Erap at mahirap

Erap Para Sa Mahirap

Tawagin n’yo akong bobo, ngunit huwag n’yo akong tawaging ‘corrupt’!
                         - Joseph Ejercito Estrada, Pangulo ng Pilipinas nuong 2001

LAKI sa Tondo kung saan siya ipinanganak nuong Abril 18, 1937, natagpuan ni ‘Erap’ Joseph Ejercito Estrada ang papel niya sa buhay sa pelikula, bilang isang matipunong hampas-lupa, nakikipagbakbakan hanggang makatagpo ng marangal na pamumuhay sa gitna ng marahas at walang-awang lipunan. Mahusay na artista, naging bantog at mayaman si Estrada kahit na tutol ang mga magulang sa kakulangan ng dangal ng kanyang hanap-buhay. Nuong lamang 1969, nang mahalal si Estrada na alkalde ng San Juan, Rizal, nabawi ang kalooban ng mga magulang. Sa gulat ng marami, mahusay at bantog na alkalde si Estrada, at sa 16 taong panunungkulan, napahanga niya ang lahat sa dami at galing ng kanyang mga nagawa sa San Juan.

Naputol lamang ang kanyang pamumuno duon nuong Pebrero 1986 nang naghimagsik ang mga taga-Manila sa EDSA laban kay Ferdinand Marcos, na kakampi ni Estrada. Napasama siya sa mga itiniwalag ng bagong pamahalaan ni Pangulo Cory Aquino, ngunit nabalik siya sa politica nang nahalal siya sa sumunod na taon bilang senador ng Batasang Bayan [Philippine Congress]. Nagpatuloy ang bagong buhay niya sa politica nang manalo siya bilang Pangalawa [vice president] nuong 1992 nang naging Pangulo si Fidel Ramos.

Kinalaban siya ng pambato ni Ramos, si Jose de Venecia, sa sumunod na halalan ngunit sa kanyang palatok sa madla ng ‘Erap Para Sa Mahirap,’ at sa tulong ng mga dating kakampi niya sa pamahalaan ni Ferdinand, nanalo si Estrada. Nuong 1998, hinirang siyang pangulo ng Pilipinas, ang pinakamalaking papel na maaari niyang gampanan sa buhay. Ang hirap lang, hindi nagampanan. Sa kanyang pagkahirang nagsimula, mula sa pinakamatayog na tagumpay niya, natupad ang pinakamasakit na bagsak ni Estrada. Marahil, dahil napahaba nang husto ang paggantimpala sa sarili, o maaaring nawaglit sa isip ang mga alituntunin na naghatid sa kanya sa Malacanang. Nakalimutan niya ang maraming pelikula niyang nilabasan, nalimot niya ang daan-daang papel ng pakikibaka na ginampanan, nalimot niya ang pamumuhay nang marangal.

Nalimot niya na marahas at walang-awa ang lipunan. Estrada

Agad kumalat ang balita ng midnight cabinet, lasingan sa hatinggabi sa Malacanang kasama ang mga kaibigan, inuman ng imported na alak, 1,000 piso ang halaga ng bawat bote. Kumalat ang bulungan ng suhulan at walang tigil na pagkurakot sa pamahalaan. Sitsit-sitsit din ang bahay para sa isa sa mga querida , mahigit 1 milyon piso ang halaga. Pinabayaan, hindi pinansin, walang tiyaga sa panunungkulan, hindi kaya o ayaw magtrabaho, nawalan ng tuntunin ang pamahalaan ni Estrada. Sinabayan pa naman ng pagbagal ng kalakal at paghanapang-buhay [economy] sa Pilipinas at buong Asia kaya nainis at nabalisa ang mga nagkakalakal at mga nagpupundar [financiers], ang mga bangko at kawanihan ng pananalapi [financial institutions] sa patuloy na pagkalugi sa Pilipinas, lalo na sa Makati.

Nakasama ng mga inis at ng mga balisa ang 3 pang pangkat na galit sa pagiging pangulo ni Estrada, at sa loob ng 2 taon lamang, naglinaw ang opposition:

  1. Mga inis at balisang nagkakalakal at nagsasalapi [financiers] na nalulugi sa Makati , hindi nakasali o nausog ng mga alalay ni Estrada.
  2. Simbahang katoliko. Nuong kampanya pa lamang, ipinagmalaki na ni Estrada ang dami ng kanyang mga querida, ang kanyang mga anak sa labas, mga eskandalong tangi at hinangaan, pahiwatig ng pagkalalaki, ngunit itinuring ng simbahan na sampal sa mga utos ng simbahan at pagyurak sa pag-aamuki ng mga pari sa mga sumasamba.
  3. Mga old guard politico, lalo na ang mga pinuno ng unang EDSA na nagpabagsak kay Marcos. Tinalo na nga ang isa sa kanila, si Jose de Venecia, sa halalan nuong 1998, may insulto pa si Estrada tuwing tututol sila sa mga balak, Ako ang nahalal na pangulo, hindi kayo!.
  4. Ang mga pahayagan at media, maiglap na ikinakalat sa buong kapuluan ang anumang bulong at sumbong laban kay Estrada o sa kanyang mga kaibigan at tauhan. Ilang ulit, naghiganti si Estrada sa ilang pahayagan, nilibak niya ang sinuman sa media na pumintas sa kanyang pamamahala.

Sinuman ang nais maging pinuno ng bayan ay laging luhod sa mga pangkat na ito, kahit na si Ferdinand nuong una, ngunit hindi lamang sila inirapan, hinamon pa at ginapi ni Estrada. Davide

Sumubo ang baho nuong Oktobre 9, 2000, nang naghayag si ‘ChavitLuis Singson, governador ng Ilocos Sur at kainuman ni Estrada, na “nilagyan” niya si Estrada ng 8 milyon dolyar na suhol mula sa mga nagpapasugal ng jueteng, at mahigit 2 milyong dolyar na kurakot mula sa buwis sa tabako. Mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Pagkaraan ng 5 araw, nagbitiw ang Pangalawa [vice president] ni Estrada, si Gloria Macapagal Arroyo, sa tungkulin bilang kalihim ng Social Welfare and Development at sumama sa opposition. Wala pang 10 araw pagkahayag ni Governador Singson, nuong Oktobre 18, 2000, sinimulang usisain ng house of representatives ng Batasang Bayan [Philippine Congress] ang mga ulat ng suhol at pagkaltas sa buwis. Sa kalagitnaan ng pag-uusisa, nuong Nobyembre 2, 2000, tumiwalag ang maraming kinatawan [congressmen] at mga pinuno ng Batasan mula sa pangkat pampolitica ni Estrada, ang PMP o Pwersa ng Masang Pilipino [Power of the Filipino Masses] at nagbitiw sa tungkulin ang 6 kasapi sa kanyang cabinete. Isang buwan lamang mula nang magsuplong si Singson, nuong Nobyembre 13, 2000, naglabas ang mga kinatawan ng Batasan ng impeachment o paratang kay Estrada upang alisin siya mula sa pagka-pangulo.

Nagsimula nuong Disyembre 7, 2000, ang paglitis kay Estrada ng mga senador sa Batasang Bayan, sa pamumuno ni Hilario Davide Jr., punong hukom ng Philippine Supreme Court sa mga paratang na:

  1. Tumanggap daw si Estrada ng 8.5 milyon suhol mula sa mga nagpapasugal
  2. Kumarakot daw si Estrada ng 2.7 milyon mula sa buwis sa tabako. Hinuwad pa raw ang pahayag niya ng kita, upang makadaya sa pagbayad ng pansariling buwis
  3. Hinadlangan daw ni Estrada ang pag-usig sa kaibigan niya ng Securities and Exchange Commission sa salang pandaraya sa stock market
  4. Bawal sa Kasulatan ng Katauhan ng Bayan [constitution] ang magpayaman habang nanunungkulan, ngunit nagpayaman daw si Estrada habang pangulo ng Pilipinas nang sumali siya sa pagkakalakal ng lupa ng pamilya niya
Clarissa

Tahimik ang pagdinig ng mga tao sa mga hayag ni Singson, ngunit nagimbal ang buong kapuluan sa testigo ni Edgardo Espiritu, dating kalihim ng pananalapi [secretary of finance] at tauhan ni Estrada sa Malacanang, na katuwang [partner] si Estrada ni Dante Tan sa BW Resources Company, na inuusig ng Securities and Exchange Commission dahil sa pandaraya sa stock market . Sabi daw ni Estrada kay Espiritu na malaki ang kinikita niya sa BW Resources. Kaya ayaw daw ituloy ang pag-usig sa compania.

Lalong naniwala ang maraming tao na may mga kasalanan si Estrada nang tumestigo si Clarissa Ocampo, vice president ng Equitable-PCI Bank na lumagda si Estrada sa pangalang Jose Velarde sa mga dokumento ng 10 milyon pisong pautang. Nuong Disyembre 20, 2000, nagbitiw ng tungkulin si George Go bilang pangulo ng PCI Bank. Kasama sa mga dokumento mula sa PCI ay isang sobre [envelop] na nais buksan ng 10 kinatawan ng Batasan [House representatives] na tagapag-usig [prosecutor] sa impeachment. Magpapatunay daw na mahigit 63 milyon dolyar ang naipon ni Jose Velarde sa iba’t ibang deposito sa PCI. Pimentel

Hindi tinukoy sa mga paratang! ang tutol ng mga senador na nagtatanggol kay Estrada sa impeachment. Sa botohan kung bubuksan ang sobre, 11 senador ang kumampi kay Estrada na walang kinalaman sa impeachment ang mga dokumento, samantalang 10 senador lamang ang bumoto na isali ang mga dokumento sa paglitis kay Estrada. Nanatiling nakasara ang sobre at, nuong Enero 16, 2001, nilisan ni Senador ‘Nene’ Aquilino Pimentel, pinuno ng Senado, ang paglilitis sapagkat maliwanag na hindi makakamit ang boto ng 15 senador na kailangan upang maalis sa pagka-Pangulo si Estrada. Sumunod na araw, lumisan na rin ang 10 kinatawan ng Batasan na umuusig, pinamunuan ni Joker Arroyo. Sumama sila sa libu-libong tao na nagsimulang magkumpulan sa dambana [shrine] ng EDSA upang manawagan kay Estrada na umalis na sa Malacanang.

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod