Felipe 2

Felipe 2: Matimtimang Mananakop

Hindi ko alam kung bakit akala nila bato o bakal ako.
Ang totoo, kailangan nilang makita na gaya ng sinuman, ako ay tao at yayao rin

- Felipe 2, 1578

PAGKARAAN ng 3 taon lamang, muling nagpundar si Carlos 5, hari ng España, ng paghakot ng spices sa Maluku. Kasama uli si Sebastian del Cano nang maglayag si Juan Garcia de Loaysa nuong Julio 14, 1525 mula La Corona. Kasama rin ang isang sundalo, si Capitan Andres de Urdaneta, beterano ng digmaan ng Español sa Italia.

Madali silang nakatawid sa Atlantic Ocean, gamit ang Lusutan ni Magellan [Magellan Straits] sa paanan ng South America na natuklasan ni Ferdinand Magellan sa unang lakbay nuong 1520. Sa Pacific Ocean, datapwa, nagsimula silang malasin. Namatay si Loaysa sa kalagitnaan ng dagat; agad pumalit si Del Cano ngunit siya man ay namatay din. Si Martin Iniguez de Carquizano naman ang namuno at, paiwas sa Pilipinas, tumuloy sa Maluku. Hinarang sila ng mga Portuguese at napilitang umurong sa pulo ng Tidore, isa sa mga pulo ng Maluku, upang maghintay ng tulong mula España.

Mula Mexico, tinawag nuong Nueva España, nanggaling ang tulong, - mga barko ni Alvaro Saavedrade Ceron na lumunsad nuong Octobre 31, 1527, upang hanapin ang 2 taon nang nawawalang Loaysa. Napadpad sila ng hangin sa Surigao nuong Febrero 1, 1528, ngunit ipinagtabuyan sila ng mga tagaroon; napilitan silang magtuloy sa Maluku. Sa Tidore, napulot nila ang mga natitirang tauhan ni Loaysa at, siksik ng cloves at iba pang spices, nagtangkang bumalik sa Mexico. Ngunit mali ang dinaanan nila, salungat sa tungo ng hangin, at napadpad sila sa pulu-pulo ng Carolinas [Caroline Islands]. Duon namatay si Saavedra; ang pumalit, si Pedro Lazo, ay namatay din. Nasiraan na ng loob ang mga Español, bumalik sa Maluku at sumuko sa mga Portuguese. Palacio Madrid

Hindi nasira ang loob ni Carlos 5. Nakipag-ayos siya sa mga Portuguese sa Treaty of Zaragosa, ipinagbili niya sa Portugal ang karapatang gamitin ang Lusutan ni Magellan. Binayaran din siya ng Portugal upang huwag nang lumusong sa Maluku. Pagkatapos, inutusan niya ang kanyang Pangalawa [Viceroy] sa Mexico, si Antonio de Mendoza, na magpadala ng mga mandirigma upang sakupin ang Pilipinas.

Hindi na Maluku, hindi na naligaw lamang, Pilipinas na talaga ang sadya ng mga Español. Hindi na spices kundi kalakal ng China ang hangarin na ng España, at ang Pilipinas ang gagamitin nilang himpilan sa dulo ng malawak na Pacific Ocean. Si Ruy Lopez de Villalobos ang namuno sa mga mandirigmang lumisan sa Mexico nuong Noviembre 1542 at, pagkaraan ng 3 buwan, nakarating sa Davao, sa Mindanao. Madaling pinangalanan ni Villalobos ang mga pulu-pulo sa paligid ng Samar, Leyte at Mindanao na Islas Felipinas bilang parangal sa anak ni Carlos 5, si Principe Felipe ng Asturias. Sinimulan ni Vilallobos na sakupin ang mga pulo, ngunit naitaboy sila ng mga Waray sa Leyte at, dahil naubusan ng pagkain, napilitan silang sumuko sa mga Portuguese sa Maluku nuong Abril 24, 1544. Escorial

Kulang-kulang 25 taon natahimik ang Pilipinas; tumigil na rin si Carlos 5, abala sa mga digmaan niya sa Europa. Pagkaraan ng 9 taon, namahinga na siya sa convento sa Yuste, sa Caceres, España, at hinirang na hari ang kanyang anak, si Felipe 2 nuong 1553. Naungkat nito ang lagay ng kapuluang binigyan ng pangalan niya, ang Islas Felipinas. Nang sabihin ng Tagapagpayo Sa Mga India [Council of the Indies] na kalimutan na ang Pilipinas at walang kikitain duon, sinalungat niya at inatasan ang Pangalawa sa Mexico, si Luis de Velasco, na magpadala uli ng mga mananakop [conquistadores] sa Pilipinas. Kahit daw isang binyagan na lamang ang natitira duon, kailangang ipagtanggol at kupkupin ng kaharian ng España. Ngunit maliwanag ang kanyang utos: (1) Iwasan ang madugong digmaan na kasalukuyang sumalanta sa mga katutubo ng Central at South America nuon. (2) Binyagan at gawing catholico ang mga Pilipino. Hindi na yaman kundi ang mga kaluluwa ng mga Pilipino na ang habol ng España.

Buong buhay niya, masigasig si Felipe 2 sa pagiging matimtiman at sa pagsakop sa maidadagdag sa kanyang kaharian. Kahit na ang mga Papa sa Roma ay madalas niyang nakaaway dahil sa pagsakop niya sa mga bahagi ng Italia. Kasalukuyan sa paghahari niya, lumalawak ang mga sakop ng España sa Central at South America at bumuhos sa España ang ginto at pilak mula duon. Ginamit ni Felipe 2 upang makipagdigmaan sa France at England, at sa Dutch Netherlands na naghimagsik at nakatiwalag mula sa kaharian ng España. Pagkaraan ng ilang taon, ang Dutch ang pumalit sa Portuguese sa sumakop sa Maluku at pagkatapos, sa buong Indonesia. Pati na sa kabila ng Mediterranean Sea, sinangkot ni Felipe 2 ang España sa mga digmaan laban sa Turkey at sa Algeria. Sa laki ng gastos sa mga digmaan at pagsakop, nagka-utang-utang pa siya sa mga mayayaman sa Europa - 4 na ulit niyang itinatwa ang mga utang na hindi niya kayang bayaran.

Ang kanyang pagiging matimtiman, ang dahilan ng pagsakop sa Pilipinas, ay nakatulong sa pagbagsak ng España bilang isa sa pinakamayamang bayan sa Europa. Pinairal ni Felipe 2 ang inquisition, ang pag-usig at pagparusa sa mga tumiwalag sa pagsamba sa simbahang catholico. Ginawang dahilan ito upang wasakin at ipagbawal ng mga Español ang mga sulat at kasaysayan ng mga katutubo sa Pilipinas. Sa España, nasalanta nito ang anumang makabagong diwa na umiral sa lipunan, at napigilan ang pasok ng mga makaunlad na pag-iisip na nagsimula nuong lumaganap sa buong Pulubi kanlurang Europa, kaya nanatiling makaluma ang mga pag-iisip ng mga Español. Sinabayan pa ni Felipe 2 ng pagpatay at pagpatapon sa mga Judio at mga Arabe, ang mga maalam sa pagtatanim [agriculture], gawain [arts] at pagpundar ng kalakal at paggawaan [finance, commerce and manufacturing]. Nahinto tuloy ang paglago ng paghanapang-buhay [economy] sa España.

Bantog si Felipe 2 sa España, madalas naglakad mag-isa sa mga lansangan ng Madrid, suot ang kanyang itim na sutana, nang walang gumagambala. Maliban sa paggala sa paligid-ligid, lagi siyang nakapinid sa kanyang palacio sa Madrid, at sa El Escorial, ang lumang convento na kanyang nakagiliwan. Karaniwang 10 hanggang 12 oras siya kung magtrabaho araw-araw, sulat nang sulat ng mga utos at usisa sa mga pinuno ng iba’t ibang bahagi ng kanyang kaharian. Ngunit ang mga tao ng tinatahanang kaharian ng España ang nagdusa sa kanyang pamamahala, sa magkambal na pagkamakaluma at sobrang gastos ng mga pagsakop at mga digmaan. Kinalimutan ni Felipe 2 ang kapakanan ng mga karaniwang Español. Ang mga dukha ay nanatili, o lalong naging dukha. Ang mayayaman, tulad niya, walang inatupag kundi ang pagkamal ng ari-arian at yaman at hindi pinansin ang mga tao. Kaya hindi nagtagal pagkatapos ng 71 taong paghahari ni Felipe 2, nasadlak ang España sa pagiging pinakamakaluma at pinakamahirap sa buong Europa.

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod