EDSA: Lakas Ng Bayan
Arava u mayet an namaes u ryes
Walang malakas na tao sa harap ng delubyo
- Sawikain ng Ivatan sa Batanes
Ang pagkamatay ni Ninoy ay pagkabuhay muli ng ating bayan
- ‘Cory’ Corazon Aquino
KABABATA ni Emilio Jacinto si Epifanio de los Santos y Cristobal, ipinanganak nuong Abril 7, 1871, at lumaking ilustrado gaya ni Apolinario Mabini ngunit naglakbay siya sa iba’t ibang bayan at nagpatuloy ng pagdalubhasa sa halip na sumali sa Himagsikan o sa digmaan laban sa America kaya 2 ulit man siyang naging governador ng Nueva Ecija at nakilalang manalaysay [historian] at tagakatha ng himig [musician composer], wala siyang kapansin-pansing naidulot sa magulo at madugong kabanata ng kasaysayan ng Pilipinas nuong kapanahunan niya bago siya pumanaw nuong Abril 18, 1928.
Wala ring pumansin o nagpangalan man lamang sa maalikabok at ilang na service road sa hilaga ng Manila na bumagtas mula Caloocan hanggang Paranaque, 54 kilometro ang haba kaya Highway 54 ang palayaw ng mga Amerkanong naglatag ng lansangan. Nuon lamang paunlarin ng angkan ng mga Araneta ang Cubao binigyan ng Batasan [congress] ng Pilipinas ang mahabang lansangan ng mahabang pangalan ng hindi kilalang dating governador ng Nueva Ecija. Kaya mula 1959, ang bihirang gamiting lansangan ay nagkaroon ng mahirap bigkasing pangalan ng Epifanio delos Santos Avenue.
Sa madaling sabi, EDSA.
Duon tumakas ang 2 ministro ni Ferdinand Marcos, kasama ng 300 sundalo, Sabado ng hapon nuong Febrero 22, 1986 upang magbitiw ng tungkulin, magkubli mula sa parusa ni Fabian Ver, kanang-kamay ni Ferdinand, at manawagan sa hukbo ng Pilipinas na kumampi sa kanilang pagtiwalag sa pagdidictador sa Malacanan. Matimtiman na nagsilbi kay Ferdinand si Juan Ponce Enrile, kalihim ng tanggulan [minister of defense] na nakahimpil sa Camp Aguinaldo, at si General Fidel Ramos, pinuno ng PC [Philippine Constabulary] na himpil naman sa katapat na Camp Crame, hanggang mausog sila ni Ver at ng mga alalay nito at natanaw nilang wala silang kinabukasan sa pagpapatuloy ng kaharian ni Ferdinand at, sa tingin ni Enrile, hindi siya iiwanang buhay ni Ver.
Matapos manawagan sa mga sundalo na kampihan sila, hiniling nila kay Ferdinand na magbitiw na bilang pangulo ng Pilipinas. Madaling nakita ng mga kakampi ni ‘Cory’ Corazon Aquino at ‘Doy’ Salvador Laurel, ang mga tumalo kay Ferdinand sa kararaang halalan, na ito ang pinakamabisang panlaban sa dahas at pusok na ginagamit ni Ferdinand upang manatili sa Malacanan. Sumugod nuong hatinggabing iyon si Agapito Aquino, kapatid ni Benigno, sa Radio Veritas ng simbahang katoliko at nanawagan sa mga tao na kumampi at ipagtanggol sina Enrile at Ramos sa inaasahang paglusob ng mga sandatahan ni Ver. Pagkaraan ng ilang oras, si Cardinal Jaime Sin man ay nanawagan na rin sa lahat na sumugod sa EDSA, ang mga pari, madre at mga relihiyoso sa Metro Manila, paligiran ang 2 campo at harangin ang mga lulusob. Inutusan niya ang mga mongha sa mga kumbento na manalangin nang walang tigil, huwag kumain bilang panata, hanggang magtagumpay sina Cory at Doy.
Hintay muna pa: Bakit natakot si Enrile na patayin siya ni Ver? Bakit sumama sa kanyang mag-aklas si General Ramos?
Nuong 1981, hinirang ni Ferdinand si Ver na pinuno ng sandatahang bayan [AFP or Armed Forces of the Philippines], nilaktawan si General Ramos. Pagkaraan ng isang taon, nuong Hulyo, 1982, nadinig ni Enrile na balak ni Ver na alisin siya sa katungkulan. Kasapakat ni Coronel Gregorio Honasan at ilan pang batang pinuno ng sandatahan, itinatag ni Enrile ang RAM [Reform AFP Movement] at nagsimulang mag-imbak ng mga sandata at maghikayat ng mga kakamping sundalo upang labanan si Ver. Natunugan ito ni Ver at naging mainit ang ugnayan nila at si Ferdinand lamang ang pumigil ng sugapaan nila. Pagkaraan ng isa pang taon, nuong Hulyo 1983, nagbitiw sa katungkulan si Ramos at si Enrile ngunit tinanggihan ni Ferdinand. Nagbuo na rin ng pangkat si Ramos, ang Special Action Force, at sumapi sa RAM, ang pangkat ni Enrile, upang magsanay sa labanan. Nang nag-agaw buhay si Ferdinand pagkatapos ng pang-2 operasyon [renal transplant surgery], nagsimulang umamin si Enrile na nais niyang maging pangulo ng Pilipinas kapag hindi na interesado si Ferdinand. Nuong Febrero 1985, nagsimulang sumanib sa RAM ang mga matataas na pinuno ng hukbong Pilipino. Pagkaraan ng 6 buwan, nabunyag ang balak ni Ver na dakpin ang mga pinuno ng pangkat. Nagsimulang magbalak ang RAM ng kudeyta [coup d’etat] upang alisin si Ferdinand sa Malacanan, gaganapin sa Febrero 23, 1986 pagkatapos manalo si Ferdinand sa snap election.. Natunugan ito ni Ver at nuong Febrero 14, pinulong ni Ferdinand ang mga pinuno ng sandatahan upang pag-usapan ang pagdakip sa mga pinuno ng RAM at ang pag-alis kay Enrile. Nuong Febrero 18, 1986, nadinig ni Enrile na pinakakalat na ni Ver ang mga sundalo niya paligid sa Manila. Nagtago na si Enrile at si Ramos.
Gaya ng inasahan ng libu-libong nagbabantay sa EDSA, pinalusob ni Ver ang mga tangke nuong Febrero 23, 1986 upang lipulin ang mga tiwalag sa Camp Crame at Camp Aguinaldo. Pinaligiran ng malalaking kanyon at pinalusob din ang mga helicopter gunships upang masingganin [machine-gun] ang 2 campo. Pinasabog ang transmitter ng Radio Veritas upang matigil ang patuloy at kaisa-isang nagsasahimpapawid ng harapan sa EDSA, ngunit napalitan agad ng hindi natuntong Radio Bandido, at nagpatuloy ang pagdagsa ng mga tao sa EDSA. Ang libu-libo ay naging ilanpong libo, at naging daan-daang libo, matanda, bata, mayaman, mahirap, babae, lalaki, relihiyoso, walang-Diyos, sikat, dukha, humarap, lumuhod, humarang sa mga tangke, sa mga truck, nanawagan sa mga sundalo, nanawagan sa radyo, nanawagan sa diyos, nanawagan ng pagkain, ng panalangin, ng awit at himala.
At tumirik ang mga tangke.
Ayaw magpaputok ng mga kanyon. Lumapag ang mga helicopter gunship sa Camp Crame at tahimik na sumuko kina Enrile at Ramos. Tumanggi ang Philippine air force sa utos ni Ver na bombahin at masingganin ang Camp Crame. Dumaong sa bunganga ng ilog Pasig ang mga barkong pandigma ng Philippine navy at tumawag kina Ramos at Enrile, handa na silang kanyunin ang Malacanan anumang oras nila iutos. Handang makipagdigmaan laban sa mga tiwalag, tumanggi ang mga sundalo, piloto at marinero na lipulin ang mga mamamayang dumanak sa EDSA. Sagot sa mga panalangin, dumating ang himala. At naglaho ang kapangyarihan ni Ferdinand.
Lunes, Febrero 25, 1986, ipinatawag ni George Schultz, kalihim panlabas ng America [US secretary of state], ang ambassador ng Pilipinas sa Washington DC upang ipasabing magkakaroon ng digmaan ng mga magkabayan [civil war] sa Pilipinas kung hindi magbitiw si Ferdinand. Ito rin ang hinayag ng US ambassador sa Manila kay Ferdinand mismo kasabay ng pasabi sa Washington DC. Pinayuhan din si Ferdinand ng ilang makapangyarihang senador sa US Congress na oras na upang bumitaw, at bumitaw nang malinis. Nagpasabi rin si Ronald Reagan, pangulo ng America, na tutulungan si Ferdinand, ang kanyang pamilya at mga alalay na lumisan nang mapayapa sa Pilipinas at manirahan sa America.
Martes ng umaga, Febrero 25, 1986, halos buong hukbo ng Pilipinas ay tumiwalag na, at nagpasimulang panata ng tungkulin [inaugural oath of office] si Cory at Doy sa harap ng mga pinuno ng pamahalaang bansa [national government] bilang pangulo at pangalawang-pangulo ng Pilipinas. Sa Malacanan naman, hinirang na pangulo muli si Ferdinand ng mga kakampi nuong umaga rin iyon. Ngunit kinahapunan, nagsimulang kumapal ang mga galit na tao sa labas ng Malacanan, napigilan lamang ng mga sandatahang presidential guard ni Ver. Naging kulungan na ang palasyo ni Ferdinand.
Tuso man at matibay ang kalooban, hindi na masulsihan ang kanyang pamahalaan na, animo’y basahang basa, pinagwatak-watak ng mga taong pinagharian niya nang mahigit 20 taon. Nuong gabing iyon, tinawagan ni Ferdinand si Enrile, na nangakong mapayapa silang makakaalis, at sinundo ng mga helicopter mula sa US embassy si Ferdinand at mahigit 100 niyang pamilya at mga alalay, dinala sa Clark airbase sa Pampanga. Nais ni Ferdinand na tumigil nang ilang araw sa bayan niya sa Laoag, Ilocos Sur, ngunit tumanggi si Cory at baka bumuo duon ng sariling niyang hukbo si Ferdinand, kaya kinabukasan ng madaling-araw, inilipad si Ferdinand at pangkat sa Hawaii kung saan siya namatay pagkaraan ng 3 taon, nuong Septiembre 28, 1989.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|