Pinaghatian Ang Pinagbuo Tordesillas

Kung tunay man ako ay alipinin mo
Ang lahat sa buhay ko’y dahil sa ’yo

- musika ni Mike Velarde, titik ni Dominador Santiago

SA MGA sumunod na taon, ang mga kasalukuyang lalawigan ng Bulacan, Pampanga at bahagi ng Tarlac na tinawag nuong La Gran Pampanga ay sinakop ni Martin Goiti, mayamang encomendero na. Ang apo ni Legazpi, si Juan de Salcedo, ang pinakahuling conquistador, ang sumakop sa tinawag nilang Ilocos na binuo ng tinatawag ngayong Ilocos, Pangasinan at bahagi ng Zambales. Si Salcedo rin ang sumakop sa Cagayan, sa dulong hilaga ng Luzon, at sa timog, sa mga tinatawag ngayong Laguna, Tayabas at Bicol. Kakampi nina Goiti at Salcedo ang ilang daang mandirigma mula sa Cebu, Negros at Panay. Nang bandang huli, kasama na rin ang mga Kapampangan at ang mga taga-Cavite.

Ipinanganak si Salcedo sa Mexico nuong 1549 ng anak ni Legazpi, si Teresa Legazpi. May 18 taon lamang siya nang dumating sa Cebu nuong 1567, kapalit na kapitan ng 100 sundalo ni Felipe de Legazpi na nanatili na sa Mexico. Madaling tumaas dahil sa giting, tapang at galing sa pakikibaka at binigyan siya ng encomienda sa Ilocos, pag-aari sa malalaking bahagi ng lupa, kasama na ng mga naninirahan duon, na maaari niyang pagkakuwartahan kahit na papaano hanggang nagbabayad siya ng buwis sa hari ng España at - ito ay bihirang tuparin - tinuturuan niyang maging catholico ang mga indio na nakatira duon.

Hindi nagtagal ang buhay ni Salcedo. Nuong Marso 11, 1576, namatay siya nang uminom ng sobrang tubig pagkatapos ng maghapong paglakad. May-ari ng malawak na lupain ngunit walang pera, 27 taon lamang, hinabilin sa kaniyang huling kasulatan na matapos bayaran ang kanyang mga utang, ipamana ang natitira sa kanyang encomienda sa mga kaibigang indio na nakatira sa kanyang encomienda. Bihira ang katulad ni Salcedo na nagmalasakit sa mga katutubo. Karamihan ay mga sugapa na walang kiming nagpahirap, hanggang ikamatay ng mga ito kapag kulang ang ginto at iba pang buwis na naibigay sa may-ari ng encomienda. Friar

Bandang 1576, nasakop na ang Pilipinas ng mga Español, bagaman at maraming ilang na pook na hindi na nila narating, at nanatiling malaya ang Mindanao at Sulu. Dahil tangka nilang panghawakan ang kalakal mula China at Indonesia, inuna nila ang pagsakop sa Luzon, lalo na sa Manila, sapagkat duon ang bagtas ng mga barkong kalakal na naglipana sa timog silangan.

Kasunod ng mga conquistador, madalas kasabay pa, ang mga frayle na nagkanya-kanya sa buong Pilipinas. Ang mga Augustinian ang umari sa Batangas, Bulacan, Pampanga, Ilocos, Cebu at Panay. Ang mga Franciscan ang kumuha sa Bicol, Tayabas at malalaking piraso ng Laguna. Napasa sa mga Jesuit ang Cavite, Marinduque, Samar, Leyte, Bohol, Negros at ilang piraso ng Mindanao. Ang mga Dominican naman ang humawak sa Bataan, Pangasinan at ang buong Cagayan Valley. Napunta sa mga Recollect ang Romblon, Palawan at ibang purok sa Luzon na hindi nakuha na ng ibang mga frayle.

Madali rin pinaghati-hati ang kapangyarihan sa kapuluan. Ang governador general sa Manila ang namuno sa mga Español at nanagot sa Consejo delos Indias [Council of the Indies] o cabinete ng mga tagapagpayo tungkol sa mga sakop ng hari ng España. Dahil inaabot ng 2 taon ang mga sulat mula at papunta sa Madrid, mistulang hari na rin at malayang nagamit ng governador ang kanyang kapangyarihan, kahit na nagtatag ng Audiencia Real [Royal Court] sa Manila nuong 1584 upang supilin ang mga kalabisan ng mga pinuno sa Pilipinas. Ang mga encomendero, at ang pumalit sa kanilang mga alcalde mejor [provincial governors] dahil sa tagal at hirap ng lakbay sa Manila mula at papunta sa mga iba’t ibang panig ng kapuluan, ay malaya rin sa kanilang pag-api ng mga katutubo. At tunay na kaapihan ang dinanas ng dating malayang mga tagapulo, lalo na nang hati-hatiin ng mga Español ang lipunan mismo ng mga baranggay. Inilagay ng mga Español ang sarili nila bilang pinakamataas sa lipunan, sumunod ang mga mestizong Español, sa huli ang mga katutubong tinawag nilang mga indio, tulad ng tawag sa mga katutubo sa America na akala ni Christopher Columbus ay India. Pati ang mga Español ay hati-hati, ang pinakamataas na turing ay ang mga galing sa España, tinawag na peninsulares. Mababa ang tingin sa mga ipinanganak sa kapuluan, tinawag na insulares o higit karaniwan, Filipinos.

Dahil sa lupit at pag-api ng mga encomenderos sa mga sakop ng España nuon sa America, ipinagbawal nuong 1574 ni Felipe 2, hari ng España, ang pagtatag ng mga encomienda sa lahat ng sakop ng España. Kasali dito ang Pilipinas ngunit ipinamahagi pa rin ni Legazpi ang maraming encomienda sa sarili at mga tauhan, at hindi napawi ang mga ito kundi nuong 1620, pagkaraan ng 50 taon. Ipinalit ang itinatag na mga lalawigan sa ilalim ng mga alcalde mejor na, sa kasawiang-palad, karamihan ay kasing lupit at kasing sakmal ng mga encomenderos. Wikang Luzon

Hintay muna: Mga Castila ang tinawag na Filipino?

Ang mga Español na ipinanganak sa Pilipinas ang tinawag na Filipino. Ang mga Castila ay ipinanganak sa Castilla, kaharian ni Reyna Isabella, naging lalawigan nang sakupin ni Isabella at ng asawang Fernando, hari ng Aragon, ang buong España. Kaya hindi maaaring tawaging Filipino ang Castila. Isa pa, kaunti at bihira ang mga Castila na nakarating sa Pilipinas. Dahil sila ang sumupil sa mga Muslim sa España, sila ang pinakabantog sa España at nagkamit ng pinakamainam na tungkulin sa kaharian, at sa mga sinakop sa America na higit na mayaman sa ginto at pilak. At higit na madaling marating kaysa Pilipinas. Kaya karamihan ng dumating sa Pilipinas ay mga Español, taga-España na hindi taga-Castila o mga Americano, Español na ipinanganak sa America, gaya ni Juan de Salcedo, na taga-Mexico o Nueva España. Kayabangan lamang nang inutos sa mga katutubo na tawagin silang Castila. At kung tutuusin, karamihan ng mga Español na nagpunta sa Pilipinas ay nautusan o napilitan lamang, hindi nagkusa. Kung hindi mga sundalo na pinapunta rito ng hari ng España, mga frayle na inatasan ng simbahan na maghanap ng mga magagawang catholico. At mga hampas-lupa at patapong Español na kinaladkad na maging tauhan sa mga barko. Sa tanang panahon ng Español, “indio” at hindi “Filipino” ang tawag sa mga katutubo. Si Jose Rizal at ang mga ilustrado ang nagsimulang tumuring sa mga sarili ng “Filipino” upang ipahiwatig na kapantay sila ng mga Español. Tatalakayin sa mga susunod na kabanata.

Sa paghahanap ng mga bagong catholico nagka-ugnayan ang mga frayle at mga katutubo, sa una man lamang, upang gapiin ang pagmamalupit ng mga encomendero at ng mga alkade mayor. At sa pagkampihang ito unang nadama ng mga frayle ang kapangyarihan na lalago at magiging layunin nila sa susunod na 300 taon sa Pilipinas. Si Rada Frayle Martin de Rada ang nagsimula ng pagsumbong nuong Junio 1574 sa mga pinuno ng kaharian tungkol sa lupit at gahaman ni Miguel de Legazpi at mga sundalo niya sa marahas nilang pagsakop sa mga katutubo. Isang halimbawa ni Rada ay ang pagsakop ni Juan de Salcedo at Pedro de Chaves sa mga baranggay sa ilog Vicor [Bicol] at sa purok ng Camarines, sa Luzon. Nilusob daw at winarak ang mga baranggay, ninakaw lahat ng makita. Pagkatapos, pinatawag ang mga katutubo at pinagbigay ng ginto. Marami ang napatay na tao, sabi ni Rada. Naiwan daw si Chaves at 70 tauhan sa Bicol; pinapunta naman ni Legazpi si Salcedo at 50 sundalo upang sakupin ang Ylocos na, di nagtagal, ay ibinigay ni Legazpi kay Salcedo. Tatlong taon daw ganuon ang ginawa ni Salcedo - nakipagkaibigan, pinagbayad ng buwis na ginto, at winasak ang baranggay kapag kaunti lamang o hindi nagbayad. Sinundan pa ang mga tumakas na tao, winasak din ang pinagtaguan. Pati raw si Martin de Goiti, nilusob ang pulo ng Acuyo at pinagbayad ng 200 tael ng ginto nuong 1570. Galit daw ang governador, si Guido de Lavezaris, ang pumalit kay Legazpi, kapag kaunti lamang ang dalang ginto pagbalik ni Salcedo o ni Goiti. Hindi lamang tumatanggap ng suhol si Lavezaris, sabi ni Rada, nanghihingi pa. Ultimong mandarambong ang mga sundalo ni Lavezaris, gaya ng mga pirata at mandarambong na naglipana sa Pilipinas nuon.

Dahil lahat ng pinuno ay encomendero, pati na si Lavezaris, hindi dininig ang mga panaghoy at panawagan ng mga katutubo, sabi ni Rada. Ginamit pa raw ang pangalan ni Frayle Andres de Urdaneta, na nag-utos daw na digmain ang mga tagapulo. Sinabi ko kay Goiti, sabi ni Rada, na huwag digmain ang mga taga-Manila ngunit nilusob din, sinunog at ninakawan ang buong nayon. Kaya daw kahit na relihiyoso ang mga tao, ayaw magpabinyag na catholico sa Tondo, Lubao, Mindoro, Octon, Cebu, Vahi at Bombon [Taal ang tawag ngayon]. Nais na raw bumalik sa Mexico ng 4 frayle na kasama ni Rada, ayaw lamang niya payagan.

Nagpatuloy ang hatakan ng mga frayle, nais sakupin ang puso at kaluluwa ng mga magiging catholico, at ng mga encomendero na hanap ay ginto at yaman ng mga mamamayan, at lumubha sa mga susunod na taon. Likas ang karapatan ng mga katutubo na pamahalaan ang sarili nila, sulat ni Domingo de Salazar, ang unang obispo sa Salazar Pilipinas, kay Felipe 2 nuong 1582, at ang karapatang ito ay hindi maaaring agawin ng Hari sa España o ng Papa sa Roma. Pinulong ni Obispo Salazar ang mga pinuno ng mga frayle sa Manila sa isang conciliar council na, matapos nang mahabang pagtatalo, ay naghayag ng mga layunin dapat sundin sa kapuluan. Malaya ang mga indio sa kanilang pulo-pulo, kasing laya ng mga Español sa España, at ang kalayaang ito ay hindi maaalis ng Hari o ng Simbahan.

Sumagot si Gomez Perez Dasmarinas, governador ng Pilipinas, sa isang sulat kay Haring Felipe 2 nuong 1592. Sinumbong ang mga pagmalabis ng mga frayle sa kapuluan, pinagpapagawa nang walang bayad, pinagtatayo ng mga simbahan at kumbento sa maraming nayon-nayon. Pinadala niya sa Madrid ang isang pari, si Francisco Ortega, dala ang lahat ng kasulatan laban sa adhika ni Salazar na ang pagpapalawak ng catholico lamang, at hindi ang pagsakop ng mga sundalo, ang narararapat gawin sa Pilipinas. Naglakbay pabalik sa Madrid ang matandang Obispo Salazar, 78 taon na, kasama si frayle Miguel de Benavides upang harapang makiusap kay Felipe 2. Sinalungat ng hari si Salazar sa utos niya kay Dasmarinas nuong Junio 11, 1594 na ipagpatuloy ang pagsakop sa Pilipinas bagama’t inutos niya, sunod sa samo ni Benavides, na ang mga pinuno ng mga pulu-pulo ay dapat manatiling mga pinuno kapag nagpabinyag na catholico. Namatay ang 82-anyos na Salazar nuong Deciembre 14, 1594, kaya si Benavides, ang naging pang-3 arsobispo ng Pilipinas, ang nagpatuloy ng pagkuro kay Felipe 2 na walang karapatan ang España na pilitin ang mga katutubo ng Pilipinas na magpabinyag. Inutusan ni Felipe ang kanyang Tagapagpayo sa Mga India [Council of the Indies] na pag-aralan nang walang tigil ang mga adhika ni Benavides bago bumalik ito sa Manila. Sumang-ayon ang cabinete ng mga Tagapagpayo kay Benavidez nuong Octobre 17, 1596, at inutos ni Felipe 2 nuong Pebrero 8, 1597, sa governador ng Pilipinas na

Bumalik si Benavides sa Pilipinas nuong 1598 bilang obispo ng Nueva Segovia sa Ilocos, dala ang utos ng hari. Nuong Julio 12, 1599, ibinalita ni governador Francisco de Tello de Guzman sa Madrid na naudlot na ang pagmamalabis ng mga encomendero at ng mga alcalde mejor at, matapos maibalik ang mga kinalkal sa kanila, maluwalhating pumayag magpabinyag at mapailalim sa kaharian ng España ang mga pinuno sa Manila, Ilocos, Laguna at Pangasinan.

Sa ganitong paraan, natapos ang pamamahala at kalupitan ng mga encomendero ngunit namatay nuong 1598 si Felipe 2, at ang ipinalit na mga alcalde mejor ay kasing gahaman at kasing lupit. Dahil sa laki ng yaman na ninanakaw sa mga katutubo, ipinagbibili sa Madrid ang pagka-alcalde mejor na, sa utos ng hari ng España, ay pang 3 taon lamang. At patuloy ang panaghoy ng mga tagapulo sa mga frayle tungkol sa pahirap na ginagawa sa kanila ng mga opisyal ng Español, kaya nagpatuloy din ang pag-init ng labanan ng mga frayle at mga pinunong Español sa Pilipinas, hindi lamang sa mga sulat.

Sumiklab nuong governador sa Manila si Sebastian Hurtado de Corcuera nuong 1639. Tumakas ang isang aliping babae at, nang ayaw bumalik sa humahabol na sundalong Español, pinatay siya ng Español. Tapos, nagkubli ang sundalo sa simbahan ng San Agustin at nanawagan ng karapatan ng sanctuario. Dininig ang panawagan ni Frayle Hernando Guerrero, arsobispo ng Manila, ngunit binale-wala ni Corcuerra at ipinadakip ang nagkukubling sundalo. Itiniwalag ni Guerrero ang governador mula sa simbahan [excommunicated]. Ang ganti, ipinakulong ng governador ang arsobispo sa Fuerza Santiago sa Intramuros.

Nuong Agosto 22, 1677, ipinag-utos ni Carlos 2, hari nuon sa España, na turuan at gawing pari ang sinumang katutubo na magnais. Isa sa mga paaralang nakakatupad nito ay ang kolehiyo ng Santo Tomas, na may seminaryo para sa mga nag-aaral ng pagpapari. Sa kahilingan ng kolehiyo, hinirang ito nuong 1680 ni Carlos 2 sa pagkalinga ng kaharian, at inutos niya kay Felipe Pardo, arsobispo ng Manila, na tangkilikin ang pagiging pari ng mga tagapulo. Ngunit masidhi ang pagka-makalahi [racism] ng maraming frayle sa Pilipinas at laban sa pagpapari ng mga indio. Isa na sa kanila si Pardo, na sumagot nuong Junio 6, 1680, sa utos ni Carlos 2, at pinintasan ang kakayahan at pagkatao ng mga indio:

Walang tiyagang mag-aral ng religion ang mga indio, lalong hirap matuto dahil sa kanilang mga bisyo, mga masamang gawi at mga maling akala. Kaya kailangan silang ituring na mga mistulang bata, kahit na iyong mga 50 - 60 anyos na. Pati na ang mga anak ng Español, ang nagpalaki kasi ang mga inang indio, o mga aliping babae, mali ang natutunan at hindi angkop maging mga pari. Pulos tamad kasi, medyo binabae at lahat ay itinuturing na biro lamang. Kung gagawing pari, magiging masamang tutularan ng mga sumasamba. Ang dapat mangyari, ipadala rito ang mga matimtimang Español na masugid sa pagligtas ng kaluluwa.

Isa sa mga nakaaway ng mainiting arsobispo ay si Juan de Vargas, ang governador general, tungkol sa pamamahala ng mga paroco sa Pilipinas. Ipinatapon ni Vargas ang arsobispo sa Mariveles nuong Marso 13, 1683, ngunit ibinalik ng sumunod na governador-general, at ang arsobispo naman ang gumanti. Itinatwa niya si Vargas mula sa Simbahan at itinanghal na excommunicado. Nuong 1700, sa utos ng hari, nagsimulang papasukin ang mga katutubo at mga mestizo sa mga seminaryo at paaralan ng pagpapari. Ngunit nanaig ang mga frayle sa pagpigil sa mga katutubong maging frayle, kaya pulos Español lamang ang lahat ng frayle sa Pilipinas, na nakipag-agawan sa mga paroco [parishes], laban sa mga pari na kinabibilangan ng mga katutubo at mga mestizo.

Hintay muna: Bakit kinalaban ang pagpapari ng mga katutubo at mestizo? Bakit nag-agawan sa mga paroco? Bakit ang hari pa ang nag-utos sa pagpapari, nakikialam lang ’ba?

Lagi nang ma-politica ang bigayan ng mga paroco na, batay sa gawi ng feudalism, ay kapangyarihan, karangalan at yaman ng sinumang magkamit. Naging mainit ang agawan sa Pilipinas sapagkat naging luklukan [throne] ang paroco ng lahat ng kapangyarihan sa baranggay, nayon o kabayanan. Karaniwan, ang frayle, nag-iisang Español sa buong pook, ang mistulang ‘hari’ ng libu-libong katutubo sa paroco. Damdamin ng mga frayle, na pulos Español, na hindi dapat magkaroon ng ganuong uri ng kapangyarihan ang mga katutubo at mestizo, makakabawas sa pagkamataas ng Español, lalo na ng frayle, sa kapuluan. Ang pagbawas sa kapangyarihan ng frayle ang nasa ni Carlos 2 nang nag-utos siya nuong 1677. Gawi sa Europa na pailalim ang pari sa obispo [o arsobispo] na sumasagot naman sa hari na siyang nagpapasiya sa lawak ng sakop ng obispo [diocese], kaya madaling mapasunod ng kaharian. Sa España, tawag sa pari ay sacerdote [secular priest] dahil hindi sila kasapi ng matimtimang lipunan [religious society]. Samantala, ang mga frayle ay pailalim sa superior ng kanilang kumbento, na pailalim naman sa provincial ng kanilang ‘lalawigan’, na pailalim naman sa pinuno [director general, general of the order] ng kanilang matimtimang lipunan. Ang pinuno ay sumasagot sa Papa sa Roma, na siyang nagpapasiya tungkol sa pagbuo o paglansag ng lipunan ng frayle. Kaya mahirap pasunurin ng kaharian ang mga frayle, lalo na’t madalas magka-digmaan ng hari ang Papa dahil sa mga sakop na lupain sa Italya, at sa buong Europa na. Riot

Samantala, patuloy pa rin ang agawan ng kapangyarihan sa Pilipinas ng mga frayle at ng mga pinunong Español sa Manila. Nuong umaga ng Octobre 11, 1719, ipinadakip ni Fernando Manuel de Bustillo Bustamante y Rueda, ang governador general, si Francisco dela Cuesta, arsobispo ng Manila, dahil ipinagtanggol ng arsobispo ang notario publico na nagkanlong sa Catedral ng Manila sa halip na sumunod sa utos ni Bustamante. Dala at ayaw ihayag ng notario ang lista ng mga ari-arian at kayamanan ni Esteban de Higuino, ang pinuno ng kampo o pangalawa sa governador general [vice governor]. Ayaw lumakad si Cuesta kaya binitbit siya ng mga sundalo sa kanyang silya at ipiniit sa Fuerza Santiago. Ipinadakip din ang mga kalihim at katulong si Cuesta, pati na ang mga punong frayle ng kumbento ng San Agustin at ng kolehiyo ng Jesuit. Nuong gabi ring iyon, Octobre 11, 1719, natutulog na si Governador Bustamante nang sumugod ang mga frayleng Franciscan, Dominican at Augustinian, dala-dala ang mga sulo at lumigid sa buong Intramuros, sigawan nang sigawan at hinikayat ang mga mamamayan na lumaban kay Bustamante. Kasama ng ilang daang taga-Intramuros, dinumog nila ang palasyo, takbuhan sa takot ang mga sundalo, at pinatay ang governador-general at ang kanyang pinakamatandang anak na lalaki. Sumugod pagkatapos sa Fuerza Santiago ang mga frayle at pinakawalan si Cuesta. Kinabukasan, hinirang ni Cuesta ang sarili na pansamantalang governador general at siya ang pumalit sa pinaslang na Bustamante hanggang Agosto 5, 1721. Namatay ang arsobispo nuong 1724.

Kahit unti-unti, agad naman nagsimula ang pagwawagi ng mga frayle sa pagkamit ng kapangyarihan sa Pilipinas, hanggang sa maging hari-harian sila sa kani-kanilang paroco kahit palaging sinalungat ng mga alagad ng hari. Ang mga frayle na nasadlak sa Pilipinas ay karaniwang nananatili habang buhay, samantalang ang mga governador ay 3 - 5 taon lamang nagtatagal sa Manila, at ang mga pinuno ng mga lalawigan, ang mga alcalde mejor ay pinagbawalan ng España na lumagpas ng 3 taon sa tungkulin. Nuong 1580, napagpasiyahan ng mga frayle na mag-aral ng Tagalog at iba pang wika sa kapuluan upang gamitin sa pagtuturo ng catholico sa mga tagapulo. Napagpasiyahan din nila na, maliban sa mga dasal at buhay ng mga santo, huwag turuan ng Español ang mga tagapulo. Sa ganitong paraan, ang mga frayle lamang ang naging tagapag-unawa ng mga utos ng pamahalaan sa Manila at ang tanging tagapagsalita ng mga sumbong ng mga tagapulo. Ginamit din nila ang kumpisalan upang tuklasin ang anumang pakana ng mga mamamayan laban sa simbahan o frayle.

Isang dahilan agad at patuloy na nagwagi ang mga frayle, kinampihan nila ang mga tagapulo laban sa pag-api at pahirap ng mga encomendero at mga alcalde mejor na walang hangad kundi ang kumalkal ng ginto at yaman kapalit ng suhol, buwis at multa sa pagkuha nila ng katungkulan mula sa mga pinuno sa España at Mexico. Paminsan-minsan, may mga frayle na sumapakat sa pagnakaw at pagpahirap sa mga tao, ngunit madalas, nagkubli ang mga napahirapan o natakot mapatay ng mga encomendero o alcalde mejor sa simbahan at ipinagtanggol ng mga frayle.

Ang mga sumunod na governador general, pagkatapos patayin ng mga frayle si Bustamante, ay patuloy na nabawasan ng kapangyarihan. Si Toribio Jose Cosio, governador nuong 1721 - 1729, ay 2 ulit inutusan ng hari ng España na usisain ang pagpatay kay Bustamante, ngunit 2 ulit niyang sinuway ang utos. Si Pedro Manuel de Arandia, governador nuong 1754 - 1759, ay nag-utos sa lahat ng alcalde mejor at kagawad ng kaharian na umiwas sa mga frayle, sa sulat na lamang makipag-ugnay sa mga ito at kung hindi maiwasan lamang, at magdala ng mga kasama tuwing haharap sa frayle. Ganuon naging makapangyarihan ang frayle na, ayon sa isang obispo ng Jaro, ay karaniwang mula sa hampas-lupang [peasant] familia sa mga pobreng lalawigan ng España, ikinulong sa convento nang ilang taon at tinuruan ng religion at pagsamba lamang bago inilagak na nag-iisang taga-Europa sa gitna ng libu-libong katutubo sa malayong purok na malamang bahayan niya buong buhay. Magiging nakapagtataka kung hindi malunos sa tukso ang binatang frayle, sabi ng obispo, sakmal ng kapangyarihan at pinaglilingkuran ng mga hubad na babae, at walang namamahala maliban sa Dios.

Hindi lamang ang mga kagawad ng kaharian ang nakatunggali ng mga frayle. Sa pagdating ni Salazar ilang taon lamang pagkamatay ni Legazpi, sinimulan ang paghirang ng mga obispo sa iba’t ibang lalawigan ng Pilipinas. Ang mga obispo ay nananagot sa hari ng España at sa Papa [Pope] sa Roma, kaya kinalaban sila ng mga frayle, na kabilang sa kani-kanilang malihim at malayang lipunan o tipunan [monastic orders], na pinamunuan ng kani-kanilang mga provincial na ayaw pumailalim sa pamamahala ng mga obispo. Umabot ang away sa pag-utos ng hari ng España, at utos ni Papa Benedicto 14 nuong 1767, na pumailalim ang mga frayle sa pamamahala ng mga obispo. Nang tumanggi ang mga Augustinian, ipinadakip ni Governador Simon de Anda lahat ng frayle sa Pampanga at ipinadala ang provincial sa España. Nuong naghatol lamang ang trono sa Madrid nuong 1775 na pumailalim ang mga frayle sa mga obispo sumuko ang mga frayle, at ibinalik ang mga Augustinian sa Pampanga. Pagkatapos, hindi rin gaanong napamahalaan ang mga frayle dahil, sa amin mismo ng obispo sa Cebu sa isang sulat sa España, minsan lamang sa 10 taon nadadalaw ang bawat paroco na pinamamahalaan nila dahil sa hirap at tagal ng paglalakbay. Kaya nagpatuloy ang malayang paghahari sa kani-kanilang kabayanan ng mga frayle, na mga anak-dalita sa España at sa Pilipinas lamang nakatikim ng ginhawa at rangya ng pagiging panginoon ng mga tao.

Kahit na gaanong puno ng intriga at karibalan ang mga Español, napag-isa nila ang mga kapuluan sa pagsakop ng isang hari at pamamahala ng isang simbahan. At napagtangi ang mga tagapulo sa iisang lipunan, kahiwalay sa gawi ng mga kalahi sa Indonesia at Malaysia. Sa kauna-unahang pagkakataon, mayroon nang isang bayan ang mga tao na, sa mga darating na araw, ay tatawaging Pilipino.

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod