‘I Shall Return!’
Iyong pangkat na ’yon, ako ang pinuno nila, kailangang mahabol ko sila, kailangang malaman ko kung saan sila pupunta, kung ano ang gagawin nila, para mapangunahan ko sila, maakay ko sila duon!
Humahangos na taga-Paris, nuong French Revolution
What are we in power for?!
Sagot ng isang nanunungkulan sa pamahalaan sa paratang ng graft and corruption
NAGTAYO si Manuel Quezon ng pansamantalang pamahalaan ng Pilipinas sa America upang hintayin ang muling paglaya ng bayan mula sa pagsakop ng mga Hapon. Nang mamatay siya sa tuberculosis nuong Agosto 1944, pumalit bilang Pangulo si Sergio Osmena, ang Pangalawa [vice president] sa naantal na pamahalaan ng Commonwealth. Kasama si Osmena nang dumaong si General Douglas MacArthur at sandatahang Amerkano ng dagat silangan [Pacific Ocean ] nuong Octobre 20, 1944 sa Leyte, upang simulan ang pagpapalayas sa mga Hapon. Itinatag muli ni Osmena ang pamahalaan ng Pilipinas sa Tacloban, punong lungsod [capital] ng Leyte nuong Octobre 23, 1944. Inabot nang 3 buwan bago nakarating sa Luzon ang mga Amerkano, nang lumusong sa San Fabian, Lingayen Gulf, Pangasinan, nuong Enero 1945 at nakibaka sa mga Hapon papuntang Manila. Ibinuhos ng mga Hapon ang kanilang poot at kawalang pag-asang makaligtas pabalik sa Japan sa walang labang mga mamamayan, lalo na sa Manila at mga paligid. Libu-libong tao ang nasalanta at nadurog halos ang buong lungsod sa madugong bakbakan sa Manila, na nasakop muli ng mga Amerkano, sa tulong ng mga guerrilla at mga karaniwang mamamayan, nuong Febrero 1945.
Nakipagsagupaan muli sa Bataan at Corregidor ang mga Amerkano laban sa mga Hapon ngunit nagkabaligtad ang kanilang katayuan - ang mga Hapon naman ngayon ang walang pag-asang makatanggap ng tulong at karagdagang sandata mula sa labas. Tuluyang nagapi ang mga ito nuong katapusan ng Junio, 1945, at ipinahiwatig ni General MacArthur ang pagkatupad ng kanyang sumpang “Ako ay magbabalik!” nang ihayag nuong Julio 5, 1945, na napalaya na ang buong Pilipinas. Sa Mindanao at ilan-ilang pulo, nagpatuloy ang ang bakbakan hanggang sa pagsuko ng Japan nuong Septiembre 1945.
Mahigit 1 milyon Pilipino ang namatay sa digmaan, kulang-kulang kalahating milyong Hapon ang napuksa sa Pilipinas, ngunit higit ang tinamasang dalamhati ng kapuluan. Nang muling magpulong nuong Junio 9, 1945 ang Batasang Bayan [Philippine Congress] mula nang mahalal nuong 1941, mabibigat ang mga suliraning namulagat sa mga kinatawan - wasak ang kalakihan ng lungsod, naglaho ang yaman-bayan [treasury], nagbabakbakan ang kani-kanilang pangkat ng mga mamamayan at madugo ang panggugulo ng mga naglipanang sandatahan at tulisan. Danak ang karahasan at sunggaban, nakawan at patayan, paggahasa at pagkawalang kapwa-tao.
Samantala, nag-aklas ang Hukbalahap. Nang lumusong ang mga sundalong Amerkano sa Luzon nuong 1945, maraming kabayanan ang dinatnan nilang malaya na at walang nagtanggol na mga Hapon. Ang sumalubong sa kanila, may paypayan pa ng mga watawat ng America, tugtog ng mga musiko at matitikas na talumpati, ay ang mga Huk na, sa maraming kabayanan, ay sumingit lamang matapos umalis ang mga sundalong Hapon at nagkunwaring sila ang lumaban at nagpalaya ng kabayanan. Gayun man, ang mga Huk ang tumulong sa pagluwas ng mga Amerkano papuntang Manila, at pagkatapos, sa pagtunton sa mga pangkat ng mga Hapon na namundok at nag-guerrilla sa iba’t ibang bahagi ng Luzon. Pinuri sila ng mga Amerkano sa pahayag nuong Deciembre 20, 1945, na malaki ang naitulong ng mga Huk sa paglaban sa mga Hapon, at maraming sundalong Amerkano ang nailigtas sa kamatayan dahil sa kanila. Hangad ng mga Huk na kilalanin at gantimpalaan sila ng America.
Ipinakulong sila ni MacArthur.
Gaya ng mga principales at mayayamang kaibigan niya, walang tiwala si MacArthur sa mga Huk at inutusan niya ang mga espiya ng hukbong Amerkano , ang CIC [US army counter intelligence corps] at ang pinagbuo muling PC [Philippine Constabulary] na ibalik sa kapangyarihan ang mga dating pinuno ng pamahalaang Commonwealth, kahit na ang mga ito ang tumulong sa mga Hapon, at paalisin ang mga tao na inilagay ng mga Huk sa mga kabayanan ng Gitnaang Luzon, kahit na ang mga lumaban sa Hapon. Simula nuong pang Enero 1945, pinagdadakip na ng CIC at PC ang mga pinuno ng Huk sa pagiging subersibo, pati na ang supremo, si Luis Taruc. Nuong sumunod na buwan, Pebrero 1945, sinimulang patayin ang maraming Huk. Isa sa pinakamadugong pinaslang ay ang mahigit 100 Huk ng Pangkat 77 na pauwi matapos mag-demo sa Manila. Pagdaan sa Malolos, Bulacan, hinarang sila ng mga sundalong Pilipino at pinatay sa utos ni Coronel Adonias Maclang, sa sulsol ng mga Amerkanong pinuno ng CIC duon. Pagkatapos, hinirang ng mga Amerkano si Maclang na alkalde ng Malolos.
Hintay muna: Tapos na ang digmaan, bakit aklas pa nang aklas, hindi na lang tumahimik at naghanap-buhay ang mga Huk?
Hindi sila nagkaroon ng pagkakataon. Pagkatalo ng mga Hapon, nagbalikan ang mga maylupa (landowners) at humingi ng bayad-upa mula sa mga magsasaka para sa 3 taong sakop ng Hapon ang Pilipinas. Hiningi rin ang bahagi nila sa ani nuong 3 taong nakaraan. Gaya ng dapat asahan, walang naibayad ang mga hampas-lupa [tillers of the earth] na naghirap din at nagutom pa dahil sa pagdakma ng mga palay ng mga Hapon [at ng mga guerrilla at mga Huk na rin] nuong digmaan. Ngayon, niligalig at pinahirapan sila ng mga security guards, pulis at PC na binayaran at pinalusob ng mga maylupa. Dahil ibinalik ng mga Amerkano sa pamahalaan at hukuman ang mga mayaman at maylupa, walang napagkublihan ang mga dukha kundi ang mga Huk. O sila na mismo ang naging Huk na rin. Hindi gaya nuong bago nagdigmaan, nagkasandata na ang mga hampas-lupa at marami sa mga guards, pulis at PC ang napaslang. Sa patuloy na pagligalig ng mga mayaman at maylupa sa mga magsasaka, maaaring sabihin na sila ang pinakamabisang kakampi ng mga Huk sa pagpapalawak ng aklasan sa Pilipinas, gaya nang kalupitan ng mga Español ang nagpasimula at nagpalawak ng Katipunan nuong panahon ni Andres Bonifacio.
Nang kumalampag nuong Septiembre 1945 ang libu-libong hampas-lupa na lumuwas sa Manila [pati na ang Pangkat 77], pinakawalan sina Taruc. Nilansag nila ang Hukbalahap at nagbuo ng panibagong kampihan, ang DA o Damayan ng mga Taong Bayan [Democratic Alliance] upang makipaghalalan bilang kinatawan sa Batasan [congress] ng unang Republica nuong 1946. Mabilis silang sinapian ng PKM o Pambansang Kaisahan ng mga Magbubukid [National Peasants Union] ang dati, at unang samahan ng mga magsasaka sa Nueva Ecija nuong 1924, ang KPMP o Kapisanang Pambansa ng mga Magbubukid sa Pilipinas [National Peasants Party], na itinatag muli dahil sa patuloy na pag-usig ng mga may lupa. Nabaling ang pagdakip at pagpatay sa mga kasapi ng DA-PKM nang nagsimulang kumampanya ang mga kandidato nuong Deciembre 1945, at lubhang sumidhi hanggang napilitan si Taruc na tumelegrama nuong Enero 16, 1946 kay Harry Truman, pangulo ng America, na ipatupad sa CIC at PC ang utos niya [ni Truman] na gawing mapayapa ang halalan sa Pilipinas.
Nanalo ang 6 kandidato ng DA-PKM sa halalan nuong Abril 1946, kasama si Luis Taruc, bilang kinatawan sa Batasan ng bagong Republica ng Pilipinas.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|