Tisay

Sangley: Intsik

Ang mga mestizong Intsik sa ibang bayan sa timog silangang Asia ay itinuring na tangi at
kakaibang uri ng Intsik, ngunit sa Pilipinas, itinuring silang tangi at kakaibang uri ng Pilipino
- Edgar Vickberg, historian, US Library of Congress

Putoseko sa tindahan, kung ayaw kang
magpautang, uubusin ka ng langgam

- awit, Sit-si-rit-sit

INTSIK ang tawag sa kanila ng mga Pilipino, hindi na matunton kung saan nagmula ang pangalan. Ang nais nilang tawag sa mga sarili ay Chinoy, mula sa pinagkabit na Chinese at Pinoy. Nuong panahon ng Español, ang tawag sa kanila ay Sangley, mula sa seng li o maglalako sa wika ng mga taga-Xiamen [Amoy dati], isang lungsod sa Guandong [dating Canton], sa China. Dito nanggaling ang pangalang Sangley Point ng daungan sa Cavite ng mga barkong nagkalakal sa Manila daan-daang taon bago dumating ang Español.

Padalaw-dalaw lamang muna nuong panahon ng kaharian ng Tang [Tang dynasty] sa China nuong taong 618 hanggang 987. Dumalas at naging palagian ang balik-balik nuong 1127 - 1279 nang naghari ang mga Sung [Sung dynasty], pinatibayan ng mga porselanang banga at tapayang nahukay sa lumang libingan sa Santa Ana, Manila, at sa Calatagan, Batangas kamakailan. Patuloy ang pagkalakal nuong mga kaharian ng mga Yuan [umpisa sa apo ni Genghis Khan, si Kublai Khan] nuong 1279 - 1368 at ng mga Ming nuong 1368 - 1644.

Giliw nuon ng mga tagapulo ang mga porselana, gamit sa bahay at sa pagkain, at ataol sa paglilibing ng mga kamag-anak, at ang seda [silk], tanso, salamin, at sariwang pancit ng mga Intsik. Kapalit ang mga kalakal ng mga katutubo, ginto, perlas, pagong, mamahaling kahoy na narra, kamagong at iba pa, at ang giliw naman ng Intsik, ang pagkit [wax] at hibe. Binanggit ang kalakal sa mga lumang kasulatan sa China; tinawag na Liu Sung o Luzon ang mga pulo sa ibaba o timog ng China, at Ma-it ang Manila, Cavite, Batangas at pulo ng Mindoro. Lumago ang kalakal mula Lingayen, Pangasinan, hanggang Mindanao, Borneo at Melaka, sa Malaysia. Dumalaw pa raw sa China ang ilang magdaragat mula Butuan sa Mindanao nuong panahon ng Sung. Nuong 1372 - 1424, ang mga datu naman ng Ma-it ang pabalik-balik na bumabati sa mga emperador ng mga Ming. La Naval

Sa buong China, ang mga taga-Guandong at mga taga-Fujian [dating Fookien] lamang ang nagkagawi ng pagdaragat, kaya sila ang karamihan sa mga Intsik na dumayo sa Pilipinas, lalo na pagkarating nuong 1571 ni Miguel de Legazpi, ang Español na sumakop sa Manila. Sadyang inakit sila ni Legazpi at ng mga sumunod na governador sa Manila upang pagyamanin ang kalakal ng China at Pilipinas, na madaling pinalitan ng balikan mula China at Mexico na pinadaan sa Manila at tinawag na galleon trade. Dahil sa pasok ng pilak mula Mexico, dumagsa ang mga taga-Guandong at mga taga-Fujian, at hindi lamang nagkalakal, mandin nanirahan na at naging mga naglalako, kargador, karpintero, mason, magsasaka at artisan sa mga simbahan at kumbentong itinatayo ng mga Español sa Manila at pali-paligid.

Kaya nuong 1603, 38 taon lamang pagkarating ni Legazpi, mayroon nang mahigit 30,000 Intsik ang nabilang sa Manila at mga kalapit na pook, kahit na ipinatapon ng mga Español ang 12,000 Intsik nuong 1596. Dinaig nila sa dami ang mga Español na, upang hindi matabunan, ipinagbawal ang pagtira ng mga Intsik sa loob ng Intramuros. Pinagbayad din ang bawat isa ng buwis. Nagsisikan sila sa Parian [dating tawag ng mga taga-Manila sa palengke o malaking talipapa] sa labas, kinatatayuan ngayon ng city hall ng Manila, hanggang sa ilog Pasig, ang kauna-unahang squatters area at Chinatown sa Pilipinas. Sa lupit ng turing sa kanila, naghimagsik ang 6,000 Intsik sa Parian nuong 1603, sinunog ang mga baranggay ng mga katutubo sa paligid ng Intramuros at sinugod ang Intramuros mismo. Maraming Español na pinatay, pinugutan ng ulo. Pagdating ng malaking sandatahang Español mula sa Visayas at Mindanao, katulong ang mga taga-Manila, nilipol ang mga Intsik at sinunog ang Parian. Mahigit 20,000 Intsik ang pinatay bago natapos ang himagsikan. Kahit na malawak ang pinsala, nagpatuloy ang galleon trade at pagkaraan lamang ng 1 taon, nuong 1604, nagsimula uling dumami ang mga Intsik sa Pilipinas.

Sa bawat purok at nayong pasukin ng mga Español, sumunod ang mga Intsik upang magkalakal o maging manggagawa. Sa bawat simbahang itayo ng mga frayle, may tindahang itinayo ang mga Intsik. Sa bawat lansangang ipagawa sa kabayanan upang mag-ugnay sa Manila, tinahak pabalik-balik ng mga Intsik, bitbit at pasan-pasan, tulak kariton ang mga paninda at bilihin. Walang 50 taon pagkarating ni Legazpi, naging pangkaraniwan nang makita ang Intsik sa bawat sulok ng mga lupaing sinakop ng Español. At sila ang ginamit na bilihan ng mga kailangan ng lahat, Español, frayle at katutubo, na ayaw nang lumuwas sa kabayanan o sa Manila. Hindi nagtagal, walang 100 taon mula nang dumating si Legazpi, namakyaw na ang mga Intsik ng bigas, palay at mga pananim at prutas, nagpundar na ng mga imbakan [bodega] at gilingan ng palay at mais. Nagpautang, naningil, nag-ilit, sila ang naging paluwagan [bank, financier], mga tagapagluwas [middlemen] at mga tagapagtayo ng kalakal [enterpreneurs] sa bara-baranggay. Sa kalakihan ng sanpuluan, naging 3 bahagi ang paghanapang-buhay [economy]:

Galleon Trade

Isa sa mga kabayanang dinanak ng mga Intsik kasunod sa mga frayle ay ang, sa una, munting baranggay ng Pagsanjan, katabi ng Lumban, sa Laguna. Walong Intsik at 2 Hapon, pulos binata, pulos binyagang katoliko, agad nanirahan duon pagkatapos pa lamang itatag ni frayle Juan de la Plasencia, Jesuit na misyonaryo at manalaysay [historian]. Galak ang 10 dayuhan sa katayuan ng bagong baranggay sa dugtong ng 2 ilog, mainam sa kalakal, at nagtayo sila ng tindahan at nagpundar ng paglalako ng nga-nga [betel nut]. Lahat sina Alfonso at Diego Changco, Mateo Caco, Jose Jegote, Juan Juco, Diego at Marcos Suico at Eugenio Vinco ay nag-asawa ng mga Pilipina mula sa mga katabing baranggay ng Longos, Paete, Pakil, Cavinti at Santa Cruz. Lumago ang kanilang kalakal at hindi nagtagal, dumating ang iba pang mga Intsik na nag-asawa rin ng mga Pilipina at nagkalakal din. Dumating din ang mga naging kapit-bahay nila mula sa mga kabayanan sa paligid, hanggang sa naging kabayanan at bantog ang Pagsanjan, pinagyaman ng mga mestizong Intsik na anak-anakan ng mga unang 10 binata.

Nuong 1750, sinimulan ang paghigpit sa mga Intsik. Pinagbawal na ang pagpasok mula China; ang mga nandirito na, pinagbawalang magkalakal o manirahan sa mga lalawigan at mga purok sa looban ng pulu-pulo. Pinagbawalan din nuong 1755 ang mga hindi-binyagang Intsik na sumali sa kalakal ng galleon trade, sa mga Español napunta lahat ng kita. Nuong 1766, pinalayas nang tuluyan ang mga hindi-binyagang Intsik. Madaling baling sila sa palusot, karamihan ay mga hampas-lupang binata na simula’t simula pa ay wala nang balak bumalik sa China. Marami ang nag-asawa ng mga Pilipina at naging mistulang Pilipino na, gaya ng 10 taga-Pagsanjan, nagpabinyag at naging katoliko. Nang kinakainitan ang mga hindi-binyagan, nagkaroon sila at ang kanilang mga anak-anakan ng pagkakataong pumalit sa kalakal at pananalapi na sinarili dati ng mga Intsik. Sila, ang libu-libong mestizo, ang naging pang-3 bahagi ng hanapang-buhay sa Pilipinas. Kahit na nuong itigil ang pagpapalayas nuong 1788, bihirang Intsik ang pinayagang makalayo, pinagkumpul-kumpol na lamang sila sa Binondo at Santa Cruz, sa tabi ng ilog Pasig, at nasa kabilang panig ng Intramuros.

Sa panahon ito, bandang 1800, ang mga frayle ang pinakamayaman sa Pilipinas at mga may-ari ng mga pinakamalawak na lupain. Sila rin, matapos palayasin ang mga Intsik, ang pinakamalakas magpa-utang sa mga magbubukid na, dahil walang pag-asang makaahon sa utang, ay unti-unting nagapos sa lupang sinasaka, gaya ng mga serfs nuong panahon ng feudalism sa Europa. Sa pagdami, at pagsidhi ng hirap ng mga may-utang, unti-unti silang nawalan ng tiwala, nagsimulang mapoot sa mga frayle at hindi nagtagal, pati sa simbahan at sa pamahalaan sa Manila. Samantala sa pagkasangkot ng España sa digmaan, kasabay sa pagdanak sa Pilipinas ng mga patapon ng Central at South America, pinutol ng bagong layang Mexico nuong 1820 ang galleon trade at natigil ang pagpasok ng pilak ng Mexico sa Pilipinas, ang tanging paghanapang-buhay at tustos sa pamahalaan ng Manila, na napilitang pasanin ng naghihirap nang kaharian sa Madrid. Duon nuong 1839, napagpasiyahan na kailangan palaguin ang kalakal sa Pilipinas upang mabayaran ang pamamahala sa kapuluan at ang patuloy na digmaan laban sa mga Muslim sa Mindanao at Sulu. Itinigil ang 81 taong paghigpit sa Intsik, hinayaan nang manirahan at maghanap-buhay sa alin mang pook sa Pilipinas. Santo Pinoy

Dumami uli ang mga lumikas mula sa China. Inutos nuong 1844 ng Madrid na itigil ng mga alcalde mayor ng mga lalawigan ang kanilang pansariling pagkalakal dahil hadlang ito sa paglago ng kalakal sa kapuluan. Nakita ng mga Intsik ang malaking pagkakataon - nasok sila sa lahat ng lalawigan at hinamig ang lahat ng kalakal na dating sinarili ng mga pinunong Español. Lalong dumami ang dumating mula sa China. Pagkaraan lamang ng 5 taon, umabot 6,000 ang mga Intsik sa paligid ng Manila nuong 1849. Buhos na ang pasok ng mga Intsik at nuong 1866, mahigit 66,000 ang nabilang at kalahati, mahigit 30,000 ay naglipana na sa ibat ibang bahagi ng Pilipinas. Nahamig nilang muli, at napalawak pa, ang mga kalakal at pananalaping inangkin ng mga mestizong Intsik nuong napaghigpitan sila. Nasarili o nasakop nila ang ilang mahahalagang gawain - pakyawan, pagbodega, pagluwas at pagtitingi ng bigas at mga kakanin.

Ang mga mestizong Intsik, nang maramdaman ang pagdumog ng mga Intsik at mga patapong Español, ay umalis Tisays sa pagkalakal at inasikaso na lamang ang pag-ari at pagpa-upa ng lupa, nagpundar ng pautangan o lumipat sa mga bago at lumalawak na gawaing dalubhasa [professions] sa medisina, batasan [law], pharmaceutica [chemistry] at pamamahala ng mga pabrika at kalakal [commercial and industrial management]. Ang mga kalakal na pinagkuwartahan ng pamahalaan ay mga pananim [agricultural products] - tabako, abaka, asukal, copra at iba pa - na nagsulsol sa mga frayle na pag-ibayuhin ang pagkalkal ng pag-aari ng lupa sa buong kapuluan. Masigla silang sinalihan nuong bandang 1850 ng mga mestizong Intsik, at ng mga familia ng mga Pilipino na may kapit sa mga frayle at mga mestizong Intsik. Lumaganap ang walang puknat na nakawan ng lupa [rampant land-grabbing] at lalong nawalan ng ari ang mga katutubong magsasaka, libu-libo ang napilitang umalis sa mga bukirin at naghanap-buhay sa mga kabayanan at mga lungsod. Ang mga naiwan, ang mga kasama at sacada, ay lalong nabaon sa utang at, pati nang mga familia at kamag-anak, ay naging mistulang alipin ng mga may-ari ng lupa, ng mga cacique at mga haciendero.

Hintay muna: Paano nasunggaban ang mga lupa? Mga pari, nag-land-grabbing?

Ang pag-aari ng lupa, nuong dumating ang mga Español, ay nasa baranggay o nayon. Bagaman may kani-kaniyang tahanan at taniman ang bawat tao, ang tinuring lamang na ‘ari’ ay ang ani o ang mga bunga ng sariling pagpapawis. Batay ito sa dating gawi ng mga magdaragat na ninuno ng mga tao sa Pilipinas. Ari nila ang mga nahuling isda, hindi nila ari ang dagat. Hawak nila at ipinagtanggol ang mga bahagi ng dagat na malapit sa baranggay o nayon, ngunit ang pag-aari nila ay angkinan lamang, maaaring ipaggamit o ipaupa sa iba paminsan-minsan, ngunit hindi maaaring ipagbili. Marami pang lupain sa Mindanao ang itinuturing nang ganito ng mga Muslim, kaya nagkadigmaan tuwing ilitin ng pamahalaan sa hindi pagbayad ng buwis o ariin ng mga “nakabiling” katoliko. Nuong panahon ng mga frayle, sila ang nagtala ng mga pag-aari sa paroco, karamihan ay lupa, Guadalupe upang mabuwisan. Sa tinagal ng panahon, nalista nila sa sariling pangalan, o sa pangalan ng mga anak nila, ang mga lupaing walang may-ari o nailit sa hindi pagbayad ng buwis. Sa maraming baranggay, lubusang ninakaw na lamang ng mga frayle ang mga taniman, inilagay nila sa sariling pangalan nang walang pasubali, kaya maraming magsasaka ang biglang naging mga kasama o sacada na lamang sa mga bukid na minana mula pa sa mga ninuno. Isa ito sa mga pinakamalaking dahilan ng Himagsikan nuong 1896.

Nang tumagal na rito ang mga bagong saltang Intsik, sila at ang kanilang mga mestizong anak-anakan ay gumaya na rin sa pagpo-professional, pag-ari at pagpa-upa ng lupa at pagpapautang. Nagsiksikan ang mga mestizong Intsik sa mga paaralan at kolehiyo, at libu-libo ang naging mga de campanilla, dumami ang mga naging professional. Marami ang nagpatuloy ng pag-aral at pagdalubhasa sa Europa, kung saan nila namasdan na hindi sila kailangang maging utusan ng mga Español, na sila ay maaaring makapantay ng mga puti. Sa pagbalik ng mga educado, pumasok sa Pilipinas ang mga narinig at natutunan tungkol sa pantayan ng mga mamamayan, ng pakikibahagi ng lahat sa kapangyarihan, ng pagsali sa pamamahala ng bayan. At umiral sa Manila at iba pang lungsod ng kapuluan mula nuong 1860 ang pagnasa, hindi ng kalayaan at democracia - matagal pa bago makusa ang mga iyon - kundi ng pagbuti ng turing ng mga Español sa mga katutubo. Kaya nuong 1860, pagkaraan ng halos 300 taon, ang pag-ari ng lupa, ang pagiging educado at de campanilla at, higit sa lahat, ang pagkakaroon ng yaman ay nagtutok sa libu-libong mestizong sangley sa bingit ng politica, ng paghangad na makabahagi sa kapangyarihan ng bayan.

Kapangyarihang walang balak ang Español na ipamigay.

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod