Tagalog

Tagalog: Ano’ng Say Mo?

Ang hindi magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa malansang isda!
- Salawikaing Tagalog

ANG HIRAP lang, mahigit 150 ang mga wikang sinasarili sa ibat ibang pook ng Pilipinas, at maganang minahal namang lahat simula’t simula pa. Ayon nga kay Frayle Pedro Chirino nuong 1602 pa,

Masugid magbasa’t sumulat ang mga tagapulo kaya halos lahat sila, babae’t lalaki, ay marunong ng baybaying gamit sa pulo ng Manila, na malaking pagkakaiba sa baybaying gamit sa China, Japan at India.
Ang hirap lang uli, hindi nagkakaunawaan kaya pinagkaisahan nuong panahon ng Amerkano na dapat mahalin ang isang wika, kung ayaw mahambing sa isda. Ito ang dahilan, nang imungkahi ng Amerkanong Philippine Commission nuong 1908 na magtayo ng aralan ng iba’t ibang wika ng Pilipinas upang makapagturo nang mabisa ang mga guro sa kani-kanilang pook, tinanggihan ng Philippine Assembly sa pamumuno ni Leon Ma. Guerrero. Inirapan din nila ang atas ng mga Español na ayaw umaming natalo sila sa digmaan, na Español ang gawing wikang pambansa, at piniling English ang gamitin sa pagtuturo.

Tapos, labu-labo na.

Nuong pang Enero, 1906, ipinag-utos na ng Philippine Commission na English ang official na wika sa Pilipinas. Ito man ay huli na rin, sapagkat mula pa nuong Agosto, 1901, nang dumating ang mga gurong Amerkano, English na ang ginamit sa mga paaralan.

Bagaman, at batay, sa dami ng gumagamit, ang mga pinakamalalawak na wika ay 9 lamang, - Cebuano, 15 milyon gumagamit, Tagalog 14.9 milyon, Ilocano 8 milyon, Ilonggo o Hiligaynon 7 milyon, Waray-waray 3 milyon, Bicolano 2.5 milyon, Pangasinense 2 milyon, Kapampangan 2 milyon, at Maguindanao 1 milyon, - hindi napaawat ang mga masugid ng ibang wika sa pagsalo sa walang puknat na labanan. Walang nakasulat na katibayan, ngunit ipinagtatanggol lamang ang sarili nang ipinatatag ng unang National Assembly ang National Language Institute o ang Surian ng Wikang Pambansa nuong Nobyembre 13, 1937, upang mag-usisa kung ano ang magiging wika ng Pilipinas, dagdag sa Español at English na palasak nuon. At upang malipat sa iba ang pukpukan ng mga adhika.

Sa ngitngit ng mga Bisayang kasapi ng Ang Suga, ang napiling batayan ng wikang pambansa ay Tagalog, marahil dahil nasa Manila, pusod ng katagalugan, ang pamahalaan. Marahil din, dahil isa sa mga masugid ng Tagalog ay Pangulo ng Commonwealth, si Manuel Quezon. Itinanghal siyang Ama Ng Wikang Pilipino nang ihayag niya nuong Disyembre 31, 1937 ang Commonwealth Act No. 570.

Nuon lamang Hulyo 4, 1946, nang kinalas ang Pilipinas sa America, sinimulang tuparin ang batas. Umabot nang 15 taon ang simula, nang ihayag ng Department of Education nuong 1961 na Pilipino ang pangalan ng wikang pambansa. Bininyangan uli nuong 1987 at ginawang Filipino, pahiwatig kung gaano kaalab ang sagupaan, at kung gaano katuliro ang mga nagsusurian:

Ang mga Tagalog man ay nagsasalpukan sila-sila sapagkat, batay kung saan lumaki, magkakaiba rin ang ginagamit nilang wika: Ang natulog sa Manila ay nahimbing sa Bulacan at naidlip sa Laguna, sa kanyang paghiga sa Tayabas, paghimlay sa Bataan at paghandusay sa Batangas. Sa Surian mismo, nagbubuno rin ang mga adhika: Lahat ng nag-aral ay alam na kung ano ang grammar at dapat ituloy ang paghiram ng palasak nang mga salita, palitan na lamang ang ispeling [spelling sa English, baybay sa Tagalog] ngunit ipinilit ng mga unang taga-Surian ang nakabubulol na balarila upang ipahiwatig ang aralan ng panitik. Sapat na ang libro, sabi ng ilan, aklat ang sagot ng iba.

Napanghal ang bayan nuong 1965 nang nabunyag ang mga bagong salita gaya ng salumpuwit [silya, mula sa silla ng Español; upuan sa Tagalog, ayaw gamitin dahil sa opo-opoan sa mga matanda ng mga nakababata] at durungawan [bintana mula sa ventana ng Español, silat sa dinding ng mga Tausug]. Marahil nakakabusog sa puso ng nais maging tunay na malaya, damdaming tinga-tinga ng naudlot na Himagsikan ng Katipunan, ang kumatha ng mga makauntog-utak na salita.

Samantala, patuloy ang gamit ng mga mamayan sa botika at parmasiya, kapwa batay sa Español [botica, pharmacia], at sa dragistor [drugstore sa English] habang abala ang mga kabataan sa rakenrol [rock-n-roll mula America] at lahat ng empleyado [trabahador mula sa trabajar ng Español, kawani mula sa hindi mawari] ay gustong [nais!] pumasok sa posopis [post office bigkas: powst AFis]. Patuloy din ang pag-ingus sa mga kinathang salita, pati nang mga hiram, na pinalitan ang ispeling [baybay sabi!] ng mga nag-aaral ng systolic at diastolic ng blood pressure, ang manicure at pedicure sa beauty parlor, upang mabawasan ang pagkamatay sa sakit sa puso at maiwasan ang pagkawakwak ng mga kuko sa daliri ng kamay at paa ng mga mamamayan.

Kapwa at panay ang panaghoy ng mga taga-Pangasinan at mga taga-Pampanga na unti-unting natatabunan ang kanilang wika ng Ilokano at ng Tagalog. Maaaring mangyari, at nangyari na sa ibang wika ng Pilipinas. May natuklasang kasulatan sa Laguna na mula pa nuong 900 AD, mahigit 600 taon bago dumating si Magellan. Ito ang pinakamatandang katibayan ng sulatan sa Pilipinas at, natural lamang, tungkol sa utang. Nakaukit sa latang tanso, gamit ang Kavi, lumang baybaying Malay mula Java, sa Indonesia, ang pahayag na nagbayad ng utang na ginto si Namwaran sa pinuno ng Tondo. Kasamang nakaukit ang pangalan ng ilang pook na kilala pa hanggang ngayon, mahigit isang libong taon na, Tondo, Pulilan, Paila at Binwagan. Binanggit din ang pook ng Diwata sa Mindanao, malapit sa Butuan, at ang Medang sa Indonesia, patunay ng malawak na ugnayan ng mga baranggay sa kalakal at politica nuong panahong iyon. [Kung nais mabasa sa Tagalog ang bayad-utang, nasa Sarisari etc., ni Paul Morrow ng Canada. Kung nais namang basahin ang mga dating baybaying Tagalog, nasa A Philippine Leaf, ni Hector Santos ng California.Tignan ang mga URL o http sa Listahan Ng Mga Hinalaw .] Mangyan names

Ayon sa nag-usisang nag-agham [scientist], si Hector Santos, napalitan ang matatas na Kavi ng mas primitive na Baybayang Tagalog, na kaiba pa sa makalumang sulat ng mga Mangyan sa Mindoro. Mayroon pa raw ilang baybaying natuklasang dati ngunit ngayon ay wala nang gumagamit, kaya may dahilang matakot ang Pangasinense at Kapampampangan sa pagpanaw ng kanilang wika, sapagkat tantiyang 9 sa bawat 10 ay marunong nang sumulat-bumasa sa Pilipino at hindi maiiwasang mabawasan ang gamit sa iba pang wika. Hinayag ni Antonio Pigafetta, kasama ni Magellan sa Cebu nuong 1521, na gulat ang mga Cebuano nang basahin niya ang sinulat niya, at narinig ng mga Cebuano ang mga sinabi nila sa nakaraan. Pahiwatig na hindi alam ng mga tagapulo kung ano ang sumulat at bumasa. Walang 100 taon, kapwa napuna naman nina frayle Chirino at ni Antonio de Morga na laganap ang pagsulat at pagbasa sa buong kapuluan. Hinayag din ng mga sumunod na Español na mabilis pinalitan ng mga tagapulo ang kanilang baybayin, na galing Malaysia, ng baybayin ng Español na mas madali at higit na angkop sa pananalita ng mga katutubo. Hindi nagtagal pagkatapos, naging mangmang na naman ang mga tagapulo, hindi uli marunong bumasa at sumulat dahil sa sadya ng mga Español na manatiling sunud-sunuran sa kanila ang mga katutubo.

Ngayon, 4 milyong Pilipino ang nasa labas-bayan, Australia, Canada, Japan, Italy, Saudi Arabia atbp. Sa America lamang, mayroon nang 1 milyon at padami nang padami; baka nalagpasan na raw ang mga Intsik duon kung bibilangin pati iyong mga TNT [tago nang tago]. Kahit sa dami lamang, nadadama sa politica sa mga bansang iyon ang mga Pilipino, at maraming Amerkano ang nagsisikap matutunan kung hindi man ang Pilipinas, ang salitang Pilipino man lamang dahil ito ang gamit sa usapan ng mga nasa abroad, kahit mga Cebuano, Ilocano, atbp. Libu-libong anak-anakan ng mga Pilipino sa America ang nais ding mag-aral ng Tagalog, hindi natutunan sa mga magulang, lolo’t lola. Kaya marami nang paaralan ang nagtuturo ng Tagalog [paumanhin po, wikang Pilipino]. Dati-rati, Hawaii at UCLA [University of California, Los Angeles] lamang, ngayon mayroon na rin sa Cornell University, University of Michigan, University of Wisconsin [Madison], Loyola Marymount University, University of Pennsylvania, Northern Illinois University, University of Pittsburgh, at San Francisco State University. Kaya hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa America din, pinalalawak ng mga paaralan ang paggamit ng Tagalog. Oops, Pilipino pala.

Bagong kapalit na ang Filipino; pinalitan din ang Surian ng Linangan ng Mga Wika sa Pilipinas. Linangan [place to cultivate sa English] upang ipahiwatig ang pagpapayaman ng binhi ng pambansang wika at pagpapanatili [preservation, pagkupkop?] ng ibang mga wikang natatabunan nito. Mabigat ang trabaho [trabajo mula Español, gawain mula Bulacan, pagbuhat mula Cebu] na hinahangos nila, kudeyta man o coup d’etat [mula sa French, ang bigkas ay KU-dey-ta] ang 7 ulit na naranasan ni Pangulo Corazon Aquino. Sapagkat wala pa ring puknat ang labanan! Daghan Cebuano! Dako pang Sugbuanon kay sa nag sulti Tagalog! Binisaya kamo!

Hambingan Ng Wika
Upang makita ang kalapit at malayong kaugnayan at ang tagal ng pagkakahiwalay ng mga
wika ng mga Tagapulong-Timog (Austronesians), ang mga ninuno nilang lahat.
Tagalog Kapampangan Cebuano Ilonggo Indonesia Celebes Hawaii
Isa   Usa Isa Satu Misa Kahi
Dalawa Adua Duwa Duha Dua Dua Lua
Tatlo Atlu Tulo Tatlo Tiga Talu Kolu
Apat Apat Upat Apat Papat Apa Ha
Lima Lima Lima Lima Lima Lima Lima
Anim Anam Unom Anum Enam Anam Ono
Pito Pitu :Pito Pito Tujuh Pitu Hiku
Walo Walu Walo Walo Delapan Karura Walu
Siyam Siyam Siyam Siyam Sembilan Kasera Iwa
Sampu Apulu Napulu Pulo Sepulu Sang Pulo Umi
Labing isa Labing metung Napulog-usa Napulo kag isa Sebelas Sang pulo misa Umi kamakahi
Labing dalawa Dosi Napulog-duha Napulo kag duha Duabelas San pulo Dua Umi kumalua
Dalawampu Beinti Kawhaan Duha ka pulo Dua pulu Duang pulo Iwakalua
Isang daan Dinalan Usa ka gatus Gatus Saratus Saratu Hanalele
Isang libo   Usa kag libo Isa ka libo Seribu Sang sa bu Kaukani
Ako Aku Ako Ako Aku Aku A-u
Ikaw Ika Ikaw, Kamu Ikaw Kamu, Engkau, Anda Iko, Kamu O-e
Pulo Pulu Pulo Pulo Pulau   Moku, Mokupuni,
Moku aina
Dagat Dayatmalat Dagat Dagat Laut, Lautan, Samudra Tasik Kai, Moana
Tubig Danum Tubig Tubig A-ir U-ai Wai
Isda Asan Isda Isda Ikan Bale I-a
Ahas Kalabukab Halas, Bitin Ahas Ular Ula  
Ibon Ayup Langgam Pispis Burung Dassi Manu
Aso Asu Iro   Anjing Asu I-lio
Bulaklak Sampaga Bulak Bulak Bunga Bunga Pua
Bungang-kahoy Bungang-datung Bungahoy Bunga, prutas Buah   Hu-a
Buko, Niyog Ngutngut Lubi Buko, Niyog, Lubi Kelapa Kaluku Ni-u
Saging   Saging Saging Pisang Punti Ma-i-a
Apoy Api, Silab Sunog Kalayo Api Api Ahi
Bundok, gulod Bunduk Bukid Bukid Gunung Buntu Ma-una
Araw   Adlaw Adlaw Matahari Allo La
Buwan Bulan Bulan Bulan Bulan Bulan Mahina
Tala, Bituwin Batwin Bituon Bituon Bintang Bito-en Hoku
Tao Tau Tawo Tawo Orang Tau Kanaka, Mea, Kama

Hintay muna: Bakit walang Ilocano o Boholano?

Oops. Wala ring Pangasinense, Waray-waray, Tausug, Maguindanao atbp. Baka maidagdag sa mga sunod na araw. Kung sakali. Paumanhin po!

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod