Mga Bakas Ng Lumipas
Iisa ang wika ng lahat ng mga Pintado at mga Visaya sa usapan at sulatan. Kaiba ang wika sa Luzon. Halos lahat ng katutubo, babae at lalaki, ay marunong bumasa at sumulat sa sariling baybayin na hawig sa Arabe o sa Greko. Ang sulatan ay kawayan, mula sa kanan patuloy sa kaliwa. - Antonio de Morga, Sucesos de las Islas Filipinas, 1609
NAKATALA sa ibaba ang mga piraso ng karanasan ng bayan. Ilan lamang ang naisali sa munting kasaysayan, paumanhin po! Ang ilan ay hindi pa naita-Tagalog, gaya ng Ang Mga Pilipino Bago Nagka-Español ni William Henry Scott, ang iba ay hindi pa natatagpuan, halimbawa ang Alamat Ni Lam-Ang. May ilang sinasaliksik pa, gaya ng mga aklasan ng charismatic Pinoy at ang Karanasan ng mga Intsik sa Pilipinas. Matapos tipahin, kapag mayroon pang nalalabing puwang dito, idadagdag agad. Kung nais may unahin, paki e-mail na lamang. Salamat po!
- 26,000 - 24,000 SN, may tao na sa Pilipinas.
- 9,000 - 8,000 SN, nasa Pilipinas ang mga magdaragat [Austronesians].
- 3,300 SN, nagsimulang humiwalay ang iba’t ibang wikang katutubo mula sa isang ninunong wika.
- 2,100 SN, nagsimulang mabuo ang wikang Tagalog, Visaya at Manobo mula sa humiwalay na mga wika.
- 600, nagsimula ang kalakal ng makalumang porselana mula China; 300 taon pa bago nagkalakal ng tunay na porselana.
- 1001, dumating sa China ang mga sugo [ambassadors] mula Butuan.
- 1200, nagsimulang maging tangi ang wikang Tausug mula sa wikang Butuan.
- 1380, unang dating ng mga muslim [Moro ang tawag ng mga Español] upang magturo ng Islam sa Pilipinas, sa pulo ng Simunul, Tawi-Tawi, sa kanluran ng Mindanao.
- 1450, itinatag sa Sulu ni Abu Bakr ang unang kaharian [sultanate] ng Muslim.
- 1492, narating ni Cristobal Colon [Christopher Columbus] ang America, pinagkamalan niyang India.
- 1494, kasunduan [treaty] sa Tordesillas, pinaghatian ng Portugal at España ang daigdig.
- 1511, sinakop ng mga Portugis ang lungsod ng Malacca, sa Malaysia. Isa sa mga napalayas ay ang maharlikang pamilya ng binatang Mohamed Kabungsuwan, na nagtayo ng kahariang Muslim sa Cotabato. Narating ni Fernando Magallanes [Ferdinand Magellan] ang kapuluan ng Maluku [Moluccas, the spice islands] sa Indonesia, matapos bagtasin ang Indian Ocean, kasama ng mga Portugis na nagtayo ng himpilan at kalakal sa pulo ng Ternate.
- 1521, Mar 17, narating ni Magallanes ang kapuluan ng Pilipinas matapos bagtasin ang Pacific Ocean.
- 1521, Abr 27, napatay si Magallanes ng mga sandatahan ni Lapu-Lapu sa pulo ng Mactan, sa Visayas.
- 1522, Sep 6, nakabalik sa España si Sebastian del Cano, kasamahan ni Magallanes, matapos umikot sa daigdig.
- 1524, unang pag-ani sa Pilipinas ng mais na dala ni Magallanes.
- 1526, dumating si Juan Garcia Loaysa mula España, umiwas sa Mindanao at nagtuloy sa Maluku.
- 1528, narating ang Surigao, sa Mindanao, ni Alvaro Saavedra de Ceron mula Mexico; nagtuloy sa Maluku.
- 1543, narating ni Ruy Lopez de Villalobos ang Pilipinas mula Mexico; bininyagan ang mga kapuluan sa Leyte, Visayas, ng Islas del Felipinas bilang parangal kay Felipe 2, tagapagmana ng kaharian ng España.
- 1553, naging hari ng España si Felipe 2.
- 1565, narating ni Miguel Lopez de Legazpi ang Pilipinas mula Mexico, kasama ng 5 frayleng Augustinian at sinakop ang Cebu. Natagpuan ang estatwa ng Santo Nino na iniwan ni Magellan sa Cebu nuong 1521. Tinuklas ni Fray Andres Urdaneta ang landas pabalik sa Mexico na gagamitin sa galleon trade sa susunod na 240 taon.
- 1571, Mayo, sinakop ni Legazpi ang Manila. Sinimulang itayo ang Intramuros.
- 1574, nilusob ang Manila ng mandarambong na Intsik, si Lim [a] Hong.
- 1576, namatay si Juan de Salcedo, apo ni Legazpi, matapos sakupin ang maraming lalawigan ng Luzon.
- 1577, dumating ang mga unang frayleng Franciscan sa Pilipinas.
- 1578, hinirang na katedral ang simbahan sa Manila. Sinimulan ng mga Español ang pagsakop sa Mindanao laban sa mga Muslim. Tinalo nila, sa pamumuno ni Capitan Rodriguez de Figueroa, si Sultan Panguian ng Sulu; sinunog nila ang Jolo.
- 1579, nagapi ng mga Maguindanao ang pagsakop ng mga Español na inutos ni Governador Francisco de Sande.
- 1580, itinatag ang Alcayceria sa Binondo, sa kabila ng ilog Pasig, para sa mga katolikong Intsik.
- 1581, dumating ang mga unang frayleng Dominican.
- 1580, naging hari ng Portugal si Felipe 2; natigil ang pagdarambong ng Portugis sa Pilipinas.
- 1584, itinatag ang Audiencia Real [Royal Auditor] sa Manila upang supilin ang anumang kalabisan ng governador at iba pang pinunong Español sa Pilipinas.
- 1587, bumalik sa España si Alonso Sanchez upang hilingin ang pagbabago ng palakad sa Pilipinas mula kay Felipe 2.
- 1590, sinimulan itayo ang makapal na batong pader ng Intramuros sa Manila.
- 1593, inutos ng emperador ng Japan, si Hideyoshi, na sumuko ang Pilipinas.
- 1596, napatay ni Ubal, taga-Buayan, si Capitan Rodriguez de Figueroa nang matalo ang lusob ng mga Español sa mga Muslim ng Buayan, Cotabato, sa Mindanao.
- 1598, dumating si Ignacio de Santibanez, unang arsobispo ng Manila.
- 1599, nilusob at sinunog ng mga Muslim ang mga baranggay at simbahan sa dalampasigan ng Panay, Negros at Cebu. Maraming napatay at naalipin.
- 1603, nilipol ang mga Intsik sa Manila at paligid, libu-libo ang pinatay at kinulong.
- 1604, itinatag ang unang ospital, simbahan at kumbento sa Los Banyos, Laguna.
- 1606, dumating ang mga unang frayleng Recollect. Nagapi si Datu Sirongan sa Buayan, Cotabato.
- 1609, nilathala ni Dr. Antonio de Morga sa Mexico ang aklat, Sucesos de las Islas Filipinas [Historical Events in the Philippine Islands].
- 1611, itinatag ni frayle Miguel de Benavides ang paaralan ng Santo Tomas sa Manila.
- 1616, sumabog ang bulkan Magayon [Mayon] sa Ybatan [Bicol]. Nag-aklas ang mga Ilocano, pinamunuan ni Pedro Almazan.
- 1617, tinalo ng mga Español, pinamunuan ni Juan Ronquillo, ang mga barkong pandigma ng mga Dutch na lumusob sa Manila.
- 1621, nag-aklas sa Bohol si Tamblot laban sa Español.
- 1624, ipinatapon ang lahat ng Español mula sa Japan; ipinatigil ng mga Español ang kalakal ng mga Hapon sa Pilipinas.
- 1626, dumating ang estatwa ng Virgin de Antipolo sa Manila. Nagtatag ang mga Español ng daungan sa pulo ng Formosa [Taiwan ngayon].
- 1635, itinayo ni Juan de Chavez ang unang kuta ng Español sa Zamboanga, ang Fuerza Pilar, sa utos ni Gov Gen Juan Cerezo de Salamanca; hindi nagtagal, natalo si Datu Tagal, nandarambong sa Visayas.
- 1637, tinalo ni Governador Hurtado de Corcuera ang mga Muslim, kasama ang bata pang Sultan Kudarat, nang lusubin ng mga Español ang Lamitan at Ilian, sa Cotabato, Mindanao.
- 1638, sinakop ni Corcuera ang Jolo.
- 1640, napag-isa ng mga Muslim ang kanilang kaharian [sultanate] ng sultan sa Cotabato matapos ang matagal na digmaan ng mga taga-Buayan at mga Maguindanao. Humiwalay ang kaharian ng Portugal sa kaharian ng España. Nagapi ang pagsakop ng mga Español sa Macao, China.
- 1641, pumutok ang bulkan Taal.
- 1642, itinigil ng mga Español ang pagtatag ng simbahang katoliko sa Japan.
- 1645, ginawang kolehiyo ang paaralan ng Santo Tomas sa Manila. Nagiba ang Manila ng malaking lindol.
- 1647, sinakop ng mga Dutch ang Corregidor, nangulimbat sa Bataan, pinatay ang 400 Pilipino sa Abucay. Itinaboy sila ng mga Pilipino, pinamunuan ni Capitan Juan de Chaves.
- 1649, nag-aklas si ‘Conde’ Gumapos sa Zambales. Nag-aklas din si Sumuroy sa Palapag, hilagang Samar.
- 1660, pinagpapatay ang mga Intsik sa Pilipinas. Nag-aklas ang mga Kapampangan, pinamunuan ni Francisco Maniago. Nag-aklas din si “Hari” Andres Malong, nagtangkang magtatag ng kaharian sa Pangasinan.
- 1662, nagtangkang sakupin ang Manila ni Koxinga, lagalag na Intsik. Pinagpapatay na naman ang mga Intsik sa Manila.
- 1663, napaurong ng mga Muslim ang mga Español na umalis sa Zamboanga at buong Mindanao; muling naging makapangyarihan si Sultan Kudarat na nakipag-ugnay pa sa mga Dutch sa Indonesia.
- 1683 Marso 13, ipinatapon sa Mariveles, Bataan, si Felipe Pardo, arsobispo ng Manila, ni Juan de Vargas, governador-general ng Pilipinas.
- 1684, ipinatapon sa Cavite si Valenzuela, pangunang ministro [Prime Minister] ng mga Español.
- 1700, pinayagan maging pari ang mga Pilipino; pinagbawalang maging frayle.
- 1718, lumusob muli sa Mindanao ang mga Español.
- 1719, nag-aklas ang mga frayle sa Intramuros, pinatay si Fernando Bustamante, governador general ng Pilipinas, at ang kanyang anak na lalaki. Nagtayo uli ng kuta, ang Fuerza Pilar, ang mga Español sa Zamboanga.
- 1751, ipiniit sa Manila sa Sultan Muhamad Alimudin ng Mindanao.
- 1754, sumabog ang bulkan Taal, nasalanta ang mga kabayanan ng Tanauan, Taal, Sala at Lipa. Itinatag ang unang hukbo ng Español sa Pilipinas.
- 1744, sinimulan ni Dagohoy ang paghimagsik sa Bohol, tumagal hanggang 1829.
- 1754 Marso 3, nakipagkasunduan si Sultan Muhamad Alimudin sa mga Español.
- 1755, ipinatapon sa labas ng Pilipinas ang mahigit 2,000 Intsik mula Manila.
- 1762, sinakop ang Manila ng mga British hanggang Abril 1764. Nag-aklas si Juan de la Cruz Palaris sa Pangasinan laban sa pagbuwis ng mga Español. Sa 2 taon, lumaganap ang aklasan hanggang Ilocos.
- 1763, naghimagsik si Diego Silang sa Ilocos. Ibinalik ng mga British si Sultan Alimudin sa kanyang kaharian sa Mindanao.
- 1767, ipinadakip ni Simon de Anda, pansamantalang governador, ang mga frayle Augustinian sa Pampanga na ayaw pumailalim sa pamamahala ng obispo.
- 1768, ipinag-utos ng España ang pagpalayas sa mga frayleng Jesuit. Ipinag-utos din ng Papa sa Roma sa sumunod na taon.
- 1770, ipinatapon ang mga frayleng Jesuit. Hinirang ng Madrid na governador general ng Pilipinas si Simon de Anda y Salazar.
- 1774, inutos ng Madrid na ibigay sa mga Pilipino at mestizong pari ang mga paroco na hawak ng mga frayle, na pulos mga Español.
- 1775, ibinalik ang mga frayleng Augustinian sa Pampanga matapos sumuko sa pamamahala ng obispo.
- 1776, binawi ng Madrid ang utos na mga Pilipino at mestizong pari lamang ang mamuno sa mga paroco. Nagsimula ang himagsikan sa America laban sa mga British.
- 1781, sinarili ng pamahalaan sa Manila ang pagtanim at pagkalakal ng tabako, pinamunuan ni Jose Basco.
- 1783, nagwagi ang mga Amerkano sa himagsikan, sumuko at umurong ang British mula America.
- 1785 Marso 10, itinatag ni Carlos 3, hari ng España, ang Real Compania de Filipinas upang paunlarin ang mga kalakal sa Pilipinas.
- 1788, nag-aklas ang mga Ilocano, pinamunuan ni Ambaristo, laban sa pagsarili ng kalakal ng tabako.
- 1803, binili ng America ang malaking lupain ng Louisiana; nagsimula ang paglawak ng America papuntang Pacific Ocean.
- 1807, sinarili ng pamahalaan sa Manila ang kalakal ng basi. Nag-aklas ang mga Ilocano, pinamunuan ni Pedro Mateo.
- 1808, sinakop ang España ng France, pinamunuan ni Napoleon Bonaparte. Hinirang na hari ang kapatid, si Joseph Bonaparte. Naghimagsik ang mga Español at nagtatag ng pamahalaan sa Cadiz. Naghimagsik sa America ang mga sakop ng España.
- 1810, isinali ang mga Pilipino sa pambansang batasan [cortez] ng España.
- 1811, lumisan ng Cavite ang kahuli-hulihang galleon papuntang Acapulco, sa Mexico.
- 1812 Enero 6, ipinanganak si ‘Tandang Sora’ Melchora Aquino, ina ng Katipunan.
- 1814, sa tulong ng Britain, napalayas ang mga Frances sa España. Hinirang na hari si Ferdinand 7.
- 1815, lumisan sa Acapulco, Mexico ang kahuli-hulihang galleon papuntang Manila.
- 1817, nagwagi ang himagsikan sa Argentina at nakalaya mula sa España.
- 1818, hinati ang Ilocos, ginawang Ilocos Norte at Ilocos Sur.
- 1819, tumiwalag ang Mexico mula sa España.
- 1820, naghayag ang Mexico ng pagkapag-sasarili [independence]. Inutos ni Hari Ferdinand 7 sa pamahalaan sa Cadiz na sakupin uli ang mga bayan sa America. Tumanggi ang Cadiz at nagsimula ang himagsikan sa España laban kay Ferdinand.
Nalugi at nagsara ang Real Compania de Filipinas. Napalayas ang libu-libong Español at mestizo mula sa America, puntahan sa Pilipinas at sinarili ang kalakal at pamahalaan. Lumaganap ang pagpababa ng mga katutubong Pilipino. Octobre 9, pinagpapatay ng mga Pilipino ang mga dayuhan sa Manila at Cavite nang ipamalita ng mga Español na ang mga dayuhan ang sanhi ng cholera na pumatay sa libu-libong Pilipino.
- 1821, inagaw ng America ang Florida mula sa Español.
- 1822, itinatag ang unang pahayagan sa Manila, ang El Filantropo.
- 1823, sa tulong ng France, ginapi ni Hari Ferdinand 7 ang himagsikan sa España. Nakalaya na ang lahat ng sakop ng España, maliban sa Cuba, Puerto Rico, Pilipinas, Guam at ilang lupain sa Africa. Junio, nag-aklas sa Manila si Andres Novales, mestizong Mexicano sa hukbo ng España, laban sa paglibak ng mga Español.
- 1826, ipinag-utos na mga frayle lamang ang mamuno sa mga paroco sa Pilipinas. Ibinaba ang mga Pilipino at mestizong pari sa pagka-kura [curate] na lamang. Deciembre 17, ipinanganak si Graciano Lopez-Jaena.
- 1829, nasugpo ng mga Español ang himagsikan ni Dagohoy sa Bohol. Pinatawad ang libu-libong kasapi na namuhay nang tahimik mula nuon.
- 1830, binuksan ang unang bangko sa Pilipinas.
- 1831, binuksan ang Zamboanga sa kalakal ng buong mundo.
- 1833, naging reyna ng España si Isabela 2.
- 1834, binuksan ang Manila sa kalakal ng buong daigdig.
- 1835, nag-aklas sa Cavite si Feliciano Paran. Sa España, ipinag-utos na wasakin lahat ng mahigit 1,000 monasteryo at ipinagbili ang mga lupain. Pinatay ang mga mongha at frayle na lumaban; ang mga pari at mga Jesuits ay pinaghanap at dinakip. Ang mga frayle sa Pilipinas ay hindi na pinayagang makabalik pa sa España.
- 1837, ipinagbawal ang pagdalo ng mga Pilipino sa pambansang batasan [cortez] ng España.
- 1839, pinayagan ang mga Intsik na manirahan at magkalakal nang husto sa buong Pilipinas. Dumami ang mga Intsik sa kapuluan.
- 1841, nag-aklas si Apolinario dela Cruz, “hari ng mga Tagalog,” at ang Confradia de San Jose.
- 1843, pinayagan nang magtindahan ang mga Intsik kapantay ng mga Español.
- 1844, ipinagbawal ang pagkalakal ng mga pinuno ng mga lalawigan [alcalde mayor] na sinasarili ang kalakal. Lumawak ang kalakal ng mga Intsik sa buong kapuluan. Lumusob ang hukbong Español, pinamunuan ni Claveria, laban sa mga Muslim sa Mindanao. Pinagbawalan ang mga Intsik na pumasok sa mga lalawigan at looban ng mga pulo.
- 1847, sinakop ng mga Español ang Davao, sa Mindanao.
- 1848, sinakop ng America ang California sa pagkatalo ng Mexico sa digmaan. Nasa kabilang gilid na ng Pacific Ocean ang mga Amerkano.
- 1850 Agosto 30, ipinanganak si Marcelo H del Pilar.
- 1851, sinakop ng mga Español, pinamunuan ni Antonio de Urbiztondo, ang Sulu.
- 1852, nagbukas ang Banco Espanol-Filipino. Sinimulang iwanang bukas ang Manila [Intramuros] araw at gabi.
- 1853 Peb 21, ipinanganak si Felix Resurreccion Hidalgo sa Binondo, Manila.
- 1854, nag-aklas si Cuesta.
- 1855, binuksan ang Iloilo sa kalakal ng buong mundo.
- 1857, itinatag ang pagawaan ng salapi sa Manila.
- 1859, nagbalikan ang mga frayleng Jesuit sa Pilipinas. Itinatag ang Ateneo de Manila, ang unang paaralang tumanggap ng mga Pilipino at mga mestizo.
- 1860 Mayo 8, ipinanganak si Gregorio Aglipay. Mayo 22, ipinanganak si Julio Nakpil. Nagsimula ang digmaan ng mga kapwa mamamayan [civil war] sa America dahil sa pag-alipin sa mga Negro.
- 1861, ipinag-utos na palitan ng frayle ang lahat nang paroco sa Manila na hawak ng Pilipino at mestizong pari. Sinakop ng mga Español ang Cotabato at iba pang lupain sa Mindanao habang nag-aaway duon ang mga Maguindanao at mga taga-Buayan. Enero 28, ipinanganak si Julian Felipe. Junio 19, ipinanganak si Jose Rizal.
- 1862 Nob 30, ipinanganak si Andres Bonifacio.
- 1863, binuksan ang Cebu sa kalakal ng buong mundo. Lumindol sa Manila, nasira ang katedral, maraming nasaktan.
- 1864, nanawagan si Padre Jose Burgos na gawing kapantay ng mga frayle ang turing sa mga Pilipino at mestizong pari; kasama ni Burgos na nanawagan sina Padre Mariano Gomez at Padre Jacinto Zamora. Julio 23, ipinanganak si Apolinario Mabini sa Tanauan, Batangas. Nagwagi sa America ang mga laban sa pag-alipin ng mga Negro.
- 1868, nagkudeyta ang hukbong Español at pinalayas si Reyna Isabela 2. Dumating sa Manila ang mga kinatawan ng mga ‘reforma’ ng “maluwalhating himagsikan” [glorious revolution] sa España. Nagsimula ang himagsikan sa Cuba sa “sigaw sa Yara” [grito de Yara] ni Carlos Manuel de Cespedes, nahalal na pangulo ng Republika ng Cuba. Nagsimula ang himagsikan sa Puerto Rico, sa “sigaw sa Lares” [grito de Lares], nagtatag ng ‘junta’ ng himagsikan. Okt 13, ipinanganak si ‘Nay Isa’ Teresa Magbanua sa Pototan, Iloilo.
- 1869, binuksan ang Suez Canal sa kalakal dagat ng buong mundo. Dumami ang mga taga-Europa na nagkalakal sa Pilipinas. Tumanggi ang America na tulungan ang himagsikan sa Cuba.
- 1870, nag-aklas sa Cavite si Eduardo Camerino laban sa mga frayle.
- 1872, nag-aklas sa Cavite si Sarhento La Madrid at 200 sundalo ng hukbong Español; ginapi ni Governador Rafael de Izquierdo. Peb 17, binitay ang 3 Pilipinong pari, Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora, sa Bagumbayan, Manila.
- 1873, itinatag ang unang republika ng España. Naghimagsik ang mga nais ibalik ang kaharian, katulong ng hukbong Español.
- 1874, nanalo ang mga maka-hari sa España, ibinagsak ng hukbong Español ang republika.
- 1875, ipinanganak si Gregoria de Jesus; naging asawa ni Andres Bonifacio. Sa España, hinirang na hari si Alfonso 13, anak ni Isabella 2. Nob 14, ipinanganak si Gregorio del Pilar. Dis 15, ipinanganak si Emilio Jacinto.
- 1876, sinakop muli ang Sulu ng mga Español, pinamunuan ni Malacampo.
Junio 3, ipinanganak si Jose Palma sa Bayambang, Pangasinan; naging tumitik ng ‘Pambansang Awit.’
- 1877 Marso, nagkasundo ang mga España, Alemanya at Britain na ari ng España ang Sulu. Kapalit, payag na arkilahin ng Britain ang Sabah [hilagang Borneo].
- 1878 Enero, sinakop ng Britain ang Sabah [hilagang Borneo] matapos ‘arkilahin’ ng isang bahay-kalakal ng Hongkong mula sa sultan ng Sulu.
- 1880, lumindol sa Manila. Naputol ang kawad ng telegrama papuntang Hongkong na sakop ng Britain.
- 1883 Enero, tinapos ang pagsasarili ng pamahalaan ng pagtanim at kalakal ng tabako. Pinayagan na ang paglalako ng tabako sa mga dayuhan.
- 1884, binuksan ang patubig-bayan ng Manila, pamana ni Francisco Carriedo, mula sa ilog Marikina, tinipon sa El Deposito sa San Juan del Monte [Pinaglaban], tuloy sa Intramuros. Simula ng pagsingil ng buwis sa cedula.
- 1886, inilimbag ni Jose Rizal ang kanyang nobela, Noli Me Tangere [Do Not Touch Me]. Dumating ang mga unang frayleng Capuchin sa Pilipinas. Inalis sa pamahalaan ang katungkulang Punong-Tagapaghatol [judge-governor]. Hiniling sa España na ipatapon ang mga Intsik mula Pilipinas. Sep 24, hinirang sa Manila na sultan ng Sulu si Harun Narrasid, laban sa karibal, si Amirul Kuram.
- 1887, nilusob ng mga Español, pinamunuan ni General Emilio Terrero, ang mga Muslim, pinamunuan ni Dato Utto ng Maguindanao.Abril 16, sinakop uli ang Sulu ng mga Español, pinamunuan ni Col. Juan Arola, upang gawing sultan si Harun. Itinatwa ng mga Español ang nobelang Noli Me Tangere.
- 1888 Marso 1, humiling si Marcelo H del Pilar, nilagdaan ng 810 Pilipino, na palayasin ang arsobispo at mga frayle na pulos Español, palitan ng mga Pilipino at mestizong pari, at bawiin ang mga lupain ng mga frayleng Augustinian at Dominican.
- 1889 Peb 15, itinatag ang pahayagang La Solidaridad sa España nina Graciano Lopez-Jaena at Marcelo H del Pilar.
- 1890, nagtatag ng mga munisipyo sa bawat lalawigan ng Pilipinas. Deciembre, ipinalathala ni Jose Rizal ang pang-2 nobela niya, El Filibusterismo [The Subversion] sa Europa.
- 1891, simula ng biyahe ng tren sa Pilipinas, mula Manila hanggang Dagupan, Pangasinan. Nilusob ng mga Español, pinamunuan ni Governador Valeriano Weyler, ang mga Maguindanao at mga Maranaw sa Mindanao.
- 1892 Junio, nagbalik si Rizal sa Manila, itinatatag ang La Liga Filipina, dinakip at ipinatapon sa Dapitan. Julio, itinatag ni Andres Bonifacio ang Katipunan sa Tondo, Manila. Hinayag ni Grover Cleveland, pangulo ng America, na walang pakialam ang America sa himagsikan ng Cuba laban sa mga Español.
- 1893, napalayas ng mga Muslim si Harun Narrasid mula Sulu. Sa Hawaii, tinulungan ng mga sundalong Amerkano ang mga Amerkanong haciendero na pabagsakin ang kaharian ni Reyna Kamehameha at sakupin ang Hawaii. Naging teritoryo ng America sa 1898, sa gitna ng Pacific Ocean. Malapit na sa Pilipinas ang mga Amerkano.
- 1895, nilusob ng mga Español ang Muslim sa Marawi, Lanao, sa Mindanao. Unang dating ng mga frayleng Benedictine sa Pilipinas.
- 1896,
- Febrero, pinilit ng Congress ng America si Pangulo Cleveland na usisain ang himagsikan sa Cuba.
- Agosto, natuklasan ni
frayle Mariano Gil ang Katipunan. Sinimulan ni Bonifacio ang Himagsikan. Dinakip at ipinatapon ni Ramon Blanco, governador general, ang 400 pinagsuspetsahang kasapi. Pinatay ng mga vigilanteng Español ang ilang daang Pilipino sa Manila. Unang labanan ng Katipunan at mga Español sa San Juan del Monte [Pinaglabanan, San Juan].
- Septiyembre, tinalo ni Emilio Aguinaldo ang hukbong Español sa Kawit, Cavite. Binitay ang Trece Martires sa Plaza de Armas, Fuerta Felipe, Cavite. Tinalo ni Mariano Llanera ang mga Español sa San Isidro, Nueva Ecija.
- Octobre, labanan sa Batangas - Taal, Lemery, Calca at Bayungyungan
- Noviembre, tinalo ni Aguinaldo ang mga Español sa Binakayan, Cavite.
- Deciembre, pinauwi si General Blanco, pumalit si Camilo Polavieja bilang governador-general. Nagbabala si William McKinley, bagong halal na pangulo ng America, na makikialam ang America sa himagsikan ng Cuba kapag hindi tinapos agad ng mga Español. Pinatay si Jose Rizal sa Bagumbayan.
- 1897,
- Inilatag ang kawad-telegrama mula Manila hanggang Iloilo, Bacolod at Cebu.
- Enero 4, binitay ang 15 martir mula Bicol, sa Bagumbayan.
- Enero 11, binitay ang 13 pang naghihimagsik, sa Bagumbayan.
- Peb 6, binitay si Roman Basa at iba pang kasapi ng Himagsikan o La Liga Filipina. Febrero 16, nanalo si Aguinaldo sa labanan sa Anabu II, Cavite, laban kay Gen. Antonio Zabala. Labanan sa Zapote, napatay si Edilberto Evangelista, engineer ni Aguinaldo.
- Marso 4, simula ni William McKinley bilang isa-25 Pangulo ng America.
- March 22, sa pulong ng mga pinuno sa Tejeros, Cavite, pinalitan ang Katipunan ng pamahalaang himagsikan. Sinisante si Bonifacio, pangulo si Aguinaldo, vice presidente si Mariano Trias, general ng himagsikan si Artemio Ricarte. Binitay ng mga Español ang 19 naghimagsik na taga-Aklan.
- Abril 15, umuwi si Polavieja sa España, pumalit si Primo de Rivera bilang governador-general. Abril 25, naghayag ng manifesto si Isabelo delos Reyes. Abril 27, ipinadakip ni Aguinaldo si Andres Bonifacio at kapatid na Paciano.
- Mayo 3, nag-aklas sa Capiz laban sa Español. Mayo 10, pinapatay ni Aguinaldo ang magkapatid na Bonifacio.
- Junio, sinakop ng Español ang Cavite, takbo si Aguinaldo sa Biak-na-bato.
- Deciembre 1, itinatag ni Aguinaldo ang pamahalaan sa Biak-na-bato. Deciembre 14, sumuko si Aguinaldo sa Biak-na-bato. Deciembre 27, nagpatapon sa Hongkong si Aguinaldo matapos bayaran ng mga Español.
- 1898,
- Peb 15, sumabog at lumubog ang barkong pandigma ng America, ang USS Maine, sa Havana, Cuba. Peb 25, inutusan si Commodore George Dewey ng US navy na dalhin ang kanyang mga barkong pandigma sa Hongkong, kung sakaling magkadigmaan laban sa Español.
- Marso, binalaaan ni Primo de Rivera ang Madrid, España, na naka-amba nang lumusob si Dewey pagka nagkadigmaan. Binuhay muli ni Emilio Jacinto ang Himagsikan laban sa Español. Nagsimula ang himagsikan sa Ilocos.
- Abril, nagsimula ang himagsikan sa Cebu. Umuwi sa España si Primo de Rivera, pumalit si Basilio Augustin bilang governador-general. Hinayag ni Francisco Makabulos ang pagpalaya ng Tarlac at pagpalayas sa mga Español.
Simula ng digmaan ng America at España.
- Mayo 1, labanan sa Manila Bay. Sinalanta ni Commodore George Dewey ang mga sandatahang dagat ng España. Nasa Pilipinas na ang mga Amerkano. Mayo 19, bumalik si Emilio Aguinaldo mula bakasyon sa Singapore. Tinanyag ng America na admiral si Dewey. Sumulat siya sa America na higit na handa ang mga Pilipino na mamahala sa sarili kaysa sa mga taga-Cuba. Inutos ni Pangulo McKinley ng America kay General Wesley Merritt na magdala ng hukbo upang sakupin ang Pilipinas. Mayo 24, nag-diktador muli si Aguinaldo. Pinaligiran ng 30,000 naghimagsik ang mga Español na nagtago sa Intramuros. Mayo 25, nagsimulang maglayag ang hukbong Amerkano sa San Francisco, California, papuntang Pilipinas. Mayo 28, sinupil ng mga Cavitenyo sa Alapan ang 270 marinong Español. Mayo 31, hinayag ni Pedro Paterno ang manifesto ng mga Español na pagbubutihin na ang turing sa mga Pilipino; nanawagan na tulungan ng mga Pilipino ang mga “kapanalig” na Español.
- Junio 12, hinayag ni Aguinaldo sa Kawit, Cavite, ang pagkapag-sasarili [independence] ng Pilipinas mula sa España, at siya ang diktador. Saksi si Coronel LM Johnson ng US army; tumangging dumalo si Admiral Dewey. Dumating sa Manila ang mga barkong dagat ng Alemanya, pinamunuan ni Admiral Otto von Diederichs, upang “magmasid.” Junio 18, nag-decree si Aguinaldo na magtatag ng pamahalaan sa bawat lalawigan at kabayanang napalaya na mula sa Español, at maghalal ng mga kinatawan para sa napipintong kongreso ng himagsikan. Junio 20, sumuko ang mga Español sa Guam sa hukbong Amerkano, pinamunuan ni Kapitan Henry Glass. Junio 23, pinairal ang Constitution ng Himagsikan. Hinayag ni Aguinaldo na hindi na siya diktador; itinatag niya ang kongreso ng himagsikan, ngunit tagapayo lamang, hindi batasan. Junio 24, sinulat ni Apolinario Mabini “Ang Tunay Na Decalogue” [The True Decalogue], inilathala sa sumunod na buwan. Junio 30, dumaong sa Cavite ang unang hukbo ng mga Amerkano na sasakop sa Pilipinas, pinamunuan ni General Thomas Anderson.
- Julio 1, sumuko ang mga Español, sa pamumuno ni General Monet, sa mga naghihimagsik sa Hagonoy, Bulacan. Julio 7, ginawang teriteryo ng America ang Hawaii. Julio 23, sumulat si Aguinaldo kay General Anderson, umangal sa pagdaong ng hukbong Amerkano nang walang pahintulot. Julio 25, dumating si General Wesley Merritt ng US army sa Cavite upang mamuno sa lahat ng hukbong Amerkano sa Pilipinas.
- Agosto 6, nanawagan si Aguinaldo na kilalanin ng mga ibang bansa ang pamahalaan ng Himagsikan. Agosto 12, nagkasundo sa Washington DC ang mga Español at Amerkano na tapusin na ang digmaan nila. Itinakda ang usapan kung ano ang gagawin tungkol sa Pilipinas at Cuba. Agosto 13, pinasok ng mga Amerkano ang Manila, sumuko ang mga Español matapos ng kunyaring labanan. Agosto 22, pumunta sa Paris, France, si General Merritt para sa nakatakdang pakikipag-uusap sa mga Español; si General Elwell Otis ang pumalit bilang pinuno ng hukbong Amerkano sa Pilipinas.
- Septiyembre 15, nagsimula ang kongreso ng himagsikan, hinirang na capitolyo ang Malolos, Bulacan. Sep 26, hinirang na kalihim ng digmaan si Antonio Luna.
- Octobre 1, simula ng tawaran ng mga Español at mga Amerkano sa Paris, France, tungkol sa pag-alis ng mga Español sa Guam, Puerto Rico at Pilipinas. Sa Washington DC, nakiusap si Felipe Agoncillo kay Pangulo McKinley na palayain ang Pilipinas; tinanggihan siya. Okt 26, inutos ni Pangulo McKinley sa mga Amerkanong nakikipag-usap sa Paris na tiyaking “buong Pilipinas ang sasakupin” ng America.
- Noviembre 6, sumuko sa mga naghimagsik ang mga Español sa Negros. Nob 17, itinatag ang pamahalaan ng Himagsikan ng Visayas sa Iloilo sa pulo ng Panay. Nob 25, hinirang ni Aguinaldo na pinuno ng hukbong Pilipino si Antonio Luna. Nob 29, tinangkilik ng kongreso ng himagsikan sa Malolos, pinamunuan ni Apolinario Mabini, ang constitution o Kasulatan ng Katauhan ng Bayan, ng bagong Republika.
- Deciembre 5, sumumpa ng pananalig sa Republika ng Malolos ang pamahalaan ng himagsikan ng Visayas. Deciembre 10, Kasunduan ng Español at America sa Treaty of Paris. Pinalaya ang Cuba, ibinigay ang Guam at Puerto Rico sa America, at binili ng America ang Pilipinas sa 20 milyon dolyar. Si Felipe Agoncillo at ibang sugong Pilipino ay hindi pinapasok sa lagdaan ng kasunduan. Dis 21, hinayag ni Pangulo McKinley ng America ang “mapagbiyayang pagsukob” (benevolent assimilation] sa Pilipinas; inutos niya sa hukbong Amerkano sa Pilipinas na gumamit ng anumang dahas upang masakop ang buong kapuluan.
Deciembre 23, isunuko sa mga naghimagsik sa Iloilo ni General Diego delos Rios, pansamantala at kahuli-hulihang governador general ng Pilipinas, ang lahat nang sakop ng España sa Pilipinas; kinabukasan, nag-alisan ang mga Español sa Panay. Deciembre 26, nag-alisan ang mga Español sa Cebu. Nagbitiw si Apolinario Mabini at buong cabinete sa Malolos dahil tumanggi si Aguinaldo na tunay na republika ang maging pamahalaan. Deciembre 28, tumanggi ang mga naghimagsik sa Iloilo na padaungin ang hukbong Amerkano, pinamunuan ni General Marcus Miller.
- 1899,
- Enero, nag-alisan ang mga Español sa Cotabato. Hinirang na pangulo ng republika si Aguinaldo. Tumanggi ang America na kilalanin ang republika. Enero 2, bumuo ng bagong cabinete si Aguinaldo, hinirang si Apolinario Mabini ang mamuno. Enero 17, sinakop ng America ang pulo ng Wake, sa gitna ng Pacific Ocean, upang gamiting himpilan papuntang Pilipinas. Enero 20, binuo sa America ang unang Philippine Commission, pinamunuan ni Jacob Gould Schurman, upang mamahala pamuna sa Pilipinas. Enero 22, pinairal ang Malolos Constitution. Enero 23, pasimulaan [inauguration] ng republika at ni Aguinaldo bilang pangulo.
- Febrero 4, simula ng digmaan ng Pilipinas laban sa America. Binaril ni William Grayson, sundalong Amerkano, ang 3 Pilipinong nagtangkang tumawid sa tulay ng Santa Mesa. Sa mga sumunod na araw, nagbarilan ang mga Amerkano sa Intramuros at mga Pilipinong nakapaligid. Nalipol ang mga Pilipino ng maraming kanyon at baril ng mga Amerkano. Nagsimula ang pag-urong ng mga Pilipino mula sa Manila. Febrero 11, pinagkakanyon ng mga Amerkano ang Iloilo; nilusob sila ng mga Ilonggo, pinamunuan ni ‘Nay Isa’ Teresa Magbanua. Peb 20, bakbakan sa Iloilo ng mga Amerkano at mga Pilipino, pinamunuan ni Martin Delgado. Febrero 22, sinakop ng mga Amerkano ang Cebu, isinuko nang walang laban. Sinakop ng mga Amerkano ang Iloilo matapos talunin ang mga Ilonggo.
- Marso, tahimik na sinakop ng mga Amerkano ang Bohol. Marso 4, dumating ang Philippine Commission upang mamahala sa Pilipinas nang 6 buwan. Marso 31, sinakop ng Amerkano ang Malolos, Bulacan. Bumagsak ang republika; takbuhan sina Aguinaldo at mga pinunong Pilipino.
- Abril 4, nagbabala ang Philippine Commission na wawasakin ang sinumang lumaban sa pagsakop ng mga Amerkano. Abril 15, hinayag ni Apolinario Mabini na walang karapatan ang America na sakupin ang Pilipinas; nanawagan sa mga Pilipino na ipagpatuloy ang paglaban para sa kalayaan. Abril 24 - 27, bakbakan sa Bagbag at Calumpit, Bulacan, ng mga Pilipino, pinamunuan ni Antonio Luna, at ng 3 hukbong Amerkano, pinamunuan ng mga general, Lloyd Wheaton, Henry Lawton at Arthur MacArthur. Abril 28, sinugo ni Aguinaldo si Pedro Paterno kay General Otis upang makipagtawaran tungkol sa pagtigil ng labanan, ngunit ayaw ng Amerkano. Abril 29, itiniwalag [excommunicated] si Gregorio Aglipay mula sa simbahang katoliko ni Bernardino Nozaleda, arsobispo ng Manila.
- Mayo 2, sinugo ni Aguinaldo sina Manuel Arguelles at Jose Bernal kay General Otis upang makipagtawaran tungkol sa pagtigil ng labanan, ngunit ayaw ng Amerkano. Mayo 3, alukin ang mga Pilipinong magtatag ng pamahalaan sa ilalim ng America, inutos sa Philippine Commission ni John Hay, kalihim panlabas [secretary of state] ng America. Mayo 7, sinisante ni Aguinaldo si Mabini; ipinalit si Pedro Paterno na nagbuo ng bagong cabinete. Mayo 20, pinabalik sa America si Admiral Dewey. Mayo 23, nag-alisan ang mga Español sa Zamboanga; umalis nang tuluyan mula Pilipinas.
- Junio, pinagbili ng America sa Alemanya ang mga kapuluan sa Pacific Ocean, ang pulu-pulo ng Carolina, Palau at Marianas, maliban sa Guam na ginamit ng US navy na himpilan papuntang Pilipinas. Humiwalay ang mga Aglipay sa simbahang Katoliko. Junio 2, Sumuko ang mga Español sa mga naghimagsik sa Baler, Tayabas. Nanawagan si Pedro Paterno sa bayan na ipagpatuloy ang pakikibaka sa mga Amerkano. Junio 5, pinatay si Antonio Luna ng mga tauhan ni Aguinaldo sa Cabanatuan, Nueva Ecija.
- Julio, inutos ni General Otis ang pagtatag ng pamahalaang Pilipino sa pangasiwa ng mga sundalong Amerkano. Julio 3, nagbukas ang mga pambansang paaralan, mga Amerkano, Español at Pilipino ang mga guro. Julio 19, pinalit ang mga batas ng Amerkano sa batas ng Español sa Pilipinas. Español pa rin ang wikang pambansa.
- Agosto 20, nilagdaan ni General John Bates at ni Sultan Jamalul Kiram II ang kasunduan ng pagkilala sa kaharian ng Sulu sa ilalim ng mga Amerkano.
- Septiyembre 3, nilatha sa pahayagang La Independencia ang mga titik ni Jose Palma ng Pambansang Awit. Sep 10, nahuli si Apolinario Mabini ng mga Amerkano.
- Octobre, natapos ang tag-ulan, sinimulan muli ng sandatahang Amerkano ang paglusob sa Luzon. Okt 23, pinahayag ni Gregorio Aglibay na gagawin niyang Pilipino ang lahat nang simbahang katoliko sa Pilipinas.
- Noviembre 12, inutos ni Aguinaldo na mamundok na lamang ang watak-watak nang hukbong Pilipino. Nob 16, sinakop ng mga Amerkano ang Zamboanga.
- Deciembre 2, napatay ng mga Amerkano si Gregorio del Pilar sa labanan sa Lagusang Tirad, sa Ilocos Sur. Dis 19, napatay si Henry Lawton, general ng hukbong Amerkano sa Pilipinas, ng mga Pilipinong pinamunuan ni Lucerio Geronimo sa sagupaan sa San Mateo, sa Morong [Rizal ngayon].
- 1900,
- Enero 14, nakatakas si Aguinaldo sa labanan sa Monte Bimmuaya, Ilocos Sur, nang hadlangan ng pangkat ng mga taga-Nueva Ecija, pinamunuan ni Manuel Tinio, ang sumugod na mga Amerkano.
- Marso 16, binuo sa America ang pang-2 Philippine Commission, pinamunuan ni William H Taft. Marso 17, sinakop ang Bohol ng mga Amerkano.
- Mayo 5, umalis si General Otis, pumalit si General Arthur MacArthur bilang pinuno ng sandatahang Amerkano sa Pilipinas.
- Junio 3, dumating ang pang-2 Philippine Commission.
- Septiyembre 1, ang Philippine Commission ang naging batasan ng Pilipinas.
- 1901,
- Enero 7, ipinatapon sa Guam sina Apolinario Mabini, Pio del Pilar at Artemio Ricarte nang tumanggi silang sumumpa ng pagkampi sa America.
- Febrero 1, sumuko sa mga Amerkano ang mga naghimagsik sa Panay. Peb 2, tinatag ang Partido Federal nina Cayetano Arellano, Pardo de Tavera at Benito Legarda upang isapi ang Pilipinas sa America.
- Marso 8, tinambangan at nilipol ng mga Amerkano ang 406 naghimagsik sa Bohol, sa Lonoy, Jagna. Marso 23, nadakip si Emilio Aguinaldo ng mga Amerkano.
- Abril 1, sumumpa si Aguinaldo na kampi na sa America.
- Julio 4, katapusan ng pamahalaang militar, ang Philippine Commission na ang namahala sa buong kapuluan. Julio 17, ibinalik ang pamahalaang militar sa mga lalawigan ng Batangas, Bohol at Cebu, dahil sa bagsik ng mga naghimagsik na namundok at nag-guerrilla laban sa mga Amerkano. Julio 18, itinatag ang Philippine Constabulary bilang pulis sa buong kapuluan. Julio 31, hinayag ni Miguel Malvar ng Batangas na siya na ang supremo ng Katipunan.
- Agosto 21, dumating ang barkong Thomas, dala ang mga Amerkanong guro na magtuturo sa Pilipinas.
- Septiyembre 6, nabaril si Pangulo McKinley ng America ng isang sirang-ulo, si Leon Czolgosz; pumalit si Theodore Roosevelt bilang ika-26 pangulo ng America. Sep 14, namatay si McKinley. Sep 26, 48 sundalong Amerkano ang napatay ng mga Pilipino, pinamunuan ni Pedro Abayan, sa Balangiga, Samar.
- Octobre , sumuko ang naghimagsik sa Cebu, pinamunuan ni Arcadio Maxilom.
- Deciembre 23, sumuko ang mga naghimagsik sa Bohol, pinamunuan ni Pedro Samson.
- 1902,
- Enero, sinimulan ni General Franklin Bell ang malupit na pagsunog at pagpatay sa Batangas upang masupil ang mga namumundok na naghimagsik, pinamunuan ni Miguel Malvar.
- Febrero 27, nadakip si Vicente Lukban, utak ng pagtambang sa mga Amerkano sa Balangiga, Samar.
- Marso 17, simula ng paglitis kay Major Littleton Waller sa Manila dahil sa malupit na paghiganti ng mga Amerkano sa Samar.
- Abril 16, sumuko si Miguel Malvar sa mga Amerkano.
- Mayo 2, sinugod ng hukbong Amerkano ang mga Muslim sa Mindanao, dinurog ang mga kuta sa Binadayan at Pandapatan, sa Lanao.
- Junio, nagpunta sa Roma si William H Taft upang bilhin ang mga lupain ng frayle sa Pilipinas.
- Julio 1, pinairal ng Congress ng America ang Philippine Organic Act, nagtatag ng Pilipinong Batasan ng mga kinatawan [House of Representatives] sa halalan sa 1907. Ang Philippine Commission ang naging Senado [Philippine Senate] ng Batasan. Julio 4, hinayag ang katapusan ng digmaan sa Pilipinas ni Theodore Roosevelt, pangulo ng America, at ang pagpatawad sa mga sumukong naghimagsik.
- Agosto 3, itinatag ni Gregorio Aglipay ang kanyang Sambahan, Iglesia Filipina Independiente [Philippine Independent Church].
- 1903,
- Sinugod ng sandatahang Amerkano, pinamunuan ni General Leonard Wood, ang mga Muslim sa Sulu, pinamunuan ni Panglima Hassan.
- Febrero, sumumpa na si Apolinario Mabini ng pagkampi sa Amerkano at bumalik sa Pilipinas. Umayaw si Artemio Ricarte, ipinatapon siya sa Hongkong ng mga Amerkano.
- Marso, nilusob ng sandatahang Amerkano, pinamunuan ni Kapitan Carl Reichman, ang mga Muslim sa Cotabato, pinamunuan ni Datu Ali.
- Mayo 13, namatay ng cholera si Mabini sa Nagtahan, Manila.
- Junio 1, itinatag ng mga Amerkano ang lalawigan ng “Moro” (Moro Province), sakop ang 5 “districto” ng Zamboanga, Lanao, Cotabato, Davao at Sulu. Nagbitiw ng tungkulin bilang arsobispo ng Manila si Bernardino Nozaleda.
- Julio, nagsimulang gamitin ang salaping Pilipino, ‘conant.’
- Septiyembre 2, tinatag ng mga Amerkano ang Moro Province Legislative Council upang pamahalaan ang mga Muslim.
- 1904, pinawalang bisa ng mga Amerkano ang kasunduan nuong Agosto 1899 nina General Bates at Sultan Kiram dahil sagabal ito sa pamamahala sa mga Muslim. Enero, dumating si Monsignor JJ Harty, arsobispo ng Manila. Lumisan si William Taft upang maging kalihim ng digmaan [secretary of war] sa America. Pumalit si Luke Wright bilang governador ng Pilipinas. Febrero, dumating sa Manila si Monsignor Ambrogio Aguis, kinatawan ng Katolikong Papa sa Roma. Julio 11, pinakamalaking baha sa paligid ng Manila. Agosto 1, nagsimula ang pagsingil ng buwis.
- 1905 Marso 28, inihayag ang halalan sa 1907 ng mga magiging kinatawan sa Philipine Assembly, kongreso ng bayan. Marso, inutos ng mga Amerkano na magsilbi ang lahat nang lalaki, 5 araw buwan-buwan, tulungan ang mga sundalong Amerkano sa pagsupil sa mga tulisan. Octobre, pinatay ng mga Amerkano si Datu Ali at mga kasamang Muslim sa Kudarangan, Cotabato, na naghimagsik nang ipinagbawal ang pang-aalipin sa Pilipinas.
- 1906 Enero 1, inutos ng mga Amerkano, English na ang wikang pambansa. Marso 5, nilipol ng mga Amerkano ang mga naghimagsik na Muslim sa Bud Dajo, Sulu. Itinatag ni Sergio Osmena at Manuel Quezon ang Nacionalista Party.
- 1907 Octobre 16, pasimula ng Philippine Assembly bilang batasang pambansa.
- 1908, itinatag ang University of the Philippines.
- 1909, hinirang na governador militar ng Sulu si General John Pershing.
- 1913 Junio 11, sinagupa ng mga Amerkano, pinamunuan ni General Pershing, ang mga Muslim sa Bud Bagsak, Sulu. Octobre 24, sa Bud Talipao naman nagsagupaan ang mga Amerkano at mga Muslim.
- 1916, naging Speaker ng Philippine Assembly si Sergio Osmena. Pumasa sa Congress ng America ang Jones Law, nagtatag ng senado na bubuoin ng mga Pilipino, bilang kapalit sa Philippine Commission at, kasama ng Philippine Assembly, magiging batasang pambansa ng Pilipinas. Nahalal si Manuel Quezon at naging pinuno ng senado. Ipinagbawal ang pagkakaroon ng maraming asawa, pati sa mga Muslim. Itinigil ang kahiwalay na pamamahala sa mga Muslim sa Mindanao, pinailalim na sa pamahalaan sa Manila.
- 1919, pinagbawal ang mga batas na “pusaka” ng Muslim, ang pamahalaan na lamang ang makapaghihirang ng pag-aari ng lupa.
- 1930 Agosto 26, tinatag ni Crisanto Evangelista ang Partido Komunista ng Pilipinas [PKP].
- 1932 Abril, itinatag sa Pampanga ang Philippine Socialist Party. Ipinagbawal ng Philippine Supreme Court ang Partido Komunista ng Pilipinas [PKP].
- 1933 Deciembre 7, binigyan ni Governador Frank Murphy ang mga Pilipina ng karapatang bumoto sa lahat ng halalan.
- 1934, pumasa sa Congress ng America ang Tydings-McDuffie Act na nagtatag ng pamahalaang Commonwealth sa Pilipinas, at nagbigay ng kalayaan ng Pilipinas sa 1945. Halalan para sa Constitutional Convention sa susunod na taon. May nahalal na mga Muslim - Arolas Tulawi ng Sulu, Datu Menandang Pang at Datu Blah Sinsuat ng Cotabato, at si Sultan Alaoya Alonto ng Lanao.
- 1935, nag-aklas ang mga Sakdalista dahil nakalamang ang mga mayaman sa bagong constitution. Nahirang ang constitution sa halalan [plebescite] at natatag ang pamahalaang Commonwealth. Nanalo sa halalan si Manuel Quezon bilang pangulo, at si Sergio Osmena bilang pangalawa [vice president]. Sa halalan ng National Assembly, 2 Muslim ang naging kinatawan.
- 1937, napayagan muli ang Partido Komunista. Tagalog ang hinirang na pambansang wika ng pambansang batasan.
- 1938, nagsapi ang pangkat ng mga komunista at socialista. Umiral ang takot sa paglusob ng Japan. Nagtungo sa Tokyo si Quezon upang makiusap na huwag isali ang Pilipinas sa darating na digmaan. Tumanggi ang mga Hapon.
- 1940, nakalaya si Ferdinand Marcos matapos makulong sa pagpatay kay Julio Nalundasan.
- 1941 Deciembre, nilusob ang Pilipinas ng mga Hapon. Hinayag ni General Douglas MacArthur na “open city” ang Manila.
- 1942 Enero 2, sinakop ng mga Hapon ang Manila nang walang labanan. Marso 29, itinatag ni Luis Taruc ang Hukbalahap o Hukbong Bayan Laban sa Hapon. April 9, sumuko ang sandatahang Amerkano at Pilipino sa Bataan; libu-libo ang namatay sa death march. Mayo 6, sumuko sa mga Hapon ang mga Amerkano at Pilipino sa Corregidor.
- 1943 Septiyembre 25, itinatag ang Republic ng Pilipinas sa ilalim ng mga Hapon, pangulo si Jose Laurel at pangalawa [vice presidents] sina Ramon Avancena at Benigno Aquino ng Tarlac.
- 1944 Octobre 23, dumaong sa Leyte ang sandatahang Amerkano, pinamunuan ni Douglas MacArthur, upang sakupin ang Pilipinas mula sa mga Hapon.
- 1946 Julio 4, itinatag ang Republika ng Pilipinas, pangulo si Manuel Roxas, kapalit ng pamahalaan ng mga Amerkano.
- 1947, tinatag ang mga himpilang militar ng America o US military bases sa Pilipinas.
- 1948, itinatag ni Luis Taruc ang Hukbong Mapagpalaya ng Bayan. Ipinagbawal ng pamahalaan ang PKP o Pambansang Kaisahan ng mga Magbubukid, pinamunuan ni Mateo del Castillo. Namatay si Manuel Roxas ng atake sa puso, pumalit si Elpidio Quirino bilang pangulo ng Pilipinas.
- 1949, nahalal si Quirino na pangulo muli ng Pilipinas.
- 1951, nakipagkasunduan ng kapayapaan ang Pilipinas at Japan; pagkatapos, tumanggap ang Pilipinas ng 800 milyon dollar mula sa Japan, bayad sa pinsala nuong digmaang 1941 - 1945.
- 1953, nahalal na pangulo ng Pilipinas si Ramon Magsaysay.
- 1954, sumuko si Taruc at ipinakulong nang 12 taon. Tinatag sa Manila ang SEATO o South East Asian Treaty Organization.
- 1957, namatay si Magsaysay sa pagbagsak ng eroplanong “Mount Pinatubo.” Pumalit si Carlos Garcia bilang pangulo ng Pilipinas. Nahalal si Garcia bilang pangulo sa sumunod na halalan.
- 1959, naging ika-50 state ng America ang Hawaii.
- 1961, nahalal na pangulo ng Pilipinas si Diosdado Macapagal.
- 1962, itinatag ang IRRI o International Rice Research Institute sa Los Banyos, Laguna.
- 1965, naganap ang “Jabidah massacre” sa Corregidor - pinatay ang mga sundalong Muslim na ayaw lumusob sa Sabah. Sinimulan ang pagsubok sa “miracle rice” IR5 at IR8 sa Pilipinas at India. Noviembre 9, nahalal si Ferdinand Marcos bilang pangulo ng Pilipinas.
- 1967 Agosto 8, tinatag ang ASEAN o Association of South East Asian Nations sa pagpupulong ng mga punong bayan [summit] sa Manila.
- 1968, tinatag ni Jose Maria Sison ang CPP o Communist Party of the Philippines, kapalit ng PKP o Partido Komunista ng Pilipinas.
- 1969, tinatag ni Nur Misuari at ilang kabataang Muslim ang MNLF o Moro National Liberation Front upang labanan ang pagmamalupit ng katolikong pamahalaan. Nahalal na pangulo muli si Marcos. Binuhay na muli ang Huk sa pangalang NPA o New Peoples Army, pinamunuan ni ‘Kumander Dante’ Bernabe Buscayno.
- 1970, sa pasimula ng pang-2 pagkapangulo ni Marcos, sinabakan ng mga pulis at mga sundalo ng METROCOM ang mga kabataang nag-demo laban kay Marcos. Nagsimula ang madalas na “makibaka” [riot] ng mga kabataan sa Mendiola at ibang kalsadang malapit sa Malacanang.
- 1971
- Enero 26, sinakop ng mga kabataan, pinamunuan ni ‘Popoy’ Filemon Lagman, ang University of the Philippines at ginawang Diliman Commune.
- Junio 1, sinimulan ang constitutional convention, pinamunuan ng dating pangulong Carlos Garcia, upang palitan ang Kasulatan ng Katauhan ng Bayan o constitution na sinulat nuong 1935.
- Agosto, 2 granada ang sumabog sa harap ng mga kandidato ng Liberal Party para sa Senado habang nagkakampanya sa Plaza Miranda, sa Quiapo, Manila. Marami ang nasaktan, pati si Senador Jovito Salonga, House Speaker Ramon Mitra ng Palawan at Ramon Bagatsing, alkalde ng Manila. Walang dinakip na nagpasabog.
- Noviembre, nahalal sa Senado ang karamihan ng kandidato ng Liberal Party; 2 lamang na kandidato ng karibal na Nacionalista Party ni Marcos ang nahalal.
- 1972
- Enero, binulgar ni Eduardo Quintero, kinatawan mula Leyte, ang tangkang suhulan sa constitutional convention upang makapag-pangulo si Marcos nang pang-3 ulit.
- Febrero 12, nagtatag si Marcos ng pakipag-ugnayan ng Pilipinas sa Soviet Union [Russia], China at iba pang komunistang bayan.
- Septiyembre, nagsimula ang madalas na bombahan ng mga tindahan sa Metro Manila. Binulgar ni Benigno Aquino ang tangkang Oplan Sagittarius ni Marcos na magpairal ng martial law upang mabinbin ang halalan ng panibagong pangulo sa 1973.
- Sep 21, pinairal ni Marcos ang martial law sa buong Pilipinas, sang-ayon si Richard Nixon, pangulo ng America. Dinakip at kinulong si Aquino at mga karibal ni Marcos sa politica, pati na ang libu-libong kabataan.
- 1973, pinairal ang bagong Kasulatan ng Katauhan ng Bayan o constitution, nabigay kay Marcos ng mga sukdulang kapangyarihan ng isang diktador.
- 1975 Febrero, hinirang ni Marcos na governador ng Metro Manila ang kanyang asawa, si Imelda Romualdez.
- 1976, nadakip si Victor Corpuz, dating guro sa PMA [Philippine Military Academy] na bumaligtad at sumapi sa hukbong komunista o NPA [New Peoples Army]. Nadakip ng mga sundalo si ‘Kumander Dante’ Bernabe Buscayno, pinuno ng NPA.
- 1976 Agosto 17, 8,000 ang namatay sa lindol at sa sumunod na tsunami o malaking alon-dagat sa Mindanao.
- 1977, nahatulan ng bitay si Benigno Aquino. Bininbin ni Marcos ang hatol, nanatiling nakapiit si Aquino. Nadakip si Jose Maria Sison, pinuno ng CPP o Communist Party of the Philippines.
- 1978, mula sa piitan, tumakbo si Aquino bilang kasapi ng LABAN [Lakas ng Bayan], sa halalan ng mga magiging kinatawan sa Batasang Pambansa. Natalo siya, 21 lamang na kasapi ng LABAN ang nahalal; 186 na kasapi sa KBP [Kilusan Bagong Lipunan] ni Marcos ang nanalo.
- 1980, nagtungo si Aquino sa America upang ma-operahan ang sakit sa puso, sa pagsulsol ni Jimmy Carter, pangulo ng America. Pinagbawal ni Marcos ang pagbalik ni Aquino sa Pilipinas. Tinatag ni ‘Doy’ Salvador Laurel ang UNIDO [United National Democratic Organization], pang karibal sa KBP ni Marcos.
- 1981, itinigil ni Marcos ang martial law dahil sa pag-ukilkil ng mga pinuno ng pamahalaan at kinatawan ng Congress ng America. Nanatili ang mga sukdulang kapangyarihan niya bilang diktador.
- 1982 Septiyembre 20, pinatay ng mga sundalo sa Davao City si ‘Edhop’ Edgar Jopson, dating kabataang makibaka na namundok at sumapi sa NPA nang mag-martial law si Marcos.
- 1983 Agosto 21, pinatay ng mga sundalo sa Manila international airport si Benigno Aquino pagdating niya mula sa Taiwan.
- 1984 Mayo 14, kumampi si ‘Cory’ Corazon Aquino, biyuda ni Benigno, sa mga kandidatong laban kay Marcos sa halalan ng mga magiging kinatawan sa Batasang Pambansa. Sa 183 nanalo, 56 ay laban kay Marcos. Octobre 24, hinayag na sapakatan ng mga sundalo ang pagpatay kay Benigno Aquino sa airport nuong Agosto 1983. Ayon kay Corazon Agrava, hukom na nag-usisa sa pagpatay, kasangkot si General Fabian Ver, pinuno ng sandatahan ng Pilipinas at kaibigan ni Marcos.
- 1985 Febrero 22, sinimulan ang paglitis kay Fabian Ver, 24 sundalo at 1 civilian ng Sandigan Bayan, sa salang pagpatay kay Benigno Aquino nuong Agosto 1983.
- 1985 Noviembre 3, hinayag ni Marcos ang biglaang halalan [snap election] ng pangulo ng Pilipinas, upang matahimik ang panaghoy ng mga pinuno ng America na ligalig sa pagiging diktador ni Marcos na sanhi, paniwala nila, ng pagdami ng mga NPA at iba pang lumalaban sa pamahalaan. Deciembre 2, pinawalang sala ng Sandigan Bayan sa pagpatay kay Benigno Aquino sina Fabian Ver at 25 pang nilitis. Ibinalik ni Marcos si Ver sa pagka-pinuno ng sandatahang pambansa. Dis 3, hinayag ni Cory Aquino na tatakbo siya bilang pambato ng LABAN o Lakas ng Bayan sa biglaang halalan ng susunod na pangulo ng Pilipinas. Katuwang niya si ‘Doy’ Salvador Laurel, bilang pangalawa [vice-president], sa sagisag ng kanyang pangkat na UNIDO. Ang kalaban ay ang pangkat ng KBL [Kilusan Bagong Lipunan] ni Marcos at ng katuwang, si Arturo Tolentino.
- 1986
- Febrero 7, maraming bumoto sa biglaang halalan, maraming paratang ng pandaraya at karahasan.
- Peb 9, alsa-balutan ang 30 kawani ng COMELEC [Commission on Elections] dahil iniiba raw ang bilang nila ng mga boto upang manalo si Marcos.
- Peb 13, itinatwa ng Pulong ng mga Katolikong Obispo [Catholic Bishops Conference] ang mga pandaraya sa biglaang halalan. Natigatig din pati si Cardinal Jaime Sin, arsobispo ng Manila, at mga senador at mga kinatawan ng Congress ng America.
- Peb 15, hinayag ng Batasang Pambansa ang panalo ni Marcos bilang pangulo muli ng Pilipinas. Kinabukasan, hinirang na panalo si Cory Aquino sa rally o panawagang-pulong sa Luneta na dinaluhan ng ilanpung libong tao. Hinayag ni Cory ang simula ng kanyang pambansang kampanya ng mapayapang paglabag sa pamahalaan [civil disobedience] at pagtangging tangkilikin [boycott] ang mga kalakal, pahayagan at bangko ng mga kakampi ni Marcos, upang pilitin si Marcos na magbitiw ng tungkulin.
- Peb 19, itinatwa ng Senado ng America ang biglaang halalan bilang pandaraya. Sinimulan ng House of Representatives duon ang pagputol ng tulong sa Pilipinas habang diktador si Marcos.
- Peb 22 - 24, tumiwalag sina Ponce Enrile, kalihim ng tanggulang bansa [minister of defense], at General Fidel Ramos, pinuno ng PC [Philippine Constabulary]. Kasama ng 300 sundalo, nagkulong sila sa Camp Crame at Camp Aguinaldo, sa magkabilang panig ng EDSA o Epifanio de los Santos Avenue, at nanawagan sa lahat ng hukbong Pilipino na sumanib sa kanilang pagtiwalag mula sa pagdidiktador ni Marcos. Sa 3 araw na sumunod, sumanib ang mahigit sa 100,000 tao, pati si Cardinal Sin, pinapunta ang mga pari at madre, upang hadlangan ang paglusob ng mga tangke, kanyon at sundalo ni General Ver. Tumiwalag rin ang hukbong himpapawid [air force] at sandatahang dagat [navy] at kumampi kina Enrile at Ramos.
- Peb 25, sumumpa si Marcos ng pagiging pangulo muli sa Malacanang, kasabay ng pasimulang panata ng tungkulin [inaugural oath of office] ni Cory Aquino bilang bagong pangulo, sa San Juan, Rizal naman. Nang paligiran ang Malacanang ng libu-libong tao, umalis nuong gabing iyon si Marcos at mahigit 100 kamag-anak at mga kakampi, sakay sa mga helicopter na pinahiram ng US embassy. Mula sa Clark air force base ng mga Amerkano, lumipad sina Marcos sa Guam, tapos sa Hawaii, upang duon na manirahan.
- 1987 Deciembre 20, mahigit 4,300 pasahero ang namatay nang nagbanggaan sa gitna ng dagat ang isang barko ng langis at ang MV Dona Paz, barkong pampasahero.
- 1988, nagbayad ng 481 milyon dolyar ang America bilang 2 taong upa sa mga military bases sa Pilipinas.
- 1989 Agosto 1, itinatag ang ARMM [Autonomous Region of Muslim Mindanao] sa Maguindanao, Lanao del Sur, Sulu at Tawi-Tawi. Septiyembre 28, namatay sa sakit si Marcos sa Hawaii. Deciembre, tumulong ang mga eroplanong pandigma ng America upang supilin ang pagsalakay ng mga sundalong Pilipino sa isa sa maraming kudeyta [coup d’etat] na tinangka laban kay Pangulo Cory Aquino.
- 1990, tinatag ni Abduragak Abubakar Janjalani sa Basilan, Sulu at Tawi-Tawi, ang Abu Sayyaf [“Ama ng Espada”] upang pilasin ang timog Pilipinas bilang malayang bayan ng Islam. Kakabalik ni Janjalani matapos matuto ng paglaban sa Afghanistan nuong digmaan duon laban sa mga Russo. Septiyembre 28, hinatulan si General Luther Custodio at 15 pang sundalo ng MIA [Manila international airport] sa salang pagpatay kay Benigno Aquino nuong Agosto 1983.
- 1991, sumabog ang bulkan Pinatubo matapos ng 600 taong pananahimik. Natabunan ang ilan daang kabayanan, at nasalanta ang libu-libong hektarya ng pananim sa Tarlac, Zambales at Pampanga. Umalis na sa Clark air force base ang sandatahang himpapawid ng America. Tumanggi ang senado ng Pilipinas na ipagpatuloy nang 10 taon pa ang mga military bases ng America sa Pilipinas.
- 1992 Mayo 11, nahalal na pangulo si General Fidel Ramos, pumalit kay Pangulo Cory Aquino. Umalis na sa Subic naval station ang hukbong dagat ng America.
- 1995, itinatag ni ‘Popoy’ Filemon Lagman, dating kabataang makibaka, ang BMP o Bukluran ng Manggagawang Pilipino, at ang Sanlakas, samahan ng mga squatter.
- 1996, nakipagpayapa si Pangulo Ramos at ang MNLF o Moro National Liberation Front, na itinatwa ang adhikaing magtatag ng malayang bayan ng Islam sa timog Pilipinas.
- 1998, nahalal na pangulo ng Pilipinas si Joseph Estrada, dating artista sa pelikula. Deciembre, napatay ng mga pulis sa Basilan si Abubakar Janjalani, pinuno ng Abu Sayyaf. Sa sumunod na agawan sa kapangyarihan, naging pinuno ng Abu Sayyaf ang kanyang kapatid, si Khadafy Janjalani.
- 2000 Noviembre, sinimulan ang ang paglitis [impeachment] kay Pangulo Estrada sa salang pagtanggap ng suhol mula sa mga pasugalan.
- 2001
- Enero 16, nabinbin ang paglitis kay Pangulo Estrada sa senado. Libu-libong mamamayan ang dumagsa sa EDSA muli sa sumunod na 5 araw upang manawagang magbitiw si Estrada.
- Enero 20, umalis si Estrada mula Malacanang matapos tumiwalag ang hukbong Pilipino at kumampi sa mga nananawagan sa EDSA. Pumalit na pangulo ang kanyang pangalawa [vice president], si Gloria Macapagal-Arroyo.
- Febrero 6, binaril at napatay ng 4 di-kilalang lalaki si ‘Popoy’ Filemon Lagman sa loob ng UP [University of the Philippines] sa Diliman, Quezon City.
- Marso, naghayag ng pagtigil ng bakbakan ang MILF o Moro Islamic Liberation Front at nanawagan sa pamahalaan na pag-usapan ang pagpapayapa.
- Abril, pinaratangan si Estrada ng pagkurakot ng mahigit 80 milyon dolyar mula sa pamahalan. Dinakip siya at ipiniit.
- Mayo 1, libu-libong mamamayan ang dumagsa sa EDSA upang manawagan na magbitiw si Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa pagkalimot sa mga dukha at upang mabalik si Joseph Estrada, ang kanilang idolo.
- Junio, hinayag na napatay si Khadafy Janjalani, pinuno ng Abu Sayyaf, sa barilan laban sa mga sundalong Pilipino sa pulo ng Basilan.
- Julio, libu-libong sundalo ang lumusong sa pulo ng Basilan upang tuklasin ang pangkat ng Abu Sayyaf na dumukot sa 2 Amerkano at 18 pang tao upang ipatubos sa mga kamag-anak.
- 2002 Enero, dumating ang libu-libong sundalong Amerkano upang turuan ang mga sundalong Filipino sa pagsupil sa mga terorista.
Junio, napatay ang isang Amerkano at isang nurse na Pilipina nang magsagupa ang mga sundalong Pilipino at mga kasapi ng Abu Sayyaf na dumukot sa mga napatay. Ang asawang babae ng Amerkano ay nasugatan at umuwi sa America.