Giliw Na Dayuhan, At Katipunan
Aling pag-ibig pa ang hihigit sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa, aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
Ipagkahandog-handog ng buong pag-ibig hanggang sa may dugo’t ubusing itigis
Kung sa pagtatanggol buhay ang kapalit, ito’y kapalaran, at tunay na langit!
-- Andres Bonifacio, Pag-ibig sa Tinubuang Lupa
TAGAPULO ng Ireland, sa gilid ng Europa, ang mga magulang ni Josephine Bracken, ipinanganak nuong Agosto 9, 1876 sa Victory City sa Hongkong kina Elizabeth MacBride at James Brown, isang sundalo sa sandatahan ng Britain. Naulila at inampon siya ng isang nagngangalang Bracken nuong bata pa. Katulong siya ng isa pang nag-ampon, ang 63-anyos at nabubulag na makinista mula New York, si George Edward Taufer, kasama ang 40-anyos na Francesca Spencer nang dumating sa Manila nuong Febrero 5, 1895. Kapwa may cataract ang mga mata ni Taufer at, sa payo ni Julio Llrenete, Pilipinong nakatira sa Hongkong, nagpagamot siya kay Rizal.
Hindi naglipat buwan, unang nakita ni Rizal si Josephine, ang 19 taon gulang na dayuhang giliw [dulce estrangera, sweet foreigner], nang dumating ang 3 taga-Hongkong sa Dapitan. Bago nito, papetek-petek ang buhay ni Rizal mula nang dumating nuong Julio 17, 1892, - nagtayo ng bahay malapit sa dagat, pinaligiran ng mga namumungang punong-kahoy, nagtayo ng sariling ospital para sa kanyang panggagamot at paaralan para sa mga tinuturuang bata, pinaganda ang plaza ng kabayanan, nagtatag ng tubigan pang-bayan. Nagsulat, nagkuru-kuro at nakipagtalo sa sulat at sa dumalaw na mga ilustrado at mga pamangking Estanislao, Mauricio, Prudencio at Teodosio at mga kapatid na Trinidad at Maria.
Nuong buwan ding iyon, Febrero 1895, sinilaban ni Jose Marti ang himagsikan sa Cuba, sa kabila ng daigdig, isa sa 2 na lamang na nalalabing lupaing sakop ng España [spañsh colonies] sa America.
Sinamahang pabalik sa Hongkong ni Josephine ang matandang Taufer nuong Marso 14, 1895, ngunit madaling nagbalik sa Dapitan, kasama naman ang ate ni Rizal, si Narcisa Rizal-Lopez, at ikinasal sila, sa munisipyo sapagkat ayaw ng mga frayleng Jesuit sa simbahan hangga’t hindi binabawi ni Rizal ang mga sinulat laban sa Español. Patay nang ipanganak ang kanilang anak, pinangalanang Francisco ni Narcisa bilang parangal sa kanilang ama.
Nuong Junio 1896, pinapunta ni Bonifacio sa Dapitan ang isang manggagamot, si Pio Valenzuela, dati niyang kasama sa trabaho, upang anyayahan si Rizal, itatakas at itatago ng Katipunan, ngunit tinanggihan ni Rizal hindi lamang ang mungkahi kundi pati na ang himagsikan mismo:
‘Mula pa nuong unang marinig ko ang tinatangkang himagsikan, kinalaban ko na. Higit pa rito, nang marining kung nagtipon na ang mga maghihimagsik, inalay ko ang dangal, mating buhay ko, upang sugpuin ang himagsikan dahil tiwala akong masama ang ibubunga nito. Nailahad ko, at inuulit ko, na ang pagbubuti ng bayan ay kailangang manggaling sa itaas, ang nagmumula sa ibaba ay pambihira at walang katiyakan. Dahil sa paniwala kong ito, wala akong magagawa kundi isumpa ang himagsikan - kahangalan, kahayupan at binunyi nang hindi ko namamalayan - nakakasirang-puri sa ating mga Pilipino at pinapawalang-saysay ang mga nananawagan para sa ating ikabubuti. Muhi ako sa pusakal na paraan, at itinatatwa ko anumang kinalaman dito, awang-awa ako sa mga nalansi at sumapi.’
[Hango sa The Hero of the Filipinos nina
Charles Edward Russell at EB Rodriguez, 1923]
Sadyang tadhana marahil ng isang magiging bayani, hindi nagtagal ang kaligayahan ni Rizal; dumating din ang balita ng himagsikan sa Cuba. Upang matapos na ang kanyang pagkakatapon sa Dapitan, nagkusang magsilbi si Rizal bilang manggagamot ng sandatahang Español na lumulupig nuon sa mga Cubano. Natanggap, lumisan si Rizal pa-Manila upang tumuloy sa Cuba, nuong Julio 31, 1896, isang buwan lamang pagkaraan ng pag-uusap nila ni Pio Valenzuela.
Libu-libo na ang mga naging kasapi sa lihim pa ring Katipunan, tantiyang umabot na sa 30,000 sa sangpuluan, karamihan ay mga manggagawa sa Manila at mga magsasaka sa gitnaang Luzon. Ang unang supremo, si Deodato Arellano, ay pinalitan nuong 1893 ni Roman Basa ngunit hindi niya nagampanan, kaya si Bonifacio ang naging punong tagapagpaganap. Katulong niya si Jacinto bilang kalihim at fiscal. Silang dalawa rin, katulong si Pio Valenzuela, ang mga patnugot ng una at kaisa-isang lathala ng Kalayaan, ang pahayagan ng Katipunan na nagpalaganap ng mga adhikain ng napipintong himagsikan at naghikayat sa mga taong sumapi.
Sa Kalayaan unang nabunyag ang pagka-utak ng Katipunan ni Jacinto. Dukha ring gaya ni Bonifacio ipinanganak si Jacinto sa Trozo, Tondo, nuong Deciembre 15, 1875, kina Mariano Jacinto at Josefa Dizon, isang hilot. Nang maulila sa ama, napilitan siyang makitira sa tio, si Don Jose Dizon upang makapag-aral sa San Juan de Letran. Labag sa kagustuhan ng ina at tio, itinigil niya ang pagkuha ng abogacia sa Universidad de Santo Tomas upang sumapi sa Katipunan, nang 19 taon gulang pa lamang. Ang mga sinulat niya sa Kartila sa palayaw na Pingkian [swordfight] at sa Kalayaan bilang Dimasilaw, ang humuli ng kalooban ng mga tao:
Nuong 1896, pakiramdam ni Bonifacio na may sapat na lakas na ang Katipunan upang simulan ang himagsikan, ngunit wala silang mga baril; kailangan din nila ang malaki, lihim at ligtas na himpilan upang imbakan ng mga gamit at pagkain, pagkumpulin at turuan ang mga Katipunero sa pakikipaglaban. Minsan nuong 1896, nagtungo si Bonifacio at si Guillermo Masangkay sa Montalban upang sipatin ang mga gulod at cueva, pati na ang cueva ni Bernardo Carpio sa bundok Tapusi, sa San Mateo, Morong [lalawigan ng Rizal ngayon], ngunit wala silang nagawa na tungkol duon sapagkat, handa o hindi, nagsimula na ang himagsikan.
Sa dami ng mga kasapi, nangyari ang dapat asahang mangyayari - nabulgar ang Katipunan. Patago, inimprenta nila ang Kartilya at Kalayaan sa El Diario de Manila, kasabwat ang mga Katipunero duon. Ang isa, si Teodor Patino ay nangumpisal kay Mariano Gil, frayleng Augustinian, tungkol sa mga balak ng Katipunan, at kung sinu-sino ang kilala niyang Katipunero. Hangos nagsumbong ang frayle at nuong Agosto 19, 1896, sinimulan ng Guardia Civil ang magdamag at maghapong halughugan at dakipan sa Manila. Umabot nang 4,000 ang pinahirapan at binitay sa Bagumbayan, kasama ang karamihan ng mga ilustrado na dating kasapi sa wasak nang La Liga Filipina.
Kaskas tumakas palabas ng Manila si Bonifacio, Jacinto at mga pinuno ng Katipunan. Ang isang hindi nakatakbo ay si Rizal. Sakay siya sa barko papuntang digmaan sa Cuba, nakalayag na mula Manila nang abutin ng balita ng himagsikan sa Manila, at ng utos na dakpin siya. Ibinalik sa Manila, nilitis kunwari ng sandatahang Español at, sa utos ni Camilo de Polavieja, ang bagong dating na governador general, hinatulan siyang mabitay sa Bagumbayan pagkaraan ng 3 araw, sa ika-8 ng umaga ng Deciembre 30, 1896.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|