Hirap China nuon     ANG  KARANASAN  NG  PINAKA-MARAMING  DAYUHAN

Dayuhan Pa Rin: Sakit Ng Ulo Ang Intsik

Kung sakaling mag-aklas ang mga indio sa ating hukbo, walang sapat na Español sa Pilipinas upang supilin sila...
Dapat sulsulan at palawakin ng España ang muhi ng mga indio sa mga chino, na mas mayaman at mas matalino
kaysa kanila, at kung pababayaan ay madaling mananaig at makakataas sa lahat dito...
--Sinibaldo de Mas, Informe sobre el estado delas Islas Filipinas en 1842
(Pahayag ukol sa kalagayan ng kapuluang Filipinas nitong 1842), Madrid 1842

Matanda na ang suliranin ng ‘overstaying Chinese,’ nabakas pa sa tuntunin nuong panahon ng Español na hadlangan
ang pagsama-sama ng mga Pilipino at mga Intsik upang kapwa sila masakop at mapasunod... Nang nakapagsarili ang
Pilipinas nuong 1946, tinangka uli ang mithi nuon pang panahon ng Amerkano ng ‘Philippines for the Filipinos’...
Dahil masidhi ang pagmamahal nila sa China, dahil hindi sila nagka-damdamin na sila ay Pilipino, nanatiling mamamayan
ng China ang mga Intsik sa Pilipinas, tinuring ang mga sarili na mga salta lamang, mga dayuhan pa rin...
--Bastiaan van de Loo, The Chinese in the Philippines (Ang mga Intsik sa Pilipinas), 1992

Layunin ng La Liga Filipina na maging ‘magkapatid’ lahat ng Filipino sa isang lipunan; habang layon ding supilin
ang pagsarili ng mga Sangley sa kalakal ng Filipinas...   --James A. LeRoy, Bibliographical Notes, 1906

Hirap China ngayon SA TINGIN ng maraming Pilipino, ang mga Intsik ay barkada ng mga mayaman na nagsasapakat upang sila lamang ang yumaman, malugi ang kanilang mga karibal, at masarili nila ang anumang kalakal na pasukin nila. Itong paniwala ang ginamit ng mga Pilipino tuwi-tuwi na upang libakin at dayain ang mga ‘beho’ (viejo, matanda).

Bihirang Pilipino ang may alam na ang pagka-muhi sa Intsik ay ‘pamana’ ng mga Español, karamihan ay nalugi sa kalakal dahil sa mga Sangley.   [ Halos lahat ng negocios ng Español na tumagal ay natatag nuong panahon ng Amerkano, ginamit na puhunan ang bayad ng America sa mga hacienda ng frayle sa Pilipinas.]   Sinadya rin ng mga Español na hadlangan ang kampihan ng mga Sangley at mga indio upang madaling mapagharian ang 2 pangkat. Sinulsulan pa ng Español ang mga Pilipino na tumulong puksain ang mga Sangley tuwing mag-aklas ang mga ito - binayaang angkinin ng mga indio ang ari-arian ng sinumang Sangley na pinatay nila.

Tinangka rin ng Español na hadlangan ang kampihan ng indios at mga mestizong Sangley subalit nabigo sila sa pagsanib ng mga ‘indios chinos’ sa paglaban sa Español mula nuong 1872 nang bitayin ang mestizong Intsik, si Padre Mariano Gomez, kasabay ng 2 indios, sina Padre Jose Burgos at Jacinto Zamora.

Mestizong Intsik Laban Sa Intsik

SA PAGKAMPI ng mga mestizong Intsik sa mga indio, sila man ay nakalaban sa kalakal ng mga Sangley, nalugi rin at napilitang humanap ng ibang ikabubuhay - ang pagiging pari, abogado, manggagamot (medico), parmaceutico at iba pang gawaing mataas ang aralan (professions). Sa pag-aaral sa Manila, at Madrid at Barcelona sa España, nagkasama-sama ang mga mayamang indio at mestizong Sangley at silang ilustrados ang naging taliba (vanguard) ng kalampag laban sa Español sa Pilipinas.

Nang nagkaruon ang mga katutubo (natives) ng katungkulan sa pamahalaan mula 1907 nuong panahon ng Amerkano, ang mga mestizong Intsik sa kanila ang nanguna sa tuntuning ipagpatuloy ang pag-usig sa mga Sangley. Lubusang mga ‘Filipino’ na, pinag-ibayo ng mga mestizong Intsik ang pagkalaban sa mga Intsik nang itanghal ang Constitutional Convention nuong 1934-1935 upang itatag ang pamahalaang Pilipino, ang Commonwealth.

Ang pinaka-masidhi nilang pag-usig ay sinaway ni Manuel Quezon, ang mestizong Español na pangulo ng Senado nuong 1917-1935, at naging Pangulo ng Pilipinas nuong panahon ng Commonwealth, 1936-1941. Gayon man, naipasok pa rin sa Constitution ng 1935 ng mga galit sa Intsik ang 3 tuntunin laban maniwari sa lahat ng dayuhan (aliens) subalit talagang laban lamang sa mga Intsik:

1. Batay sa dugo (jus sanguinis) ng magulang ang batas kung sino mamamayang Pilipino (citizenship) at hindi batay sa lupang sinilangan (jus soli). Kaya ang anak ng Intsik na mamamayan ng China ay tinuring na dayuhan (alien) kahit ipinanganak sa Pilipinas, at kailangang sumamo sa

pamahalaan (petition for naturalization) bago maging mamamayan.

2. Pundar Pilipino lamang ang papayagang magtaguyod ng mga gawain at industria na gumagamit ng mga yamang likas ng bayan (natural resources). Kabilang dito ang pag-mina (mining), pagka-kahoy (logging and lumbering) at iba pang gawaing masambulat (exploitive) o mapag-taguyod (basic industries). Hindi hihigit sa 40 por ciento ang bahagi ng dayuhan sa tustos at pag-ari (capitalization and management) sa mga ganitong gawain at industria.

3. Maaaring ilitin (confiscate) ng pamahalaan, matapos ng sapat na bayad, ang anumang compania o industria kailan man kailangan upang ipagtanggol ang bayan, itaguyod ang kapakanan ng mga Pilipino, at paunlarin ang kalagayan ng mga mamamayan.

Isa sa mga inilit ng pamahalaan ang National Development Corporation nuong 1936. Nuon taon ding iyon itinatag ang National Abaca and Other Fibers Corporation. Pagkaraan ng 4 taon, itinatag naman ng pamahalaan ang National Tobacco Corporation. Sa Manila, kung saan pinaka-marami ang mga Intsik, naglabas ng batas ang municipio na mga Pilipino ang unahin sa paglaan ng mga puesto at tiendas sa mga pamilihang bayan (mercados comun, public markets).

Umangal ang mga Intsik sa magiging pagputol sa kanilang mga hanap-buhay at, sa samo ni Kuangson Yang, ang sugo ng China (consul general) sa Manila, pinigil muna ang pagpatupad sa batas. Pagkatapos, naabala ang pagkalaban ng pamahalaan sa kalakal Intsik.

Sumabog kasi ang digmaan nuong 1941. Panahon na ng Hapon.

Intsik Laban Sa Hapon

MATAPOS nabigo ang pagsalakay ni Kublai Khan sa Japan nuong 1281, hindi muling nagdigmaan ang Intsik at Hapon hanggang nuong 1894-1895 nang talunin ng Japan ang kaharian ng Qing at, tulad ng Britain at iba pang bayan sa Europe, inagaw ang ang ilang bahagi ng China, pati na ang pulo ng Taiwan (Formosa ang ngalan nuon). Kasama rin ang Japan sa pagsakop sa Peking (Beijing ngayon) ng hukbo ng Amerkano at mga taga-Europe nuong 1900, at pagtastas sa iba pang bahagi ng China mula nuon.

Matapos talunin ang kaharian ng Qing ng himagsikan ni Sun Yat-sen nuong 1911, sumabog ang digmaan ng mga magkabayan (civil war) - ang mga nacionalista o Kuomintang ni Chiang Kai-shek laban sa mga comunista ni Mao Tse-tung (Mao Ze-dong ang tawag ngayon). Nagkawatak-watak ang buong China. Sinamantala ito ng mga Hapon at sumalakay uli nuong 1932, inagaw ang lupain mismo ng Madreng Intsik mga Qing, - ang Manchuria, lupang tinubuan at pinagmulan ng mga Qing, sa tuktok silangang hilaga (northeast) ng China, sa tabi ng Korea. Tapos, sinakop ng hukbo ng Hapon ang iba pang mga lungsod sa baybayin ng China simula nuong 1937.

Kaya mahigit 50 taon nang kalaban ng mga Intsik ang mga Hapon na pumasok sa Pilipinas nuong 1942.

Hindi sinadya, nakabuti ang digmaan (World War 2) sa mga Intsik na ibig pumasok sa America, at sa Pilipinas. Dahil sa kampihan ng Amerkano at China laban sa Japan, itinigil ng United States ang Chinese Exclusion Acts, ang pagbara sa pagpasok ng mga Intsik sa America.

Binondo fire Gayon man, bihirang Intsik ang nakapag-lakbay mula China, at ilan din lamang ang mga Intsik na nakarating sa Pilipinas dahil sa 3 taon ng digmaan nuong panahon ng Hapon.

Pumuslit mula China ang ilang comunista ni Mao Tse-tung, mga veterano ng pagsabak sa Hapon, upang turuan at tulungan ang mga kapwa comunista sa gitnaang (central) Luzon, ang Hukbalahap (Hukbong Bayan Laban sa Hapon) ni Luis Taruc.

Sa Antipolo, bumuo ang ilang Intsik at mestizong Intsik ng ‘Ampaw Unit,’ isang pangkat na kasapi sa mga guerrilla nina Agustin Marking at Yay Curtis Marking. Pinamunuan nina Chua Sy Tiao at Clinton C. Tan, tiniktikan nila ang mga gawa ng mga Hapon sa Manila at paligid, at nag-ipon ng pagkain para sa mga guerrilla.

Pagbalik ng hukbong Amerkano nuong 1945, kasama rin ang mga ‘Ampaw’ nina Marking nang talunin nila ang mga Hapon sa Ipo Dam. Kapuna-puna, magkalaban ang mga Intsik sa Hukbalahap at ang mga Intsik sa ‘Ampaw’ na kampi kay Chiang Kai-shek.

Pagkatapos ng digmaan nuong 1945, pinayagan na rin sa America na maging mamamayan (naturalized citizens) ang mga Intsik subalit sa Manila, ipinagpatuloy ang paghadlang sa pagpasok ng mga mula China, lalo na nang nakapag-sarili (independence) ang Pilipinas nuong Julio 4, 1946.

Ginawang 2 Ang China

ANG WAKAS ng digmaan laban sa Hapon ang naging simula uli ng digmaan ng magkabayan (civil war) sa China, ang mga comunista ni Mao Tse-tung laban sa mga Koumintang (nacionalista, Goumindang ang bigkas ngayon) ni Chiang Kai-shek. Maraming Intsik ang tumakas sa bakbakan subalit kaunti lamang ang nakarating sa Pilipinas o sa ibang karatig-bayan dahil, una, salat sa barko ang China - inilit lahat ng Hapon at nasalanta sa digmaan - at pangalawa, magulo at hikahos din ang kalagayan nuon sa Pilipinas at mga karatig.

Ang kalapit na pulo ng Taiwan, ibinalik ng Japan sa China nuong 1946, ang dinumog ng libu-libong Intsik. Nasindak ang mga taga-Taiwan at, nuong 1947, naghimagsik sila upang magtatag ng sarili nilang pamahalaan ngunit pinasalakay ni Chiang Kai-shek ang isang hukbo na sumakop sa pulo matapos patayin ang 20,000 taga-Taiwan. Shanghai 1949

Bumuhos uli duon ang mga Intsik, mahigit 1 milyon ang tantiya, lalo na nang nanalo ang mga comunista ni Mao Tse-tung nuong 1949 at naging People’s Republic ang China. Kalahating milyong mga Koumintang ang kasamang tumakas sa Formosa at duon itinatag ni Chiang Kai-shek ang kanyang

Nationalist Republic of China upang ipinagpatuloy ang laban sa mga comunista. Dahil sa panganib ng digmaan, sinupil ng Koumintang ang lakbayan ng mga Intsik. Sa China, pinigil din ng People’s Republic ang labas-pasok ng mga Intsik maliban sa mga mag-aral (estudiantes, scholars) na pumaruon sa Russia at iba pang bayan na comunista rin.

Sa kauna-unahang panahon sa luob ng mahigit 150 taon, tumila ang danak ng Intsik hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na sa iba’t ibang bayan ng daigdig. Naputol din ang karaniwang ‘alis-balik bayan’ (cyclical migration) ng mga Intsik - ang pagbalik sa China matapos magpayaman sa ibang bayan. Nagkahirapan sa China nuong 1977 hanggang 1982 nang milyon-milyon ang namatay sa gutom. Halos 500,000 ang pumuslit sa Hongkong, ngunit paisa-isang Intsik lamang ang nakapasok sa Pilipinas, tinawag na “hot bodies” ng mga pahayagan sa Manila. Halos lahat ay mula sa Taiwan - kahit ang mga nagmula Hongkong ay nagpunta muna duon, sapagkat mas magastos at lubhang mapanganib ang pumuslit sa Visayas mula sa Singapore at Borneo. Matapos magbayad ng malaking suhol, nag-bangka o nag-motorboat sila papuntang Ilocos, Cagayan o Isabela at nag-bus pa-Manila upang ‘maglaho’ sa mga kamag-anak sa Binondo at iba pang Chinatown.

Kaya mula nuong 1949 hanggang sa sumunod na 30 taon, ang tinawag na ‘Intsik’ sa Pilipinas at sa ibang bayan ay ang mga ‘datihan na’ (resident Chinese), halos lahat ay isinilang at lumaki na sa bayang tinakasan ng kanilang mga magulang at walang pag-asang makabalik, o makadalaw man lamang sa China o Taiwan. Marami, lalo na sa Pilipinas, ay hindi na natutong magsalita ng Intsik. Bagaman at itinuring silang malaking ‘sakit ng ulo’ mula nuong 1946, naging panatag ang mga pamahayang Intsik (Chinese communities) at panatag sa pagkampi nila sa Taiwan.

Hanggang nuong 1975, nang kinilala ng Pilipinas ang People’s Republic of China at nakipagkasundo sa mga comunista.

Nakaraang kabanata                 Balik sa itaas                 Lista ng mga kabanata                 Tahanan ng mga Kasaysayan                 Sunod na kabanata