Cory Aquino

Ang Mga Sawi Kay Cory

Ang kauna-unahang hangarin ay hindi rangya o pakinabang kundi
democracia, - ang karapatan ng bawat Pilipino at sinilangan ng ating lahi

                   - ‘Cory’ Corazon Aquino, nuong Noviembre 1988

Ang paggalang sa mga karapatan ng tao ang puso ng ating himagsikan,
ang tanging dahilang matayog pa ang itinatag nating democracia...Ang
pagkahalimaw ng mga said sa kapangyarihan at ng mga baliw sa mapagsakop na
paniniwala ay nananatili pa, balot sa uniforme ng sundalo o sa camiseta ng comunista

                   - ‘Cory’ Corazon Aquino, nuong Deciembre 1988

BUNYI ang lahat nang pumasok si Cory Aquino sa Malacanan, matapos itong laspagin ng mga usyoso at mga kawatan - hinakot pati ang mga halaman! - at nagsimulang nakipagpatintero sa kanyang mga alalay at mga kakampi. Panguna sina Juan Ponce Enrile at Fidel Ramos, kapwa nagtaya ng buhay, at si Doy Laurel din, na nagkimkim ng ambisyon. Patintero rin sa sanbayanan, pinangunahan ng laksang nagbantay at humarap sa panganib sa EDSA, sinundan ng milyon-milyong taong bumoto sa kanya na umaasa ng luwalhati at ginhawa at, sa likuran, ang mga sundalo ng hukbong sandatahan na, hindi man unang kampi sa kanya, ang nagpapatotoo ng kanyang tagumpay nang tumiwalag mula kay Ferdinand. And of course, ang mga Amerkano. Lahat ay tumulong, lahat ay umaasa, lahat ay naghihintay.

Salu-salungat ang kanilang mga hangarin at labis ang dami ng kanilang mga pangangailangan kaya - dapat asahan at alituntunin sa politica: Lahat ay laging sawi - madaling kumupas ang papel ng karaniwang maybahay na walang karanasan sa politica o pamamahala. Unang nasawi sina Enrile, nanatiling pinuno ng tanggulan bayan [secretary of national defense], at Laurel, naging kalihim panglabas [secretary of foreign affairs], kapwa tangkang madaliang iluklok si Cory sa trono ng superstar ng Pilipinas, pagkatapos si Enrile [sa isip ni Enrile] o si Laurel [sa isip ni Laurel] ang magpapalakad sa pamahalaan. Tumanggi si Cory na tumawag ng halalan uli sa loob ng ilang buwan at inihayag na magpa-pangulo siya sa takdang 6 taon. Nagmaktol ang 2, kapwa lumayo sa Malacanan at kapwa tumigil sa pagpanggap ng mga tungkulin, kapwa sinisante at kapwa pinalitan ni Cory. Kapwa nakipagsapakat sa kung sinu-sinong mga sundalo upang maghari sa pamamagitan ng kudeyta sapagkat kapwa alam na tatalunin sila ni Cory, magkasapi o magkahiwalay, kahit gaanong naging katamlay ang mga tao kay Cory, sa anuman at kailan mang halalan. Maliban sa sunud-sunod na kudeyta, kapwa tapos na.

Sumunod nasawi si Ramos, na gaya ng karamihan sa mga sundalong nakipagdigmaan ng mahigit 15 taon sa mga Muslim sa Mindanao at sa mga komunista sa Luzon at Visayas, ay labag sa tangka ni Cory na makipagpayapa sa naghihimagsik laban sa pamahalaan. Ngunit tapat at maginoong sundalo, hindi tumiwalag si Ramos at nanatiling kampi kay Cory - mabuti na lamang at kung hindi, tumaob si Cory sa walang sawang pagku-kudeyta nuong mga sumunod na araw.

Hindi gaanong nasawi ang mga Amerkano, paniwala na wala namang alam at walang magagawa si Cory. Ngayon, marami, Amerkano at Pilipino, ang lingon sa paghanga kay Cory, ngunit nuong unang 2 - 3 taon, ang tingin ng mga Amerkano sa biyuda ay pasensiya na lang at wala nang iba. Baon sa utang ang Pilipinas nuong 1986, umabot ng 28 bilyong dolyar, at minungkahi ng cabinete at mga pinuno ng paghanapang-buhay [economy] na gamitin ang salapi upang paunlarin ang kalakal, mga pagawaan [manufacturing] at iba pang pagkakakitaan sa bayan. Kalimutan na muna nang mga 2 taon ang pagbayad ng utang, sabi nila, tutal alam naman ng mga nagpautang na nanakawin lamang ni Ferdinand at ng mga kasama niya. Tumanggi si Cory at ipinagpatuloy ang nakalulumpong pagbayad ng utang - kalakihan ay sa mga Amerkano. Joker Arroyo

Ang kasawian ng mga sundalo ng hukbo ay huwad, walang nawala sa kanila kung hindi ang kapangyarihang maghari sa Pilipinas, kapangyarihan na ayaw ng mga tao at labag sa atas ng Kasulatan ng Katauhan ng Bayan [constitution] ngunit kapangyarihan na, sa 20 taon ng martial law, ay naging ugali na hindi nila mabali. Sunod sila sa sinumang nagmungkahi na sakupin nila ang pamahalaan at nauso ang kudeyta sa Manila. God Save The Queen ang una, tinangka ng mga sundalo nuong Nobyembre 1986 dahil nakipagpayapa si Cory sa mga kasapi ng New Peoples Army o sandatahan ng mga komunista sa Gitnaang Luzon. Naunsiyami ang kudeyta ngunit napilitan si Cory na alisin sa kanyang Cabinet ang mga leftist at maka-komunista na kinaasaran ng mga sundalo, kasama sina Joker Arroyo, matagal na niyang kakampi, si Teodoro Locsin, kilalang mahilig sa socialist politics, at Jaime Ongpin, ang kanyang kalihim ng pagpundar [secretary of finance]. Nagkudeyta muli nuong Enero 1987 nang nakipagpayapa si Cory sa mga Muslim ng Mindanao, at lagdaan ang kasunduan ng Moro National Liberation Front. Unti-unti, sa bawat kudeyta, nausog si Cory palayo sa tangkang isapi o ibalik sa kabuoan ng bayan ang mga nakalas o napag-iwanan dahil sa pagkadukha o kaibahan ng adhikain sa buhay.

Hanggang umabot sa kudeyta nuong Disyembre 1, 1989 ng bandang 3,000 sundalong pinamunuan ni Gregorio Honasan ang lumusob sa Camp Crame, Camp Aguinaldo, Fort Bonifacio sa Nueva Ecija at sa himpilan ng sandatahang dagat sa Cavite. Pati Malacanan binomba ng eroplano, at napilitan si Cory na humingi ng tulong sa US air force. Mabilis at madiin na inihayag ng pamahalaan ng America ang pagpanig nila kay Cory, sa pulong ng mga pinuno ng hukbong Pilipinas na tinawag sa US embassy sa Manila. Pati ang mga umutak sa mga kudeyta ay binalaan, sinimulang usisain ang mga ari-arian sa America at iba pang bayan kung nanggaling sa pagkurakot sa mga tulong [US aid] na inalay ng America sa Pilipinas, ginawang panakot ang paglitis at pagpiit sa America. Kaginsa-ginsa, biglang nalaos ang kudeyta-kudeyta sa Manila. US jet

Walang lumabas ng bahay upang ipagtanggol si Cory.

Ang daan-daan libong tao na nagtaya ng buhay upang ipaglaban siya sa EDSA ay maniwaring naglaho nang lubusan. Ang sagad na nasawi kay Cory ay ang mga sawing-palad. May ilang libong mga magsasaka at mangingisdang nanaghoy papunta sa Macalanang nuong Enero 22, 1987, pinamunuan ng KMP o Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, ang mabilis na pinagbabaril ng mga sundalong bantay sa paanan ng tulay sa Mendiola. Mahigit 90 ang tinamaan ng bala, 19 ang napatay. Nagtampo ang karamihan at umingos, kahit na nang nakisaliw si Cory sa mga magsasakang nanaghoy kinabukasan sa Malacanan.

Hintay muna: Bakit nagtampo ang mga tao? Bakit walang nagtanggol kay Cory?

Paniwala nilang tinalikuran ni Cory ang mga pangako nang unang maging Pangulo na susugpuin ang pagkurakot sa pamahalaan, palalawakin ang kalayaan ng mga tao, at higit sa lahat, lulunasan ang paghihirap ng mga dukha. May paratang pa na ibinalik ni Cory, anak ng haciendero, ang mga mayaman at may lupa sa kapangyarihan at sila ay naghahari na naman sa pamahalaan. Sa amuki ng kapatid, si Jose Cojuangco, pinagbutas-butas ng Batasang Bayan ang batas ng Pangkalahatang Pagsasaayos ng mga Sakahan [Comprehensive Agrarian Reform Law o sa madaling sabi, CARP] kaya naging goyo-goyo lamang ang batas na nilagdaan ni Cory nuong Hunyo 10, 1988, 6 buwan matapos patayin ang 13 magsasaka sa Mendiola sa harap ng Malacanan.

Pati na ang kalayaan ng mga hampas-lupa [tillers of the earth] ay makitid pa rin, kung mayroon mang mga karapatan ang mga walang kapangyarihan sa mga lalawigan. Nuong 1987, pinagpapatay ng mga sundalo ang 17 taga-nayon, pati 6 na musmos at 2 hukluban, sa Lupao, Nueva Ecija. Walang inusig sa mga pumatay.

Tahimik na nakaraos si Cory sa pagiging pangulo, na sinimulang sintaas ng langit sa paghahangad ng karamihan at natapos singlalim ng dagat sa walang nangyari paris din ng dati na pagtamlay ng mga tao. Maraming pagkakamali at pagkukulang ang maybahay na naging pangulo at malamang matagal na panahon pa bago kilalanin ng mga mamamayang hindi pa ipinanganganak ngayon ang pagkabayaning ginampanan niya nuong Himagsikan ng 1986 at sa pamamahala niya sa sumunod na 6 taon. Sa araw-araw na gulo at taon-taong kabalisaan, madaling nalimutan ng madlang kahalubilo sa mga pangyayari na, sa harap ng panganib at magkakasalungat na hiyaw-hiyawan, napaganap ni Cory ang 2 dahilan hinahangaan siya ngayon sa America at sa damdamin ng mga Pilipinong nakakaunawa. Napagtayog ni Cory ang democracy, at pinamunuan niya ang pagtagumpay ng nasa ng mga tao na maging malaya: Wala nang hari sa Pilipinas.

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod