Thomasites

Isang Bayan, Isang Wika: English

Sukdulang lupigin natin sila nang agad matapos ang digmaan,
at maging kaibigan natin silang muli

- General Ulysses S. Grant, nuong US Civil War, 1860 - 1864

NAGPAPANIBAGONG buhay o lagalag, nagka-catechismo o naghahanap-buhay, anumang tangka, 540 Amerikanong guro at ang kanilang mga pamilya ang naglayag mula San Francisco, California, upang magturo sa Pilipinas. Nagkusa sila sa Civil Service Commission [sangunian ng kawanihang bayan] at sumakay sa barkong panghakot ng sandatahan Amerikano [US Army transport], pinangalanang Thomas, dating panglikas ng baka na tinawag na Minnewaska. Sila ang pumalit sa mga sundalong umuwi na sa America.

Nauna sa kanila ang 46 Amerikanong sakay sa barkong Sheridan ngunit sila ang pinamalaking pangkat nang dumaong sila sa Manila nuong Agosto 23, 1901, pagkatapos ng isang buwang paglalakbay, at madali silang binansagang Thomasites, ang mga taga-Thomas. Pagkaraan ng isang taon, humigit sa 1,000 ang mga Amerikanong nagtuturo sa iba’t ibang lalawigan ng Pilipinas. At nagpapakasakit. Hindi nag-2 taon, 27 Thomasites ang namatay sa sakit o pinaslang ng mga tulisan. Ang bayad pa sa kanila ay pesos ng Mexico, na nuon ay laging bumababa ang halaga. Dahil sa layo sa Manila, madalas huli ang kanilang sahod, wala silang makuhang gamit. Thomas

Naidadaos nila sa tulong ng mga tagaruon. Kapag walang paaralan, inaanyayahan silang magturo sa mga munisipyo. Binibigyan at pinauutang sila ng pagkain ng mga tindahan at ng mga nagkakalakal. Pati ang mga bayad sa multa at iba pang kita ng nayon o ng kabayanan ay ibinigay sa kanila upang gamitin sa paaralan. May mga kumalaban din sa kanila: Ang mga pari na naghihinala na nagtuturo sila ng pagsamba ng Protestante. Ang mga dating guro rin ay maktol sa kakaibang gawi ng pagtuturo. Nuong panahon ng Español, nagbabasa ng malakas at sabay-sabay ang mga bata, hindi inuunawa ang binabasa, sadyang kinakabesa na lamang. Ang mga Thomasites ang nagturo sa mga Pilipino kung paano mag-aral - magbasa ng tahimik at pagkatapos, isalaysay sa isa’t isa ang nabasa [recitation] at pag-usapan ang paksa [discussion]. Ang pag-unawa ay higit na mahalaga kaysa pag-memoria. Ito hanggang ngayon ang turo sa mga bata sa paaralan. With family

Sila ang nagturo sa mga Pilipino na igalang na muli ang pagbabatak ng buto, pagkatapos ng mahigit 300 taon paglibak ng mga Español sa pagpapatulo ng pawis, nang isama nila sa pag-aaral ang pagtanim sa bakuran [gardening]. Sila ang nagsimulang magbuklod sa iba’t ibang pangkat nang gawin nilang iisa, English, ang wika sa paaralan. May isang munting salaysay: Nang ipakita ng gurong Thomasite ang larawan ng isang kalabaw, magkakaibang pangalan ang isinagot ng mga bata, mga galing sa Pangasinan, sa Ilocos, sa Pampanga at sa Benguet. Kaya ang itinuro ng guro ay iisa lamang ang pangalan nito - KERebaw [carabao, ang dinig at bigkas ng Amerikano sa ‘kalabaw’]. At sa kanilang pagtuturo, sa kanilang pakikitungo sa tao, mula sa kanilang kuru-kuro, natutunan ng Pilipino kung ano ang maging malaya, kung paano mag-isip, magsalita at maging mamamayan. Basketball

Ang pinamalaking nagawa nila ay simulan ang pagtuturo sa mga Pilipino na maging guro rin. Pagkaraan ng 12 taon, nuong 1913, mahigit 7 libong Pilipino na ang naging guro, kulang pa sa 700 ang mga natitirang Amerikanong guro. Pagkaraan ng 10 taon pa, mahigit 300 na lamang ang mga Amerikano, at mahigit 24,000 ang gurong Pilipino. At nuon ding 1923, mahigit 6,000 na ang mga paaralang may hardin ng halaman at gulay. Nuong panahon ng Español, wala.

Sila at ang itinayong Normal School, paaralan ng mga magiging guro sa mga mababang paaralan [elementary schools], ang nagbago sa Pilipinas, mula sa pagiging isa sa pinakabobong bayan. Mahigit 300 taon, ayaw turuan ng mga Español maliban sa pagbasa ng dasal at buhay ng mga santo. Ngayon, pagkaraan ng mahigit 3 anakan-anakan [generations], ang Pilipinas ay isa sa mga may pinakamaraming marunong bumasa at sumulat, 9 sa bawat 10 tao, sa buong daigdig. At 3 sa bawat 5 Pilipino ay marunong ng English. Normal School

Ngunit sa Manila nuong 1902, mga Amerkano lamang ang marunong mag-English, pulos Español pa ang wika ng mga principalia na nagsimulang dumanak sa lungsod upang mag-politica - wala nang ibang landas na matatahak upang maging malaya sapagkat lubusang supil na ang sandatahang Pilipino. Kinalampag nila si governador William Taft na payagan silang magtatag ng Partido Independencia ngunit panay ang tanggi nito dahil sa salitang ‘independencia.’ Nuong 1902, ipinasa ng batasan ng America [United States Congress] ang Philippine Organic Act na

Benguet school Dahil sa napipintong kauna-unahang halalan sa Pilipinas, pumayag na rin si Taft nuong 1902 na magtatag ng sapian ang mga Pilipinong makabayan, kung aalisin ang ‘kalayaan’ sa pangalan at adhika, ngunit ang mga Pilipino naman ang tumanggi. Kaya nasarili ng Partido Federal ang politica sa Manila, at nagsimulang maniwala sina Pardo de Tavera, Arellano at Legarda na sikat sila. Nagkaroon ng pagkakataon ang mga Pilipino nang nahirang na kalihim ng digmaan ng America [US Secretary of War] si Taft at lumisan ito nuong Enero 1904. Upang makalusot kay Luke Wright, ang pumalit na governador ng Pilipinas, binago ng mga maka-kalayaan ang pangalan ng kanilang sapian, naging Partido Nacionalista [Nationalist Party] nang iharap nila sa Philippine Commission upang makamit ang kinakailangang pagsang-ayon nito. Tinangkilik pa rin nila ang mga adhikang ‘kalayaan sa pinakamadaling panahon’ at ‘pang-sarili at makapag-isang pamahalaan ng Pilipinas.’ Napayagan silang itatag ang Partido Nacionalista nuong 1906, tamang-tama at nagkaroon sila ng isang taon upang kumampanya para sa halalan nuong 1907 ng mga magiging kinatawan sa kauna-unahang Philippine Assembly.

Karumal-dumal ang pagkatalo ng Partido Federal nina Pardo de Tavera, Arellano at Legarda, tinabunan sila ng mga kandidato ng Partido Nacionalista. Kaya pulos Pilipino ang mga kinatawang nagpulong nuong Octobre 16, 1907, nang buksan ang Philippine Assembly upang sumulat ng mga batas sa Pilipinas. Isa sa mga saksi sa pagbubukas si William Taft, kalihim ng digmaan ng America, nagbalik upang makita ang pagbubuo ng Assembly. Binago ng mga talunang Pardo de Tavera, Arellano at Legarda ang kanilang Partido Federal, ginawang Partido Progressivo Nacional [Progressive National Party]. Ginawa ring kalayaan na at hindi pagsama sa America ang kanilang kampanya, ngunit tabingi pa rin. Kaya nakipagsanib sila sa Partido Democrata Nacional [National Democratic Party] nuong 1917 upang maging Democratic Party of the Philippines. Tinalo pa rin ng mga Nacionalista sa halalan.

Nuong 1916, inilabas ng batasan ng America [US Congress] ang batas na tinawag na Jones Law na nangakong bibigyan ng kalayaan ang Pilipinas kapag nakapagtatag ang mga Pilipino ng matibay at mapayapang pamahalaan. Nagkatotoo rin, sa wakas, ang mga adhika ni Apolinario Mabini, 13 taon pagkaraan ng kanyang kamatayan. Ipinayo niya nuong pang 1902 sa lahat ng nais makinig, at sa mga Amerkano na pulos ayaw makinig, na lubusang kalayaan lamang ang tatanggapin ng mga Pilipino, at lubusang kalayaan lamang ang mapapairal ng mga Amerkano dahil ito ang tanging karanasan nila. Ipinayo rin ni Mabini sa mga pinuno ng mga Pilipino na makipagkasundo sa mga Amerkano at tumulong sa pamamahala ng kapuluan sapagkat sa ganitong paraan lamang makakamit ang kalayaan ng bayan.

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod