawal ng Hapon sa paggamit ng English. Tinangka nilang palawakin, sa pagtangkilik ng mga Hapon, ang paggamit ng Tagalog sa mga paaralan at sa mga kasulatan ng bayan. Ngunit naantal ang kanilang gana nang nagturo ng Niponggo o wikang Hapon sa mga paaralan. Laurel

Wala kahit katiting na napala ang Pilipinas sa panahon ng Hapon maliban sa (1) pagpatibay ng damdamin ng tao na hiwalay sila sa pamahalaan, at (2) natutong maging marahas ang mga magsasaka at mga hampas-lupa [farm workers]. Maliban sa Bataan at Corregidor, sinakop ng mga Hapon ang buong Luzon sa loob lamang ng isang buwan ng walang pitagang pagpatay, paggahasa, pagnakaw at pagwasak sa bawat madaanan. Namundok o nagtago sa gubat-gubat ang mga hamak, takbuhan sa Manila at mga lungsod ang mga mayaman. Ngunit sa patuloy na karahasan at pagsakop ng mga dayuhan, napilitan silang lahat na mag-iba ng tangka. Marami sa mga mayaman, mga taga-lungsod at mga educado ay sumanib at sumipsip sa mga Hapon, naging mga collaborator.

Ang mga hampas-lupa ay lumaban.

Nang pumasok ang mga Hapon nuong Deciembre 1941, namundok ang maliit na pangkat ng mga komunista, pinamunuan ni Crisanto Evangelista ng PKP o Partido Komunista ng Pilipinas, at nanawagan sa mga tao na tulungan silang sugpuin ang mga dayuhan. Sa bundok ng Arayat at putikan [swamp] ng katabing Candaba, bumuo sila ng mga guerilla mula sa mga namundok ding mamamayan. Upang magkasandata, ninakawan nila ang mga munisipyo at mga hacienda, tinambangan nila ang mga pulis at PC [Philippine Constabulary], pati maliliit na pangkat ng mga sumusugod na sundalong Hapon. Nabantog ang mga komunista at tiningala ng mga tao bilang kaisa-isang tagapagtanggol laban sa mga Hapon, dahil ang hukbong Amerkano at Pilipino ay napako nuon sa Bataan at Corregidor. Ngunit pagkaraan lamang ng isang buwan, nuong Enero 1942, nahuli si Evangelista ng mga Hapon at, nang tumangging maging collaborator, pinatay siya.

Nuong Marso 29, 1942, sa gubat sa paanan ng bundok Arayat, sa gilid ng mga lalawigang Nueva Ecija, Pampanga at Tarlac, nagbuklod ang mga komunista at ang higit na maraming mga socialista upang buoin ang Hukbalahap o Hukbong Bayan Laban sa Hapon at hinirang si Luis Taruc, pinuno mula sa San Luis, Pampanga, bilang supremo. Mula sa 500 sandatahan lamang, dumami ang mga sumapi sa kanila, sa sariling kusa o sapilitan, at dumami ang mga sandata mula sa mga napulot sa mga pinagdaanan ng labanan ng mga hukbong Amerkano at Hapon, o kinamkam sa patuloy na pagtambang sa mga pulis at PC na kumampi na sa mga Hapon. Sa simula, natanggol lamang sila sa mga sarili, ngunit hindi nagtagal, naging hukbo silang lawak sa buong Luzon; nakapagtatag pa sila ng sariling pamahalaan sa ilang purok na napalaya nila. Deatch March

Hintay muna: Ang pulis at ang PC ay kumampi sa mga Hapon? Hindi ba sila lumaban man lang?

Maliban sa ilang namundok at sumapi sa Hukbalahap, taimtim na sumunod ang mga pulis at PC sa lahat ng utos ng Hapon, mula pa nuong unang pasok ng Hapon. Walang natala na lumaban sila kahit minsan. Hindi lamang sila, pati na ang mga bantay o civilian guards [hawig ang gawi sa mga guardia civil nuong panahon ng Español, kaya lamang hindi pamahalaan ang nagpasuweldo] na inarkila ng mga haciendero upang magmanman sa kanilang mga lupain ay kumampi sa Hapon. Mayroon ding mga karaniwang mamamayan na, sa anumang dahilan, ay pumanig sa mga dayuhan at tinaguriang mga Makapili. Tulung-tulong silang lahat sa pagtiktik at pagpuksa sa mga Huk at mga guerrilla.

Nuong Septiyembre 1942, sumugod ang hukbong Hapon sa bundok Arayat upang puksain ang mga Huk, ngunit ilan lamang ang napatay, at binaling ng mga Hapon ang galit sa malupit na pag-usig ng mga mamamayan ng Luzon. Lalong dumami ang namundok at sumapi sa Huk, at pagkaraan lamang ng 2 buwan, umabot ng 5,000 ang mga sandatahang Huk. Sinimulan muli nilang lusubin ang mga garrison ng PC at mga Hapon upang nakawin ang mga sandata, gamit at pagkain. Maraming naakit sa kanilang tapang at dahas, at nadoble ang mga kasapi nilang namundok , umabot ng 10,000 nuong Marso 1943. Nuong buwang iyon lumusob uli ang mga Hapon, - 5,000 sundalo, pulis, PC at Makapili - sa 1,500 Huk sa hilaga ng Pampanga. Sa 10 araw na madugong labanan, 100 Huk at ilang mataas na pinuno ang napipilan at nahuli ng mga Hapon, ngunit karamihan ay nakatalilis. Lalong lumaganap ang pagtangkilik ng mga tao at lumawak ang mga lupaing hinawakan o pinamahalaan ng mga Huk sa Luzon. Nakapagtayo pa sila ng Stalin University sa mga bundok ng Sierra Madre. Ang mga “guro” ay ang mga komunistang sundalo mula sa China, mga beterano sa paglaban sa mga Hapon.

Hintay muna uli: Bakit hindi lumaban ang mga mayaman? Bakit sila nag-collaborator? Bakit hindi sila pinahirapan ng mga Hapon?

Maagang nagkaunawaan at nagtulungan ang mga Hapon at mga collaborator. Nakitungo ang mga Pilipino, ipinagamit pa ang mga pangasiwaan ng pamahalaan upang mabilis na masakop at mabisang mapamahalaan ang Pilipinas. Kaya kaunti lamang na Hapon ang nahimpil sa Pilipinas, maliban sa mga lumaban sa Huk at mga guerrilla. Ang karamihan ng mga sundalo ay nagpatuloy makibaka sa mga Amerkano at mga Australyano sa bandang Australia at sa maraming pulo sa dagat silangan [Pacific Ocean]. Bilang kapalit, hindi naman sinansala ng mga Hapon ang mga collaborator, binigyan pa ng kaunting kapangyarihan upang tumulong sa pamamahala ng kalakal at pagsingil ng mga buwis. May mga collaborator na yumaman pa sa kurakot at paglako ng mga kailangan ng Hapon. Bataan surrender

Hintay muna pa: Bakit hindi tumulad sa kanila ang mga tagabukid at nakitungo na rin sa mga Hapon?

Kung tutuusin, sapagkat hindi sila binigyan ng pagkakataon. Kinailangang dumaklot ng mga kailangan ang mga Hapon, gaya ng palay na pagkain ng milyon-milyong sundalong nakadestino sa mga bayan at pulong sinakop nila. Kaya hindi nila ginalaw ang mga bukirin ng mga haciendero upang patuloy na matanman, at tinulungan pang bantayan upang hindi manakaw ang mga palay o masira ang mga ani. Hindi naiwasan na may maghirap dahil sa pagsakop at pagdaklot, at ang mga tagabukid at mga manggagawa - ang mga pinakawalang kapangyarihan sa buong kapuluan - ang pinili ng mga Hapon. Kaya ang mga kaawa-awa ay walang nabalingang magtanggol o maghiganti kundi ang mga tulad nilang sawimpalad na sumanib o tumulong sa mga Huk at sa mga guerrilla.

Sa 3 mahabang taon, nakipagbaka sila - tinambangan ang mga patrol at mga convoy, nilusob ang mga himpilan at munisipyo sa mga ilang na kabayanan, dinukot at pinatay ang mga Makapili at sinumang collaborator na natiktikan nila. Sa hinaba ng panahon, naging bihasa sila at makapangyarihang hukbo. Sa ilang pook sa mga bundok at gubat ng Luzon at Visayas na lubusang “napalaya” nila, naalis ang lahat ng sundalong Hapon, PC at mga collaborator, at ang mga Huk ang naging pamahalaan.

Hintay muna na naman: Ano naman ang nangyari sa mga guerrilla? Hindi ba sila ang mahigpit na katunggali ng mga Hapon?

Maraming pangkat ng mga Pilipino at Amerkano, nakatakas sa Bataan, Corregidor at iba pang pulu-pulo ang lumaban bilang guerrilla. Ngunit bandang 1943, sa utos ni General MacArthur, tumahimik sila at nag-imbak ng lakas at gamit. Sa pagtanggol na lamang sa sarili sila lumaban sa mga Hapon. Nangyari na mga Huk lamang ang lumusob sa mga Hapon. Pagkaraan lamang ng mahigit isang taon, nuong 1944, nang malapit nang bumalik ang mga Amerkano, sa utos uli ni MacArthur, muli silang sumabak upang mabawasan ang mga Hapon sa Pilipinas. Iyon man ay paunti-unti lamang. Nabunyag pagkatapos ng digmaan na daig-karamihan sa mga guerrilla ang nagbansag sa mga sariling USAFEE [US Armed Forces Far East] kahit hindi tunay, at mga sundalong kanin lamang. Nilibak sila nang husto ng mga tao nuon. Panay kasi ang hakot ng bigas at pagkain mula sa mga tagabukid ngunit ayaw lumaban o sumalungat sa pagmalupit ng mga Hapon. Naging kasabihan na kapag may nawalang kalabaw o baboy na ang mga ito ay na-USAFFE, o kinuha ng mga tuliSAFFE [pinagduktong na tulisan at USAFFE].

Nais ni MacArthur, nabunyag din pagkatapos ng digmaan, na maging layunin ng mga guerrilla ang pagtulong lamang sa pagbalik ng mga Amerkano, at hindi ang pagtanggol sa mga mamamayang sakop at pinagmalupitan ng mga Hapon. At ayaw ni MacArthur na maging mga bayani ang mga Huk, na sa tingin niya ay mga komunista na kailangan pang supilin pagkatapos ng digmaan. Inilihim niya ito at inutos lamang na itigil ang paglaban, kaya nangyari pa kung minsan, ang mga guerrilla ang tumambang at sumalungat sa mga Huk upang mapigil ang paglusob nila sa mga Hapon.

Hindi alam ng mga Huk ang balak at paniwala ni MacArthur kaya sila, gaya ng karamihan ng mga mamamayan, ay taimtim na naghintay sa pagbalik ng mga Amerkano at pagpuksa sa mga malupit na mga Hapon, at sa ipinangakong kalayaan ng Pilipinas pagkaraan ng digmaan. At ang mga Huk ay umasa na kikilalanin din ang paghihirap at pagpapakasakit nila sa pakibaka sa mga kaaway. Sa wakas, sa pagbalik ni MacArthur.

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod