EDSA Na Naman!
Erap’s ouster is the people’s will
but Gloria is not the people’s choice
[Pasiya ng tao na alisin si Estrada
ngunit hindi si Gloria ang kanilang nasa]
- Karatula ng Sanlakas sa EDSA 2
Sana naman, wala nang EDSA Tres
- Pangulo Cory Aquino, bulong kay Cardinal Jaime Sin
nuong EDSA 2, Enero 20, 2001
NAPAG-ALAMAN nuong paglilitis sa Senado [impeachment] na kalahati lamang ng mga mamamayan ang sang-ayon na alisin si Joseph Ejercito Estrada mula sa pagka-pangulo ng Pilipinas kaya sinimulan ng opposition nuong Enero 17, 2001, ang araw-araw at gabi-gabing panawagan ng libu-libong mga taga-Metro Manila sa dambana ng EDSA, pinamunuan ng 2 dating pangulo, sina Cory Aquino at Fidel Ramos, ni Gloria Macapagal Arroyo, pang-2 pangulo [vice president], at ni Cardinal Jaime Sin, na nagsulsol sa mga tao, "Keep up the good work!"
Nagwagi si Estrada sa Senado, barado na ang impeachment nuong Enero 16, 2001, ngunit, gaya ng nangyari kay Ferdinand Marcos, ang dati niyang kakampi, naging madulas ang lubusang tagumpay. Sa sumunod na 4 araw, maghapon at magdamag naglamay sa Malacanang si Estrada at mga kakampi kung ano ang dapat gawin upang masaway ang EDSA 2, ngunit gaya ng kanyang pamumuno sa pamahalaan, walang nagawa kundi napuyat. Samantala, panay ang sali sa kumpulan sa EDSA 2 ng mga pinuno ng pamahalaan na sunud-sunod nagbitiw ng tungkulin at nanawagang magbitiw na rin si Estrada. Umiral ang damdamin na walang tigil nang nawawarak ang pamahalaan ni Estrada, hanggang nuong Enero 19, 2001, ipinaalam ni General Angel Reyes, pinuno ng sandatahang bayan [chief of staff, Philippine armed forces], kay Estrada na kampi na ang hukbo sa opposition. Kailangan nang umalis si Estrada mula sa Malacanang.
Kasama ang pamilya, alsa balutan si Estrada kinabukasan, Enero 20, 2001, matapos niyang lagdaan ang pagbibitiw na isinulat ng opposition para sa kanya. Pagkapananghali nuong araw na iyon, nagpanata ng tungkulin [oath of office] sa harap ni Hilario Davide Jr., punong hukom ng Philippine Supreme Court, si Gloria Macapagal Arroyo bilang kapalit na pangulo ng Pilipinas.
Nanaig muli ang lakas ng bayan [people’s power].
Subalit bayani pa rin ng mga mahirap si Estrada at, napatunayan man o hindi ang mga paratang sa kanya, marami ang naniwala na inalis lamang siya sa Malacanang dahil hindi niya sinunod ang mga kagustuhan ng mga mayaman, dahil patuloy niyang tinangkilik ang mga dukha. Bilang ganti, hindi nagtagal, ipinakita sa buong kapuluan na, may sala o wala, tinatangkilik pa rin ng madla si Estrada.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|