Samantala, Sa Manila
Besame, besame mucho, que tengo miedo a perderte, perderte despues!
-- Awit Español
HALIKAN mo ako nang halikan at nangagamba akong iiwan mo pamaya-maya! ang samo sa awit ng Español. Ngunit ang mga Español sa Manila na rin ang nagtulak sa Pilipinas na umalis sa pagsakop ng España nang bitayin nila si Jose Rizal at ang mga ilustrado, ang mga tanging nagmahal sa Inang España. Pagkatapos ng libu-libong bitayan, - may mga tantiya na umabot ng 4,000 ang binitay sa Bagumbayan at namatay sa sakit at gutom sa Fuerza Santiago - ang mga nanatili na lamang ay ang mga timawa na nais lamang lumaya at paalisin ang mga Español. Ipinaglihim ng Madrid ang lahat ng ito, pati nang mga pang-aapi kaya kakaiba ang pagtingin ng mga nasa España sa mga pangyayari nuong 1896 - 1897.
‘Basta Bigla Na Lamang Nag-aklas’
MAPAYAPANG namuhay nang 300 taon ang Pilipinas sa pamamahala ng España. Maliban sa pagsusupil sa mga mandarambong na Malay na naglipana sa China Sea, ang paglaban sa mga Muslim [tinatawag na ‘Moros’] sa mga pulo sa timog, at ang sandaling pagsakop ng Manila ng mga English nuong ika-18 sandaang-taon, walang digmaan sa Pilipinas. At walang karaka-raka ang biglang sabog ng madugong aklasan duon nuong 1896.
Nuong ika-19 sandaang-taon, ninais ng mga Tagalo na maging mamamayan ng España at magkamit ng mga karapatang tinatamasa ng mga Español. Patuloy na tinanggihan ng sunud-sunod na tagapamahala sa Manila ang pagsamo nila, at ang hangarin maging kapantay ay naging hangarin maging malaya. Kaya itinatag nila ang tinawag na ‘Katipunan’, sa Español, ‘Altisima Sociedad de los Hijos del Pueblo.’ Nuong 1896 sinimulan ang aklasan sa pamamahala nina Emilio Aguinaldo at Andres Bonifacio. Tinangka nilang isapi si Dr. Jose Rizal, ang diwa ng pagka-Pilipino, ngunit tinanggihan sila.
May ilang paratang laban sa España ang natuklasan. May mga Pilipino ring nagsumbong laban sa mga frayle. Si General Ramon Blanco, ang governador ng Pilipinas, ay hindi nabahala at nag-utos lamang na dakpin ang mga kasangkot. Ngunit nuong Agosto 20, 1896, nabuska ang malawak nang pagsasapakat, at nagimbal si General Blanco. Ipinadakip niya ang pinahihinalaang mga banquero, mga consejal, mga pari ng paroco, at mayayamang Tagalog. Sa ika-25 ng Agosto, 1896, sumabog ang aklasan sa ilang lalawigan sa Pilipinas. Nagwagi ang mga makalaya sa mga unang labanan, kaya sa España tinawag na silang Filibusteros [subversives]. Karamihan sa 19,000 sundalo ng España sa Pilipinas ay mga tagaruon at paminsan-minsan ay sumasanib sa mga rebelde at pinapatay ang kanilang mga pinunong Español. May ilan lamang na garrison sa mga looban ng mga lalawigan ang lumaban. Nuong Agosto 30, nilusob ang Manila ng mga rebelde, ngunit napaurong sila pagkatapos nasalanta ang marami. Naghayag ng Digmaan Na [state of war] si General Blanco at bumuo ng sandatahang batallion mula sa mga Español sa Manila. Bahagya lamang nakatulong ang pagdating mga sundalo mula sa España at ibang pulo. Patuloy ang panalo ng mga rebelde sa buong Luzon maliban sa ilang lugar sa hilaga.
Mapanganib ang kalagayan at, kahit na nadagdagan ang kaniyang mga sandatahan, ang mga pakikibaka ni General Blanco ay natalo. Nalagas na halos buong Luzon at ang punong rebelde, si Emilio Aguinaldo, ay naghayag ng Republica ng Pilipinas nuong Octobre 31. Pinalitan ni General Camilo Polavieja si General Blanco, biktima ng sumbong ng mga frayle. Si General Polavieja, ang ’Christianong general’ ang inasahang tagapaligtas. Dumating siya sa Manila nuong Deciembre 2, 1896, at sinimulan ang pagsupil at pagbitay sa mga pinaghihinalaan. Nuong ika-30 ng Deciembre, binitay si Dr. Jose Rizal kahit na tumanggi siyang sumapi sa aklasan at nagkusa pang maging manggagamot sa sandatahang Español sa Cuba. Ang pagpatay sa kanya ang nagpa-iral ng isang alamat at isa sa pinakamalaking pagkakamali ng Español sa Pilipinas.
Ngunit sa digmaan, bantog si Polavieja. Gamit ang 30,000 sundalo sa madudugong labanan, tinapos niya ang aklasan halos sa buong kapuluan. Sinimulan niyang lupigin ang lalawigan ng Cavite, ang pusod ng aklasan, at nasakop niya ang capitollo. Ngunit nagbitiw ng tungkulin si General Polavieja at nauntal ang pagsugpo sa mga rebelde. Nuong Abril 23,1897, dumating si General Fernando Primo de Rivera na gumamit ng fuerza at pakikipag-usap upang masakop ang Cavite. Pinalaya niya ang sinumang rebelde na magbaba ng kanyang armas. Isang maliit na pangkat na lamang ni Aguinaldo ang natira.
Pinili ni General Primo de Rivera na makipag-usap, at tinalakay ng mga rebelde ang pagkakaroon ng mga karapatan, ang pansariling pamamahala at ang pag-alis ng kapangyarihan ng mga frayle. Nais ni General Primo de Rivera na ibigay ang mga hiling, ngunit tinanggihan ang kasunduan ng pamahalaan ng España na hawak nuon ng Partido Conservador [Conservative Party]. Ang pinayagan lamang ay ang pagpapatapon ng mga pinuno ng aklasan; bilang karagdagan, binigyan sila ng salapi. Ang kasunduan ay tinawag na Kapayapaan mula sa Biac-na-bato. Madaling natuklasan ng mga Español na ang kapayapaan ay animong bula na madaling naglaho.
-- The Snap of the Revolt in Philipine
nina Francisco Jose Diaz at Luis Alberto Gomez Munoz
Leon, Spain, 1998
Higit na malapit, at higit na marami ang nakita ng mga taga-Manila nang sumabog ang Himagsikan nuong 1896. Kasunod ang hayag ng isang dayuhan.
The Tagalog Rebellion
AGOSTO, 1896. Sumiklab ang nagbabagang ngitngit ng mga Tagal. Mayroon lamang 1,500 sundalong Español sa buong Pilipinas nuon, at 700 lamang ang nasa Manila. Ang 6,000 sandatahang kasama ng mga sundalong Español ay mga Pilipino, at hindi makatiyak kung kanino sila kampi. Napilitan ang governador, si General Blanco, na ang Manila lamang ang ipagtanggol. Ilan-ilang salpukan ang nangyari sa mga buwang sumunod sa pagsiklab ng aklasan. Nagsamantala ang mga rebelde sa pag-urong ng mga Español sa Manila. Nagtayo sila ng himpilan sa Imus, sa lalawigan ng Cavite, at ito ang naging pangunahing tagpuan ng aklasan.
Noviembre, 1896. Dumating ang ilang libong karagdagang sundalo mula España at umabot sa 10,000 ang sandatahan ni General Blanco. Sinimulan niyang palawakin ang kanyang pinaglalabanan, ngunit ipinatawag siya sa Madrid bago siya may nagawa. Samantala, siksikan ang mga piitan sa Intramuros sa dami ng mga pinaghihinalaang tumutulong sa aklasan. Hindi na pinapansin ang mga batas sa pagdakip at paghatol sa kanila. Nabalitang ang mga humahatol na sundalo ay kasapakat ng mga nasa pamahalaan sa pagkikil ng yaman ng mga dinarakip. Daan-daan ng mga masalaping Tagala at mestizo sa Manila ang hinakot at napilitang bilhin ang kanilang kalayaan. Inuulit pa kung minsan, pagkaraan ng ilang linggo. Barko-barkong nahatulan ang ipinatatapon sa mga pulo ng Carolina [Caroline Islands], sa Cueta, sa Fernando Po at sa iba pang kutang preso [penal colonies]. Ang mga taga-Manilang nagkusang sumanib sa tanggulan [Manila volunteers] ay hinayaang maghalughog ng mga tahanan kahit walang utos, at apihin ang mga naninirahang mga Pilipino, babae at lalaki. Maraming dinakip ang binitay nang walang paglilitis; marami rin ang pinahirapan at nalumpo panghabang-buhay. Tutoong kasing lupit ng Inquisition [paglupig sa mga ayaw sumunod sa katoliko] ang pag-uusig na ginawa ng mga namumuno sa Manila!
Deciembre, 1896. Pinalitan si General Blanco ni General Polavieja, na may dalang 2,000 sundalo mula sa España. Mabilis dumating ang iba pang karagdagan mula sa España hanggang umabot sa 28,000 ang mga sundalo ni General Polavieja. Nagkasagupaan nang 52 araw na walang patid sa Cavite at napatakbo ang mga Pilipino. Sa timog ng Manila nalipat ang bakbakan. Nuong nagbabakbakan pa sa Cavite, isang mestizong nagngangalang Llanera ang nakapag-ipon ng ilang libong katipunero sa mga lalawigan ng Pampanga at Bulacan. Napaglabanan niya ang lahat na sandatahang Español na sumugod. Duon nagtungo si Aguinaldo, dala-dala ang nawatak na sandatahang aklasan mula Cavite. Kara-rakang lumaganap ang aklasan sa mga lalawigan ng Pangasinan, Zambales, Nueva Ecija, Tarlac at Ilocos. Samantala, nagbitiw ng tungulin si General Polavieja dahil sa nanghihina sa siya. Pinalitan siya ni General Primo de Rivera.
July 1897. Nagpahayag ang Katipunan ng kanilang mga inaasam:
Deciembre 14, 1897. Pinirmahan ang Kasunduan sa Biac-na-bato [Pact of Biac-na-bato] matapos ang 4 - 5 buwang tawaran nina Emilio Aguinaldo at iba pang pinuno ng Katipunan, at ni Paterno, bilang abogado ni General Rivera.
Deciembre 27, 1897. Sumuko ang mga katipunero at isinauli ang kanilang mga armas. Si Aguinaldo at 34 ng kanyang mga alalay ay nagtungo sa Hongkong, dala ang paunang bayad, ika-5 bahagi, sa salaping ipinangako sa kanila ng Español. Wala na silang tinanggap na salapi pagkatapos. Hindi pa matiyak ngayon kung ano ang pinagkasunduan sa Biac-na-bato. Umangal ang mga Katipunero na hindi tumupad ang mga Español sa mga pangako ng pagpapaigi ng turing sa mga Pilipino at kapatawaran sa lahat ng katipunerong sumuko. Ngunit hindi nila ipinakita ang anumang kasulatan ng kasunduan. Ipinipilit ng mga Español na ang bayad na salapi lamang ang ipinangako nila sa mga pinuno ng Katipunan. Malamang na may mga ipinangako nga ang mga Español. Malamang din na may mga inayunan sina Aguinaldo na ikinahihiya nilang ilahad ngayon. Kaya ang magkabilang panig ay kapwa ayaw magpakita ng kasulatan o copia ng kasunduan.
Samantala, patuloy ang pakyawang pagparusa ng mga Español sa mga katipunero at mga kakampi.
-- Murat Halstead, The Passing of spañsh Dominian,
The Story of the Philippines, 1898
Austrian-Philippine Home Page, Johann Stockinger, APSIS editor
MARAMI ang naghimagsik sa pagsuko nina Aguinaldo matapos tumanggap ng 400,000 pisong bayad sa Biac-na-bato at pagbakasyon sa Hongkong. Ang ibang pinuno ng Katipunan ay patuloy nanawagan ng himagsikan, gaya ni Emilio Jacinto sa Laguna at ni Feliciano Jhocson na tumangging sumama sa Hongkong at, sa halip, pumuslit sa Pugad-baboy, sa Caloocan, upang ipagpatuloy ang pakibaka. Patuloy ring nakibaka sina Francisco Makabulos, bayani mula sa La Paz, Tarlac, at si Luciano San Miguel. Nagtatag ng pangkat ng Katipunan sa Tarlac si Makabulos matapos sumabog ang Himagsikan sa Manila. Tumanggi siya sa pagsukong atas ng kasunduan sa Biac-na-bato, sa halip, nagtatag pa ng sariling pamahalaan sa Gitnaang Luzon [Central Luzon] at nagpairal ng Kasulatan ng Katauhan ng Bayan, tinawag ngayong Makabulos Constitution, nuong Abril 17, 1898. Isa sa mga pinuno ng Magdiwang sa Cavite si Luciano San Miguel, karibal ng mga Magdalo ni Aguinaldo. Hindi niya pinansin ang Biac-na-bato at patuloy na lumaban sa Español.
Nuon lamang umalis na sina Aguinaldo nagsimulang mag-ipon ng tao at armas ang mga taga-Ilocos at mga taga-Cebu. Dalawang angkan ng mga Ilocano, ang mga Abaya at mga Guirnalda, ang nagtatag ng kanilang Katipunan, ang Espiritu de Candon, at sumakop sa Candon, Ilocos Sur, nuong March 25, 1898, at natatag ng Republica ng Candon, pinamunuan ni Fernando Guirnalda. Dumating ang mga sundalong Español pagkaraan ng 3 araw at dinakip ng mga naghimagsik. Binitay ang mga pinuno, maliban lamang sa magkapatid na Guirnalda at si Federico Isabelo Abaya, tumakas at namundok.
Sa Cebu, humingi ng tulong mula sa Luzon sina Candido Padilla, Teofisto Cavan at Alejandro Climaco matapos nilang itatag ang kanilang kilusan. Ang ipinadala ay si Pantaleon Villegas, matapang at hindi magkasing-laki ang mga mata.
Leon Kilat, Anting-anting At Aklasan
ISINILANG si Villegas sa Bacong, Negros Oriental, si Villegas, apo ng isang Español. Una siyang naghanap-buhay sa Cebu nuong 1895 nang tawagin siyang Leon ng kanyang amo, si Andres Krapenbauer, isang Aleman, sa Botica Antigua sa canto ng Calle Legazpi at Del Palacio. Sumama siya sa circus papuntang Manila na ari ng isang katipunero, at siya man ay sumanib sa Katipunan. Kilala na si Leon sa pagkamatapang sa labanan nang dumating sa Cebu nuong Marso, 1898. Madali niyang itinakda ang simula ng Himagsikan sa Cebu sa mahal na araw, Abril 8, 1898. Marami sa pulo ang panghal sa Katipunan dahil sa pagkanulo nina Aguinaldo, marami rin ang kampi sa Español; ngunit maraming sumanib kay Leon dahil sa kanyang anting-anting, mga tela at kamisetang isinusuot niya upang hindi siya tablan ng bala.
Ipinagkanulo ng mga nangungumpisal sa simbahan ang mga katipunero at ang balak nilang lumusob. Marami ang dinakip at pinahirapan ng Guardia Civil hanggang mamatay, kaya napilitan si Leon na simulan ang aklasan nuong Abril 3 pa lamang. Pinagtataga ng mga katipunero niya ang 2 pangkat ng guardia civil at maka-Español na Cebuanos, ang mga casadores at voluntarios locales. Urong ang mga Español at mga kakampi sa Puerza de San Pedro, ang kutang ipinagawa ni Miguel Lopez de Legazpi nuong unang dumating sa Cebu. Napuno rin ang Cathedral at ang simbahan ng San Agustin. Ang mga hindi nakatakbo ay pinagpapatay ng mga katipunero. Pinutol nila ang kawad ng telegrama papuntang Balamban, na nag-uugnay sa Iloilo at Manila, upang hindi makatawag ng tulong ang mga napaligirang Español. Pinatay ng mga katipunero sa Talisay ang mga Guardia Civil at mga Español, maliban sa paring paroco na nakatakas sa bangka at sumukob din sa Puerza de San Pedro. Sa Pardo, si Padre Tomas Jimenes ay pinatay ng mga katipunero mula sa Tabunok.
Maraming sumanib sa aklasan ang nagnakaw sa mga bahay at ari-arian ng mga Español at mga kakampi nuong 3 araw na nakulong ng mga katipuneros ang mga nasa Puerza San Pedro. Ubos na ang pagkain at tubig sa loob ng kuta, ngunit nalabanan ang paglusob nina Leon Kilat, nuong Abril 5, dahil sa dami ng baril ng mga sundalong Español at kanyon ng 2 maliit na barkong pandigma, ang Maria Cristina at ang Paragua na dumating nuong hapon ng unang aklasan. Dumating din nuong Abril 7 ang ilan daang sundalong Español mula Manila, sakay sa barkong Churruca, at pinamumunuan ni General Celestino Fernandez Tejeiro. Katulong ng mga Español ni General Montero mula sa Puerza San Pedro, sinugod at napaurong nila ang mga katipunero sa bunduk-bundok at naging Español uli ang lungsod ng Cebu. Umurong ang pangkat ni Leon sa Kabkab, ang ibang pangkat ay nagtago sa mga bundok ng Sudlon. May ilan-ilang tumakas nang tuluyan sa mga pulo ng Negros at Camotes. Sa Cebu, maraming dinakip at pinatay ng juez de cuchillo [hukuman ng patalim] ng mga Español, kasapakat man o walang kinalaman sa aklasan. Sa Kabkab, pinagkaisahan ng mga pinuno na patayin si Leon sa sulsol ni Padre Francisco Blanco ng Colegio de San Carlos, nang hindi sila paghigantihan ng mga Español. Nuong mahal na araw ng Abril 8, 1898, pinaghanda ng hapunan at pina-inom ng alak si Leon sa bahay ni Simeon Paras; pagtapos pinagsasaksak habang tulog nuong madaling-araw. Dinala sa plaza ang bangkay nuong umaga upang makita ng lahat.
Samantala, sa ibang kabayanan at nayon ng Cebu, patuloy ang paglaban at panalo ng mga katipunero laban sa mga guardia civil at mga pari. Sinakop nila ang Toledo nuong Abril 11. Tinalo nila ang mga Español sa Balamban nuong Abril 12; tumakas sa bangka ang padre paroco papuntang lungsod ng Cebu. Nuong Abril 15, dumating sa Tuburan ang 2 bangka ng mga sundalong Español at mga kakamping Tagalog at nilipol ang mga katipunero at sinunog ang kabayanan. Nasakop din muli ng mga Español ang Toledo. Sa bundok ng Sudlon muling nagpalakas ang mga katipunero. Tinalo nila ang lumusob na mga Español nuong Mayo 28, at uli, pagkaraan ng ilang araw. Sa Talamban, nasupil nila ang isang pangkat ng Español. Madugo rin ang sagupaan sa Liloan.
-- Emil B. Justimbaste,
Leon Kilat and the Revolution in Cebu
www.geocities.com/lkilat
Ngunit lumalakas din ang mga katutubong kampi sa mga Español sa Cebu, ang mga cazadores at mga voluntarios, kahit talo na ang mga Español sa Luzon. Sumuko na ang Manila nuong Agosto 13, 1898; sinakop ni General Miguel Malvar ang huling pangkat ng Español sa Tayabas nuong Agosto 17.
Samantala, sa Iloilo, sa pulo ng Panay, ipinagdiwang ni Quintin Salas ang kanyang ika-28 kaarawan sa tinubuang kabayanan ng Dumangas. Maliban sa mga Español, siya ang pinakamataas na opisyal sa kabayanan, ang capitan del pueblo o mayor, at pinuno pa ng mga voluntarios locales, ang mga katutubong Ilonggo na pinili ng mga Español upang sumupil sa sinumang nais maghimagsik sa Iloilo. Nang bigyan ng mga baril ng Español ang mga voluntarios, nuong Octobre 28, 1898, binaligtad sila ni Salas at nilusob ang mga Español, sinakop ang Dumangas at ang mga kalapit na nayon, pinakawalan ang mga preso at kinuha ang mga baril ng mga pulis [cuadrilleros ]. Kinamakalawa, nuong Octobre 30, 1898, ipinagdiwang ni Salas ang kanyang kaarawan bilang isa sa 11 anak nina Nicolas Salas at Nicolasa Dicen. Ipinagdiwang din niya nang gawin siyang koronel at pinuno ng gitnaang Iloilo ni Martin Delgado, general ng Ejercito Libertador, ang sandatahang himagsikan sa Panay. Nuong Deciembre 5, 1898, sumumpa sila ng pananalig sa pamahalaan ng Himagsikan sa Luzon, at ipinagpatuloy ang pagsakop sa buong pulo ng Panay. Nuong Deciembre 23, 1898, sumuko sa kanila si Diego de los Rios, general ng sandatahang Español sa Iloilo, kaya sa lungsod ng Iloilo nag-Pasko sina Salas, Delgado at mga sundalo ng Himagsikan. Pagkatapos, sinugod at sinakop nila ang ilan-ilang garrison ng mga Español na hindi pa sumuko sa mga Pilipino.
Sa Bohol, lumayas ang mga Español nuong Noviembre at Deciembre 1898. Nagkagulo dahil nagdatingan ang mga lagalag, karamihan galing sa Cebu, sugo raw sila ng Himagsikan sa Luzon, ngunit ninakawan ang mga Boholano, buwis daw, at pinilit sumapi ang mga Boholano sa kanilang sandatahan upang sakupin ang buong pulo. Mayroon pang isa, naghayag na siya si Jose Rizal na muling nabuhay at inutusan ang mga Boholano na sumamba sa kanya. Sa halip, pinatay siya. Ang sandatahang sapilitang sasakop sana sa buong pulo ay nakarating sa nayon ng Cortez, at duon sila hinarap ng mga 400 Boholano na tinipon ng madaliang binuong pamahalaan sa Tagbilaran upang sugpuin ang pagsakop sa Bohol. Nang malamang malaya silang papayagang umuwi kung iiwan nila ang mga Cebuano, nag-uwian naman. Tumakas na rin pati ang mga Cebuano. Naging mapayapa na sa Bohol, sa pamalakad ng sarili at madaliang pamahalaan.
Balik sa Cebu: Nagbalak nang tumakas ng mga Español, ngunit ang mga voluntarios at mga cazadores duon ay patuloy nakipagsagupaan sa mga katipunero. Sa Minglanilla at sa Pardo, nuong Septiembre, at sa Bogo at sa San Fernando nuong Noviembre, tinalo nila ang mga Cebuanong katipunero. Ngunit talo pa rin sila sapagkat simula nuong Octobre, nagsimula nang lumikas ang mga Español; nanguna ang mga frayleng Augustinian at Recollect. Nuong Pasko, Deciembre 24 - 26, 1898, sumuko na rin ang mga natitirang Español, nagbarko papuntang Zamboanga, at sinakop ng mga katipunero ang buong Cebu. Naghalal sila ng mga pinuno, marami ay ang mga dating pinuno sa ilalim ng Español. Sanay marahil pasa-ilalim sa mga dayuhan, kaya pagkaraan ng 2 buwan lamang, nuong Febrero 22, 1899, isinuko ng mga pinuno ang buong Cebu sa mga dumating na Amerkano.
Hintay muna: Anong Amerkano? Bakbakan ng Español at Pilipino, tapos biglang nagkaroon ng Amerkano. Magulong istorya ’to! Sumuko ang mga Cebuano sa Amerkano - bakit? Ginawa ba silang American citizen, o binigyan lang ng green card?
Panahon na ng Amerkano nuon. Kung tutuusin, higit na nauna sa Manila, nagsimula nuong Agosto 14, 1898, at sa Iloilo, nuong Dec 28, 1898, nang sakupin ang mga pook na ito ng mga sundalong Amerkano.
Hintay muna: Panahon ng Amerkano? Hindi ba ’yon ang panahon ni MacArthur nuong giyera ng Hapon? Nasa panahon pa lang tayo ng Katipunan, ’di ba?
Si General Douglas MacArthur nga ang kasangkot sa digmaan ng Hapon, ngunit siya ang katapusan, hindi simula, ng panahon ng Amerkano. Ang kaniyang ama, si General Arthur MacArthur, ang kasangkot sa simula ng panahon ng Amerkano. Katatapos pa lamang ng panahon ng Katipunan nuon at nagsimula na ang panahon ng Amerkano nuong 1898. May mga sabi na ito ang simula ng Panahon ng Himagsikan, nang lumawak sa buong Pilipinas ang pag-aklas laban sa Español, at nakapagsarili halos lahat ng pook sa Pilipinas, ngunit mahirap ipangatwiran sapagkat
Lubusang talunan na ang mga naghimagsik nuong panahong na iyon at, gaya ng nangyari sa Cebu at sa Manila, dinakip, pinahirapan, ipinatapon at binitay ng mga Español ang sinumang nakursunadahan nila sa Pilipinas. Sa tuusang panglahat, natapos ang Panahon ng Himagsikan nang tanggapin ni Aguinaldo ang suhol ng Español sa Biac-na-bato at iniwan ang Pilipinas nuong Deciembre 27, 1897. Walang 6 na buwan mula nuon, nagsimula ang Panahon ng Amerkano.
Hintay muna: Tapos na ang panahon ng Katipunan? Kelan?
Ang Tejeros convention nuong Marso 22, 1898, dapat sana ay para lamang magkasundo ang mga Magdiwang at mga Magdalo, ngunit ginamit ni Aguinaldo upang palitan ang Katipunan ng Pamahalaan ng Himagsikan [revolutionary government] upang siya ang maging pinuno, hindi si Andres Bonifacio. Maaaring nagpatuloy ang Katipunan kung hindi pinatay si Bonifacio, ngunit nang ilibing siya nuong Mayo 10, 1898, kasama niyang nalibing ang Katipunan. Wala nang nalabi kung hindi ang Pamahalaan ng Himagsikan, si Aguinaldo ang pangulo. At ang tuluy-tuloy na pagkatalo ng mga naghimagsik.
Hintay muna: Talaga bang pinapatay ni Aguinaldo si Bonifacio? Bakit?
Ito ang hayag nina Apolinario Mabini, General Artemio Ricarte at iba pang pinuno ng Himagsikan nuong sumunod na Panahon ng Amerkano. Si Aguinaldo rin mismo ay umamin sa sariling salita at sulat na ipinag-utos niya ang pagbitay sa magkapatid na Bonifacio, bagaman ang mga galamay ang sinisi niyang naghatol at nagpilit na bitayin si Bonifacio bilang balakid sa pag-iisa ng mga naghimagsik. Kung bakit niya ginawa, hindi sinabi ni Aquinaldo at sapantaha lamang na naaninaw sa mga sinabi ng ibang tao at sa mga kilos niya pagkatapos patayin si Bonifacio. Ninais ni Aguinaldo na mag-hari sa Pilipinas. Tatlong ulit niyang ipinahayag na dictador siya ng Pamahalaang Himagsikan: (1) Sa Biac-na-bato nuong Deciembre 1, 1897, bago niya tinanggap ang suhol ng Español, (2) Sa Kawit, Cavite, nuong Junio 12, 1898, at (3) Sa Malolos, Bulacan, nuong Deciembre, 1898, nuong Panahon ng Amerkano na, bagaman hindi pa alam ninuman maliban sa mga Amerkano. Tatalakayin sa susunod na yugto.
Hintay muna: Paano naman napasok sa usapan ang mga Amerkano, e himagsikan ng Pilipinas ito? Sino ba ’yong mga Amerkano? Saan sila nanggaling?
Halos lahat sila ay nanggaling sa America. Matagal nang ayaw ng America na makialam ang mga taga-Europa sa North o South America kaya tuwang-tuwa sila nang mag-aklasan ang mga tagaroon at kumalas mula sa España nuong 1810 - 1820. Ang nalabi lamang na sakop pa ay ang Puerto Rico at Cuba. Nang simulan ni Jose Marti ang himagsikan sa Cuba nuong 1895, nais ng America na tumulong, lalo na nang nakita nila ang lupit ng mga Español sa mga taga-Cuba. Gaya sa Pilipinas, maraming tao ang pinahirapan at binitay. Walang nakitang pasubali ang America, ngunit nagpadala pa rin sila ng ilang barkong pandigma sa Cuba upang ‘magmasid.’
Nagkaroon ng dahilan ang America nuong Febrero 15, 1897, nang sumabog at lumubog ang kanilang barkong pandigma, ang USS Maine habang nakadaong sa Havana, capitollo ng Cuba. Pinaratangan nila ang España at inutusang umalis na sa Cuba. Tumanggi ang Madrid at hindi nagtagal, naghayag ng digmaan laban sa America. Kinabukasan, Abril 25, 1898, naghayag din ang batasan [Congress] ng America ng digmaan laban sa España. Libu-libong sundalong Amerkano ang lumusob sa Cuba, sa pangunguna ni Theodore Roosevelt, pinuno ng mga Amerkanong nais sumakop ng iba’t ibang lupain sa South America at Asia. Nagkaroon ng suliranin si William McKinley, pangulo ng America nuon. Hati sa 2 ang sandatahang dagat ng España. Ang isa ay nasa Atlantic Ocean, malapit sa Cuba. Inutusan niya ang sandatahang dagat ng America sa Atlantic Ocean na wasakin ito. Winasak naman! Ang pang-2 sandatahang dagat ng España ay nasa Pacific Ocean, malapit sa Manila, at ito naman, 2 araw pagkahayag ng America ng digmaan laban sa España, ang inutos niyang salakayin ng pang-2 sandatahang dagat ng America, nakadaong nuon sa Hongkong.
Kaya nuong Abril 27, 1898, walang sabi-sabi, tahimik na naglayag ang 6 barkong pandigma ng America, pinangungunahan ni Commodore George Dewey, upang salakayin ang mga Español sa Manila.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|