Buhay Baranggay
Pumili ng batong ilog si Mahayag, kinaskas sa isa pang lapad na bato at napatalim
ang isang gilid, tapos itinali sa hiniwang rattan; 15 minuto lang, may palakol na
- William Henry Scott, tungkol sa taong Tasaday
NUONG unang panahon, ang karaniwang baranggay ay may 30 - 50 pamilya, naninirahan sa mga kubo-kubong nakakumpol sa dalampasigan ng ilog o dagat. Sa mga nakaraang yugto, naungkat nang kaunti ang buhay ng mga unang taong gubat, at muling uungkatin sa mga susunod na yugto kung bakit at ano ang kahulugan ng kanilang paghiwalay sa lipunan. Sa ngayon, balingan naman ang mga unang panahon ng mga taga-dalampasigan, ang mga hindi nagtago sa looban, ang mga humarap sa bukana, ang mga naging magdaragat.
Walang ulat tungkol sa buhay ng mga katutubong magdaragat nuong unang panahon; kung mayroon man, walang tumagal at nakaabot sa kasalukuyan. Subalit maaaring mawari nang bahagya, batay sa kanilang paghanapang buhay [economy]. Kailangan lamang ihiwalay sa sumunod, ang pang-2 panahon ng magdaragat, nang nahalo na sa kanilang buhay ang mga gawi ng ibang bansa, nang nagbago sila at naging mga makabagong katutubo gaya ng dinatnan ng mga Español.
Naging paniwala na datu ang puno ng baranggay ngunit ang pangalang ito ay hiram lamang, dala-dala ng mga lumikas mula Indonesia at Malaysia, kasama ng mga parangal na Gat, Maginoo, Rajah at Sultan, na hiram din mula sa mga taga-India at mga taga-Arabia. Nuong unang panahon ng mga magdaragat, ang mga pinuno ng baranggay ay ang mga iginagalang na nakatatanda, ang mga Ka, Tanda, Manong at mga Mang. Pangkaraniwan silang tao, maliban sa pagiging maalam sa mga lumang gawi at mga matandang dunong, gabay sa halip na hari ng mga kasama. Ang pinuno ng mga baranggay ay naghahanap-buhay din tulad sinuman sa baranggay. Gayon din ang mga magigiting na umaalalay at nagpapayo sa mga pinuno, ang mga pinuno at magigiting na, pagkaraan ng ilang libong taon, sa pagdating ng pang-2 panahon ng magdaragat, ay tatawaging mga Maharlika ayon sa nahiram sa Indonesia at Malaysia, taguring hiram din mula sa India.
Hintay muna: Wala silang datu? Paano napapasunod ang mga tao? Bakit kailangan pang gawing 2 ang panahon ng mga magdaragat? Bakit kailangang usisain ang buhay nila?
Katangi-tanging gawi ng mga magdaragat, sukdulang talinghaga na nakapagbaranggay sila nang libu-libong taon nang walang nag-uutos nang hindi nababali. Dapat pag-aralan kung anong uri ng “pagsunod” sa pinuno ang napairal at baka sakaling may bahid pang nananatili sa kasalukuyan, baka magamit pa sa pag-unawa sa gawi ng mga tao ngayon.
Pinaghati ang panahon ng magdaragat sapagkat 2 uri ng tao sila bagaman kapwa naglipana sa mga karagatan ng timog silangan sa nakaraan. Ang mga magdaragat na dinatnan ng mga Español nuong ika-16 sandaang taon [16th century], maaaninaw sa mga susunod na yugto, ay hayok sa kalakal, yaman, kapangyarihan at karangyaan. Totoong patuloy ang paglalayag, at higit na maraming taong naglalayag nuon kaysa dati, ngunit ang mga rajah-rajah at mga datu-datu ay hindi ang uri ng mga taong sumakop sa malalawak na dagat silangan [Pacific Ocean] at dagat kanluran [Indian Ocean]. Sa katunayan, ilang daang taon nang natigil ang ganuong kalayong paglalakbay nang dumating ang mga taga-Europa sa Asia, nang maging laganap ang pagdadatu-datu at pagrarajah-rajah sa timog silangan [south east].
Marami nang aklat at pagsusuri tungkol sa kung paano nakapaglakbay nang napakalayo ang mga magdaragat nang walang gamit, ngunit wala kahit na hula man lamang kung sino sila, kung bakit walang patumangga nilang tinawid ang mga dagat na animo’y walang hanggan, naghahanap ng...ano?
Ang mga unang taga-baranggay ay mangingisda, araw-araw pumapalaot sa dagat. Sanay mamangka at magdagat simula pa nuong pagkabata sapagkat gawi nila ang maturuan ng mga magulang, wala silang mga ibang guro. Gawi rin na ang mga bata ang nangisda sa ilog at putikan ng mga dalag, ahas, palaka at kung ano pa mang nakakain, pati nang mga itlog ng buaya at pagong. Bakit sila naging mga taga-dalampasigan? Naghanap din ng makakain ang mga taong gubat. Higit na kaiga-igaya ang manghuli ng baboy damo, usa at manok sa gubat kaysa maglatag at bumatak ng lambat sa tubig sa init ng araw. Higit na masarap ang karne kaysa malansang isda, tulya at talaba. Sa kapal ng mga punong-kahoy, malilim at kubli sa gubat, walang takot sa bagyo, supil ang halibas ng hangin, ang init ng araw at ang panganib ng mga mandarambong. Bakit nagpakahirap ang mga taga-dalampasigan? Ang pag-usisa sa mga unang magdaragat ay dapat magsimula dito: Bakit sila umiwas sa buhay gubat?
Asin.
Natuyung tubig dagat na bininbin sa pinagbiyak na kawayan at ibinabad sa araw, laging binabantayan nang hindi mapuno ng hanip, dahon o buhangin, nang hindi matunaw muli sa ulan o alinsangan, nang hindi matabig o manakaw ng kung sinuman.
Ang dahilan, ang unang kalakal, pinagmulan ng pagiging iba ng mga tao, madaling sinundan ng isa pang pangangailangan, ng isa pang dahilan ng pagbabago: tubig. Totoo po, hindi naliligo ang mga taong gubat, dinadaan na lamang sa paglusong-lusong sa mga ilog at lawang tinatawid, kapag nauhaw lamang inisip ang tubig. Ngunit kinailangan nilang magpabalik-balik sa bukana, dala ang ginto, tapang karne at anumang naipagpapalit sa asin ng mga taga-dalampasigan na bilad sa maghapong araw at panganib ng bagyo, laging uhaw at kailangang laging may katabing tubig kaya naging mga taga-ilog sa araw-araw na paggawa ng asin, napilitang nagpatong sa poste ng nakaangat at pangmatagalang tahanang bubong, dinding at sahig sa sikat ng araw, patak ng ulan at basang lupang tutunaw ng imbak na asin. Nabuhay ang bahay kubo. Kahit munti, ang halaman duon ay libu-libong taon nang itinatanim ng mga katutubong hindi na makapaglaboy-laboy sa gubat.
Kundol, patola, upo’t kalabasa, ang mga tanim na dati lamang hinahanap sa gubat at binubunot sa parang ay natutunang ilipat sa tabi-tabi ng baranggay, itanim, alagaan at diligin. Natuto silang magkaingin sa gilid ng gulod ng camote, camoteng-kahoy, gabi at ubi, at saka mayroon pa, taro, ang unang pagkain ng mga magdaragat nuong wala pang kanin, bigas o palay, binitbit hanggang dulo ng dagat silangan [Pacific Ocean] at giliw na pagkain hanggang ngayon sa Hawaii.
Sila ay nangangahoy pa rin ng mga hayop, gamit ang sibat, pana, tirador, sumpit, gulok, lubid at lambat, ngunit hindi na sila pumapasok nang malalim sa gubat sapagkat nanduon ang mga taong-gubat, namamahay sa mga punung-kahoy at pinapana, sinisibat o sinusumpit ang sinumang lumapit. At sa dami ng aning camote at gabi sa kaingin, naaari na nilang mag-alaga sa halip na manghuli ng baboy, manok, bayawak at iba pang hayop ng gubat.
Nang naging sanay na sanay na sa tubig, walang tigil silang lumibot sa malalayong dalampasigan at mga katabing pulo upang magkalakal, magmasid at mag-usisa kung saan mainam mangisda, saan maaaring lumipat ang baranggay kung saka-sakali, kung aling baranggay ang mahina at madaling dambungin o nakawan.
Paminsan-minsan, lalo na kung hindi mainam ang ani, lumalaot ang mga lalaki upang mandambong sa ibang baranggay, nakawin duon ang mga gamit at ari-arian, ang aning camote at gabi, ang asin, baboy at manok. Kapag sila ang nadambong, takbuhan ang mga taga-baranggay patakas sa loob ng gubat. Kapag namatay ang pinuno ng baranggay, ang mga kamag-anak at mga alalay, bahagi ng kanilang pagluluksa, ay hindi kumakain, hindi nagsusuot ng ginto o magarang damit hanggang hindi sila nakakadambong sa ibang baranggay o nakakapatay ng ibang tao.
Paminsan-minsan, kapag dumadanak ang mga taong gubat at nagiging mapanganib sa mga kaingin sa paligid ng baranggay, sa mga babae at batang naiiwan kapag nangingisda ang mga lalaki, nagpapangkat ang mga lalaki at lulusob, sisindakin, itataboy o papatayin ang mga taong gubat. Inaalipin nila ang iba, lalo na ng mga lumilikas ng gubat upang manirahan kasama nila. Dumarami rin ang mga taong gubat at, dahil hindi gaanong nakapaglalakbay sa pulo-pulo gaya ng mga magdaragat, nauubusan ng nakakain at namamatay ng gutom. Higit na kanais-nais ang maging alipin kahit napipilitang manirahan sa mga kubakob sa gilid-gilid ng baranggay [maaaring pinagmulan ng alipin saguiguilid] at hindi naman malupit sa alipin ang mga taga-baranggay. May mga lumang salaysay na lumalaking magkababata ang mga anak ng alipin at ng mga magdaragat, pangkaraniwang naging magiting o pinuno pa ng baranggay ang anak ng alipin kung matapang at marunong. May mga naaalila din sa mga taga-baranggay, kahit mga kamag-anak o kaibigan. Karaniwan ang mga ito ay mga biyuda o mga naulila, o ang mga walang-muwang sa buhay, mga hindi makabayad sa utang at bagaman may sariling pamilya at bahay ay namumuhay na lamang sa patulong-tulong sa ibang mayaman sa kakayahan bilang utos-utusan, bilang alila [sa ika-2 panahon ng magdaragat, naging mga aliping namamahay sila].
Hintay muna uli: Kung napakaligaya ng buhay nila, bakit sila nag-alisan? Paano nila natawid ang 2 dagat?
Magiliw man at maraming ginto, mahirap pa rin ang buhay ng mga taga-baranggay. Nagtutulungan man sa pagbabanat ng buto, nadadaig pa rin sila sa maraming paraan. Sa kaingin, karaniwang tigang na ang lupa pagkatapos ng 2 o 3 ani, at kailangang sa ibang pook na magtanim. Dagat man din ay nasasalanta, nauubos ang mga isda, tulya at talaba pagkaraan ng ilang taon o ng malakas na bagyo. Nawawala rin ang mga usa, baboy damo at iba pang hayop kapag lumabis ang pangangahoy. Kung lubhang dumami ang mga taong gubat o sumidhi ang bagsik ng mga mandarambong. Kapag minalas, o nakulam ang ilog, kung nagising ang mga halimaw sa gubat o nagalit ang mga anyito. May mga mag-aaway na hindi napagkasundo ng mga pinuno, apaw-dami na ang mga taga-baranggay o nais ng isang magiting na magtatag ng sariling baranggay. O nakapag-asawa ng taga-ibang baranggay, taga-ibang pulo. Baka nais lamang maglagalag, gumala, magbagong-buhay, o nayamot na sa pook.
Maraming paraan, bawat pangkat ay may sariling dahilan, pangkaraniwan, minsan o madalas pa sa buhay ng isang tao, na mag-alsa balutan ang bahagi o ang buong baranggay at lumipat sa kabilang ibayo, kabilang pulo, kabilang dagat.
Madalas, ang nilipatan ay kilala na ng mga magiting, masipag lumaot at pabalik-balik sa iba’t ibang pook at pulo. Nang hindi maligaw, gamit nilang gabay ang araw, buwan at tala, pati na ang kapal at hugis ng ulap, ang lakas at bilis ng alon, ang tungo ng daloy ng dagat [sea current] at simoy ng hangin [wind direction]. Nakakatulong din ang lipad ng mga ibon at langoy ng mga pagong, kung anong ibon o pagong, kung saan patungo. Pati ang linaw, amoy at lasa ng dagat ay alam nilang gamiting panghanap ng ilog - kapag matabang, malapit na o malalim ang ilog; kung maamoy o malumot, ang bukana ay putikan [mangrove swamp]; kung malupa o lasang buhangin, hinulugang taktak [waterfall] o malakas ang agos ng nalalapit na ilog.
May 2 galing na likas sa mga magdaragat ang hindi pa mawari ng mga nag-agham [scientists]. Sa kung anong paraan, nahuhulaan ng magdaragat kung gaano nang kataas ang araw [sa kasalukuyang wika, kung anong oras na] sa baranggay na iniwan. Sa usisa ng mga nag-agham, halos laging tama ang hulang oras. Sukat sa kaibahan ng taas ng araw sa kinaroroonan, natatantiya ng magdaragat kung gaanong kalayo na ang nalakbay. Isa pang galing, nakikita ng magdaragat ang pagdating ng bagyo, kung minsan isang buong araw bago mabuo ang bagyo, at kung gaano kalakas ito, - at naiiwasan, nakapagkukubli sa pinakamalapit na pulo.
Sa gabi sila nananalangin. Araw at gabi kapag maysakit o may nasugatan. Kasaliw sa panaghoy ng mga pinuno at ng mga matatanda. Mapanganib ang buhay sa paligid ng baranggay. Panglaban lamang nila ay dunong, tapang at karanasan ng mga pinuno, ng mga nakakatanda at ng mga magigiting. Tulung-tulong silang sagupain at itaboy ang mga tao o hayop na pumupuksa sa kanila. Ngunit may mga panganib sa paligid na hindi maaaring sagupain, hindi naitataboy sa dahas.
Maraming kaluluwa at espiritu, mga anyito, sa mga gubat at libis. Mapagparusa ang mga diwani at bathaluman na naninirahan sa mga tanging punong-kahoy o nag-aalaga ng kagubatan mismo. Pinagdurusa nila ang mga pumuputol ng mga puno o pumapatay ng hayop nang hindi nagbibigay pitagan. Ang dagat man ay pinamamalagian, hindi lamang ng mga pating at mga dambuhala, kundi pati na rin ng mga siokoy o isdang halimaw, at ng diwatang dagat na “kumukuha” sa mga walang galang na magdaragat.
Ang tanging panlaban ay ang mga panalangin at panaghoy ng mga pinuno at ng mga matatanda, at ang mga anting-anting na dapat laging dala - mga batong-buhay, mga piraso ng tinatanging kahoy, bakal o buto ng hayop, mga patpat na may lihim na sulat, at iba pang bagay na mabisang pananggalang sa malas, kulam o halimaw.
Ang kaluluwa ng mga namatay ay nagpapakita at gumagambala sa mga tao. Kailangang pakiusapang lumikas na sa kanilang paroroonan o kakainin sila ng mga multo at iba pang masamang espiritu, at sila man ay magiging multo na rin. Karamihan sa mga anyito ay kaluluwa ng mga ninuno na kailangang laging igalang at bigyan ng alay.
Malupit ang mga nuno sa punso na nayayapakan o natatabig ng mga hindi humihingi ng pasintabi; “nilalait” o sinusumpa [cursed] hanggang magkasakit o malasin sa buhay. Ang tiyanak ay mga kampon ng gubat at gulod na nag-aanyong mga bata o musmos at nakikihalo sa mga taga-baranggay at nayon. “Kinakatuwaan” nila ang mga muhi at pumipintas sa mga tao o hayop ng gubat.
May mga lubhang masasamang nilalang sa gubat at kahuyan na pumapatay ng tao, lalo na sa gabi. Ang mga pangit na tikbalang, kalahating tao at kahalating kabayo, at mga naglalakihang kapre ang dumudukot sa mga naiwang nag-iisa sa bahay. Ang manananggal sa Tagalog, aswang sa Visaya, ay lumilipad sa hatinggabi at kumakain, sinisipsip ang kaluluwa ng mga sanggol ng mga buntis. Nakukunan o nanganganak ng patay [stillborn] na sanggol.
Marami sa mga taga-baranggay ang marunong gumamit ng mga tapal na suka, binabad o pinakuluang dahon o langis na hinaluan ng katas ng mga tanging halaman, upang mapagaling ang mga maysakit, nalilipasan o naalibadbaran. Ang mga nagkakasakit ng hindi mahunawa ay ipinapagamot sa mga arbularyo, ang mga dalubhasa sa mga pananim na nakakagaling. Ipinatatawag ng mga may lagnat na hindi humuhupa o ng mga nahihirapang manganak ang hilot, may galing naman sa kamay at kamao. Natutunton at napapagaling nila ang mga hindi namamalayang pilay, pasa o bugbog sa loob ng katawan.
Ang mga hindi maunawaang pangyayari o ang mga malamang mangyayari ang kaalaman ng mga manghuhula sa Tagalog, magtatawas o mananambal ang tawag sa ibang wika. Natatanaw nila ang mga katunayang natatago sa paningin ng karaniwang tao. Gamit nila ay apoy ng parikit, o tubig sa mangkok na may pinalutang na dahon o patak ng mantika ng hayop o langis ng niyog. Pagkapanahon ng Español, gumamit na rin sila ng baraha, kandila, gasera. Ang iba ay nakakabasa ng mga hibla ng dahon, ng guhit sa palad, ng mga puyo sa ulo, tubo ng mga nunal, at hugis ng kulugo sa katawan.
Sa Indonesia at Malaysia na tinungo at pinanggalingan ng mga magdaragat, ang mga manghuhula ay gumagamit ng bituka ng kambing o iba pang hayop, ang mga kaliskis ng ahas o balahibo ng manok o ibon.
Ang mangkukulam sa Tagalog, magbabarang sa ibang lugar, ay maalam sa hiwaga at nagagamit ang “galing” sa mabuti o sa masama. Karaniwan silang sinasangguni ng mga taga-baranggay na nakulam, minumulto, nasumpa o “nakakatuwaan.” Gumagamit sila ng mga bahagi ng ahas, ibon, tutubi [dragonfly], bubuyog [bee], balang [beetle], putakti [wasp], higad [centipede or caterpillar] at mga natatanging halaman upang kalabanin ang hiwagang nagpapahirap at malamang pumatay sa tao.
Ang iba ay gumagamit ng usok ng sinunog na dahon o tangkay, hihipan ang mukha at katawan ng nakakatuwaan. Ang iba ay gumagamit ng pisi, sinulid o buhok; ang iba naman, baga ng uling. Lahat sila ay nananalangin, nanaghoy, bumubulong sa mga espiritu. Sinasangguni rin sila ng mga nais ipakulam ang mga walang utang na loob, ang mga lapastangan o ang mga kaaway. Kung minsan, matagal ang paglalaban ng mga mangkukulam, isang nagpapahirap, isang nagpapagaling.
Nanatili pa sa liblib at ilang na pook, ngunit naglalaho na sa kalawakan ang mga talinghagang ito, at umuunti na ang mga taong may “galing” sa mahiwaga. Pailan-ilan na rin lamang ang mga katutubong magdaragat, mabibilang daw sa mga daliri, lahat ay nasa gitna ng dagat silangan [Pacific Ocean] at malamang maglaho na ang dunong at “galing” sa pagdaragat kapag namatay na sila.
Mabalik sa tanong na Walang datu, paano napapasunod ang mga tao? Maaari nang sagutin ngayong nailahad na ang mga gawa at hinawa ng mga taga-dalampasigan. Ang sinusunod ng mga tao ay ang mga dating gawi. Maliban sa mga alipin at sa utusan, hindi nag-uutos ang mga pinuno at mga magiting ng baranggay. Hiling lamang at payo ang ibinibigay nila, pakikisama at hindi pagsunod ang inaasahan nila. Sumasakit ang kalooban at malamang maglayas ang magdaragat kapag nautusan o napaghigpitan nang hindi kaugnay sa mga dating gawi. Kailangan kayang alalahanin ito sa pakikitungo sa mga kasalukuyang Pilipino?
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|